You are on page 1of 16

Ikatlong Markahan Modyul 6

Ikaanim na Linggo

0
Alamin Nat in
Sa Modyul 6 na ito matutunghayan ang mga akdang pampanitikan ng Timog-
Kanlurang Asya. Ang mga aralin ay tutugon sa mga pangangailangan ng mga mag-aaral na
maunawaan ang kultura at pamumuhay hindi lang sa Pilipinas kundi pati na rin sa buong
Asya. Iba‟t ibang gawain ang inihanda para sa mga mag-aaral tulad ng pagbabasa at
pagsusuri ng mga akdang pampanitikan at mga gawain sa gramatika at retorika upang
maging interaktibo ang pagtalakay sa mga aralin.
Ang ikaanim na modyul ay magsisimula sa:

Modyul 6: Alamat ng India

A. Panitikan…………………………Ang Pinagmulan ng Tatlumpu‟t Dalawang


Kuwento ng Trono

B. Wika……………………………...Pang-abay: Pamanahon, Panlunan at


Pamaraan

Pagkatapos ng mga modyul na ito, ang mga mag-aaral ay inaasahang;


 Nabibigyang-kahulugan ang kilos, gawi at karakter ng mga tauhan
batay sa usapang napakinggang F9PN-IIIf-53
 Napatutunayan ang pagiging makatotohanan/ di makatotohanan ng
akda F9PB-IIIf-53
 Nagagamit ang mga pang-abay na pamanahon, panlunan at
pamaraan sa pagbuo ng alamat F9WG-IIIf-55

Subukin Nat in
Ang bahaging ito ang magbubukas ng paunang kaalaman para sa iyo. Ito
ang magbibigay daan para sa dapat mong matutuhan sa Modyul 6. Kung nakuha mo ang
lahat ng tamang sagot (100%), maaari mong laktawan ang bahaging ito ng modyul.

Pangkalahatang Panuto

1. Isulat ang titik ng napili mong sagot sa iyong sagutang papel.


2. Bahagi ng pagsusulit ang pagsunod sa panuto.

1. Ang _______ ay isang uri ng kuwentong bayan at panitikan na nagsasalaysay ng


mga pinagmulan ng mga bagay-bagay sa daigdig.
A. Sanaysay B. Alamat C. Nobela D. Maikling Kuwento
2. Ang pinakamataas sa apat na uri ng kalagayang panlipunan sa India ay tinatawag
na___________?
A. Kshatriya B. Vaishya C. Brahman D. Sudra
3. Sa India ay kilala ang apat na uri ng kalagayang panlipunan na tinatawag nilang __?
A. Varnas B. Brahman C. Sudra D. Vaishya
4. Ito ay mga salitang nagbibigay-turing sa isang pandiwa, pang-uri at kapwa pang-
abay.

1
A. Panghalip B. Pangngalan C. Pang-abay D. Pang-ugnay
5. Nagsasaad ng pook na pinangyarihan ng kilos. Sumasagot sa tanong na saan?
A. Pamanahon B. Pamaraan C. Pang-agam D. Panlunan
6. Sumasagot sa tanong na paano at nagsasaad kung paano ginanap ang kilos.
A. Pamanahon B. Pamaraan C. Panlunan D. Pananggi
7. Nagsasaad ng panahon kung kailan ginawa ang kilos ng pandiwa. Sumasagot sa
tanong na kailan.
A. Panlunan B. Pamanahon C. Pamaraan D. Panang-ayon
8. Nangako ka na babalik ka kahapon. Aling salita ang nagpapahayag ng pang-abay na
pamanahon?
A. nangako B. babalik C. na D. kahapon
9. Tumungo sa hapag-kainan ang magkakapatid. Alin naman ang nagsasaad ng pang-
abay na panlunan?
A. magkakapatid B. tumungo C. sa hapag-kainan D. wala sa nabanggit
10. Niyakap ni Alex nang mahigpit si Zoe. Alin naman ang nagsasaad ng pang-abay na
pamaraan?
A. niyakap B. nang mahigpit C. Zoe D. wala sa nabanggit
11. Lumangoy sila sa swimming pool. Anong uri ng pang-abay ang may salungguhit?
A. Panggaano B. Panlunan C. Pamaraan D. Pamanahon
12. Masarap magluto ng adobo si Menchi. Anong uri ng pang-abay ang may
salungguhit?
A. Pamanahon B. Panlunan C. Pamaraan D. Panggaano
13. Araw-araw nalang naaalala ni Trixy ang kanyang yumaong ina. Ang may salungguhit
ay pang-abay na ____________?
A. Pamanahon B. Pamaraan C. Panlunan D. Panag-ayon
14. Simbolo ng pagmamahal. Gusaling ipinagawa ni Shah Jahan upang magsilbing
libingan ng kaniyang asawang si Mumtaz Mahal.
A. Amber Palace B. Red Fort C. Taj Mahal D. Hawa Mahal
15. Ang relihiyon ng nakararami sa India ay _________.
A. Katolisismo B. Hinduismo C. Budhismo D. Confucianismo

Modyul 6 ALAMAT MULA SA INDIA

A. Panitikan Ang Pinagmulan ng Tatlumpu‟t


Dalawang Kuwento ng Trono

B. Gramatika/Retorika Pang-abay: Pamanahon, Panlunan at


Pamaraan

2
Balikan Nat in
Handa ka na bang balikan ang huling tinalakay? Sa bahaging ito, magbalik-
tanaw ka muna. Tutulungan ka ng mga tanong na inihanda para sa iyo. Alam kong madali
mo itong malalampasan dahil sa ipinapakita mong katiyagaan na matuto.

 Ang Ama (Singapore)  Pang-angkop- na, -ng, -g


 Niyebeng Itim (Tsina)  Pang-ukol- sa, kay/kina, para
 Sino ang Nagkaloob? sa/kay, hinggil sa/kay atbp.
(Pakistan)  Pangatnig-at, ni, o, kaya,
maging, saka, pati atbp.
Mga Tanong:

1. Mula sa asul na bahagi, anong uri ng akdang pampanitikan napapabilang ang


mga akda? Pangatwiranan.
2. Sa gramatikang Filipino, ang nasa kulay kahel ay tinatawag na __________?
Ipaliwanag ang iyong sagot.

