You are on page 1of 14

maganda pa ang daigdig ni lazaro francisco

Nagsimula ang storya sa Kiyapo kung saan nahablot ang bag ni Bb. Sanchez. Nabawi naman agad ang bag ng isang taong di kilala. Binugbog pa niya ang mga magnanakaw. Nahuli ang mga suspek at nalaman ni Bb. Sanchez na ang pangalan ng tumulong sakanya ay Lino. Ang maybahay ni Lino ay ginahasa ng mga sundalong Hapon. Sa paguwi ni Bb. Sanchez sa bayan ng Pinyahan, nalaman niyang nakikipirmi si Lino kasama ang anak niyang si Ernesto. Tinulungan ni Bb. Sanchez at ng amahin niyan si Pari Amando na makakuha ng trabaho si Lino. Subalit dinakip si Lino at napagbintangan siyang pumatay. Dinalaw siya ni Pari Amando sa Maynila para malaman ang kaso. Kwinento ni Lino ang nangyari sakanya, kaso ang problema ay walang saksi. Pangalwang beses na itong nakulong dahil sa walang saksi. Habang wala si Lino, inalagaan muna ni Bb. Sanchez si Ernesto. Noong una ay hindi kumakain at nakakatulog si Ernesto. Nagaalala na si Bb. Sanchez at ang ina niya. Sinusubukan din ni Ernestina na pasiyahin si Ernesto ngunit walang nanyayari. Binilhan na siya ng damit at lahat. Dumalaw si Padre Amando at pinagusapan nila ni Bb. Sanchez ang nangyari kay Lino. Nang tanungin ng pari kung ano ang gusto nung bata, ang sinabi niya ay ang kanyang ama. Nangako ang pari na tutulungan niya si Lino. Pagkatapos ay dumating ang labandera ni Bb. Sanchez. Napagusapn ng mga kapitbahay nila na tutulungan nila si Bb. Sanchez. Dumaan din si Estanislao Villas at sinabi na naghanap na sila ng abogado para kay Lino. Bago umalis, nangako ang pari na pupuntahan niya si Lino at aalamin ang kanyang kalagayan at ang katotohanan. Pagkatapos ng ilang oras ay dumating si Aling Ambrosia, ang labandera nina Miss Sanchez. Natagpuan na ni Rada ang saksi, pati na rin ang tunay na pumatay, sa Camarines Sur subalit nakatakas na ito kasama ang labindalawang bilanggo habang ililipat sila sa Muntinlipa. Nabalitaan ngayon na si Lino at ang mga kasamahan nya ay humuhuli ng mga Huk. Ang mga Huk ay mga manggagahasa at magnanakaw. Noong nagkita si Kumander Hantik at at si Lino sa isang kweba, inanyayahan niya ito na sumali sa kanilang samahan. Tumanggi si Lino. Bilang ganti, ikakalat raw ni Kumander Hantik na si Lino ang nagsisimula ng gulo sa mga lalawigan. Nagkaroon ng Operation Scarlet subalit hindi pa rin mahuli si Lino at ang samahan niya. Habang nangungumpisal ang isang rantsero, nalaman ni Padre Amado ang kinaroroonan ni Lino. Sinabi nyang tumitigil nang tumakas at binalitang alam na na wala siyang kasalanan sa kaso. Tumigil nga si Lino at sa dulo, nalaman niyang iniibig siya ni Bb. Sanchez.

