You are on page 1of 2

CALPITO, DESIREE

12-HUMSS PLATO
FILIPINO SA PILING LARANG (AKADEMIK)
REPLEKTIBONG SANAYSAY

MAMUHAY NA GAYA NG ISANG BATA


Ang buhay ng tao ay bukod tangi dahil tayo lamang ang may
kakayahang mag-isip kung ano ang tama at mali. Nagsimula ang ating buhay
ng tayo ay nabuo sa sinapupunan ng ating mga ina hanggang sa tayo ay
isilang at impit na umiyak nang tayo ay lumabas at masilayan ang mundong
ibabaw. Ito ay simula ng ating laban sa buhay na gagabayan ng ating
bubutihin at mapagmahal na mga magulang.

Sa tuwing nakakarinig ako ng iyak ng isang bagong panganak na


sanggol, isang imahe ang naglalaro sa’king isipan. Isang imahe ng isang ina na
mahigpit ang hawak sa mga mala-kandilang daliri ng kaniyang bagong
panganak na sanggol habang mahimbing na natutulog sa kanlungan ng
kaniyang ina pagkatapos umiyak. Ang iyak ng isang bagong silang na sanggol
ay nagpapahiwatig ng kaligayahan niya na masilayan ang mundong puno ng
pagmamahal galing kaniyang mga magulang at sa Maykapal.

Tila gusto kong bumalik sa mga panahong ako ay isinilang ng aking ina
nang sa gayon ay masaksihan ko ang pag-ibig at sakripisyo niya. Kahit hindi
ko nakita ang reaksyon ng aking mga magulang nang ako ay isinilang, alam
kong nag-uumapaw ang galak na kanilang nadama. Gusto kong balikan ang
panahong napupuyat si ina sa katitimpla ng aking gatas at si ama na tuwang-
tuwa kung ako ay mapatawa. Sa tuwing ako’y umiiyak sa maiinit na bisig ng
aking ina na siya namang nagpapatahan sa isang tulad kong mumunting bata
na kung tawagin ay balat-sibuyas sa bilis ng aking pag-iyak. Nais kong marinig
nang unang binigkas ng aking mga magulang ang salitang ‘anak’. Napagtanto
ko na kung wala sila, hindi ako nabuhay sa mundo. Tayong mga anak ay
regalo ng Diyos na binigyan ng natatanging buhay.

Naniniwala ako na ang pagsilang natin sa mundong ito ay nakatadhana


at hudyat ng simula ng ating pakikipagsapalaran sa buhay. Kahit noong tayo
ay nasa sinapupunan ng ating mga ina ay nakikipaglaban na tayo para
mabuhay. Masasabi kong ang ating buhay ay nagsimula sa pagiging sanggol at
kamusmusan, kung saan ito ay payak at simple lamang. Buhay na walang
kapaguran at puno ng kalayaan sa anumang bagay na gusto nating gawin. Ang
ating pagkabata ay tunay na mahiwaga at talagang nakaukit sa ating mga
alaala. Nang magsimula tayong natutong magsalita at nabigkas natin ang mga
salitang ‘mama at papa’, hanggang sa tayo ay natutong maglakad at nagsimula
ng tumakbo para sa karera ng buhay.

Ngunit ang pagiging sanggol at pagkabata ng ating mga isipan ay


lumilipas at kasabay nito, tayo ay tumatanda. Dumadaan tayo sa iba’t-ibang
yugto ng ating kuwento. Aking napagtanto na kaakibat ng ating pagtanda ay
ang mga malalaking responsibilidad at mga obligasyon na dapat nating
harapin sa ating araw-araw na pamumuhay.

Mahirap man ang takbo ng buhay, gusto kong ituring na ako ay isa pa
ring sanggol at musmos pa lamang na simple at payak kung saan ang mga
problema sa buhay ay tinatawanan lamang. Tulad ng isang sanggol na
hinahayaan ng ina na humakbang hanggang sa ito’y lumalaki at tumataas,
lalo tayong nangangailangan ng tibay ng ating pagkatao upang maakyat natin
ang ating gusting makamtan sa buhay.

Sadyang puno ng pagsubok ang buhay at sa bawat pagsubok, hindi


natin maiiwasan ang madapa gaya ng isang sanggol na nag-aaral na maglakad
ngunit pinipilit pa rin nating tumayo. Kung minsan, nariyan ang ating mga
magulang na tulungan tayong tumayo at magpatuloy samantalang hawak
naman ng Diyos ang ating kanang kamay upang ituon tayo sa tamang
direksyon ng buhay. Tulad ng isang bata na nagkakamali ngunit natututo
naman. Umiiyak ngunit natutumbasan rin ng kaligayahan.

Habang ako ay nabubuhay, hindi ko nakakalimutan na ako ay


nagsimula sa pagiging sanggol dahil mula doon pa lamang, maraming aral ang
naiwan sa aking puso’t isipan. Mga bilin ni ina at ama talagang maituturing
kong ginto dahil sa mga aral na natutuhan ko mula dito. Masasabi kong ang
pagiging sanggol ay nagpapahiwatig na tayo ay matapang at determinadong
harapin sa hamon ng buhay sa tulong ni ina, ama at ng Maykapal.

You might also like