You are on page 1of 14

Filipino

Baitang 10 • Yunit 23: Nobelang mula sa Africa/Persia

ARALIN 23.1
Pagsusuri ng Nobela: Panunuring Pampanitikan
Talaan ng Nilalaman
Introduksiyon 1

Mga Layunin sa Pagkatuto 2

Kasanayan sa Pagkatuto 2

Simulan 2

Pag-aralan Natin 3
Pagsusuri ng Nobela: Panunuring Pampanitikan 3
Elemento ng Nobela 4
Iba’t ibang Teoryang Pampanitikan 4
Halimbawang Pagsusuri ng Nobela 6

Sagutin Natin 9

Subukan Natin 10

Isaisip Natin 10

Pag-isipan Natin 10

Dapat Tandaan 12

Mga Sanggunian 13
Filipino

Baitang 10 • Yunit 23: Nobelang mula sa Africa/Persia

Aralin 23.1
Pagsusuri ng Nobela: Panunuring
Pampanitikan

Lar. 1. Mahalaga ang pagsusuri ng nobela upang higit na maunawaan ang nais nitong
iparating.

Introduksiyon
Mahilig ka bang magbasa ng mga nobela? Kagaya ka rin ba ng ibang kabataan na kayang
tapusin sa isa hanggang dalawang upuan lang ang isang makapal na nobela? Sa katunayan,
magandang magbasa ng mga nobela mula sa iba’t ibang bansa kahit ang mga ito ay isinalin
na lamang sa ating wika upang ating maunawaan. Sa pamamagitan ng ganitong mga akda,
nakikilala natin ang tradisyon, paniniwala, at kultura ng ibang lahi. Bukod dito, kapag
pinaigting pa ng mambabasa ang pagsusuri sa mga nobela, higit pang impormasyon at
kaalaman ang kaniyang matutuklasan at malalaman. Kaya sa araling ito, higit mong
makikilala, malalaman, at mauunawaan ang pagsusuri ng mga nobela.

1
Filipino

Baitang 10 • Yunit 23: Nobelang mula sa Africa/Persia

Mga Layunin sa Pagkatuto


Sa araling ito, inaasahang matutuhan mo ang sumusunod:
● Natutukoy ang mga elementong bumubuo sa nobela.
● Naiisa-isa ang mga teoryang pampanitikang madalas gamitin sa
pagsusuri ng nobela.
● Nasusuri ang binasang kabanata ng nobela batay sa pananaw / teoryang
pampanitikan na angkop dito.

Kasanayan sa Pagkatuto
Sa araling ito, ikaw ay inaasahang nasusuri ang binasang kabanata ng nobela
batay sa pananaw / teoryang pampanitikan na angkop dito. (F10PN-IIIh-i-8).

Simulan

Basahin at Unawain

Materyales
● kuwaderno
● panulat

Mga Panuto
1. Basahin at unawain nang mabuti ang nobela mula sa bansang Nigeria na may
pamagat na Paglisan.
2. Sagutin ang mga gabay na tanong na kaugnay ng gawain.

2
Filipino

Baitang 10 • Yunit 23: Nobelang mula sa Africa/Persia

Mga Gabay na Tanong


1. Paano napadpad si Ikemefuna sa lugar nina Okonkwo?
2. Paano namatay si Ikemefuna?
3. Bilang isang taong hindi kabilang sa kulturang Nigerian, ano ang palagay mo sa
pagkamatay ni Ikemefuna?
4. Ano ang iyong reaksiyon tungkol sa ginawang pagpapatiwakal ni Okonkwo?

Pag-aralan Natin

Mahahalagang Tanong
● Ano ang pinakamahalagang bahagi ng pagsusuri ng nobela? Bakit?
● Anong bahagi ng pagsusuri ng nobela ang maaari nang alisin? Bakit?
● Paano nakatutulong ang mga teoryang pampanitikan sa pagsusuri ng
nobela?

Alamin Natin
hango mula

pinalulutang pinalalabas o nais na iparating

esensiya kahalagahan

Pagsusuri ng Nobela: Panunuring Pampanitikan


Ang nobela ay isang mahabang akdang pampanitikan na binubuo ng mga kabanata.
Naglalahad ito ng mga pangyayaring nakahabi sa isang mahusay na balangkas na ang
pangunahing sangkap ay katangian at karanasan ng mga tauhan sa kuwento. Kalimitan sa
mga kuwentong ito ay hango sa totoong buhay na binibigyan lamang ng ibang bihis.

