You are on page 1of 120

Ang Kabayong Humingi

ng Katarungan
"Ito ay kampana ng katarungan," ang sabi Ing hari.
"Ito ay para sa inyo, aking mamamayan at nasasakupan.
Tugtugin ninyo kung may gumawa sa inyo ng masama.
Dali-daling paririto ang mga hukom upang kayo'y
bigyan ng katarungan. Ito ay para sa lahat - mayaman
ma't dukha; bata o matanda. Ngunit huwag ninyong
tutugtugin kung sa akala ninyo ay hindi naman kayo
inaapi."
Maraming mga taon ang nakaraan kaya marami ring
mga kamalian ang naituwid at marami ring mga salarin
ang naparusahan. Humina na ang lubid na nakatali sa
kampana at ang ibaba nito ay nalagas at napatid kaya
matangkad lamang ang puwedeng makaabot sa lubid
upang makatugtog.

Ang sabi ng isa sa mga hukom, "Problema ito. Kung


sakaling may batang pinaslang, paano niya ito
mapararating sa kaalaman namin?"
Ipinag-utos ng mga huwes na palitan ang lubid. Wala
namang makitang mahabang lubid sa bayan. Kung sila
naman'y magpasugo at magpakuha sa gubat ay baka
malaunan. "Anong gagawin kung sa mga sandaling ito ay
magkaroon ng kaso ang isang bata at dalhin sa amin?"

Sa mga istambay na nakikinig ay may isa namang


nagprisinta, "Ako'y kukuha ng mainam na tali." Ito'y
umalis at nang magbalik, may dalang mahabang baging.
Siya'y umakyat sa tore at itinali ang baging sa kampana. Ito'y
nakalawit at puno ng mga sariwang dahon.

"Maayos na iyan!" ang sabi ng mga hukom at tuloy


pinasalamatan ang nag-magandang-loob.

Di-kalayuan sa pamilihang-bayan may nakatirang isang kawal.


Siya'y matapang noong kanyang katanghalian. Malaki ang kanyang
karanasan sa digma. Malalayong bayan ang kanyang narating at
naging kasama ang kanyang kabayong di-miminsang nagtawid sa
kanya sa mga panganib.
Nang siya'y tumanda, wala na sa kanyang isip ang
digma. Hindi na siya naniniwala sa katapangan at
kabayanihan. Walang laman ang kanyang ulo kundi
ginto. Walang iniisip kundi kayamanan. Ang kanyang
sinasamba ay salapi. Ipinagbiling lahat ang mga ari-
arian at tumira na lamang sa maliit na dampa sa bukid.
Wala siyang gawa kundi bilangin ang kanyang pera.
Dumating ang sandali na ang kanyang kabayo ay ayaw
pakainin.
Isang araw, naisip ng lalaki na ipagbili ang kanyang
kabayo. "Ngunit sinong bibili sa kanya? Payat, matanda
at di na makahila. Walang tatanggap sa kanya kahit
ibigay ko pa. Siya'y pasanin lamang! Akin na lamang
aalpasan at bahala na siyang manginain ng damo sa
lansangan!"

Ang kabayo ay inalpasan. Ito'y naging masasakitin at


papilay-pilay. Binabato ng mga bata sa daan. Siya'y
tinatahulan ng mga aso. Nagpalibot-libot ngunit walang
makaing damo. Ang kapaligira'y kalos na kalos pagkat
tag-init.
Sa di kinukusa, napadako ang kabayo sa pamilihang-
bayan. Walang tao sa lansangan pagkat sila'y nasa bahay
dahil sa alinsangan ang panahon. Bukas ang
tarangkahan ng pamilihan. Ang kabayo ay nakapasok at
namataan niya ang baging nakabitin na tali ng kampana.
Para bang siya'y kinawayan ng mga dahon at ang sabi,
"Halika, ikaw'y nagugutom."
Sinimulang kainin ng kabayo ang mga dahon.
Tuwing dadakmain ang mga dahon, nahahaltak ang
baging, kaya ang kampana ay tumutugtog.

Narinig ng mga taong-bayan at mga huwes ang


tugtog ng kampana. Wari'y isang panawagan, "Ako'y
pinabayaan, ipinagtabuyan, kaya kaawaa't bigyan ng
katarungan."
Maraming mga mamamayan ang nagpunta sa
pamilihang-bayan. Nakita nila ang kabayo. Sigaw ng isa,
"Iyo'y kabayo ng sundalo. Talagang masamang
tumarato!"

"Kahit hayop ay natutung magsakdal dahil sa kanyang


kaapihan!" sambat naman ng isa.

Ipinatawag ng mga hukom ang may-ari ng kabayo.


Nang humarap ang kawal sa tribuna, siya'y hinatulan
ng ganito, "Pinagsilbihan ka ng kabayo mo nang
mahabang panahon. Ikaw ay iniligtas niya sa sarisaring
panganib. Siya ang nagbigay sa iyo ng iyong
kayamanan. Ang kayamanang iyan ay hahatiin at ang
kalahati ay ilalaan sa iyong kabayo. Siya'y ibibili ng
pastulan, pagkain at kabalyurisang matatahanan.
Gugugulin ang pera sa kanya habang buhay!"
Nanlumo ang kawal nang marinig ang hatol. Masakit
para sa kanya ang magbitiw kahit isang kusing!

Nagsigawan ang mga tao, "Sa wakas ay nagtagumpay


rin ang katarungan!" Salamat sa , kampana ng
katarungan!
Hindi Nag-isip
Napakalikot ng asong si Maxi kaya nahulog sa isang
balon. Tumalon siya nang tumalon ngunit hindi niya
makayang maabot ang ibabaw para siya makaahon.

