You are on page 1of 9

Panitikan sa

GITNANG LUZON at
KATIMUGANG TAGALOG
Aralin 8 - Panitikang Filipino

Ang Gitnang Luzon ay isang malaking kapatagan kung saan inaani ang karamihan sa bigas na ating
kinakain sa araw-araw. Ang mga lalawigang bahagi ng Gitnang Luzon ay ang Aurora, Bataan,
Bulacan, Nueva Ecija, Tarlac, Zambales at halos kalahati ng Pampanga. Mayroon itong 12 lungsod:
ang Balanga sa Bataan; Cabanatuan, Gapan, Muñoz, Palayan, at San Jose sa Nueva Ecija; Olongapo
sa Zambales; Angeles at San Fernando sa Pampanga; San Jose del Monte at Malolos sa Bulacan; at
Tarlac sa Tarlac.

Ang Katimugang Tagalog naman ay binubuo ng Batangas, Cavite, Laguna, Marinduque, Oriental
Mindoro, Occidental Mindoro, Quezon, Rizal at Romblon. Sinasakop ng Katimugang Tagalog ang mga
bahagi kung saan Tagalog ang salitang pangkaraniwang gamit. Ang NCR at Gitnang Luzon man ay
mga Rehiyon ng Katagalugan kayat maaari ring tawaging Hilagang Tagalog ang Gitnang Luzon.

Ang salitang Tagalog ay nanggaling sa taga-ilog dahil karamihan ng mga unang pamayanan dito ay
matatagpuan sa baybayin ng Manila Bay, Laguna de Bay at sa mga ilog sa Bulacan na dumadaloy
pabalik sa Manila Bay. Ang mga Tagalog ay kilalang mangangalakal. Nakakarating sila hanggang
Mallaca upang magbenta ng pulot at ginto. Sampung taon bago dumating si Magellan ay
nakasalamuha na sila ng mga Portuges. Ang mga mangangalakal na Tagalog na ito ay naiulat sa
mga talaan ng mga manlalakbay bilang Lucoes (mga taga- Luzon). Nagbebenta sila ng bigas at
lambanog sa Borneo at nakilala sila bilang masisipag na tao at malapit sa isat-isa. Dahil sa ganitong
pakikipag-ugnayan nila sa ibat ibang tao, naging mas bukas sila sa maraming kultura at pagbabago.
Lumawak ang paggamit ng Tagalog at nadagdagan ang mga salitang nagbibigay- daan sa mga
bagong kaalaman at banal na konsepto.

Dahil sa pagdagsa ng mga pamayanan sa tabi ng mga ilog, lawa at dagat, naging isang mahalagang
tauhan at simbolo ng buhay Tagalog ang mangingisda. Para sa mga mangingisda ang ilog ang
pinagkukuhanan nila ng lakas na nagbibigay sa kanila ng panahong magnilay-nilay, at magkaroon ng
respeto sa sarili. Ito marahil ang dahilan kung bakit maraming panitikanng Tagalog ang may especial
na pagtukoy sa ilog.

Ang kapatagan ng Luzon ay kakikitaan din ng malalawak na lupaing tinatamnan ng palay at tubo.
Ang bigas ay nagpapahayag ng kapangyarihan sa buhay Tagalog. Ang bilang ng bigas na inilalagay
sa sako ay nangangahulugan
PRINSESA NG KAMUNING
ni Romeo P. Virtusio

