You are on page 1of 3

Ang Gorilya at ang Alitaptap

Isang gabi, naglalakad si Iput-Iput, (ang alitaptap) patungo sa bahay ng kanyang kaibigan. Nang mapadaan siya sa
tapat ng bahay ni Amomongo (ang gorilya), tinanong siya nito. “Hoy, Iput-Iput, bakit lagi kang may dala-dalang ilaw?” Sumagot
si Iput-Iput, “Dahil natatakot ako sa mga lamok.”

“Ah, duwag ka pala”, ang pang-uuyam ng gorilya.

“Hindi ako duwag!” ang nagagalit na sagot ng alitaptap.

“Kung hindi ka duwag, e bakit lagi kang may dala-dalang ilaw?” ang pang-aasar ni Amomongo.

“Nagdadala ako ng ilaw para kapag nilapitan ako ng mga lamok at kakagatin ay makikita ko sila kaagad at nang sa gayo’y
maipagtanggol ko ang aking sarili”, ang tugon ni Iput-Iput.

Tumawa nang malakas si Amomongo. Kinabukasan, maaga itong gumising at ipinamalita sa lahat ng kapitbahay na kaya daw
laging may dalang ilaw si Iput-Iput ay dahil duwag ito. Kaagad na kumalat sa buong bayan ang balita.

Nang mabalitaan ito ng alitaptap, nagalit siya. Dali-dali siyang lumipad patungo sa bahay ni Amomongo. Gabi noon at
natutulog na ang gorilya, ngunit itinapat niya ang kanyang ilaw sa mukha nito hanggang sa ito ay magising.

“Hoy, gorilya, bakit ipinamamalita mong duwag ako? Upang mapatunayan ko sa’yong hindi ako duwag, hinahamon kita sa
isang labanan. Magkita tayo sa sa plasa sa susunod na Linggo ng hapon.”

Pupunga-pungas na nagtanong ang gorilya.

“Mayroon ka bang mga kasama?”

“Wala!” ang sigaw ni Iput-Iput. “Pupunta akong mag-isa.”

Nangiti si Amomongo sa tinuran ni Iput-Iput. Dili’t isang maliit na insekto ang humahamon sa kanya ng away. Nagpatuloy ang
alitaptap.

“Hihintayin kita sa plasa sa susunod na Linggo sa ganap na ikaanim ng hapon!”

“Magsama ka ng mga kakampi mo dahil magsasama ako ng libu-libong gorilya na mas malalaki pa sa akin.”

Sinabi ito ni Amomongo upang takutin ang alitaptap, na sa pakiwari niya ay nasisiraan ng ulo.

Ngunit sumagot si Iput-Iput, “Hindi ko kailangan ng kakampi. Darating akong mag-isa! Paalam!”

Pagkaalis ng alitaptap, tinipon ng gorilya ang kanyang mga kasamahan at ipinaalam sa mga ito ang nakatakdang pagtutuos.
Inutusan niya ang mga ito na kumuha ng tig-isang pamalo na may habang tatlong dangkal at pumunta sa plasa nang ika-anim
ng gabi sa susunod na Linggo. Ikinabigla ito ng kanyang mga kasamahan, ngunit nasanay na silang sundin ang kanilang pinuno
kaya ipinangako nilang pupunta sila sa itinakdang oras at lugar.

Dumating ang araw ng Linggo. Bago pa mag-ikaanim ng hapon ay nagtipon na ang mga dambuhalang gorilya sa plasa ngunit
nadatnan na nila ang alitaptap na naghihintay sa kanila. Maya- maya, tumunog ang kampana ng simbahan bilang hudyat ng
oras ng orasyon o pagdarasal. Iminungkahi ng alitaptap sa mga gorilya na magdasal muna sila. Pagkatapos magdasal, agad
sinabi ni Iput-Iput na nakahanda na siya. Inutusan ni Amomongo ang kanyang mga kasama na humanay. Pumuwesto siya sa
una bilang pagpapakilalang siya ang pinuno ng mga ito.