3
Filipino

Baitang 10 • Yunit 23: Nobelang mula sa Africa/Persia

Gayundin, tinatalakay rito ang mga suliranin at tunggalian sa buhay ng bawat tauhan. Gaya
ng maikling kuwento, may mga elementong bumubuo sa isang nobela.

Elemento ng Nobela
● Tagpuan – lugar at panahon ng mga pinangyarihan
● Tauhan – kumikilos at nagbibigay-buhay sa kuwento
● Banghay – pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari sa nobela
● Pananaw – panauhang ginagamit ng may-akda sa pagkukuwento
● Tema – paksang-diwang binibigyang-diin sa nobela
● Damdamin – emosyong pinalulutang sa kabuoan ng nobela
● Estilo – paraan ng manunulat sa pagkukuwento
● Pananalita – wikang ginagamit sa diyalogong nakapaloob sa nobela
● Simbolismo – talinghagang itinatago sa mga tauhan, bagay, at pangyayari sa
kuwento

Sa pagtatangkang maunawaan ang nilalaman at kahalagahan ng isang nobela, ito ay


sinusuri ng mga kritiko. Ang pagkakaroon ng layunin sa malalim na pagsusuri ng isang
nobela o anomang akdang pampanitikan ay tinatawag na panunuring pampanitikan. Ang
mga elemento ng nobela ang isa sa mga pangunahing nakatutulong sa pagsusuri ng nobela.
Gayundin, makatutulong din sa pagsusuri ng mga nobela ang paggamit ng iba’t ibang
teoryang pampanitikan.

Iba’t ibang Teoryang Pampanitikan


Narito ang ilan sa mga teoryang pampanitikan na malimit gamitin sa pagsusuri ng mga
nobela:

1. Eksistensiyalismo – Ang teoryang ito ay nakatuon sa pagpapakita na may kalayaan


ang tao na pumili o magdesisyon para sa kaniyang sarili at hindi kapalaran ang
magdidikta ng mga mangyayari sa kaniya.

4
Filipino

Baitang 10 • Yunit 23: Nobelang mula sa Africa/Persia

2. Naturalismo – Sa teoryang ito ay gumagamit ng mga salita o pahayag na


nagpapakita ng kalikasan ng mga tauhan o pangyayari. Pinalulutang dito ang mga
katangian at katotohanan sa loob ng akda, gaya ng kahirapan at kawalan ng
katarungan sa mga tauhan. Karaniwan, mas lumulutang ang mga pakiramdaman
tulad ng gutom, uhaw, galit, takot, at pagnanasa sa pananaw na ito.
3. Moralismo – Ito ay teorya na naghahanap ng mabubuting aral sa isang akda.
Pinalulutang nito ang iba’t ibang karakter (ugali, kilos, paniniwala) ng mga tauhan sa
isang kuwento.
4. Humanismo – Sa teoryang ito pinalulutang ang esensiya na ang tao ang simula ng
mundo. Binibigyang-tuon ang kalakasan at mabubuting katangian ng tao.
5. Romantisismo – Sa teoryang ito binibigyang-tuon ng akda ang pagtakas sa
katotohanan. Mas binibigyang-halaga ang kagandahan kaysa sa katotohanan. Ito ay
nagpapakita ng pagmamahal ng tao sa kaniyang kapuwa, bayan, at iba pa.
6. Modernismo – Ito ay ang makabagong pananaw na may radikal na pagkakaiba sa
mga naisulat na upang hindi maging larawan lamang ng realidad ang sining, kundi
interpretasyon ang mga pangyayari sa paligid. Halimbawa, ang mga tauhan sa nobela
ni Rizal ay maaaring buhayin sa mga tauhan ng nobelang lilikhain sa kasalukuyang
panahon.
7. Realismo – Ito ay teorya na pumapaksa sa mga nagaganap sa kasalukuyang
panahon. Kalimitang tinatangkang palutangin dito ang mga suliranin at isyung
panlipunan. Kahit pangit ang mga pangyayari, ang mahalaga ay naipakikita ang
realidad.
8. Historikal – Pinag-aaralan dito kung anong mga pangyayari sa kapanahunan ng
pagkakalikha ng akda ang nagbigay-daan sa pagkakasulat nito. Gayundin, maaaring
suriin ang bunga ng pagkakasulat ng akda sa kasaysayan.
9. Sosyolohikal – Ipinakikita rito kung anong mga salik panlipunan mula sa tunay na
buhay ang isinasalamin sa akda, gayundin ang koneksiyon ng akda sa iba’t ibang
lipunan.

