You are on page 1of 2

Pahimakas

by: Yasmin Claire T. Navarro

Bawat yapak niya’y katumbas ng bigat na kanyang dinarama, ang patak ng ula’y ‘kay lakas na tila animo’y pati ang
panaho’y nakikidalamhati sa kanya, at kasabay ng kaniyang mga hikbi ay ang katahimikang bumabalot sa kapiligiran na
tila ba pati ang paligid ay nakikiayon sa kanyang nararamdaman. “Bakit?”, kasabay ng katanungang ito sa sarili ay ang
unti-unting paghina ng kanyang mga paa at ang tuluyang pagluhod nito sa gilid ng kalsada. “Bakit?”, mas malakas na
usal nito na sinundan ng kanyang mga hagulgol. Ang mukha niyang kayrikit ngayo’y natatakpan na lamang ng kanyang
mga buhok, ang makinis niyang balat ay napupuno na ng dungis, at ang balingkinitan niyang katawan ay tuluyan ng
inakap ng kanyang puting bestida marahil sa lakas ng hangin at ulan. Mula sa mga malalakas na hagulgol ay napalitan ng
tawa ang nagmumula sa boses niyang nakakahalina, siya ay tumayo ng biglaan at dali-daling lumapit sa barikada ng
tulay. Napakahirap tanggapin ng mga pangyayari, lagi na lamang ipinagkakait ang kasiyahan sa kaniya, pakiramdam
niya’y pinaglalaruan na lamang siya ng tadhana. Handa na siyang tuluyang maglaho ngunit bago pa man siya makatalon
mula sa tulay ay may isang ginoong humawak sa kanyang namamayat na mga kamay, tinitigan siya ng lalaki ng walang
emosyong masasalamin sa kanyang nakakamarahuyong mukha.

“Bitawan mo ako”, malamig na usal niya sa lalaki, wala na siyang sapat na lakas para makipagtalo pa ngunit siya’y
nagulanta ng bitawan nga siya ng lalaki ngunit pumatong din ito sa barikada tulad niya. “Ano sa tingin mo ang ginagawa
mo?”, nanlalaki ang matang tanong nito. “Tara na”, sambit ng lalaki at dahil sa takot na tuluyan nga itong tumalon,
bumaba ang babae at siya naman ngayon ang humihila sa lalaki pababa. Nang buamaba ito sa wakas ay umalpas ang
naglalakasang tawa mula sa kanyang malalim na boses, “Baliw ka ba?” galit na usal ng babae ngunit sa halip na sagutin
ang tanong ay nagpapakilala na lamang ang lalaki, “Lucas”, sambit nito kasabay ang pag-abot ng kamay sa babae. Dahil
sa sobrang inis ay hindi na pinansin ng babae ang lalaki at tuluyan na sanang aalis ngunit - “Celeste, hindi ba?”. Tila
napako ang babae sa kinatatayuan ng banggitin ng lalaki ang kanyang pangalan. “Nalugi ang negosyo niyo dahil sa tatay
mong mabisyo at sugalero, napuno na ang nanay mo sa ugali niya kaya ngayo’y maghihiwalay na sila, at ang nakababata
mong kapatid ay kasalukuyang nasa ospital at kinakailangang operahan ngunit wala kayong sapat na pera para
maumpisahan na ito.” Nanlamig ang buong katawan ni Celeste at muling lumingon sa lalaki, nakangisi ito at tila ba
nang-iinsulto kaya naman nilapitan niya ito at agarang kinwelyuhan “Sino ka? Anong alam mo sa buhay ko?”, galit na
tanong nito. “Lahat”, mahinahon namang tugon ni Lucas. Bumilis at bumigat ang paghingi ni Celeste marahil sa silakbo
na kanyang nararamdaman. Pinanood ng lalaki gamit ang mapagsimpatyang mga mata ang unti-unting muling pagdaloy
ng mga luha ng babae.