Tuklasin Nat in
Ikaw ba ay mahilig maglakbay? Pangarap mo rin bang pumunta sa iba‟t ibang
bansa? Marami na ngayon ang nais kumilala ng iba‟t ibang kultura. Ngunit, upang
maisagawa ang mga ito ay kailangan mo munang magsaliksik. Dahil ito ang tutulong sa iyo
para maging handa ka sa tatahakin mo.
Nakikita mo ang salitang India na nasa gitna. Ano-anong kaisipan, lugar o
imahe ang mga naalala mo sa tuwing naririnig mo ito? Maaari kang maglagay ng mga salita,
larawan gupit o guhit man na may kinalaman sa bansang India. Sa mga linya, isusulat mo
naman ang iyong paliwanag. Alam kong handa ka na. Kaya simulan mo na!

_______________________________________________________
INDIA ___________________________________________________________

________________________________________________________ __________________________________________________________

ALAM MO BA?

Sa India ay kilala ang apat na uri ng kalagayang panlipunan na tinatawag nilang


varnas o caste system. Ang pinakamataas sa mga ito ay ang Brahman o mga kaparian;
sumusunod ang uring Kshatriya o mga mandirigma; kasunod ang Vaishya o mga
mangangalakal; at huli ang Sudra o mga manggagawa. Ang mataas na pagtingin sa mga
Brahman o Brahmin ay nagsimula pa noong panahong Vedic. Magmula noon hanggang ngayon,
wala nang masydong nagbago sa ganitong pagtingin kaya naman ang mga Brahman ay patuloy
pa ring nakatatanggap ng pagkilala subalit ito‟y hindi na naisasalin sa materyal na benepisyo
sapagkat hindi na ito tinatanggap sa kasalukuyan.
Impormasyon mula sa 2013 Encyclopedia Britannica Online
3
Talakayin Nat in
Sa modyul na ito, sisimulan mo ang pag-aaral tungkol sa isang alamat na
mula pa sa India. Bago tayo magpatuloy, para sa iyo, ano ba ang kahulugan ng “yaman”?
Handa ka bang iwan o ipagpalit ito?
Napapaisip ka na siguro tungkol sa mga ito. Upang tulungan kang sagutin
ang mga katanungan na iyan, basahin mo ang alamat tungkol sa “Ang Pinagmulan ng
Tatlumpu‟t Dalawang Kuwento ng Trono”.

ANG PINAGMULAN NG TATLUMPU’T DALAWANG


KUWENTO NG TRONO
(SIMHASANA BATTISI)
Isang Alamat mula sa India

Noong unang panahon, sa isang lugar na tinatawag na Bharat na ngayo'y kilala na


bilang bansa ng India, may isang binata ang naninirahan kasama ang kanyang
matandang ina. Sila‟y kabilang sa mataas na uring panlipunan tinatawag na Brahman
subalit sila nama‟y napakadukha. Tanging maliit na dampa lamang at kapirasong lupang
tinatamnan nila ng gulay ang kanilang pag-aari. Dahil sa kanilang kalagayan ay wala nang
pag-asa ang binatang Brahman na makapag-asawa dahil wala silang salapi o ari-ariang
maiaalay sa pamilya ng mapapangasawa.
“Dapat siguro‟y manghiram o mangutang ka muna sa ating mga kamag-anak at
kaibigan,” ang payo ng ina sa kanyang anak. “Noong kumikita ka pa'y napakarami mo rin
namang taong natulungan,” ang dugtong pa niya.
Nahihiya man ay nakumbinsi naman ng ina ang binatang Brahman na humingi ng
tulong sa kanilang mga kaibigan at kamag-anak. Gustong-gusto niya talagang makapag-
asawa upang may makasama sila ng kanyang matandang ina sa kanilang munting
dampa.
Pagkalipas nga lang ilang linggo ay halos mapuno ang dalawang banga ng ginto
at salaping iniambag ng kanilang mga kaibigan at kamag-anak. At dahil dito, sa wakas,
nakapagpakasal ang binatang Brahman. Siya ngayo‟y may isang maganda at
mapagmahal na asawang nangngangalang Mela. Ang kanyang ina man ay masayang-
masaya dahil may malakas at masipag na manugang na siyang makatutulong sa mga
gawaing mahirap na para sa isang matandang tulad niya tulad ng pagkuha ng
panggatong sa gubat at pagluluto ng pagkain ng pamilya.
Sa tuwing umaalis ang kanyang manugang para mangahoy ay laging
nagpapaalala sa kanya ang matandang babae. “Mag-iingat ka sa mga espiritu, anak. Itali
mong mabuti ang iyong buhok dahil iyan ang hahatakin ng espiritu upang makuha ka,"
ang lagi niyang paalala.
“Huwag po kayong mag-alala, Inang. Lagi ko pong itinatali ang aking buhok," ang
sagot naman ni Mela sa kanyang biyenan. Maingat nga niyang itinatali ang kanyang
buhok sapagkat alam niyang sa dinadaanan niyang mga puno ay may nakatirang
shakchunni, isang espiritu ng maybahay na walang ibang hangad kundi magpanggap
bilang asawa. Ito ang nais ng mga espiritu, ang muling maging bahagi ng isang pamilya at
magpanggap bilang tao. Subalit hindi nila maiisahan si Mela dahil hindi lang siya
maganda, maayos din siya sa katawan at higit sa lahat ay matalino.
Ang akala niya'y masisiyahan na ang kanyang asawa sa kung anong mayroon sila
subalit nagkamali siya. Ngayong ubos na ang salapi at ginto sa kanilang banga ay gusto
uli ng lalaking umalis at makipagsapalaran upang magkaroon pa ng mas maraming
kayamanan. “Asawa ko, bakit kailangan mo pang umalis. Masaya ako kahit mahirap ang
ating buhay basta't magkakasama tayo," ang lumuluhang pakiusap ni Mela sa asawa.
"Kailangan kong umalis, Mela.Tingnan mo nga ang bahay natin, napakahirap.
Gusto kong magkaroon ng malaking bahay at maraming salapi," ang sabi ng lalaki. Hindi

