You are on page 1of 44

TULAKAD

Mga Tula sa Climate Walk

Elliz Marie Alog * Greg Bituin * Danilo Diaz * Raul


Funilas
* Glen Sales * Aris Remollino * Naderev Sano*
Glenn Ford Tolentino * Noel Vocalan
Richard R. Gappi

Editor

Introduksiyon
Bilang solidariti sa apatnapung araw (40) na Climate Walk campaign, ang
Angono Rizal News Online o aRNO/Rizalhenyo sa pakikipag-ugnayan sa mga
makata ng Angono Tres-Siete (3/7) Poetry Society ay nag-aalay ng tula bawat
araw.
Nagsimula ang Climate Walk noong October 2. Layunin nitong imulat sa
publiko ang peligrong dulot ng pagbabagong klima. Gayundin, ang
panglahatang pagkilos at panawagan upang maitampok at maabot ang
layunin ng nasabing makasaysayang pagkilos.
Halos 1,000 kilometro ang nilakad ng mga Climate Walkers mula
Luneta/Manila (ang Zero Kilometro) hanggang Tacloban (ang Ground Zero)
hanggang sa Nov. 8, unang anibersaryo ng bagyong 'Yolanda'.
Una at nakabukanang tula sa koleksyong ito ang tulang Kung bakit kami
naglalakad ni Philippine representative to UN Climate Change Talks Naderev
Yeb Sano upang ilatag ang layunin ng kampanya. Sinundan ito ng mga
tagpo at saloobin habang naglalakad.
Ikalawang bahagi ng koleksyon ang waring pamimintuho sa dating
magandang kalikasan na unti-unting nawawasak at nasisira. Masasalamin sa
mga tula naman ni Tata Raul Funilas ang simple ngunit kuntentong buhay sa
isla na binibiyayaan ng yaman ng lawa at dagat.
Sa ikatlong bahagi, tampok sa mga tula ang mga tagpong pagkasira o mga
suliranin sa kalikasan sa hangin, tubig at daigdig.
Ang ikaapat na bahagi ay mga tula tungkol sa lagim na epekto ng climate
change na kinakatawan ng naging karanasan ng Tacloban na binayo ng
bagyong Yolanda, ang itinuturing na pinakamalakas at pinamapangwasak na
bagyo sa buong mundo.
Ang huling dalawang tula ay tungkol sa ulan at araw mahahalagang
elemento ng kalikasan at ng buhay, hindi lamang ng tao kundi ng
kapaligiran.
Sa Tulakad, ipinakita namin ang maaaring silbi ng tula para sa bayan at
kalikasan, higit sa lahat.
RICHARD R. GAPPI
Editor

(Litrato sa pabalat: Ang mga Climate Walkers noong ikatlong araw ng


paglalakad sa Calamba, Laguna, ang pinakamalaking rebulto ng
Pambansang Bayani Dr. Jose Rizal; Litrato ni Stephanie L. Tan/Office of
Philippine Climate Change Commission)

Kung bakit kami naglalakad


Kung kami ay nag-eroplano,
hindi namin kayo makikilala.
Kung kami ay nagbus o sumakay
sa kotse, dinaanan lang namin kayo,
hindi namin malalaman kung ano
ang inyong pinagdadaanan.
Ang lakad ay inaalay namin sa lahat
ng naaapektuhan ng nagbabagong klima.
Ang lakad ay inaalay namin sa inyo. #
-Naderev Yev Sano

Climate Justice
Sa Zero Kilometro
Kahit hanggang Ground Zero,
puntong taas-kamao:
Climate Justice sa Mundo. #
-Richard R. Gappi
7:50pm, Oct. 4, 2014
Angono Tres-Siete (3/7) Poetry Society

Climate Walk
Bawat yapak ng hakbang
may butil na iiwan
sa kalsada't palayan
may nakayukong palay. #
-7:12pm, Sabado, Oct. 4, 2014
Angono Tres-Siete (3/7) Poetry Society

Tindig
.
Itong tindig at lakas
palaging sinusukat
sa pagbuhol ng kalas
ng umalagwang sintas. #
-Richard R. Gappi
8:18pm, Saturday, Oct. 4, 2014
Angono Tres-Siete (3/7) Poetry Society

Mayon
Kasingtuktok ng Mayon
Nilalakad ng layon
Ang pag-asa ang baon
Gabihin ma;t humapon. #
-Richard R. Gappi
3:21PM, Saturday, Oct. 25
Angono Tres-Siete (3/7) Poetry Society

Nais
Marami mang tinawid
na lansangang makitid
nasa'y maipabatid
ang Climate Walk, kapatid!
- Greg Bituin Jr.