5
Filipino

Baitang 10 • Yunit 23: Nobelang mula sa Africa/Persia

Mahalaga ang panunuring pampanitikan dahil ang mga karanasang nilalaman ng isang akda
ay maaaring makatulong sa kasalukuyang pinagdaraanan ng tao at ng lipunang kaniyang
ginagalawan. Maaaring gumamit ng iba’t ibang teoryang pampanitikan sa pagsusuri ng akda
upang maging mayaman ang pagbabasa. Ngunit kung susulat ng panunuring pampanitikan,
hangga’t maaari ay gumamit lamang ng isang teoryang pampanitikan na gagamitin upang
maging mahigpit ang pagsusuri. Gamitin ang teorya bilang lente sa pagbasa habang
sinisipat ang bawat elemento at bahagi ng akda. Kung gagamit ng iba-ibang teorya ay
maaaring maging mahina ang pagsusuri at mawalan ng organisasyon ang sanaysay.

Halimbawang Pagsusuri ng Nobela


Subukin nating suriin ang nobelang binasa na mula sa bansang Nigeria gamit ang mga
elemento at teoryang pampanitikan bilang batayan. Narito ang isang halimbawang
pagsusuri.

Akda: Paglisan, mula sa Things Fall Apart, nobela ni Chinua Achinebe


Tagpuan: Sinaunang pamayanan ng mga katutubo mula sa bansang Nigeria
Tauhan:
● Okonkwo – Pangunahing tauhan sa kuwento. Isang mandirigma na nagsikap
upang mapabuti ang kaniyang sarili at ang pamumuhay ng kaniyang
mag-anak.
● Ikemefuna – Naging anak-anakan ni Okonkwo sa kuwento. Isang mabuting
bata na naging dahilan kaya mabilis siyang nagustuhan ng kaniyang bagong
pamilya.
● Nwoye – Labindalawang taong gulang na anak ni Okonkwo. Kinakikitaan ng
katamaran ng kaniyang ama. May mabuting pakikitungo sa kaniyang bagong
kaibigan at kapatid na si Ikemefuna.
● Ogbuefi Ezeudu – Isang iginagalang na nakatatanda sa kanilang pamayanan.
Ang kaniyang mga payo at habilin ay sinusunod ng lahat.
● Uchendu – Tiyuhin ni Okonkwo na tumanggap sa kaniyang pamilya nang
lumipat sila sa Mbanta.

6
Filipino

Baitang 10 • Yunit 23: Nobelang mula sa Africa/Persia

● Obierika – Kaibigan ni Okonkwo na walang sawang tumulong sa kaniyang


pamilya upang makapagsimula silang muli ng pamumuhay sa Mbanta.
● Mga misyonero – Mga tauhang nagdala ng Kristiyanismo sa pamayanang
sumasamba sa maraming diyos at diyosa.
● Igbo – Tawag sa mga katutubo ng Timog-Silangang Nigeria. Karamihan sa
kanila ay mga magsasaka at mangangalakal.

Banghay:
Ang kuwento ng nobelang Paglisan ay patungkol sa buhay ni Okonkwo at ng kaniyang
pamilya. Nagsumikap si Okonkwo sa buhay upang maging maayos at mapayapa ang
pamumuhay ng kaniyang mag-anak. Natatakot siyang matulad sa buhay na
kinasadlakan ng amang namayapa, na may maraming pinagkakautangan. Nakamit
niya ito at nabuhay sila nang maalwan. Ngunit sunod-sunod ang dumating na
kamalasan sa kaniyang buhay. Nagalit sa kaniya ang mga katribo nang hindi niya
napigilang saktan ang pinakabatang asawa sa Linggo ng Kapayapaan. Kinailangan
niyang ipapatay ang anak-anakang si Ikemefuna na minahal na niya dahil sa isang
propesiya. Hindi siya sumunod sa habilin ng nakatatandang si Ezeudu kaya
nabagabag siya rito. Sa burol ng matandang Ezeudu, pumutok ang kaniyang baril na
ikinamatay ng labing-anim na taong gulang nitong anak.

