You are on page 1of 146

Kapag Puso Ang Nangusap by Noelle arroyo

Introduction:

Upang makasama si Cathleen sa pag-uwi ng Yaya Ludy niya sa probinsiya ay kailangan niyang
magpanggap na isang ordinaryong tao. Why, she was the only daughter of the most powerful man in the
country and had a socialite for a mother!

Pero gusto niyang makasama ang yaya niya kahit man lang sa huling mga sandali nito sa mundo. At hindi
niya inakala na may magbabago sa buhay niya sa pagtungo niya sa probinsiya.



Nakilala niya roon si Justin---ang lalaking sa unang pagkikita pa lang ay gumulo na sa isip at puso niya. At
tila interesado rin ito sa kanya.



Aaminin niya sa kanyang sarili na masaya siya kapag kasama niya ito. Alam niya, nahuhulog na rin ang
loob niya rito.



Ngunit paano kapag nalaman nito ang totoong pagkatao niya? Mayroon ba itong sapat na lakas ng loob
para harapin ang mga magulang niya? Paano kung hindi ito pumasa sa pihikang panlasa ng mama niya?

"ALA, EH, una-unahan. Hubuan na!"



Napatigil sa paglalakad pababa sa ilog sina Cathleen, Nikki, at Sol. Namimilog ang mga matang
nagkatinginan sila. Si Nikki ang unang humagikgik. Si Sol ang nakaisip na takpan ng kamay ang bibig ni
Nikki.



Si Cathleen man ay nabitawan ang dalang basket para takpan ang sariling bibig at maitago ang hagikgik
na hindi niya napigilang umalpas. Paano kasi, hindi pa man sila nakakarating doon ay tawanan na sila
nang tawanan dahil sa pagbibiruan sa daan. Alam nilang may daratnan silang mga lalaki sa ilog.



Si Nikki ang nakarinig sa usapan ng mga kapit-bahay nang magtungo ito sa bayan nang nagdaang araw.
At dahil malaking oportunidad daw iyon para makakilala naman siya ng binatilyong taga San Jose---at
para makita na rin nila ang crush nito na matagal na ring ibinibida nito sa kanya---puwedeng
"magkataong" maligo rin sila sa ilog sa parehong oras.



Nagbabakasyon lang siya sa San Jose. Probinsiya iyon ng kanyang Yaya Ludy. Iyon ang unang
pagkakataon na nakarating siya roon. Sila Nikki at Sol ay mga pamangkin ng kanyang yaya na agad
niyang nakapalagayang-loob. Sabi nga ni Nikki, best friends silang tatlo sa dati nilang buhay.



May kasama sila ni Yaya Ludy na bodyguard sa "bakasyong" iyon---for necessity's sake. Pero hindi nila ito
kasama sa bahay para walang makahalata na guwardiyado siya at walang magduda kung sino siya.



Nakatulong na hindi niya nakikita ang bodyguard dahil sa unang pagkakataon sa buhay niya ay nagawa
niyang makapag-ilusyon na malaya siya. Na puwede siyang umaktong tulad din ng ibang teenager na
gaya nina Sol at Nikki.



Kaya humagikgik siya ngayon nang buong lugod. Isinantabi na muna niya ang tamang pagkilos na turo ng
kanyang mama at kinalakihan niya. Iyon din ang dahilan kaya hindi siya tumakbo palayo nang marinig
ang sigaw na iyon mula sa may ilog. Nananatili siya sa kinatatayuan niya at naghihintay ng paghamon
mula sa dalawang kasama.



"Tara, manilip tayo," yaya ni Nikki sa kanila. Sa kanilang tatlo, ito talaga ang malakas ang loob.



Nag-atubili si Sol. "Kapag nahuli tayo, hindi na ako makakapasok sa susunod na pasukan. Mamamatay
muna ako!"



Napahagikgik siya. "Kapag nahuli tayo, okay lang sa akin. Hindi ko na sila makikita pagkatapos ng
bakasyon ko!"



Ang sumunod na tawanan ay hindi na kasintunog tulad kanina. Hindi sinasadyang ipinaalala niya na
malapit na silang magkalayu-layo. Dalawang araw na lang at babalik na sila ni Yaya Ludy sa Maynila.
Tapos na ang eleksiyon. Bukas ay mag-o-oathtaking na ang papa niya. Sa susunod na buwan ay pasukan
na. At hindi niya masasabi kung kailan siya muling makakabalik sa San Jose.



Ang kaalamang iyon ang tila naging dahilan kung bakit lalong naging malakas ang loob nila na
ipagpatuloy ang kapilyahang naisip. Parang isang taon na tumango sila at saka pumihit patungo sa
madawag na bahagi. Iyon ang tanging humaharang sa kanilang kinalalagyan mula sa mga naliligo sa ilog.



"Aruuu! Parang lantang talong ang kay Ariel!" narinig niyang sabi ng isa sa mga naliligo sa ilog.



"Gago! Ano'ng magagawa ko? Malamig ang tubig!" sabi naman ng tinawag na "Ariel."



Naghagalpakan ng tawa ang mga ito.



"Pustahan tayo. Kaya hindi pa makapaghubo si Bernard, hindi pa tuli!"



Habang naririnig ang pag-aasaran ng mga naliligo sa ilog ay hindi naman sila magkamayaw sa pagtawa.
Nakikitawa lang siya kina Sol at Nikki. Wala pa siyang nakikita dahil hindi pa siya nakakabawi sa sobrang
bilis na tibok ng kanyang puso. Pakiramdam niya ay naninikip ang dibdib niya. It was a terror for her to
actually try and peep!



"Justin, Justin, hari ng balbooon!" iyon naman ang paulit-ulit na sinasabi ng mga nasa ilog.



"Raymond, Raymond, reyna ng butete! Mas malaki pa ang tiyan sa titi!"



Sa puntong iyon ay namilipit na si Sol sa katatawa. Para na ring sasabog ang mukha nito sa sobrang
pamumula. Ni hindi na makalabas mula sa bibig nito ang halakhak habang iling nang iling. Sa itsura pa
lang nito, naiiyak na siya sa katatawa.

Pero si Nikki ay seryoso sa paninilip. Namalayan na lang niya na hinihila nito ang t-shirt niya.



"Tignan mo, Cathleen! Bilis!"



Agad na nawala ang tawa niya kasabay ng paninigas sa kinaluluhuran. Hindi talaga niya kaya! Kandailing
siya habang nanlalaban sa paghila nito. "Ayoko!"



"Tange, hindi 'yong bird!" paanas na sambit nito, natatawa. "'Yong Justin. Grabe, sobra at over... Ang
guwapooo!"



Si Sol ay medyo nakakabawi na rin sa kinalugmukan. "Sinong Justin?" tanong nito sa pinsang si Nikki
habang bumabangon.



"Ewan ko. Ngayon ko rin lang nakita. Pero tingnan n'yo, bilis! Tapos, pumulas na tayo kasi baka mahuli
nila tayo!"



Nagkatinginan sila ni Sol. Pareho nilang alam na makakantiyawan na duwag ang sinuman sa kanila na
hindi sisilip. At wala siyang intensyon na sirain ang kanyang bakasyon dahil lang sa sandaling karuwagan.



Pareho silang napalunok ni Sol, pagkatapos ay magkasabay rin silang pumihit. Ilang sandali ang lumipas
bago niya nakita kung sino ang tinutukoy ni Nikki. Kung tutuusin ay hindi na nito kailangan pang ituro
ang binatilyo.



Nag-iisa lang ang matatawag na namumukod-tangi ang kaguwapuhan sa pitong binatilyong naliligo sa
ilog. Pawang nakatayo sa malalaking bato ang mga ito na tila ipinagmamalaki ang anumang dapat
ipagmalaki ng mga ito. Isa lang sa pito ang hindi nakahubad, malamang ay iyong tinawag na "Bernard."



Ang sa hula niya na si Justin ay nakatayo rin sa isang bato, walang anumang saplot sa katawan maliban
sa isang native string bracelet na nasa isang bisig nito. Maputi ito, matangkad, at maganda na ang hubog
ng katawan gayong lahat ng kakilala niyang kasing-edad niyang lalaki, kung hindi payat ay mataba. Hindi
lang ito guwapo, may kung ano pa sa pisikal na presensiya nito na agad na nagpatibok sa puso niya,



"Para siyang artista, ano?" nababaghang sambit ni Nikki sa humahangang boses.



Marahil, lahat sila ay nakatingin kay Justin, dahilan kung bakit hindi agad nila napansin na may isa na sa
mga naliligo ang nakapansin sa malaking hawi ng damuhan sa itaas. Basta narinig na lang nilang
sumigaw ang isa sa mga binatilyo, pagkatapos ay ang pagtalon nito sa tubig.



"May naninilip! Sa 'taas! May naninilip!"



Kanya-kanya na ng paglukso sa tubig ang mga ito. Silang tatlo naman ay ilang saglit na nagkatinginan.
Alam niyang pare-parehong nawalan ng kulay ang kanilang mga mukha.



Sabay-sabay silang tumayo at matapos kunin ang mga dala-dala nila na inilapag nila kanina sa lupa ay
kumaripas na sila ng takbo.



Nagtataka sa kanila ang matatanda habang naghahapunan sila ng gabing iyon dahil panay ang tinginan
nilang tatlo at pagkatapos ay tatawa. Ang tagal tuloy nilang natapos sa pagkain. Tinanong siya ni Yaya
Ludy, pero hindi naman niya masabi rito ang dahilan. Kahit alam nito ang halos lahat ng sekreto niya ay
hindi talaga niya kayang sabihin ang ginawa nila kanina nina Nikki at Sol.



Madaling-araw na sila nakatulog. Panay pa rin kasi ang hagikgikan at bulungan nila kahit nakahiga na
silang tatlo sa kutson na nakalatag sa sahig sa sala.



"Ang pangit pala ng birdie, 'no?" sambit ni Sol na ikinatawa na naman nilang tatlo.



Kinabukasan, habang naghuhubad bago maligo sa banyo, ay saka lang niya napansin na nawawala ang
kuwintas niya na may palawit na dolphin.



"WHAT do you think of this one, darling? Hindi ba maganda para sa iyo? This will look good with the pink
dress we bought the other week. Wear it on your papa's birthday party."



With very dull eyes, Cathleen pretended to regard the necklace that her mother was showing her. Saka
siya marahang tumango. "Yes, Mama. Sige, kayo po ang bahala."



Ngumiti ito at mabilis na isinama ang kuwintas sa iba pang alahas na pinili nito kanina.



Pumihit siya at bumuntong-hininga. Naiinip siya. Hindi niya alam kung bakit gusto nito na lagi siyang
isama sa mga lakarang tulad niyon gayong ito rin naman ang nasusunod sa mga bagay na bibilhin para sa
kanya.



Hindi sinasadyang tumama ang paningin niya sa isang white gold na kuwintas. Ang pendant niyon ay
may design ng isang smooth na dolphin habang nasa punto ng pagtalon mula sa tubig. It looked very
free. Hindi sinasadyang napangiti siya nang may maalalang pendant na halos katulad din niyon. Except
that it was gold. Sinulyapan niya ang saleslady sa kabila ng counter. "Can I see this one, Miss?"



Tumango ang babae at inilabas ang kuwintas. Kinuha niya iyon at inilapat sa kanyang kamay. She knew
she wanted it already. Pumihit siya sa direksiyong kinaroroonan ng kanyang ina.



Pero nasa tabi na pala niya ito at nakakunot ang noo habang nakatingin sa kuwintas na hawak niya.



"Saan mo isusuot 'yan, anak? You're not a teenager anymore."



"But it's cute. I like it," aniya, nararamdaman ang nagiging pamilyar na ngayong pagsisikip ng dibdib niya
tuwing gagamitin nito ang tonong iyon.



"Hija..." bumuntong-hininga ito. "Dalaga ka na. You should wear things na babagay sa posisyon mo sa
buhay. Alin sa mga damit mo ang ibabagay mo sa dolphin na 'yan? My God, you can't wear it when
we're with your father." Her mother even rolled her eyes.



"Puwede kong isuot ito sa bahay, with my day clothes," nagmamatigas na sambit niya. "Mama, ikaw na
rin ang nagsabi, dalaga na ako. Malaki na ako. Hindi ba puwedeng maging free na akong piliin anuman
ang gustuhin ko?"



Her mother regarded her with a stern look. "I've always told your father, you're being protected too
much, spoiled too much. Because of that, 'yong natural na pagiging mahiyain mo ay lalong lumala. Now,
at the age of twenty-five, nagtatago ka sa pagiging bata?"



"Ma---"



"Don't use that tone on me, lady. The minute I can see that you can take care of yourself, pababayaan
na kita. Pero madre de Dios! Simpleng pagpili ng jewelry para sa iyong sarili, you can't even cope? Paano
kita pawawalan sa magulong mundo, anak?"



Ipinabalik nito sa saleslady ang kuwintas. "We're not buying that. Halika. Stay by my side."



Ni hindi nito hinintay na sumunod siya rito. Parang paslit na kinuha nito ang kanyang kamay, hinawakan
ng mahigpit, at hinila. Tumingin ito sa labas ng jewelry store kung saan naroon ang dalawang
bodyguards nila. Kasama nila lagi ang mga iyon sa lahat ng pagkakataong lumalabas sila ng bahay.



"Baka mamaya, may sumusunod na sa atin na mga detractors ng papa mo. I can't forgive myself if
anything happens to you."



Nang nasa tabi na siya nito na parang isang masunuring tuta ay nagpatuloy ito sa pamimili ng alahas.



Nagbaba na lang siya ng tingin sa pagkapahiyang nararamdaman niya. Makintab na makintab ang
marble floor ng shop na iyon. Nakikita niya roon ang repleksiyon niya.



Isang simpleng puting lady shirt ang suot niya. Wala iyong anumang disenyo pero nagkakahalaga ang
damit na iyon nang mahigit sa isang libo. Katerno niyon ang isang eleganteng pantalon na soft green at
doble ang presyo sa lady shirt na suot niya. Ang sapatos niya ay sa Italy pa binili. She wore a single gold
bracelet on her wrist. Suot naman niya sa kanyang leeg ang isang chain na may diamond stud pendant at
ang kapares nitong hikaw naman ang nasa tainga niya. Ang nasa kanyang buhok ay simpleng green clip.
It cost more than an ordinary clip. She had hundreds of clips that were costly. Sa mga clips na iyon pa
lang, puwede nang mabuhay nang maluwag ang isang katamtamang laking pamilya.
Muli siyang napabuntong-hininga. She had everything a girl could wish for. Hindi siya ipokrita para
isiping hindi siya masuwerte sa buhay pero hindi rin naman siya ganoon kaignorante para maniwalang
ang materyal na mga bagay na iyon ang pinakaimportante sa mundo.



There were things that were more important, intangible things that people could not touch. Like respect
among neighbors, happiness and brotherly love, infinite justice, world peace, and freedom to do what
was right... And in her case, freedom to seek what she wanted.



She was even willing to give up everything she had just to experience that freedom.



Pero mabilis din naman siyang nakakaramdam ng guilt kapag naiisip niya iyon. God gave her that life.
She should be thankful.



Para sa kanya---kay Cathleen Benedectine San Diego na nag-iisang anak nina President Dominico San
Diego at First Lady Lucille Mejina San Diego---ang buhay na iyon. Hindi para sa ibang tao.



Dapat bang maghanap pa siya ng ibang klase ng buhay? Tama bang tanggihan niya ang mga iyon kapalit
ng buhay na hindi naman ibinigay para sa kanya? Tama bang magnasang lumaya sa mga bagay na
pakiramdam niya ay nagkukulong sa kanya, gayong napakasuwerte pa nga niya kung ikokompara sa mga
taong malaya ngang matatawag, pero nagugutom, naghahangad ng mga materyal na bagay na taglay
niya?



Ano bang klase ng kalayaan ang hangad niya?



Isang alaala ang agad na nagbigay sa kanya ng eksaktong sagot sa tanong na iyon. Sina Nikki at Sol---ang
mga kaedad niyang nakilala niya sa San Jose. Malalaya ang mga ito---nakakatakbo, nakakatawa ng
malakas, nakapag-iisip nang anumang gustong isipin nang hindi napapahiya sa iba o sa sarili. They had
freedom to believe in something even as foolish as true love...



Pinukaw ng tinig ng mama niya ang pagmumuni-muni niya.



"Cathleen? Let's go, sweetheart. Off to the Salon. Napansin ko kaninang umaga, medyo dry ang buhok
mo. Look at you. Hindi mo inaalagaan ang sarili mo."



Tumingin siya rito. Her mother looked contented being politician's wife. Nag-e-entertain ito, nagbibilad
din sa araw kapag kampanya, nakikisalamuha sa mga kapus-palad na halos araw-araw na ginagawa nito
sa mga charity works nito, at ipinaglalaban ang mga ideolohiyang pinaniniwalaan nito.



Her mother was a tough woman outside the house and she was a tough woman inside. Noong ma-elect
ang papa niya bilang Presidente ng bansa, walang nagduda na makakayang sabayan ng mama niya ang
responsibilities ng isang First Lady. And her mother did it splendidly.



Mula noong mayor pa lang ang kanyang papa hanggang ngayon ay wala siyang narinig na reklamo sa
panig ng mama niya. Maliban sa mga reklamo nito tungkol sa pangangalaga niya sa kanyang sarili.



Pero siya na wala pa talagang napapatunayan sa buhay ay marami nang inirereklamo. Her mother was a
millionaire's daughter, too. Ipinakasal ito sa isang lalaking sa palagay ng mga magulang nito ay karapat-
dapat dito. There used to be times when she would wonder if her mother truly loved her father despite
their beginnings.



Pero kapag naaalala nito ang papa niya sa mga oras na hindi nito ito kasama, nakikita niya kung paanong
mag-alala ito para sa kanyang papa. At kapag narinig nito ang assigned ringing tone ng papa niya sa
cellphone nito ay agad na ngumingiti ito.



It could be because her father was an exceptional man or her grandparents didn't make the mistake of
finding the wrong man for her mother. She knew her mother had found true love.



Kaya ba masyado siyang inaalagaan ng mga ito at pinoprotektahan dahil ang mga ito rin ang
nakatakdang pumili ng mapapangasawa niya?



Gusto agad niyang magprotesta sa ideyang iyon. Wala sa loob na hinila niya ang kanyang kamay mula sa
pagkakahawak ng mama niya.



Tila nagulat naman na tumingin ito sa kanya. Kapagkuwan ay dinama nito ang kanyang noo. "May sakit
ka ba? Bakit para yatang matamlay ka?"
Nag-iwas siya ng tingin. "Nagpuyat ako kagabi because of reading. Don't worry about me, 'Ma."



"Hmm," anito, sa tono ay hindi lubos na naniniwala. "Matulog ka agad pag-uwi natin. Can't have you
looking like this at the party tomorrow. Darating pa naman ang mga Alcaeses kasama ang kanilang
unico hijo. I heard that he's very good-looking, hija. We can't have you looking like this."



Napalunok siya. Parang totoo yata ang hinala niya.



Pag-akyat niya sa kwarto niya nang gabing iyon pagkatapos ng hapunan, nadatnan niya ang kuwintas na
may pendant na dolphin sa ibabaw ng kanyang unan. Napabuntong-hininga siya. Nagi-guilty na naisip
niya ang kanyang mama.



Pero hindi siya nagtungo sa kwarto nito. Kung sakaling totoo ang hinala niya na may balak ito para sa
kanya at sa sinumang Alcaeses na iyon, alam niyang pagsisisihan niya ang paghingi niya ng tawad sa
kagaspangan niya kanina.

2
BLANGKO ang mukha ni Ross habang nakamata ito kay Justin. Napabuntong-hininga tuloy siya. Alam
niyang kahit medyo malakas ang tugtog sa bar na kinaroroonan nila nang mga sandaling iyon ay malinaw
nitong narinig ang sinabi niya.



"Huwag mo nga akong tingnan ng ganyan. Bakit? Have you ever wondered kung ano ang naging buhay
natin if we were not born rich?"



Blangko pa rin ang ekspresyon nito. "No."



Napabuntong-hininga na naman siya. Naramdaman niya ang pagtapik sa balikat niya kaya napapihit siya.
Nalingunan niya ang isa pa nilang kaibigan na si Cliff. Umaasa siyang makahanap ng kakampi rito.



Pero tanging pagkadismaya lang ang nasa nakangiwing ekspresyon nito. "Don't even go there, brod.
Baka mabaliw ka. Sa palagay mo ba, papansinin ka man lang ni Drew if you're poor and mabaho?"



Umangat ang kilay niya sa pagdududa sa sinabi nito. "Hindi lahat ng mahirap, mabaho. Hindi paghihirap
'yon. Katamaran."



"Pare, hindi katamaran 'yon," kontra naman ni Ross. "Kung lahat ng oras mo nauubos sa pagbabanat ng
buto, 'tapos ang kinikita mo ay kulang pa para makabili ng disenteng sabon, shampoo, at pabango, hindi
ka magiging kasimpresko mo ngayon." Inamoy pa siya nito at saka humagalpak ng tawa habang umiiwas
sa nakaambang kamao niya.



"Hindi n'yo ko sineseryoso," aniya. Itinuon niya ang pansin sa inumin niya. "Sinasabi ko na, sana hindi ko
na lang sinabi pa sa inyo ito. Pinagtatawanan n'yo lang ako."



Nagtawanan na naman ang mga ito. Ngunit tumigil naman ang mga ito nang tingnan niya nang masama.



Umiling-iling si Cliff. "Alam mo, brod, panibagong trip mo na naman ito, eh. May bug na naman siguro
diyan sa utak mo. You're just bored. Kung gusto mo, mag-out of the country tayo sa weekend."



"We're always out of the country on weekends," reklamo niya. "At usually, hindi tayo nakakabalik on
working days."



Amused na tumawa si Ross. "Who's working? Pandekorasyon lang tayo sa mga desks na ini-assign sa atin
ng mga magulang natin para masabing responsible ang kanilang mga anak. It has its advantages, though.
Marami rin palang magaganda at may sense kausap sa mga common employees sa company ni
Mommy."



"'Yon na, pare! You've hit it. Walang significant sa buhay natin para masabi talagang we're living. Hindi
tayo---"



"Oh, I'm living," kontra agad ni Ross. Hindi ito sa kanya nakatingin kundi sa ibang direksiyon. Nang
sundan niya ang tinitingnan nito, nakita niya ang isang babae na kapapasok lang at tila nang-aakit sa
paraan ng paglakad nito.