Paghakbang
Ang bawat hakbang,
Ay wala ng paltos.
Itong talampalakang,
Kinalyo na ng kasaysayan.
Ngalog man ang tuhod,
At katawa'y napapagal.
Hindi mapipigilan,
Ang bawat hakbang.
Buo na sa isip,
At sugatang damdamin.
Exodo ng Bayan,
Patuloy na babakahin.
Upang ngayo'y bawiin,
Ang lupang inangkin. #
-Kogismo
10.10.14

Padayon
Talampakan may magpaltos
Sa pagsudsod sa sapatos
Hanggang hindi natatapos
Ang Ground Zeroy naabot -Padayon! Sulong! Climate Walk!
-Richard R. Gappi
11:34am, Thursday, Oct. 9, 2014

Awit ni Maria Makiling


Hinding-hindi man kita nakita,
Nagkaroon ka ng maraming
Mukha at kamay sa kwento ni Nanay.
Kaya ninais ko rin na marinig
Kahit ang iyong maalamat na awit.
Marahil ito ay ang lagaslas ng tubig sa batis
Habang nakatanaw sa mga paslit na walang katapusan
Ang paghiyaw at pagtatampisaw
At waring nilulusaw ang munti nilang mga agam-agam.
Sa malakas na simoy ng hangin na sapat na sapat
Makawalis nang papaikot ang mga tuyong dahon.
At sa tinig ng mga kuliglig.
Habang nakamasid sa matandang punong pinagliliyab
Ng mga alitaptap na hindi pa ganap na mailap.
Hindi.
Hindi lamang sa laging pagkakatagpo ng sarili
Sa kandili ng lungsod na kadalasan ang handog
Na musika ay harurot ng mga sasakyan
O mga drayber na nagkagitgitan
At nagbitiw ng malulutong na murahan. #
-Glen Sales
Oct. 6, 2014

Kataw*
Narito na ako bago niyo pa
Matutuhan ang wika ng tubig.
Hindi laging kapahamakan ang kahulugan ng aking paglitaw.
Gusto ko rin pumaibabaw sa rabaw.
Silayan ang ganda ng iba pang lalang nang lumalang
Minsan nga, nag-aanyo pa akong magandang dilag, lumalakad sa pasigan
Ngunit mas kadalasan, narito ako sa aking tahanan.
Minsan sundan ninyo ang aking tinig
Dadalhin ko kayo sa kalaliman
Makukuha ninyong huminga kasabay
Ng mga isda at iba pang lamang dagat.
Ibibigay ko ang gustong inumin at pagkain
Ngunit huwag akong sisihin
Kung kamatayan man ang kahinatnan
Ng mga naunang sumunod sa akin.
Sapagkat kadalasan, lagi't laging may kaugnayan
Sa aking pag-iral ang kanilang naging kahilingan. #
-Glen A. Sales
October 30, 2014 at 1:31pm
*Kataw -- katutubong tawag sa 'sirena'

Sa Laot Ng Galak
Kaysarap sipatin araw na sisikat,
Sariwa ang hanging aking nalalanghap;
Ang baldig ng araw ay isang pangarap
Na dapat lagumit itatak sa utak.
Ang kuluting along titiyad, gugulong,
Nais na umakyat sa akiy pakandong;
Ang kislap ng tubig may ibinubulong:
Kami ay titigan hanggang dapithapon.
Abo-abong ulap akoy sinisilip,
Kung anong layunin sa banig ng tubig;
Aking tiningalat nginitiang umid
At doon sa bundok yumakap, humalik.
Habang ang 15aggin koy hinihiwang lawa,
Ang ibong kanaway tuloy paninila. #
-Tata Raul Funilas

Mananalap
Sinusuwag itong tubig
Maghahalong, mag-aalig,
Biyaya ay nililiglig:
Nang may makain ang paslit.
Nag-aabang sa dalahik
Sakadorang nakamasid,
Mambabarat ng inalig
At nasalap ninyong bulig;
Ang sikmura mong malamig
Hanap ay kapeng mainit. #
- Tata Raul Funilas

Pritil
Sa daungay dumarating pupong taong 17agging isla,
Maglalakot maghahanap ng biyayat maglamyerda;
Naghihintay ang banyera nitong aleng regatona
Nag-aabang batang yagit babakawing makukuha.
Engkargado ng pantalay 17agging pikit yaong mata
Sa lilim ng kanyang diwa lihim itong tumatawa. #
-Tata Raul Funilas