4
na nga napigil ni Mela ang kanyang asawang dali-daling umallis para magtrabaho sa
lungsod. Ang hindi alam ng mag-asawa ay isang espiritu pala ang nakikinig sa punong
pipal na nasa tabi ng kanilang bahay. Naulinigan niya ang usapan ng dalawa. Napangiti
ang espiritu. “Sa wakas, magkakaroon na rin ako ng pamilya,” ang nakangising sabi nito
sa sarili. “Sige, iwan mo ang asawa at ina mo, para sa akin na sila."
Malungkot na malungkot si Mela at ang kanyang biyenan sa pag-alis ng Brahman.
Magkatabi silang lumuluha nang biglang may kumatok. Halos mapalundag sa tuwa ang
dalawang babae nang makita nilang bumalik agad ang Brahman. "Hindi na ako tumuloy.
Hindi ko pala kayo kayang iwan," ang masayang sabi nito sabay yakap sa dalawang
babaeng naiiyak sa tuwa dahil sa pagbabalik ng inaakala nilang Brahman na walang iba
kundi ang espiritu pala sa punong pipal. Wala naman silang napansin kakatwa sa lalaking
bumalik sa kanilang buhay kaya‟t ang buong akala nila‟y ang Brahman nga ito. Kasama
nilang namuhay ang impostor na Brahman sa loob ng isang taon.
Samantala, ang tunay na Brahman ay nagtrabaho sa lungsod. Naging labis siyang
abala sa kanyang mga gawain at sa layuning makapag-ipon ng pera tulad ng pangako
niya sa kanyang ina at asawa kaya't ni hindi siya nakadalaw o nakasulat man lang. Subalit
pagkaraan ng isang taon ay hindi na niya natiis ang pananabik na makita ang ina at
asawa kaya't nagpasya siyang bumalik na sa kanilang nayon. Nagmamadali siyang
umuwi sa dampa, puno ng pananabik. “Tiyak na magiging napakasaya ni Inang at ni Mela
kapag nakita nila akong muli at ipakikita ko sa kanila ang aking mga pasalubong."
Masayang masaya ang Brahman nang pumasok sa pinto ng dampa. Nabigla siya
nang datnang kumakain ng tanghalian ang kanyang ina at asawa kasama ang lalaking
kamukhang-kamukha niya. Biglang tumayo ang lalaki at itinulak ang totoong Brahman
palabas ng pinto. "Umalis ka rito! Ina, Mela, huwag ninyong papabasukin ang lalaking
iyan. Siya'y isang espiritung nagpapanggap na ako" ang sabi nito habang itinutulak palayo
ang bagong dating.
Litong-lito ang ina at si Mela sapagkat magkamukhang-magkamukha ang
dalawang Brahman. “lna, Mela, ako ito. Ako ang iyong anak, Ina! Mela, ako ang iyong
asawa. Huwag kayong maniwala sa espiritung iyan!" ang sigaw ng tunay na Brahman
subalit nakasara na ang kanilang pinto. Anumang pakiusap niya ay hindi siya
pinagbuksan ng ina at ng asawa.
Hindi malaman ng totoong brahman kung ano ang gagawin. “Ito ba ang naging
bunga ng aking paglayo? Nagkaroon nga ako ng salapi at kayamanan, subalit nawala
naman sa akin ang pinakamahahalagang tao sa bahay ko," ang nawawalan ng pag-asa at
buong pagsisising bulong niya sa sarili.
Sa wakas, naipasya niyang humingi ng tulong sa rahang namumuno sa bansa.
Matiyagang nakinig ang raha sa kanyang istorya at pagkaraan ay nag-utos iyon na
paharapin sa kanya ang dalawang binata. Tinitigan niya ang una at pagkatapos ay ang
ikalawa. Magkamukhang-magkamukha sila. Tinanong niya sila ng mga tanong na
maaaring makapagpatunay kung sino ang tunay at kung sino ang impostor ngunit pareho
silang alam na alam ang mga tamang sagot kaya hindi rin mapagpasyahan ng raha kung
sino sa dalawa ang tunay na brahman. Araw-araw ay pumupunta ang tunay na Brahman
sa korte ng raha. Ngunit hindi niya makumbinsi ang raha na isang nagpapanggap na
espiritu ang dahilan ng pagkawala ng kanyang mga mahal sa buhay.
Isang araw, habang malungkot siyang naglalakad pabalik mula sa korte ng raha,
nadaanan niya ang isang grupo ng mga batang lalaking naglalaro sa bukid.
Isa sa mga bata ang patakbong lumapit sa binatang Brahman. "Bakit ka
malungkot?" tanong niya.
"Wala na ang aking ina at asawa. Naagaw sila ng isang impostor na espiritu," iyak
ng Brahman. “Hay napakalungkot ng buhay ko.”
“Lumapit ka sa aming raha," sabi ng bata. "Lumapit ka at sabihin mo sa kanya ang
iyong mga problema at baka matulungan ka niya."
"Pero kagagaling ko lang sa raha. Maging siya ay hindi naniniwalang ako ang
tunay na Brahman."
"Hindi, hindi ang rahang iyon. Lumapit ka sa aming raha," himok ng bata.

