You are on page 1of 9

Ang Aral ng Damo

May anghel na galing sa langit na bumisita upang tiyakin kung tunay ngang
ang lahat ng nilalang sa kagubatan ay nasisiyahan.
"G. Punongkahoy, ikaw ba'y maligaya?" tanong ng anghel. "Hindi," ang sagot sa
tinig na walang sigla, "sapagkat ako'y walang bulaklak." Ang anghel ay nagpunta sa
bulaklak upang magsiyasat. "Bb. Bulaklak, ikaw ba'y maligaya sa iyong paligid?"
"Hindi ako maligaya sapagkat wala akong halimuyak. Masdan mo ang gardenia sa
banda roon. Siya'y umuugoy sa amihan. Ang kanyang bango na taboy ng hangin ay
kahali-halina!" Ang anghel ay nagpunta sa gardenia upang mabatid ang damdamin nito.
"Ano ang masasabi mo sa iyong halimuyak?" "Ako'y hindi nasisiyahan. Wala akong
bunga. Naiinggit ako sa saging! Iyon, siya'y natatanaw ko. Ang kanyang mga piling ay
hinog na!"

Ang anghel ay lumapit sa saging, nag magandang-araw at nagtanong, "G. Saging,


kumusta? Ikaw ba'y nasisiyahan sa iyong sarili?" "Hindi. Ang aking katawan ay mahina,
hindi matibay na tulad ng sa narra! Pag malakas ang hangin lalo't may bagyo, ako'y
nababali! Nais ko sanang matulad sa narra!"Nagpunta ang anghel sa narra at nagtanong,
"Anong palagay mo sa iyong matibay na puno?" "Sa ganang akin, gusto ko pa ang isang
damo! Ang kanyang mga dahon ay matutulis. Ang mga ito'y nagsisilbing proteksiyon!"
pakli ng narra.

Ang anghel ay nagpunta sa damo. "Kumusta ka ? Ano ang nanaisin mo para sa


iyong sarili?" "Masaya ako !" sagot ng damo . "Ayaw kong mamumulaklak. Walang
kwenta ang bunga. Ayaw ko rin ng matibay na puno. Gusto ko'y ako'y ako... hindi
nananaghili kaninuman pagkat maligaya!"
Pinoy Edition © 2019 - All rights reserved.

Ang Bulkang Taal

Nahulog sa dagat ang gintong singsing ni Prinsesa Taalita kaya't nag-utos ang
amang si Datu Balindo sa mga kawal na hanapin ito. Isang linggong nilangoy ng mga
matipuno at matapat na alagad ng barangay ang lawa ng Bunbon nguni't wala isa man
sa kanilang makakita sa singsing.
Hindi pa rin nagtugot ang datu dahil ang singsing daw ay napakahalaga hindi
lamang dahil ginto ito kundi dahil makasaysayan ito sa buhay niya. "Iyang singsing na
iyan ay nagpasalin-salin sa kamay ng aking mga ninuno na pawang mga raha at lakan.
Iyan pati ang piping saksi nang pagbuklurin ang puso naming mag-asawa."
"Patawarin ninyo ako, mahal kong ama," luhaang sabi ni Taalita. "Alam ko po ang
kahalagahan niyan. Minamahal ko ang singsing nang higit sa buhay tulad ng
pagmamahal ko sa nasira kong ina, subalit..." sabi ng ama "Huwag kang lumuha, anak,
Hayaan mo't makikita pa rin iyan."
Sa mga naghahanap ng singsing, isang binata ang di-naglulubay sa pagsisikap na
makita ito. Hiningi niya ang tulong ng langit at di nga nagtagal ay nakita ang hinahanap.
Nalunok pala ito ng isang malaking isda.

Ibinalik niya ito sa prinsesa at sa laki ng utang-na-loob ng mag-ama naging malapit sa


kanila ang binata. Hindi naglaon at naging magkasintahan si Taalita at Mulawin.
Pumayag naman ang ama sa pag-iisang-dibdib nila dahil alam niyang mabait, matapat
at mapag-kakatiwalaan ang lalake.
Masaya ang buhay ng mag-asawa, at nang matanda na ang raha, si Mulawin na ang
namahala sa barangay. Madalas na ang ginagawa nilang pasyalan ay ang lawa.
Namamangka ang mag-asawa at natutuwang minamasdan ang mga isda at ibang
nabubuhay sa dagat.
Isang araw, sa pamamangka nila, natanawan ni Taalita ang isang di-karaniwang
bulaklak na nakalutang sa tubig. "Kay ganda ng bulaklak na iyon. Kukunin ko," at bago
napigilan ng asawa ay nakatalon agad sa tubig. Hinintay ni Mulawin na lumitaw ang
asawa nguni't hindi ito pumapaibabaw. Dagling tumalon din ang lalake para saklolohan
ang asawa, ngunit pati siya ay nawalang parang bula.