Sa may dadaang isang kambing. Napadungaw ito sa


balon at nang makita ang aso ay nagtanong, "Bakit ka
nariyan? Ano ang ginagawa mo diyan?"
"Aba, hindi mo ba nabalitaan? Ngayon daw ay ang
tinatawag na El Nino. Mauubos daw ang tubig at
matutuyo ang mga lupa. Kaya nagsiguro na ako dito sa
balon. Marami-rami pa ang tubig dito at ako'y hindi
mauuhaw sa mahabang panahon."
"Ganoon ba?" tanong uli ng kambing. "Maaari ba
akong sumama diyan sa iyo?"

"Aba, oo. Talon ka na agad at baka maunahan ka pa ng


iba," yaya ni Maxi.

Dagling tumalon ang kambing, Ang aso nama'y


biglang tumuntong sa kanyang likod at mula doon ay
nakayang luksuhin ang labi ng balon.
Nang nasa ibabaw na siya, dumungaw sa kambing na
nasa ilalim ng balon at nagsabi, "Sa susunod,
kailangang isipin mo muna ang isang bagay bago
gawin. Hindi mo ginagamit ang isip mo kaya nariyan ka
ngayon."
Isang Aral Para Kay
Armando
Laging naiisip ni Armando na napakarami namang
ipinagbabawal ang ina sa kanya. Madalas niyang marinig
ang "Huwag mong gawin ito," "Huwag mong gawin
iyan." Sumasama ang loob niya kapag naririnig niya ang
mga ito.

May isang bagay na talagang lagi niyang gustong


gawin kahit ipinagbabawal ng ina - ang maligo sa ilog.
"Napakabilis ng agos ng tubig sa ilog. Maliit ka pa at
kaya kang ianod nito," laging paalala ng ina.
Ngunit naniniwala si Armando na kaya niya. Marunong
naman siyang lumangoy dahil tinuruan ng Tito Manuel niya.
"Matatakutin lang talaga si Nanay," sabi niya sa sarili. "Ang
sarap siguro talagang lumangoy sa ilog. Mukhang kay la'mig ng
tubig."

Kaya nga, isang araw, kasama ng apat na kalarong bata,


nagpunta sila sa ilog. Masaya silang naghubad ng kamiseta at
tumalon sa tubig. Ang sarap maglaro sa tubig. Wiling-wili ang
mga bata. Maya-maya, naisip ni Armando na lumangoy sa
banda-bandang unahan. Unti-unti siyang umusad.
Bigla na lamang bumilis ang agos ng tubig at siya'y
tinatangay na palayo, patungo sa malalim na parte ng
ilog. Pinipilit niyang pigilan ang katawan ngunit hindi
niya makaya ang malakas na agos ng tubig.

"Ben!" sigaw niya. "Saklolo!"


Ngunit hindi rin magaling lumangoy ang mga kasama
niya. Napamulagat na lang sila sa di-masaklolohang
kababata. Mabuti na lang at may biglang tumalong
lalaki mula sa mga kahuyan. Naroon pala ang isang
kanayon nila na may paiinuming baka.
Nasagip si Armando ng lalaki ngunit may ilang
sandali bago siya nahulasan. "Salamat po, Mang Tacio.
Akala ko'y katapusan ko na. Nagdasal po ako at kayo ay
dumating. Dapat nga pala akong sumunod sa sinasabi ni
Nanay."

Tama si Armando. Batid ng mga magulang ang


nararapat sa mga anak kaya dapat silang sundin. Ang isa
pang natutuhan ni Armando ay kapag nasa panganib,
tumawag agad sa Diyos at ang tulong ay darating.
Dalawang Lapis
Isang hapon, dalawang lapis na kapwa nalaglag sa
playground ng paaralan mula sa dalawang batang mag-
aaral ang nagkatagpo at sila ay nag-uusap.

Lapwan: "Hoy, laptu, kumusta ka?"

Laptu: "Mabuti, ikaw, Lapwan, kumusta ka rin?"

Lapwan: (Umiling-iling) "Hindi mabuti, kaibigan."


Laptu: "Kung hindi mabuti, marahil ay masama. Gayon
nga ba?"

Lapwan: "Oo, gayon nga."

Laptu: "Bakit naman?"

Lapwan: "Dahil ang amo ko ay hindi mabuting amo.


Mahina sa klase. Salbaheng bata. Kung anu-anong
kalokohan ang ginagawa at ipinagagawa sa akin."
Laptu: "Ano'ng ibig mong sabihin ng mga 'kalokohan'? Anu-ano ba
'yon?"

Lapwan: (Bumuntung hininga) "Napakaraming kalokohan, pero ilan


lamang ang sasabihin ko sa iyo at sapat na 'yon. Heto... Ako'y
madalas niyang isulat at ipagdrowing sa baro ng mga kaklase
niyang nakatalikod sa kanya pag hindi nakatingin si Titser.
Isinusulat din niya ako at ipinangdodrowing sa dingding ng
classroom, sa desk at kung saan-saan pa. At isang araw, nang may
nakagalit siyang kaeskuwela, ay ginamit niya akong panaksak.
Isinaksak niya ako sa kanyang kaaway, at mabuti na lamang at
nakailag ito at kumaripas ng takbo."
Laptu: "Hindi nga pala mabuti. (Umiling-iling.) Hindi nga pala
mabuti."

Lapwan: "Ikaw naman, bakit mabuti ang buhay mo?"

Laptu: "Dahil ang amo ko ay isang mabuting amo. Marunong siya at


mabait. Hindi gumagawa ng anumang kalokohan, hindi nakikipag-
away. Ako'y ginagamit niya lamang sa pagsulat sa kanyang notebook
at pad paper. Sa mga test at examination ay ginagamit din niya ako at
madalas ay 100! At sinulatan ng 'Very Good' ng mga titser niya ang
mga ipinagawa niya sa akin, sulat o drowing man. Ikaw ano ang mga
grades na natatamo ng iyong amo kapag ginagamit ka niya...?"
Lapwan: "Ay naku, nakakahiya ang mga grades ng amo ko.
Madalas ay itlog o zero. Kung minsan ay hindi ako
ginagamit ng amo ko kung may test sila. Nagkukunwari
lamang siyang sumulat. Minsan nga'y nahuli siya ng titser
niya at siya'y napagalitan. Walang pag-asang makapasa ang
amo ko. Mabuti pa'y magtanim na lamang siya ng kamote!"