5
“Sino ang inyong raha? Tiyak na walang ibang raha sa bayang ito."
"Basta sumama ka at tingnan mo.” Ang bata ay hindi na naghintay ng sagot. Hinila
niya ang kamay ng Brahman at dinala sa lugar na may iba pang mga batang naglalaro.
Isang batang mukhang matalino ang nakaupo sa kanilang gitna at nakaharap sa isang
bunton ng lupa.
Ang batang nagdala sa Brahman ay yumukod nang mababa at nagsalita: "Inyong
Kamahalan, ang lalaking ito‟y may mahiwagang pangyayaring sasabihin at hihingi siya ng
inyong payo."
"Sabihin mo ang iyong kuwento, lalaki, at makikinig kami," sabi ng batang lalaking
tinatawag na "Inyong Kamahalan" ng iba pang mga bata.
“Nagbibiro ba kayo? Ina at asawa ko ang nawala sa akin. Wala akong panahong
makipagbiruan," ang nayayamot na sabi ng Brahman.
"Hindi kami nagbibiro. Gusto ka talaga naming tulungan," sabi ng batang nasa tabi
ng bunton ng lupa.
Ang boses niya'y tunay na nakikiramay. Ang mga bata ay hindi man lamang
tumatawa sa kanya. Kaya nakumbinsi ang kawawang Brahman na sabihin ang lahat ng
nangyari.
“Malulutas ko ang iyong problema,” sabi ng bata pagkatapos marinig ang kuwento
ng Brahman, “pero may isang kondisyon.”
"Ano iyon?"
"Ibibigay ko ang hatol bukas ng umaga, pero papuntahin mo rito ang raha at ang
kanyang mga ministro at lahat ng tao sa bayan."
"Pero ... paano ko sila mapapapunta rito? Papupugutan ako ng ulo ng raha kapag
sinabi ko iyan sa kanya."
"Buweno, nasa iyo na iyan,‟ matatag na sabi ng bata.
Lalong nag-alala ang Brahman. Ngunit tila wala nang iba pang paraan. Kaya
tinapangan niya ang sarili at pumunta siyang muli sa raha para sabihin ang kanyang
kakatwang pakiusap. Sa halip na magalit, naging interesado ang raha at pumayag na
pumunta sa bukid at dalhin ang lahat ng kanyang mga ministro.
Kinaumagahan, ang raha, ang binatang Brahman, at ang lahat ng tao sa nayon ay
pumunta sa bukid. Mangyari pa, ang ina, asawa at maging ang espiritu ay naroon din.
Nakangisi ang espiritu dahil hindi siya naniniwalang magtatagumpay ang batang lalaki
kung saan maging ang makapangyarihang raha ay nabigo.
Yumukod ang batang lalaki sa raha at pumunta sa kanyang puwesto sa bunton ng
lupa.
“Pumarito ako ngayong umaga sapagkat ipinangako mong lulutasin ang
misteryong lumilito sa akin," matigas na sabi ng raha sa bata. "Pero tandaan mo kapag
nabigo ka, parurusahan ka nang mabigat."
“Opo, Inyong Kamahalan," pormal na sagot ng bata.
Pigil ng mga tao ang kanilang paghinga. Isang batang lalaki ang magbibigay ng
katarungan habang ang pinakamakapangyarihang pinuno ng bansa ay nakatayo lamang
at nanonood!
Ang batang lalaki ay humingi muna ng isang boteng may mahaba at makitid na
leeg. Nang iyon ay mailagay na sa kanyang harapan ay nagsalita siya: "lto ang pagsubok
na lulutas sa suliranin ng mga taong ito. Kung sino sa inyong dalawa ang makapapasok
sa loob ng boteng ito ay siyang tunay na Brahman.”
“At kung sinuman ang hindi makakapasok diyan ay mamamatay!" ang
makapangyarihang sabi ng bata.
"Teka, teka, ang naiiyak na tutol ng tunay na Brahman sa pagsubok na sa tingin
niya'y hindi makatarungan. Paano ako makapapasok diyan ay ang laki-laki ko!” ang
kanyang malakas na tutol.
"Kung gayon ay hindi ikaw ang tunay na Brahman. Ikaw, kaya mo?" ang tanong ng
bata! sa isa pang Brahman. “Oo naman, manood kayo," ang masayang-masayang sabi ng
espiritu. Agad siyang nag-anyong hangin at isinilid ang sarili sa loob ng bote. Ito lang ang
hinihintay ng bata. Nang makapasok ang espiritu ay agad niyang tinakpan ang bote.

6
"Heto ang impostor na espiritu," ang sabi niya habang iniaabot sa tunay na
brahman ang bote. Nagawa niyang magpanggap dahil sinamantala niya ang iyong
paghahangad ng mas maraming yaman."
“Nagsisisi po ako," ang mahinang sabi ng tunay na Brahman. “Ang tunay ko po
palang kayamanan ay ang aking minamahal na ina at asawa," ang dugtong pa habang
mahigpit na niyayakap ang kanyang pamilya.
Hindi makapaniwala ang raha. “Saan galing ang iyong katalinuhan? Ni ang rahang
tulad ko‟y hindi naisip ang ginawa mong paraan," ang sabi niya.
“Mga ordinaryong bata po kaming nagpapastol ng baka. Isang araw habang
nanginginain ang aming mga baka ay natagpuan namin ang bunton ng lupang ito.
Nagsasalisi kami sa pag-upo sa harap nito. Napansin po naming ang sinumang maupo sa
harap ng bunton na ito ay nagkakaroon ng pambihirang katalinuhan. Sa araw na ito'y
nagkataong ako ang nakaupo subalit wala po akong kapangyarihan. Ang lahat ay
nagmumula sa bunton ng lupang ito," ang paliwanag ng bata sa raha.
Ipinag-utos ng raha na hukayin ang bunton ng lupa. At sa ilalim ng lupa,
natagpuan nilang nakabaon ang isang magandang tronong tila plataporma. Nababalutan
iyon ng mga alahas at sinusuportahan ng magagandang inukit na mga pigura ng
tatlumpu‟t dalawang anghel.
Agad umakyat sa kinaroroonan ng trono ang raha upang maupo. Inaakala niya
kasing sa pag-upo rito ay magiging matalino rin siya sa pagpapasya at makilala ng buong
mundo ang kanyang katalinuhan ngunit bago pa siya makaupo ay may narinig siyang
tinig. Isa sa mga nililok na pigura ang nagsalita; “Hinto,” sabi niyon. “Ang tronong ito‟y
pag-aari ng dakilang Raha Vikramaditya. Bago ka maupo rito, ipakita mo munang
kapantay mo siya sa tapang at karunungan. Makinig ka at sasabihin namin sa iyo kung
gaano siya kadakila.”
Pagkatapos, isa-isang nagkuwento ang tatlumpu't dalawang anghel tungkol sa
katalinuhan at kagitingan ni Raha Vikramaditya. At nang ang huling istorya ay
maikuwento, binuhat ng mga anghel ang trono, pataas nang pataas sa kalawakan at
lumipad silang kasama niyon sa malayo, malayong-malayo. Naiwan ang raha na nag-iisip
na hindi niya pa taglay ang mga katangiang magbibigay sa kanya ng karangalang umupo
sa trono. Ang ilan sa mga katangiang ito ay kabutihan, lubos na katapatan, pagiging patas
at walang kinikilingan, at pagiging makatarungan.
Subalit bago tayo magwakas, makabubuting sabihin na ito ang pinagmulan ng
tatlumpu‟t dalawang kuwentong naging popular sa buong India. Kilala ang mga ito ngayon
bilang Simhasana Battisi o “Ang Tatlumpu‟t Dalawang Kuwento ng Trono.”

