tiyakin kung tunay ngang ang lahat ng nilalang sa kagubatan ay nasisiyahan.
“Ginoong Punongkahoy, ikaw ba'y maligaya? tanong
ng anghel.
“Hindi” ang sagot sa tinig na walang sigla, “sapagkat
ako'y walang bulaklak.” Ang anghel ay nagpunta sa bulaklak upang magsiyasat. “Binibining Bulaklak, ikaw ba'y maligaya sa iyong paligid?”
“Hindi ako maligaya sapagkat wala akong
halimuyak. Masdan mo ang gardenia sa banda roon. Siya'y umuugoy sa amihan. Ang kanyang bango na taboy ng hangin ay kahali-halina!” Ang anghel ay nagpunta sa gardenia upang mabatid ang damdamin nito. “Ano ang masasabi mo sa iyong halimuyak?”
“Ako'y hindi nasisiyahan. Wala akong bunga.
Naiinggit ako sa saging! Iyon, siya'y natatanaw ko. Ang kanyang mga piling ay hinog na!” Ang anghel ay lumipat sa saging, nag magandang- araw at nagtanong, “Ginoong Saging, kumusta? Ikaw ba'y nasisiyahan sa iyong sarili?”
“Hindi. Ang aking katawan ay mahina, hindi matibay
na tulad ng sa narra! Pag malakas ang hangin lalo't may bagyo, ako'y nababali! Nais ko sanang matulad sa narra!” Nagpunta ang anghel sa narra at nagtanong, “Anong palagay mo sa iyong matibay na puno?”
“Sa ganang akin, gusto ko pa ang isang damo! Ang
kanyang mga dahon ay matutulis. Ang mga ito'y nagsisilbing proteksiyon!” pakli ng narra. Ang anghel ay nagpunta sa damo, “Kumusta ka? Ano ang nanaisin mo para sa iyong sarili?”
“Masaya ako!” sagot ng damo, “Ayaw kong
mamulaklak. Walang kwenta ang bunga. Ayaw ko rin ng matibay na puno. Gusto ko ako'y ako.... hindi nananaghili kaninuman pagkat maligaya!” Ang Araw at Ang Hangin Sino kaya ang mas malakas, ang araw o ang hangin? Madalas daw ay nag-aaway itong dalawang ito noong araw dahil sa nagpapalakasan nga.
Isang araw, sinabi ng hangin, "O, gusto mo ba
talagang patunayan ko na mas malakas ako kaysa iyo?" Ngumiti ang araw. "Sige, para hindi ka laging nagyayabang, tingnan natin. Hayun, may lalakeng dumarating. Kung sino sa ating dalawa ang makakapagpaalis ng suot niyang polo, siya ang kikilalaning mas malakas."
"Payag ako. Ngayon din", magkakasubukan tayo,
"malakas na sagot ng hangin. "Ako ang uuna," dugtong pa niya dahil ayaw niyang maging pangalawa sa anumang labanan. Sinimulan niyang hipan ang naglalakad na lalake. Sa umpisa ay tila nagustuhan ng tao ang hihip ng hangin kaya naging masigla at bumilis ang lakad nito.
Nilakasan ng hangin ang paghihip. Isinara ng tao ang
lahat ng butones hanggang sa may leeg ng kanyang polo. Inubos ng hangin ang buong lakas sa paghihip. Lalo namang pinakaipit-ipit ng mga braso ng lalake ang damit dahil tila giniginaw na siya. Nanghina na nang katakut-takot ang hangin sa paghihip niya ay talagang hindi niya makuhang mapaalis ang damit ng lalake. "Sige," sigaw niya sa araw. "Tingnan naman natin ang galing mo. Marahil, hindi mo rin naman mapapahubad ang taong iyon."