Dagling lumipad si Iput-Iput sa ilong ng gorilya at inilawan niya ito. Hinampas ng kasunod na gorilya si Iput-Iput ngunit kaagad
itong nakaalis kaya ang tinamaan ng gorilya ay ang ilong ni Amomongo na halos ikamatay nito. Dumapo si Iput-Iput sa ilong
ng pangalawang gorilya. Hinampas ng pangatlong gorilya si Iput-Iput ngunit kaagad itong nakalipad, kaya ang nahampas niya
ay ang ilong ng pangalawa na ikinamatay nito. Muli, inilawan ni Iput-Iput ang ilong ng pangatlong gorilya. Hinampas ng ikaapat
na gorilya si Iput-Iput na kaagad na kalipad. Muli, namatay ang pangatlong gorilya dahil sa lakas ng pagkakahampas ng ikaapat
na unggoy sa ilong nito. Nagpatuloy ang ganitong pangyayari hanggang si Amomongo na lamang ang natirang buhay na
gorilya na halos hindi makagulapay dahil sa tinamong sakit. Nagmakaawa ito kay Iput-Iput na patawarin na siya, at huwag
patayin. Pinatawad naman siya ni Iput-Iput, ngunit simula ng hapong iyon, nagkaroon na ng malaking takot ang mga gorilya sa
mga alitaptap.

Aral:

 Huwag mong husgahan ang iyong kapwa base sa kanyang laki o liit ng pangangatawan. Kadalasan kasi ay may
mas nagagawa ang mga maliliit na hindi kayang gawin ng malalaki.
 Iwasan ang pagpapakalat ng maling balita upang siraan ang kapwa.

Ang Buwaya at ang Pabo

Noong unang panahon, may isang batang buwayang namumuhay sa pampang ng Ilog Pasig. Siya ay mabangis at ubod ng
sakim. Sa kadahilanang ito, walang ibang hayop ang magkalakas ng loob na siya’y lapitan.

Isang araw habang siya ay namamahinga sa ibabaw ng isang bato, napag-isipan niyang mag-asawa na. Pasigaw niyang sinabi,

“Ibibigay kong lahat ng pag-aari ko upang magkaroon ng asawa.”

Katatapos pa lamang niyang sambitin ito nang may makiring pabo ang dumaan sa kanyang harapan. Inulit banggitin ng pilyong
buwaya ang kanyang kahilingan. Nakinig ng mabuti ang makiring pabo, at sinumulang suriin ang anyo ng buwaya.

Sabi niya sa kanyang sarili,

“Pakakasalan ko ang buwayang ito. Mayaman siya. Naku! Kung mapapasaakin lamang ang lahat ng mga perlas at diyamante,
ako ang magiging pinakamasayang asawa sa buong mundo.”

Bumaba ang pabo sa bato na kung saan naroroon ang buwaya. Sinabing muli ng pilyong buwaya ang kanyang pag-aalok ng
kasal nang buong pagpipitagan, gaya ng gawi ng isang mapagkunwari.

Inakala ng pabo na ang malalaking mata ng buwaya ay dalawang magagandang diyamante at ang magaspang na balat nito ay
gawa sa perlas, kaya tinanggap niya ang alok nitong pagpapakasal.

Inanyayahan ng buwaya ang pabo na umupo sa kanyang bibig, upang sa gayon ay hindi daw madumihan ng putik ang
maganda nitong plumahe. Sinunod naman ng mangmang na ibon ang kahilingan ng buwaya.

Ano sa palagay ninyo ang nangyari? Ginawang masarap na hapunan ng sakim na buwaya ang kanyang bagong asawa.

Aral:

 Iwasang maging alipin ng kayamanan. Ang pagiging mukhang pera ay parang lason sa katawan na
nakamamatay.
 Mas mabuti pang makapangasawa ng mahirap kaysa taong mayaman na huwad ang kalooban.
 Huwag manloko ng kapwa. Pakatandaan na kung ano ang iyong itinanim ay siya mo ring aanihin. Kung nagtanim
ka ng kasamaan sa iba, balang araw ay babalik rin sa iyo ang pangit na itinanim mo.

You might also like