Ang Kambal na Nobela ni Lazaro Francisco


Ipinaskil noong Hunyo 15, 2009 ni Roberto Aonuevo

Nakalulugod ang balitang itatanghal ngayong taon na Pambansang Alagad ng Sining si Lazaro Francisco (1898 1980), ang isa sa mga dakilang nobelistang Tagalog ng kaniyang panahon. Taliwas sa inaakala ng iba, ang mga nobela ni Francisco ay magagaan ang rendisyon, at kyang maunawaan ng mga estudyante sa hay-iskul o kolehiyo. Ginamit na behikulo ni Francisco ang mga magasing komersiyal, gaya ngLiwayway at Alitaptap, sa paghahatid ng mga napapanahong paksa na kung minsan ay yumayanig sa paniniwala ng madla. Ang kaniyang mga akday walang pangingimi kung tumalakay sa usapin ng pakikisam at repormang agraryo, gaya ng Ama(1929); ng pagtatangi sa saliwang panunulisan at makabansang pakikidigma, gaya ng Maganda pa ang Daigdig (1955); ng pagliliwanag sa kapangyarihan ng negosyo at nagkakaisang lakas-paggawa, gaya ng Daluyong (1962); ng pananalig sa pag-ibig at pagtanggap ng malalagim na tadhana, gaya ng Sugat ng Alaala (1949) at iba pa. Maaksiyon kumbaga sa pelikula ang mga nobela ni Francisco, ngunit nabubudburan

yaon ng pag-iibigan, gaya ng dating gerilyang si Lino at gurong si Luring sa Maganda pa ang Daigdig (1955). Tungkol ang nobela sa paghahanap ng ama sa kaniyang nawalay na anak na si Ernesto, makaraang pumanaw ang esposang ginahasa ng mga sundalong Hapones. Nakilala ni Loreto (Luring) Sanchez si Lino nang ipagtanggol nito ang dalaga laban sa masasamang loob. Si Luring ang magpapatibok muli ng puso ni Lino, at siya ring mag-aalaga sa anak niyang si Ernesto. Makakaharap ni Lino si Kumander Hantik na hihikayatin siyang sumapi sa Huk (Hukbalahap) upang pabagsakin ang mga panginoong maylupang nagpapairal ng bulok na sistemang agraryo. Tumanggi si Lino, at maghahasik ng alternatibong pagbabago sa payo ni Pari Amando. Hindi magtatagal sa pag-iisa si Lino, dahil pagbibintangan siyang pumatay ng isang lalaki nang magtrabaho noon siya sa piyer. Mabibilanggo siya, subalit makatatakas kapiling ang ibang bilanggo, magtatayo ng sariling armadong pangkat, at magtatago sa lupaing sakop ni ni Don Tito na bantog na panginoong maylupa. Ipagtatanggol ng pangkat ni Lino ang mga inaping magsasaka, hanggang sumapit ang sandaling magbakbakan ang kaniyang pangkat at pangkat ni Kumander Hantik. Susuko sa awtoridad si Lino sa dulo ng nobela.