Sa piging noong unang Sabadong iyon ng kanyang pagdating para sa bakasyon grande buhat sa
unibersidad ay dumating ang mga prinsipalya ng Batangas at ng katimugang Tagalog. Naroon ang
isang Bonifacio ng Sta. Cruz, ang mag-amang Yatco ng Biñan, mga kalahating dosenang Malvar ng
Sto. Tomas, dalawang Apacible ng Balayan. Ang Caudillo ng mga de Gala ng Lucena, at mga de Villa
ng San Juan. Lahat halos ng may sinasabi sa katagalugan ay nagpaunlak sa paanyaya ng kanyang
amang gobernador. Ang sabi'y bilang parangal daw ito sa erederong nagbabaksayon buhat sa
unibersidad ng mga dominiko, pero alam niya, isa lamang ito sa marami at tunay na dahilan kung
bakit ipinapulong ng kanyang ama ang mga alyados nito sa makakaratig na lalawigan. Ito ang
daigdig ng kanyang ama. Ang mga ginoong ito ang pangalawang pamilya ng kanyang ama; marami
sa mga ito ay kababata sa Ateneo, mga malalapit at malalayong pinsan, bilas at bayaw, at kaututang
dila. Bawat delegasyon ay may bitbit na pasalubong sa punung-abala; kaing-kaing ng mangga buhat
sa Sariaya, kung ilang prasko ng lambanog na dangal ng mga taga-San Juan de Bolboc, nagririkitang
barong Tagalog na dulog naman ng isang Ilustre ng Taal at para sa ginang ng gobernador ay sari-
saring dulce na padala ng isang kawan ng adoracion nocturna ng Nasugbu. Sa pinararangalan naman
ay lihim na iniabot ng alkalde ng Calaca ang isang pagkagandang panday doon: itim na itim ang
halos ay isang piyeng takip na inadornohan ng iba't ibang hugis ng kabibe at sa talim nito ay hihipa
mo lamang ang hibla ng buhok. Buhat naman sa Tanuan ay hindi nakalimot ang mga Magsino. Hindi
nakarating ang mag-asawang puno ng angkan sapagkat lumuwas daw ng Maynila ang babae at
magpapasukat daw kay Pacito Longaos sapagkat mag- aanak sa kasal sa Calamba sa papasok na
buwan at may mahigpit din daw na lakad na sarili ang Ponso Magsino. Sa halip ang pinadalo ay ang
anak na dalaga. Elisa ang pangalan, magkucuarto año na sa Centro Escolar sa susunod na pasukan,
kasama ang isang tiyahin na kapatid ng ama.

Malayo pa ang tanghalian ay nagsimula na ang tagayan. Ilang mesang bilog ang ipinababa ng
kanyang ina sa ilalim ng nagtatayugang akasya at kaimito upang pagdausan ng unang bahagi ng
salo-salo. Unang umulos si Ka Atoy Quesada ng Paete na makisig na makisig sa puting dril na cerrada
na sa buong biyahe ay walang sinakit kundi huwag malungkot at animo'y walang pinakay sa piging
kundi banghayin ang kanyang maningning na pag-asa sa nalalapit na pagpapasinaya sa Komonwelt
ni Quezon. Ang lahat daw ng halos ay apat na siglong ipinagtiis ng Pilipino sa ilalim ng mga Kastila
ay sulit na kung tutuusin sa napipintong pagsasarili.

"Sa wakas ay mapatutunayan na natin sa buong daigdig na kaya nating mamuhay nang mag-isa at
pamahalaan ang ating ekonomya, halimbawa, at hindi 'yung iaasa ang lahat sa mga Amerkano,"
masiglang patuloy ng matandang inhinyero na siyang nagpundar ng water system sa magandang
bayang iyon sa paanan ng bundok. "Aba'y sabi ng isang anak ko sa sulat e akala raw ng mga puti,
tayong mga Pilipino e pareho noong mga nakita nila sa St. Louis Exposition noong 1901. Ay lintik,
ipakita nga sa mga kumag kung anong magagawa nating mga Pilipino!"

May katwiran ang matatandang Quesada sapagkat nang magtapos ito sa Cornell noong mga unang
taon ng siglo ay nasa ulo ito ng kanyang klase. Sa henerasyon daw nila nina Bocobo, Yulo, Sanvictores
at iba pa ay hindi naman daw makaalma sa kanila ang mga puti nang sila ay pawang nagsisipag-aral
sa Estados Unidos.
Nakangiti lamang ang gobernador habang abala sa pag-aalok ng pitsel sa mga nagkakatipon. Anong
masasabi niya sa paksang ito na hindi magpapaalab sa damdamin ng kanyang mga panauhin? Anong
Batangueño ang mag-aatubili sa independensya? Kung kailan lamang ay muntik na niyang masampal ang
isang Amerikanong superbisor sa mga paaralan sa isang miting sa San Juan nang sabihin nitong bakit pa
raw magpapatayo ng eskwelahan sa may Buhay na Sapa ay gayong hindi naman daw mahilig magsipag-
aral ang mga tagaroon? Susugurin na sana niya ang taga-Ohiong parang argolya ang bigote nang siya'y
awatin ng isang bokal na taga-Lemery. Ay, huwag daw po at baka mag ala Laurel at Leonard Wood na
naman daw ay sayang naman at hetong inihahanda na nga ang bagong gobyerno sa ilalim ng Komonwelt.
Maging ganoon nga ba kasimple ang bagong kaayusan? Handa na nga ba ang bayan sa tunay na
pagsasarili? Paano sasabihin sa umpukang ito ang isang araw matagal na, nasa Ateneo pa siya ay sinabi
ng kanyang ama: "Hindi tayo pwedeng magsarili, chico, not in another hundred years, we're so damned
selfish and parochial." Tingnan mo ang nga Benigno Ramos at mga agraryong 'yan mga impresores na
Komunistang 'yan, walang magawa kundi manggulo." Eredero nga ng asyenda ang kanyang ama, ngunit
paano niya matitiyak, lalo na ngayon, na walang katwiran ang mga sapantaha at agam-agam nito?