Pandaw Sa Dalampasigan ng Pag-ibig


Noon, habang kasama kitang namamandaw
Ng umang na palakaya sa dalahika'y
Bumubulong ang alon sa dalampasigan.
Inulinig mo ang bulong ng alon,
hinayaan mong hangkan ng gumugulong
Na alon ang aplaya ng ating kahapon.
Pinanood mo ang pagtiyad ng humbak
At mayuming liyad ng indak
Ng along malagaslas ang halakhak.
At hinampas ang naghihintay
At nangangarap na dalampasigang
Pinaglaruan natin ng halugaygay.
Ngayon, Bumubulong ang alon at lumuluha
Dahil hindi natin nalambat ang kaniyang talinghaga
Upang makabigkas ng nais niyang tula.
Bukas, hihintayin kong muli ang hanging
Magpapagulong sa alon hanggang taklob-silim,
Sa kaniya ko ipakakalong ang aking panimdim
At matagal na naghintay ng panaginip,
Hahayaan kong ito'y sumalibsib sa tubig
Upang makita ang naglaho nating pag-ibig. #
-Tata Raul Funilas

Kumintang
May baladang ligaw kanyong nanunuot
Sa humbak ng alon at bikilang bundok,
Ni walang kumparsa at angkop na tugtog;
Kaya naki-angkas sa hanging pa-Timog.
Hayaang madinig ng pipi at bulag,
Ng bingi at lumpong mawidong pumakat
Ng dayaw-awiting itinanging lunas
Sa ina-agulong sanlaksang bagabag.
Hamo'ng maulinig nitong mandirigmang
Sanlibong hinagpis ang sinasalasa,
Upang sa pag-uwi sa nilisang dampa'y
Mahagka't mayakap pamilyang kawawa.
O, baladang galing sa haling na hangin,
Lipos padayawi'y awiting malambing. #
-Tata Raul Funilas

HATOL LIKHANG BUHAY


Hangin na pumaloob sa hakab ng banal na pag-iisip,
ibinuga nitong bibig sa pagbuntonghingang pag-ihip,
sumimoy na nagpagalaw sa nakapinid na kawalan,
sumamyo at dumantay sa dilim na walang hanggan.
Apoy bay nabuo sa kislap na ningas na sumambulat,
umalimpuyong dumaloy sa lakas ng siklab na umikot,
nanuot na init na dumarang sa kabuuang pagsasanib,
dulot ay liwanag na tumanglaw sa kadilimay bumatid.
Tubig ay sumingaw hatid nitong umusap na karimlan,
usok ay umalipato at namuong hamog na kaulapan,
kristal na nabuo sa papawirin sumanib sa daluyong,
umalimpuyong bumuhos sa kaibabawan at kalaliman.
Oras na hudyat ay uminog sa panahon na tataglayin,
simula nang pumintig sa bilang sa ititnakdang gampanin,
tagal at bilis na kalakip sa pag-indayog na pagkakatig,
paghugis at paglakas ng ingay sa tunog ng pag-antig.
Lupa sa tipak sa naabong mga alikabok na bumalot,
banlik na tumabon sa nagliliyab na limbong idinulot,
sumaklob na nadurog subalit nabuo ng isang hakot,
bato-balaning tumigas na bumabagting sa pag-ikot.
Likas na tunggaliat ugnayang ganap na kinahinatnan,
nitong bawat sangkap na kaloob sa pinagkakapitan,
katulad at kaibahan na binunga sa pagkakabit-kabit,
ang kabilugang anyo ang kaisahang hugis na sinapit.
Isa lang ang natadhana sa di mabilang na nagsiinog,
nagtaglay sa ganap na timbang sa lakas na inihulog.
sumang-ayon sa kabuuan na idinulot nitong pagbulog,
magtagtaglay sa tanging buhay na simulang idudulog.
Kalikasang pook sa gampang luwalhating hangad,
mangyayari na may kadahilanang bilang na agwat,
pagpigil sa kapatas na takas na nagtago sa sangkap,
nalalaban sa takdang huling digmaang paghaharap.
Himpapawid ay binalot sa lihim na kalasag na talas,
nang dito ay walang makakapasok at makalalabas,
hahadlang sa pagpagaspas ng bagwis sa paglipad,
mula sa balon ay di makaahon, makatakas paitaas..