Pinalitaw ng araw ang sinag niya, at unti-unti niyang
pinainit ito. Tumulo ang pawis ng lalake. Dinagdagan pa ng araw ang init na inilalabas niya, at ang lalake ay nagkalas ng mga ilang butones sa baro. Maya-maya, nang uminit pang lalo ang araw, hindi na nakatiis ang tao at tinanggal nang lahat ang mga butones ng polo at hinubad ito. Panalo ang araw! Mula noon, di na nagyabang uli ang hangin. Ang Ating mga Likas na Palatandaan Marami sa magagandang tanawin ng ating bayan ang mga tangi at kilalang palatandaan. Isa na rito ang Look ng Maynila. Ipinalalagay na isa ito sa mahuhusay na daungan ng mga sasakyang-dagat sa silangan. Sa makitid na pasukan nito, naroroon ang Pulo ng Corregidor na naging tagpo ng mga di-malilimot na pangyayari noong Pangalawang Digmaang Pandaigdigan. Sa baybay nito, naroroon naman ang baybayin ng Cavite, Manila, Bulacan, Pampanga, at Bataan. Ang mga pook na ito ay naging saksi ng mga dakila at mahalagang pangyayari sa ating kasaysayan. Sa Mountain Province, mga tatlundaang milya sa hilaga ng Maynila, naroroon ang rice terraces na bantog sa buong mundo bilang isa sa Walong Hinahangaan sa Daigdig. Ang mga baytang-baytang na taniman ng palay na ito ay itinayo ng mga unang-unang ninuno ng mga kasalukuyang Ifugao, noong mga tatlunlibong taong nakaraan. Sa lalawigan ng Batangas, naroon ang Lawa ng Taal. Sa gitna ng lawa ay may isang bulkang gising. May paniniwalang ang lawa ay bunga ng malakas na pagsabog ng bulkan noong nakaraang panahon. Ang abo at putik na ibinuga ng bulkan ay kumalat sa malawak na lupa sa Greater Manila Area. Noong ika-28 ng Setyembre 1965, pumutok ang Bulkang Taal. Ang mga baryo sa baybay ng lawa ay lumubog sa putik at abo. Ang pagputok na iyon ay lumikha ng panibagong butas sa bulkan at nakamatay sa libu-libong tao. Nawalan ng tahanan ang mga napinsala at inilipat sila sa ibang tirahan. Kumilos nang sama-sama sa isang kilusang pangkawanggawa ang pamahalaan, ang mga samahang pambayan, mga bahay-kalakal, at libu-libong mamamayang pribado upang damayan at tulungan ang mga napahamak sa pinakamalubhang kapahamakang umabot sa ating bansa noong 1965. Mula noon, muling tumahimik ang Taal upang muling mabigyan ng kariktan ang tanawin. Ang Bulkang Mayon, bantog din sa buong daigdig, ay nasa lalawigan ng Albay, malapit sa Lungsod ng Legaspi. Ito ay pitung-libo't siyamnaraang talampakan ang taas at ang taluktok ng bulkan (perfect cone) ay balita sa buong mundo. Ang Lawa ng Lanao ay nasa Pulo ng Mindanao. Dalawang libong talampakan ito sa ibabaw na pantayang-dagat at umaagos sa Ilog Agus. Sa dakong malapit sa Lungsod ng Iligan, ang tubig sa Ilog Agus ay bumababa ng walumpung talampakan sa ilalim at siyang bumubuo ng Talon ng Maria Cristina. Ito ang nagpapalakad at nagbibigay ng elektrisidad na ginagamit sa bayan-bayan at sa mga sentro ng kalakalan at industriya sa Mindanao. Bukod sa mga nabanggit na palatandaan, marami pang magagandang tanawin at makasaysayang pook ang bayan, na makapagdudulot sa mga turista ng kawili-wili at kasiya-siyang pagdalaw sa Pilipinas. Ang Bulkang Taal Nahulog sa dagat ang gintong singsing ni Prinsesa Taalita kaya't nag-utos ang amang si Datu Balindo sa mga kawal na hanapin ito. Isang linggong nilangoy ng mga matipuno at matapat na alagad ng barangay ang lawa ng Bunbon nguni't wala isa man sa kanilang makakita sa singsing.
Hindi pa rin nagtugot ang datu dahil ang singsing daw ay
napakahalaga hindi lamang dahil ginto ito kundi dahil makasaysayan ito sa buhay niya. "Iyang singsing na iyan ay nagpasalin-salin sa kamay ng aking mga ninuno na pawang mga raha at lakan. Iyan pati ang piping saksi nang pagbuklurin ang puso naming mag-asawa." "Patawarin ninyo ako, mahal kong ama," luhaang sabi ni Taalita. "Alam ko po ang kahalagahan niyan. Minamahal ko ang singsing nang higit sa buhay tulad ng pagmamahal ko sa nasira kong ina, subalit..."
"Huwag kang lumuha, anak," sabi ng ama. "Hayaan mo't
makikita pa rin iyan." Sa mga naghahanap ng singsing, isang binata ang di- naglulubay sa pagsisikap na makita ito. Hiningi niya ang tulong ng langit at di nga nagtagal ay nakita ang hinahanap. Nalunok pala ito ng isang malaking isda.