Sumipol si Ross. "Look at that butt," anito sa boses na eksaheradong pinangatal habang nakasunod pa
rin ang tingin sa babae hanggang sa umupo iyon sa stool sa harap ng bar. "I'm out'ta here." Dala ang
mug nito ng beer ay walang lingon-likod na iniwan sila at nilapitan ang babae.



Napailing na lang siya. Hindi na siya nagkomento dahil tiyak na kokontrahin siya ni Cliff. Baka iwan din
siya nito roon.



Kaso, wala sa kanya ang kontrol sa sitwasyon. Maya-maya lang ay may grupong dumating. Kasama sa
mga iyon ang babaeng ilang araw na ring iniiwasan ni Cliff.



Nilagok nito ang iniinom na beer. "Brod, I'm out'ta here, too. Tara, barhopping tayo."



Umiling siya. "Hindi muna, brod. Uubusin ko muna ito, then I'm gone."



Kumunot ang noo nito. "Gone where?"



"Bahala na. Maybe home."



Nagkibit-balikat ito. "Okay." Tumayo na ito , dumukot sa bulsa at nag-iwan ng ilang bills sa mesa. "The
drinks are on me. Ciao!" Mabilis nang nawala ito.



Napatingin na lang uli siya sa inumin niya. Hindi pa iyon nauubos ay tumayo na rin siya at saka umalis.

HINDI alam ni Justin kung bakit umuwi siya sa bahay ng mga magulang niya. Alam niyang wala siyang
daratnan doon maliban sa mga katulong. Nakaramdam lang siya ng kagustuhang makita muli ang dating
kuwarto niya roon.



Kung uuwi kasi siya sa bachelor's pad niya ay wala siyang daratnan doong kahit sino. Kahit paano, sa
bahay ng mga magulang, maririnig niya ang biruan ng mga kasambahay kapag nag-uumpukan ang mga
ito sa hardin.



Ipinasok niya sa garahe ang kanyang BMW. Sinuklian niya ang maluwang na ngisi ng driver na
sumalubong sa kanya. Marahil ay namataan nito sa monitor ang pagbukas ng electronic gate at nakita
ang pagpasok niya.



Mang Ver had been with them since he was a baby. Binata pa ito noon. Ngayon ay biyudo na ito at
pareho nang may asawa ang dalawang anak. Kapag napag-uusapan ang mga supling nito, pakiramdam
niya ay ancient na siya sa edad na beinte-nuwebe.



"Sir Justin, napauwi ka!"



"Oho, Mang Ver. Naghahanap ng matinong kainuman."



Humagalpak ito ng tawa habang tinatapik-tapik ang kanyang likod. "Hindi ngayon. Napansin mo,
maingay sa loob? Dumating na ang daddy at mommy mo. Oo nga pala, ang alam ko pinako-contact ka sa
cellphone mo. Kanina pa iritado si Ma'am. Kailangan ka raw makausap."



Bumagsak ang balikat niya. Hindi niya gustong makausap ang ina dahil tiyak na may hihilingin to sa
kanya na hindi siya handang ibigay. At hindi rin naman laging humihingi ito ng pabor sa kanya dahil
pareho nilang alam na hindi rin naman nito naibibigay ang tunay na kailangan niya mula rito.



His mother was a jet-setter. Mas maraming panahong iniuukol ito sa pagbibiyahe kaysa sa pananatili sa
bahay para asikasuhin ang nag-iisang anak nito. Ang daddy naman niya ay laging abala sa negosyo,
dahilan kung bakit napakayaman ng Alcaeses.



Basically, lumaki siya na wala ang mga magulang. But he had everything money could buy. Siniguro ng
mga ito na wala siyang hahanapin pagdating sa materyal na mga bagay.



Kakasabwatin sana niya si Mang Ver na sabihin sa mga magulang na hindi siya nakita nito ngunit
nakatunog yata ang mommy niya. Magsasalita pa lang siya nang lumabas ito at makita siya.



"Justin! My goodnes! What happened to your phone? Sabi ko sa iyo, magpa-register ka na pero ang tigas
ng ulo mo. Pati kaming mga magulang mo pinagtataguan mo, without consideration whatsoever na
ipaalam man lang sa amin kung nagpalit ka na ng number. These prepaid phones and you!" Pumalatak
ito. "Can't have balls enough to face a female to tell her that you can't talk to her anymore, even your
own mother!"



Iyon ang ayaw niya rito. She was very good at talking a person down. Tiyak na iisipin ng ibang tao na
makakakita sa kanila na ganoon kaepektibo ang mother-son relationship nila.



"Hello, Mom," aniya sa subdued na boses. Ang mahirap sa kanya ay hindi niya kayang saktan ang
damdamin nito. As bitter as he was, he had accepted long ago that even if his mother was like that, she
loved him in the only way she knew.



He had for a grandmother an authentic socialite. She died on a plane crash to Paris at the age of
seventy-six while drinking bourbon in her seat. Anong klaseng anak ang ipo-produce nang ganoong
klaseng ina?



"Hijo, come here ang give your mother a good peck on the cheek."



He obliged. He didn't like the new perfume she was wearing, though. Naamoy na niya iyon kay Drew.
And Drew could flaunt more perfumes in a day than a few words of intellegence in a week.



God, he was so tired of his life!



"May party kaming dadaluhan ng daddy mo, darling. Guess what? Birthday party ni President San Diego.
Umuwi lang ako just for that party, hijo. Do you know that?"



Naitirik niya ang mga mata. Nakita niya ang pigil na ngiti ni Mang Ver habang nakamasid sa kanilang
mag-ina bago ito tumalikod at lumabas ng garahe. "And you wanted me to meet their daughters?"

"Correction, daughter." Nakakunot ang noo ng kaniyang ina. "Hindi ka ba nakapagbabasa ng diyaryo,
hijo? Hindi mo alam na nag-iisa lang ang anak ng Presidente ng bansa mo?" Hindi ito naghintay ng tugon
mula sa kanya dahil nagpatuloy lang ito sa pagsasalita. "Anyway, Cathleen's just the girl for you, hijo.
You'll like her. Hindi lang siya maganda, she's so fresh. Sobrang mahiyain nga lang for my taste."



Mahiyain? Walang mahiyain sa alta-sosyedad. O mas tamang sabihin na walang tunay na mahiyain sa
alta-sosyedad.



"Pero gusto namin siya ng ama mo para sa iyo," anito. "She's not like just anybody like the girls you
date."



"Mom, just last month, pumayag akong i-date ang mukhang lesbian na anak ni Don Fernando Duran just
for you," paalala niya rito.



She waved a hand. "Is she?"



"No." agad na tanggi niya. He started enjoying talking to the woman when she admitted she was a
lesbian. Nahalata raw nito na hindi naman talaga siya interesado rito. Pero naintriga siya sa katalinuhan
nito. At hindi naman niya sisiraan ito sa kanyang ina. It was up to her to admit to the world her sexual
preference. Wala siyang karapatan makialam doon.



"Well, ang babaeng ito, hindi lesbian. She's beautiful, in this subdued, simply expensive way. She could
pull it off, really. That's why I like her."



Napabuntong-hininga siya. "I'll try to be here, Mom."



"Do not be late, or else, maiiwan ka namin at darating tayo roon nang magkakahiwalay."



"I'll try."



Tinitigan siya nito. Ngunit alam nito na maliban sa pangakong iyon ay wala nang makukuha ito mula sa
kanya.



"Have dinner with us," anito sa tonong biglang naging malambing.



"I've already had dinner, Mom. May kukunin lang ako sa room ko."



"Okay. Then at least say hello to your father before you go. Noong isang buwan ka pa niya huling
nakita."



And was that his fault? "Okay."



Hinalikan siya nito sa pisngi, pagkatapos ay pumasok na uli ito sa loob ng bahay. Naiwan sa pang-amoy
niya ang pabango nito. He decided that he would take a shower before leaving.



Hinanap muna niya si Mang Ver sa hardin. Malamang na kasama nito si Tito Noy, ang kanilang
hardinero.



"O? Ano?" nakangising tanong ni Mang Ver nang matagpuan na niya ito.



"Mang Ver, kailangan ko ng matinong kausap."



"Sino naman ang maysabi sa iyong bata ka na makakahanap ka ng matinong tao rito sa bahay n'yo?"
tanong nito, sabay halakhak.



Napailing siya. "No, Mang Ver. Kung ikokompara sa barkada ko, matitino ang mga tao rito."



Nagsalo sila sa isang masayang tawanan.



Unti-unti ay nakadama siya ng pagluluwag ng dibdib. "Nasaan si Tito Noy?"



"Hindi mo pa ba alam?" nakataas ang kilay na tanong nito. "Inatake siya sa puso noong isang linggo kaya
pinagretiro na siya ng daddy mo at pinauwi sa mga kamag-anak niya sa probinsya nila. Mabuti na lang
mild stroke lang. Pero mabuti na iyon at nang makasagap siya ng sariwang hangin."



Agad na nabura ang ngisi sa mukha niya. Nakadama agad siya ng pag-aalala sa matandang nagsilbing
tagapayo niya at buffer noong kabataan niya. "Kumusta na ho ang lagay niya? Bakit hindi man lang ako
nasabihan ni Mommy?"



Ngunit alam niyang hindi na kailangang sagutin nito ang pangalawang tanong niya. Baka nga hanggang
ngayon ay hindi pa alam ng mommy niya ang nangyari. Noong isang buwan ay nasa States ito, doing God
knows what as always.



"Huwag kang mag-alala," ani Mang Ver, sabay tapik sa balikat niya. "Siniguro ng daddy mo na wala nang
aalalahanin pa ang matanda. Bukod sa pensiyon niya, may pabaong malaking halaga ang daddy mo para
sa kanya nang makapagpundar naman siya roon kahit kaunting kabuhayan."

Nanghihinayang na bumuntong hininga siya. Gustong-gusto sana niyang makakuwentuhan si Tito Noy
nang gabing iyon.



Pero bigla siyang nagkaroon ng ideya. "Mang Ver, gusto mo ba akong samahan sa Batangas? Dadalawin
ko si Tito Noy."



Ngumisi ito. Sa madalas niyang pagsama kay Tito Noy sa pagbabakasyon nito sa probinsya, madalas si
Mang Ver ang nagda-drive para sa kanya. Madalas din na dalawang araw pa bago ito nakakabalik sa
Maynila dahil para silang nakawalang mga preso kapag nasa San Jose na sila at magkakasama. Lalo na
noong nagbinata na siya at nakakaisip na rin ng kung anu-anong kalokohan.



"Aba, kailan tayo aalis? Sabihin mo lang, bata. Magpapaalam ako sa daddy mo, tutal, matagal-tagal na
rin akong hindi nakaka-leave."



"Ngayon?"



Kumunot ang noo nito. "Ipapahamak mo naman ako sa mommy mo, bata. Alam mong may
pinadadaluhan sa iyo si Ma'am bukas."



"She'd get over it the next day, habang nagpaplano kung saang lupalop na naman ng mundo siya lilipad
sa susunod na pag-alis niya sa bansa," aniya. "Ano, Mang Ver?"



"Ewan," anito. Pero nang magkatinginan sila, napuno na naman ng tawanan ang hardin. "Puwede," sa
wakas ay pagpayag nito. "Kung dala natin ang sasakyan, walang problema sa biyahe. Makakabalik tayo
rito sa Maynila sa Lunes."



Hindi na niya binanggit na maaaring hindi muna siya bumalik sa Lunes. Baka magtagal siya sa Batangas.



"Paano kung tama ang mommy mo ngayon at magugustuhan mo ang anak ni President San Diego kung
nakilala mo siya? Aba, botante ako ng ama n'on. Hanga ako roon. Biro mo, magiging biyenan mo 'yon?
Baka anak na niya ang hinahanap mo, bata."



Umiling siya. "I don't remember Mom tying my shoelaces for me when I was a child, Mang Ver. Aasahan
mo bang mapupuwersa niya akong magpakasal sa isang babaeng siya ang may gusto?'



Hindi ito sumagot. Umiling na lang ito.



WHAT Cathleen wanted to do was to get out of the dress and stay inside her room instead of talking to
these people like they knew her so well. Naiinis na rin siya sa mga kalalakihang kanina pa niya
nahuhuling nakatingin sa cleavage niya.



She was supposed to be presented to the younger crowd tonight. Iyon ang sabi ng kanyang mama
habang tinutulungan siya nito kanina na magbihis. Sa edad daw niya, dapat ay mayroon na siyang
maraming kakilala.



Sa wakas ay nag-aalala ito kung bakit sa edad na beinte-singko ay hindi pa siya nagkakainteres na
magkaroon ng boyfriend. Kailangan pa ba niyang sabihin dito na sa mga ipinakilala nito sa kanya ay wala
siyang magustuhan kahit isa?



Ipinagpasalamat niya nang malaki na hindi dumating ang anak ng mga Alcaeses. Nang makilala niya ang
mag-asawa, hindi niya masabi kung magugustuhan niya ang sinumang bunga ng pagsasama ng mga ito.



Mr. Alcaeses seemed to be a very serious businessman. Walang ibang lumalabas sa bibig nito kundi
tungkol sa negosyo. Si Mrs. Alcaeses naman ay walang ibang bukambibig kundi ang mga lugar at mga
bansang napuntahan nito. It seemed that the lady spent more time outside the home than inside. They
probably had a very spoiled, bratty, overweight child.



Kaya nakahinga siya ng maluwag nang matapos na ang party. Sa wakas ay makakapagpahinga na siya.
Agad nang nagtungo siya sa kanyang kuwarto. Ngunit bago siya nakatulog ay pumasok ang mama niya.



"You didn't like the party, hmm?"



"Okay lang, Mama."



"Wala ka bang nagustuhan kahit isa sa mga binatang nakilala mo?"



Hindi niya napigilang magtaas ng kilay. Dahil siguro sa pagod, o iritasyon, o tensiyon sa paghihinalang
balak siyang ipakasal nito sa anak ng mga Alcaeses ay kinuwestiyon niya ang sinabi nito gayong hindi
niya iyon dating ginagawa.



"Could you honestly believe na may magugustuhan ako sa lahat ng mga binatang 'yon na nakilala ko
ngayong gabi, Mama?"



Bumuntong-hininga ito. "Kung nakilala mo lang ang anak ni Portia. I like the boy. I've seen him in this
party and... Alam mo naman ako kapag nagkaroon ng impresyon sa ibang tao. I instinctively knew you'd
like him. Bagay na bagay kayo. Hindi ko siya nakitaan ng kayabangan, despite his status in life. Although
I'm telling you, his status in life is more than significant. It would have been good kung nakilala mo man
lang siya at nakausap para malaman natin kung magugustuhan mo siya."



"Mama, tumatanda na ba ako at napipilitan ka nang ihanap na rin ako ng boyfriend?"



Tumawa ito. "Anong boyfriend lang? I won't look for someone less. I'm looking for someone you could
love. Of course, kung hindi mo magugustuhan ang lalaking 'yon, I could find somebody else."



Natunaw ang kanyang puso sa isiping hindi naman pala siya nito pupuwersahin. "You believe in love?"



Ngumiti ito. "I fell in love with you father the first time I saw him. Of course, I do believe in love."



"Pero hindi mo ba naisip na puwede kong hanapin ang true love nang mag-isa?"



Natigilan ito, pagkatapos ay tila hindi makapaniwalang tumawa. "How? When you're so secluded and
you're so shy and you're not going out? See? Kung wala nga ang Yaya Ludy mo, kung wala ako, hindi mo
alam kung anong matinong damit ang isusuot mo sa araw-araw."



Napabuntong-hininga siya. "Mama, kasi---"



"You're still basically a child at the age of twenty-five! How can I leave you by yourself and not worry
that you would not spill your milk?"



"Ma!" sambit niya. Gusto na niyang maiyak sa sinasabi nito.



"Okay, okay, have your rest now. Goodnight, darling. Let's talk in the morning." Hinalikan siya nito sa
noo at lumabas na ng kanyang kuwarto.



Kahit pagod at gusto nang makatulog, hindi naging madali ang gabing iyon para sa kanya.
NANONOOD ng movie sa kuwarto si Cathleen nang pumasok si Yaya Ludy niya roon. Sa halip na
istorbohin siya ay naupo lang ito sa isang silya at nanood din.



Nang matapos ang pelikula ay saka lang niya ito hinarap. Napangiti siya nang makitang nakatulog na ito
sa kinauupuan nito.



"Hay, si Yaya talaga, o." Bumangon siya mula sa gilid ng kama at nilapitan ito. Sa dantay lang ng kanyang
kamay sa balikat nito ay naalimpungatan agad ito. "Nakatulog ho kayo, Yaya. Magpahinga muna kaya
kayo sa kuwarto?"



Umiling ito. "Wala ito."



Hindi siya sumagot ngunit nag-aalala na rin siya sa sinasabi ng ibang mga katulong na kapansin-pansin
kaya Yaya Ludy. Nang mga huling buwan daw kasi ay hindi nakapagkakatulog ang matanda pero bigla na
lang bumabagsak nang wala sa abiso kahit araw, iidlip kahit limang minuto, pagkatapos ay biglang
magigising sa kaunting ingay o kilos. Kapansin-pansin na rin sa kanya iyon ngayon.



"Nagustuhan mo ba ang pinanood mo, hija?"



Ngumiti siya. "Oho."



"Tungkol ba saan? Naku, mabuti pa ay matulog ka na dahil maaga ka pang papasok bukas."



Nagtatakang kumunot ang kanyang noo. "Papasok ho saan?"



"Aba'y sa eskuwela, saan pa?"



Natawa siya bagaman kinakabahan. "Yaya, matagal na akong naka-graduate, ano ka ba?"



Tumaas ang kilay nito. "Kailan pa?" tila nalilitong tanong nito.



Nabura ang ngiti sa labi niya. Lalo siyang nag-alala sa kalagayan nito. Sa edad na setenta y dos, dapat ay
matagal na itong nakapagretiro. Pero mas pinili nitong manatili sa tabi niya kaysa umuwi sa mga kamag-
anak nito sa probinsiya.



Noon namang nagpakita ito ng palatandaan na nahihirapan na itong magserbisyo pa sa kanila, hindi
naman ito pinaalis ng mama niya. Siguro ay hindi rin iyon kayang gawin ng mama niya lalo pa at halatang
hindi pa handang umalis sa poder nila si Yaya Ludy.



Pero nang mga nakaraang araw ay may pakiramdam siya na malapit nang dumating ang sandali na
mawawala na sa kanya ang nag-iisang nilalang na nagbibigay sa kanya ng kalayaang maging siya kapag
magkasama sila.



Si Yaya Ludy lang ang nakakaunawa na kailangan niyang magkaroon ng kalayaan. Noong bata pa siya, ito
ang gumagawa ng paraan para kahit paano ay makatikim naman siya ng lollipop at cotton candy
paminsan-minsan. Noong teenager pa siya, ito ang nagpuslit ng romace novel na nabasa niya. Noong
dalaga na siya ay ito rin ang nakulele ang tainga sa mga kuwento niya tungkol sa mga crushes niya sa
school, kinikilig kasabay niya sa mga love letters na natatanggap niya, at nakiiyak sa kanya noong
nanligaw sa iba ang lihim niyang first love.



Hindi niya ma-imagine kung ano ang magiging buhay niya kung mawawala si Yaya Ludy sa kanya.



Napalunok siya habang inihihilig ang ulo sa mga hita ng kanyang yaya gaya ng madalas niyang gawin
kung may isusumbong siya rito. Awtomatikong umangat ang kamay nito at hinagod ang kanyang buhok.



Pero hindi pagsusumbong ang umalpas sa bibig niya nang mga sandaling iyon. Ang totoo ay matagal na
ring naglalaro sa isip niya ang bagay na iyon. Kapag sinabi niya kasi iyon ay parang siya na rin ang
nagtaboy rito.



"Yaya?"



"Ano 'yon, hija?"



"Hindi mo ba... Hindi ka ba nagwo-wonder paminsan-minsan if you could take a vacation in your
province one of these days? Hindi kaya nami-miss ka na ng mga apo mo, Yaya?" Ang tinutukoy niya ay
ang mga apo nito sa mga pamangkin.



Nang mapikot ng ibang babae ang nobyo nito noon, nawalan na ito ng interes na makipag-relasyon pa
kahit marami namang nanligaw rito. Pero hindi naman nito nakaligtaan ang dalawang kapatid nito sa
probinsiya at tinulungan ang mga iyon sa abot ng makakaya nito.



Sa mga kapatid nito, nagkaroon ito ng parang mga anak-anakan---ang mga kababata niyang sina Sol at
Nikki. Sa iisang pagkakataong nakapagbakasyon siya sa probinsiya ng mga ito, agad na nakapalagayang
loob niya ang dalawa kaya may dalawang inaanak siya sa mga ito. Pareho na kasing may asawa ang mga
ito ngayon.

May mga apo na si Yaya Ludy na dapat ay nakakasama nito sa katandaan at nagpapasaya rito.



Nakadama siya ng matinding usig ng budhi. Pakiramdam niya, sa halip na magkaroon ito ng pagkakataon
na makasama ang mga kamag-anak sa huling mga taon nito sa mundo, inaagaw niya ang mga panahong
iyon gayong halos buong buhay nang kasama niya ito. Pakiramdam niya ay napakasakim niya. She had
been debating about that in her heart for a long time now.



Iyon ang dahilan kung bakit hindi na niya napigilan ang sariling tanungin ito. Gusto niyang malaman kung
gusto ba nitong makasama ang mga kamag-anak nito at ayaw lang nitong sabihin sa kanila o kaya ay
nakakalimutan nito.



"Hus, ano nama'ng gagawin ko roon? Maiiwan lang ako sa bahay habang abala sa pagbubukid sina
Angge at Zeny. Ang mga bata, nag-aaral pa, hindi ko rin makakasama sa maghapon. Sino ang kakausapin
ko sa bahay? Ang mga kuliglig?"



Napatingin siya rito. Kapatid nito sina Tita Zeny at Tita Angge na ayon sa mga sulat nina Nikki at Sol ay
hindi na ngayon nagtratrabaho sa bukid dahil may kakayanan na ang mga itong umupa ng mga
trabahador.



Wala nang iba pang mga bata siyang maisip na tinutukoy nito kundi sina Sol at Nikki mismo, na pareho
nang tapos ng pag-aaral. Ang mga inaanak naman niya ay masyado pang bata para pumasok sa
eskuwelahan.



