You are on page 1of 10

PANAGHUYAN

(png. salitang-ugat: Panaghoy;


Mga tula ng panaghoy, pagtangis o pagsusumamo)

1.
2.
3.
4.
5.
6.
7.

Sa Ilalim ng Pantalon
Kalabit
Halimaw
Ikaw
Sana Biyernes Na
Bulaklak ng Mangga
Pagkalam

SA ILALIM NG PANTALON
1 pahina ng 10

Nagpupumiglas.
Nagrerebolusyon.
Humihiyaw ng katingan
Sa mundong mapanghusga.
Silang pintakasi
Ng luha at pait,
Nagmula rin kay Eba,
Ina ng daigdig.
Pinandirian,
Tinaguriang madumi,
Itinago sa salin-lahi,
Kadiliman ang pakiwari.
Sino nga ba kasing pumili
Tadhanang mamasdan
Ang sanlibutan
Sa paraang natatangi?
Hindi ba't Siya ring nagpakasakit
Sa mata at kama'y
Ng mundong mapanghusga?
Kalawangin na ang tanikalang
Naibabad sa pawis at luha.
Humahalimuyak na
Ang mga talulot
Na iginapos
Sa ilalim ng pantalon.

KALABIT
2 pahina ng 10

May espiritung nangangalabit sa hating-gabi;


Paulit-ulit, nangungulit, hindi mapakali.
Bumubulong pa ng muni, Ay! nakakikiliti.
Nagpapapansin 'yatang haplusin kahit sandali.
Kaya naman binangon katawang hapo maghapon,
Humarap sa kanan, naglakas-loob humamon
Sa kakaibang giliw tawag ng pagkakataon,
Na hindi na maibabalik mula sa kahapon.
At nagsimulang mangapa sabik kong mga palad
Sa ilalim ng unan, 'di na nagpakupad-kupad!
Inabot ang hiwaga at sa haraya lumipad.
Nang biyaya ay bumuhos, pangarap ang natupad.

HALIMAW
3 pahina ng 10

Naririnig mo ba?
Ang ungol
Ang sigaw
Ang nakatatakot na hiyaw at buntong-hininga
Matapos manginain
Ng halimaw
Na nananahan
Sa aking dibdib.
Nakikita mo ba?
Ang pasa
Ang sugat
Ang nagdurugo at nagnanaknak kong katawan
Matapos labanan ang mga engkantong kaulayaw pala
Ng halimaw
Na nananahan
Sa aking dibdib.
Naaamoy mo ba?
Ang baho
Ang panghi
Ang nakasusuka at nakasusulasok na amoy
Matapos paulit-ulit manguya
Ng halimaw
Na nananahan
Sa aking dibdib.
Nararamdaman mo ba?
Ang kirot
Ang pait
Ang nakamamatay na sakit at hapdi
Matapos mahulog, masakmal at idura
Ng halimaw
Na nananahan
Sa aking dibdib.
Naririnig mo ba?
Nakikita mo ba?
Naaamoy mo ba?
Nararamdaman mo ba
4 pahina ng 10

Ako
Kapiling ng halimaw na nananahan sa aking dibdib na likha
Ng pawis
At panis mong mga laway dito
Sa aking katawan
Na naging ilog sa aking mga pisngi
Nang iniwan mo
Ako.
.
.
.
Iwanan mo ako!
Sa piling ng halimaw, iwanan mo ako.
Hindi ko na kailangan ng pagsuyo.
Hindi na kailanman tatalab ang pag-amo.
Hayaan mo akong lamunin ng halimaw sa aking dibdib nang malusaw ako nang tuluyan dito sa
mundong baha ng pighati nang muli akong mabuhay nang malaya sa halimaw na maaari na
namang manahan sa aking dibdib.

5 pahina ng 10

IKAW
Lasing sa tinta
Ang nagwawalang pluma,
Isinusuka ko ang mga titik
Ng nagdaang gabing
Binathala ko
Ang init ng mga bisig
Sa saliw ng musikang
Ating pinagsaluhan
Sa ibabaw ng daluyong
Ng dati nating dalampasigan.
Nahihilo ako
Sa gunitaing
Minsan
Ibinulong ko
Ang di inaasahang taludturan
Na katugma
Ng pusong humihiyaw
Ng malakas na pintig
Para sa iyo,
At para sa akin.
Hanggang sa mamaos
Sa ritmo at damdamin
Ang mahinang kalamnang
Takot maratnan
Ng tag-ulan
Kaya pa't lumisan
Gayong may dalawa pang pantig
Na isinisigaw:
IKAW!

6 pahina ng 10

SANA BIYERNES NA
Parang heaven ang feeling
Ngayong tayo ay magkapiling
Isang linggong pagpipigil
T'yak mapagsasaluhan natin
Limang araw na pagtitika
Limang gabi ng pag-iisa
Ngarag man akong naghintay
Solve na solve naman 'pag dumating ka.
Ohh, kailan kaya
Darating ang panahong pwede ka?
Araw-araw, gabi-gabi
Sana Biyernes na lang lagi.

7 pahina ng 10

BULAKLAK NG MANGGA
Ginising ako
ng isang pamilyar
na halimuyak
mula sa labas
ng bintana
ng aking kuwarto.
Bagaman tinatamad pa,
pinilit ko
ang puyat kong diwa
(at puso)
na tumayo at
tantuin
kung ano itong
biglang nagpasaya sa akin.
Hanggang sa nakita
bulaklak ng manggang
saksi
sa mga araw
na ating pinagsaluhan
ang tag-init
na kahit kailan
hindi na muli pang mauulit.

8 pahina ng 10

PAGKALAM
Naiwan kaya
O naiwaglit kung saan
O kusang tumakas dahil nais lumaya
Kaluluwang iginapos sa kung saan?
Nagutom na marahil
Sa dakilang mga haplos
Na siyang bumubusog sa pagkakataong tinatakasan ko
Bagaman laging nangingiliting muling mairaos
Nanginginig ngayon
Ang aking kalamnan
Nanunuyo ang aking lalamunan,
Labis na akong nauuhaw!
Kumakalam na ang sinapupunang
Walang laman.

LEONARDO DAQUIOAG TEJANO

9 pahina ng 10

Dating Koordinaytor para sa Special Education ng Stimulation and


Therapeutic Activity Center, espesyal na programa ng Lokal na Pamahalaan ng
Paoay, Ilocos Norte, si Leonardo D. Tejano ay kasalukuyang nagtuturo ng
Filipino sa Kids Kollege, Inc. Lungsod ng Laoag, Lalawigan ng Ilocos Norte.
Siya ay nagtapos ng elementarya sa Mababang Paaralan ng Holy Spirit,
Lungsood Quezon, sekundarya sa Pambansang Mataas na Paaralan ng Paoay
Lake, Paoay, Ilocos Norte, Batsilyer ng Edukasyong Pang-elementarya-Special
Education (2009-2013) sa Pampamahalaang Pamantasan ng Mariano MarcosKolehiyo ng Edukasyong Pangguro, Lungsod ng Laoag at units sa Master of
Arts in Education-Guidance and Counselling (2014) sa Pamantasan ng
Hilagang-kanluran sa parehong Lungsod.
Nakapagpalathala na siya ng tula sa Bannawag (magasing Ilokano) na may pamagat na
Panagungar (Muling Pagkabuhay), Rabiin, Biagko (Gabi Na, Mahal ko)at Magdiwang Ka sa Liwayway
parehong tungkol sa pag-ibig.

Si Leo ay mahilig mag-selfie at makipag-chat sa mga kaibigan.

10 pahina ng 10

You might also like