Laptu: (Napatawa ng Malakas) "Kawawa ka naman. Teyka,


bakit nga pala ganyan ang ayos mo? Parang nginatngat ng
daga ang pagkakatasa sa iyo..."
Lapwan: (Bumuntong-hininga naman) Alam mo, kaya ganito
ang tasa ko, nakalimutan ng amo kong patasahan ako sa
kanyang Tatay sa bahay nila. At kanina, nang magpasulat si
Titser, ay tinasahan ako ng dali-dali ng amo ko sa
pamamagitan ng kanyang mga ngipin!"

Laptu: "Ay naku, talaga palang nakakaawa ka. Tama nga


pala ang sagot mong 'Hindi mabuti' nang kumustahin kita.
Kung matutulungan lamang kita... Pero, huwag kang
mawawalan ng pag-asa. Baka mapulot ka ng isang mabait at
marunong na mag-aaral!"
Halaman ng
Pagmamahal
Ang tagpuan ng magkasintahang Malvar at Rosa ay
isang malaking puno ng duhat. Sa lilim nito sila'y
nagkukwentuhan. Sa tabi ng puno may isang balon na
yari sa mga batong adobe. Ang labi ng balon ay halos
pantay sa lupa. Bawal sa mga bata ang tumayo o
maglaro sa tabi nito.
Isang araw, sa buwan ng Abril, nakita ni Malvar ang
maraming bunga ng duhat. Kumikintab ang maitim na
balat ng mga hinog. Kay lalaki pa! Umakyat si Malvar
upang pagdating ni Rosa ay may ipapasalubong siya.
Maraming mga hinog na duhat sa dulo ng maliliit na
mga sanga. Sa pagnanasa ni Malvar na mapitas iyon,
napayapak siya sa isang sangang marupok. Nahulog
siyang tuloy-tuloy sa balon. Nawalan siya ng malay tao.
Kaya, kahit na mababaw lamang ang tubig sa balon, si
Malvar ay nalunod.
Di nagtagal dumating si Rosa. Dati-rati ay dinaratnan
niya si Malvar na laging nauuna sa kanya. Bakit ngayon
ay wala pa siya? Nakita niya ang maraming duhat na
nakakalat sa lupa. Mukhang bagong pitas. Tumingala
siya. Wala namang nakaakyat.

"Pupulutin ko nga," ang sabi ni Rosa sa sarili.


"Makatas ito at matatamis."
Kumuha muna siya ng dahon ng saging. Kapag puno
na ang kanyang mga kamay, inilalagay niya ang mga
duhat sa dahon ng saging. May mga duhat na nahulog
sa tabi ng balon. Lumapit doon si Rosa. Nang yumuko
siya upang damputin ang mga bunga napansin niya ang
tao sa ilalim ng balon.
"Panginoon ko!" ang sigaw niya, "Si Malvar! Si
Malvar!" Hinimatay siya. Sa kasamaang palad, sa
bunganga ng balon pa bumagsak ang katawan ni Rosa.

Nang hindi umuwi ang dalawa, naghanap ang


kanilang kamag-anak at mga kapitbahay. Kinabukasan
natuklasan ang mga bangkay. Doon na rin sa balon sila
inilibing. Pinuno ng lupa ang balon.
Pagkaraan ng may isang taon may tumubong
halaman sa ibabaw ng balon. Walang bulaklak ngunit
napakabango ng mga dahon.

"Nabuhay na muli sina Malvar at Rosa," ang sabi ng


mga taong nakakaalam sa mga nangyari, "Sila'y naging
isang halaman."
Ang halaman ay tinatawag nilang Malvarosa. Ang
mabangong dahon nito ay isinasama sa rosas na
isinasabit sa kasuotan ng mga dalaga.
Matulunging Bata
Ang mabait, masipag, maalalahanin at mapagmahal
na bata ay tumutulong nang kusa sa bahay, di lamang
para sa sarili kundi pati sa mga magulang at mga
kapatid.

Para sa aking sarili, ay inilalagay ko sa kanya-


kanyang lalagyan ang lahat ng aking gamit sa paaralan,
sa bahay at sa iba pa. Sa ganito, ay hindi ako
maghahanap at mag-aaksaya ng panahon lalo na kung
nagmamadali ako.
Hindi na rin ako makagagalitan. Laging nasa lugar
ang mga libro, notebook, lapis, pentelpen, pad paper,
school bag, payong, sapatos, at lahat-lahat na. Walang
kakalat-kalat.
Sa Kuya at Ate ay tumutulong din ako lalo na kung
sila ay abalang-abala sa ibang gawain. Pagdating nila
mula sa paaralan ay sasalubong na ako sa hagdan pa
lamang, upang kunin ang kanilang gamit at ilalagay ko
na sa kani-kanilang lalagyan. Kapag nagpuputol ng
panggatong ang Kuya ko, ay iniaakyat ko na ang
maliliit na piraso. Sa Ate naman, kapag nagwawalis, ay
kukunin ko ang basahan at ako na ang magpupunas sa
mga mesa at upuan.
Si Tatay at Nanay ay wala; sila ang gumagawa para
sa amin. Ay, mayroon pala. Sabi ng Nanay na malaking
tulong daw sa kanila ni Tatay kung ako, kaming
magkakapatid, ay masunurin, masipag, magalang at
malinis. Natutuwa daw sila at hindi raw nila
nararamdaman ang pagod, at nagpapasalamat pa sa
Panginoon.
Kaya naman maingat kami sa damit upang di sobrang
marumi ang lalabhan. Takbo ako agad sa pagtulong
kung kaya ko rin lamang gaya ng paghahanda sa hapag-
kainan, pag-urong ng mga ito pagkatapos, paghugas at
pagligpit.