Kung nakalimutan ni Yaya Ludy ang lahat ng iyon, may matinding problema sa alaala nito.



"H-hindi mo ba gustong makasama ang mga apo mo, Yaya?" tanong niya. Nagsisikip ang kanyang dibdib
sa pag-aalala rito.



"Mga apo?" sambit agd nito, nakakunot ang noo. "Aba'y sinong mga apo, hija?"



Ilang sandaling nanatiling nakatitig lang siya rito. Naramdaman lang niya ang pagtulo ng kanyang mga
luha kaya napahigpit ang pagkakayakap niya rito. Pumihit siya at inabot ang telepono. Narinig pa niyang
itinatanong nito kung papasok daw ba siya sa eskuwelahan. Baka raw mahuli siya.



"Mama?" agad na sambit niya nang marinig ang boses ng ina sa kabilang linya.



"Cathleen? I'm in the middle of a---"



"Mama, can I go out? Narito naman ang isang driver, magpapasama ako. Importante lang, please?"



Nahimigan yata nito sa boses niya ang matinding pagkabagabag. "Bakit, anak? May problema ba?"



"Yes. I think I need to bring Yaya Ludy to the doctor."


"SA PALAGAY mo, Tito Noy, ano'ng chance na makabingwit ako ng matinong dalagang Pilipina rito sa
probinsiya n'yo nang hindi ako mamomroblema kung mana ko lang ang habol niya?" tanong ni Justin sa
matandang may sambalilo sa ulo. Nakaupo siya sa sanga ng puno ng kaymito at ikinukuyakoy ang isang
paa.



Tiningala siya nito bago nakaismid na ibinalik ang atensiyon sa halamang binubungkal nito sa lupa. "Huu!
Sa klase ng pamumuhay na ginagawa mo sa kasalukuyan, sino namang matinong dalagang Pilipina ang
papatol sa iyo, mayaman ka man o hindi?"



Napangisi siya. "Kaya hindi kita maiwan-iwan, Tito Noy. Nami-miss ko ang maitim na sense of humor
mo." May tatlong araw na rin siya roon. Nang nagdaang araw pa umalis si Mang Ver pabalik sa Maynila.



Tatawa-tawang nagmuwestra ito na bumaba siya. "Baka may makakita sa iyo, mapagkamalan ka pang
unggoy."



Agad namang tumalima siya. Patayong lumapag ang mga paa niya sa lupa. Sanay siya sa pag-akyat at
pagbaba ng puno. Noon pa mang bata pa siya at nagbabakasyon doon ay kinakitaan na siya ng
kasanayan sa gawaing yon.



Ang unang punong naakyat niya ay ang santol sa bakuran nina Tito Noy. Kahit nga sa bahay ng mga
magulang, kadalasang nasa itaas siya ng puno kapag nakikipagkuwentuhan dito at inaasikaso naman nito
ang hardin.



"'Kala ko ba, nagpaalam kayo sa may-ari ng lupa bago tayo pumasok dito? Bakit nagmamadali tayo?"
nagtatakang tanong niya.



"Nagsinungaling ako," pag-amin nito nang wala man lang bakas ng kahihiyan sa mukha o sa tinig. "Kung
magpapaalam ako, baka pabayaran pa itong kaunting halaman na kinuha ko. Marami naman sila nito."



Napakamot siya sa batok. "Tito Noy, naman! Madadamay pa ako ng trespassing at kidnapping of plants
niyan kapag may nakahuli sa atin dito, eh. Kaya naman pala mas gusto mong dumale ngayong
katanghaliang-tapat..." paninisi niya habang nakatingala sa maaliwalas na kalangitan. "Nanananghalian
pa ang mga tao!"



Tumawa ito. Alam niyang hindi iyon dahil sa sinabi niya kundi dahil sa panggagaya niya sa punto ng mga
Batangueo. Noon pa man ay bihasa na siya roon.



"Magkano ba 'yan kung babayaran?" naisip niyang itanong.



Kumunot ang noo nito kaya kinabahan siya.



"Bakit, Tito Noy? Ano bang halaman 'yan?"



"Rambutan at mangga."



Napatingin siya sa nag-iisang halamang maingat nitong dala sa dalawang kamay. "Niloloko n'yo ba ako?
Eh, iisang halaman lang 'yan."



"Narinig mo na ba 'yong tinatawag na budding?"



Sa sinabi nito ay nahulaan na niya ang ibig sabihin nito. Malamang na sa kahit anong halaga ay hindi iyon
ipagbibili rito ng may-ari.



Lalo namang hindi iyon ipamimigay.



Kinakabahang inilibot niya ang tingin sa paligid. "Naku, Tito Noy. Nalintikan na. May nakita akong tao
roon, o."



Walang sabi-sabi ay kumaripas ito ng takbo.



Naiwan siya sa kinatatayuan na humahalakhak. Ngunit agad din siyang napatigil nang maisip ang
maaaring implikasyon ng ginawa niya. Na baka atakihin ito ng sakit nito. Sobra-sobra naman yatang
parusa iyon sa iisang halamang ninakaw.



Mabilis na sinundan niya ito upang sabihin na puwede na itong tumigil sa pagtakbo.
NAKAHINGA nang maluwag si Cathleen nang agad na sumang-ayon ang mga magulang niya sa
suhestiyon niya nang gabing iyon nang seryoso niyang kinausap ang mga ito pagkatapos ng hapunan.



Masuwerte siya dahil walang function na dadaluhan ang mga ito nang gabing iyon at nakauwi nang
maaga ang papa niya. Normal na rito na madaling-araw nang nakakapagpahinga.



"We can see you've thought this through. Hayaan mo, anak. Sabihin mo lang kung kailan para
masabihan ko ang isa sa mga drivers na ihatid siya sa kanila sa Batangas."



Kinakabahang nagbaba siya ng tingin. Mayroon pa siyang isang bagay na gustong hilingin sa mga ito.



"'Pa, 'Ma, puwede ba akong sumama kay Yaya Ludy?" tanong niya bago pa siya panghinaan ng loob.
Hindi rin niya hinayaang makapagprotesta ang mga ito.



"I will miss her terribly. Isa pa, gusto kong masiguro na maayos siya bago ko siya iwan. Pangalawa, gusto
kong makahanap ng doktor na titingin sa kanya roon kapag wala na ako. Alam n'yo na, hindi karaniwang
kinikilala sa mga probinsiya ang sakit na meron si Yaya."



Alzheimer's disease ang diagnosis ng doktor dito. "Ayokong pagkatapos niya akong alagaan ay
pababayaan ko na lang siya sa mga huling araw niya."



Her parents were not the kind of people who would butt in when she was talking like that. Besides, ang
papa niya ang nagturo kung paano ikakatwiran nang malinaw ang kanyang mga hinaing o kahilingan sa
mga ito.



Tahimik lang ang mga ito nang matapos siya sa pagsasalita. Ang mama niya ang unang nagsalita.



"Anak, alam mo ba kung gaano kaseryoso at kadelikado ang batas na sinusuportahan ng papa mo
ngayon sa Senado? He's recieving death threats in the mail everyday. Most of them from drug dealers.
Hindi natin alam kung ano'ng mangyayari bukas."



She had already thought of that. May nakahanda na siyang sagot. "I could consent to a bodyguard as
long as he would stay at the distance, gaya noon, Papa."



Dito siya tumingin. "Naaalala n'yo ba noong high school pa ako when I had to go with Yaya Ludy to the
province during the campaign because you were recieving death threats? Remember we had to disguise
ourselves. Nagkunwari kaming magtiya. We already know na mapagkakatiwalaan ang mga kamag-anak
ni Yaya. I'm sure, hindi ako mabibisto."



Nagkatinginan ang mga ito, pagkatapos ay matamang tinitigan siya ng kanyang mama. "No, anak.
Masyadong delikado."



She wanted to cry in despair. "Ma, ang sabi ng doktor kanina, hindi na magtatagal si Yaya Ludy. Barely a
year or six months. More like six months. There's too little time. 'Ma, please. I want to be with Yaya
within that six months. Kahit maki-share na lang ako sa pamilya niya. Please..."



She was already crying. Pagkatapos ng diagnosis kanina ng doktor, hindi pa niya nagagawang umiyak.
Ngayon pa lang.



Tumayo ang mama niya mula sa sofa at niyakap siya.



"I think what our daughter is trying to tell us, Lucille, is that she couldn't part with her yaya yet," sabi ng
papa niya pagkatapos ng mahabang sandali.



May pag-asang agad na nabuhay sa dibdib niya. Nag-angat siya ng mukha at tumingin dito. "'Pa,
please?"



Agad namang nagprotesta ang mama niya. "Pero Dom, napakadelikado---"



"She's already twenty-five, Lucille. Hindi ba nakakahiya kung hanggang ngayon ay hindi pa rin natin siya
mapabayaang makapagdesisyon kung ano ang gusto niya sa kanyang buhay?"



"But she's too young emotionally---"



"Lucille," pabuntong-hiningang sabi ng papa niya bago tumayo na rin mula sa sofa. "You've been making
the choices for her for so long. Nawalan na siya ng chance to grow up. Let her go," anito sa kalmadong
boses. He sounded like he was just talking about the weather. Pero nakita niya ang ginawa nitong
pagkindat sa kanya bago nito inakbayan ang kanyang mama.
"Besides, there are ways para ma-ensure natin ang kaligtasan niya. Tama siya, puwede natin siyang
pasamahan sa isa, o kaya ay dalawang bodyguards. She could disguise herself like before. Mabuti na
lang, ipinanganak na kayumanggi ang anak natin, nagmana sa akin. Hindi siya mapagkakamalang anak ng
isang aristokratang tulad mo kung magsusuot siya ng simpleng mga damit at iiwan ang kanyang mga
alahas."



"Dom!" sambit ng kanyang mama na pinalo sa braso ang papa niya. Pero nasa mga labi naman nito ang
ngiti.



Hinawakan ng papa niya ang kamay ng kanyang mama. "Payagan mo na siya, Lucille. Ikaw, naaalala mo
pa ba noong pumanaw si Yaya Crissy?" Sa kanya tumingin ang kanyang papa. "Your mother cried a
damful of tears."



Agad namang nangilid ang luha sa mga mata ng kanyang ina. "Yes. Yaya Crissy was like a mother to me.
Isa pa, she survived my own mother. Noong namatay siya, pakiramdam ko, para akong naulila."



"Ano ka ba? Asawa na kita noong namatay ang yaya mo," biro ng papa niya. "At anak na natin noon si
Cathleen."



Ngumiti ang mama niya. "Si Yaya Crissy ang nagbigay ng pangalan kay Cathleen, remember?"



Kumunot ang noo ng papa niya. "I thought my mother did that?"



Hinampas na naman ito ng mama niya sa braso. "Si Yaya, Dom! For someone so intellegent,
nakakalimutan mo ang ganoon kaimportanteng detalye? What kind of a father are you?"



Palihim na kumindat sa kanya ang ama. "The kind of father who could see we're leaving our daughter to
suffer in silence."



Bumaling sa kanya ang kanyang mama. "Ano'ng gagawin namin sa iyo?"



Nilakasan niya ang kanyang loob. "Let me leave with Yaya Ludy."



Tumingin ito sa kanyang papa at muling bumuntong-hininga. "Well, since you're very keen at the idea,
ikaw ang pababayaan kong magdesisyon."



"Just like you to shy away from the fire," nakangiting reklamo ng papa niya.



Natawa siya. Alam niyang sa puntong iyon ay nakuha na niya ang kanyang gusto.



"All right, Cathleen," sa wakas ay sabi nito. "You could go."


MULA sa paghihikahos noong mga bata pa ang mga ito, naitaguyod ng mga kapatid ng Yaya Ludy ni
Cathleen, katulong ng naging mga asawa ng mga ito at ng pinansyal na tulong ng kanyang mga magulang
ang The Sister's Farm.



Nang mamatay kasi ang mga magulang nina Yaya Ludy, ang ilan sa sampung ektaryang lupang pag-aari
nito noon ay malapit nang mailit ng bangko. Naalala ni Cathleen na umiyak noon ang yaya niya sa
kanyang mama na tulungan itong maisalba ang kabuhayan ng mga kapatid nito.



Her mother gave Yaya Ludy a loan. Kaya nabawi ang lupaing nakasanla. Nang makapag-asawa ang mga
kapatid nito ng masisipag na mga magsasaka, nagsimulang kumita ang bukid. Sa tulong ng kinikita at ng
mga ipinapadala ni Yaya Ludy sa mga kapatid, nagawang maibangon at maging productive ang lupa.



Ngayon, ang sampung ektarya ay dumoble na. At kahit matagal ng nabayaran ang loan na ipinahiram
noong ng kanyang mga magulang kay Yaya Ludy, hanggang ngayon ay itinuturing pa ring isang
obligasyon ng mga kapatid nito ang pagbabayad ng utang-na-loob sa kanyang pamilya.



Kaya nang dumating sila roon ay nasunod lahat ng kahilingan niya. Maging ang dalawang apo ni Yaya
Ludy ay pinaniwalang malayo siyang kamag-anak sa takot na baka sa batang edad ay makapagdaldal ang
mga ito sa mga kalaro tungkol sa kung sino siya. Ang alam lang ng mga bata, ninang siya ng mga ito.
Maliban doon ay wala na.



Nag-iyakan sila Tita Zeny at Tita Angge nang mayakap na ng mga ito si Yaya Ludy. Maging siya ang
napaiyak at napasama siya sa yakap ng mga magkakapatid nang kabigin siya ni Tita Angge. Pagkatapos
niyon ay nagyakapan din sila nina Sol at Nikki.



Ang buong angkan ay nakatira sa luma pero ipinare-model at pinalaking farmhouse na matatagpuan sa
bukana ng The Sister's Farm. Noong makapag-asawa kasi sina Tita Zeny at Tita Angge ay hindi pumayag
ang mga ito na mahiwalay pa sa isa't isa. Pinagsama ng mga ito ang mga pamilya sa bahay na iyon. Hindi
naman magawang magreklamo ng asa-asawa ng mga ito.

"ABA'Y pagkaganda na ng pamangkin kong are!" ani Tita Angge sa kanya nang mahimasmasan na ito na
nagawa nang ngumiti sa lahat. Nagsisimula na rin itong magbiro.



"Hindi ba't magkamukhang-magkamukha kami?" tanong nito sa natatawang mga nakamasid habang
nakaakbay sa kanya. Pinagdikit pa nito ang pisngi nila. "Kita n'yo?"



Napailing si Sol. "Si Inay talaga, ambisyosa. May balak pang maging First Lady."



Hinampas ni Tita Angge sa balikat si Sol.



Nang nasa komedor na sila at magkakaharap sa masaganang merienda na nakahanda ay saka lang sila
nagkaroon ng pagkakataon nina Sol at Nikki na magkumustahan habang nagkakaingay naman ang
dalawang bata. Pagkakuha ng pagkain ay nag-umpukan na silang tatlo sa isang sulok ng bahay.



Sa tingin niya ay lalong naging blooming si Nikki nang makapag-asawa. Si Sol naman, kahit medyo
tumaba ay naging mas masayang tingnan. Ito ang pinakahawig kay Yaya Ludy sa mga pamangkin nito.
Mabilog ang pangangatawan nito, hindi katangkaran, at may mababait, laging nakakaunawang mga
mata.



Si Nikki naman ay kabaliktaran ni Sol sa hitsura. Mas matangkad ito, slim, may magandang bukas ng
mukha, at may mga matang tila laging may itinatagong kapilyahan. Natural na mas madaldal at mas
impulsive ito. Hindi katulad ni Sol mas matured ang mga pananaw sa buhay at tila laging nag-iisip muna
bago mag-salita. Pero gaano man kalayo ang personalidad ng mga ito ay ganoon naman ka-close sa isa't
isa ang mga ito.



"Sa huling sulat sa amin ni Tiya Ludy noong isang taon, hindi ka pa rin daw nakakapaghanap ng
mapapangasawa," ani Nikki. "Grabe ka! Kailan ka hahabol sa amin, ha?"



Sinaway ito ni Sol. "Hoy, ano ka ba? Nakakahiya kay Leen." Nakasanayan na ng dalawa na tawagin siya
ng ganoon noong una siyang magbakasyon doon. "Mabuti naman at pinayagan ka ng Mama mo. Akala
namin, hindi ka na namin makakasama uli rito."



Ngumiwi siya. "Iniyakan ko kasi. Hindi talaga ako papayag na hindi sumama kay Yaya Ludy rito."



May luha sa mga matang sinulyapan ni Sol ang tiyahin na nakaupo sa isang rocking chair at
kinukuwentuhan nina Tita Zeny at Tita Angge.



"Akala namin, hindi na titigil sina Inay sa kaiiyak mula nang matanggap ang tawag mo. Nabigla kaming
lahat."



Bumuntong-hininga siya at nagbaba ng tingin. "Sana noon ko pa siya ipina-check up, para noon pa,
naiuwi ko agad siya..."



"Ano ka ba? Hindi ka dapat makaramdam ng ganyan. Sino ba ang mag-iisip na magkakasakit si Tiya
Ludy?"



"Ang naaalala lang niya, high school pa lang tayo. Hindi niya kilala ang mga bata."



Nakatingin pa rin si Sol kay Yaya Ludy. "Ang nakikita ko, hindi man niya kilala sila Royal at Lilibeth,
hinahawakan niya ang ulo ng mga bata na parang gusto niyang i-bless. Nakangiti siya. Tingnan n'yo."



Sabay silang lumingon ni Nikki. Totoo nga ang sinasabi ni Sol.



Nakangiting tumingin sa kanya si Nikki, "O? Ano pa'ng inaalala mo?"



Nakadama siya ng kapayapaan sa kanyang sarili.



Nang magpaalam saglit sina Sol at Nikki para asikasuhin ang mga anak ng mga ito ay pumasok na rin siya
sa kuwartong gagamitin niya habang naroon siya. Nasa ibabaw na ng kama niya ang kanyang bag.



Isinara na niya ang pinto. "At last," sambit niya sa sarili.



She was free.

NANG hapong iyon ay naglakad-lakad sina Cathleen at Sol sa bukid. Si Nikki ay
sumabay sa driver hanggang sa bayan dahil may kailangan daw itong bilhin sa
palengke para sa putaheng iluluto kinagabihan.

Nag-uusap sila ni Sol habang naglalakad. Halata ang debosyon nito sa lupaing
pinagtulung-tulungang ibangon ng mga magulang nito at mga tiyahin. Nahihiyang itinuro
nito ang paboritong lugar nito sa farm. Ito raw mismo ang nag-aasikaso niyon.

It seemed that what started as a hobby had become a big project at the farm. Noon pa
man ay mahilig na ito sa pagba-budding ng mga ornamental plants at mga
namumungang puno. Ginagawa lang nito iyon sa likod-bahay ng mga ito. Nang lumaon
ay bumili na raw ito ng mga libro tungkol doon at dumadalo sa mga seminars, at
sineseryoso na nito iyon.

Iginaya siya nito sa greenhouse. Malayo pa lang ay natatanaw na niya ang bubong
niyon sa itaas ng mga puno ng mangga sa paligid. May malaki ring puwang mula sa
mga puno hanggang sa mga dingding ng greenhouse dahil may mga ibang halaman
pa pala roon na inaalagaan nito na hindi na kailangang ipasok sa loob ng greenhouse.

"There's a white avocado," anito, habang nakaturo sa isang maliit pa lang na
puno. "Sayang nga lang at wala pa siyang bunga ngayon. May budding na
sinigwelas na idinikit ko sa duhat kaya lang..." Tumawa ito.

"Hindi namin matukoy kung ano 'yong lasa. Tingnan natin mamaya kung may
bunga. Of course 'yong mga dati nang succesful na budding, sinubukan ko rin.
May ilang puno ng apple mango sa likod sa likod-bahay namin na madalas nang
mamunga ngayon. May nagawa akong mas malaking variety ng star apple noon.
But I'll have to try it again. Hindi ko alam kung bakit pagkatapos mamunga ng
isang season, namamatay 'yong puno," natatawang sabi nito.

"Sana natikman mo yung puno ng balingbing at sinigwelas. Nabaliw ako isang
hapon na meron ako at sinubukan ko iyon. Kaya lang, wala sa season. Kung
makikita mo lang ang hitsura ng naging bunga. Ewan ko. Green pa rin, pero may
kakatwang hugis. Parang balingbing na hindi natuloy mabuo. Pero masarap!"

May nilapitan silang isang mura pang puno na nasa isang malaking paso sa labas ng
greenhouse.

"Itong isang ito, hindi ko pa alam kung ano ang kalalabasan. Hulaan mo kung ano
ito."

Napangiti siya. "Ano?"

"Rambutan at mangga."

Namilog ang mga mata niya sa pagkamangha. "Rambutan at mangga?"

Tumawa ito nang malakas. "Iniisip mo pa lang ang dalawang prutas na iyon na
magsasama sa tiyan mo, mangangasim ka na di'ba?" anito. "May isa pa nito sa
bandang likod, at isa pa sa dulo ng rambutan na nakatanim na sa lupa. Nakuha ko
kasi ang budding ng puno ng rambutan sa isang trabahador namin dito na
bumisita sa mga kamag-anak niya sa Mindoro. Ipinasalubong niya sa akin.
Itinanim ko rito at namunga. Nagustuhan ko naman ang bunga kasi 'yon bang
tiklupin na variety na matamis sa panlasa? Pumili ako ng magandang spot dito sa
bukid na puwede kong pagtaniman, 'tapos gumawa ako ng nursey. May nabuhay
akong labinsiyam na puno, kaya lang isang taon pa bago mamunga. Hindi ko
alam kung magiging pareho ring kasinsarap ng magiging mga bunga niyon 'yong
pinagkuhanan kong puno. Alam mo na, iba ang lupa rito sa Batangas sa lupa sa
Mindoro. Mas bagay sa rambutan ang lupa at klima roon."

"Hindi kaya naglilihi ka noong maisip mong gawin lahat ng mga ito?" nagbibirong
tanong niya.

Tumawa ito. "Oo nga, 'no? O kaya, siguro may bisita ako no'n. Hindi ko na
maalala!"

"Gusto ko ang amoy ng apple mango, lalo na kapag hinog na. Naaalala mo 'yong
ipinasalubong n'yo noon sa akin? Na-miss ko talaga 'yon nang maubos na. Wala
naman kasing basta mabiling ganoon sa Manila."

"Kung ganoon, magsasawa ka sa apple mango rito. Magpapahinog pa tayo sa
puno kung gusto mo!"