Ibinalik niya ito sa prinsesa at sa laki ng utang-na-loob ng
mag-ama naging malapit sa kanila ang binata. Hindi naglaon at naging magkasintahan si Taalita at Mulawin. Pumayag naman ang ama sa pag-iisang-dibdib nila dahil alam niyang mabait, matapat at mapag-kakatiwalaan ang lalake. Masaya ang buhay ng mag-asawa, at nang matanda na ang raha, si Mulawin na ang namahala sa barangay. Madalas na ang ginagawa nilang pasyalan ay ang lawa. Namamangka ang mag-asawa at natutuwang minamasdan ang mga isda at ibang nabubuhay sa dagat.
Isang araw, sa pamamangka nila, natanawan ni Taalita ang isang di-
karaniwang bulaklak na nakalutang sa tubig. "Kay ganda ng bulaklak na iyon. Kukunin ko," at bago napigilan ng asawa ay nakatalon agad sa tubig. Hinintay ni Mulawin na lumitaw ang asawa nguni't hindi ito pumapaibabaw. Dagling tumalon din ang lalake para saklolohan ang asawa, ngunit pati siya ay nawalang parang bula. Laking pagluluksa ng buong barangay sa nangyari sa kanilang mahal na Raha Mulawin at Prinsesa Taalita. Hindi naglaon, may lumitaw sa, gitna ng lawa, sa kinalinuran ng magsing-irog, na isang pulo. Iyan ang Bulkan ng Taal, ngalang ibinigay ng amang datu para laging ipagunita ang nawalang mga anak.
Ayon sa mga mangingisda, madalas daw nilang marinig
kapag napapalapit sila sa Bulkan ang masayang awit ng mag- asawang Mulawin at Taalita, na kahit sa kabilang-buhay ay masaya at nagmamahalan. Ang Manok at Ang Uwak Alam ba ninyo kung bakit ang manok ay lagi nang nagkukutkot sa lupa? Alam din ba ninyo kung bakit kapag may lumilipad na uwak sa itaas ay takut na takot ang inahing tatawagin sa ilalim ng pakpak niya ang mga sisiw? Ganito ang pangyayari.
Noong araw, magkaibigang matalik ang manok at ang
uwak. Madalas dumalaw ang uwak kay inahin at makipaglaro sa mga sisiw nito. Isang araw, sa paglalaro nila, napansin ng manok na may magarang singsing ang ibon. "Uy, pahiram naman ng singsing mo. Ang ganda-ganda!" sabi niya sa uwak.
"Sige, iiwan ko muna ito sa iyo. Bukas ko na lang
kukunin uli," sagot ng uwak na mabilis na lumipad uli. Naglalakad ang inahin at tuwang-tuwa na ipinakikita sa ibang hayop ang singsing niya nang lumapit ang isang tandang. "Bakit mo suot iyang di sa iyo? Iyang uwak ay hindi manok na tulad natin, kaya hindi ka dapat makipagkaibigan diyan. Itapon mo ang singsing!"
Sa kapipilit ng tandang, itinapon ng inahin ang
singsing. Kinabukasan, napansin agad ng uwak na di niya suot ito. "Nasaan ang singsing ko?" tanong ng ibon. "Ewan ko," takot na sagot ng manok. "Naglalakad lang ako ay bigla na lang nawala sa mga kuko ko. Luwag kasi."
Nahalata ng uwak na nagsisinungaling ang manok
dahil nanginginig ito. "Alam ko, itinapon mo siguro dahil ayaw mo na sa akin. Hanapin mo iyon at ibigay mo uli sa akin. Hanggang hindi mo naisasauli ang singsing, kukuha ako ng makikita kong sisiw mo at ililipad ko sa malayo." Buhat na nga noon, tuluy-tuloy ang pagkutkot ng manok sa lupa para hanapin ang itinapong singsing. Pati ibang mga manok, sa pakikisama sa kanya, ay naghahanap din. Kapag may lumilipad na uwak sa itaas, mahigpit ang tawag ng inahin sa mga sisiw at tinatakluban agad ng mga pakpak dahil baka danggitin ng uwak. Ang Matalinong Pintor Masama ang loob ni Zandrey habang minamasdan niya ang kahabaan ng bakuran nila. Bitbit niya sa kanang kamay ang isang lata ng pinturang puti at sa kaliwang kamay ang brotsang gagamitin sa pagpipintura.
Nag-aalmusal pa siya nang sabihin sa kanya ng nanay
niya na, "Huwag kang aalis, Zandrey, dahil may ipagagawa ako sa iyo." "Ano po iyon, inay?" tanong ni Zandrey na nag- uumpisa nang mag-alala. Kasunduan nilang mga magkababata na maglalaro ng basketbol sa parke ngayong umaga.