Alapaap ay ibinalumbong sa buong kaibabawan,


nitong hiram na buhay, ngayoy iyong tangan!
upang tigang na hukay ay madilig at mahugasan,
paghaplos ng luntiang nagtataglay nitongbuhay,
uusbong at magkakalat upang magdulot ng punlay.
Ningning na kaliwanagan sa kadiliman ay sisilaw,
Sa nalikhang mga tala na kumikislap na umiilaw,
mga parol ang gabay sa pagkilos ay tatanglaw.
mula sa simula hanggang katapusang pagggalaw.
Ganap na ngang tumatahak sa nag-iisang landas,
ang kalahatang obra dahil sa HATOL ibinasbas,
nagkakaisang umiinog tungo sa luwalhating hanap,
taglay LIKHANG BUHAY ay matamo sa hinaharap.
Binhi ang lahat ng sangkap sa bungang itinatagas,
upang tiyakin ang tatag sa tibay na dulot at lakas,
butil na nasala at naipon sa kailaliman at kaitaasan,
isinaboy sa lahat upang magsisimulang yumabong.
Ugat sa lalim bumaon sa pag-usbong at pag-tubo,
naging lambong at bumaluti sa duoy magsisilong,
tahanang kukupkop sa lahat sa alinmang panahon,
na tanim na bunga ang magpapabagal sa pag-ahon.
Hasik sa binhing-punlay mga nangalikhay sumilang,
nagpakaramit nagsipag-kanlong sa buong kabuuan,
sa ganang paligid na umalinsunod sa mga ugnayan,
kalikha ang hahadlang sa suwail at taksil na nalalang.
Alay na hininga sa piniling aliping mangangalaga,
kawangis na nililok mula sa kapatasangkap-likha,
ang aliping paing hain binigyang laying isip makapigil,
sa huling himagsik ng taksil siya ang alay na susupil.
Yaman nabuo sa takdang panahon ay maglalagom,
timbang na hindi aayon sa hina at lakas na nilalayon,
sa tamat maling pagpili kawakasay di nga mapipigil,
sa di pagbabalik ng mga alibughang kapatas at alipin.
HATOL LIKHANG BUHAY:
Hangin, Apoy,Tubig, Oras, Lupa
Likas, Isa, Kalikasan, Himpapawid,

Alapaap, Ningning, Ganap,


Binhi, Ugat, Hasik, Alay, Yaman.
Mga katagang marapat malaman,
Intindihin, unawain at pagnilayan,
upang makita ang tamang kahulugan,
at ang tunay nitong kahalagahan. #
-Kogismo 11.02.14 12:50pm
Angono, Rizal
Angono Tres-Siete (3/7) Poetry Society

Kay Bathala
Ipagpaumanhin mo mahal kong Bathala,
Ang pagdayo sa lupa.
Hindi po ako bumalik sa dati kong bahay
upang maghimagsik,
pumaroon lamang po upang apakan muli
ang huli kong araw na hinithit ang sigarilyo
habang masayang pinanonood ang banda ng mga nuno
kantahan ng mga multo,
doon sa kasal ng mga Tikbalang,
at noong madalas ko pang namamasdan
ang mukha ng mga Diwata.
Gusto ko lamang magbaliktanaw, Bathala
sariwain sa alaala,
ang mga panahon noong kami ay maybahay pa
at hindi nandidiri sa mundong bagong gawa.
Ipagpatawad mo Bathala
Kung di namin natakot ang mga sakuna
lihim silang nanalansa
nagpanggap na diyos- minsany talangka,
at anghel na nakiramay sa dilubyong kasangkot sila.
at ang mga tagasunod, baliw na nakigaya.
Ipagpatawad mo Bathala,
Pagkat nang akoy nagbalik
ang aking nasaksihan;
Robot sa lilim ng mga gusali
gusaling nasa ibabaw ng dagat
dagat sa ilalim ng gusali
gusaling hugis isda
isdang hugis puno
punong walang puso,
pusong ang pagkain
pagkaing mula sa basura
basurang mula sa mali ng kanilang nakaraan. #
-Elliz Marie Alog

Basura
Hindi na 'ko nasusuka
Sa nagkalat na basura.
Bayan kasing nagdurusa,
Kalakal na'ng mga tira. #
-Danilo C. Diaz
dcd/dodie
06Oct'14

Ulan
Ito'ng ulat-panahon:
pako ang mga ambon -bubutas sa 'yong payong,
baha sa Quiapo't Lacson. #
-Richard R. Gappi
7:37pm, Sabado, Oct. 4, 2014
Angono Tres-Siete (3/7) Poetry Society

Ozone
Itong layer ng Ozone
ang silbi'y parang payong;
sinasalag ang kagat
ng araw sa 'ting balat. #
-Richard R. Gappi
10:31am, Sunday, Oct. 5

