You are on page 1of 1

Guro Para sa Lipunan

Guro! Tinaguriang ina ng lahat ng propesyon. Maaaring wala ang ibang propesyon ngayon kung wala
ang mga guro sapagkat simula pa lang sa pagkabata ng isang tao ay dumadaan na siya sa pagkalinga at
pagtuturo ng isang guro.. Pinagpipitagan at marangal na propesyon man kung ituring ang pagiging isang
guro subalit mababa pa rin ang tingin dito ng iilan. Hindi nakaka-agaw ng pansin. Maliit ang sahod. Ilan
lamang iyan sa mga dahilan ng kawalan ng iilan sa atin sa pagpapahalaga sa mga guro sa ating lipunan.
Gayunpaman, naniniwala ako na ang pagiging isang guro ang pinakamahalagang propesyon sa lahat
sapagkat marami ang naiaambag ng propesyong ito sa ating lipunqn. Nais Kong bigyang pansin Ang ilan
sa papel ng mga guro sa lipunan na nagpapatunay na nararapat na bigyang pagkilala at pagpapahalaga ang
bawat is sa kanila.

Una, guro bilang daluyan ng kaalaman at kabutihan. Ang mga guro ang responsable sa pagbibigay ng
kaalaman at kasanayan sa mga mag-aaral. Bukod pa roon ay nahuhubog nila ang pagkatao at panlipunang
pag-unlad ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagtuturo ng positibong pakikipag-ugnayan, pagpapakita
ng kagandahang asal, at pagtutulungan. Ayon kay Richards (1992), hindi lamang ang magpunla at
magkintal ng mga impormasyono prinsipyo ang hangarin ng isang guro, kundi higit sa lahat, ang ninanais
ay matulungan ang mag-aaral na mapabuti ang kanilang buhay.

Pangalawa, guro bilang magulang. Ang mga guro ay nagsisilbing ikalawang magulang ng bawat mag-
aaral. Madalas na nagsisilbing mga tagapayo at gabay sa mga mag-aaral na nag-aalok ng suporta at
patnubay na higit pa sa mga bagay na pang-akademiko. Katulad na lamang ng isang guro mula sa Diodol
Elementary School, sa Aglipay, Quirino na si Rafael Gutierrez. Bilang ikalawang magulang ng kaniyang
mga mag-aaral, masakit para sa kaniya ang malaman na pumapasok ang kaniyang mga mag-aaral na tubig
lamang ang laman ng kanilang tiyan at madalas na lumiliban sa klase dahil walang makain. Dahil dito
nagtayo siya ng classroom pantry na naglalaman ng tinapay, biskwet, instant noodles, at iba pang pagkain
para sa kaniyang mga mag-aaral. Sa oras ng kainan, makakapili ang bawat mag-aaral nang gusto nilang
kainin. Hindi maipagkakaila ang laki ng naitulong ni Titser Rafael sa kaniyang mga mag-aaral.

Pangatlo, guro bilang bayani. Ang mga guro ay mga bayani na ang sandata’y karunungan at kasanayan.
Sila ay mga bayani na inilalaan ang oras, tiyaga, karunungan at matapang na hinaharap ang anumang
balakid, maipaabot lamang ang edukasyon para sa lahat. Katulad na lamang ng isang magiting na guro na
si Annie Masongsong na nagtuturo sa Sitio Labo Elementary School sa isang malayong parte ng Bansud,
Oriental Mindoro. Linggo-linggong naglalakad ni Titser Annie papasok sa kanilang paaralan upang
magturo sa mga mamamayang Mangyan sa Labo. Delikado ang daan dahil ito’y liblib na lugar, malayo at
matarik ang mga daan at kinakailangan pang tawarin ang labing-anim na ilog makarating lamang sa
paaralan. Gayunpaman, hindi ito naging hadlang upang isakatuparan ni Tister Annie ang kaniyang hangarin
na makapagturo. Napapawi lahat ng kaniyang pagod sa tuwing nakikita niya ang ngiti ng mga estudyanteng
Mangyan. Hindi ba’t isang bayani kung maituturing ang isang guro na tulad ni Titser Annie?

Sa makatuwid, nararapat lamang na bigyan ng nauukol na pagkilala at pagpapahalaga ang bawat guro
sa ating lipunan. Malaki ang kanilang papel sa pagbuo ng maliwanag na kinabukasan para sa lipunan sa
pamamagitan ng pagbuo at paghubog ng mga mag-aaral na magsisilbing kinabukasan ng mas ma-unlad na
lipunan. Ang mga guro ay nagsisilbing daluyan ng kaalaman at kabutihan, magulang na nagbibigay gabay
at suporta, at bayani na ang kasipagan at katapangan ay walang kapantay. Kung kaya’t nararapat na igalang
at bigyang karangalan ang bawat guro dahil sila ay mahalagang haligi ng lipunan.

You might also like