Ang dami, ano? Pagnakagawian na ay walang


mahirap. At napakasarap pang pakiramdaman at
pakinggan ang, "Ay salamat! Mabait at matulungin ang
aking anak!"
Modelong Bata
Isang hapon nang papauwi si Danilo galing sa
paaralan, siya'y hinarang ng limang batang lalaki. Ang
mga ito ay naghahanap ng basag-ulo.

Pinatigil si Danilo sa paglakad at pinagsalitaan ng isa,


"Kung talaga kang matapang ay lumaban ka. Pumili ka
ng isa sa amin na kasinlaki mo," ang hamon.
Malumanay na sumagot si Danilo, "Ayaw ko ng
away. Bakit ako lalaban sa inyo? Hindi naman tayo
nagkagalit!"

"Umiiwas ang Boy Scout sa away."


"Lumaban ka!" at dinuraan ang mukha ni Danilo.
Ang lumait na bata ay maliit kaysa kay Danilo. Siya'y
mayabang at nagmamagaling. Muling hinamon si
Danilo, "Ikaw ay isang duwag!"

"Kaibigan ako ng sinuman. Ang sabi ng titser ay


dapat akong magpaumanhin sa umaaglahi sa akin!"
"Totoong maraming dahilan! Lumaban ka kung
lalaban. Isa kang duwag!" at sinipa si Danilo.

Nakiusap si Danilo, "Ako'y aalis na. Hinihintay ako


ng aking ina. Ayaw niyang ako'y gabihin sa pag-uwi!"

Lumakad nang paunti-unti si Danilo. Siya'y sinundan


ng mga batang mapanudyo. Sila'y nakarating sa puno ng
tulay.
Sa ilalim ng tulay ay may narinig silang pagibik,
"Sag... gi... pin... ninyo ako! Tulong!" Isang bata ang
nalulunod!

Walang kumilos sa mga batang nagmamatapang.


Mabilis na lumusong si Danilo sa pampang ng ilog.
Ibinaba niya ang mga aklat at naghubad na dali-dali.
Lumukso at nilangoy ang batang sisingab-singab.
Nang mga unang sandali'y nahirapan si Danilo sa
pagkawit at pagsakbibi sa bata ng kanyang kaliwang
kamay. Ikinaway niya ang kanan sa paglangoy. Ang
dalawa'y dinala ng mabilis na agos. Malayo sila sa
pampang subalit sa katagala'y nakaahon.
Ang mga batang iba ay nakapanood lamang. Nakita
ng pinakalider ng gang na ang bata palang sinagip ni
Danilo ay kanyang kapatid. Siya'y nagpasalamat kay
Danilo at humingi ng tawad, "Maraming salamat sa iyo.
Patawarin mo ako sa aking ginawa kanina. Ngayon ko
nabatid na ang katapangan ay hindi nasusukat sa salita
kundi sa gawa at tibay ng loob!"
Regalo sa Guro
Nalulungkot si Ben. Nang itanong ng ina kung ano
ang dinaramdam niya ang kanyang sagot ay, "Kasi po
ang mga kamag-aral ko ay may papasko para sa aming
guro. Ako lang po ang wala."

Alam ng butihing ina na ang bagay na ito ay


mahalaga sa anak dahil mahal nito ang kanyang guro.
Sa palagay naman niya, mauunawaan ng guro na sila'y
dukha, at sa totoo lang, alam naman niyang hindi
naghihintay ang guro ng regalo kahit kanino.
"Halika, anak, at may ikukuwento, ako sa iyo.
Kuwento ito ng manunulat na si Pablo Cuasay. Kapag
narinig mo ay malalaman mo rin ang dapat mong
gawin." At nagkuwento ang ina...

Dalawa na lamang araw at ipipinid na ang pinto ng


paaralan dahil sa pasko. Sa paaralan ay may punong-
kahoy na pamasko na puno ng palamuti at mga ilaw.
Ito'y puno ng mga alaalang laan ng mga bata sa
kanilang mga guro at kamag-aaral.
Ang lahat ay maligaya. Ang buong daigdig ay nadaramtan
ng kaligayahan. Malapit nang isilang ang Mananakop. Ang
lahat ay may ngiti sa labi - may awit sa papawirin.

Ngunit may kaawa-awang nilalang na nalulungkot. Siya'y


si Nestor. Bakit? Ang lahat niyang kamag-aral ay may alaala
sa pinakamamahal na guro subalit siya'y wala. Paanong di
gayo'y si Nestor ay ulila sa ama at ang ina ay maralita. Ang
ina'y walang kaya upang isunod sa kagustuhan ng kanyang
bunsong anak.
"Inang," ang hikayat ni Nestor, "Ako lamang ang
walang alaala kay Bb. Mirasol. Ang lahat - sina Ador,
Florante, Ramon at Orlando - ang bawat isa sa kanila ay
may pamasko sa aking guro. Ako ay bukod-tanging
wala."

"Nestor," ang butihing ina ay sumagot, "makinig ka.


Alam ng iyong guro na tayo'y dukha. Siya'y di
naghihintay ng alaalang galing sa iyo. Huwag mong
ikalungkot iyan. Talos kong si Bb. Mirasol ay
nakauunawa sa ating kalagayan."
Si Nestor ay walang kibo. Maaga siyang nahiga
ngunit hindi makatulog. Siya'y nag-iisip. Kung mayroon
lamang siyang pagkakakitaan, kahit kaunting salapi
upang ibili ng kanyang papasko! Katapusang araw na
kinabukasan.

Si Nestor ay nag-isip nang nag-isip. May gumuhit sa


kanyang gunita. Mayroon siyang naisip na maiaalay na
alaala kay Bb. Mirasol. Ito kaya ay kasiya-siya?
Magustuhan kaya ng kanyang guro?
Siya'y bumangon. Tinungo ang munting hapag sa
silid at sa malamlam na ilawan ay isinulat sa malinis na
papel ang kanyang papasko. Pinagbuti niya ang
kanyang pagsulat, ulit-ulit na binasa at pagkatapos ay
tiniklop at ipinaloob sa sobre. Sinarhan niya ito,
ipinaloob sa isang aklat at nahigang muli. Mayroon na
siyang alaala. Anong tuwa niya! At nakatulog siya ng
mahimbing.