Ang naturang nobelay dinugtungan ngDaluyong (1962), na sinimulan sa

pagkakalaya ni Lino sa bilangguan makaraang mapawalang-sala ng hukuman, at mag-isang maglilinang ng bukid na ibinigay sa kaniya ni Pari Amando. Ngunit hindi magtatagal ang gayong masayang tagpo dahil mababatid ni Don Tito na ang patubig ay daraan sa lupain ni Lino at iyon ang makaaapekto nang malaki sa kaniyang mga bukirin. Hihimukin ni Don Tito na maging bakero si Lino at mangalaga sa mga lupain niya ngunit tatanggi si Lino. Ang anak ni Don Tito na si Benigno Sityar ang magtatangkang mamuno sa bayan ng mga magsasaka. Magkakasagupa ang mga armadong hukbo ni Benong at ni Lino, magwawagi ang pangkat ni Lino ngunit masasawi naman si Loreto Sanchez sa dulo ng nobela. Ang daluyong sa nobela ay ang mahihinuhang di-mapipigilang armadong pag-aaklas ng mga magsasaka laban sa mapanupil na sistemang agraryong pumapabor sa mga panginoong maylupa. Ang daluyong ay mahihitiwagan din na sanhi ng mga problemang panlipunang gaya ng prostitusyon, maruming pamumulitika, pangaagaw ng lupain, panggagahasa at pagpatay, at di-makatarungang negosyo. Mahihiwatigan ang transpormasyon ng pagkatao ni Lino sa dalawang nobela. Kung sa unang nobelay napilitang pumanig si Lino at maging bakero ni Don Tito, sa ikalawang nobelay iwawaksi niya nang ganap ang pakikipagkutsaba sa panginoong maylupa at magsisikap na makamit ang kalayaan sa mapanupil na sistemang agraryo. Ngunit hindi magagawa iyon nang mag-isa ni Lino. Hindi rin sapat ang tulong nina Pari Amando, Luring, at Koronel Roda. Kinakailangan ni Lino ang tulong ng iba pang magsasaka at malawak na lipunan upang mabago ang baluktot na sistemang agraryo. Ang mga paksang tinalakay noon ni Francisco ay kakatwang nagbabalik ngayon sa ating piling. Pinaslang kamakailan ang isa sa mga pinuno ng mga magsasakang taga-Sumilao, Bukidnon at dating nagmartsa tungo sa Maynila, samantalang pinagtatalunan ang pagpapalawig sa batas hinggil sa repormang agraryo. Nagpapatunay lamang ito na hindi pa nagwawakas ang mga baluktot na patakarang sumasagka sa paglago ng mga magsasaka, at waring lalong umiilap ang paghahanap ng katarungan sa Filipinas. Makabubuti kung gayon na balikan ang mga nobela ni Lazaro Francisco, at alamin mula roon kung tumpak o hindi ang mga pagsusuri niya sa agos ng kasaysayan. Ipagugunita ng kaniyang mga nobela na ang paghahanap ng katarungan ng mga magsasaka ay hindi kathang-isip lamang, bagkus tunay at tumitibokna marapat pakinggan ng mga awtoridad nang makamit ang kapayapaan at kaunlaran ng lahat ng mamamayan.