"Pangit na ang pintura ng ating bakod. Kupas at
marumi pa. Nakabili na ako ng pinturang puti at brotsa at maaari mo nang masimulan pagkakain mo." Hindi maaring hindi susunod sa utos. Mabait ito kung sa mabait, ngunit ang mga utos niya ay parang utos ng reyna na di mababali.
Habang minamasdan ni Zandrey ang bakuran, lalo
namang nagsisiksikan sa pag-iisip niya ang tiyak na nasa laruan nang mga kababata, malamang ay inip na inip na sa pag-aantay sa kanya, o di kaya'y naglalaro na at hindi na siya hinintay. Isinawsaw niya ang brotsa sa lata ng pintura at dahan-dahang idinampi sa isang sulok ng mahabang bakuran. "Sa lahat ng trabaho, ito talaga ang nakakapundi," wika niya sa sarili. "Binabalak pa naman namin ni James na ilampaso ngayon sina Henry."
Nang walang kagana-ganang isasawsaw na uli ang
brotsa sa lata ng pintura, natanaw niyang dumarating ang kapwa bata ring si Vince. "Hoy, Zandrey!" Di siya lumingon at kunwari ay walang narinig. Binilisan niya ang paghahaplos ng pintura sa bakod.
"Ano ang ginagawa mo, Zandrey?"
Wala pa rin siyang narinig. Humakbang siya sa likod at
sinipat ang napinturahan na.
"Kawawa ka naman, Zandrey. Nagpipintura ka."
"Oy, nandiyan ka pala, Vince. Di kita napansin."
Isinawsaw na uli ni Zandrey sa lata ang brotsa at
ganadong-ganadong itinuloy ang pagpipintura. Maya't- maya'y sinisipat ang napintahan na. Sisipol-sipol siya at tila tuwang-tuwa sa ginagawa. Si Vince ay nakatungangang nagmamasid.
"Papinta rin nga," maya-maya'y pakiusap, nito.
"Titikman ko lang magpintura." "Ay, huwag! Baka hindi mo kaya. At saka, magagalit ang nanay ko. Kailangang maayos ang pintura nito."
"Sige na, patikim lang. Aayusin ko. O, ibibigay ko sa iyo ang
trumpo ko, pagpintahin mo lang ako."
"O, sige na nga." Naupo si Zandrey sa isang tabi at hinayaang
magpintura ang kababata. Habang pinapanood niya si Vince, nabuo sa isipan niya ang isang balak para mapadali ang trabaho niya at makaipon pa siya ng mga regalo. Nang umalis na ang napagod nang si Vince, sumunod namang naisahan ni Zandrey si Armel. Binigyan siya nito ng yoyo kapalit ng pagpipintura sa bakod. Sumunod naman dito si Erick, saka si Ethan, si Alexander, si Richard. Nang matapos ang araw, malaking kayamanan ang inisa- isang bilangin ng matalinong si Zandrey - may yoyo, trumpo, tatlong malalaking sigay, kandadong walang susi, larawan ni Batman at Robin, komiks na Superman, mahabang tali ng borador, plastic na baril-barilan, singsing na tanso.... Pinagmasdan niya ang bakod na pininturahan. May makapal, may manipis, may paayon, pasalungat, may kulang-kulang na pintura. Ngunit sa paningin ni Zandrey, ang bakod ay napakaganda, dahil ni-kaunti man ay di siya napagod at nakakamal pa siya ng maraming yaman.
May mga aral pa sa buhay na kanyang natutuhan.
Ano kaya ang mga iyon? Bakit Mataas ang Langit Noong unang panahon ay mababang-mababa ang langit at walang buwan ni bituin. Bakit kaya tumaas ang langit? Narito sa kuwento na ito ang mga sagot. Si Maria at ang kanyang nanay ay nakatira sa isang bahay- kubo. Si Maria ay may suklay na ginto at kuwintas na may butil-butil na ginto. Halos araw-araw ay isinusukat niya ang suklay at kuwintas at tinitingnan niya sa kanyang anino sa tubig kung siya ay maganda. Isang araw nang isinusukat ni Maria ang suklay at ang kuwintas ay tinawag siya ng kanyang nanay. "Maria, magbayo ka ng palay," ang wika ng ina.
"Opo," ang sagot ni Maria, nguni't hindi siya
kumilos.
"Maria, magmadali ka," ang tawag na muli ng
matanda. "Wala tayong bigas na isasaing." "Opo, sandali po lamang," ang tugon ni Maria, nguni't hindi niya inaalis ang kanyang tingin sa kanyang anino sa tubig.