Halaw mula sa The Ghost Brahman (wwwgutenberg.org)


Maaring buksan ang link na ito https://www.youtube.com/watch?v=Zaq_nT1-
LyY&ab_channel=EmmanuelMateo para sa isang masining na paraan ng pagtalakay.

Ang alamat ay isang uri ng kuwentong bayan at panitikan na nagsasalaysay ng mga


pinagmulan ng mga bagay-bagay sa daigdig.

GAWAIN 1: Sagutin Mo
PANUTO: Upang matiyak na iyong naunawaan ang akdang binasa ay sagutin ang
sumusunod na tanong. Isulat ito sa iyong sagutang papel

1. Tama ba ang naging desisyon ng Brahman na makipagsapalaran upang


magkaroon pa ng mas maraming kayamanan? Pangatwiranan.
2. Bakit naging mahirap sa raha ang alamin kung sino ang tunay na Brahman?
3. Ano ang naging realisasyon ng Brahman sa muntik na pagkawala ng mga mahal
niya sa buhay?

7
4. Ayon sa tatlumpu‟t dalawang anghel, ano-anong mga katangian ang dapat
taglayin ng raha upang siya ay makaupo sa trono ng dakilang Raha
Vikramaditya?
5. Anong aral ang tumatak sa iyo mula sa alamat?
GAWAIN 2: Bigyang-Kahulugan!
PANUTO: Makikilala mo kaya ang kahulugan ng mga kilos, gawi at karakter ng mga tauhan
batay sa kanilang mga ginawa o sinabi? Bilugan ang titik ng tamang sagot sa
bawat pahayag.

1. “Asawa ko, bakit kailangan mo pang umalis. Masaya ako kahit mahirap ang ating
buhay basta‟t magkasama tayo.” Ipinakikilala nitong ang asawa ng Brahman ay…
A. matatakutin at nerbiyosa
B. selosa at walang tiwala
C. mapagmahal na asawa
2. “Kailangan kong umalis, Mela. Tingnan mo nga ang buhay natin, napakahirap.
Gusto kong magkaroon ng malaking bahay at maraming salapi.” Ipinakikilala
nitong ang Brahman ay…
A. may mataas na ambisyon at labis na mapaghangad
B. gustong makaranas ng naiibang buhay sa lungsod
C. nagnanais makipagsapalaran at tuloy makaiwas sa mga gawain sa bukid
3. “Hindi na ako tumuloy. Hindi ko pala kayo kayang iwan,” ang masayang sabi nito
sabay yakap sa dalawang babaeng naiiyak sa tuwa dahil sa pagbabalik ng
inaakala nilang Brahman. Ipinakikilala nitong ang espiritu ay…
A. mapanlinlang at mapagsamantala
B. mapagpanggap pero mabait
C. nananabik talaga sa pagmamahal ng isang pamilya
4. “Hindi na po uli ito mangyayari. Ang tunay ko po palang kayamanan ay ang aking
minamahal na ina at asawa, “ ang sabi ng Brahman habang mahigpit na
niyayakap ang kanyang asawa at ina. Ipinakikilala nitong ang Brahman ay…
A. natatakot sa naging pasya ng raha para sa kanya
B. nagsisisi at natuto mula sa kanyang naging karanasan
C. naghihirap ang kalooban dahil sa pangyayari
5. “Ang tronong ito‟y pag-aari ng dakilang Raha Vikramaditya. Bago ka maupo rito,
ipakita mo munang kapantay mo siya sa tapang at dunong. Makinig ka at
sasabihin namin sa iyo kung gaano siya kadakila.” Ipinakikilala ng pahayag na ito
na ang kanilang Raha Vikramaditya ay…
A. isang tanyag at kilalang pinuno
B. isang mahusay at iginagalang na pinuno
C. isang mayaman at hindi malilimutang pinuno
Gawaing halaw sa Dayag, Alma M., et.al. Pinagyamang Pluma 9. Quezon City: Phoenix Publishing House Inc.,
2015.

Pagyamanin Nat in
May mga bago kang impormasyon na nalikom mula sa akdang iyong nabasa.
Mas mapapayaman ito lalo kung magpapatuloy ka ng muli sa susunod na mga gawain at
karagdagang kaalaman tungkol sa gramatika.

GAWAIN 3: Patunayan Mo

Mababasa sa ibaba ang ilang bahagi ng akda. Tukuyin kung ang mga
bahaging ito ay makatotohanan o „di makatotohanan kung ito ba ay nagaganap sa tunay na

8
buhay. Lagyan ng tsek ( √ ) ang kahon ng iyong sagot at saka ipaliwanag o patunayan kung
bakit ito ang pinili mong sagot.

