You are on page 1of 3

Ang Bulkang Taal

Nahulog sa dagat ang gintong singsing ni Prinsesa Taalita kaya't nag-utos ang amang si Datu
Balindo sa mga kawal na hanapin ito. Isang linggong nilangoy ng mga matipuno at matapat na
alagad ng barangay ang lawa ng Bunbon nguni't wala isa man sa kanilang makakita sa singsing.

Hindi pa rin nagtugot ang datu dahil ang singsing daw ay napakahalaga hindi lamang dahil ginto ito
kundi dahil makasaysayan ito sa buhay niya. "Iyang singsing na iyan ay nagpasalin-salin sa kamay
ng aking mga ninuno na pawang mga raha at lakan. Iyan pati ang piping saksi nang pagbuklurin ang
puso naming mag-asawa."

"Patawarin ninyo ako, mahal kong ama," luhaang sabi ni Taalita. "Alam ko po ang kahalagahan
niyan. Minamahal ko ang singsing nang higit sa buhay tulad ng pagmamahal ko sa nasira kong ina,
subalit..."

"Huwag kang lumuha, anak," sabi ng ama. "Hayaan mo't makikita pa rin iyan."

Sa mga naghahanap ng singsing, isang binata ang di-naglulubay sa pagsisikap na makita ito.
Hiningi niya ang tulong ng langit at di nga nagtagal ay nakita ang hinahanap. Nalunok pala ito ng
isang malaking isda.

Ibinalik niya ito sa prinsesa at sa laki ng utang-na-loob ng mag-ama naging malapit sa kanila ang
binata. Hindi naglaon at naging magkasintahan si Taalita at Mulawin. Pumayag naman ang ama sa
pag-iisang-dibdib nila dahil alam niyang mabait, matapat at mapag-kakatiwalaan ang lalake.

Masaya ang buhay ng mag-asawa, at nang matanda na ang raha, si Mulawin na ang namahala sa
barangay. Madalas na ang ginagawa nilang pasyalan ay ang lawa. Namamangka ang mag-asawa at
natutuwang minamasdan ang mga isda at ibang nabubuhay sa dagat.

Isang araw, sa pamamangka nila, natanawan ni Taalita ang isang di-karaniwang bulaklak na
nakalutang sa tubig. "Kay ganda ng bulaklak na iyon. Kukunin ko," at bago napigilan ng asawa ay
nakatalon agad sa tubig. Hinintay ni Mulawin na lumitaw ang asawa nguni't hindi ito pumapaibabaw.
Dagling tumalon din ang lalake para saklolohan ang asawa, ngunit pati siya ay nawalang parang
bula.

Laking pagluluksa ng buong barangay sa nangyari sa kanilang mahal na Raha Mulawin at Prinsesa
Taalita. Hindi naglaon, may lumitaw sa, gitna ng lawa, sa kinalinuran ng magsing-irog, na isang pulo.
Iyan ang Bulkan ng Taal, ngalang ibinigay ng amang datu para laging ipagunita ang nawalang mga
anak.

Ayon sa mga mangingisda, madalas daw nilang marinig kapag napapalapit sila sa Bulkan ang
masayang awit ng mag-asawang Mulawin at Taalita, na kahit sa kabilang-buhay ay masaya at
nagmamahalan.
Pinoy Edition © 2020 - All rights reserved.

Source: https://www.pinoyedition.com/maikling-kwento/ang-bulkang-taal/

Ang Engkantada ng Makulot


Ang mga naninirahan sa munting bayan ng Cuenca ay maligaya, matahimik at matakutin sa diyos.
Ang Cuenca ay tirahan ng mabait na prinsesang reyna ng Makulot. Siya ay mahiwaga. Ang kanyang
kinalulugdang alaga ay Torong Ginto. Ang Torong Ginto, katulad din ng pangkaraniwang baka, ay
malimit makitang nanginginain ng damo sa kaparangan.

Ang Torong ito ay siyang tulay ng pag-iibigan at pagmamagandang-loob ng mga mamamayan at ng


prinsesa. Ang prinsesa ay napakabait at mapagkawanggawa sa mga taong dukha. Dahil sa Torong
Ginto nabibigyan ng salapi ng prinsesa ang mga mahihirap na nangangailangan ng tulong upang
ipagtawid-gutom.

Sila ay dapat may mabuting budhi't malinis na asal. Nguni't kung ang mga tao'y mahilig sa
pagkakasala wala silang hihintaying gantimpala sa prinsesa.

Lumakad ang mga araw at ang mga mamamaya'y nakalimot sa magandang halimbawa at malinis
na pamumuhay. Dahil diya'y nawalang bigla ang Torong Ginto. Nawala rin ang prinsesa.

Sakali mang makita ang Torong Ginto, ito'y nangangahulugang magkakaroon ng gutom, salot, sakit
at kung anu-anong sakuna, kaya ang mga tao ay nagprusisyon, nagdasal, nagpamisa at tumutupad
ng sarisaring pangako sa kanilang mga anitos.

Naging hampas na parusa ng mga anito sa mga tao ang paglabas ng Torong Ginto. Kung makita
ang Torong Ginto, ito'y babalang matutuyo ang mga halaman o di kaya'y magkakaroon ng malaking
baha o masamang ani.

Ang raha't lakan ng magkakaratig na balangay ay nagkaisang tumawag ng pulong. Kanilang


isinaalang-alang kung ano ang dapat gawin upang ang Torong Ginto ay huwag nang makita.
Pinagkaisahan ng lahat na ang pinakamatapang at makisig na binata at subok na kawal ay ialay sa
prinsesa upang maalis ang kanyang galit.

Ang kaawa-awang binata ay itinali sa puno ng kahoy upang sunugin. Di-umano'y ang usok nito ay
isusubo sa Reyna ng Makulot. Anong pagpapakasakit!

Nang kakanin na ng apoy ang bagong taong ubod ng tapang ay siyang paglabas ng Torong Ginto
sa yungib ng bundok. Sakay rito ang Engkantada ng Makulot. Iwinagayway ng prinsesa ang
kanyang mahiwagang baston.
Ang binata ay tinangay ng hangin at naagaw sa nagngangalit na apoy. Sa isang iglap ay iniupo siya
sa Torong Ginto. Ang prinsesa at binata na kapuwa sakay ng Torong Ginto ay pumasok sa yungib
ng bundok. Ang Torong Ginto mula noon ay hindi na napakita.

Ang mga mamamayan naman, dahil sa takot na baka sumipot uli iyon, ay nagbago na rin at
nanatiling mabubuting tao.

See also

Pinoy Edition © 2020 - All rights reserved.

Source: https://www.pinoyedition.com/maikling-kwento/ang-engkantada-ng-makulot/

You might also like