Kinaumagahan siya'y pinukaw ng ina, "Nestor,


Si Nestor ay nagmamadaling nagbihis, kumain at
tumungo sa paaralan. Hindi niya nalimutang dalhin ang
kanyang papasko sa kanyang guro.

Sa lansangan ay gayon na lamang ang kanyang tuwa!


Mayroon na siyang papasko! Ito kaya ay mabuting
alaala? Iyan lamang ang kanyang nakaya at galing sa
kanyang puso. Nang dumating siya sa silid-aralan ay
kay-daming nga batang nanonood sa Christmas tree.
Buong-ingat na ibinitin ni Nestor ang kanyang papasko
sa guro.
Nakinig siya sa lahat ng bilang ng palatuntunan ngunit ang
laging umuukilkil sa kanya ay ang tanong na, "Maibigan kaya
ni Bb. Mirasol ang aking alaala?"

Ang katapusang bilang ng palatuntunan ay pamumudmod ni


Santa Claus ng mga papasko. Sumasal ang puso ni Nestor
nang katapusa'y ibinigay ni Santa ang sobre niya kay Bb.
Mirasol. Tila kilala ni Bb. Mirasol ang kayang sulat. Tinitigan
ang mga titik bago binuksan ang liham. Samantalang binabasa
ang liham, si Nestor ay nagmamasid.
Matapos ang palatuntunan umalis na si Santa, pati lahat ng
mag-aaral na nagpaalam kay Bb. Mirasol. Ang kahuli-huliha'y
si Nestor na tinawag ng guro. "Nestor, pumarito ka. Ako'y may
sasabihin sa iyo."

"Nakita mo ba kung gaano karami ang mga alaalang


tinanggap ko? Ako'y galak na galak pagkat iya'y
tagapagpakilala na ako'y minamahal ng aking mga tinuturuan.
Sa pumpon ng mga alaala ay bukod at tangi ang iyo na
pinakamahalaga sa lahat. Ang iyong alaala ay di
pangkaraniwan. Iya'y nagbigay sa akin ng labis na kagalakan."
Namangha si Nestor, di yata't ang kanyang alaala ang
pinakamahalaga sa lahat! Ito ang sabi ng kanyang guro.
"Salamat po, at maligayang pasko." ang sabi ni Nestor
bago siya umalis. Siya ay tuwang-tuwa.

Dahil sa labis na kaligayahan ni Bb. Mirasol,


kanyang binasa muli ang liham.
"Minamahal kong Guro:

Inyo pong pakaasahang ako'y magpapakabuti.


Susundin ko po ang inyong mga utos. Ako'y mag-aaral
ng leksyon tuwi na. Pagpipilitan ko pong ako ay maging
pangunahing mag-aaral sa inyong klase. Ito pong
pangakong ito ang papasko ko sa inyo.

Nagmamahal, Nestor"
"Ang ganda, Nanay, ng kuwento ninyo. Ngayon po
ay alam ko na rin kung ano ang dapat kong iregalo kay
Bb. Padilla."

Tuwang-tuwa rin ang ina sa katalinuhan at


kagalingan sa pag-unawa ng anak. Habang tinatanaw
niya ang bata na naglalakad patungo sa paaralan,
nagpapasalamat siya sa Maykapal sa pagkakaroon ng
isang mabait at maunawaing anak.
Ang Elepante at ang mga
Bulag
Minsan isang hapong mainit ang araw,
May anim na bulag, sa zoo namasyal,
Nagkasundo silang doon ay dumalaw
Upang elepante ay makapanayam.

Iyang unang bulag, siyang nagpasiya;


"Diyos po, hintay! Hindi ko madipa,
Palagay ko parang dingding siya,"
Kagyat na sinabing kasabay ay tawa.
Ikalawang bulag ay siyang lumapit,
Hindi sinasadya sa pangil kumapit:
"Bilog at makinis, totoong matulis,
Pihong sibat ito!" ang pagmamatuwid,

Ang ikatlong bulag, sumunod, humipo;


Ang nahipo'y tuhod, tulad daw ng puno:
"Puno ng kahoy, tunay, hindi biro!
Magpustahan tayo upang magkasundo."
Ikaapat na bulag, kaipala'y lumapit,
Ang nahipo'y nguso, madulas, pilipit:
"Alam ko na, ahas!" ang siyang sinambit,
Ang pagkakasabi ay dalawang ulit.

Ang sumunod nama'y ikalimang bulag,


Ang nahipo'y taynga, sinabi kaagad:
"Ito ay pamaypay, aking tinitiyak,"
Kasabay ang ngiting sa labi bumukad.
Katapusang bulag, sa huli napabanda,
Kaya itong buntot ang nahipo niya:
"Lubid! Walang sala!" pagkaraka'y badya,
Walang alinlanga't tila nagyabang pa.

Ang anim na bulag ay nangagsiuwi,


Tuloy ang taltalan at di mapagwari
Kung sino ang tama, kung sino ang mali,
Pagpalain ng D'yos ang anim na sawi!
Ang Engkantada ng
Makulot
Ang mga naninirahan sa munting bayan ng Cuenca
ay maligaya, matahimik at matakutin sa diyos. Ang
Cuenca ay tirahan ng mabait na prinsesang reyna ng
Makulot. Siya ay mahiwaga. Ang kanyang
kinalulugdang alaga ay Torong Ginto. Ang Torong
Ginto, katulad din ng pangkaraniwang baka, ay malimit
makitang nanginginain ng damo sa kaparangan.
Ang Torong ito ay siyang tulay ng pag-iibigan at
pagmamagandang-loob ng mga mamamayan at ng
prinsesa. Ang prinsesa ay napakabait at
mapagkawanggawa sa mga taong dukha. Dahil sa
Torong Ginto nabibigyan ng salapi ng prinsesa ang mga
mahihirap na nangangailangan ng tulong upang
ipagtawid-gutom.
Sila ay dapat may mabuting budhi’t malinis na asal.
Ngunit kung ang mga tao’y mahilig sa pagkakasala
wala silang hihintaying gantimpala sa prinsesa.