Tumawa siya. "Solve!"

PAGKAGALING sa greenhouse ay nagpatuloy sa paglilibot sina Cathleen at Sol.
Tumuloy sila sa taniman ng rambutan na sinasabi ni Sol. Nawiwili na sila sa
kuwentuhan. Sinusundan pala kasi nito sa balita ang career ng kanyang papa. Siya
naman ang nagkuwento rito tungkol sa buhay niya sa Maynila.

Nakakahiyang ni hindi siya inabot ng kalahating oras sa pagkukuwento gayong sa
paksa nila kanina tungkol sa mga pananim nito ay halos dalawang oras ang ginugol
nila. Wala naman kasi siyang masyadong ikukuwento. Masyadong monotonous ang
buhay niya sa araw-araw kahit pa sabihing sa Malacaan siya nakatira.

Ilang sandaling tinitigan siya nito. "Hindi ka ba nalulungkot sa buhay mo sa
Maynila?"

Bahagya siyang ngumiti. "Kaya nga hindi ko maintindihan kung matutuwa ako o
malulungkot sa bakasyon kong ito, Sol. Bakit kailangang may ganoon pa
kagrabeng dahilan para makapunta uli ako rito?"

Inakbayan siya nito. "Hayaan mo, habang naririto ka, dalaga muna kaming dalawa
ni Nikki. Parang dati."

Natawa siya. "Nakakahiya kina Orly at Wilson," aniya, tinutukoy ay ang mga asawa
ng mga ito.

Umingos ito. "Eh, di subukan nilang magreklamo. Sigurado ako, alam nila kung
ano ang makakabuti sa kanila."

"Grabe ka! Palibhasa, mabait ang asawa mo!"

Nagkatawanan sila. Pero maya-maya ay siya naman ang nagtanong.

"Masarap ba ang main-love, Sol?" nag-iinit ang mukha na tanong niya.

Muling tumingin ito sa kanya. "Oo, masarap. Kung kasama natin si Nikki ngayon,
tiyak na mas graphic ang isasagot ng luka-lukang 'yon. Magtiis ka na lang muna
sa simpleng sagot ko."

Bumuntong-hininga siya. "I believe in love. Pero hindi ko pa nararamdaman kahit
kailan ang main-love."

Inakbayan siya nito. "Malay natin, dito mo makita ang hinahanap mong pag-ibig?
Malay natin, matutulungan ka namin ni Nikki. Naaalala mo pa ba 'yong
pinaniniwalaan natin noong mga teenagers pa lang tayo?"

"Na merong isang lalaking para sa isang babae kung marunong maghintay ang
isang taong marunong manalig?" nakangiting sabi niya. "Parang nakakaasiwang
pakinggan ngayon. Parang napakatagal na. Parang napaka-immature."

"Paano magiging immature, kung pareho na naming napatunayan ni Nikki na
totoo iyon?"

Napatingin siya rito. Nakangiti namang kinindatan siya nito.

"At kung marunong kang maghintay, darating din ang sa iyo."

"Paano ko malalaman?"

Inginuso nito ang tapat ng kaliwang dibdib niya. "Kapag ang puso mo na ang
nangusap, hindi ka pala puwedeng magbingi-bingihan. Makikita mo."

Ibinaling niya ang kanyang tingin sa malayo.

Sa edad nila ay parang hindi na kapani-paniwala ang pinag-uusapan nila. Kung may
makakarinig lang marahil sa kanila ay tiyak na pinagtatawanan na sila. Baka masabihan
pa silang baduy.

Paano ba pinakikinggan ang sinasabi ng puso? Gusto sana niyang itanong iyon kay Sol
ngunit nakahiyaan na niya.

Excited na iginaya siya nito patungo sa lugar kung saan daw nito itinanim ang budding
ng mangga at rambutan.

Pero nang makarating sila roon, ang tanging nakita nila ay binungkal na lupa.

"Ano'ng nangyari sa budding ko?" Magkahalo ang galit at panlulumo sa tinig
nito. "Bakit nawala?"

"Pero akala ko ba, puno na 'yon?"

Umiling ito habang napapaluhod sa lupa, hindi alintana ang duming dumikit sa mga
tuhod nito. "Hindi pa. Maliit pa lang. Tatatlong buwan ko pa lang na naitatanim
iyon para malaman ko kung saan mas mabilis lalago ang halaman---kung sa paso
ba, sa parteng ito, o sa likod-bahay. Sinong sira-ulo ang nagnakaw ng
halaman ko?!"
Napaluhod na rin siya sa tabi nito. "Mukhang kabubungkal pa lang."

"Kahapon siguro. Medyo bumagsak na ang lupa at tuyo na ang ibabaw. Sino
kayang...? Teka."

Napasulyap siya rito, napansin ang naniningkit na mga mata nito. Biglang tumayo ito at
naglakad patungo sa isang direksiyon. Walang imik na sumunod siya rito.

Nang makalabas sila roon ay natanaw niya ang ilang kalalakihang nag-i-spray ng
pataba sa ilang mga puno ng mangga sa di-kalayuan. Ang mga ito ang tinungo ni Sol.

"Billy, sandali, puwede?" tawag nito sa isang lalaki.

Lumapit naman ang binatilyo. "Baket, Ate Sol?"

"Nakabalik na ba uli ang Mang Nonoy mo?"

"Si Tiyo Nonoy ho? Oho. Bakit ho?"

"Wala. Sige, bumalik ka na sa trabaho. Salamat."

Nagtataka man ay tumalima na ang binatilyo.

"Sinong Nonoy 'yon?" tanong niya ng malayo na sila sa mga trabahador.

"'Yong kapit-bahay namin na noon pa ay magaling nang magtakas ng halaman
dito sa bukid. Lokong matandang 'yon! Kung nalaman ko agad, hindi ko sana
itatanim doon ang halamang 'yon."

"Bakit hindi mo na lang bawiin? Tutal, iyo naman ang halamang 'yon.
Pinaghirapan mong buhayin."

Sumimangot ito. "Kasi matanda na 'yon. Kasintanda ni Tiya Ludy. Nakakahiya ng
patulan." Bumuntong-hininga ito. "Isa pa, kaibigan ni Tiya Ludy ang panganay na
kapatid n'on. Pareho lang kami ni Andang Mirasol na mapapahiya kapag pumunta
ako roon para itanong kung kinuha ni Mang Nonoy ang budding ko. Nakakainis!"

Napabuntong-hininga rin siya. Nag-iisip na napatitig siya rito. Napapitik siya sa hangin
kapagkuwan. "May idea ako. Kung kaibigan ni Yaya Ludy ang Mirasol na 'yon, may
excuse tayo para bumisita sa kanila. Kunwari, may pasalubong si Yaya para sa
kanya. Madalas kasi ikuwento ni Yaya sa akin noon na dito sa probinsiya n'yo,
pampalipas oras ng matatanda ang pagkukuwentuhan. Eh, hindi naman natin
puwedeng asahang bibisita agad si Yaya roon dahil nagpapahinga pa. Pero kung
may pasalubong, dapat ipadala agad, 'di ba? Malapit lang ba 'yon dito?"

Pakiramdam niya ay isa siyang genius sa tinging ipinukol sa kanya ni Sol. "Oo nga,
ano? Dapat pa nga, ngayon na mismo. Kunwari may mga pasalubong si Tiya sa
mga kaibigan niya at idadaan natin 'yong para kay Andang Mirasol!"

Natutuwa siya dahil maaliwalas na ang mukha nito. "Tayo na?"

"Tayo na!"

PAGDATING sa bahay ay dinatnan nina Cathleen at Sol si Nikki na nag-aayos sa
kusina ng mga pinamili nito. Tulog pa rin ang mga bata sa kuwarto kaya tahimik pa.
Nang malaman nito ang binabalak nila ay hindi ito pumayag na hindi sumama.

"Sina Inay na muna ang bahala sa mga bata kapag nagising, tutal, handa na
naman ang merienda nila. Sasama ako sa inyo."

Kaya tatlo silang nagtungo sa bahay nina Mang Nonoy dala ang imported na mga
prutas na dala nila ni Yaya Ludy.

"Ano'ng gagawin mo kapag nakita mong nakatanim doon ang halaman,
Sol?" natatawang tanong ni Nikki.

Bumaling dito si Sol. "At least, malalaman ko kung siya nga ang kumuha. Kahit
papano, may makikinabang sa ibubunga ng pinaghirapan ko."

"Hay, Mother Teresa! Kung ako 'yon, nanakawin ko pabalik. Itatakas ko sa gabi at
bahala na silang manghula kinabukasan kung sino ang kumuha!"

"Meron pa naman akong dalawa. Makakagawa pa uli ako." katwiran ni Sol.

Nagkibit-balikat si Nikki. "Bahala ka. Pero sabihin mo lang, isang hugot ko lang sa
halamang 'yon, iyo na uli 'yon."

"Hayaan mo na!" parang tinatamad na sa usapang pakli ni Sol. "Matanda na nga,
aapihin mo pa!"

"Aba!" Pagkatapos ay inungusan ni Nikki si Sol.

Napailing na lang siya.

Nang makalabas sila ng bukana ng bukid ay mabilis na nilang narating ang bahay nina
Mang Nonoy. Medyo may kalakihan ang bahay na gawa sa semento at kahoy. May
ikalawang palapag iyon at malalaki ang mga bintana na parang nag-iimbita ng hangin
ang loob. Maraming puno sa paligid ng bahay na nagbibigay roon ng maaliwalas na
tingin.

May mga benches na gawa sa kawayan at pininturahan ng dilaw, puti, at berde.
Magaganda rin ang mga halamang namumulaklak na halatang alaga ng ekspertong
mga kamay. May hardinero sigurong nakatira sa bahay na iyon.

May nakita siyang isang duyan sa gilid ng bahay na nakatali sa magkabilang sanga ng
dalawang puno ng mangga. Parang ang sarap humiga roon. Kaya lang mukhang may
umookupa na roon base sa libro at juice na nakapatong sa isang bilog na mesita
malapit sa duyan. Sa kung anong dahilan, wala ito roon nang mga sandaling iyon.

"Nakikita mo ang mga punong 'yan? Kung hindi hinihingi, binubungkal lang 'yan
ni Mang Nonoy sa bukid namin. Pero ang ganda ng paligid, 'no? Hardinero kasi si
Mang Nonoy. Nagtatrabaho sa Maynila pero kapag umuuwi, heto, nakikita mo ang
resulta. Marunong din si Andang Mirasol at siya ang nag-aalaga sa mga halaman
kapag wala ang kapatid niya." sabi ni Sol.

"Pero balita ko kay Billy, retired na raw ang tiyo niya kasi may problema sa puso.
Ibig sabihin, permanente na rito si Mang Nonoy. Kaya, Sol, kung ako sa iyo,
pabakuran mo na nang mataas ang farm natin." ani Nikki, pagkatapos ay
humagikgik ito.

Natatawa rin siya sa sinabi ni Nikki nang may lalaking lumabas sa gilid ng bahay at
nagtungo sa duyan na umagaw sa pansin niya. Napatigil ito nang makita sila.

Nang lubusan na niyang makita ito, pakiramdam niya ay tumigil sa pag-ikot ang mundo.
Napatunganga siya.

"Oops. Burahin n'yo 'yong huling sinabi ko. Kung binata pa siya, ipatibag mo ang
mga bakod sa bukid, Sol!"

Piping sumang-ayon siya. Nang mga sandaling iyon, hindi agad niya mai-describe ang
nararamdaman niya. Basta ang alam lang niya, hindi pa siya nakakakita ng isang
lalaking kasinggwapo o kasingkisig ng nilalang na nakikita niya nang mga sandaling
iyon.

PABALIK si Justin sa duyan nang marinig niya ang bulungan na tila nagmumula sa
labas ng gate. Napapihit siya paharap doon.

Sapat na ang pagitan ng gate na kawayan para makita niya nang maayos ang mukha
ng mga bisita sa labas. Tatlong babae ang nakita niya.

Ngunit pagkaraan ng ilang sandali, natuon na lang ang tingin niya sa iisang mukha.
Halos sabay na napatingin sa isa't isa. At kahit nagulat, nakita niyang natigilan ito. Na
para bang nararamdaman din nito ang tila kuryenteng dumaloy sa kanyang katawan.
Na para bang tulad niya ay mabilis din ang pintig ng puso nito.

He had never felt like that before. That was the reason why he stood riveted on the
spot. Kaya hindi agad siya nakagalaw. Parang may kung anong nagbago sa kanya.
Pakiramdam pa nga niya, kung iaangat niya ang mga kamay niya at titingnan ang mga
iyon ay makakakita siya ng pakpak.

Ipinilig niya ang kanyang ulo. He felt foolish. Ano bang nangyayari sa kanya? Para
nakakita lang siya ng isang magandang babae, kung anu-ano na ang nararamdaman
niya.

Pero parang may spring ang mga paa na naglakad siya patungo sa gate. He wanted to
get there as fast as he could.

Nag-iwas ng tingin ang babae nang makalapit siya. Sa hindi niya malamang dahilan,
parang nahiya rin siyang titigan ito nang matagal. Lihim siyang natawa sa sarili. Batid
niyang sa sandaling bumaling uli siya rito ay hindi na niya maiaalis ang tingin sa
magandang mukha nito. Tiyak na mapapahiya silang dalawa hindi pa man siya
nakakaisip ng susunod na move.

Muntik na siyang mapailing. Nagbabalak na siya ng second move na para namang
matatawag na first move ang pagkatunganga niya rito kanina.

Itinutok na lang niya ang mga mata sa mga kasama nito. "Ano po'ng kailangan nila?"

"Naririyan ba si Andang Mirasol?"

Hinahanap ng mga ito ang panganay na kapatid ni Tito Noy. "Wala siya eh. Dinalaw
ang anak niya sa kabilang baryo. Baka bukas na nang umaga siya makabalik."

Tila nanghinayang naman ang mga ito. "Dumating kasi ang Tiya Ludy namin, best
friend ni Andang Mirasol. Nagpadala si Tiya ng pasalubong. Heto, dala namin, o."

Mabilis na binuksan niya ang gate. "Salamat. Pumasok muna kayo. Katatapos ko
lang magtimpla ng kalamansi juice. Uminom muna kayo."

"Naku, hindi kaya nakakahiya?" tanong ng kausap niya, pero kapansin-pansing halos
hilahin na nito ang dalawang kasama papasok sa gate.

Kinuha niya ang plastic bag na hawak nito. Bakas sa plastic ang imported na mga
prutas sa loob.

"Saan galing ang tiya ninyo, sa abroad?"

Nagtawanan ang dalawa. "Sa Maynila lang." sagot ng isa.

"Puwede bang dito na lang kami sa labas?" sabi naman ng isa pa. Ang magandang
babae ay nanatiling tahimik. "Maaliwalas kasi rito. Isa pa, gusto kong tingnan ang
mga halaman ni Anda. Totoo bang umuwi na rin si Mang Nonoy?"

Tumango siya. "Oo. Kaya lang wala rin siya ngayon. Nasa sabungan. Ako lang ang
tao rito."

"Ano ka nila?"

Napahiya siya ng maalalang hindi pa nga pala niya naipakikilala ang sarili. Nakakita
lang siya ng magandang babae, nakalimutan na niya ang kakaunting manners na
natutuhan niya sa pagkakaroon ng mga magulang na laging absent.

"Ako? Ahm, pamangkin ako ni Tito Noy." aniya sa nakasanayan ng pagpapakilala
niya sa sarili kapag naroon siya sa San Jose.

Natutuhan na niyang itago ang tunay na pagkatao sa mga lugar na pinupuntahan niya.
Una ay para sa kaligtasan na rin niya. Umiiwas siya sa mga kidnap-for-ransom groups.
Pangalawa, kapag nalaman na ng mga nakikilala niya kung sino ang mga magulang
niya at kung gaano siya kayaman, mababago bigla ang pagtingin ng mga ito sa kanya.
Na para bang kakaiba na siya sa mga ito dahil lang sa kayamanan ng mga magulang
niya.
"Ako si Justin," aniya, pagakatapos ay kumunot ang noo. Nagtinginan kasi ang mga
ito bago nagtawanan. May nakakatawa ba sa pangalan niya? Napansin niyang
namumula ang mga mukha ng mga ito, lalo na iyong magandang babae. Ang kausap
naman niya ay parang sasabog na sa pagpipigil ng tawa.

"Ah... ikaw 'yong bakasyunistang kamag-anak nina Andang
Mirasol," anito. "Parang naririnig-rinig ko na nga. Ako nga pala si Nikki. Ito ang
pinsan kong si Sol. Pareho kaming tagarito. Ito namang si Leen, pinsan din namin
na nagbabakasyon lang dito sa San Jose."

Nag-fake siya ng kaswal na interes sa kanyang mukha habang nakatingin kay Leen.
Kasinsimple ng pangalang iyon ang hugis-pusong mukha nito. Pinaglabanan niya ang
kagustuhang titigan ito nang husto, ngunit sa bandang huli ay sumuko rin siya.

It was her eyes. Sa wakas ay napin-point niya kung ano ang pinakanakakaakit sa
mukha nito. She had such expressive eyes. Hindi siya magsasawang titigan ang mga
iyon. Anyone who was looking at her would want to find out what those eyes are
actually saying.

Tulad na ng nangyayari sa kanya nang mga sandaling iyon. Nakatitig siya sa mga mata
nito at hinahanap kung ano ang sinasabi ng mga iyon sa kanya...

He snapped himself out of it. He was sure he would make a fool of himself.

"Talaga? Saang probinsiya ka galing?"

Asiwang ngumiti ito. "Nakatira ako sa Manila, sa... Mandaluyong," sagot nito sa
mahinang tinig.

"Taga-Manila ka?!" gulat na sambit niya.

"May problema ba kung taga-Manila si Leen?" tanong ni Nikki.

"Wala, wala," tanggi niya. Kung taga-Maynila si Leen, malamang na kilala nito ang
kanyang ama o kahit ang mga negosyong nagtataglay ng kanilang apelyido. Kung
sasabihin niya rito kung sino siya, agad na magkakaroon ito ng impresyon sa pagkatao
niya. May problema kaya rito kung malalaman nitong napakayaman niya?

Would it make her shy away from him or would it make her greedy?

Nakadama siya ng panlulumo dahil maging doon sa probinsiya ay makakaengkuwentro
yata siya ng parehong problemang kinakaharap niya sa siyudad.

"Justin, gusto mo ng tulong sa paghahanda ng juice?" pukaw ng boses ni Nikki.

Napahiya na naman siya. "Hindi, okay lang."

"Hindi, okay rin lang. Tutulungan ka namin ni Leen."

"Sige." aniya. Papayag siya sa kahit ano para mas makilala niya si Leen. Hindi na bale
kung mamroblema rin siya pagkatapos.

"Leen, mauna ka nang pumasok sa loob, ha? Susunod ako. Sandali lang," ani
Nikki kay Leen.

Mahahalikan yata niya si Nikki sa pasasalamat kaya lang baka isipin ni Leen na kay
Nikki siya interesado.

"Ha? Pero nakakahi---"

"May titingnan lang kami sandali ni Sol. Sandaling-sandali lang."

"Ano? Ah, okay." Pumihit paharap sa kanya si Leen. Nahihiyang ngumiti ito. "Tayo
na?"

Dahil sa ngiting iyon ay agad na tumalima siya. Abot-tenga ang ngiti niya na iginaya ito
papasok sa bahay.
DALAWANG oras nang nakakaalis ang mga naging bisita ni Justin ay nasa cloud nine
pa rin siya. Masayang-masaya siya sa kanyang sarili. Naputol lang ang pagtunganga
niya nang marinig niya ang sigaw ni Tito Noy mula sa likod-bahay.

Maya-maya ay humahangos na lumapit ito sa kanya sa duyan. "Sino'ng nanggaling
dito? Sino'ng dumating?" sunud-sunod na tanong nito. Hindi niya maintindihan kung
bakit tila galit ito.

Kumunot ang kanyang noo. "Mga dalaga---"

"Sinong mga dalaga?!"

"Teka, teka, Tito Noy. Sandali lang. Bakit ba umuusok ka?"

Pinandilatan siya nito. "Yung budding na ninakaw natin kahapon---"

"Ikaw lang!"

"Nawawala!" Humihingal na ito. "Sino nga ang dumating?"

Umupo na siya sa duyan, inaalala nang mabuti kung may dala ba sina Leen noong
umalis.

Pero wala naman siyang matandaan. Ang naaalala pa niya ay gusto niyang hawakan
ang kamay ni Leen noong palabas na ang mga ito at naiwan sila sa likod habang
nagmamadali sa paglabas sina Sol at Nikki. Gusto niyang malaman kung gaano
kalambot ang palad nito.

"Tatlong dalaga. Magaganda. Pero natipuhan ko si Leen."

"Sinong Leen? Anak nino? Apo nino? Pamangkin nino?"

Napaurong siya. "How could I know? Hindi ako tagarito!"

Natigilan naman ito. "Sino pa ang kasama ng... ng Leen na 'yon? Puwede ko bang
malaman? Naaalala mo pa ba?"

"Sol at Nikki. Mga pamangkin daw sila ni Ludy, na best friend daw ni Tita
Mirasol."

"Sol? Sol ba 'kamo? Si Ludy? Patay!"

"Bakit?" nagtatakang tanong niya.

"Sila ang may-ari ng The Sisters' Farm," anito. Tumalikod ito at iniwan siya.

Ang The Sisters' Farm ang bukid na malapit lang doon kina Tito Noy. Doon nito ninakaw
ang budding ng mangga at rambutan. Ibig sabihin, bistado na ng mga ito na tagaroon
ang nagnanakaw ng halaman. Meaning, baka si Tita Mirasol, si Tito Noy, o siya.

At kung iniisip ni Leen na malamang na isa siyang magnanakaw ng halaman, ano na
lang ang impresyon nito sa kanya? Ano na lang ang iniisip nito tungkol sa pagkatao
niya?

Natakpan niya ng mga palad ang nag-iinit niyang mga mukha. Naalala niya kung
paanong mabilis na ininom ng mga ito ang kalamansi juice paglabas nila ni Leen mula
sa bahay at pagkatapos ay nagpaalam na ang mga ito.

Marahil ay inilabas na nina Nikki at Sol ng bakuran ang halaman bago pa man sila
bumalik ni Leen para hindi niya mapansin iyon.

Napabuntong-hininga na lang siya.

Nakakahiya ang ginawa ni Tito Noy! At tiyak, damay na rin siya roon.