Pinalayas sila sa Umuofia, dahil lubos na ang kasalanang ipapataw sa sinomang


nakapatay sa isang katribo. Nagtungo sila sa Mbanta at nagsimula ng panibagong
buhay. Makalipas ang ilang taon, kumalat ang relihiyong Kristiyanismo na hatid ng
mga misyonero mula sa Kanluran. Nabalitaan niyang ikinulong ang ilan sa mga
kasama. Napatay niya ang ilan sa mga misyonero upang ipagtanggol ang mga
kamag-anak. Sa huli, nagpatiwakal siya sa pamamagitan ng pagbigti dahil sa
panibagong kasalanan na kaniyang nagawa.

Tema:

7
Filipino

Baitang 10 • Yunit 23: Nobelang mula sa Africa/Persia

Sa nobelang ito, tinangkang ipakita ang mga komplikadong mga batas at gawi ng
angkang pinagmulan ni Okonkwo upang mapanatili ang kapayapaan sa kanilang
pamayanan. Ipinakita rito ang kanilang matamang pagsunod sa mga habilin at
pagtanggap ng parusa kung magkakasala man. Ipinakita rin ang kanilang takot sa
mga sinasambang diyos at diyosa, at kung paano ito sinakop at pinalitan ng mga
dayuhan mula sa Kanluran.

Damdamin:
Batay sa kuwento ng buhay ni Okonkwo at sa pamagat na “Things Fall Apart,” marahil
tinatangkang palutangin dito ng manunulat ang konsepto ng pagsubok sa paniniwala
at kung paano tutugon dito. Si Okonkwo ay nagpatiwakal sa wakas ng nobela, ngunit
hindi ibig sabihin ay nais ng manunulat na mawalan ng pag-asa ang mga
mambabasa. Marahil, tinatangka niyang pag-isipin ang mga mambabasa. Ilagay ang
sarili sa sitwasyon ni Okonkwo. Tantiyahin ang tamang desisyon sa pagitan ng
masalimuot na karanasan.

Simbolismo:
Maraming simbolismo ang pinalutang sa kabuoan ng akda. Ang bawat tauhan sa
kuwento ay nagtataglay ng iba’t ibang katangian na mahalaga sa karakter na kanilang
ginampanan. Halimbawa, maging ang namayapang tatay ni Okonkwo na si Unoka ay
nagpapakita ng karakter ng isang taong nagpapasama ng tingin sa isang angkan; na
kahit pa sabihing naging masipag si Okonkwo, hindi ito nangangahulugang masipag
din ang ama. Gayundin ang mga tradisyon at paniniwala, gaya ng paniniwala sa
propesiya, pagdiriwang ng Linggo ng Kapayapaan, at pagpaparusa sa mga nagkasala
na may mahalagang papel sa akda.

Ipinakita rin dito ang karakter ng mga mananakop mula sa Kanluran. Gaya ng iba
pang tahimik na pamayanan na may sariling paniniwala, inilapit ng mga taga-Europa
ang Kristiyanismo na naging hudyat ng pagkakabuwag ng matibay na pananalig nila
noon.

8
Filipino

Baitang 10 • Yunit 23: Nobelang mula sa Africa/Persia

Paggamit ng Teorya:
Gamit ang teoryang naturalismo sa pagsusuri, makikita sa nobela ang pagpapalutang
ng kalikasan o natural na katangian ng mga tauhan at namamalas ang mga bunga o
resulta ng mga pagkilos batay sa mga pangyayari. Halimbawa na lamang ang wakas
ng kuwento ni Okonkwo, kung saan itinuring pa ring kasalanan ang kaniyang
ginawang pagpapatiwakal. Sa kaniyang paglisan, ang maaalaala ng kaniyang mga
katribo ay ang negatibong bagay patungkol sa kaniya at hindi ang magaganda niyang
nagawa. Sumasang-ayon pa rin ito sa paniniwala ng mga Igbo ng Umuofia na ang
pagpapatiwakal ay kasalanan sa Diyos ng lupa kaya hindi marapat na bigyang-papuri
sa paglilibing. Sa kabuoan, ito ay isang kuwentong umikot sa buhay ng angkan at
tribo ni Okonkwo, na tumalakay rin sa maraming isyung panlipunan gaya ng
pananakop, paniniwala, pagpapalaganap ng Kristiyanismo, politika sa pamayanan,
kolonyalismo, at marami pang iba.