Lumakad ang mga araw at ang mga mamamaya’y


nakalimot sa magandang halimbawa at malinis na
pamumuhay. Dahil diya’y nawalang bigla ang Torong
Ginto. Nawala rin ang prinsesa.
Sakali mang makita ang Torong Ginto, ito’y
nangangahulugang magkakaroon ng gutom, salot, sakit
at kung anu-anong sakuna, kaya ang mga tao ay
nagprusisyon, nagdasal, nagpamisa at tumutupad ng
sari-saring pangako sa kanilang mga anito.
Naging hampas na parusa ng mga anito sa mga tao
ang paglabas ng Torong Ginto. Kung makita ang Torong
Ginto, ito’y babalang matutuyo ang mga halaman o di
kaya’y magkakaroon ng malaking baha o masamang
ani.
Ang raha’t lakan ng magkakaratig na balangay ay
nagkaisang tumawag ng pulong. Kanilang isinaalang-
alang kung ano ang dapat gawin upang ang Torong
Ginto ay huwag nang makita. Pinagkaisahan ng lahat na
ang pinakamatapang at makisig na binata at subok na
kawal ay ialay sa prinsesa upang maalis ang kanyang
galit.
Ang kaawa-awang binata ay itinali sa puno ng kahoy
upang sunugin. Di-umano’y ang usok nito ay isusubo sa
Reyna ng Makulot. Anong pagpapakasakit!

Nang kakanin na ng apoy ang bagong taong ubod ng


tapang ay siyang paglabas ng Torong Ginto sa yungib
ng bundok. Sakay rito ang Engkantada ng Makulot.
Iwinagayway ng prinsesa ang kanyang mahiwagang
baston.
Ang binata ay tinangay ng hangin at naagaw sa
nagngangalit na apoy. Sa isang iglap ay iniupo siya sa
Torong Ginto. Ang prinsesa at binata na kapuwa sakay
ng Torong Ginto ay pumasok sa yungib ng bundok. Ang
Torong Ginto mula noon ay hindi na napakita.
Ang mga mamamayan naman, dahil sa takot na baka
sumipot uli iyon, ay nagbago na rin at nanatiling
mabubuting tao.
Aral:
• Maging mabuti sa lahat ng oras at laging gumawa ng
kabutihan. Ang ikasasagana ng ating kalikasan ay nasa
atin ding mga kamay kaya huwag nating hayaang
masira ito dahil sa ating kapabayaan.
• Ang biyaya ng kalikasan kapag ating inalagaan ay tayo
din ang makikinabang. Ngunit kung ito din ay ating
aabusuhin at papabayaan, tayo rin ang mawawalan.
Si Juan, Ang Pumatay ng
Higante
Isang umaga, tinawag si Juan ng kanyang ina. "Anak,
dalhin mo kaya ang baka natin sa bayan at ipagbili mo.
Wala na tayong maibili ng ating mga kailangan."

Madali namang sumunod sa ina ang bata. Malapit na


siya sa bayan, at hila-hila nga niya ang ipagbibiling
baka nang may nasalubong siyang matandang lalake.

"Saan mo dadalhin ang baka?" tanong ng matanda.


"Sa bayan po, para ipagbili," sagot ni Juan.

"Gusto mo, palitan ko na lang siya nitong


mahiwagang buto? Magic ito, makikita mo," alok ng
matanda,

"Siya nga po? Mahiwaga?" Sapagkat bata, mahilig sa


magic talaga si Juan, at madali ring mapaniwala. "Sige
po, payag ako."
Iniuwi niya ang isang dakot na buto ng halaman na palit
sa baka. "Nasaan ang perang pinagbilhan mo sa baka?"
tanong ng kanyang ina.

"Wala pong pera. Ipinagpalit ko po ang baka sa mga


butong ito. Mahiwaga raw po ito, sabi ng matanda."

Sa galit ng ina sa anak dahil nagpaloko raw ito, itinapon


niya ang mga buto sa bintana. "Ikaw talagang bata ka,
hanggang ngayon ay madali ka pa ring maniwala sa mga
manloloko."
Nang magising kinaumagahan si Juan, nagulat siya
na may punong mataba sa labas ng bintana niya.
Lumabas siya para masdan ang bigla na lamang na
lumitaw na puno at nakita niyang pagkataas-taas nito.
Hindi niya maabot ng tingin ang tuktok nito dahil nasa
mga alapaap na.

"Nanay, tingnan ninyo ang puno! Mahiwaga nga pala


ang mga buto! Aakyatin ko po."
Inakyat nga niya ito at matagal bago siya nakarating
sa tuktok. Sa itaas, may nakita siyang malapalasyong
bahay at pumasok siya rito. May babaeng sumalubong
sa kanya. "Naku! Bakit ka pumarito? Hindi mo ba alam
na bahay ito ng higante? Naku, ayan na siya,
dumarating! Tago ka diyan sa ilalim ng mesa at baka ka
makita."
"Ho-ho! Ano ba iyong naamoy ko?" Malakas ang
tinig ng higante. "May ibang tao ba rito?"

"Wala po," sagot ng babae. "Naaamoy lang po ninyo


ang masarap na pagkaing luto ko. Sige po, kumain na
kayo."

Umupo ang higante at kinain ang isang palangganang


pagkain na inihain sa kanya. Nagpahid ng bibig at
tumawag sa babae, "Dalhin mo rito ang manok ko."
Sa pagkukubli ni Juan sa ilalim ng mesa, nakita
niyang ibinigay ng babae ang isang makulay na inahing
manok sa higante. "Mangitlog ka, manok, at pagkatapos
ay umawit ka para ako makatulog," utos ng higante at
inilagay sa mesa ang hinahaplos na manok.