Sa pangalawang tagayan ay nagpalabas ang gobernador ng tatlo pang Black Daniel. Hindi makalapit sa
umpukan ng matatanda ang pinararangalan kaya ang napagtuunan ng pansin ay ang dalagang taga-
Tanauan. Tingnan mo nga naman, naisip niya, hindi naman gaanong kalayuan ang Centro sa Sto. Tomas ay
ano't dito pa sila sa Lipa magkakapalad na magkakilala?

"Ang akala ko'y naligaw si Clarita Tankiang kaninang pumasok ka. Pag-utusan mo at ipagpatawad ang
aking pambungad na pagsasabi ng totoo." Bahagyang napatda at tila nagulumihanan ang dalaga,
pagkatapos ay maamo, tumitimong ngiti. Pumapailanglang ang usok sa kung ilang talyasi at palayok na
buong sigasig na inaatupag ng mga kababaihan ng asyenda. Sa may duluhan ay kalahating dosenang
litson ang sabay-sabay nang nagmamantika. Tumalikod ang binibini, ipinatong ang dalawang palad sa
pasamano at tinunghayan ang marikit na larawang iyon, lahing tagalog.

"Ay, ewan po. Baka kahit tagabitbit ng bag ni Clarita ay hindi ako tanggapin. Kayo

naman po ang pinararangalan kaya may karapatan kayong magturing ng anuman,

totoo man o hindi." Sabay ngiting-sulyap. O, narito ang Roselang Bubog ng alamat na walang sawang
sinasarwa ng kanyang ama at lolo: si Roselang Bubog ng Taal na katauhan daw ng pinaglakip ng ganda ng
rosas at bubog, na kung sumisimba raw ang mga taga-Taal, bukod sa manalangin at magpugay sa
Panginoon ay upang abangan at hangaan ang mayuming ganda ni Roselang Bubog. Tanto baga ng mga
taga- Tanauan na mayroon silang sariling Roselang Bubog? Anong ganda ng binibining ito ay ano ba kung
tapos na ito ng tercero ano at siya'y magtetercero, pa lamang? Ang ama ni Elisa ay isang dating kimiko sa
sentral sa Nasugbu na nakabili ng mga palayan sa Tanauan at ngayon ay nagkakainteres sa isang
malaking sintunesan dito sa Lipa.

"Maige pala't ang aking ama't ina ang umimbita sa inyo. Baka kung ako lamang ang ipinag-anyaya ng
Papa ay hindi ninyo pinaunlakan. Balita ko'y halos gabi-gabi rin daw ang baile ninyo sa Tanauan. Laki kong
kapalaran na kayo'y nakarating."

"Ay hindi naman po kami gayong kalimit mag-baile. Alam ninyo'y may iniintindi na ring iba ang mga tao
ngayon. Ang sabi ng Papa ko'y nababahala raw ang mag-aasukal sa Tyding-McDuffie na 'yan. Baka raw
bawasan na ng Amerika ang pasok ng asukal natin." "Hindi naman siguro, ngayon pa ba naman tayo
pababayaan ng Amerika? Ngayon pang sampung taon na lamang ang bibilangin bago mag-
independensya?" Diyos ko, ano ba ito, sa kanila sa Sto. Tomas ay walang bumibigkas ng Tydings McDuffie.

"Kailan kayo babalik sa Maynila? Malapit lamang ang Centro sa tinitirhan ko." "Sa amin sa Tanauan ay
kakaunti pa ang abugado. Mag-aabugado ka rin daw." Parang teklado ng piano ang pasamano habang
tinitipa ng mapuputing daliri ng dalagang itong hindi niya malirip kung ano ang ibig sabihin. Bakit
babawasan ng Amerika ang angkat ng asukal kapag nakapasa ang Tydings McDuffie?
Maya-maya ay nagsimula nang magkalansingan ang mga kubyertos sa pagdudulog ng tanghalian. Isang
maliit na armada ng kababaihan ng asyenda ang hinirang ng ginang ng gobernador sa maselan na
tungkuling ito. Iniakyat ang tanilad-tilad na litson at pagkatapos ay sinimulang ihain ang masasaganang
putahe. Sa pag-upo ng prinsipalya sa mesang kamagong na yari pa ng matandang maestrong Madriñan sa
Paete ay halos hindi pa ito mapuno.

Pagkaupong-pagkaupo ay sinimulan na siyang usigin ng dalaga. "Alam mo bang ang naging asawa ng first
love ni Rizal ay tagarito sa inyo sa Lipa? Talagang magigiting at makikisig ang mga taga-Lipa."