Maaari ka pang magsaliksik ng iba pang halimbawa ng panunuring pampanitikan, o


tumuklas ng sariling estilo sa pagsusuri. Tandaan lamang ang mahahalagang elemento at
halimbawang teoryang pampanitikan na maaaring gamitin bilang gabay.

Sagutin Natin
Sagutin ang sumusunod na tanong:
1. Ano ang nobela?
2. Ano ang panunuring pampanitikan?
3. Ano ang isa sa pinakamainam na paraan ng pagsusuri ng nobela?

9
Filipino

Baitang 10 • Yunit 23: Nobelang mula sa Africa/Persia

Subukan Natin
Sagutin ang sumusunod na tanong:
1. Bakit mahalaga ang panunuring pampanitikan?
2. Bakit mahalaga ang kaalaman sa mga elemento ng nobela sa pagsusuri nito?
3. Sa iyong palagay, maaari bang magamit ang iba’t ibang teoryang pampanitikan sa
pagsusuri ng isang nobela?

Isaisip Natin
Sa iyong palagay, bakit mahalaga para sa mga kabataan ang matutong magsuri ng nobela?

Pag-isipan Natin
Sundin ang sumusunod na panuto sa pagsusuri ng nobela:
● Magsaliksik at pumili ng isang nobelang mula sa Africa/Persia na nais suriin.
● Basahin at unawaing mabuti ang kuwentong isinasalaysay ng nobelang napili.
● Suriin ang nilalaman nito nang may pagsasaalang-alang sa nilalaman at mga salik sa
pagsusuri sa nobela.
● Gawing gabay sa pagsusuri ang talahanayan.

Pagsusuri ng Nobela

Pamagat

Paksa

10
Filipino

Baitang 10 • Yunit 23: Nobelang mula sa Africa/Persia

Mga Tauhan

Mga Tagpuan

Mga Suliranin

Damdaming
nangibabaw

Teoryang
Pampanitikan

11
Filipino

Baitang 10 • Yunit 23: Nobelang mula sa Africa/Persia

Buod

Dapat Tandaan

● Ang nobela ay isang mahabang akdang pampanitikan na binubuo ng mga kabanata.


Naglalahad ito ng mga pangyayaring nakahabi sa isang mahusay na balangkas na
ang pangunahing sangkap ay katangian at karanasan ng mga tauhan sa kuwento.
● Ang panunuring pampanitikan ay ang malalim na pagsusuri ng isang nobela o
anomang akdang pampanitikan.
● Ilan sa mga teoryang pampanitikan na madalas na gamitin sa pagsusuri ng nobela
ay ang Eksistensiyalismo, Naturalismo, Moralismo, Humanismo, Romantisismo,
Modernismo, Realismo, Historikal, at Sosyolohikal.

12
Filipino

Baitang 10 • Yunit 23: Nobelang mula sa Africa/Persia

Mga Sanggunian

Adaya, Jomar G. et. al. 2012. Komunikasyon sa Akademikong Filipino (Unang Edisyon). Malabon
City: Jimczyville Publications.

Animoza, Imelda V. 2007. Hiyas ng Diwa IV. Quezon City: Abiva Publishing House Inc.

Del Rosario, Mary Grace G. et. al. 2014. Pinagyamang Pluma. Quezon City: Phoenix
Publishing House Inc.

Gonzaga, Marina at Cristina Dimaguila. 2016. Bulwagan: Kamalayan sa Gramatika at


Panitikan. Quezon City: Abiva Publishing House, Inc.

Lacano, Diana Gracia L. at Maida Limosnero-Ipong. 2015. Parola. Valenzuela City: JO-ES
Publishing House Inc.

Marasigan, Emily. 2016. Pinagyamang Pluma 10. Quezon City: Phoenix Publishing House.

13

You might also like