You are on page 1of 5

Alamat ng Pusit

Noong unang panahon sa mga sapa, ilog at dagat ay walang bagay na nabubuhay. Ang Bathala ng
Karagatan ay nalulungkot sapagkat pawang alon ng tubig ang nakikita niyang takbuhan nang takbuhan.

"Ah, gagawa ako ng mga bagay na makalalangoy sa tubig o makauusad sa rnga pampang." nakangiting
nangusap ang Bathala ng Karagatan.

Sa isang kisapmata ay nagkaroon ng naglalanguyang bagay sa tubig.

Sa unang mga araw ay laging nagkakaaway-away ang mga hayop na naninirahan sa tubig. Hinayaan ng
Bathala ang ganito. Nang makita niyang sa pag-aaway-away ay nagkakasakitan ang mga hayop ay
nagtakda siya ng isang malaking pulong. Itinakda niya ang pag-uusap sa pagsikat ng araw. Nang
dumating ang takdang oras kinabukasan ay masaya ang Bathala sa tronong kinauupuan sa pampang ng
karagatan. Isa-isang nagdatingan ang mga naglalanguyang nilalang. Nang inaakalang nakikinig na ang
lahat sa kanya ay nagsimulang magsalita ang Bathala ng Tubig, "Gusto kong magkasundu-sundo kayo
nakatira man kayo sa sapa, ilog o dagat. Kailangang igalang ninyo ang bawat isa."

"Aba, mas malaki po ako. Kailangan pong igalang ako lalo na ng maliliit!" pagyayabang ng Balyena.

"Walang mala-malaki sa tubig, Balyena. Ang paggalang ay hindi batay sa liit o laki. Ito ay base sa kung
ang pag-uugali mo ay masama o mabuti." paglilinaw ng Bathala.

"Ano po ba ang mga pag-uugaling kagalang-galang?" usisa ng Barakuda.

"Kagalang-galang ka kung ikaw ay nagmamahal sa iba."

"Kahit po ba pangit ay kailangang mahalin?" tanong ng Dalagang Bukid.

"Aba oo, wala sa panlabas na anyo ang tunay na kagandahan. Nasa puso natin ito. Magiging kagalang-
galang ka kung mabait ka, kung matulungin ka, kung handa kang dumamay sa kalungkutan ng iba."
pagdidiin ng Bathala.

"Anu-ano pa po ba ang iba pang pag-uugali na masasabi nating maganda?" dagdag na tanong ni Hipon.

"Maganda kung ang trato mo sa lahat ay pantay-pantay, walang mataas walang mababa. Ang bawat isa
sa atin ay may kani-kaniyang mapagtatagumpayang gawain. Walang nilalang ang Diyos na nahuhuli o
nakauungos." pagpapaliwanag ni Bathala.

"Kailangan po palang pantay lang ang ating pagtingin sa Dilis at Pating. Kahit ang una ay may kaliitan at
ang huli ay may kalakihan. Pareho silang naninirahan sa dagat.

Dapat tandaang pribilehiyong nakakapasok sa maliliit na siwang ng mga bato ang Dilis samantalang ang
mga Pating naman ay milya-milya ang distansyang nalalangoy. Isang katotohanan lamang na may mga
bagay na maliliit na nakapupuwing. May magagawa ang Dilis na hindi makakayang gawin ng Pating."
paliwanag ni Alamang.

Naging maganda ang pagpapalitan ng mga kuru-kuro. Upang lalong maging aktibo ang partisipasyon ng
bawat isa, pinasimulan ni Bathalang muling bigyan ng kani-kaniyang trabaho ang bawat grupo batay sa
kani-kaniyang magagandang katangian.

"Kayo na may mga lagare ang puputol sa masasamang ugali ng bawat nilalang na lumalangoy sa sapa,
ilog at karagatan."

"Masusunod po," payukong sagot ng mga Lagareng Isda.

"Kayo na may malalaking bibig ang magiging tagasigaw ng mga iniuutos ng inyong Bathala."

"Tinatanggap po namin," sagot ng mga Buwaya.

"Kayo na sobra sa lapad ang papasan sa maliliit na Tulya, Tahong at Talaba."

Tinatanggap po namin," pahayag ng Lumba-lumba.