"Nakakain ka na ba sa Tom's Dixie?"

Saan kaya natutunan ng babaing ito ang ngiting sulyap na ito na wala namang sinasabi ay napakaraming
sinasabi?

Samantala sa mga kaginoohan ay hindi nawalan ng saysay ang halos ay may dalawang oras na
pagtatagayan.

Hanggang ngayon ay hindi pa raw matatalastas ng kumpareng Solis ng gobernador, na kanyang ninong sa
binyag, kung ano raw ba talaga, kung mayroon man, ang pagkakaiba ng Tydings McDuffie doon sa Hare-
Hawes na iniuwi nina Osmeña at Roxas. Ang Solis na ito ay kung tawagin ng lahat, sapagka't napakaputi
ang kutis, anak daw yata ng prayle. Wala itong tanging hinakdal sa buhay kundi bakit daw baga wala nang
marunong magsayaw ng tango ngayon. Nagkataong ang kanyang ina ay pinsang buo ng maybahay ng isa
sa punong tagapagpanukala ng Hare-Hawes kaya marahil nagpuputok ang butse sa pananaig ng Tydings
McDuffie.

"Bakit pa baga pinalitan itong aming pasalubong sa bayan ng Tydings na iyan e, pareho rin lamang naman
kung tutuusin?" patuloy nitong usig.

"Aba'y hindi mo ba natatanto, kaibigang Gatas," sabad ni Ka Atoy, "na dito sa Tydings ay nakaiskedyul na
kung kailan tayo bibigyan ng Amerika ng pormal na independensya?"

"Mawalang galang na po, Ka Atoy, pero hindi po 'yan ang tunay na dahilan kung bakit ipinatalsik ni Don
Manuel ang Hare-Hawes," balik naman ni Gatas. "Ang tunay na dahilan po, mga kabayan, ay sapagkat
simula't simula pa ay itinadhana na ng ating Presidente na siya lamang at wala ng iba- ni hindi ang Don
Sergio-ang mag-uuwi ng acta de congreso na magkakaloob sa atin ng diumano'y tunay na independensya.
Ang nangyari po, masakit mang tanggapin, ay naging isyu ng personalidad ang usaping ito. Ikaw baga ay
Don Manuel o Don Sergio? At ang nangyari ay nakapanaig ang henyo at karisma ng Kastila."

Sa pagsimula ng masaganang tanghalian ay manding naudlot ang pagbanghay sa dalawang acta de


congreso. Binigyang katarungan ng mga panauhin ang kayraming putaheng hain ng ginang ng gobernador.
Ang gobernador naman, bilang punung- abala, ay nagpahiwatig na iba, at hindi gaanong kaselang paksa
na sana ang tuntunin ng mga nagpipiging. Ngunit ang Batangueño, kapag nasindihan, wika nga, ay tuloy-
tuloy kung magpuyos. Kaya sa sumunod ay tinudling ni Nanoy Chipeco ng San Pablo, na dati'y abugado ng
isang unyon ng mga magbubukid, ang kung ano raw ba talaga ang magiging saysay ng alin man sa
dalawang panukalang batas. "Hindi po ba na alin man sa dalawang aktang 'yan ay may probisyon tungkol
sa mga base-militar na itatayo dito ng Amerika? Sa ano't ano man po ay hindi lubusang iiwanan ng
Amerika ang kanyang soberanya dito sa atin." Mula sa plato ng putsero ay iniangat ni Elisa ang
magandang mukha at sinipat ng tingin ang binatang abugado. "Ay, ano naman po ang ihahalili ninyo sa
Tydings McDuffie kung saka-sakali, at mapupuwing po baga ninyo na Amerika lamang ang
makapagbibigay sa atin ng pagsasarili, sapagkat siya lamang naman po itong nasa ibahau natin hindi po
ba. Atorni?"
"Ala e, Nanoy," wika ng gobernador.

"Ay wala nga po akong maimumungkahing ipapalit, ngayon pa nga po bang fait accompli na ang lahat.
Ang amin po lamang naman ay iisang bagay na ang ating pagsasarili ay hindi nararapat isalig sa kung ito
ay ipagkakaloob ng Amerikano o ng mga Hapon o nino man. Ang pagsasarili po ay dapat nating hablutin
ng ating mga kamay, sapagka't ito naman po ay sadyang atin. Sa pagkakagunita ko po, ang mga

Amerikanong 'yan ay pumarito sa atin ng hindi naman natin inaanyayahan,

kaya hindi po baga marapat na sila ay magpaalam na nang wala nang maraming kondisyones?"