Usok
Maiitim na usok
sa dibdib sumusuot
at dugo nanunuot;
utak ay tinutuyot. #
-Richard R. Gappi
8:05am, Sunday, Oct. 5

Ibon
Malaya ba'ng mga ibon
na lumipad buong hapon
kapag ang hangin at Ozone
sakal ng methane at carbon?
-Richard R. Gappi
4:37am, Tuesday, Oct. 7

Mangingisda
Noon, ang mga mamumukot:
namumugto ang ugat
sa bigat ng hatak.
Ngayon, ang lawa:
ang ugat ay namumugto
sa hatak ng bigat
dulot ng halu-halong
sugat ng halubigat.
Sa sahig ng tubig, nakalutang
ang mga isdang bunggan, #
-Richard R. Gappi
Mula sa 'In(ter)vention Kina Maestro Lucio at Botong" na nalathala noong
2012

Panaghoy sa Ilog
Sinasalunga ko itong aking mundo
na kung matutuyo, akoy maglalaho.
May tangay na siit at kahalong banlik,
bumabaw, kumitid, maraming nagsabit;
Malabot may lagkit sa aking pagsisid
mabahot mainit, masikip sa dibdib.
Sa aking pagpiglas, ang sigaw at pasag,
ang taglay kong dulas, ayaw pang tumakas;
Sanga-sangang landas ng tabang at alat
sanay may dumilat, hukayin ang burak.
Nais koy malinis lagaslas ay dinig,
katulad ng awit 30agging may pag-ibig,
Sa batong makinis, may lumot mat putik
walang halong 30agging, na lason at sakit.
Hindi malulunod, ngunit akoy takot
na walang umarok kung bakit nabulok;
Binhi kong malusog, saan isasabog,
nang ikawy mabusog, di ako maubos.
Malinaw ang batis noong ikawy paslit,
akoy binibingwit nang di naiinis,
Ngayon, maging tinik lansa kot kaliskis,
ang dati bang tamis ay iyo pang batid?
Pagdaloy sa ilog ng tuwa mot lungkot,
hwag sanang malimot ang magiging musmos;
Buntot ko at sungot kung sayoy humaplos,
yapusin nang lubos: sagipin ang agos.
Ang nilalangoy ko, itoy ating mundo,
Na kapag naglaho, ikaw ang bumigo. #
-Danilo Diaz
Dcd/dodie
03Nov14
Angono Tres-Siete(3/7) Poetry Society

Salaysay
Tinuro niya ang mga lugar
Na dadaanan ng bagyo.
Na walang mukha,
Walang kamay,
Ngunit may mata.
Mariin niyang pinag-ingat
Ang mga tao.
Sa maga bagay na matagal na nilang alam.
Hindi niya na tinunton
Ang malabis na paliwanag
Na hindi nakaliliwanag.
Sa halip, nakadidilim ng pag-asa.
Sinikap niyang paikliin ang ulat.
Ngunit mas naunang gumalaw
Ang mga daliri ng hangin
Sa kanyang isip,
Na sapat humugot ng ugat ng matandang puno.
At makapagpalipad sa bubong ng simbahan.
Mas naunang
Makapagpasadsad ng barko sa kalupaan.
Mas naunang makapagpaulan
Na waring nakalalaslas ng balat.
At may bigat sa bubungan.
Mas naunang
Burahin nito ang mga guhit
Na inabot ng tubig
Na waring nagsasabi:
Ako ang pinakamalakas na bagyong
Marapat lamang na itala sa kasaysayan.
Ang lahat ng itoy
Nanatili lamang sa kanyang isip.
Inilibing sa katahimikan.
Ngunit sa kanyang pag-iisa,
Itoy naghuhumiyaw. #
-Glen A. Sales

Daluyong
Bakit ang pag-ambon parang bagyo ngayon?
Kasi, kapag gutom ang palad ay kuyom:
Baka nga ang laman, sa tuwing kakaway
Ay sariling yamang ipinamimigay;
Mga talampakang lulubog-lilitaw
Hatid man ay kaban ang dulot ay panglaw.
Tuwing matatapos at bago mag-unos,
Mas handa ang supot na ibig iabot;
Ayaw na malimot kaya ang hinablot
Kunwari'y inubos, umulan nang lubos.
Buti man ang burak na laging papatak
Sa mabahong lusak merong papalakpak;
Habang ang halakhak ng magkakasabwat,
Ang sugat at naknak ay huwag maampat.
Tiyak ang pag-alon at habampanahon
Ang mga daluyong, na dapat ay bubong. #
-Danilo Diaz
dcd/dodie
12Oct'14
Angono Tres-Siete(3/7) Poetry Society