Kitang-kita ni Juan na lumabas sa manok ang isang


gintong itlog na tuwang-tuwang isinilid sa bulsa ng
higante. "Ngayon, patulugin mo ako sa pag-awit mo."
Pati ang tinig ng manok ay tila ginintuan din dahil
madaling nahimbing ang higante. Dagling lumabas sa
pinagtataguan si Juan, sinunggaban ang manok sa mesa,
at nagtatakbo sa punong inakyatan niya.

Nang bababa na siya sa puno, biglang tumilaok ang


inahin, "Tak-ta-la-ok!" Malakas at hindi na ginintuan
ang boses nito, kaya nagising ang higante.
"Huy! Anong nangyari? Nasaan ang manok ko?"
Nakita niyang halos nasa kalagitnaan na ng puno si Juan
at ito'y hinabol niya.

"Inay, dali!" tawag ni Juan sa ina.

"Akina ang palakol. Hinahabol ako ng higante."


Pagkaabot sa kanya ng ina ng palakol, inihataw niya
itong dali-dali sa puno. Halos nasa ibaba na ang higante
nang maputol niya ang puno. Patay ang higante nang
bumagsak ito sa lupa.

Naging mariwasa ang buhay ni Juan at ng kanyang


ina dahil sa manok nilang umiitlog ng ginto. Hindi
naman nila ipinagmaramot ang mga biyaya nila
sapagkat tumulong sila sa maraming salat sa buhay.
Si Paruparo at Si
Langgam
Takang-taka si Paruparo habang minamasdan niya si
Langgam na pabalik-balik sa paghahakot ng pagkain sa
kanyang lungga sa ilalim ng puno.

"Ano ba iyang ginagawa mo, kaibigang Langgam?


Mukhang pagod na pagod ka ay di ka man lang
magpahinga?" tanong ni Paruparo. "Bakit di ka
magsaya na tulad ko?"
"Naku, mahirap na," aniya. "Malapit na ang tag-ulan.
Iba na ang may naipon na pagkain bago dumating ang
tag-ulan."

"Kalokohan iyan. Tingnan mo ako. Hindi natitigatig,"


pagmamalaki ni Paruparo.

"Bakit nga ba?" Nagtataka si Langgam.

"Ganito iyon, e. Nakikita mo ba ang kaibigan ko sa


damuhan?" inginuso niya ang nasa di kalayuan.
"Sino?' tanong ni Langgam.

"Si Tipaklong, kaibigan ko iyan, Alam mo, matapang


ang kaibigan ko. Nabibigyan niya ako ng proteksyon.
Baka akala mo, dahil sa kanya walang sigwang darating
sa akin," pagyayabang ni Paruparo.

"A, ganoon ba?" sabi ni Langgam.


"Utak lang, utol. O, di pakanta-kanta lang ako ngayon
dito. Ikaw lang e," sabi ni Paruparo.

"Wala akong inaasahan kundi ang aking sarili. Kaya


kayod dito, kayod doon," mababa subalit madiin ang
tinig ni Langgam. "O, sige, ipagpapatuloy ko muna ang
aking gawain."

Pagkatapos ng usapang iyon nagkahiwalay ang


dalawa.
Ang mga sumusunod na araw ay maulan. Hindi
lamang mahabang tag-ulan. May kasama pang bagyo at
baha. Mahirap lumabas at kung makalabas man wala
ring matagpuang pagkain.

Lalong umapaw ang tubig. Walang madaanan ang


tubig dahil malalim din ang mga ilog at dagat. Tumagal
ang baha. Palubha nang palubha ang kalagayan dahil
malakas pa rin ang pagbuhos ng ulan.
Ano kaya ang nangyari kay Langgam? Naroon siya
sa guwang ng puno. Namamahinga. Sagana siya sa
pagkain. Naisipan ni Langgam ang dumungaw upang
alamin ang kalagayan ng paligid. Aba, ano ba ang
kanyang nakita?

Nakita niya si Paruparo at Tipaklong na nakalutang sa


tubig. Patay ang dalawa. Mayamaya'y dalawang mabilis
na ibon ang mabilis na dumagit sa kanila.
Napaurong sa takot si Langgam sa kanyang nakita.
Subalit nasabi pa rin niya sa kanyang sarili: "Kung sino
ang may tiyaga, siya ang magtatamong pala."
Si Mario, Si Ana, at ang
Isda
Tuwang-tuwa ang mangingisdang si Mario nang may
nabingwit siyang isang malaking isda. Nang ilalagay na
niya ito sa buslo, bigla itong nagsalita, "Huwag!"
Muntik nang mahulog sa bangka si Mario sa malabis na
pagkagulat.

"Ibalik mo ako sa tubig at bibigyan kita ng


kayamanan," sabi ng isda, na nagpipilwag.

Nang mahulasan si Mario, tinanong niya ang isda,


"Ano ka ba, impakto?"
"Hindi, ako ay alagad ng mga sirena na naatasang magbantay
dito sa malapit sa pampang. May kapangyarihan ako - mahika!
Kaya ibalik mo lang ako sa tubig at ipagkakaloob ko sa iyo ang
hihilingin mo."

Naalaala ni Mario ang dampang tinitirhan niya. Lagi itong


inirereklamo ng asawa dahil sa kaliitan. "Nais ko ang malaking
tirahan," sabi niya sa isda.

"Masusunod. Umuwi ka na at makikita mo ang iyong


malaking tahanan," sabi ng isda na kaagad namang ibinalik ng
lalaki sa tubig.
Hindi lang malaki ngunit tila palasyo ng hari sa gara ang
nadatnan niya. "Sa palagay ko, hindi na ako aawayin ni Ana.
Malaki na ang bahay namin."