"Maria, sinasabi ko na sa iyong magbayo ka ng palay.
Madali ka," ang galit na galit na utos ng matanda. Tumindig si Maria at tuloy-tuloy siya sa lusong ng palay. Hindi na niya naalis ang suklay at kuwintas. Nalalaman niyang kapag galit na galit na ang kanyang nanay ay dapat siyang sumunod nang madali. Nagbayo na siya nang nagbayo ng palay. Pagkatapos ng ilang sandali, siya ay pinawisan. "Napupuno ng pawis ang aking kuwintas," ang wika ni Maria sa kanyang sarili.
"Hinubad niya ang kuwintas. Inalis ang kanyang
suklay. Isinabit ang mga ito sa langit na noon ay mababang-mababa at naabot ng kamay. Samantalang siya ay nagbabayo ay tinitingnan ang suklay at kuwintas. "Kay ganda ng aking suklay at kuwintas," ang wika ni Maria sa kanyang sarili. "Pagkatapos na pagkatapos ko nang pagbabayo ng palay ay isusuot ko uli ang aking suklay at kuwintas." Sa gayong pagsabi ay dinalas niya ang pagbabayo ng palay upang ito ay matapos at maisuot niya uli ang suklay at kuwintas. Tumaas ng tumaas ang pagbuhat niya ng halo at dumalas nang dumalas ang pagbagsak nito sa lusong. Umaabot na pala ang dulo ng halo sa langit, nguni't hindi niya napapansin. Sa palay na ngayon ang kanyang tingin. Tinitingnan niya kung malapit na siyang makatapos upang maisuot niya ang suklay at kuwintas. Itinaas pa niyang lalo ang pagbuhat ng halo upang lumakas ang pagbagsak nito sa lusong at nang madaling mabayo ang palay. Sa bawa't pagtaas pala niya ng halo ay bumubunggo ang halo sa langit at sa bawa't pagbunggo naman ay tumataas ang langit. Nang mapuna ni Maria ang nangyayari ay mataas na ang langit. Tangay-tangay ang kanyang gintong suklay at kuwintas. Hindi na niya maabot ang mga ito. Tumaas nang tumaas ang langit. Tumaas din nang tumaas ang suklay at kuwintas. Noong gabing yaon ay umupo si Maria sa may bintana at tinintingnan niya ang langit na ngayon ay mataas na mataas na. Hinanap niya ang kanyang suklay at kuwintas. Naroroon ang kanyang gintong suklay at siyang naging buwan. Ang mga gintong butil ng kanyang kuwintas at nagkahiwa- hiwalay at siya namang naging mga bituin. "Lalong maganda ngayon ang aking gintong suklay," ang wika ni Maria sa kanyang sarali, "At anong kinang ng mga butil ng aking kuwintas!" Ang Sapatero at ang Dwende May isang sapatero na ubod ng hirap at may materyales lang para sa isang pares na sapatos. Isang gabi ginupit na niya at inihanda ang mga materyales para gawin sa umaga ang sapatos.
Anong laking gulat niya nang magisnan niya
kinaumagahan na yari na ang mga sapatos at kay husay pa ng pagkakagawa! Madaling naipagbili niya ang sapatos at nakabili siya ng materyales para sa dalawang pares. Inihanda na uli ang mga gagamitin para sa kinabukasan. Paggising niya sa umaga nakita uli na yari na ang dalawang pares na sapatos.
Naipagbili niyang madali ang mga sapatos at bumili
naman siya uli ng mga gamit para sa apat na pares. Inihanda niya uli ito sa mesa para magawa sa umaga. Ganoon na naman ang nangyari, na tila may tumutulong sa kanya sa paggawa ng mga sapatos. Kinalaunan, sa tulong ng mahiwagang mga sapaterong panggabi, gumaling ang buhay ng sapatero.
"Sino kaya ang mabait na tumutulong sa akin," tanong niya
sa asawa.
"Sino nga kaya? Gusto mo, huwag tayong matulog
mamaya at tingnan natin kung sino nga siya?" alok ng babae. Ganoon nga ang ginawa ng mag-asawa kinagabihan. Nagkubli sila sa likod ng makapal na kurtina para makita kung ano nga ang nangyayari sa gabi. Nang tumugtog ang alas dose, biglang pumasok sa bintana ang dalawang kalbong dwende.