Laking pagluluksa ng buong barangay sa nangyari sa kanilang mahal na Raha


Mulawin at Prinsesa Taalita. Hindi naglaon, may lumitaw sa, gitna ng lawa, sa
kinalinuran ng magsing-irog, na isang pulo. Iyan ang Bulkan ng Taal, ngalang ibinigay
ng amang datu para laging ipagunita ang nawalang mga anak.
Ayon sa mga mangingisda, madalas daw nilang marinig kapag napapalapit sila sa
Bulkan ang masayang awit ng mag-asawang Mulawin at Taalita, na kahit sa
kabilang-buhay ay masaya at nagmamahalan.
Pinoy Edition © 2019 - All rights reserved.

Ang Manok at ang Uwak

Alam ba ninyo kung bakit ang manok ay lagi nang nagkukutkot sa lupa? Alam din
ba ninyo kung bakit kapag may lumilipad na uwak sa itaas ay takut na takot ang inahing
tatawagin sa ilalim ng pakpak niya ang mga sisiw? Ganito ang pangyayari.

Noong araw, magkaibigang matalik ang manok at ang uwak. Madalas dumalaw
ang uwak kay inahin at makipaglaro sa mga sisiw nito. Isang araw, sa paglalaro nila,
napansin ng manok na may magarang singsing ang ibon. "Uy, pahiram naman ng
singsing mo. Ang ganda-ganda!" sabi niya sa uwak. "Sige, iiwan ko muna ito sa iyo.
Bukas ko na lang kukunin uli," sagot ng uwak na mabilis na lumipad uli.
Naglalakad ang inahin at tuwang-tuwa na ipinakikita sa ibang hayop ang singsing
niya nang lumapit ang isang tandang. "Bakit mo suot iyang di sa iyo? Iyang uwak ay
hindi manok na tulad natin, kaya hindi ka dapat makipagkaibigan diyan. Itapon mo ang
singsing!" Sa kapipilit ng tandang, itinapon ng inahin ang singsing. Kinabukasan,
napansin agad ng uwak na di niya suot ito. "Nasaan ang singsing ko?" tanong ng ibon.
"Ewan ko," takot na sagot ng manok. "Naglalakad lang ako ay bigla na lang nawala sa
mga kuko ko. Luwag kasi." Nahalata ng uwak na nagsisinungaling ang manok dahil
nanginginig ito. "Alam ko, itinapon mo siguro dahil ayaw mo na sa akin. Hanapin mo
iyon at ibigay mo uli sa akin. Hanggang hindi mo naisasauli ang singsing, kukuha ako
ng makikita kong sisiw mo at ililipad ko sa malayo."
Buhat na nga noon, tuluy-tuloy ang pagkutkot ng manok sa lupa para hanapin ang
itinapong singsing. Pati ibang mga manok, sa pakikisama sa kanya, ay naghahanap din.
Kapag may lumilipad na uwak sa itaas, mahigpit ang tawag ng inahin sa mga sisiw at
tinatakluban agad ng mga pakpak dahil baka danggitin ng uwak.

Pinoy Edition © 2019 - All rights reserved.

Ang Sapatero at ang Dwende

May isang sapatero na ubod ng hirap at may materyales lang para sa isang pares na
sapatos. Isang gabi ginupit na niya at inihanda ang mga materyales para gawin sa
umaga ang sapatos. Anong laking gulat niya nang magisnan niya kinaumagahan na yari
na ang mga sapatos at kay husay pa ng pagkakagawa! Madaling naipagbili niya ang
sapatos at nakabili siya ng materyales para sa dalawang pares.
Inihanda na uli ang mga gagamitin para sa kinabukasan. Paggising niya sa umaga
nakita uli na yari na ang dalawang pares na sapatos. Naipagbili niyang madali ang mga
sapatos at bumili naman siya uli ng mga gamit para sa apat na pares. Inihanda niya uli
ito sa mesa para magawa sa umaga.
Ganoon na naman ang nangyari, na tila may tumutulong sa kanya sa paggawa ng
mga sapatos. Kinalaunan, sa tulong ng mahiwagang mga sapaterong panggabi,
gumaling ang buhay ng sapatero. "Sino kaya ang mabait na tumutulong sa akin,"
tanong niya sa asawa. "Sino nga kaya? Gusto mo, huwag tayong matulog mamaya at
tingnan natin kung sino nga siya?" alok ng babae.