1. Gustong-gusto na ng kanyang ina na magkaasawa na ang kanyang anak.


Tumatanda na kasi ang ina kaya‟t ninanais niyang makapag-asawa ang anak upang
magkaroon siya ng katuwang sa buhay.
Ang pangyayaring ito ay □ makatotohanan □ hindi makatotohanan dahil
___________________________________________________________________

2. Maingat ngang itinatali ng asawa ng Brahman ang kanyang buhok sapagkat alam
niyang sa dinadaanan niyang mga puno ay may nakatirang shakchunni, isang
espiritu ng maybahay na walang ibang hangad kundi magpanggap bilang asawa.
Ang pangyayaring ito ay □ makatotohanan □ hindi makatotohanan dahil
___________________________________________________________________
3. Isang espiritu ang nagbalatkayo para makatira sa maginhawang dampa, at
makaranas magkaroon ng ina at asawa dahil ayaw na niyang tumira sa itaas ng
punongkahoy at sawa na sa pagiging espiritu.
Ang pangyayaring ito ay □ makatotohanan □ hindi makatotohanan dahil
___________________________________________________________________

4. Isang raha ang pinuntahan ng Brahman upang magpatulong sa kanyang mabigat na


suliranin.
Ang pangyayaring ito ay □ makatotohanan □ hindi makatotohanan dahil
___________________________________________________________________
5. Isang espiritung tuwang-tuwa sa nakikinitang tagumpay ang agad nag-anyong
hangin at isinilid ang sarili sa loob ng bote.
Ang pangyayaring ito ay □ makatotohanan □ hindi makatotohanan dahil
___________________________________________________________________

Gawaing halaw sa Dayag, Alma M., et.al. Pinagyamang Pluma 9. Quezon City: Phoenix Publishing House Inc.,
2015.

Kasanayang Panggramatika at Pangretorika


Basahin ang ilang hindi pangkaraniwang bagay na patungkol sa bansang
India. Sa pamamagitan nito ay higit nating makikilala ang kultura‟t tradisyon ng bansang
India.

 Sa India matatagpuan ang pinakamalaki, pinakamatanda, at patuloy na lumalagong


sibilisasyon.
 India ang nakaimbento ng ating paraan ng pagbilang o ang tinatawag na number
system. Dito rin nagsimula ang mga asignaturang Algebra, Trigonometry, at
Calculus.
 Ang templo ng Vishnu sa Lungsod ng Tirupathi na binuo noon pang ikasampung
siglo ay ang pinakamalaking destinasyon ng mga taong naglalakbay sa mga banal
na lugar. Higit pa itong malaki kaysa sa Roma o sa Mecca. May humigit-kumulang
30,000 bisita ang dumadalaw sa templo kaya‟t umaabot sa anim na milyong dolyar
ang naiipong koleksiyon mula sa mga taong ito araw-araw.
 Ang Kumbh Mela ay isang malaking pagdiriwang ng relihiyong Hindu. Ito ay
ipinagdiriwang sa India tuwing ika-12 taon. Noong taong 2001, umabot sa 60 milyong
tao ang dumalo kaya‟t tinagurian itong pinakamalaking pagdiriwang sa buong
mundo.

9
 Sa India nagsimula ang yoga at nanatili nang mahigit 5000 taon.
Mga Impormasyon mula sa:
India.gov.inarchive
http://www.archive.india.gov.in/myindia/myindia_frame.php?id=10

May napapansin ka ba sa loob ng kahon sa itaas? Tingnan mong mabuti ang


mga ito. May ideya ka na ba? Ang mga salitang nakasulat ng madiin ay tinatawag na Pang-
abay. Ang pang-abay ay may pagkakatulad sa gamit ng pang-uri bagama‟t naiba lamang
ang tinuturingan nito. Masasabi mo ba ang kanilang pagkakaiba? Alamin pa ang ilang
mahahalagang impormasyon tungkol sa pang-abay.

PANG-ABAY AT ILANG URI NITO


Pang-abay- ito ay mga salitang nagbibigay-turing sa isang pandiwa, pang-uri at kapwa
pang-abay. Ito ay may iba‟t ibang uri.

1. Pamanahon- Nagsasaad ng panahon kung kailan ginawa ang kilos ng pandiwa.


Sumasagot ito sa tanong na kailan.
Mayroon itong tatlong uri:
 May pananda- nang, sa, noon, kung, kapag, tuwing, buhat, mula, umpisa
at hanggang
Halimbawa: Ang templo ng Vishnu sa Lungsod ng Tirupathi ay
binuo noon pang ikasampung siglo.
 Walang pananda- kahapon, kanina, ngayon, mamaya, bukas, sandali at
iba pa
Halimbawa: Aalis na ako bukas.
 Nagsasaad ng dalas- araw-araw, tuwing umaga, taon-taon, buwan-
buwan at marami pang iba
Halimbawa: Araw-araw ay nagdidilig ng halaman si Aling Lyla.

2. Panlunan- Tumutukoy sa pook na pinangyayarihan o pangyayarihan ng kilos ng


pandiwa. Ito ay sumasagot sa tanong na saan.
Ginagamit ang mga sumusunod:
kay + pangngalang pantanging ngalan ng tao
Halimbawa: Tumawag siya kay Alira upang sabihin ang katotohanan.
kina + maramihang pangngalang pantanging ngalan ng tao
Halimbawa: Nagpaluto ako kina Pilly at Milly ng adobo.
sa + pangngalang pambalana
Halimbawa: Maraming bumibili ng pagkain sa tindahan.
sa + pangngalang pantangi na di ngalan ng tao
Halimbawa: Sa India matatagpuan ang pinakamalaki, pinakamatanda at
patuloy na lumalagong sibilisasyon.
sa + panghalip na panao
Halimbawa: Kukunin nila sa atin ang lupa.
sa + panghalip pamatlig
Halimbawa Naglaba sa ganito si Kels.
3. Pamaraan- Nagsasaad kung paano ginaganap ang kilos na sumasagot sa tanong na
paano.
Halimbawa: Taimtim na nagdarasal si Jaydi.