Taklub*
There is a map of grief
in every gate.
On the door, like on eyelids,
there is a keen ray of light
a quiet visitor being admitted to a living room
that also serves as kitchen and bedroom.
On the surface of Cancabato,
a widow is fishing.
She stared at her father,
her sole remaining
family after Yolanda.
Her tearsbright as
fish dancing above water-embroidered in the shelter
of a city once covered
in a surge of storms and endless rain. #
*Taklub cover
*****
May mapa ng dalamhati
ang bawat tarangkahan.
Ang pinto, tulad ng talukap,
ay may humihiwang sinag
tahimik na dalaw na pinapapasok sa sala
na tulugan din at kusina.
Ang nabalo, nasa rabaw
ng Cancabato, nangingisda.
Tinitigan niya ang Papa
na tanging natira na
kapamilya nang mag-Yolanda.
Magkasingkinang ang kanyang luha
at ang isdang pumupusag,
hinahayuma sa silong
ng lungsod na minsang tinakluban
ng dulok* at walang habas na ulan.#

-Richard Gappi
Translated by Aris Remollino
9:16am, Sabado, Nov. 1
Angono Tres-Siete (3/7) Poetry Society
*Dulok katumbas ng storm surge

Lungsod
Patuloy na binubuo nang matandang lalaki
Ang buo pa nilang lungsod kahit sa kanyang isip
Habang nakatuntong sa sirang sasakyan.
Ang lungsod na kumandili sa kanyang kabataan.
Ang lungsod na may kamay na laging nag-aabot kamay
Sa sinumang estrangherong nagnanais
Na doon mamasyal o manirahan.
Ngayon ang lungsod,
Balot na balot sa putik ang mga patay na puno,
Patay na hayop at iba pang mga basura.
Habang patuloy na naghahalukay
Ang ilang mapuputlang kamay
Sa maaari pang pakinabangan
Sa ilalim ng makulimlim na langit.
Sa hindi kalayuan, sa kanyang kinatatayuan,
Inaamoy-amoy ng payat na payat na aso
Ang mga nakahilerang body bags sa tabi ng daan. #
-Glen A. Sales

Pagkatapos Umambon
Ang paligid, amoy wakas;
Batang kumain ng tsokolate ang buong bahay.
Bagong laba ang mga basura,
Bagong paligo ang mga putol na sanga,
Bagong katay ang mga patay na nilalang.
Hingal na hingal sa pananahi ang gagamba sa gilid ng simbahan.
Mapusyaw ang kulay ng bahaghari,
Inaantok pa ang araw
Habang tahimik na winawalis
Ng mga Tatay at mga Nanay ang mga lablab. #
-Elliz Marie Alog

Mass grave
Gabay na panghanap sa palatandaan
ang patpat ng kurus kung saan
isinulat niya ang pangalan ng tinutunton.
Ganito, marahil, ang paglalakad sa Golgota.
Ngunit hindi ito bundok kundi malawak
na lupain ng 2, 273 na walang pangalan.
Sa isip, kinausap niya ang hinahanap.
Mabigat ang yapak. Nanunuot ang alinlangan.
Hanggang ipadpad siya sa dulo ng mga hakbang,
may kung anong sumakop na gaan
sa kanyang bumbunan. Sa pagitan ng paa,
itinundos niya ang kurus. Sinindihan ang kandila.
Tahimik na umusal ng dasal. Inalala ang huling
tagpo ng pagkikita, at ang mahapding tagpo
ng pagbitaw sa lungsod na tinakluban ng dulok
at walang habas na ulan. Sa lawak ng isang
hektaryang lupa, nakapa niya ang signos
ng luksong dugo, ang dulong tuldok sa siklo
ng paghahanap at panglanggas sa paghilom. #
-Richard R. Gappi
10:14AM, Monday, November 3, 2014
Angono Tres-Siete (3/7) Poetry Society