Nguni't hindi pa pala nasisiyahan ang asawa. "Hulihin mo uli


ang isda. Sabihin mong walang mga kasangkapan. Dapat ay
iyong magagandang mesa, silya, kama at mga dekorasyon sa
bahay."

Palibhasa' y takot sa babae, bumalik si Mario sa dagat at


namingwit. "Sana'y huwag ko na siyang mahuli para hindi na
ako makahingi. Nakakahiya naman ang asawa ko," bulong niya
sa sarili.
Nagkataong lumalangoy pala sa malapit ang malaking isda
at nang makita si Mario, ito'y lumukso sa kanyang bangka.
"Ano, kaibigan, nagustuhan mo ba ang bahay mo?"

"Oo nga, maraming salamat. Nguni't nakikiusap ang asawa


ko, kung maaari raw, mabibigyan mo ba raw kami ng mga
kasangkapan?" nahihiyang tanong ng mangingisda.

"O, sige. Bumalik ka na sa inyo at naroon na ang mga


hinihiling ng asawa mo."
Natitiyak ni Mario na matutuwa na ngayon si Ana.
Malaking biyaya na talaga ang ibinigay sa kanila ng isda.
Pagdating niya sa bahay, sinalubong siya ng asawa sa
pintuan.

"Balikan mo uli ang isda. Humingi ka naman ngayon


ng magagarang alahas at magagandang kasootan. Nais
kong makita ng lahat dito sa bayan natin na tayo ang
pinakamayaman dito," utos ng babae sa asawa, na alam
niyang hindi kayang sumuway sa bawa't sabihin niya.
Hiyang-hiya si Mario na humarap uli sa isda, na madali niyang
nakita sa pampang na pinaglalagian nito. "Nakakahiya sa iyo,"
halos hindi niya maibuka ang bibig, "ngunit may hinihingi na
naman ang asawa ko."

Matagal na hindi sumagot ang isda, parang nag-iisip.


Kapagkaraka ay nagsalita, "Nakikilala ko na kung ano ang uri ng
pagkatao ang asawa mo. Isa siyang sakim at walang pakundangang
babae. Hindi siya marunong mahiya, at hindi rin siya mabait na
asawa. Parurusahan ko siya. Kukunin ko uli lahat ng naibigay ko
na sa kanya." Lumukso sa tubig ang isda at matuling lumangoy
papunta sa laot.
Nang umuwi si Mario, nakita niya si Ana na
nakaupong umiiyak sa hagdang kawayan, ng dati nilang
dampa.
Ang Ating mga Likas na
Palatandaan
Marami sa magagandang tanawin ng ating bayan ang mga
tangi at kilalang palatandaan. Isa na rito ang Look ng Maynila.
Ipinalalagay na isa ito sa mahuhusay na daungan ng mga
sasakyang-dagat sa silangan. Sa makitid na pasukan nito,
naroroon ang Pulo ng Corregidor na naging tagpo ng mga di-
malilimot na pangyayari noong Pangalawang Digmaang
Pandaigdigan. Sa baybay nito, naroroon naman ang baybayin
ng Cavite, Manila, Bulacan, Pampanga, at Bataan. Ang mga
pook na ito ay naging saksi ng mga dakila at mahalagang
pangyayari sa ating kasaysayan.
Sa Mountain Province, mga tatlundaang milya sa
hilaga ng Maynila, naroroon ang rice terraces na bantog
sa buong mundo bilang isa sa Walong Hinahangaan sa
Daigdig. Ang mga baytang-baytang na taniman ng palay
na ito ay itinayo ng mga unang-unang ninuno ng mga
kasalukuyang Ifugao, noong mga tatlunlibong taong
nakaraan.
Sa lalawigan ng Batangas, naroon ang Lawa ng Taal.
Sa gitna ng lawa ay may isang bulkang gising. May
paniniwalang ang lawa ay bunga ng malakas na
pagsabog ng bulkan noong nakaraang panahon. Ang
abo at putik na ibinuga ng bulkan ay kumalat sa
malawak na lupa sa Greater Manila Area.
Noong ika-28 ng Setyembre 1965, pumutok ang Bulkang Taal.
Ang mga baryo sa baybay ng lawa ay lumubog sa putik at abo.
Ang pagputok na iyon ay lumikha ng panibagong butas sa bulkan
at nakamatay sa libu-libong tao. Nawalan ng tahanan ang mga
napinsala at inilipat sila sa ibang tirahan. Kumilos nang sama-
sama sa isang kilusang pangkawanggawa ang pamahalaan, ang
mga samahang pambayan, mga bahay-kalakal, at libu-libong
mamamayang pribado upang damayan at tulungan ang mga
napahamak sa pinakamalubhang kapahamakang umabot sa ating
bansa noong 1965. Mula noon, muling tumahimik ang Taal upang
muling mabigyan ng kariktan ang tanawin.
Ang Bulkang Mayon, bantog din sa buong daigdig,
ay nasa lalawigan ng Albay, malapit sa Lungsod ng
Legaspi. Ito ay pitung-libo't siyamnaraang talampakan
ang taas at ang taluktok ng bulkan (perfect cone) ay
balita sa buong mundo.
Ang Lawa ng Lanao ay nasa Pulo ng Mindanao.
Dalawang libong talampakan ito sa ibabaw na
pantayang-dagat at umaagos sa Ilog Agus. Sa dakong
malapit sa Lungsod ng Iligan, ang tubig sa Ilog Agus ay
bumababa ng walumpung talampakan sa ilalim at
siyang bumubuo ng Talon ng Maria Cristina. Ito ang
nagpapalakad at nagbibigay ng elektrisidad na
ginagamit sa bayan-bayan at sa mga sentro ng kalakalan
at industriya sa Mindanao.
Bukod sa mga nabanggit na palatandaan, marami
pang magagandang tanawin at makasaysayang pook ang
bayan, na makapagdudulot sa mga turista ng kawili-wili
at kasiya-siyang pagdalaw sa Pilipinas.

You might also like