Sa halos ay sabay-sabay na 'siya nga naman' ng mga nagkakatipon ay yumuko si Elisa. Nakangiting
sumulyap sa binatang nasa kanyang kaliwa, sa gobernador, sa kabisera, at itinango ang makinis na noo sa
binatang ayaw ng maraming kondisyones.

Ang tugon ng gobernador ay hindi naman daw kailangan ituring na kondisyones ang mga base-militar.
"Ang mga baseng iyan ay laan sa pagdedepensa ng ating seguridad. Alalahanin na ang Hapon ay walang
tigil ang kasusundot sa kung ano-anong teritoryo. Tingnan ninyo ang ginawa nito sa Manchuria."

Naisin man niya ay wala na siyang dapat idagdag pa sa kanyang tinuran.

Paano niya maipapaliwanag sa mga tirong at sa dalagang ito ang nakababagabag na panimdim ng isang
komplot ng mga gobernador at diputado hinggil sa napipinto at tiyak na walang kondisyong
independensya? Talaga bang tayong mga Pilipino ay handa nang magsarili? Paano niya maidudulog sa
mga nagkakatipong ito na ang kanyang mga kumpadreng gobernador ay nanghihinayang at
nahihintakutan na kapag tayo ay tuluyan nang bigyang-laya ng Amerika na halos ay walang buwis? Saan
tayo hahanap ng mga merkadong buong alwang tumatanggap sa ating asukal, kopra, abaka, ginto?
Naiintindihan ba ng mga obrero ng buong ochenta porsyento ng eksport ng Pilipinas ay Amerika ang
bumibili?

Ngunit hindi sa kanya ang papel ng magpapagiwang ng bangka. Hayaang mabusog ang lahat ng panig sa
kani-kanilang ilusyon. Ang papel ng gobernador ay magpatag ng daan at magbalanse ng mga nag-
iigtingang interes.

"Mawalang galang na nga po, mahal na gobernador," walang ano-ano'y pasok ni Tino Collantes ng Rosario.
"Sumagi po sa aking unti-unti nang inaagiw na pandama ng mga makalupang damdamin kung ang
pagmamahal baga ninyo sa aming sinisintang senyora dine ay sintamis pa rin ng mga dulceng itong hindi
namin malaman kung alin ang uunahin?"

Ang mayuming ngiting isinukli ng senyora ay nagpagitaw ng ningning sa mata ng gobernador habang ang
marangyang bulwagang kung ilan nang henerasyong pinagpipigingan ng mga makapangyarihan ng
katagalugan ay muling tinigib ng halakhakan at tudyuhan ng mga namamahalang iyon na magkakauri at
magkakapanalig. Nagpatuloy ang talakayan at tudyuhan ang talamitan at pasaringan na wala namang
ibig sabihin kundi na ang lupang tagalog, ano man ang lundo o lunan, kung tutuusin, ay iisa. Maya-maya ay
dumalang ang kalansingan ng mga kutsarita, iniurong ang tanghalian at binuksan ng gobernador ang
isang magarang kahon ng El Conde de Guell.

"P'wede bang makadalaw sa inyo? Siguro naman ay nagpapaseo rin kayo kung linggo sa Luneta ay di
makabuntot na ako."

"Aba'y bakit hindi? Alam mo'y meron akong kabarkada sa dormitoryo ng taga-Calamba, taga-U.P.,
siguradong magkakasundo kayo dahil pre-law ang kinukuha.'
"Bakit baga taga-Calamba ang iyong itinuturo ay ako nama'y taga-Batangas?" Nakaalis na ang mga
nagpiging. Galak na galak at taos-pusong nangako ng kanilang malugod na pagtanggap sa daigdig ng
mga uring namamahala sa binatang eredero ng gobernador. Hapon na at sa bakuran ay naglilinis at nag-
iimis na ang tiya ni Elisa ay kanina pa nagpapaalam, nagpapahinga na ang gobernador sa itaas.

"Batangueño man o hindi ay libreng dumalaw sa amin, kaya nga lamang, baka sa dakong huli ay iyong
hindi dinadalaw ang madalaw. Alam mo'y pagkaraming maririkit sa aming dormitoryo. Kung hindi ka pa
magkasya, doon sa malapit sa amin, sa may Nebraska, naroon naman 'yong kina Corazon Juliano at Linda
Ilusorio pulos taga-U.P. at pagkagaganda."

"Ay kung ayaw mong magpadalaw at bakit baga hindi mo deretsuhin at ako'y

Kung kani-kanino mo itinuturo. Alam mo bagang ang aking magiging maybahay ay taga-Batangas din?"