Tuloy-tuloy ito sa mesa at sinimulan agad ang
pagtatrabaho. Pakanta-kanta pa at pasayaw-sayaw pa na parang tuwang-tuwa sila sa paggawa. Madali nilang natapos ang mga sapatos at mabilis din silang tumalon sa bintana. "Mga dwende pala!" sabi ng babae. "Kay babait nila, ano?"
"Oo nga. Paano kaya natin sila pasasalamatan? Ayaw
yata nilang magpakita sa tao."
"Hayaan mo. Itatahi ko sila ng mga pantalon at baro
at iiwan na lang natin sa mesa sa gabi." Dalawang pares na maliliit na pantalon at dalawang pang-itaas ang tinahi ng babae para sa mga matutulunging dwende. Ipinatong nila ito sa mesa kinagabihan at nangubli uli sila sa likod ng kurtina.
Tuwang-tuwa ang maliliit na sapatero nang makita
ang mga damit dahil nahulaan nilang para sa kanila iyon. Isinuot nila ang mga ito at sumayaw-sayaw sa galak. Pagkatapos nilang magawa ang mga sapatos na handang gawin, mabilis silang tumalon sa bintana na suot ang mga bagong damit. Buhat noon hindi na bumalik ang dalawang dwende ngunit nagpatuloy naman ang swerte sa buhay ng mag-asawa na marunong gumanti sa utang na loob. Dalawang Aso Nagkitang minsan ang asong-lunsod at asong-bukid. "Kumusta ka, kaibigan," bati ng asong-lunsod. "Matagal na tayong hindi nagkakausap."
"Mabuti naman," sagot ng asong-bukid. "Ikaw
naman, mukhang alagang-alaga ka. Kay lusog mo ngayon." "Oo nga. Alam mo bang saganang-sagana ako sa pagkain. Kay daming ibinibigay sa akin ng aking among mayaman."
"Mabuti ka pa," sabi ng asong-bukid. "Ako nama'y
hindi gaanong marami ang nakakain. Nakakatawid- gutom lamang dahil hindi naman nakaririwasa ang tinitirhan ko." "Bakit hindi ka pa sumama sa akin? Maraming pagkain doon sa amo ko. Tiyak na tataba kang katulad ko," alok ng asong-lunsod.
"Talaga ba? O, sige, sasama ako sa iyo at doon na rin
ako titira sa amo mo." Naglakad na nga ang dalawang pauwi sa tinitirhan ng asong-lunsod. Habang nasa daan pa sila, napansin ng asong-bukid na may mga sugat sa leeg ang kanyang kaibigan.
"Ano ang nangyari sa leeg mo," tanong niya. "Bakit
puro sugat?" "A, dahil iyan sa tanikalang inilalagay sa akin sa bahay. Inalis nga lamang iyon kanina dahil nakita ng amo ko ang mga sugat. Kaya pati ako nakapaglakad at nakita mo."
"Ay, ganoon ba? Nilalagyan ka pala ng tanikala?
Kapag gumaling ang mga sugat, ibabalik ba sa leeg mo ang tanikala?" "Tiyak iyon," sabi ng asong-lunsod. "Bawal sa aming mga kalsada ang gagala-galang aso kaya nararapat lang na itali ako sa loob ng tarangkahan."
"Kung gayon ay hindi na ako sasama sa iyo. Babalik na
lang ako sa aking amo sa bukid. Hindi nga niya ako pinagsasawa sa pagkain, ngunit ako nama'y binibigyan niya ng layang makapunta kahit saan ko gusto." Nagpaalam siya sa kaibigan at tatakbong bumalik sa dating tahanan. Ang Matalik Kong Kaibigan Tulad ng nakagawian kong gawin, pagkarating ko sa bahay mula sa paaralan, hinanap ko ang pahayagan. Ipinatong ko ang pagod kong mga paa sa bangkito at inumpisahan kong basahin ang kolum ni George Nava True tungkol sa kalusugan at mga sakit sa katawan.
Sunod kong tinunghayan ang Entertainment at
pagkatapos nito, sinulyapan ko ang mga pangalan ng mga namatay sa obituary. Laking gulat ko na lang nang makita ko ang pangalan ng aking matalik na kaibigan. Bigla akong tumayo na nanikip ang dibdib.
Sinabi ko kay Nanay na namatay si Richard at
pupuntahan ko agad sa St. Peter's Chapel kung saan siya nakaburol.
Sa St. Peter's, sinabi sa information na sa huling silid
sa kaliwa naroon ang aking kaibigan. Sa pagpasok ko pa lamang sa silid ay nakita ko na agad ang iba naming kabarkada. Puro sila malungkot at halos maiyak-iyak.