"At kayo na may mga sandatang nakaiipit ang magpapanatili sa katahimikan ng ating kaharian."

"Masusunod po," mabilis na tango ng mga Alimango.

Habang nagbibigay ng ilah pang pagtatakda si Bathala ay natanaw ng lahat na paparating ang
pinakamapuputing Pusit na nakasakay sa milyong Guraming sa kaliitan ay mangiyak-ngiyak sa pampang.

Pagkaahon na pagkaahon ng mga Pusit ay nagpausad-usad ang mga ito hanggang sa marating ang
pintuan ng kaharian.

"Paraanin ninyo kami!" galit na sigaw ng mga nagmamadaling Pusit habang hinaharang ng Lagareng Isda.

Nang ayaw papasukin ang nagpupumilit na mga Pusit na tumatakbong papasok ay nag-usisa si Bathala.

"O bakit humahangos kayo?"

"Nahuli kami. Napasarap kami sa kalalangoy sa tubig. Iyang Lagareng Isda ninyo ayaw kaming papasukin
sa palasyo! Sobra sa yabang!" Inis na kinalkal ng mga Pusit ang lupang kinatatayuan at isinawsaw ang
mga nguso sa putikan. Pinagsusumpit nila ang mga Lagareng Isdang napilitang magtago sa likod ni
Bathala.
Upang disiplinahin ang mga Pusit ay pumagitna ang mga Alimango na puputol sa masasamang ugali ng
mga Pusit. Pero nang akmang sisipitin na ng mga Alimango ang mga Pusit ay muling isinawak nila ang
mga nguso sa maitim na putik. Sa takot na baka sila rin ay maputikan, nagtatakbo ang mga Alimango na
ikinagalit ni Bathala.

"Teka muna may mga gawain pala kayong itinatakda. Ano ba ang ibinigay ninyo sa amin? Tiyak na
maganda ang trabaho namin dahil mapuputi kaming lahat. Makikisig ang mga anak naming lalake at
magaganda naman ang mga anak naming babae," pagyayabang ng mga Pusit.

Nang makitang hawak ni Bathala ang listahan ay hinablot ito ng mga bastos na Pusit. Nang makitang
wala silang papel na gagampanan sa kaharian ay pinagpupunit nila ang kalatas at pinagsusumpit ang
lahat.

Hindi na nakapagpigil ang Bathala ng Karagatan. Tinawag ang lahat ng Alimango at ipinadakip ang mga
Pusit sabay pahayag, "Isinusumpa ko ang angkan mo Pusit. Magmula ngayon ay hindi mo na kailangang
isawak ang nguso mo sa putikan. Lagi ka nang magkakaroon ng putik sa buong katawan. Ito ang
maisusumpit mo nang maisusumpit sa buhay at kamatayan."

Sa isang iglap ay naging kulay itim ang mga Pusit na may tila tintang itim na isinusumpit. Sapagkat
parang pusikit na kadiliman ang hatid ng Pusit, ang pusikit ay naging Pusit.

Iyan ang pinagmulan ng alamat ng Pusit.

Alamat ng Sandaang Pulo


Sa may dalampasigan ng Alaminos, Pangasinan ay matatanaw ang mga pulong kilala sa pangalang
Sandaang Pulo. Marahil ay hihigit sa sandaan kung bibilanging mabuti.

Ang pook na ito ay ligaya ng mata para sa mga ekskursyunista. Marami ang nagsasadya roon upang
bisitahin ang mga tanawin, nialigo sa dagat at mamangka. Bibilang-bilangin sa daliri ng manlalakbay ang
pangalan ng mga pulo bago bibigkasin. Para bagang dasal na inuusal. Ang pangalan ng isang pulo ay
Pangulong Quezon. Doo'y nakatayo ang isang bantayog na parangal sa pangulo.

Isinasalaysay ng mga tagaroon ang alamat kung paano nagkaroon doonng mga pulo:

Matagal nang panahon, may tumitira sa malaking pulo na kilalang pinakamasipag na mangingisda sa
buong nayon. Sa gabi kung siya'y mangisda. Ipinagbibili ng kanyang butihing asawa ang kanyang huli.
Sila'y nakakaraos na walang problema sa buhay.