Ahay, anas ng binibini, sabay tupi ng kanang palad sa bibig. Aba'y talaga yatang may sa ano ang babaeng
ito, ngunit wala na siyang naibalik sapagkat naikambyo na ng tsuper ng magtiya ang itim ną Buick sa
tapat ng bakal na gate ng bahay asyenda. Isang saglit pa'y humahangos na ang tiya, "Ay ineng, halika na,
baka tayo'y masyadong gabihin at ako'y mapagwikaan ng iyong ama." "Maraming salamat," wika ng
binibini bago pumasok sa kotse. "Mahal na mahal ka ng iyong mga magulang. Balang araw ay
ipagkakapuri ka ng katagalugan." Tinapik siya nito sa may kaliwang siko. "Thank you uli. Maraming
maganda sa aming dormitoryo." Mahigit pang isang taon ang lilipas bago itatag ang ipinangakong
komonwelt, ngunit nasa himpapawid na, wika nga, ang ipinangako nito. Patuloy ang pagsasama ng mga
bukirin, ng mga minahan at kalakalan. Ang buong kapuluan ng Negros at ang lalawigan ng Pampanga ay
patuloy na nagkakamal sa pagluluwas ng asukal sa Amerika at ang mga kamalig ng gitnang Luzon ay
namimintog sa palay. Ang Tayabas at Kabikulan ay hindi rin pahuhuli sa pagbebenta ng kopra at abaka sa
mga merkado ng daigdig. Sabihin pa, kasabay sa pagyabong ng isa o dalawang bahagdan ng ekonomiya
ay ang pagkaunsiyami naman ng isa o dalawa ring naniniwalang hindi pantay-pantay o patas ang
pagkaka-ayaw-ayaw sa mga pakinabang ng pananagana. Sa katagalugan ay kung ilang taon nang
nagsusulputan ang mga samahan ng magsasaka at obrerong humihingi, wika ng mga ito ng
makatarungang pamamalakad, karampatang pasahod at paggalang sa kanilang mga karapatan buhat sa
mga nagmamay-ari ng mga lupa at negosyo. Marami sa mga samahang ito ay nag-ugat dito mismo sa
katagalugan at ang iba ay nakapagsanga na sa ilang lalawigan, sa Iloilo, halimbawa. Karamihan ay tunay
na prinsipyo ng mga anak- pawis ang ipinaglalaban, ang iba naman, wika ng gobyerno, yamang ipinagbibili
nga sa kaapihan at pagkaduhagi, ay nalalinan na ng kung anong banyagang kulay, kung hindi man
tahasang mga tulisan na nga. Sa Pampanga, halimbawa, bagarman kung ilang dekada nang
ipinakikipaglaban ni Don Perico Abad Santos ang mga obrero at magsasaka ay tila mandin hindi pa ito
maunawaan ng nakararami sa kanyang uri. Kung ilang ulit na itong natalo sa eleksyon. Ilang kilometro
lamang, sa Pangasinan ay unti-unti nang nag-ligting ang mga Sakdal. Sa dakong ibaba, sa katagalugan,
ilang panahon nang naghahasik ng lagim ang mga tulad nina Asedillo at Encallado, na sang-ayon sa mga
mala-Robin Hood na alamat ng panahong iyon, ay dati-rating mga tahimik na mamamayang itinulak sa
bundok ng mga bayoneta at riple at batuta ng mga sundalong instrumento lamang naman daw ng mga
uring mapanikil. Sa San Pedro, Tunasan, ano mang sandali ay maaaring sumiklab ang madugong
paglalabanan; pilit daw pinaaalis ang mga kasamang hindi makabayad ng buwis. Si Benigno Ramos at ang
kanyang sakdal, ang mga magbubukid sa Bulacan at karatig-lalawigan ay matagal nang nagmamartsa
laban sa matataas na buwis, sa paghingi ng independensya sa Amerika, sa pagdedemanda ng masusing
imbestigasyon sa mga lupaing naiwan ng mga prayle at kung anu ano pang layong lubhang nakatitigatig
sa mga opisyal ng gobyerno. Kaakibat ng matimyas na pag- asa sa nalalapit na pagsilang ng bagong
kaayusan ang agam-agam ng mga dukha at ng kanilang mga lider na ang darating na komonwelt ay
bagong bihis lamang ng luma at nabubulok sa estruktura.