Di ko mapigil ang aking luha habang minamasdan ko
ang mukha ni Richard sa loob ng kabaong. May mga tapal ang kanyang pisngi at noo. Lumapit sa akin ang kapatid niyang si Kristine. "Nabundol ng trak ang kotseng sinasakyan niya." "Saan nangyari ito?" ang tanong ko.
"Sa may Magallanes Village, sa Expressway, noong
Sabado. Wala ngang nakakita kung anong plate number ng truck. Hit and run ang nangyari."
"Nanghina ako nang mabasa ko sa pahayagan
ngayong hapon. Nagmadali nga akong pumarito," ang wika ko. Isang mabait at masayang kaibigan si Richard. Marami siyang kaibigan, mahirap at mayaman. Buhat pa ng maliliit kami ay magkaibigan na at madalas magkasama, nagbabasketball, namamasyal, nagsisimba, at iba pang gawain ng mga bata. Bakit kaya siya binawian agad ng buhay? Labimpitong taon pa lamang siya. Marami pa sana siyang magagawa at matutulungan. Nasabi ko tuloy sa sarili na hindi nga pala nakatitiyak ang sinuman kung kailan daratihg ang kamatayan. Maaaring sa araw ding ito, o sa madaling panahon. Kailangang maging handa sa lahat ng oras. Kailangan ang paghingi lagi ng awa at kalinga sa Diyos, at ang pagiging mabait.
Nakilibing ako kay Richard at sa tabi ng kanyang hukay
ay ipinangako ko na gagawan ko ng istorya ang buhay niya at ang ipapamagat ko ay "Ang Matalik Kong Kaibigan." Ang Nawawalang Prinsesa Nawawala ang prinsesa gabi-gabi ngunit, walang makapagsabi kung saan siya pumupunta.
Nagpabalita na ang hari na ang sinumang
makapagtuturo kung saan tumitigil ang anak tuwing hating-gabi ay bibigyan ng kalahati ng kaharian at, kung binata, ay ipakakasal sa prinsesa. Ngunit, kapag nabigo ang nagprisintang magbabantay, pupugutan siya ng ulo. Marami ang nagtangkang makipagsapalaran hindi lamang dahil sa kayamanang matatamo kundi dahil sa napakaganda raw ng prinsesa. Ang lahat ng mga ito ay nabigo. Wala pa ring makapagsabi kung bakit nawawala ang prinsesa sa hating-gabi.
Sa kalagitnaan ng gubat na malapit sa palasyo, may isang
dampang tinitirhan ng isang matandang mangkukulam. Isang araw ay dinalaw ang matanda ng binatang napamahal sa kanya dahil madalas siyang tulungan nito. Ngayon naman, ang binata ang humihingi sa kanya ng tulong. "Maganda pong talaga ang prinsesa kaya tulungan po ninyong magtagumpay ako sa kanya."
Binigyan siya ng matanda ng isang balabal na kapag
kanyang isinampay sa mga balikat niya ay hindi siya makikita ninuman. Binindisyunan siya ng matanda at pinagbilinang magpakaingat bago siya nagpaalam. Nang gabi ring iyon, nasa labas na nga siya ng silid ng prinsesa at handang magbantay. Biglang nabuksan ang pinto at tumambad sa kanyang paningin ang napakagandang binibini.
May iniabot sa kanyang isang basong inumin na
noong makatalikod ang prinsesa ay kanyang itinapon sa isang masitera ng halaman. Naluoy agad ang mga dahon ng halaman. Nagkunwaring natutulog, ang binata sanhi ng tinunggang inumin. Nang maramdaman niyang lumabas sa silid ang prinsesa, isinoot niya ang mahikang balabal at sinundan niya ito. May dinaraanan palang tagong pintuan ito na palabas sa palasyo.
Sumakay sa isang naghihintay na karwahe ang
prinsesa. Di nito alam ay kasama ang binata dahil hindi niya nakikita ito. Nagtuloy sa isang malayong gubat ang karwahe. Sa gitna ng mga kahuyan huminto ito at bumaba ang prinsesa. Nakipag sayaw siya sa mga gitanong nagkakaipon doon at nagsasaya.
Sa likod ng isang puno, tinanggal ng binata ang
kanyang balabal at naglagay ng maskara. Nilapitan niya ang prinsesa at sila'y nagsayaw. Nagsayaw sila nang nagsayaw hanggang mapagod ang dalaga at halos mabutas ang mga suwelas ng sapatos.