Hustisya at Kahirapan sa Nobela ni Valeriano Hernandez Pea


Ipinaskil noong Hulyo 25, 2011 ni Roberto Aonuevo

Isa sa mga nobelang Tagalog ang Miminsan Akong Umibig: Kasaysayan ng Mag-inang Mahirap (1905) ni Valeriano Hernandez Pea na masasabing pinagpigaan ng mga iyaking nobelang komersiyal, nobelang komiks, at telenobela sa kasalukuyan. Ngunit taliwas sa dapat asahan, ang nobela ni Hernandez Pea ay hitik sa sapin-saping pangyayaring may hibo ng realismo, na nagpapamalas ng kuwento sa loob ng mga kuwento, at ang wakas ay hindi nangangako ng maalwang bukas. Nililinang sa akda ni Hernandez Pea ang konsepto ng hustisya sa ibat ibang paraan, at maiuugnay ito sa pananaw sa kahirapang hindi lamang madarama sa pisikal na antas bagkus maging sa moral at emosyonal na antas. Bubuksan ang salaysay sa tagpo ng mag-inang Pilar at Aling Munda sa loob ng tahanan. Si Aling Munday naratay sa pagkakasakit, at si Pilar ay nagbulay-bulay na handa niyang ipagbili ang katawan mailigtas lamang ang ina. Sinikap ni Pilar na kumuha ng itlog na ulam ng kaniyang ina, ngunit nabigo siya dahil dinakip ng mga tulisang pinamumunuan ni Ulupong. Samantala, ang kaniyang nobyong si Alberto ay hinanap siya sa kagubatan, hanggang makilala si Halimaw na pagkaraan ay tutulong sa kaniyang mapalaya si Pilar. Napatay ni Pilar si Ulupong nang gahasain nito, at si Limbas na may makamasang loob at pumalit sa punong tulisan ay kinupkop si Pilar para paalagaan ang dalawang anak na babae, hanggang makatalastasan si Halimaw na nagbunga para mapalaya ang magkasintahan. Nang pauwi na ang magkasintahan ay hinarang naman sila ng mga guwardiya sibil at kuwadriyero, at ikinulong sa paratang na pawang mga bandido, dahil malaganap ang pananalakay ng mga tulisan. Upang mapalaya si Pilar, sinuhulan ni Juan ang huwes. Sinuyo rin niya si Pilar para kunway maging alila, at maging tagapangalaga ng mga anak nila ni Binday na may sakit, ngunit mabubunyag pagkaraan ang maitim na pagnanasa ni Juan na gahasain ang dilag. Makatatakas si Pilar sa lahat ng pakana, ngunit mabibilanggo nang matagal si Alberto dahil kay Juan. Maninibugho si Alberto sa dilag; at si Alberto ay makatatakas sa bilangguan para sumapi sa himagsikan. Sa dulo na nobelay susulat si Pilar kay Alberto upang ipamalas ang sukdulang pagmamahal sa nobyo, at magbabalik si Alberto sa kanilang nayon subalit mapipikot ni Julia dahil nabuntis siya nang di-inaasahan ng binata. Magpapatiwakal si Alberto at si Julia ay masasawi sa pagsisilang ng sanggol. Samantala, makukulong din si Juan nang madakip sa sugalan at manlaban sa awtoridad; kakalingain ni Pilar ang dalawang anak ni Limbas sa ikalawang pagkakataon, at mabibilanggo muli ang dalaga nang harangin ng mga guwardiya sibil subalit palalayain ng punong bayan. Mabubunyag ang panloloko ni Kapitan Martin Makapagal na humamig ng mga lupain ng ama ni Aling Munda, at ang pagpipilit na palagdain ni Kapitan Manuel Marasigan si Aling Munda ng papeles para ganap na maangkin ang lupaing dapat manahin ni Pilar. Sa huliy makakasal sina Pilar at Juan bilang pagtanaw ng utang ng loob. Ngunit daramdamin ito ni Pilar, hanggang atakihin sa puso. Pambihirang realidad ang nilikha ni Hernandez Pea at ito ay mababanaagan sa pagdaloy ng inhustisya sa magkakaibang henerasyon, at matingkad na halimbawa ang panloloko at pandurusta nina Kapitan Martin at Kapitan Manuel, na kapuwa nagmula sa magkaibang panahon, sa buhay at mag-anak ni Pilar. Kaugnay ng kahirapan ang pagkakapiit, at matutunghayan ito sa pisikal na bilangguang pinaglagakan kina Alberto at Pilar na dinakip ng mga guwardiya sibil at kuwadriyero; ang bilangguan sa piling ng mga tulisan; ang bilangguan sa tahanan ng mayamang mag-asawang Juan at Binday; ang bilangguan na inihahain nina Kapitan Martin at Kapitan Manuel; at ang matalinghagang bilangguan sa puso ni Alberto na naghahanap ng paglaya sa tulong ni Pilar na ibinalanggo naman ng pananalig na mahango sa kahirapan sa tulong ni Juan. Sa nobela ni Hernandez Pea, ang kahirapan ay may ugat. Ang kahirapan ay sanhi ng pagkontrol sa anyo ng produksiyon; at ang pagkontrol ay sa mga sandata, salapi, hanapbuhay, at hukuman. Titindi pa ito kung isasaalang-alang na ang kahirapan ay pag-angkin ng puri ng babae at pagkakait ng laya sa kaniyang kasintahang magsama sila. Kung sisipatin si Pilar bilang arketipo ng ina, si Pilar ay ina sa matalinghagang paraan na ibig ilugso ang puri ng mananakop; bagaman si Pilar ay hindi pa ganap na ina sa pisikal na antas ay maituturing pa ring ina sa mga anak ni Limbas at sa mga anak ni Juan. Sa paglulugar ng arketipo ng ina sa nobela, si Pilar ay maaaring sumagisag sa lahat ng pagpupunyagi, mulang paglaya sa kahirapan