Hindi berlina kundi kalesa ang tumigil sa tapat ng bahay nina Elisa sa Tanauan, sa malapit sa simbahan,
mahigit na isang buwan pagkatapos ng piging sa Lipa. Ang abugadong taga-San Pablo. Kung ito'y naging
kuya ko, siguradong ito ang panganay, pasalubong na naisip ni Elisa, pagkaupung-pagkaupo ng abugado
ng mahihirap. "Ako'y hindi pa namimintuho. Alam mo'y marami akong asunto rito. Dumarami ang sigalot.
Pero baka sakali, balang araw, malay mo."
"Aba'y magaling po kung gayon, sapagkat ayaw ko namang ako pa ang magiging sanhi ng pagkaunti ng
mga magagaling na lalaking nagsasanggalang sa ating mga kababayang totoong naapi." Huling linggo na
niya sa Tanauan. Sa biyernas ay uuwi na siya upang maghanda patakbuhin ang pribadong paaralan, isang
maliit na kolehiyo, na ipinundar ng kanyang lolo na ama ng kanyang ina.

Maliit ito, high school at secretarial pa lamang, ngunit palalakihin niya ito, gagawing isa sa pinakamagaling
sa buong katagalugan. Ipapasok niya rito ang mga taga- baryo, magbubukas siya ng mga sangay sa mga
maliliit na bayan ng Batangas, kung kinakailangan, ngunit hindi ito manggagaling sa Tanauan.

"Kung ako'y mahuhuli'y masakit din naman. Ngayon pa lamang ako kung sakali."

Working student siya, linotypist sa isang imprenta sa Azcarraga, habang nag- aaral ng abugasya. May
maliit na niyugan ang kanyang ama sa San Pablo, ngunit anim silang magkakapatid. Mataas naman ang
nakuhang promedyo sa bar at palibhasa'y nagkaisip sa piling ng mga dukha ay ito na rin ang ipinag-
aabugado ngayon.

"Ano kaya kung mag-aral din ako ng Law pagkatapos? Bakit sina Pacita de los Reyes at Cecilia Munoz?
Kaya ko rin kaya?"

"Aba'y bakit hindi? Hindi ba doon sa piging ng gobernador at talo mo pa ang abogado? Pagdating ng
araw na ikaw ay aking pipintuhuin, ako'y mangangayupapa hindi lamang sa iyong kagandahan kundi sa
iyong katalinuhan.'

Noon kayang ang lalaking ito'y nagsusunog ng kilay ay kilay lamang ang nasunog?

"Minsan, naiisip ko kung hindi ito ang klase ng pag-aabugado ang pinili ko marahil ay me pamilya na rin
ako. Halimbawa ang panganay ay lalaking balang araw ay magiging pareho ng anak ng gobernador,
ganon."

"Ang eredero ng gobernador ay noon ko lamang nakilala. Mabait naman, hindi burot."

"Ang sabi ng mga kapanalig dito, bakit naman daw kanya na ang poder kanya pa rin ang mga lupa. Ang
sabi ko naman, hindi baga talagang gano'n, ang lupa ay kapanyarihan at ang nasa poder ay para na ring
may lupa?"

Bumusina ang Buick at lumunsad ang ina ni Elisa, kagagaling lamang sa isang kumareng may sakit.

"Mama, si Atorni po ay abugado ng mga magbubukid dito sa atin. Ang kampanilya daw po niya ay para sa
mga inaapi ng mga asedero at konstable."

"Ay di magaling po naman, Atorni. Alam po baga ninyo'y maraming mayayaman dito sa atin ang
tumatanda yata nang paurong. Ang gusto ay sila na lamang ang mabuhay. Paano po naman mabubuhay
ang mga pobre sa singkwenta porsyentong hatian diyan na kukunin ang pagkain, ang pambayad sa utang
na pagkalaki-laki naman ng interes. Atorni, hindi naman po ako kung sinu-sino pero maige nga po ang
inyong ginagawa. Hindi naman po maaaring lahat na tayo ay diputado at kolonyal."

"Salamat naman po at nauunawaan ninyo ang aming layon."

Isa sa maraming natutunan niya sa pag-aabugado ay uri-uri rin naman ang mayayaman. Sa Hilagang
Luzon, halimbawa ay talamak na ang pang-aabuso ng mga propitaryo sa mga kasama. Marami sa mga
asendero ay walang kamuwang- muwang sapagka't ang mga ito'y sa Maynila naman naglalagi. Sa pang-
aabuso ng mga katiwala, kawalang-muwang o pagwawalang-bahala ng mga may lupa at sa kapabayaan o
tahasang pakikipagsabwatan ng mga opisyal ng gobyerno ay nag- ugat ang hinakdal ng mga magbubukid
sa Hilaga at Gitnang Luzon, noong una ay. isa-isa, lansag-lansag ngunit nang maglaon ay nagkabuklod-
buklod at ngayon ay pinakamatinding bagabag ng mga Amerikano at ni Don Manuel.
"Salamat po. Nagagalak po kami na meron pa rin naman sa mga nakatataas na uri na nakikita ang tunay
na katayuan ng ating mahihirap."

