You are on page 1of 8

IGINIGISA AKO TUWING

UMAGA
EUGENE Y. EVASCO
Hindi pa man nakapagsusuklay,
Kakaripas na agad ako ng takbo
Upang mahagip at sumapit sa masasakyan.
Isang oras bago ang pasukan,
Inip na inip na lahat sa paghihintay.
May mga sekretaryang naaagnas ang kolorete,
May empleyadong lukot na ang uniporme.
Tuwing umaga, sardinas akong makikisiksik
Sa bus, inihahanay ng konduktor
Upang masulit ang puwang ng latang parihaba.
Bagong paligo pa naman ako
At ang katabi ko’y bawang ang kilikili,
Ang isa’y sibuyas na ang hininga;
Kumakalat ito sa aking kabuuan.
Kawaling ibinibiling sa tungko
Ang paggiling ng bus na pilit umiiwas
Sa trapik; para na rin kaming sangkap
Na inihahalo-nagmamantika sa pawis;
Nililigis ng gitgitan at siksikan.
Lalo pa akong nagmamantika
Habang nangangarap maibala sa pana.
Tumitilamsik na ang mantika na nagmumula
Sa tumatalak na pulis sa suwail na tsuper.
Pinapakulo pa sa tila karitelang takbo
Ng sasakyan; lalong pinagliliyab
Ang sugba ng sakuna, kagyat ng ulan, at baha.
Ilang minuto na lamang, kami’y hahanguin na
at ibubuhos sa sulyawan.
Dali-daling ihahatag upang higupin at
namnamin ng amo ng pinapasukan.
Iginigisa ako tuwing umaga, paano kaya
ako isasalang sa darating na hapunan?

You might also like