You are on page 1of 2

NANINIWALA AKO ni JUAN MIGUEL SEVERO

Naniniwala ako sa aswang. Lumaki ako na kinukuwentuhan ng mga tiyuhin ko na galing sa


Capiz at Aklan tungkol sa kanila kaya, oo, naniniwala ako sa aswang. Naniniwala ako na
kaya nilang magpalit ng anyo. Na dapat akong maging mas mapayapa na marinig ang
pagpalatak ng bibig ng tiktik dahil kung malapit daw ang tiktik ibig sabihin ay malayo ang
aswang. At siguro, iisipin mo na nababaliw na ako o napakadali ko namang mauto pero,
oo, hindi ako nagsisinungaling, naniniwala ako sa aswang.
At naniniwala rin ako sa nuno. Naniniwala ako sa nuno - iyong maliliit na nilalang na
nakatira umano sa mga punso. Na posibleng nandiyan lang daw na nagtatago sa likod ng
puno. Kaya kinakagat ko ang daliri ko tuwing nalilimutan kong baka andiyan sila at ayaw
nila nang tinuturo, dahil baka kunin nila ako sa gabi at dalhin sa kaharian nila para gawing
kalaro. At alam ko, wala pa akong kilala na dinukot nila pero mahirap nang sumugal, kaya
kapag nagturo ako sa masukal na gubat kinakagat ko ang aking hintuturo dahil, madali
akong maniwala at naniniwala ako sa mga nuno.
At tutal rin lang ay sinasabi ko na ang mga kalokohan na 'to, siguro dapat na ring malaman
mo: ang dami pang mga bagay na walang basehan ang pinaniniwalaan ko. Katulad ng
tuwing umaalis ka ng maaga habang kumakain tayo ng magkasama ay iniikot ko ang mga
plato para hindi ka mapahamak sa kalsada. O sa tuwing mahuhulog ang tinidor ko kapag
kumakain ng mag-isa ay iniisip kong sosorpresahin mo ako sa iyong pagbisita. Nakagat ko
ang dila ko kanina at binigyan ako ng numero na sakto sa unang letra ng pangalan mo at
hiniling ko na sana ay nasa isip mo nga ako. At oo, kung nakagat mo ang dila mo kanina,
malamang kasalanan ko 'yon dahil nasa isip kita.
Nasa isip kita. Sa umaga, kapag nakita ko kung anong oras na, iniisip ko kung nakarating
ka na ba sa opisina. Nasa isip kita. Sa tanghali, alam kong nagtitipid ka pero kumain ka
naman nang sapat para hindi ka gutumin sa trabaho, 'di ba? Nasa isip kita. Sa hapon,
malamang pagod na pagod ka na naman sa dami ng pinapagawa nila sa'yo na hindi mo
kayang tapusin bago magdilim. At nasa isip kita. Sa gabi, saan ka pa pupunta pagkatapos
ng trabaho, magbabaka-sakali na puwede tayong magkita. At patawad, wag ka sanang
mairita pero gusto kitang makita, maniwala ka, dahil minsan nakakasawa na nasa isip lang
kita.
At oo, malamang hindi nga ito ang pinakamagandang panahon para sabihin sa'yo ito
bilang puro maligno at lamang-lupa ang kaninang mga binabanggit ko pero intindihin mo:
kung kaya kong maniwala sa mga bagay na wala akong basehan o katibayan tulad ng mga
ito, bakit ako hindi maniniwala sa'yo? Sa atin? Sa tayo?

Kapag nginingitian mo ako, naniniwala ako. Kapag hinahawakan mo ang kamay ko,
naniniwala ako. Kapag inaakbayan mo ako, naniniwala ako. Kapag hinahalikan mo ako,
naniniwala ako. Naniniwala ako dito. Hindi ito laro. Hindi ito "hanggang dito na lamang at
maraming salamat." Naniniwala ako na kaya natin ito. At naniniwala ako na kung maging
masakit man, kung pagdating sa dulo ay patayin man ako sa sakit ng saya na ibinibigay
mo, magiging sulit ang lahat dahil naniwala ako sa'yo.
Oo. Ikaw ang tinuturo ko at hindi ko kakagatin ang daliri ko, dahil gusto kong tangayin mo
ako patungo sa kung saan mang kaharian o kagubatan mo gusto. Oo. Ikaw ang sinisigaw
nitong dibdib ko at hindi ako matatakot kung lalapitan mo ako. Dahil naniniwala ako.
Naniniwala ako na kaya natin 'to.
At naniniwala ako sa karma. Na kung ano ang ibigay mo sa kalawakan ay siyang ibabalik
nito sa'yo nang may interes pang kasama. Ilang beses ko nang isinilid sa garapon ang
puso ko at itinapon ito sa dagat sa pag-asa na may makakahanap sa kanya at magbabalik
sa akin nito ng buo pa. Pero ang tagal na at wala pa akong nakukuha. Kaya kung sakali
lang na makita mo ang puso ko na inanod sa aplaya; iniisip kung anong gagawin sa kanya
- itatabi, itatapon o ipagsasawalang-bahala, maghihintay ako sa desisyon mo. Maniwala ka
sa'kin. Maghihintay ako. Ibalik mo sana.
Juan Miguel Severo 2014

You might also like