You are on page 1of 2

Bakit Ka Lumilipad,

Gora Saranggola?
Sa himpapawid ng Baryo Maulap, madalas nagkakasayahan ang lahat ng
saranggola sa nayon. Pero ang kasiyahan ay napapalitan ng gulo kapag
dumarating ang mayabang na si Gora Saranggola.
Magsitabi kayo, ako ang hari dito sa kalawakan, ang sigaw ni Gora sabay
ang pagsugod sa mga maliliit at mahihinang saranggola. Tinatawanan pa niya
ang mga batang saranggola na hindi pa mataas lumipad.
Pero nagsawa si Gora sa pang-aaway niya sa mga kapwa saranggola. Isang
araw, pinilit niyang sumabay sa malakas na hangin para makawala at maputol
ang kanyang pisi. Tuwang tuwa si Gora na lumipad sa Kanluran kung saan nakita
niya doon si Agila.
Hoy, panget. Saranggola ka ba? pagsusungit agad ni Gora.
Hindi kita papatulan sa iyong kahambugan. Ako ay isang ibon. Lumilipad
ako upang maghanap ng pagkain para sa aking mga inakay. Mahal ko sila. E
ikaw, bakit ka lumilipad? sagot ni Agila.
Walang maisagot si Gora kaya lumipad naman siya sa Silangan. Doon niya
nakita si Eroplano.
Hoy, panget. Saranggola ka ba? pagsusungit agad ni Gora.
Hindi kita papatulan sa iyong kahambugan. Ako ay isang eroplano.
Lumilipad ako para maghatid ng mga pasahero. Mahal ko sila. E, ikaw, bakit ka
lumilipad? sagot ni Eroplano.
Wala na naman naisagot si Gora kaya lumipad naman siya sa Hilaga. Doon
ginaganap ang makulay na Kite Festival.
Mga kapwa makikisig na saranggola, pwede ba akong sumali sa inyong
paglalaro? bungad ni Gora.
Ha? Saranggola ka nga pero hindi ka karapat-dapat, di hamak na mas
malaki at mas maganda kami sa iyo, sagot ng hugis-spaceship na saranggola.
Oo nga, isa pa, Lumilipad kami para magbigay ng kasiyahan sa mga
kaibigan naming bata. E, ikaw, may kaibigan ka bang bata? wika naman ng
hugis-paruparong saranggola.
Natahimik si Gora. Naalala niya ang batang si Pepito. Si Pepito ang laging
nag-aalaga sa kanya pero hindi niya naisip na malulungkot ito sa kanyang
pagkawala. Hinahanap kaya siya nito?
Nasa ganun siyang pag-iisip ng lamunin siya ng buhawi ng Timog. Hindi
siya makatakas sa paikot-ikot na hangin ng buhawi. Nabali ang kanyang buto at

napunit ang kanyang balat. Noon niya lang naisip na pagsisihan ang kanyang
kayabangan.
Mamang Buhawi, nakikiusap po ako sa inyo. Basura na lang po ako
ngayon pero nais ko pong bumalik sa Baryo Maulap. sigaw ni Gora.
Narinig naman siya ni Buhawi. Humahanga ako sa iyong pagsisisi. Ngunit huli
na ang lahat. Hindi ako makakadaan sa iyong tahanan. Dito na lang kita iiwan.
At iniluwa ni Buhawi si Gora sa isang puno. Agad na gumawa ng paraan si
Gora. Nakipagkaibigan at inilipad siya ng hangin ng Timog, Hilaga, Silangan at
Kanluran hanggang sa makarating siya sa isang sampayan.
Inay, Itay, tingnan ninyo, Bumalik ang aking kaibigan, tuwang tuwang
kinuha ni Pepito si Gora sa sampayan. At sa tulong ng kanyang ama, muli nilang
inayos ang hitsura ni Gora Saranggola.
Muling nakalipad si Gora sa himpapawid ng Baryo Maulap. Ngunit ngayon, isa
na siyang mabait na saranggola. Alam na niya ang dahilan ng kanyang paglipad.
Iyun ay bigyan ng kasiyahan ang kaibigang si Pepito.

You might also like