Ang hindi magpatantan sa mangingisda ay ang hangaring yumaman. Ang ambisyon nila ay magkasalapi.

Isang gabi samantalang wala ang lalaki at nasa laot, ang babae ay nanaginip sa kanyang pagtulog. Ang
akala niya'y may isang matandang lalaking kumatok sa kanilang dampa. Kanya raw sinabi sa babae, na
kung siya'y makakapaghintay sa loob ng tatlong taon, silang mag-asawa ay yayaman. Ngunit may isang
kondisyon: sa anumang masungit na kapalarang darating, sila'y hindi dapat maringgan ng kahit isang
salitang sumpa (curse). Magagalit daw ang Bathala sa gagawing ito.

Kinaumagahan, nang dumating ang mangingisda, ipinagtapat ng asawa ang kanyang napanaginipan.

Ang balitang ito ang pinakahihintay ng mamamalakaya. Lalong nag-alab ang kanyang pagnanais na
yumamang bigla. Siya'y nagsalita," Kung talagang gusto ng Diyos na tayo'y yumaman, bakit hindi Niya
gawin iyon? Bakit tayo pinaghihirap? Matanda na tayo. Wala tayong anak. Ano ang halaga ng yaman
kung hindi naman natin tatamasahin ang kasalukuyan?"

"Maghintay tayo, Lakay! Darating ang mabuting kapalaran!" tugon ng babae.

"Kapalaran? Hindi ako naniniwala sa kapalaran! Ayaw kong marinig pa ang iyong mga panaginip!" at
tuloy nagbihis ng panggabing suot at natulog.

Katulad ng nakagawian, ang lalaki'y lumabas at nangisda kinagabihan. Siya'y napalaot sa dagat na ang
tanging gabay ay liwanag ng lamparang aandap-andap. Inihagis niya sa tubig ang kanyang dala. Nang
iahon ito, walang isda. Ang nasa loob ay pawiang mga batong ganggasuntok. Itinapon ang mga ito
kasabay ang pagtungayaw at pagsumpa.

Walang anu-ano'y may narinig na malakas na ingay at alingawngaw. Rumagasa ang malalaking alon.
Sinalunga niya ang alon at gumaod papunlang dalampasigan sabay ang mariin at paulit-ulit na sumpang
hindi dapat marinig.

Nang dumating sa bahay, kanya munang isinampay sa bilaran ang dala bago pumanhik. Ang yabag ng
kanyang mga paa ang nagpagising sa asawa. Nang kumustahin ng babae ang tungkol sa kanyang huli,ang
sagot ay marami raw siyang dala, ngunit maiitim at malalaking bato.

Hindi niya binanggit ang kanyang pagtutungayaw. Ilan pang sandali, ang dalawa'y nakatulog.

Kinaumagaha'y nagisnan ng babae na ang kanyang asawa ay tuwid na tuwid at malamig na bangkay.
Wala siyang maisipang gawin.

Sa di-kawasa'y ang lalaking kanyang napanaginip ay nasa kanyang harapan. Ito'y nagsalita "Kung nakinig
lamang ang iyong asawa sa iyong payo at babala, disin sana'y hindi niya sinapit ang masaklap na
pangyayari. Iba-iba nga naman ang saloobin ng mga tao. May suwail at sukab!"

Ang lalaki ay kagyat na nawala sa isang iglap, katulad din ng kanyang pagdating. Ang matandang babae
ay parang namalikmata. Siya'y litung-lito. Nang siya'y manungaw sa bintana ay nakita niya ang maliit na
isla na sumulpot sa dagat.

Muling napakita ang matandang lalaki sa loobang kalapit ng silong sa ilalim ng pasimano ng bintana.
Siya'y nagsalita sa tinig na malumanay, "Ang mga islang yaong iyong nakikita ay siya sanang iyong
magiging kayamanan. Iyan ang salapi at gintong sana'y mapagbibilhan ninyo sa isda sa loob ng tatlong
taon. Ngunit iya'ykusang itinapon ng iyong asawa. Siya ay tumanggi sa kapalaran! Kanyang itinapon ang
mga bato sa laot ng dagat" at biglang nawala ang mahiwagang panauhin.

Ang babaeng naiwan ay lumuhod sa piling ng asawa at umiyak nang umiyak.

You might also like