"Meron po sa kung meron, pero kakaunti. At me ibabalita ako sa inyo. Me pagka- delikado ang inyong
ginagawa. Alam ninyo'y marami sa mga mayayaman at sa kanilang alipores na konstable ang hindi
marunong mabiro, napipikon."

"At ang mahirap po sa mga 'yan, Mama, kapag napikon ay hindi lamang namimitik ng tenga,
ipakakalaboso kayong pilit, sa tama man o mali."

Muntik nang mahirinan ang abugado sa iniinom na katas ng guyabano. Maya- maya pa'y nagtuloy na ang
ina sa kabahayan. Tak-tak-tak ng karitela sa kalsada, isang grupo ng kalalakihang galing sa tupada,
dalawang nahihinog na makopa sa puno sa may tarangkahan, isang antigong eskritoryong baluktot ang
apat na paa. Ang dalagang ito ay babalik na sa Maynila, siya ay pakasusuong na naman, una sa Lucena,
susunod ay sa Sta. Cruz, maraming alyansa ng mga magbubukid ang kailangang palakasin marami pang
dapat imulat sa kanilang mga karapatan bilang Pilipino. Nasaan man siya ay maaalala niya ang maputing
kutis, ang tindig, ang bibig, ngipin at tinig ng babaing ito. Sa unang sandali ng pagpanatag ng mga
silakbo sa kanyang dibdib ay sisintahin niya ang Batangueñang ito.

"Magsaya kayo nang husto sa Maynila. Minsan lamang kayo magiging bata.

Mag-aral, siyempre, pero tamasahin din ang mga bagay na kabataan lamang ang makapagdudulot. Alam
mo, ang panahon, sa oras na makahulagpos, hindi mo na mahuhuli."

Kanina pang makapananghalian umalis ang kanyang ama patungong Lipa, titingnan uli ang binibiling
sintunesan. Sa Biyernes ay ihahatid na siya sa Maynila. Sa buong tag-araw ay dumalaw sa mga kamag-
anakan sa San Juan de Bolboc, nakipagpulong sa dalawang amain tungkol sa paaralang nakatoka na sa
kanya upang pamahalaan, pagkatapos ay iyon ngang piging ng gobernador sa Lipa. Balang araw ay
malilirip din niya ang kahulugan ng mga araw na ito. Parang may tumitigatig sa kanya, sapagkat
ipinagkaloob sa kanya ang makaramdam ng marubdob at naglalatang.-Ngunit ano ang maaaring idulot
ng darating na komonwelt kundi bagong liwanag? At ang anak ng gobernador, busilak na baguntaong
kakatawan sa mga pag-asang maluwalhating nagluluntian, hindi ba't siya'y dadalawin nito sa Maynila?

At ang abugadong ito.

Pinagsalikop ng dalaga ang mga palad sa ibabaw ng bilog na mesitang narra, idinukwang ang ulo, halos
ay nakadikit na sa noo ng bintana. "Kailan mo ako sisimulang pintuhuin?"

Napatikwas ang abogado sa inuupuang butaka.

"Guyabano ka pa, tsokolate? Kailan mo ako sisimulang pintuhuin?"

Kumapit ang abugado sa pasamano.

"Pag Linggo, manood kayo sa Metropolitan. Pagkatapos ay kumain sa Nueva. H'wag puro aral."

"Kailan nga?"
Sa wakas ay wala siyang naipagsanggalang kundi ngiti, pagkatapos ay himas sa batok. Nakatuon ang
dalawang siko ng dalaga sa mesita, pilit na inaapuhap ng nagniningning na mga mata ang tumatalilis na
tingin ng binata.

"Ha? Ha? Kailan?"

"Kung ako'y iyong titigilan ay baka ako'y makapag-isip-isip."

Sa labas ay nagsisimula nang magdatingan ang mga pasaherong maghihintay sa huling biyahe ng Silva
Transportation patungong Maynila. Na wala namang kinalaman sa ating dalawang protagonista sapagkat
ang isa'y nakatuon pa rin ang mga siko sa mesitang bilog at ang isa naman kung ito man ay aalis pa ay
hindi naman biyaheng Maynila ang sasakyan.

KATANUNGAN
1. Sa anong panahon sa ating kasaysayan nangyari ang kuwento?

2. Ano ang mga agam-agam nang mga tao nung panahong iyon?.

3. Ano ang kumintang? Sino ang tinutukoy na Prinsesa ng Kumintang? Bakit?

4. Ano ang kalagayan ng Gitna at Hilagang Luzon noon at ngayon?

You might also like