NAGHAHAGIKGIKAN sina Sol, Nikki, at Cathleen na parang mga bata habang
magkakatulong na itinanim sa likod-bahay ang nabawing halaman. Halos pare-pareho
silang hindi makapaniwala na nabawi nila iyon at ganoon kadali!

Ang isa pa nilang pinagtatawanan ay si Justin mismo. Nang matanto nila kung sino ito
ay bumalik sa alaala nila ang kapilyahang ginawa nila noong teenagers pa sila.

"Biro mo, Leen? Hindi mo na kailangang pantasyahin pa kung ano ang hitsura
niya kung huhubaran mo siya ng damit," biro ni Nikki. "Kasi, nakita mo na!"

Nag-iinit naman ang mukha na lumingon si Cathleen sa isiping may ibang tao
roon. "Ano ka ba? Baka may makarinig sa iyo," saway niya kay Nikki. "Isa pa, hindi
ko masyadong nakita noon kasi sa mukha niya ako nakatingin. Ang naaalala ko
lang..."

"Ano, ano?" sabay pang sabi nito at ni Sol.

Lalong nag-init ang kanyang mukha. "Puwede ba? Huwag n'yo nang itanong!"

Nagtawanan na naman silang tatlo.

Nang umakyat siya para maglinis ng katawan ay narinig na niya ang ingay ng mga bata
sa sala. Nagtungo siya sa kanyang kuwarto, hinubad ang kanyang damit at nagroba,
saka nagtungo sa isa sa dalawang banyo sa bahay. Mabilis na nag-shower siya. Mabilis
din siyang nagbihis at hindi na nag-abala pang maglagay ng anuman sa kanyang
mukha maliban sa pabango. Pagkatapos ay nagtungo siya sa kuwarto ni Yaya Ludy.

Nakaupo ito sa kama at binubuklat ang isa sa ilang makakapal na photo albums na
nakakalat sa ibabaw ng kama. Nang pumasok siya sa kuwarto ay nag-angat ito ng
tingin at sinino siya. Kinuha niya ang salamin nito sa nightstand at isinuot iyon dito, saka
ito nginitian.

Ngumiti rin ito ng makilala siya. "Ah, ang maganda kong alaga. Akala ko, hindi kita
kasama."

"Bakit naman po, eh, magkatabi tayo sa van kanina habang papunta rito."

"Nasaan ba tayo?"

Naging marahan ang kanyang ngiti nang matantong may nabawas na naman sa
memorya nito. "Narito po tayo sa The Sisters' Farm, nagbabakasyon. Magkasama
tayo."

Muli siyang tinitigan nito. "Aba, mabuti't pinayagan ka nina Sir at Ma'am?"

Bumuntong-hininga siya. Kung magpapaliwanag ba siya, mauunawaan kaya agad nito?
O mas makakasama ba iyon? Tatanguan na lang ba niya ang lahat ng sinasabi nito
para hindi na ito mahirapan at hindi na siya masaktan?

Ibinaba niya ang tingin sa photo album na hawak. Mga kuha iyon sa bukid na marahil
ay nakita na niya noon pero hindi na naaalala. "Look, Yaya, ikaw ito. Wow! Ang
ganda ng Yaya ko noong dalaga pa!"

Nakita niya ang pagguhit ng ngiti sa mga labi nito. "Oo nga. Naalala ko, Emperatriz
ako riyan noon. Dalagita pa ako, madalas na akong makuha rito. Kaya lang,
noong namatay sina Itay, kinailangan kong maghanap ng trabaho dahil hindi
naman kayang tustusan itong bukid dahil sa pagkalugi. Ang daming utang..."

Kumunot ang noo nito at tumingin sa malayo. Pero agad ding umaliwalas ang mukha
nito at binuklat ang album.

Marahil ay sixteen o seventeen ang edad nito sa isa sa mga larawan doon. Katabi nito
ang isang binatilyo na marahil ay kaedad din nito.

"Ah, si Rudy. Naipanganak na kaya ang panganay niya?"

Pinili niyang huwag nang magsalita at hinayaan na lang itong balikan sa isip ang mga
bagay na naaalala nito nang mga sandlaing iyon. Sinamahan na lang niya ito sa
pagtingin sa mga larawan kahit minsan, pakiramdam niya ay hindi nito napapansin na
may kasama ito sa kuwarto.


ISANG linggo na sa The Sisters' Farm si Cathleen. Kung nagkataong hindi niya kilala sa
mukha ang bodyguard na nagbabantay sa kanya sa malayo, hindi niya makikilala ito sa
mga pagkakataong nakikita niya ito kapag sumasama siya kina Sol at Nikki pagtungo
sa bayan.

Ni minsan ay hindi niya naisip na may nakaambang panganib sa pagtigil niya sa San
Jose. Kaya lang ipinag-aalala niyang kung hihilingin niya sa mama niya na paalisin na
ang bodyguard ay tiyak na pauuwiin na rin siya nito.

Ang alam niya, batid nina Nikki at Sol na may kasunod siyang bodyguard sa San Jose.
Pero dahil hindi kilala ng mga ito ang bodyguard na kasama niya, sobra ang tensiyon
ng mga ito kapag magkakasama sila sa palengke. Nakakalimutan daw kasi ng mga ito
na siya ang nag-iisang anak ng Presidente ng Pilipinas.

Sa loob ng isang linggo ay hindi niya nakita si justin. Bagaman, paminsan-minsan,
kapag dumaraan ang jeep sa lugar ng mga ito ay nahihiling niya na sana ay matanaw
man lang niya ito kahit saglit.

Ang sabi nina Nikki at Sol, halata raw na natipuhan siya nito pero baka napahiya noong
matuklasang nabawi nila ang halamang ninakaw ni Mang Nonoy. Nagsisihan tuloy ang
dalawa at kinuha pa ng mga ito iyon.

"Bagay na bagay pa naman kayo kasi napakaguwapo niya," pagmumuni-muni ni
Nikki.

"Hindi nating puwedeng ibase sa itsura lang ang lalaking magugustuhan natin
para kay Leen," katwiran ni Sol. "Totoo, gwapo siya. Pero kung kasabwat siya ni
Mang Nonoy sa pagnanakaw ng budding ko---"

"Hindi tayo sigurado ro'n. Kung kasabwat siya, bakit hindi niya tayo nakilala?
Kung kasabwat siya, noong binanggit pa lang natin ang pangalan ni Tiya Ludy,
sana naalarma na siya. Pero napansin ko, natataranta lang siya kapag napapatitig
na siya sa mukha nitong kaibigan natin."

Tumingin sa kanya si Nikki. "Uuuuy! Namumulaaa! Natipuhan mo rin si Justin 'no?"

Natawa siya. "Tama ka, Gwapo nga siya."

"So, kapag umakyat ng ligaw---"

"Kung may lakas ng loob pa siyang lumapit sa'tin," sali ni Sol. Bumuntong-hininga
ito. "Tama si Nikki. Sorry, Leen. Kasi mukhang naunsiyame ang isa sanang
magandang opportunity ng vacation romance para sa iyo. Hayaan mo, marami
pang guwapo dito sa San Jose. Ihahanap ka namin."

"Tumigil nga kayong dalawa. Hindi naman ako interesadong---"

"Si Justin!"

Nanigas siya sa paanas na babala ni Nikki. Gumala agad ang mga mata
niya. "Saan?" tanong niya dahil wala naman siyang nakita.

Nang mamalayan niyang naghahagikgikan ang mga ito ay umakma siya na papaluin
sana si Nikki. Tumatawa namang umiwas ito.

"Kita mo? Hindi raw interesado..."

"Hindi talaga ako interesado. Pero sino ba naman ang hindi maaasiwa kung bigla
mo na lang makikita ang taong pinag-uusapan n'yo? Baka kung ano'ng isipin no'n
kapag narinig niya tayong nagtsitsismisan tungkol sa kanya. Baka sabihin pa
no'n, may gusto ako sa kanya. Nakakahiya."

Nagtinginan na naman ang mga ito.

Iningusan niya ang mga ito. "Bahala kayong dalawa. Kung 'yan ang gusto n'yong
isipin---"

"Si Justin!" anas na naman ni Nikki.

Sumimangot na siya. "Oh, no. Hindi na ako maniniwala this time."

Pero hindi niya narinig na muling nagtawanan ang mga ito. Nagtatakang sinulyapan
niya ang mga ito. Pero bigla ay naging abala ang mga ito sa pamimili ng kamatis sa
isang vendor stand.

Nagtatakang napatigil siya sa paglalakad para tumabi sa mga ito. Pero bago niya iyon
tuluyang nagawa ay may narinig siyang nagsalita sa harap niya.

"Leen?"

Gulat na nag-angat siya ng mukha. Nanlaki ang mga mata niya. Si Justin nga!
Kung bigla siyang nakadama ng kagustuhang tumakbo nang makita ito, naroon naman
sa mukha nito ang matinding pagkaasiwa kahit nakangiti. Nakasando shirt lang ito kaya
tila lalong na-enhance ang tangkad nito at ang lapad ng mga balikat nito.

Namumula ang mag pisngi nito na tila ba kagagaling lang nito sa beach. Naka-cargo
shorts lang ito kaya kitang-kita niya ang muscles sa mga binti nito. At nakikipag-agawan
ng atensiyon ang diver's watch nito sa malinis na tubo ng balahibo sa braso nito.

Tila namamalengke rin ito dahil may hawak itong ilang plastic bags na naglalaman ng
mga pinamili nito. Nakita pa niya ang malalaking tilapia sa isa sa mga bitbit nito.

Mukhang komportableng-komportable ito sa suot nito. Ngunit halata rin ang pagiging
mestiso nito. Alerto ang mga mata nito. She knew he would look even better in suit. And
maybe he would also look sexy under the sun.

Naramdamam niya ang pag-iinit ng kanyang mga pisngi. Kailan pa niya natutuhan kung
paano masasabing sexy ang isang lalaki o hindi?

Ngunit habang nakatayo siya roon ay hindi niya maaaring itanggi ang atraksiyong
nadarama niya rito. Kahit nahihiya ay hindi niya maialis sa guwapong mukha nito ang
kanyang tingin habang nabibingi siya sa malakas na pintig ng kanyang puso!

"HI. Nakalimutan mo na siguro kung sino ako. Ako si Justin. 'Yong pamangkin ni
Tita Mirasol na nakausap n'yo noong isang linggo sa bahay nila."

Pinagalitan niya ang kanyang sarili dahil batid niyang kaya nito naisip iyon ay dahil sa
pagtunganga niya rito.

"O-oo. Naaalala nga kita." Paano namang hindi niya maaalala ito gayong nakita na
yata niya ang lahat-lahat dito?

Dahil doon ay lalong hiindi niya malaman ang sasabihin. Pakiramdam niya ay nawaglit
sa kung saan ang utak niya.

"Ahm... Namamalengke ka?" kapagkuwan ay tanong nito.

Saka lang niya nalala ang plastic bag na hawak niya na naglalaman ng tatlong kilong
karne. Saka siya tumango. "Oo."

"Sino'ng kasama mo?"

Napasulyap siya sa tindahan ng kamatis. Wala na roon sila Nikki at Sol.

Itinuro niya kay Justin ang jeep na gamit nila. "May kasama ako pero may pinuntahan
sila." sabi niya.

Tila lalong nagmukhang asiwa ito. Nahulaan na niya kung bakit nagkakaganoon
ito. "Ang mga pinsan mo ba ang kasama mo?"

"Y-yes." atubiling sagot niya. "Huwag kang mag-alala. Hindi sila galit sa'yo."

Nagkamot ito sa batok. "Nakakahiya."

Napangiwi na lang siya. Hindi niya alam ang sasabihin para mas mapaglubag ang
kalooban nito.

Ilang sandali pa ang lumipas na nakatayo lang sila noon na para bang parehong
naumid ang kanilang mga dila. Ito ang pumutol sa katahimikan.

"Alam mo na ba 'yong ilog na malapit sa atin? May... balak kasi kaming mag-
picnic doon ng mga kasama ko sa bahay. Kung papayag ka... Kung puwede ko
kayong maimbita... May iba ba kayong balak?"

"Pasensiya ka na. Birthday party kasi ng anak ng pinsan ko, so hindi kami
makakasama."

"Oh. Okay, some other day na lang," tila nanghihinayang na sabi nito.

Sa isip niya, hindi niya alam kung bakit parang biglang narinig niya ang boses ni
Nikki. Invite him.

"Kung gusto mo, kung wala kang ibang balak, puwede kang sumaglit sa party
mamaya. I know, puro mga bata ang karamihan sa bisita. Pero may mga imbitado
ring ibang mga kaibigan. Puwede mong isama sina Andang Mirasol para magkita
sila ni Ya---Tiya Ludy. Matutuwa ang matatanda."

"Hindi nakakahiya?"

Nagkibit-balikat siya. "Basta ang alam ko, hindi galit sa'yo ang mga pinsan ko.
Kung kasama ko sila ngayon, sigurado ako, iimbitahan ka nila."

Tumango ito. "Sige. Pupunta ako."

"Paano nga pala ang picnic n'yo?"

Ngumiti ito. "Hindi naman nawawala ang ilog. Puwedeng mag-picnic doon sa ibang
araw."

"Sige," aniya. Ipinagpapasalamat niya na hindi siya ninerbiyos habang kausap ito.

"Ahm, pupuntahan ko na ang mga pinsan ko, Justin. Hihintayin ka namin
mamaya?"

"Oo. Ilang taon na ang anak ng pinsan mo?"

"Si Royal. Magti-three."

"Babae?"

"Lalaki."

Tumango ulit ito. "Okay. See you this afternoon."

"See you."

Pakiramdama niya ay may pakpak ang kanyang mga paa habang sinusundan niya ito
ng tingin. Nakarating siya sa kinapaparadahan ng jeep nang halos hindi niya
namamalayan. Ngiting-ngiti sina Sol at Nikki na naghihintay na sa kanya sa loob ng
sasakyan.

"Ano?" excited na tanong ni Nikki.

"Okay lang ba na inimbita ko siya sa party ni Royal ngayong hapon?" tanong
niya?
"Ano'ng okay lang?" sabi ni Sol. "Ang galing! Pinag-uusapan lang namin nitong si
Nikki na baka hindi mo 'yon maalalang gawin. Mabuti na lang, hindi ka nataranta."

Napailing siya. "Hindi ko alam kung pa'no ko siya nakausap nang matino."

Nagtawanan ang mga ito. Pumuwesto na si Sol sa likod ng manibela. "Saan ang
sunod nating punta? Grocery na, 'di ba?"

"Oo. Bilisan na natin! Mataas na ang sikat ng araw. Sinabi mo ba kay Justin na sa
hapon pa ang party, Leen?"

Nakagat niya ang ibabang labi. "Hindi. Nakalimutan ko! Baka mapaaga siya."

"No matter," ani Sol. "Ayaw mo n'on? Makakausap mo siya nang mas matagal?"

"I don't wanna be obvious or anything." nag-aalalang sabi niya.

Nakangising nagtinginan ang mga ito. Humarap sa kanya si Nikki. "Pero Miss Wanna-
wanna, hindi na pagiging obvious o hindi ang issue ngayon, kasi pareho na
kayong obvious. Ang issue, kung paano naman kayo magkakakilala nang lubos
para sa susunod, hindi na kayo namimilit sa pakikipag-usap sa isa't isa.
Grabe. Mamamatay kami sa kilig sa panonood sa inyo. Bagay na bagay kayo!"

Napailing siya. "Ibig sabihin, nanunubok kayo? Nakita n'yo nang natataranta ako,
lalo pa kayong nagtago? Anong klase kayong mga kaibigan?" kunwa ay
nagtatampong sabi niya.

"Kung naroon kami, baka mahiya 'yon na kausapin ka nang matagal," katwiran ni
Sol habang binubuhay na ang makina ng sasakyan.

"Alam mo na, 'yong budding. Kaya minabuti namin ni Nikki na huwag nang
magpakita."

"Oo nga. Kung nagkataong nakita niya kami, lalapitan ka ba niya? Malayo pa lang
nakita ko na siya kaya hinila ko na itong si Sol. Akala siguro niya nag-iisa ka kaya
kinausap ka niya."

"Pero naimbita mo naman siya, 'di ba? Makikita mo uli siya ngayong hapon. Ang
sunod mong problemahin ay kung paano kayo magkikita sa susunod na
pagkakataon."

"Sa susunod na agad? Hindi ko pa nga alam kung malalampasan ko 'yong
mamaya. What if it turns out na hindi ko pala siya gusto? Or worse, what if ako
pala ang hindi niya gusto? What if there will be no other chance for us to get
together again?"

"Relax. Bakasyon mo ito rito sa amin. Kumbaga, hindi ka dapat namomroblema
lalung-lalo na tungkol sa puso. Hayaan mo'ng mangyari kung ano'ng mangyayari.
Pakinggan mo lang kung ano'ng idinidikta ng puso mo. 'Yan ang magsasabi kung
tama ba ang ginagawa mo o hindi," sabi ni Nikki.

Napatingin siya rito. Naalala niya ang sinabi ni Sol sa kanya tungkol sa nangungusap
na puso. Napasulyap siya sa isa pang kaibigan na abala sa pagmamaneho.

"Friend, paano ba pinakikinggan ang dikta ng puso? And how can I be sure na
puso ko nga ang nagsasalita when I want to do something na hindi ko
maipaliwanag?" pabulong na tanong niya kay Nikki.

"Like falling in love?"

She rolled her eyes. "Ni hindi ko alam kung ano ang pakiramdam ng in love."

Tinapik siya nito sa balikat. "Malalaman mo kapag nariyan na. Malalaman mo kapag
bumulong na 'yang puso mo. Makikita mo."

Napabuntong-hininga siya. Ano ba namang klaseng sagot iyon? It didn't give her
anything concrete to which she could hold on. O kaya ay mabawasan man lang ang
kabang nararamdaman niya.
MAAGANG dumating si Justin sa The Sisters' Farm kasama si Andang Mirasol. Wala
pang dumarating na ibang mga bisita. Pero hindi iyon naging problema dahil nagkataon
namang gising si Yaya Ludy at nang makaharap nito ang kaibigan ay nakilala nito si
Andang Mirasol. Nabalaan na ni Tita Angge si Andang Mirasol tungkol sa kalagayan ni
Yaya Ludy.

Nagkaroon lang ng problema nang tawagin siya ni Yaya Ludy nang dumaan sila nina
Justin at Nikki sa ibaba ng terrace. Patungo sana sila sa likod-bahay dahil doon
gaganapin ang mga palaro sa party. Marahil ay nakita siya ni Yaya Ludy at tinawag siya
nito na "alaga" nito.

Mabilis namang umagapay si Nikki. "Sumagot ka na, Leen." anito, pagkatapos ay
bumaling kay Justin. "Madalas kasi mapagkamalan ni Tiya si Leen na iyong
inaalagaan niya sa Maynila kasi kahawig daw sa taas at tindig."

Kumaway naman siya kay Yaya Ludy bago nahihiyang ngumiti kay Justin. "Mabuti na
lang at maaga kayo. Wala kaming makatulong nitong si Nikki sa pagsasabit ng
mga candies, balloons, at ribbons sa mga puno. 'Yong mga ilaw pa. Ay, Nikki,
nakalimutan ko 'yong extension sa bahay. Sanda---"

"Ako na. Asikasuhin mo na lang itong si Justin." Mabilis pa sa alas-kuwatro na
nakaalis doon si Nikki.

Wala siyang nagawa kundi ang sundan na lang ng tingin ang kaibigan.

"Don't worry. Hindi kita kakatayin once na makasama kita nang walang ibang tao
sa paligid."

Pumihit siya paharap kay Justin at ninenerbiyos na tumawa. "Hindi 'yon ang iniisip
ko."

Ngumiti ito. "If it will make you feel better, kinakabahan din ako."

"Don't worry. Hindi rin kita kakatayin once na makasama kita nang walang ibang
tao sa paligid. At least, hindi agad."

Nagkatawanan sila. Nagulat siya sa kanyang sarili. Iyon ang unang pagkakataon na
nagawa niyang makipagbiruan sa isang lalaki na hindi naman niya kaanu-ano.

Napanatag na siya. Hindi naman pala mahirap magsimula ng usapan kasama ito.

"If you're still smiling like that kapag kinakatay mo na ako, hindi ako
magrereklamo." anito, sa tinig na may kalakip pa ring pagbibiro. Ngumit malagkit na
paraan ng pagtitig nito sa kanya. At alam niyang namula ang kanyang mukha dahil
doon.

Hindi na niya nagawang sumagot pa rito hanggang sa nakarating sila sa hardin sa
likod-bahay.

Dinampot niya ang ribbon na nahagip ng kamay niya, na siya ring ginawa nito.
Pakiramdam niya ay sinadya nito iyon para magdaop ang kanilang mga kamay. Dahil
kahit maraan itong bumulong ng 'sorry', hindi naman nito binitiwan ang kamay niya.

Nahihiyang nagtaas siya ng tingin. "A-ang kamay ko."

Umiling ito. "Pumayag ka munang sumama sa akin na mag-picnic sa ilog bukas.
Isama natin ang mga pinsan mo. Let's have fun."

Lalo pang nag-init ang mukha niya nang marinig ang salitang ilog. "Matagal ko na
ngang hindi nabibisita ang ilog."

Hinila niya ang kamay niya mula rito. Tila na-missinterpret naman nito ang ginawa niya.

"Hindi lang ang ilog ang maganda rito. May mga beaches din na malinis at
disenteng puntahan."

"Justin, okay lang ang---"

"Kung hindi mo gustong lumabas, puwede tayong mag-enjoy right here in your
cousin's courtyard. And I swear, wala akong pakikialamang halaman."

Hindi makapaniwalang natawa siya. Nahihiya namang nagkamot ito sa batok.

"That wasn't me." anito.

"Hindi sa akin ang budding na iyon. Sa pinsan ko."

"Hindi ako mahilig sa halaman dahil walang hilig ang halaman sa akin. Kahit
damo, hindi ko kayang buhayin."

"That's bad. Kung ikaw na lang pala ang natitirang tao sa mundo, walang
matitirang oxygen sa atmosphere."
"Magpapakamatay na lang ako kung nag-iisa ako. Pero okay lang kung kasama
kita."

"Ang baduy," nakangiwing sabi niya. "At baduy rin lang ang maniniwala sa iyo."

"Meaning, hindi ka baduy?" nanunudyong tanong nito.

Natawa siya. "So far, wala pa namang nagrereklamo. Ikaw?"