Muling isinoot ng binata ang balabal nang paalis na
ang karwahe at sila'y bumalik sa palasyo. "Masasabi mo ba kung bakit nawawala ang prinsesa sa hating-gabi?" tanong ng hari nang humarap sa kanya ang binata kinaumagahan.
"Opo, Mahal na Hari! Nakikipagsayaw po siya sa
mga gitano sa gubat gabi-gabi. Ito po ang katunayan- itong halos warak nang sapatos na kinuha ko sa kanyang pinagtapunan matapos na makasayaw siya." Ipinatawag ng hari ang prinsesa at hindi naman ito makatanggi sa amang nagpakita ng katunayan. Balak pa sana ng prinsesa na umayaw na maging asawa ang binata, ngunit nang ilagay nito ang maskara, nakilala niya ang kasayaw na kinagiliwan nang nagdaang gabi.
Tumugtog ang banda at masuyong niyaya ng binata
na magsayaw sila ng prinsesa na masaya namang yumakap sa kanya. Kapuri-puring Bata Nais ko pong ipabili sa aking ina para sa aming notse buena yaong pagkaing pinananabikan ko, katulad ng mansanas at fried chicken...
Tugon ito ni Ralph, Grade III - 1, ng Paaralang
Bagong Barangay, nang siya ay tanungin ng kanyang guro sa Journalism kung ano ang kanyang gagawin sa kanyang tatlong alkansiyang puno ng mga barya. Ito ay natipon niya sa pagiging batang-basurero. Namumukod si Ralph, 10 taong gulang, sa mga ininterbyu ni Gng. Aida Escaja, isang tagapayo ng pahayagang pampaaralan. Dalawang palagiang trabaho ang ginagampanan ni Ralph. Ipinagtatapon niya ng basura ang mga nakatira sa Bagong Barangay Tenement at errand boy sa palengke ng may bibingkahan sa kanilang pook. Napili ng kanyang guro ang sinulat ni Ralph, "Kumita Habang Nag-aaral" para sa kanilang pamaskong isyu. Si Ralph ay isa sa mga batang sinasanay ng kanilang guro upang maging kagawad ng patnugutan pagtuntong niya ng ikaanim na grado. Matalino siya pagkat lagi siyang kasama sa "Top Ten" ng kanilang klase mula pa noong Grade 1. May kabutihan ding nagagawa ang kahirapan sa mga bata. Maaga pa'y nalalantad na sila sa pakikibaka sa buhay kaya nagiging matatag sila sa pagharap sa mga suliranin sa buhay. Hindi sila nagpapanik na tulad ng mga sanay sa ginhawa. Nagiging malikhain sila sa paghanap ng mapagkakakitaan. Kasama ni Ralph sa pagtatapon ng basura sina Topher, 11 taong gulang, Grade III din, at si Jun-jun, 6 na taong gulang at nasa unang baitang.
Tumatanggap sila ng mula biyente sentimos
hanggang dalawang piso, ayon sa rami ng basurang kanilang itinatapon. Tuwing alas-dos naroroon na sila na may dalang sako. Nagkaisa sila sa hatian ng kanilang kita: 45 porsiyento para kay Topher na malaki at malakas; 35 porsiyento para kay Ralph at 20 porsiyento para kay Jun-jun. Magkakapit-kwarto ang kanilang tinitirhan at tsuper ang kanilang mga ama.
Kapuri-puri ang tatlong batang ito na maagang
nagising sa katotohanang sa iyong pawis manggagaling ang iyong ikabubuhay. Ayon sa kanilang magulang, may isang taon nang nangungulekta ng basura sa tenement house ang tatlong batang ito. May recycling pa silang ginagawa, ipinagbibili nila ang mga nakukuha nilang papel, plastik, bote, at bakal bago nila ito' tuluyang itapon.
Isang errand boy si Ralph ng may-ari ng bibingkahan.
Siya ang nagpapagiling ng bigas sa may palengke at siya pa rin ang kumukuha ng isang sakong bao sa palengke. Sa puspusang pag-aaral at paggawa dapat imulat ang mga bata. Ito ang panuntunang sinunod ni Rizal sa kanyang munting paaralan sa Dapitan. Naniniwala ang ating bayani na maaga pa ay dapat nang ituro sa mga bata ang pagmamahal sa paggawa. Maliit pa sina Ralph, Topher at Jun-jun ay may direksyon na ang kanilang buhay. Sa pamamagitan ng pagbabanat ng buto at pagpapatulo ng pawis, sila ay kumikita na. Hindi na sila matitigil sa pag-aaral. May tiyak na silang mababaon, may kaunti pang maibibigay sa magulang at may maihuhulog pang barya sa alkansiya.