Mga impormasyon mula sa Dayag, Alma M., et.al. Pinagyamang Pluma 9. Quezon City: Phoenix Publishing
House Inc., 2015, https//tl.m.wikipedia.org/wiki/Pang-abay at https://www.slideshare.net/mobile/anariza94.pang-
abay-na-pamanahon-at-pang-abay-na-panlunan-annariza-germo-53740097

10
GAWAIN 4: Kilalanin Mo
PANUTO: Salungguhitan ang pang-abay o mga pang-abay sa pangungusap. Gumuhit ng
arrow mula sa bawat pang-abay hanggang salitang inilalarawan nito.
1. Ang mga batang pulubi sa lansangan ay tunay na kaawa-awa.
2. Bihirang lubusang nagpapahinga ang mga manggagawa lalo na ang mga nars at doktor
ngayong panahon ng pandemya.
3. nangangailangan.
4. Walang-humpay na bumuhos ang malakas na ulan kagabi.
5. Ang putaheng adobo ito ay masyadong maalat para sa akin.
6. Si John Carlo ay totoong masipag mag-aral kahit walang pagsusulit.
7. Nailikas agad ang mga mamamayan mula sa mga pook na naapektuhan ng sunog sa
Maynila.
8. Dagling kumilos ang mga bumbero upang mapatay ang apoy sa simbahan ng
Pandacan.
9. Ang kinikita naming pera sa araw-araw na pangangailangan ay talagang kulang lalo na
ngayong lockdown.
10. Malimit na magdamagang naglalaro ng Mobile Legends ang mga kabarkada ni Paul.

GAWAIN 5: Tukuyin Mo
PANUTO: Tukuyin ang uri ng pang-abay na ginamit sa bawat pangungusap. Isulat kung ito
ba ay pang-abay na pamanahon, panlunan o pamaraan sa linya.
1. Naglalaro sa parke ang mga bata. _____________________________________
2. Ang mga mag-aaral ay tahimik na nagbabasa. ___________________________
3. Nangako ka sa akin na tatawag ka bukas. _______________________________
4. May inihanda si Din na pagkain sa mesa. _______________________________
5. Binibisita nila araw-araw ang kanilang kaibigan. __________________________
6. Dali-daling niyakap ni Lein ang kanyang kapatid. _________________________
7. Ihatid mo na si Jazzy sa kanyang kwarto. _______________________________
8. Ang pangarap ko ay maglakbay taon-taon. ______________________________
9. “Pwede ba kitang yakapin nang mahigpit?” saad ni Zendy. _________________
10. Pumunta muna si Fen kina Jek at Lissa dahil may hihiramin siyang aklat. ______

Tandaan Nat in
Maraming kaalamang hatid ang mga aralin. Sa bahaging ito, tutulungan kang
mabuod at mas maalala ang mga parte na mababaon mo para sa mga susunod na gagawin.
Dugtungan ang pahayag sa ibaba. Maaari mong gawing batayan ang larawan
upang mas maihayag mo ang iyong natutuhan.

Ang alamat na pinamagatang “Ang


Pinagmulan ng Tatlumpu’t Dalawang
Kuwento ng Trono (Simhasana Battisi)
ay tungkol sa
_______________________________
_______________________________
______ https://www.dreamstime.com https://www.revivehomilies.wordpress.com

11
Isabuhay Nat in
Sa pagpapatibay ng iyong kaalaman, may iilan pang gawain ang dapat
isaalang-alang. Kaya‟t huwag susukuan at malapit mo na itong matapos.

Alamat Ko!
Bilang isang kabataan sa makabagong henerasyon, ikaw ay hinihikayat na
magpasa ng isang orihinal na gawa na alamat. Bagamat sa panahon ngayon ay
nakaliligtaan na ito, ikaw ang mangunguna sa kanila na itaguyod ang pagsasagawa ng
alamat at pangangalaga nito. Sumulat ng sariling alamat tungkol sa mga bagay-bagay na
nasa iyong paligid. Gumamit ng iba‟t ibang uri ng pang-abay lalo na ang pamanahon,
panlunan at pamaraan sa bubuuin mong alamat. Isaalang-alang ang mga pamantayan sa
ibaba. Isulat ito sa isang malinis na intermidiate paper.(Ibibigay ng guro ang pamantayang
gagamitin sa pagmamarka ng gawain)
Maaring kuhanan ng larawan ang natapos na gawain at ipasa sa
messenger ng guro.

Tayahin Nat i n
Alam kong madami kang nakuhang kaalaman sa araling ito. Patunayan mo
kung tunay ngang ikaw ay may natutuhan. Kaya mo bang sagutan ang sumusunod na
katanungan?
Pangkalahatang Panuto
1. Isulat ang titik ng napili mong sagot sa iyong sagutang papel.
2. Bahagi ng pagsusulit ang pagsunod sa panuto.

1. Ano ang totoong dahilan ng pag-alis ni Brahman na kasabay naman nito ay


pagkalungkot ng kanyng asawang si Mela?
A. Para maghanap ng magandang trabaho.
B. Naghahanap siya ng bagong bahay.
C. Dahil siya ay nagkasala kay Mela.
D. Dahil gusto niyang magkaroon ng malaking bahay at maraming salapi.
2. Ayon sa alamat, noong unang panahon ang bansang India ay kilala sa tawag na?
A. Bharat C. Amber
B. Taj D. Hawa
3. Bakit 12abasa12-gusto nang makapag-asawa ni Brahman?
A. Dahil tumatanda na siya.