"So far, ngayon lang may nagreklamo." anitong nangiwi rin.

Natawa ulit siya. Noon niyang napagtantong hindi na siya gaanong ninenerbiyos. Na
bagaman mabilis pa rin ang tibok ng kanyang puso ay hindi na siya natataranta at
nagagawa pa niyang makipagbiruan dito.

Sa sulok ng kanyang mga mata ay natanaw niya si Nikki na palapit sa kanila. Pumihit
siya paharap dito. Nakangiting nakatingin ito sa kanya. May pakiramdam siya na kanina
pa ito roon at naghihintay lang ng tamang pagkakataon para 'istorbohin' sila ni Justin.
Naramdaman na naman niya ang pag-iinit ng kanyang mukha.

Ibinaba nito sa bakanteng espasyo sa mesa ang tray na dala nito. "Justin, para sa iyo.
Huwag mo sanang isipin na binubusog ka namin agad, ha? Patikim lang ito. Eat
all you can mamaya kapag naluto na ang lahat ng pagkain. Nagkakagulo pa kasi
sa kusina, eh."

"Naku naman, Nikki, sana hindi ka na nag-abala pa."

Pinalo ito ni Nikki sa braso. "Naabala na ako kaya huwag ka ng magreklamo. Heto
na nga pala ang extension." Kinuha ni Nikki mula sa balikat ang nakapulupot
na extension wire at inilapag din iyon sa mesa. "O? Let's get to work?" anito sa
kanya.

Hindi na siya kailangang sabihan pa uli. Hawak na niya ang tatlong balloons habang
naghahanap ng pagtatalian sa mga iyon.

THE CHILDREN party was a success. Masayang-masaya ang mga bata kanina.

Nagliligpit na ang lahat. Naiayos na ni Sol ang natirang Birthday cake sa isang malaking
Tupperware. Ang mga pinagkainan ay nailagay na ni Tita Angge sa isang malaking
batya. Si Cathleen naman ay nag-iimis ng mga disposable plate at cups. Hawak ni
Justin ang sako at isinisilid niya roon ang mga basura. Mula kaninang tumulong ito sa
pag-aayos ay halos hindi na ito humiwalay sa tabi niya.

Binibiro na tuloy siya nina Sol at Nikki at maging nina Tita Angge at Tita Zeny. Hindi
kasi maitatatwa sa lahat ang intensyon ni Justin sa pagdalo sa birthday party ng anak ni
Nikki. Iyon ay ang makilala siya nang lubos.

Kahit hindi na nila nagawang matapos ang usapan kanina tungkol sa pagyayaya nito na
mag-picnic sa ilog ay parang si Nikki naman ang nagpatuloy. Marami pa raw natirang
handa sa party at nagplano ang pamilya na ubusin ang mga iyon sa ilog kinabukasan.
At niyaya pa nito si Justin at ang mga kasambahay ng huli. Mabilis namang
sinangayunan ni Justin iyon.

"Ano'ng dadalhin ko?" tanong nito.

Sinulyapan muna siya ni Nikki. "You're enough, thank you."

Nagtawanan ang lahat ng nakarinig niyon dahil halatang nanunudyo si Nikki.

Pagod na pagod na siya nang mahiga nang gabing iyon. Ngunit nasa puso niya ang
contentment. Sa buong buhay niya, noon lang yata siya nasiyahan sa mga bagay na
ginawa niya sa buong maghapon. Na may kabuluhan ang araw na iyon.

Marami siyang nakilalang tao, nakabatian, nakausap kahit sandali lang, at naging parte
sin siya kahit papaano sa buhay ng mga batang nagsaya nang hapong iyon. Sa
Maynila, pinapalipas niya ang kanyang oras sa pagbabasa ng libro at pagsunod sa mga
plano ng mama niya para sa kanya sa buong maghapon.

Ngayon ang sinunod niya ay kung ano ang ibinigay na sitwasyon ng pagkakataon. May
karapatan siyang magsaya at magreklamo. Higit sa lahat, nakasama niya at nakausap
si Justin. At makakasama niya ulit ito kinabukasan. May pagkakataon na makilala pa
niya ito nang husto.

NAPASUGOD si Lucille sa opisina ng kanyang asawa pagkatapos niyang makausap ito
sa cellphone. Tila aliw na aliw ito sa ikinuwento. Mas gusto niyang linawin iyon na
kaharap ang asawa kaysa sa hindi nakikita ang mukha nito habang kausap ito sa
cellphone.

"What are you saying? May nanliligaw sa anak natin sa probinsiya ni Yaya
Ludy?" tanong niya sa asawa nang sandaling lumabas ang sekretarya nito na
naabutan niyang kumukuha ng dictation mula rito.

Sinulyapan siya ng asawa habang nagsasalin ng juice sa baso. "Ngayon, alam ko na
kung bakit nagpatimpla ako nito. Darating ka. Relax, Lucille. The last I've heard
from Eduardo, masaya ang anak natin sa pagbabakasyon niya sa San Jose." Si
Eduardo ay ang bodyguard na kasama ni Cathleen.

"Pero, Dom, nagpapaligaw ang anak ko!" nagpapanic na sambit niya. "Ni hindi ko
nakikita ang lalaki. Ni hindi ko kilala. Ano ka ba? How can you still relax?"

Umiling-iling ito. "Natural na ligawan si Cathleen. I think it's about time. Matagal mo
na rin namang itinatago sa palda mo ang batang iyon."

Exasperated na bumuntong-hininga siya. "Hindi sa lalaking kung sino-sino lang. My
God, my daughter is special. Hindi ko siya isusuko sa kung sinong Poncio Pilato,
so she could be just normal all her life. She's made for greater things, hindi ang
maging asawa ng isang probinsiyano."

Hindi makapaniwalang napatanga siya rito nang tumawa ito nang malakas. Hindi niya
maintindihan ang nangyayari dito kung paanong natutuwa pa ito sa kabila ng
nangyayari. Cathleen was somewhere, in the mercy of who knows that. Pero
humahalakhak ito na parang tapos na ang termino nito sa Malacaan at magagawa na
nilang ituloy ang matagal na nilang plano na magbakasyon sa ibang bansa nang
walang inaalalang tungkulin.

Napansin yata nito na hindi siya natutuwa dahil agad na tumigil ito. Lumapit ito sa kanya
at nang-aalong inakbayan siya. "Your daughter will not be just a normal child with
you as the mother, Lucille." anito.

Agad na naglubag ang kalooban niya sa malambing na tono nito. "Pero, Dom..."

"And Eduardo is exactly where he is right now because we do not want anything
to happen to our child. Pero hindi mo ba naiisip na panahon na rin para
maranasan naman ng anak natin na mamuhay nang normal gaya ng ibang
dalaga?"

Nanlaki ang mga mata niya. "But, Dom!"

"Lucille..." Nanghihimok ang boses nito tulad ng mga pagkakataon na may gustong
ipaalam ito sa kanya na importanteng bagay. "Hindi ba, lagi mong sinasabi na
nagsimula lang maging masaya ang buhay mo noong makasama mo ang isang
normal na taong tulad ko?"

Nakakahiya man ngunit agad na naramdaman niya ang pamamasa ng kanyang mga
mata. Napatitig siya rito at napangiti. Napalo niya ito sa dibdib. "Ikaw talaga! Alam mo,
sa akin mo na-practice ang convincing powers mo. Kaya tuloy ang galing-galing
mo."

Hinuli naman nito ang mga kamay niya at ginagap iyon. "Hindi ba, si Eduardo ang
most trusted na bodyguard ko? He's there now with our daughter because we do
not want anything bad to happen to her. If something should happen, I will know
it the minute it occurs. I could depend on Eduardo."

Bumuntong-hininga siya. "Pero ni hindi ko man lang kilala ang lalaking nanliligaw
sa anak ko!" maktol pa rin niya.

"Hindi rin niya kilala ang anak mo, remember?"

Natigilan siya.

"See? Our daughter's doing a little deception of her own, but only for her own
protection. Pero anupaman, hindi ako papayag na masaktan si Cathleen. Dahil
kapag sinaktan siya ng lalaking 'yon, hindi siya makakapagtago sa akin.
Understand?"

Alam niyang seryoso ito sa sinabi. "Do you know this guy?
Nag-relax muli ang mukha nito. "Well, whoever he is, mayaman man siya o mahirap,
he'll have no excuse if he hurts my daughter. And that's the father talking, darling.
Mark my words."

Kapag ang huling mga salitang iyon na ang naririnig niya mula rito ay agad napapalis
ang pag-aalala niya.

Inabot niya ang baso ng juice na inilapag nito kanina sa mesa. Suddenly, she felt so
thirsty. Nang mainom ang kalahati niyon ay kumunot na naman ang kanyang noo.

"Oh, I know I shouldn't be feeling this," aniya. "Alam ko na kasi ang sasabihin
mo."

"Alin?"

"I still want to know who that man is. My God! Paano na lang kung sagutin siya
ng anak mo? Ano na lang ang gagawin ko when I haven't met him? Unang-unang
boyfriend ng unica-hija ko, hindi ko kilala ang pagkatao? What kind of mother
would I be if I let that happen?"

Tumawa na naman ito. "I know what you'll say. Let her be, let her be. I know you'll
even say, it's her call. Pero alam ko rin na alam mo na kung sino ang lalaking
iyon. I'm sure you've already had him investigated right down to his toes."

"But that's illegal."

"Dom, Cathleen wouldn't even know," himok pa rin niya rito.

Bumuntong-hininga ito. And she knew she had won the battle.

"Pero..."

"Sige na," aniya habang hinahaplos ang leeg nito. "Ano'ng gusto mo? Bigla akong
sumulpot sa San Jose para magpanggap na tiya ng anak mo? I don't know kung
kakayanin kong mabuhay araw-araw without my maids. But there are some things
a President's wife couldn't abide by, especially when it concerns her only
daughter..." And her hand reached his weakest point.

Wala nang nagawa ito kundi ang umungol.

"NINANG, Ninang, anlamiiig!"

Natawa si Cathleen sa hitsura ng inaanak. Nakatayo ito sa ibabaw ng isang bato,
basang-basa, at eksaherado ang ginagawang pangangatal ng katawan. Nasanay na
ang mga bata sa presensiya niya at ngayon ay matatas na sa pagtawag sa kanya ng
Ninang.

At sa mahigit isang linggong nakakasama niya sa araw-araw ang mga bata ay naging
magiliw na rin ang mga ito sa kanya. Nasiguro din niya sa sarili na talagang mahilig siya
sa bata at hindi lang awa ang nararamdaman niya sa mga ito sa mga unang
pinupuntahan nila ng kanyang mama.

Napatingin siya kay Justin na nakaupo sa tabi niya. "Alam mo ba, ngayon ko lang
naisip na wala pa pala akong inaanak kahit isa."

Tumaas ang kilay niya. "Ows?

"Totoo. Lahat kasi ng mga kaibigan ko rito, pulos daw tagamalalayong probinsiya
ang mga napangasawa at hindi man lang ako naiisip kuning ninong kapag
nagkakaanak na."

Ibinalik niya ang tingin sa mga manggang binabalatan niya. "Baka naman hindi ka
mapagkakatiwalaang ninong? Siguro kung anu-anong kalokohan ang
pinaggagagawa mo sa buhay mo kaya natakot na tuloy silang kunin ka."

"Mabait nga ako, eh," agad na depensa nito. "Kung may kalokohan man, I swear,
hindi ako ang promotor. Nadadala lang."

Lalo niyang iniiwas ang mga mata sa kalokohang ginawa nito noon. "Bakit? Ano ba'ng
klase ng mga kalokohan ang naiisip ng kaibigan mong promotor?" Saka niya
muling sinulyapan ito.

Nakatingin ito sa ginagawa niya. "Sigurado ka bang marunong kang magbalat ng
mangga?" nag-alinlangang tanong nito. "Baka mahiwa ang kamay mo, ha?"

Ibinalik niya ang tingin sa ginagawa. "Ang totoo, hindi talaga ako sanay magbalat ng
mangga," pag-amin niya. Alam niyang halatang-halata sa ginagawa niya na hindi siya
bihasa. Nahihirapan siya sa paghawak ng kutsilyo. Naiinip naman siya sa mapurol na
peeler na dala nila.

"Kung gusto mo, ako na lang ang magbabal---"

"Hindi." aniya, sabay layo ng kanyang mga kamay mula rito. "Ako na lang. Kung
hindi ko pa alam, iniiwasan mo lang sagutin ang tanong ko tungkol sa mga
kalokohang ginagawa n'yo ng mga kaibigan mo."

Tumawa ito. "Of course not! Kaya lang, kanina pa ako nag-aalala sa pagbabalat
mo ng mangga. Para kasing mahihiwa ka. Ayaw mo pang pumayag na ako na
lang ang magbalat para sa iyo."

"Gusto ko, ako ang gagawa para espesyal. Para kapag kinakain na ng mga
inaanak ko, kahit ganyan ang hitsura niyan, at least pinilit kong gawin para sa
kanila."

"Ah... Labor of love."

Tumango siya. "Yeah. Labor of love."

Ilang sandaling natahimik ito. Nagtatakang napatingin siya rito. Nakangiti ito,

"Ano'ng iniisip mo?"

"Naisip ko lang---lalo na siguro kung asawa ang pinagsisilnihan mo o kung ako
ang lalaking iyon--- kahit pa mukhang ni-rape ng sampung kalabaw ang mangga,
basta labor or love..."

Natawa siya. "Sobra ka! Unang-una, hindi ako naghahanap ng asawa."

"Ako, naghahanap."

Umiling siya. "Then mali ang lugar na pinaghahanapan mo."

"Eh, di sa Manila kita liligawan kung hindi puwede rito sa San Jose."

"Gagastos ka ng sobra-sobra. Malayo ang Manila."

"Okay lang. Kahit pa pulila ako pagdating sa gate ninyo, okay lang. Kung
kailangan pa ng appointment---"

"Malamang na kailangan mo pa nga ng appointment," biro din niya. "Strict ang
parents ko."

"General ang tatay mo?"

Natawa siya. "Hindi. Presidente ng Pilipinas!" pabirong sagot niya.

Saglit na kumunot ang noo nito. Pagakatapos ay bumuntong-hininga ito. "Itatanan na
lang kita."

Inirapan niya ito. "Kung ang isang lalaki ay matatakot humarap sa parents ko para
ligawan ako, ano'ng klaseng tapang ang ipagmamalaki niya sa'kin? 'Yon lang ba
ang makakaya mo?" tanong niya, muli ay sumulyap dito. "Ang itanan ako para
makuha ako?"

Naging alumpihit naman ito sa kinauupuan. "Biruan pa ba ito?"

Ikiniling niya ang kanyang ulo. "Nagbibiro ka lang yata sa panliligaw mo, Justin."

Nagkatitigan sila. Hindi niya alam kung bakit hindi niya maiiwas ang kanyang mga mata.
Pakiramdam niya ay iyon na ang turning point kung kailang matutuklasan na niya nang
tuluyan kung anong klase ng lalaki ang mabilis na nagpatibok sa puso niya.

Hindi niya alam kung gaano katagal na nanatili sila sa ganoong ayos. Basta ang alam
niya ay parang tumigil ang oras habang nag-uusap ang kanilang mga mata. Ngunit
bago pa man muling may makapagsalita sa kanila ay naputol na ang mahika ng
sigawan at palakpakan. Nag-iinit ang mukhang yumuko siya.

Bakit nakalimutan niyang mayroon nga pala silang mga kasama?

Naramdaman na lang niya na kinuha ni Justin mula sa mga kamay niya ang kutsilyo at
ang manggang binabalatan niya. "Let me. Baka naman sabihin ng mga parents mo
kapag nagkita kami, sa pagbabalat lang ng mangga, hindi pa kita naprotektahan.
Hindi pa man ako nakakaakyat ng ligaw, may menos na agad sa pogi points ko."

Manghang napatingin siya rito.

"Susundan kita kahit saan, Leen. Alam ko na masyado pang maaga. But I am
already sure I like you. Na seryoso ako sa nararamdaman ko sa iyo. Hindi ako
magsisinungaling kung sabihin kong marami na akong naging girlfriend, pero
wala pang nagpatibok sa puso ko ng ganito kundi ikaw lang."

Napangiti siya. "Baduy ka talaga!"

Tumawa rin ito. "That's a sure sign. I'm out of my depth here. I've lost my wits.
Hindi ko alam kung paano ako kikilos sa harap mo, kung ano ang mga sasabihin
ko sa iyo para maniwala ka na seryoso ako. Ngayon lang ako nawalan ng kontrol
sa puso ko."

Naghiyawan na naman ang mga nasa paligid nila.

Hinagilap ni Justin ang kamay niya at hinawakan iyon. Pagkatapos ay pasigaw na
nagsalita ito. "Sa lahat ng mga nakakakita sa amin ni Leen ngayon, saksi kayo sa
pangako ko na hindi ko sasaktan ang babaeng ito! At kung sasagutin niya ko sa
pangliligaw ko---"

Sandaling naging mas malakas ang hiyawan kaysa sa sigaw ni Justin.

Nagpatuloy ang binata nang tumigil sa pagsigaw ang lahat. "I'll do everything to make
her the happiest woman on earth!"

Muli ay nagpalakpakan ang mga kasama nila. Tumingin siya sa direksyon nina Sol at
Nikki. Napapikit siya ng makitang nakatayo pa ang mag ito at bigay na bigay sa
pagpalakpak. Ang anak ni Sol na si Lilibeth ay sayaw nang sayaw sa tabi ng ina,
habang si Royal naman ay nasa itaas ng bato at nakangiting nakatingin sa lahat kahit
alam niyang wala itong ideya sa nangyayari.

Muli siyang napatingin kay Justin. Nakangiti ito habang nakatingin sa kanya.

Napailing siya. "Ni hindi mo pa ako lubos na nakikilala." aniya.

"Ha?" Mukhang hindi nito narinig ang sinabi niya dahil nagkakaingay pa rin sa paligid.

Umiling siya. "Wala." sabi niya. Marahil ay hindi iyon ang tamang pagkakataon na
sabihin dito ang tungkol sa tunay na pagkatao niya.

Ngunit kailan ba ang tamang pagkakataon? Bigla ang pagsalakay ng kaba sa kanyang
dibdib. Hindi niya alam kung ano ang magiging reaksyon nito kapag nalaman ang
katotohanan.

Nakakunot ang noo nito habang nakatitig sa kanyang mukha, na para bang may nakita
ito roon na nagbigay rito ng alalahanin.
"May problema ba, Leen?"

Umiling siya. "W-wala." Binawi niya ang kanyang kamay mula rito. "Sandali, pupunta
lang ako kina Sol."

Hindi na niya hinintay ang sagot mula rito at iniwan na niya ito. Tinukso tuloy ito ng
mga kalalakihan dahil sa ginawa niya.

TAHIMIK sina Sol at Nikki habang nakikinig kay Cathleen. Nasa tubig sila noon, tapos
na sa paglalaba sin Sol at Nikki habang ang dalawang bata naman ay kasama ng asa-
asawa ng magpinsan.

"Kung hindi ko rin lang masasabi sa kanya kung sino ako, hindi rin ako
puwedeng pumayag na ligawan niya ako," nag-aalalang sabi ni Cathleen. "Paano
na lang kapag nalaman niya kung sino talaga ako? Paano kapag nalaman niyang
mayaman ako, that my father's the President of this country at ang mama ko ay
mula sa angkan ng mayayaman? Ano na lang ang gagawin niya?"

Nangkatinginan ang mga ito.

"Puwede mo naman sigurong kalimutan muna ang mga problemang 'yan at
bigyan mo siya ng pagkakataon na ipakita sa iyo na mahal ka niya," pahayag ni
Nikki. "Para sa amin ni Sol, kung ano ka ngayong kaharap ka namin, iyon ang
totoong ikaw."

"Nikki, hindi puwedeng katwirang 'yan," sansala naman ni Sol. "Unang-una, alam
natin sa simula't simula pa kung sino si Leen. Hindi iyon alam ni Justin. Unfair sa
kanya iyon. Pangalawa, mga kaibigan tayo ni Leen. Ibig sabihin, kung tuluyan
silang mahuhulog sa isa't isa, pagkakataon 'yon na maaaring magkasama sila
habang-buhay. Kilala ba natin nang lubusan ang lalaking 'yan para masabing
hindi masasaktan si Leen sa magiging reaksiyon niya kapag nalaman niya ang
totoo?"

"Naroon na ako, Sol," sabi naman ni Nikki. "Pero kung ang isasaalang-alang lang
ni Leen ay kung may masasaktan sakaling magpatuloy siya sa
pakikipagmabutihan kay Justin, lalong parang walang pag-asa na lumigaya siya
kapag ganoon. Paano na lang kung si Justin na pala ang lalaking hinihintay niya?
Paano kung kaya pala siyang ipaglaban ni Justin against all odds? Paano kung
oo nga't medyo may problema ngayon, eh, sila pala ang nakatakda para sa isa't
isa?" sunud-sunod na tanong nito.

Tumingin ito sa kanya. "Pababayaan mo na lang ba na manaig ang takot mo na
baka masaktan ka? Bakit, hindi ba't masasaktan din 'yong tao?" Bumaling naman
ito kay Sol."Bakit, noon bang hindi ka pa sigurado kay Orly, sumuko ka ba kahit
nasasaktan ka na?" Si Orly ay ang asawa ni Sol.

Nagkatinginan naman sila ni Sol.

"Kaya kung ako si Leen, I'd go for it. Kailan ka uli magkakaroon ng pagkakataong
main-love? 'Di bale nang may kamag-anak siyang magnanakaw ng budding. Para
'yon lang. Ang problema, kapag si Justin na mismo ang nagnakaw ng puso mo
pero hindi mo siya magawang ipaglaban. Hindi mo alam kung hanggang kailan ka
masasaktan o kung hanggang kailan ka maghihinayang. Baka habang-buhay,
sige ka."

"Ibig mong sabihin, malalaman ni Leen ang mangyayari sa kanila ni Justin kung
magpapatuloy siya?" tanong ni Sol.

Tumingin siya kay Nikki. "Kung kaya niya. In love ka na ba kay Justin,
Leen?" Bumuntong-hininga ito. "Kunsabagay, mamomroblema ka ba ng ganyan
kung hindi ka pa nahuhulog sa kanya? Pati tuloy kami namomroblema. Hayaan
mo na, ganyan talaga kapag nagsalita ang puso, ora-orada."