Dahil wala namang climate change


Papel ang lansangan ng mga epal:
Nagpapakapal. Tulad ng mga kalyo
sa kani-kanilang bukongbukong at sakong.
O, naglalako ng awa sa kalsada, nagbabalat
ng mga sari-sariling sibuyas. Ito ang dulong
apak sa takdang kagagawan.
(Iitalics, POV) Yuhabtubiriyalistik.
Ang hindi niya alam, gawa sa paltos
ang kalyo: singbilog ng araw na pumuputok
sa mapa ng talampakang humahakbang
hanggang sa butil-tuldok ng paninindigan.
Hindi niya ito batid. Dahil kailan siya
na-Noli Me Tangere ng hapdi- sugat
na napatakan ng sariling pawis? Kapag
sumasalya ang hataw ng martilyo
at napukpok ang hinlalaki habang
itinatayo ang mga kalansay ng mga gusali?
Kailan?
Sa araw-araw, na gawa ng Tao.
Na gawa ng Daigdig. Ng sistemang nakaikid
sa pagbubuntunghininga pagtanggap ng pay slip.
Tuwing Biyernes ng hapon, o kinsenas at katapusan?
Kasing-dupikal ng pagpapako sa Kurus
ang pagbubuo nitong layon ng muhon.
Nasa paglalakad sa rabaw ng tubig,
nasa paglalakad maghapon ang tikas ng hamon.
Nandoon ang nataklubang lungsod. Umaahon. #
-Richard R. Gappi
10:22PM, Biyernes, Oct. 24, 2014
Angono Tres-Siete (3/7) Poetry Society
Angono, Rizal, Pilipinas

MV Eva Jocelyn
Subukin nating dito isilid ang bai-baitang
na ikid ng ating sugatan, hiwa-hiwang alaala.
Subukin nating dito buuin,
tulad ng napigtas na lambat na sinusulsi ngayon,
hinahayuma: dito pa nga nagbuhol ng tali
ang magkasingtanghan, ang dalagang nakadiin
sa kanyang dibdib ang puting-puting bulaklak.
Gayong saplot ng itim-banlik itong
lungsod na nakataklub sa ligalig at lungkot.
Subukin nating hawanin muli
ang landas ng alaala, ang nabura na mapa
ng alon at buhangin ng dalampasigan.
Subukin natin: itong bangkang papel
na hinahamon ang kulaba sa mata
o bubuyog na aali-aligid sa tenga
o sadyang dapat mabura
sa listahan ng nagtutubig na alaala.
Subukin natin.
Paalala lamang: Huwag magpabulag, o magpahilam,
o magpalulon sa pitik ng kamera. Habang nagkikislapan,
kumikislot,ang selfie-selfie ng mga turista.
Dahil karapatin din itong paglimot. #
-Richard R. Gappi
-10:35pm, Monday, November 3, 2014
Angono Tres-Siete (3/7) Poetry Society

Pagbangon, sana (sa Yolanda)


Sa lalim ng mga sugat malinis sana ang burak,
Ano man'g kulay ang iyak pantay-pantay sa pag-ampat;
Sa gitna ng mga sakit tunay sanang magkalapit
Ang lahat ay kapit-bisig, hawak-kamay nang kayhigpit.
Sa lungkot at pagkagutom bango sana ang sumimoy,
Kung bubuhos man ang tulong, walang dumi na dumaloy;
Tuwid sana ang pagtimbol, hindi sa putik lumangoy,
Mga luhang iaahon, maging bukal ang pagkandong.
Sa mga tahanang wasak, mga pusong naka-yapak
Limos man ay maging salat, haplusin sana nang sapat;
Kahit naging kapos-palad ang bukas ay merong landas,
Kung KAIBIGAN ay tapat, niyayakap ang pagtanggap.
Sa ulilang mga sanggol, mga diwang naglalaboy,
Lilim sana't maging silong, hindi kunwari ang bubong;
Kahit ang gawi y paurong, paglakad sanay pasulong
Kung lupa man ay tatabon, di matuklaw ng ulupong.
Sa ligtas at nangangarap, daluyong man ang bumigwas
Bangungot sana'y lumampas nang di huwad ang paglingap;
Kahit bakas ang lumipas, merong ngiti at salamat,
Na sana nga'y di tumakas, dahil sa uhaw at hirap.
Sa dusa at pagtitiis, matatanaw pa ang langit,
Marami man ang ginipit, may budhi rin na di manhid;
Kung sana nga sa pagbangon, kahit dumiy nangangamoy,
Di masayang ang abuloy, sa paggulong ay may timon. #
- Danilo C. Diaz
07Nov'14(13Nov13)
Angono Tres-Siete(3/7) Poetry Society