Ang araw ay unti-unti ng lumulubog, ang kahel na kulay nito ay masasalamin sa repleksyon ng tubig, kasabay ng
pagtahan ng babae ay ang pagtigil ng pag-ulan at ang pagtitig ng dalawa sa takipsilim. Uunday-unday ang kanilang mga
paa, sila ngayo’y nakaupo na sa gilid ng tulay, walang nagsasalita at kataka-takang wala ring masyadong sasakyan ang
dumadaan sa kalsada. “Alam mo, aking napagtanto na paano kung talagang tuluyan akong tumalon kanina. Paano na
ang nanay ko, paano na ang mga kapatid ko? Salamat.”, pagsira ni Celeste sa katahimikang bumabalot sa kanila. “Sana’y
napagtanto ko rin iyan bago nangyari ang lahat”, mahinang banggit ng lalaki at matamlay na ngumiti. “Ano?”, tanong ni
Celeste. Nang hindi sumagot ang binata ay ipinagkibit-balikat na lamang ito ng dalaga at nag-isip ng mga bagay na
maaaring mapag-usapan. Hindi kalaunan, ang mga malalakas na tawa, asaran, at kuwentuhan ng dalawa na lamang ang
tanging ingay na maririnig sa paligid. Kataka-takang sa maiksing panahon, naging komportable sila sa isa’t isa. Sa
maiksing panahon na ito’y panandaliang nakalimutan ni Celeste ang kaniyang mga problema, parang kanina lamang ay
hindi nito kilala sng binata. Tuluyan ng nilamon ng dilim ang paligid ngunit ang mga ngiti’t pagkinang ng mga mata ng
dalawa ay tila mas maliwanag pa sa araw gayunpaman, kailangan na nilang umuwi ‘pagkat lumalalim na ang gabi.
Nagpaalam na ang dalawa sa isa’t isa at bago pa man makalayo ay biglang tinawag ng lalaki ang pangalan ng babae.
“Celeste!”, sigaw nito dahilan ng paglingon ng dalaga at pagkunot ng noo. Lumapit ang lalaki at sa ‘di inaasahan ay bigla
nitong hinaplos ang kanyang buhok, ”Maaari ka bang mangako na kahit gaano man maging mahirap ang mga
pagdadaanan mo’y hinding hindi mo na muling babalakin ang magpakamatay?”, tanong ng lalaki na nagpabigla sa
babae. Napansin ni Lucas ang pag-iiba sa ekspresyon ni Celeste kaya naman kanyang sinabi, “Paumanhin, alam kong
hindi pa tayo gaanong magkakilala ngunit sana’y pakinggan mo ang aking pahimakas. Ingatan mo ang sarili mo, lahat ng
problema’y nalalampasan din Celeste, alam kong makakaya mong lagpasan din ang iyo.”, “Pahimakas? Mamamatay ka
na ba?”, pabirong sambit ng dalaga ngunit ng makitang mas lalo lamang lumgkot ang lalaki ay kaniyang sinagot ang
tanong nito kanina. “Pangako, makakaya kong lagpasan ang mga problema ko, ako pa ba?”, mahinang tumawa ang
lalaki at tila ba nakahinga ng maluwag. “Paalam Celeste, paalam.”, pinanood ng dalaga na makaalis ito.
Sa mga sumunod na araw ay pabalik-balik ang dalaga sa tulay sa pag-asang muli silang magkita ng binata sapagkat
‘di niya alam kung saan ito hahanapin, ngunit limang araw na ang nakaraan ay hindi niya pa rin ito nakikitang muli. Sa
ika-anim na araw, maagang nagpunta si Celeste sa tulay at ang naabutan niya roon ay hindi isang binata lamang kundi,
napakaraming taong tila ba nagdadalamhati at kahit sa malayo’y rinig na rinig ang kanilang mga iyak ng pagsusumamo.
Sa labis na pagtataka ay lumapit si Celeste at nagtanong sa matandang malapit sa kaniya, “Ano po ang nangyari?”,
nilingon siya ng matanda at sinabing “Nang nakaraang linggo ay may nagpakamatay na binata sa tulay na ito, anak nila
iyon kaya ‘yan dito na rin nila napagdesisyonang ikalat ang kaniyang abo. Sayang na bata, matalino’t gwapo pa man din,
mukhang perpekto ang buhay ngunit may pinagdadaanan pala. Palibhasa sa mga kabataan ngayon, para bang kay hirap
para sa kanila ang magsabi sa kanilang mga magulang tungkol sa kanilang nararamdaman.”, pag-iling pa ng matanda..
Nanlalaking dali-daling pinagmasdan ni Celeste ang litratong hawak-hawak ng iba habang umiiyak. May kutob na siya at
nang makumpirma ito ay tuluyan siyang nanghina at napaiyak na rin kasama ang mga tao roon. Sadyang matalinhaga
ang lalaki kaya’t ng magkakilala sila’y hindi niya inintindi ang mga sinabi nito, ngunit ngayo’y npagtanto niya na ang
lahat. Ang pagbanggit niya ukol sa pagsisisi, ang kaniyang pahimakas, at ang emosyonal niyang pagpapaalam. Walang
Lucas, wala ng Lucas ng sila’y magkakilala dahil tulad ng paglubog ng araw noon ay ang pagpapaalam niya sa mundo.

You might also like