Hindi makapaniwalang napatitig siya rito. Kapagkuwan ay napatigin siya kay Sol at
muntik nang mapangiti sa nabasang ekspresyon sa mukha nito. Hindi rin ito
makapaniwala, pero halatang nakumbinsi ito sa mga sinabi ni Nikki.

"Sundin mo ang sinasabi ng puso mo. Ikaw ang magdesisyon." sabi ni Nikki.

Kagat ang ibabang labi na hinanap ng mga mata niya si Justin. Kasama pa rin ito ng
mga kalalakihan pero nakatanaw ito sa kanila. Tila nag-alinlangan pang ngumiti ito
nang magtama ang mga mga mata nila.

Naisip niyang kung hindi na niya makikita ang ngiting iyon bukas, ano kaya ang
mararamdaman niya?

Agad na sumagot ang kanyang puso. Nagsikip ang dibdib niya sa matinding
pangungulila na nararamdaman niya.

Ngumiti siya hindi lang para tugunin ang ngiti ni Justin, kundi dahil sa tuwa. Sa wakas
ay natuklasan niya na kung paano mangusap ang puso.

SA BUONG buhay ni Justin ay noon lang siya nakadama ng sobrang relief nang makita
niya ang ngiti sa mga labi ni Leen. Pinalis ng ngiting iyon ang nararamdaman niyang
kaba.

Ibinaba niya ang tingin sa baso ng gin na ipinasa sa kanya ni Orly.

"Shot muna, pare. Hayaan mong mag-usap-usap ang mga babaeng 'yan.
Pasasaan ba't matatapos din ang diskusyon at sigurado ako, si Leen din ang
masusunod."

Kinuha niya ang baso. "Ano kaya'ng iniisip ni Leen? May pag-asa kaya ako sa
kanya?"

Ngumiti naman si Wilson, ang asawa ni Nikki. Ngunit kasabay niyon ay umiling din ito
na ipinagtaka niya. "Kung kay Leen lang, baka may pag-asa ka, pare. Boto sa iyo
ang asawa ko. Sa palagay ko, ganoon din si Sol. At kitang-kita mo
naman, malapit sa isa't isa ang tatlong 'yan. Ito lang ang masasabi ko sa
iyo," sabi nito. "Kung talagang tunay ang nararamdaman mo para kay Leen,
ihanda mo na ang loob mo sa pagharap sa mga magulang niya."

Napatitig siya rito, pagkatapos ay kay Orly na tumangu-tango rin.

"Bakit? Puwede n'yo bang sabihin?"

Sabay na umiling ang mga ito. "Gusto mo bang talakan na lang kami basta ng mga
misis namin?" natatawang sambit ni Wilson.

Mukha namang naawa sa kanya si Orly. Tinapik siya nito sa balikat. "Ito na lang, pare.
Sabihin na nating kung mamimili man ang mga magulang ni Leen ng magiging
asawa ng kanilang nag-iisang anak, hindi ikaw 'yon."

"Bakit naman?"

"Kasi---"

Siniko ito ni Wilson. "Nakatingin sina Sol!" pabulong na babala nito. Pagkatapos ay
nilakasan nito ang boses ngunit ibang paksa na ang sinabi.

Napabuntong-hininga siya. Sinakyan na lang niya ang pinagkukuwentuhan ng mga ito.
Pero bago sila maghiwa-hiwalay nang hapong iyon ay palihim na binigyan siya ni Orly
ng clue.

"Ganito. Kung talagang mahal mo si Leen, ipaglaban mo siya, pare. Patunayan
mo sa mga magulang niya na nararapat kang ibigin ng anak nila. Kapag hindi mo
nagawa 'yon, siguradong mabilis pa sa alas-kuwatro, hindi mo na siya makikita.
Ipapakasal siya sa ibang lalaki na sa palagay nila ay mas bagay para kay Leen."

Hindi siya nakatulog nang maayos nang gabing iyon. Hindi siya mapalagay. Naisip niya
na kapag sinunod niya ang payo ni Orly, ano ang maipagmamalaki niya?

Mayaman nga siya pero hindi niya masasabing responsable siya. Nasa edad na beinte-
nuwebe ay wala rin siyang maipagmamalaking prinsipyo.

Bago magbukang-liwayway ay alam na niya kung ano ang kanyang gagawin.
Ipinagdasal na lang niya na sana ay hindi pa huli ang lahat para sa kanya.

Ngunit anuman ang plano niya ay hindi na niya naisagawa dahil wala na si Leen kina
Sol kinabukasan.
"MA'AM Cathleen?"

Nagising si Cathleen mula sa mababaw na pagtulog. Nakatigil na ang sasakyang
kinalululanan niya. Nagmulat siya ng mga mata. "Narito na ba tayo, Mang
Pol?" tanong niya sa driver.

"Oho."

Humugot siya ng malalim na hininga. Kahit malakas ang buhos ng ulan ay tanaw pa rin
niya ang pakay nila at ang ilang taong nakasilong sa tolda.

Sa labas naman ng nakabukas na pinto ay naghihintay ang driver sa pag-ibis niya ng
sasakyan. Hawak na nito ang nakabukas na payong.

Kumilos siya kahit mabigat ang pakiramdam niya. Kaunti lang ang oras na nakalaan
para sa biyahe niyang iyon. At ang kaunting panahong iyon ay gagamitin niya para
madamayan ang kanyang mga kaibigan.

Siyam na buwan na ang nakalilipas mula nang nagmamadaling umalis siya ng San
Jose pagkatapos ng nangyari sa kanyang ama. Mabuti na lang at nakaligtas ang papa
niya. Ngunit pagkatapos niyon ay lumabas sila ng bansa ng kanyang mama para na rin
sa kaligtasan nila. Hindi sila umuwi hangga't hindi pa nahuhuli ang nagtangka sa buhay
ng kanyang papa.

Pero mula nang makabalik na siya sa bansa ay hindi na siya nagkaroon ng
pagkakataon na dumalaw sa San Jose. Ngunit madalas naman niyang natatawagan sa
telepono ang mga kaibigan at si Yaya Ludy.

Ngunit kinuha na ng Maykapal ang yaya niya. Three days ago, binawian na ito ng
buhay. Pinayagan siya ng mga magulang na makiramay ngunit sa mismong araw lang
ng libing. Nauunawaan naman niya kung bakit. Hangga't hindi pa naaaprubahan sa
Senado ang batas na sinusuportahan ng kanyang ama ay laging may banta sa kanilang
pamilya. Walang sandaling hindi siya nag-aalala para sa kanyang papa.

At dahil buo ang suporta niya sa mga adhikain nito, hanggang maaari ay hindi niya ito
binibigyan ng dagdag na alalahanin. Sinusunod niya ang lahat ng sinasabi ng mga
magulang para hindi na siya makadagdag pa sa problema. Alam niyang kinakabahan
ang mga ito sa pagpunta niya roon sa San Jose.

Bumaba siya ng sasakyan at naglakad na sila ng driver patungo sa puntod. Sinalubong
siya nina Nikki at Sol at nagyakap silang tatlo. Pagkatapos ay magkakatabing nilapitan
nila ang puntod.

"Hindi siya nahirapan. Namatay siya sa kanyang pagtulog," sabi ni Sol.

"Noong gabing pinatulog ko siya, tinitingnan na naman niya 'yong mga photo
albums. Itinuro ka niya," ani Nikki. "Ang sabi lang niya, ang alaga ko."

"Ano pa?" tanong niya habang tumutulo ang kanyang mga luha.

"Wala na siyang sinabi pero nakangiti siya. 'Yon lang. 'Tapos itinago niya 'yong
album at nahiga na siya. Wala siyang ipinakitang inidikasyon na iiwan na niya
tayo."

Marahan siyang tumango. Humalik siya sa pisngi ni Tita Zeny at Tita Angge na
parehong namumugto rin ang mga mata. Nasa jeep na raw ang mga bata kasama nina
Orly at Wilson.

"Makakasama ka ba sa farm, Cathleen?" tanong ni Sol.

"Sandali lang. Kailangan ko ring umuwi mamayang gabi."

"Mabuti naman. Kahit paano, makakapagkuwentuhan tayo," ani Nikki.

Ngumiti siya. "Oo nga."

Wala pang isang oras na nanatili sila sa sementeryo dahil masama ang panahon. Sa
sasakyan na niya sumama sina Sol at ang mga bata. Nasasabik na rin siya sa
dalawang inaanak. Mabuti na lang at hindi masyadong nanibago ang mga ito sa kanya.
Nag-unahan pa ang mga ito na maupo sa tabi niya.

Nang makarating sa farm ay ipinalabas niya sa driver ang mga pasalubong na dala niya
para sa mga ito.

Naupo sa tabi niya si Sol at iniabot sa kanya ang isang mainit na tsa. "Nag-alala kami
sa iyo," sabi sa kanya ni Nikki na nakaupo naman sa tapat niya. "Hindi ka na kasi
tumawag mula nang maibalita namin sa iyo na patay na si Tiya. Akala nga namin,
hindi ka na makakarating."
"Maaari ba namang hindi ako makarating sa libing? Kaya lang pasensiya na kayo.
Hindi ako puwedeng sumabay sa maraming tao."

"Naiintindihan naman namin 'yon," ani Sol. "Nag-alala kami kasi bala wala ka man
lang nakakausap doon o karamay."

Malungkot na ngumiti siya. "Iniisip ko pa lang na malapit ko na uli kayong makita,
nawawala na ang lungkot ko. Pumayag man kasi o hindi si Mama, pupunta pa rin
ako rito. Miss na miss ko na kayo at ang mga inaanak ko."

Sukat doon ay nagsimula na sa pagkukuwento si Nikki tungkol sa mga bagay na
nangyari simula noong umalis siya. Nakinig siya na parang sabik na sabik sa mga
kuwento pero sa kanyang puso, ang tungkol sa iisang tao lang naman talaga ang
pinananabikan niyang marinig. At tila naintindihan naman agad ng mga ito iyon.

"Hindi pa rin siya bumabalik," sabi ni Nikki.

Napatingin siya rito. Alam niyang si Justin ang tinutukoy nito. Agad siyang nagbaba ng
tingin. "Hindi na ako umaasa."

Hinawakan ni Sol ang kamay niya. "Hindi mo naiintindihan. Iba ang sinasabi ni
Nikki."

"Naibulong ko kasi kay Mang Nonoy noong isang araw pa na baka dumating ka
ngayong araw ng libing. Gabi-gabi kasi silang nakikipaglamay ni Andang Mirasol
dito. Ipinasabi ko kay Justin na kung gusto pa niyang makausap ka, pumarito
siya ngayon. Para magkita kayo."

Nanlaki ang mga mata niya sa sinabi nito. Ngunit agad ding bumagsak ang kalooban
niya. Sa tagal na hindi sila nakapag-usap ni Justin, kung may nararamdaman siguro ito
para sa kanya noon, baka wala na ngayon. Baka naglaho na dahil basta na lang siya
umalis noon. Na binale-wala niya ang panunuyo nito.

Sa labas ng bahay, narinig niya ang ugong ng sasakyan niya. Alam niyang naghahanda
na si Mang Pol sa pagbalik nila sa Maynila. Ibinalik niya ang tingin niya kay
Nikki. "Huwag na lang natin siyang pag-usapan. Oo nga pala, kailan n'yo
binabalak na dumalaw sa akin sa Manila? Baka naman mainip pa ako sa inyo,
ha?"

"Paano kung dumating siya?"

"Nikki, hindi na siya darating," aniya. "At hindi ako maghihintay sa wala."

"Kapag nakita ko siya at sakaling dumalaw siya rito, sasabihin ko na sa kanya
ang totoo. Ayokong isipin niya na niloko o pinasakay mo lang siya. Kung totoong
tao siya, pipilitin niyang kausapin ka."

Bumuntong-hininga siya. "Bahala ka. Pero hindi siya darating ngayon. Kung
makikita mo siya, baka sa susunod na pagkakataon lang na magababakasyon
siya rito. At baka may kasama na siyang girlfriend, o kung hindi man,
asawa." Marahan siyang umiling. "Ilang buwan na ba, Nikki? Imposibleng umasa pa
siya. Bulag siya kapag naniwala pa siya na hindi ko siya pinasakay lang noon.
Hindi na ako maghihintay pa sa kanya."

Napalingin siya nang may tumikhim.

"Pasensiya na, Ma'am. Pero tumawag ho ang mama ninyo. Kailangan n'yo na raw
umuwi agad. Emergency. Tatawagan na lang daw niya kayo sa cellphone
niyo," sabi ni Mang Pol.

Napatango na lang siya rito. "Thank you, Mang Pol. Pakihintay na lang ako sa
sasakyan."

Tumango nman ang driver at lumabas na uli ng bahay.

Tumingin siya sa mga kaibigan. "Hihintayin ko kayo, ha?"

Tumayo ang mga ito at niyakap siya.

Nagsisikip ang dibdib niya nang sumakay na siya sa backseat ng kotse. Tumutulo na
ang kanyang mga luha bago pa man sila makalabas ng farm.

HALOS hindi pansin ni Justin ang lakas ng ulan at malalalim na lubak sa daan habang
nakatutok ang kanyang mga mata sa direksiyong tinutumbok ng kanyang kotse. Galing
siya sa sementeryo pero wala na siyang inabutan doon. Masama ang panahon kaya
tiyak na umuwi na ang mga nakipaglibing kay Aling Ludy.

Hindi na rin niya inabutan pa roon si Leen---kung sakaling dumating nga ito. Hindi
malinaw ang mensaheng iniwan ni Tito Noy sa sekretarya niya na si Mrs. Santiago
noong isang araw. At dahil hindi inisip ni Mrs. Santiago na importante ang mensahe,
hindi agad nito naisama iyon sa mga nai-fax na messages sa kanya sa New York.
Kanina lang---noong pumasok na siya sa opisina---niya nabasa ang mensahe.
Nataranta siya nang malamang darating si Leen sa San Jose para makipaglibing.

Suot pa mandin niya ang kanyang business suit na nagmamadali siyang umalis ng
opisina. Hindi na niya nagawang magpalit ng damit.

Papasok na siya sa The Sister's Farm. Ilang beses na niyang tinawagan si Tito Noy
pero out of coverage area ang cellphone nito. Malamang na naka-off na naman iyon.
Nakakalimutan lagi nito na i-recharge iyon.

Hindi na siya dumaan sa bahay ng mga ito at dumiretso na lang siya sa farm. Baka kasi
naroroon na si Leen.

Hanggang sa mga sandaling iyon ay hindi pa rin niya lubos na maintindihan kung bakit
masyadong tikom ang bibig nina Nikki at Sol tungkol sa kinaroroonan ni Leen sa
Maynila. Naisip niyang totoo marahil na mahigpit nga ang mga magulang ng dalaga.
Pero mahal niya ito at handa siyang harapin ang lahat mabigyan lang siya ng
pagkakataon sa puso nito.

Ngunit inilayo siya sa San Jose ng maraming responsibilidad sa mga kompanya ng
kanilang pamilya. Kusang-loob na pinamahalaan niya ang mga iyon lalo na nang
atakihen sa puso ang kanyang ama.

Bigla niyang naitabi ang sasakyan niya dahil sa masasalubong na kotse na tila
nanggaling sa farm. Malapit na siya sa gate ng farm kaya hindi na niya pinansin ang
iritasyong naramdaman niya sa driver ng nakasalubong na sasakyan. Mas importante
sa kanya ang makarating sa kanyang destinasyon.

Ipinarada niya ang sasakyan sa harap ng bahay. Agad na bumaba siya ng sasakyan at
tinakbo ang hagdan paakyat sa bahay dahil malakas pa rin ang buhos ng ulan. Sa itaas
ay nakasilip na sa kanya ang manghang mga mukha nina Nikki at Sol.

"Bakit ngayon ka lang?" tanong ni Nikki sa naninising tinig. Ngunit namilog naman
ang mga mata nito nang pagmasdan ang hitsura niya. "Kaaalis lang niya."

"Kailan pa?" tanong niya. Naisip niya na baka puwede niya pang habulin si Leen.

"Ngayon-ngayon lang," sagot naman ni Sol. Nakamata rin ito sa kanya.

Itatanong sana niya kung saan nakasakay si Leen pero naunahan siya ng tanong ni
Nikki.

"Justin, mayaman ka ba?"

Nagtatakang napatingin siya rito. "Ha?"

Ngumiti ito. "Sagutin mo na lang."

Bumuntong-hininga siya. "Oo. Saan siya---"

"Madaling mahanap ang bahay nina Leen sa Manila kaya mamaya mo na
itanong," putol ni Sol sa pagtatanong niya. "Gaano ka kayaman?" tanong nito na
humahalukipkip, naglalaro ang mga ngiti sa labi.

Kumunot ang kanyang mga noo. "Mas importante pa ba 'yon kaysa sa makita ko si
Leen, na makausap ko si---"

"Oo," sabay na sagot ng mga ito.

Nababaghang napatitig siya sa mga ito. "Oo, mayaman ako. Sa ngayon, my bank
account has one point six billion. Namana ko iyon sa lolo at lola ko. Pero wala
iyon kompara sa mamanahin ko sa mga magulang ko pagdating ng araw,
although hindi sa hinihintay kong mangyari 'yon." Bumuntong-hininga siyang
muli. "Sapat na ba 'yon para sa mga magulang ni Leen? May pag-asa na ba ako,
Nikki?" umaasang tanong niya. Bagaman unti-unti na siyang nabubuhayan ng loob
dahil hanggang tainga ang ngiti ng mga ito.
Nagkatinginan ang mga ito. Kapagkuwan ay pumasok sa loob si Nikki. Nang lumabas
ito ay may hawak na itong papel. Iniabot nito sa kanya iyon.

"Matatagpuan mo si Leen sa address na 'yan. Kung ako sa iyo, bibilis-bilisan ko.
Kasi parang may naikuwento sa amin si Leen minsan na may napupusuan ang
mga magulang niya para sa kanya."

"Oo. At kilala namin ang mama ni Leen. Kapag 'yon ang pumili, perpekto.
Kailangan maunahan mo na kung sino man 'yon sa pagpapapogi points sa mga
magulang ni Leen. Or else, mahihirapan ka kahit bilyonaryo ka pa," sabi naman ni
Sol.

"Malay natin, baka mas pogi pa ang lalaking 'yon kaysa sa iyo? O kaya ay mas
simpatiko? Paano kung pati si Leen, mahulog din sa kanya? Paano ka?" biro ni
Nikki.

Napatingin siya sa papel na iniabot ni Nikki. Malacaan. Iyon ang nakasulat doon.

"Sino talaga si Leen?" nababaghang tanong niya.

Nagtinginan na naman ang mga ito.

"Importante pa ba 'yon? Malalaman mo rin naman sa sarili mong pagsisikap. Ikaw
na ang bahala kung pupuntahan mo siya o hindi, hinihintay ka niya. Akala lang
niya, hindi."

Napatitig siya sa mga ito, pagkatapos ay itinago niya ang papel sa inner pocket ng
kanyang jacket. "Salamat," sabi niya at nagmamadaling bumaba ng hagdan. Bumiyahe
na siya pabalik sa Manila.

Pagdating niya sa bahay ay isang tao lang ang tinawagan niya.

"Mom, ano'ng pangalan ng anak ni President San Diego?" tanong niya sa kanyang
ina.

"Cathleen, darling," maagap na sagot nito kahit may pagtataka sa tono. "Why?
You've finally got your senses back at naniniwala ka na sa akin na para sa iyo ang
babaeng ito? Remember, I wanted you to meet her." Nasa boses na naman nito ang
nagging na tonong iyon. "Pero bigla kang nawala. How irresponsible of you. Kung
gusto mo, I'll call up Lucille para magkaroon ka ng pagkakataon to call on them.
Ay, no! Hindi ko muna sila iistorbohin ngayon. Something happened. I think it
was in the news this afternoon."

Biglang bumilis ang tibok ng puso niya. Kanino ba niya narinig iyon? Ang Tiya Ludy nina
Nikki ay matagal na nagtrabaho sa pamilya ng isang pulitiko. At isang beses---kung
tama ang alaala niya---tinawag ni Tiya Ludy si Leen na alaga nito?

Napalunok siya. "So when do you want me to meet her again?"

Nasa boses ng ina ang panggigilalas. "Wow, I can't believe you, son! Pero kasasabi
ko lang, we can't arrange anything right now because it would be impossible to
disturb Lucille. It would be very inconsiderate of us."

"Why?" nanlulumong tanong niya.

"Because this afternoon, may nagtangka na naman sa buhay ni President San
Diego. Unfortunately, wala pang balita kung nakaligtas ba uli siya o hindi." Narinig
niya ang pagbunting-hininga nito. "Hay, how terrible! Kaya nga ba ang sabi ko sa
dad mo, huwag sasabak sa pulitika..."

DAHIL sa nangyari na naman sa ama, pinilit ni Cathleen na kalimutan ang lahat ng
pansarili niyang problema. Para sa kanila ng kanyang mama, lubos na pagkasi ng
Maykapal ang ikalawang beses na pagkakaligtas ng papa niya sa kamatayan.

Muli ay umalis sila ng bansa hanggang sa maaprubahan na sa wakas ang batas na
hinihintay ng kanyang papa at mapirmahan iyon. Nasa implementasyon na ang batas
nang bumalik sila sa Pilipinas. Nakarating kasi sa kanila ang balita na wala na sa bansa
ang dalawang drug dealers na pinaghihinalaang nais magpapatay sa kanyang papa.

Halos hindi niya namalayan ang pagdaraan ng mga araw. Malapit na pala ang twenty-
sixth birthday niya. Napagkasunduan nila ng ina na magdaos ng isang maliit na party sa
bahay at mag-imbita lang ng malalapit na kaibigan ng pamilya.

Magkatulong na inilista nila ang mga iimbitahan. Napabuntong-hininga siya nang isula
nito ang pangalan ng mga Alcaeses. Naalala niyang butung-buto nga pala ito sa anak
na lalaki ng mag-asawang iyon.

"Mama, don't tell me na may balak ka pa ring---"

Hinawakan nito ang kamay niya at tinitigan sa sa mga mata. "Anak, I'm telling you.
You have to meet this man. Believe me, once you've seen him, sasabihin mo sa
sarili mo na Mama knows best."

Napatitig siya rito, saka natawa. "Ma, ganyan ka na ba ka-desperate sa anak mong
dalaga? I'm turning twenty-six, not thirty."