Ilahs ng Uln
1
Maingat na lumulusong ang mga dasal at panambitan sa rumaragasang
tubighabang mariing nakadipa't nakatingala sa langit ang mga kalsada't
estero, ang mga gusali't monumento ng mga Santo at Tao sa sentrot mga
distrito o sityo ng aming pagkatao.
2
Kilalanin at unawain ang pahiwatig ng ulan: Marahil, may balayag na
pahayag ang hagupit ng hangin at ang agos ng tubig sa mga lawas ng ating
sapantahamarahas na sumusulpot at pumapaloob sa bawat sulok ng ating
mga tahanan, ospital, palengket simbahan. Hanggang sa manahan. Ngayon,
ihahaka mo marahil na hindi ulan ang mga ulan na nanunuotnahimpil sa
mga guwang ng ating pananalig. Ay, salaming-tubig o PAGIBIG.
3
Pagkatapos ng luha't himala. At ngayong tinangay ng delubyo ang
krusipihong nagliliyab na alaala ng aninong malaon nang nakabayubay sa
grabidad ng ating pagkamangha. Saan sisilong ang mga pighatit alipato?
Muli, umuulan ng pulang talulot sa loob ng katedral.
4
Talipyas! Talipyas, bihagin mo nawa ng iyong makulay-na-hulagway si
Habagat. Ipakita mo sa kaniya ang alimbukad ng iyong sugat-ng-salita sa
iyong paladang hindi matingkalangLIWANAG.
5
Walang patid ang simoy-punebreng alimbukay at daluyong ng sobrenatural
na timoy-habagat. Nananaghoy wari ang mga babaylan sa puntod ng
lumalawak na dagat ng luha, Naaagnas na araw, ang nalalabing mga araw
sa pagi-pagitan ng agam-agam. Karimlan.
6
Gaya ng nabasang hudyo't pagano, mangangapa ka ng may pagaalinlangansa-dilim maninimbang sa lunggati ng humbak na hinahati ang mga
lansangan sa gitna ng nagdadalamhating lungsod o nayon. Muli tayong
yuyukod sa Matang-tubig, at maingat na mangungusap at ihahaka na ang
unos ay nagkatawang Anos, bilang sugo ng sagradong luha na bumasag sa
pader/poder na lunsaran ng mga destiyero.
7
Magpapasiya kang may hanggahan ang lahatgaya ng gumuhong
pundasyon o dambana ng dam. Ni hindi ka lilingon sa mga panawagan sa
kaliwang panig ng iyong taynga, habang pinapalis ng iyong kanang kamay

ang mga luha ng hapis at hinagpis sa iyong pilik at talukap. [Magbubukas] sa


iyong noo ang matang-lagusan ng mga tiwalag na kaluluwabinabaybay nila
ang nangalaglag na talulot ng nangaluoy na sampaga sa rabaw ng tubig na
nag-uugnay sa dibdib ng dagat, sa gulugod ng ilog at lawahabang sinisibat
sila ng matatalas na diskurso't pahayag ng ulan.
8
Inaabangan mo marahil ang sundo, ngayong nakapalibot ang hilakbot sa labi
ng nalalabing sandali, wala kang maulinig na hugong ng sirena, o ng
halumigmig na himig-balita ni Alunsinamaingat mong inaabot ang dibinong
imahe ng luhang nangalaglag sa inyong pagtingala: O, anong imperyo ang
nakabelo sa ulunan ng panganurin?
9
Kalkulado marahil ng agham/siyentista ang halubigat at hatak-buwelta na
tangan ng timoy-habagat sa kahubdan ng buong-kapuluan. Maaari. Ngunit,
sadyang labis ang lihis-bilis ng misteryo't salamanka ng sistemang umiiral sa
kaligiran. (Walang dapat pumikit) Maging listo't matuto sa nakaambang
pagkawala. May kung anong pyudal na hanggahan ang namamagitan sa
taimtim nating pagtingala sa langit. Nahan na ang huklubang ulan? Ang
kidlat at kulog nasaan na?
10
Marapat lang aralin ang akrobatikong layaw o galaw ng tubig, O ang
arketiktura ng post-modernong propesiya o panukala ng ulan sa gitna ng
lungsod. At dahil, marahil, mananatiling hula ang mga luhanagliliyab na
asin sa dila ng langit.
11
Kung ito na nga ang kolektibong mlay ng uln; Bakit tayo nababalisa o
nababahala sa pagdalaw ng baha? Ulan, laksang ulan, O anong kariktan ng
ulan! ang gumising sa guniguni't gunita ng sanlibutan. #
-Glenn Ford Tolentino

Ngayong umaga
Sinasalo ng mga dahon
at bunga ng papaya
ng kahel na sinag
ng araw ngayong
Sabado, Nov. 8, 2014.
Ang unang anibersaryo
ng bagyong Yolanda. #
- Richard R. Gappi
6:49am, Sagkahan, Tacloban City

You might also like