Butil na bumubuhay sa bawat isa. Tuluyan na nga bang nauubos? Likas na sa
mga Pilipino ang pagiging mahilig sa kanin, gusto ng unli rice. Sa mga susunod na araw, makapagu-unli-rice pa ba? Hindi lahat tayo ay may bigas na pangontra sa ating kumakalam na sikmura. Batay sa datos, bumaba ang presyo ng kada kilo ng bigas ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA). Subalit ang mga magsasaka naman ang tunay na nalulugi sapagkat ‘di sapat ang ibinabayad sa kanila. Sa pagtayo nila sa umaga’y madilim pa ang paligid. Sa paglipas ng oras, patuloy na nakaduko. Masakit na ang likod ngunit walang magawa dahil ang buong pamilya ang magugutom. Bilanggo sa piniling buhay. Paghihirap ang pundasyon ng bigas na ating kinakain. Ang sukli sa paghihirap ay kulang pa sa araw-araw na pagkayod. Kulang pa para matugunan ang buhay ng mga anak. Tayo’y patuloy sa pagkain ng mga masasarap na pagkain, nang ‘di nalalaman ang pinagmulan, kung sino ang naghirap, nagpuyat at nagpakasakit. Totoong hindi lamang ang ating bulsa ang nahihirap, pati ang mga tao sa likod nito ay naghihirap din. Kung sa paglipas ng mga panahon, tuluyan ng magsawa sa pagkalugi, ang resulta’y lahat tayo’y magugutom. Mga magsasakang sundalo ng kahirapan, daig pa ang sumabak sa gera sa hirap. Ang kahirapa’y hindi na kailanma’y maglalaho, kung magkakaroon man ng solusyon, pansamantala lamang. Mukhang ang problema sa bigas ay napakalaking problema. Pero kung may magmamalasakit, ito’y may pag-asang masolusyunan. Sadyang mapupurol ang kapangyarihan ng gobyerno sa suliraning ito. Ang pagkilos ay ang panahon ng pag-ahon, at ang panahon na iyon ay ngayon. Patuloy ang pag-agos ng buhay sa panahong masaklap kapag tayo’y magtutulungan. Hindi lamang ang gobyerno ang tutulong sa sa dalubyong ating kinahaharapan, kundi ang mismong mamamayan ay tutulong rin para sa kapakanan ng kinabukasang kahaharapin. Ano ang tunay mong gusto? Ang tuluyang maubusan ng bigas o magtaas ang presyo nito?