Ganoon nga ang ginawa ng mag-asawa kinagabihan. Nagkubli sila sa likod ng


makapal na kurtina para makita kung ano nga ang nangyayari sa gabi. Nang tumugtog
ang alas dose, biglang pumasok sa bintana ang dalawang kalbong dwende. Tuloy-tuloy
ito sa mesa at sinimulan agad ang pagtatrabaho. Pakanta-kanta pa at pasayaw-sayaw pa
na parang tuwang-tuwa sila sa paggawa. Madali nilang natapos ang mga sapatos at
mabilis din silang tumalon sa bintana.
"Mga dwende pala!" sabi ng babae. "Kay babait nila, ano?" "Oo nga. Paano kaya
natin sila pasasalamatan? Ayaw yata nilang magpakita sa tao." "Hayaan mo. Itatahi ko
sila ng mga pantalon at baro at iiwan na lang natin sa mesa sa gabi."

Dalawang pares na maliliit na pantalon at dalawang pang-itaas ang tinahi ng babae


para sa mga matutulunging dwende. Ipinatong nila ito sa mesa kinagabihan at nangubli
uli sila sa likod ng kurtina. Tuwang-tuwa ang maliliit na sapatero nang makita ang mga
damit dahil nahulaan nilang para sa kanila iyon. Isinuot nila ang mga ito at
sumayaw-sayaw sa galak.

Pagkatapos nilang magawa ang mga sapatos na handang gawin, mabilis silang
tumalon sa bintana na suot ang mga bagong damit. Buhat noon hindi na bumalik ang
dalawang dwende ngunit nagpatuloy naman ang swerte sa buhay ng mag-asawa na
marunong gumanti sa utang na loob.
Pinoy Edition © 2019 - All rights reserved.

Ang Alkansya Ni Boyet


Mahirap lamang ang pamilya ni Boyet. Ang ama niyang si Mang Delfin ay isang
magsasaka subalit walang sariling lupa. Inuupahan lamang nito ang tinatamnan ng
palay. Ang ina naman niyang si Aling Pacing ay simpleng maybahay lamang. Sampung
taon na si Boyet. Siya ang panganay sa kanilang apat na magkakapatid. Sa pasukan ay
nasa ika-apat na baitang na siya ng mababang paaralan.

Kapag ganitong bakasyon ay sinasamantala ni Boyet ang pagkakataon. Gumagawa


siya ng alkansiyang kawayan. Panahon ng pamumunga ng bungangkahoy sa kanilang
bakuran, dahil maluwang ang kanilang bakuran ay maraming punong namumunga.
Pinipitas nila ng kanyang inay ang ay mga bunga at itinitinda iyon sa palengke.

Mabili ang kanilang mga tindang prutas. Kapag nakaubos sila ng paninda ay agad
siyang binibigyan ng pera sa kanyang inay. “Salamat po, inay. Mayroon na naman
akong panghulog sa aking alkansiya.” masayang sabi ni Boyet. “Hayaan mo anak, bago
siguro maubos ang mga bunga ng ating mga puno ay mapupuno na ang alkansiya mo,”
sabi ng kanyang inay.

Napuno nga ang alkansiya ni Boyet. Masipag kasi siyang mag-ipon. Nang malapit
na ang pasukan ay nagkaroon ng malakas na bagyo at nasira ang mga tanim na palay ng
tatay ni Boyet. Kakaunti lang ang kanilang inani. Nagkautang ang kanyang itay.
Nag-alala naman ang inay ni Boyet. Malapit na ang pasukan at nawala ang inaasahan
nilang panggagalingan ng pera.

“Baka hindi ka makapag-aral ngayong taong ito, anak,” malungkot na sabi ng


kanyang inay. “Nasira ang mga pananim natin dahil sa bagyo at may utang pa tayo.”
“Makakapagaral po ako, inay. Puno na po ang alkansiya ko. Ito ang gagamitin ko sa
aking pag-aaral,” nakangiting sabi ni Boyet.

Nakapag-aral si Boyet ng pasukang iyon. Salamat at naisipan niyang mag-impok


para sa darating na pangangailangan.

Mga Sanggunian:
Source: https://www.pinoyedition.com/maikling-kwento/ang-sapatero-at-ang-dwende/

Source: https://www.pinoyedition.com/maikling-kwento/ang-manok-at-ang-uwak/

Source: https://www.pinoyedition.com/maikling-kwento/ang-bulkang-taal/

Source: https://www.pinoyedition.com/maikling-kwento/ang-aral-ng-damo/

https://pinoycollection.com/maikling-kwento-tungkol-sa-pamilya/#Ang-A
lkansya-Ni-Boyet

You might also like