Ngumiti rin ito. "Hindi ako desperada. I just can't help but notice na malaki na ang
ipinagbago mo mula noong magbakasyon ka sa San Jose. Napansin ko rin na
mas matapang ka kaysa inaakala ko. You've done more than well sa ginawa mong
pagsuporta sa amin ng papa mo noong may gulo sa buhay natin. Nahirapan
akong tanggapin na malaki ka na nga pala. Pero noong kailangan kita, noong mga
oras na sobra ang pag-aalala at takot ko para sa buhay ng papa mo, ikaw ang
sandalan ko."

Nabura ang ngiti sa mga labi niya. Naalala niya ang mga sandaling bigla na lang
umiiyak ito lalo na noong napilitan silang lumayo sa papa niya at magtago sa ibang
bansa. Wala siyang ibang magawa noon kundi yakapin at aluin ito. "Ma, siyempre
hindi kita pababayaan. Puwede ba 'yon?"

"I've read somewhere that a part of right parenting is accepting the time when a
parent has to let go. Your father has been telling me in so many words na hindi ka
na bata pero hindi ko siya pinapansin. I'm always telling myself that I'll know
when it comes," Ngumiti ito. "Hindi ko naisip na ako ang hindi pa nagma-mature
bilang isang ina."

"You've been very good to me..." aniya.

"Pero hindi sapat. Mahirap pa rin sa akin ang pawalan ka. I have been thinking
that if you're going to start walking out of my world, I'll be the one to steer you to
the right direction. I want you to be happy. Pagbigyan mo na ako, anak. Meet
people on your birthday." Pinisil nito ang kanyang mga kamay. "Meet this man."

Bumuntong-hininga siya. "Sige. Kung talagang sa palagay n'yo, okay ang guy na 'to
para sa akin---"

"He's the head of his father's business empire at the age of thirty. He's charming,
good-looking, a responsible person. He's very eligible bachelor. At wala siyang
girlfriend sa kasalukuyan."

Napapangiti siya dahil naalala niya ang deskripsyong nabuo niya sa kanyang isip
tungkol sa anak ng mga Alcaeses pagkatapos niyang makilala ang mga magulang
nito. Kabaliktaran iyon ng mga sinabi ng mama niya.

"As far as I know, wala naman siyang nabuntis o naagrabyadong babae during
his playful days."

Natawa siya. "Mama!"

Nagkibit-balikat ito. "A mother has to know these things bago niya i-consider na
irekomenda sa kanyang unica hija ang isang binata."

Napailing na lang siya.

DUMATING ang gabi ng party. Cathleen was all set to go down. Nakasuot siya ng isang
puting gown na may mga prints ng pink and green lines na kumikislap sa tama ng
liwanag. Siya ang pumili niyon nang mag-shopping sila ng mama niya. Bagaman medyo
kumunot ang noo nito nang ituro niya ang damit ay hindi ito nagkomento. Hinintay
nitong maisukat niya ang damit. Ngumiti ito nang makita siyang suot iyon at sinabing
maganda. Hindi raw nito akalain na babagay sa kanya ang ganoong design.

Katabi niya ang kanyang mama sa pagtanggap sa mga bisita. Ang papa naman niya ay
male-late dahil manggagaling pa ito sa Baguio. The Alcaeses were one of those who
had arrived last. Hindi kasama ng mga ito ang anak nang bumaba ng sasakyan ang
mga ito. Halata ang panghihinayang ng mama niya. Kahit paano ay nakaramdam din
siya ng ganoon.

Kapansin-pansin ang malaking ipinayat ni Mr. Alcaeses mula nang huling makita niya
ito. Marahil ay nagkasakit ito. Lumapit ang mga ito sa kanila. Naglubag ang loob ng
mama niya nang sabihin ni Mr. Alcaeses na mahuhuli lang nang kaunti ang anak ng
mga ito.

"There was a problem with the business." Her eyes were raised delicately to the
ceiling. "Manang-mana sa kanyang ama pagdating sa negosyo. And this
man..." Tinapik nito sa braso ang asawa. "Is very proud of his son."

Umiling naman si Mr. Alcaeses bagaman nakangiti ito. Nagulat siya sa
transpormasyon sa mukha nito nang ngumiti ito. Tila biglang bumata ang hitsura
nito. "I'm most surprised. Hindi nagpakita ng interes si Justin sa negosyo ko until
late last year. And when he did, nagulat naman ako sa ipinakita niyang sipag at
dedikasyon. I've been telling Portia na na-inlove ang batang 'yon. Nakita na siguro
niya ang babaeng gusto niyang pakasalan at lumalagari para meron siyang
maipagmalaki---"

"Dad, please close your mouth," saway naman dito ng asawa. Bumaling ito sa
kanya. "How are you, darling? Happy birthday!"

Ngumiti siya at nagpasalamat sa pagdalo ng mga ito.

Mayamaya ay pumasok na rin sila sa loob at nakihalubilo sa mga bisita. Nakahain sa
dalawang buffet tables ang mga pagkain pero karamihan sa mga bisita ay may hawak
na mga kopita, hindi pa nagsisimula sa pagkain. Ang mga regalong natanggap niya ay
maayos nang nakapatong sa isa pang mesa. Mayamaya ay dumating na ang papa
niya. Mas maaga ito kaysa sa oras na ipinangako nito. May mga kasama rin itong bisita.

Nang magkaroon siya ng pagkakataon na makapagpahinga sa pag-aasikaso sa mga
bisita ay umakyat siya sa terrace. Paakyat na siya roon nang may mahagip ang
kanyang mga tingin. Pakiramdam niya ay namalikmata siya. Ikinurap niya ang mga
mata ngunit naroon pa rin ito.

Para kasing nakita niya si Justin. Nakatayo ito sa kabilang bahagi ng hall at nakatingin
sa kanya. Pumikit siya. Ngunit nang dumilat siya ay wala na ito roon. It must be
because she had heard his name spoken. Nabanggit ni Mr. Alcaeses ang pangalang
iyon kaninang ipinagmamalaki nito ang anak nito na si Justin din pala ang pangalan.

Hindi na lang niya pinansin ang kirot na agad niyang naramdaman nang marinig ang
pangalang iyon. Pakiramdam niya, sa gitna ng lahat ng pagpapalang natatamasa
ngayon ng kanyang pamilya, walang lugar doon ang munting kirot na nararamdaman
niya para sa isang nabigong pag-ibig.

Tumuloy na lang siya sa pag-akyat.

Napailing siya nang may matanto habang mag-isang nakatayo sa teresa.

Kung Justin ang pangalang ng anak ng mga Alcaeses---and she was all set to meet
the man para mapagbigyan ang kanyang mama---ibig sabihin ay sa isang Justin din
pala siya babagsak. Bago magsimula ang gabi ay napagpasyahan na niyang pagbigyan
ang kanyang sarili na nagsimula nang maghanap ng lalaking puwede niyang
magustuhan. At kung magsisimula na siya, dapat na rin siguro niyang ikonsidera ang
lalaking nais ipakilala sa kanya ng mama niya.

Limang minuto na mula nang magtungo siya roon nang maramdaman niyang tila may
nakatayo sa likuran niya. Hindi siya kumilos. Siguro, kung magkukunwari siyang hindi
niya namalayan ang pagdating nito ay aalis na lang ito roon.
Ngunit mayamaya ay narinig niya ang papalapit na mga yabag, pagkatapos ay huminto
ito sa tabi niya. Kasabay niyon ay nanuot sa ilong niya ang pamilyar na amoy ng isang
men's cologne.

Muli ay naramdaman niya ang kirot na iyon sa kanyang dibdib. Ganoon ang pabango ni
Justin noong hapon ng children's party ni Royal sa San Jose.

Bumuntong-hininga siya. Susulyapan sana niya ang katabi nang mauna itong
magsalita.

"Hello, Leen."

Nanigas siya sa kinatatayuan. Nakaawang ang mga labi at hindi makapaniwalang
napalingon siya.

Si Justin ang nakatayo roon. Alam niyang hindi siya namamalikmata lang. Ito talaga ang
nakikita niya. At boses nito ang narinig niya na bumati sa kanya.

"J-justin?"

Ngumiti ito. "Yes. Bakit, akala mo ba, hindi na kita mahahanap?"

Agad niyang naisip ang mga hindi nito alam noon tungkol sa kanya. It was obvious that
he already knew who she was now. At tila hindi naman ito galit.

Pero paano ito nakapasok doon?

Kung anuman ang ginawa nito para makapunta roon ay wala na siyang pakialam. She
had to get him away. Baka mamaya, malaman ng iba na may nakapasok na hindi
imbitado at magkaroon pa ng gulo. Hindi niya gustong mag-alala ang mga magulang
niya.

HINAGILAP niya ang braso ni Justin. "Come here!" Hinila niya ito patungo sa pinto.
Sumilip siya sa labas. Nang makita niyang walang tao sa foyer ay hinila niya ito roon
para makarating sila sa isa sa hagdang magdadala sa kanila sa gilid ng hardin. Walang
tao roon kaya puwede silang makapag-usap nang maayos.

Hinihingal na siya nang makarating sila sa hardin. "My God!" nasambit niya
pagkatapos bitiwan ang kamay ni Justin. Hinarap niya ito. Nang makita na niya ang
mukha nito, magkahalong tuwa at hindi pagkapaniwala ang naramdaman niya. "How
did you get here?"

"Madali lang. I was invited."

Ilang sandali ang lumipas bago rumehistro sa utak niya ang sinabi nito. Paano kasi,
naglalakbay sa kabuuan nito ang kanyang mga mata. He looked splendid, too
handsome, in his dinner jacket. Pakiramdam niya, lalo itong tumangkad. Iniisip din niya
kung ano ang sasabihin ng mama niya kapag nakita nito si Justin.

"Invited?" ulit niya. Hindi niya naalalang may isinulat siyang Justin sa guest list.

Except Justin Alcaeses.

Napatitig siya rito. When the truth started to hit her, napaurong siya nang hindi niya
namamalayan. His hands reached out. Hinawakan siya nito sa magkabilang bisig upang
pigilan siya.

"Yes, ako si Justin Alcaeses. Yes, mayaman din ako, na hindi nalalayo ang
estado ko sa estado n'yo sa buhay." Muling ngumiti ito. "And yes, I am happy na sa
wakas, makakaakyat na ako ng ligaw rito sa bahay ninyo nang hindi natatakot na
baka ipalapa ako ng parents mo sa mga aso o kaya ay ipa-firing squad sa mga
sundalo."

Nakatitig pa rin siya rito, hindi malaman ang sasabihin. What was foremost in her mind
was that she lied to him about her family and about a lot of things regarding her. "H-
hindi na tayo nagkaroon ng pagkakataon na makapag-usap pa."

"Hindi nating sinasadya. I wanted to tell you, too, the truth about me. Kaya lang,
nahihiya ako dahil bukod sa kayamanan ng pangalan ko, wala na akong iba pang
maipagmamalaki sa iyo."

"Puno ng praises para sa iyo si Mama. Ipinagmamalaki ka ng magulang mo, lalo
na ang daddy mo. Napakaresponsable at dedicated ka raw sa negosyo ninyo.
Paano mo nasasabi 'yan?"

Tumawa ito ng mahina. "Nangyari lang 'yon after I've met you. Gusto ko kapag
nagkita tayong muli---because I was determined to find you when I'd get the
chance to do so---may maipagmamalaki na akong accomplishments na nagawa
ko gamit ang sarili kong utak at mga kamay. Gusto ko, kapag humarap ako sa
mga magulang mo, hindi nila iisipin na hindi ako nararapat para sa kanilang
anak."

Napangiti siya. "Bago pa tayo magkita sa San Jose, gusto ka na ni Mama para sa
akin, Justin. Kaya lang, hindi ka um-attend sa birthday party noon ni Papa kaya
hindi tayo nagkita."

"Do you believe in destiny? Maybe we're meant to be together."

Napatirik ang kanyang mga mata. "Nagsisimula na naman ang kabaduyan mo."

"Anong kabaduyan?" natatawang sabi nito. Kinabig siya nito at niyakap. "Kung
kabaduyan ito, then it feels so good I could cry. I've wanted to hold you like this
for so long."

"Aba, aba! Akala ko ba, liligawan mo pa ako, pero nananantsing ka na
riyan," aniya, kunwa ay itinulak ito.

"I have this feeling that I can make you happy by holding you."

Nag-angat siya ng tingin. Masuyong nakangiti ito sa kanya. Masaya rin siya kapag
nakikitang nakangiti ito at naririnig niya ang boses nito. "Ano pa ang ibang
nararamdaman mo?"

Lalong lumawak ang ngiti nito. "You make me happy just by smiling. You make me
ache when I think of you and when I think that I miss you so much. You make me
hope. You make me want to strive to be a better person. You, lady, can make me
love you more and more each day if you will let me."
Natatawang napailing siya. Ramdam niya ang pag-iinit ng kanyang mukha. "Ang
baduy, baduy, baduy mo talaga!"

Bumuntong-hininga ito. "Leen, just tell me. May pag-asa ba ako? Tama ba ang
pakiramdam ko na mahal mo rin ako? O nagkakamali lang ako?"

Napatitig siya rito.

"Pakiramdam ko, mahal mo rin ako. Pakiramdam ko, kaya kitang paligayahin.
Pakiramdam ko, ako ang lalaki para sa 'yo. Iyon ang mga dahilan kung bakit
pinanabikan ko ang sandaling ito na nag-uusap tayo. Tama ba ang mga
nararamdaman ko?"

"Kung... kung sasabihin ko bang hindi, ano'ng gagawin mo?"

"Susuyuin ka hanggang sa umamin ka na ikaw nga ang babae para sa akin, ano
pa? Mas sigurado yata ako roon kaysa sa kahit anong bagay. Sigurado ako roon
noong una pa man kitang makita."

Hindi niya napigilan ang matawa. "Ang baduy mo talaga!"

Sa malamlam na liwanag sa hardin ay nakita niya ang bahagyang pamumula ng mga
pisngi nito. Noon niya nasiguro na totoo ang lahat ng sinabi nito. Alam niyang mula sa
puso nito ang mga salitang iyon.

Pakiramdam tuloy niya ay mas baduy siya kung sasabihin niya ritong naniniwala siyang
nagsasalita ang puso. May alam siyang mas effective kaysa sa mga salita.

Tumiyad siya at mabilis na hinalikan ito sa mga labi.

Bago niya makita ang reaksiyon nito ay mabilis na dumistansiya siya at tumalikod dito.

Pero mabilis ding kumilos ito. Agad na nahawakan nito ang kamay niya at pinihit siya
paharap dito.

Ngiting-ngiting niyakap siya nito.

"Anong klaseng halik 'yon, Leen?" tanong nito. Hinawakan siya nito sa batok at
hinalikan siya sa mga labi.

Sa sandaling naghinang ang mga labi nila ay parang biglang naging gelatin ang
kanyang mga tuhod. Naramdaman niya ang kagustuhang tumugon at kung paano
gagawin iyon.

Pareho silang napangiti nang maghiwalay ang kanilang mga labi. Pinakawalan siya nito
ngunit hindi ang kanyang mga kamay.

"Let's go to your parents, mahal. Inip na inip na akong makilala sila," sabi nito.

Marahan siyang natawa. "Yabang."

Pero walang pag-aatubili na sumabay siya sa paghakbang nito patungo sa kanilang
masayang bukas. :)

"BYE! HAPPY honeymoon!" halos magkakasabay na sigaw ng mga bisita habang
kumakaway sa mga bagong-kasal. Pareho namang nakatanaw sa nakabukas na
bintana ng limousine sina Cathleen at Justin at kumakaway sa mga tao.

Umiiyak ang mama ni Cathleen habang yakap ito ng papa niya na nakangiti namang
nakatanaw sa kanila.

Nang sa wakas ay makalabas na sila ng driveway ay nagawa na nilang umupo nang
maayos. She settled into her husband's arms.

"God, mahal, I'm so tired!"

Nanunudyo namang tumawa ito. "May panahon ka pang makapagpahinga from here
to the hotel, mahal. Once we're inside the door, mag-e-exercise na tayo."

Lalong tumawa ito nang kurutin niya ito sa tagiliran. Hinawakan nito ang kamay niya,
kapagkuwan ay niyakap siya nang mahigpit.

Parang may bumikig sa lalamunan niya. Kasabay niyon ay naramdaman niya ang
magkahalong kaba at excitement. She was thinking of their first night together as
husband and wife.

Sa loob ng tatlong taong pagiging magkasintahan nila ay nirespeto nito ang kahilingan
niyang sana ay sa gabi ng pulot-gata sila unang magniig. Akala niya noong una ay
madali lang iyon para dito.

Pero sa ilang pagkakataong muntik na silang mabuyo, nakita niya kung paano nito
kinontrol ang sarili para masunod ang hiling niya. Lalo niyang hinangaan at minahal ito
dahil doon.

Pero hindi nawawala ang lihim na takot niya na baka hindi niya ito ma-satisfy kapag
dumating na ang sandaling iyon. Bagaman sabi ng mama niya ay natural lang naman
daw na maramdaman niya iyon.

"J ust believe in your love for each other," payo nito. "Hinahangaan ko ang
nabuong pagmamahal at katapatan ninyo sa isa't isa. Believe me, once you're
there, it will be good for both of you. You're already very open to each other. Ano
pa ang ikahihiya ng dalawang tao sa isa't isa kung buo ang katapatan ninyo sa
bawat isa?"

Napangiti siya. Her mother was right. Ang nagdaang tatlong taon ang pinakamasayang
mga taon sa buhay niya dahil nasa tabi niya si Justin. At kung sa pag-ibig sila
nagsimula, sa pag-ibig din nagtapos ang unang kabanata ng kanilang mga buhay na
magkasama.

Nag-angat siya ng mukha. At parang naramdaman naman nito ang nais niyang
mangyari na bumaba ang mga labi nito sa mga labi niya. "Mahal kita," bulong nito
kapagkuwan. "And I'm so happy that you're my wife at last, Cathleen."

Namasa ang kanyang mga mata. "I love you, too. And I'm the happiest woman in
the world right now because I've started being Mrs. Justin Alcaeses forever."

Nangislap sa luha ang mga mata nito. Alam niyang luha ng kaligayahan iyon. Lalong
humigpit ang pagkakayakap nito sa kanya.

SA HOTEL magpapalipas ng gabi sina Cathleen at Justin para hintayin ang flight nila
patungo sa Hawaii kung saan sila magha-honeymoon.

Namomroblema si Cathleen sa damit-pangkasal niya. Kahit malamig ang buga ng
hangin ng aircon ay pinagpapawisan siya dahil hindi niya alam kung paano niya
huhubaring mag-isa ang damit. Ilang sandali pa ang lumipas bago niya tinawag ang
asawa para magpatulong dito. Lumabas ito ng banyo. Alam niyang sinadya nitong
magtungo roon para bigyan siya ng pagkakataon na makapagpalit ng damit. He was
really considerate.

Nagtatakang tumingin ito sa kanya. Bukod sa veil, accessories, at sapatos ay balot na
balot pa rin siya ng damit-pangkasal.

"Hindi ko maibaba ang zipper sa likod," nag-iinit ang mukhang pagpapaliwanag
niya. "A lace is always getting in the way. Paki---" Ngunit hindi pa man niya
natatapos ang sasabihin ay naibaba na nito ang zipper ng damit. "Thanks." Dagli
siyang humarap dito para maitago ang pagka-expose ng likod niya.

Tila nag-aalala naman itong tumingin sa kanya. Iniangat nito ang kanyang mukha
upang pahirin ang munting butil-butil na pawis sa kanyang noo. "Sana tinawag mo
agad ako. Gusto mo na bang gamitin ang banyo?"

Naku-curious siya sa attitude nito. He was acting cool. Ano kaya ang totoong
nararamdaman nito nang mga sandaling iyon?

Dahil sa curiousity na iyon ay nakaisip siya ng kapilyahan. Naiinis na rin siya sa kabang
nararamdaman niya.

Nakatitig sa mga mata nito na hinayaan niyang bumagsak sa paanan niya ang damit.

Awang ang bibig na bumaba ang mga mata nito sa kanyang katawan. Pagkatapos ay
lumunok ito. Napangiti siya sa reaksiyon nito.

"Gusto kong mag-shower," aniya sa nahihiyang tinig. "Puwede mo ba akong
samahan?"

Bumalik sa mukha niya ang tingin nito. "Sure," anito sa boses na biglang naging
mababa at paos. Saka siya nito binuhat at dinala sa banyo.

Sa ilalim ng spray ng tubig ay magkatulong nilang hinubad ang natitirang mga saplot
nila sa katawan. Niyakap siya nito. Napangiti siya nang maramdaman sa kanyang
pisngi ang pendant at singsing sa kuwintas na suot nito.

Nag-angat siya ng tingin. Napakurap siya nang makita ang pendant.

"Justin?"

"Hmmm?"

"Sa iyo ba ang pendant na 'to?" tanong niya habang hawak ang maliit na gold dolphin
na kasama ng college ring nito sa kuwintas.

Tiningnan nito ang pendant at saka ngumiti. "Not really. I had a mind to find the
owner of this when I was a teenager. Kaya lang, hindi ko na siya nakita. It was an
impossible fit, anyway. Kahit tunay na ginto ito, sino ang aamin na kanya ito
puwera na lang kung aaminin na rin niyang namboso siya..." Kumunot ang noo
nito. "Bakit ka tumatawa?"

Nakatawa pa ring tumingin siya rito. "Don't ask."

Ngumiti na rin ito. "Don't tell me...?"

Natawa na siya nang malakas.

"This is yours?" gilalas na tanong nito.

Tumango siya. "Yes. But I didn't see it, believe me. I was too nervous to look. It
was just a dare---"

"Nakita mo na'ng pinakatatago ko sa mundo?" exaggerated na tanong nito.

"I didn't! Believe me, hindi talaga!"

"Wasn't that just a bit unfair?" tudyo pa rin nito. "An injustice!"

Nahihiya na talaga siya. And to think na napakabata pa niya noon!

"Justin, ano ka ba? Ngayon ka pa ba magrereklamo, makakabawi ka
na?" napipikon nang sabi niya.

Biglang nagbago ang ngiti nito. "Oo nga pala. What a sweet, sweet revenge this is,
hmm?"

At bago pa siya makaiwas dito ay dinaluhong na siya nito ng magkakahalong halik,
yakap, at pangingiliti. Napuno ng masasayang tili at tawanan ang banyo.

But a short time later, wala nang maririnig doon kundi lagaslas ng tubig.


"THE END" <3<3<3

You might also like