12
B. Para maibsan ang lungkot
C. Para may makasama sa pagtatrabaho
D. Upang may makasama sila ng kanyang matandang ina.
4. Ano ang madalas binibilin ng biyenan ni Mela sa tuwing siya ay nangangahoy?
A. Mag-ingat siya sa mga espiritu. C. Magdala ng maraming kahoy.
B. Magpahinga kapag pagod na. D. Lahat ay tamang sagot.
5. Ano ang 13abasa13 realisasyon ng totoong Brahman sa muntikang pagkawala ng
kanyang ina at asawa sa kanya?
A. Ang tunay na kayamanan ay ang kanyang minamahal na ina at asawa.
B. Dapat ay hindi na lang siya umalis.
C. Mahalaga ang magsabi ng totoo.
D. Wala sa nabanggit
6. Saang bansa nagmula ang alamat na “Ang Pinagmulan ng Tatlumpu‟t Dalawang
Kuwento ng Trono”?
A. Pakistan C. Dubai
B. Europe D. India
7. Ang mga anak ni Ginang Comte ay magalang na nakikipag-usap sa mga panauhin.
Ang may salungguhit ay pang-abay na _________________.
A. Panlunan C. Pamanahon
B. Pamaraan D. Wala sa nabanggit
8. Sa Ika-24 ng Agosto, 2020 ay magsisimula na ang klase. Ang may salungguhit ay
pang-abay sa pangungusap ay uri ng pang-abay na?
A. Panlunan C. Pamanahon
B. Pamaraan D. Wala sa nabanggit
9. Masipag na nag-aaral ang mga bata. Ang may salungguhit ay pang-abay na
______?
A. Pamanahon C. Pamaraan
B. Panlunan D. Wala sa nabanggit
10. Nagpapahinga sa kuwarto sina Ina at Ama. Ang may salungguhit ay pang-abay na?
A. Pamaraan C. Pamanahon
B. Panlunan D. Wala sa nabanggit
11. Sa harap ng simbahan tayo magkita sa Linggo. Anong salita o parirala ang
nagsasaad ng pang-abay na panlunan sa pangungusap?
A. Linggo C. magkita
B. tayo D. sa harap ng simbahan
12. Bukas ay uuwi ka na sa probinsya. Anong salita ang nagsasaad ng pang-abay na
pamanahon sa pangungusap?
A. uuwi C. probinsya
B. Bukas D. wala sa nabanggit
13. Ang mga damit ay maingat na inaayos ni Zen. Anong salita ang nagsasaad ng pang-
abay na pamaraan sa pangungusap?
A. damit C. Zen
B. inaayos D. maingat
14. Ito ay uri ng pang-abay na sumasagot sa tanong na paano ginawa ang kilos.
A. Pamanahon C. Pamaraan
B. Panlunan D. Wala sa nabanggit
15. Dito matatagpuan ang pinakamalaki, pinakamatanda at patuloy na lumalagong
sibilisasyon.
A. Pilipinas C. Saudi Arabia
B. India D. Wala sa nabanggit

13
Gawin Nat i n
Isang pagbati sa iyong pagpapatuloy upang makarating sa bahaging ito.
Malapit mo nang makumpleto ang modyul kung kaya‟t sagutan na ang huling dalawang
gawain para sa modyul 6.

Wakasan Mo Na!
Binibigyan ka ngayon ng pagkakataong makasulat ng iyong sariling wakas
para sa binasa mong alamat. Bumuo ng sarili mong wakas mula sa bahaging muling
nakapiling ng Brahman ang kanyang pinakamamahal na ina at asawa, pagkatapos
matuklasang siya ang tunay na Brahman at ang mapanlinlang na espiritu ay maisilid sa
isang bote. Isulat ang iyong sagot sa isang buong papel.( Maaring ipasa sa messenger ng
guro ang natapos na Gawain )
Gawaing halaw sa Dayag, Alma M., et.al. Pinagyamang Pluma 9. Quezon City: Phoenix Publishing House Inc.,
2015.

Repleksyon ng Natutuhan!
Pagkatapos mo mabasa ang mga paksa sa modyul na ito, ibahagi mo ang
aral na napulot mo at masasabi mong makatutulong sa iyo at sa kapuwa.

PANUTO: Dugtungan mo ang mga pahayag at ilahad mo ang iyong repleksyon.

 Ang aral na napulot ko ay


_________________________________________________________________
 Ipinamulat sa akin ng akda na
_________________________________________________________________
 Nais kong ibahagi na
________________________________________________________________
__________________________________________________________________

Sanggunian:
 Baisa-Julian, Ailene G., del Rosario, Mary Grace G., Lontoc, Nestor S. & Dayag,
Alma M. 2015. Pinagyamang Pluma 9. Quezon City: Phoenix Publishing House Inc.
 https://www.slideshare.net/mobile/anariza94.pang-abay-na-pamanahon-at-pang-
abay-na-panlunan-annariza-germo-53740097 July 23, 2020
 2013 Encyclopedia Britannica Online
 https://tl.m.wikipedia.org/wiki/Kanlurang_Asya July 11, 2020
 https://www.dreamstime.com July 15, 2020
 https://www.revivehomilies.wordpress.com July 15, 2020
 https://samut-samot.com July 19-20, 2020
 https://www.youtube.com/watch?v=Zaq_nT1-LyY&ab_channel=EmmanuelMateo

14
EXECUTIVE COMMITTEE FOR HYBRID MODULE

Chairperson: DR. MARGARITO B. MATERUM, SDS


Vice –Chairperson: DR. GEORGE P. TIZON-SGOD-Chief
DR. ELLERY G. QUINTIA-CID-Chief

Ex-Officio Members: EDUCATION PROGRAM SUPERVISORS


TAGUIG SECONDARY SCHOOL PRINCIPALS
DR DAISY L. MATAAC, EPS – LRMS/ALS

Secretariat: QUINN NORMAN O. ARREZA

Team Leader/Facilitator: DR. MELEDA H. POLITA

School Head In-Charge: DR. REA MILANA-CRUZ, PRINCIPAL IV

Writer: GINIEL O. CORNELIO

Editors: ROSYL V. ANOOS

MARITA LACANLALE

Content Evaluator/Language Evaluators: MIRIAM C. MABASA

CLARISSA R. SENOSA

Reviewer: DR. JENNIFER G. RAMA, EPS-FILIPINO

Illustrator/Layout Artist: CLARISSA R. SENOSA

ROSYL V. ANOOS

MARITA LACANLALE

Content Validator: JESUSA M. GONZALES

Format and Language Validator: PRIVATE INTERNATIONAL SCHOOLS

REPRESENTATIVES

For inquiries, please write or call:

Schools Division of Taguig City and Pateros Upper Bicutan Taguig City

Telefax: 8384251

Email Address: sdo.tapat@deped.gov.ph

15

You might also like