at pambubusabos hanggang pagkalinga sa magulang, bata, at kasintahan, hanggang pagkakamit muli ng kaginhawang maikakabit kahit sa sagisag na Inang Bayan. Kung pag-aaralan naman ang estruktura ng nobela, maaaring hatiin sa apat na yugto ang salaysay: una, ang pagdakip ng mga tulisan kay Pilar at pagsaklolo ni Alberto na pawang magbubunyag sa doble-karang katangian ng panunulisan; ikalawa, ang pagdakip ng mga guwardiya sibil at kuwadriyero kina Pilar at Alberto at ang balighong pagpapalaya ni Juan kapalit ng seksuwal na pabor; at ikatlo, ang panloloko at pagkulimbat ng mga lupaing pag-aari ng ninuno ni Pilar at ang pagkakabunyag ng lihim nina Kapitan Manuel at Kapitan Martin, bukod sa pagkakakulong at pananaig ni Juan; at ikaapat, ang pagtatagis ng mga pananaw ni Julia at ni Pilar na pawang napaibig kay Alberto, at ang karupukan ng kalooban ni Alberto na namamangka sa dalawang ilog. Sa apat na yugtong ito, ipamamalas ang wagas na pagmamahal ni Pilar sa kaniyang kasintahan, ang pagsalungat sa puwersang nangingibabaw sa lipunan kahit sa antas ng damdamin, at ang malalim na pagpapahalaga sa kaniyang mga magulang, lalo na kay Aling Munda. Kailangang basahin muli ang buhay ni Pilar sa ibang anggulo. Kahit ang paraan ng pagsasalaysay ng awtor ay kailangang isailalim sa masinop na pagsusuri, nang sa gayon ay mapawi, kahit kaunti, ang kawalang-katarungan sa pagbasa sa mga akda ng batikang mangangathang Tagalog sa ngalan ni Valeriano Hernandez Pea.

Panukalang Pambansang Adyenda sa Kultura


Ipinaskil noong Abril 4, 2010 ni Roberto Aonuevo

Napag-uusapan lamang ang pambansang adyenda hinggil sa kultura kapag dumarating ang halalan. Ngunit ni isang partidong pampolitika ay walang handang sagot sa pagharap sa pagpapalago ng kultura. Noong Abril 2, Biyernes Santo, dumalo ako sa pagtitipon ng mga manunulat at alagad ng sining na pawang naglinis ng plasa ni Balagtas sa Pandacan, Maynila bukod sa nagsulong ng panukalang adyenda para sa kultura ng bansa. Binasa nina Virgilio S. Almario at Gemma Cruz ang naturang adyenda, na nilagdaan ng mga prominenteng tao na kinabibilangan nina Benedicto Cabrera, Isagani Cruz, Bienvenido Lumbera, Gary Granada, Danilo Silvestre, Zosimo Lee, Victor Emmanuel Carmelo Nadera Jr, Romulo Baquiran Jr, Phillip Kimpo Jr, at iba pang kumakatawan sa mga samahang pangkultura. Pambungad nga ng naturang panukala: Kailangang buuin ang isang patakarang pambansa na ganap na kumikilala at nagpapahalaga sa kultura bilang sentro at bukal ng anumang patakarang pangkabuhayan at pampolitika ng pamahalaan, laging isinasaalang-alang na pangunahin ang pangangalaga at pagpapayabong sa katutubot makasaysayang pamana ng lahi, at naninindigan ukol sa pagpapalusog at pagpapatibay ng isang pambasang kultura mula sa bahaghari ng mga pangkating etnikot rehiyonal bilang pangunahing makabansat demokratikong adhika para sa kagalingan at kaginhawahan ng sambayanan. May pitong panukala ang adyenda at malalagom ito sa sumusunod: una, ang pagtatatag ng isang bukod at ganap na Kagawaran ng Kultura; ikalawa, ang pagtatatag ng Pambansang Surian sa mga Malikhaing Industriya sa loob ng Unibersidad ng Pilipinas; ikatlo, ang pagtangkilik sa potensiyal ng kultura at malikhaing gawain para sa produksiyong ekonomiko; ikaapat, ang pagtataguyod sa paglaganap ng Filipino bilang wikang pambansa; ikalima, ang pagtustos sa mga gampanin upang mapangalagaan at maisaayos ang mga pamanang liks at pangkultura; ikaanim, ang pagtatalaga ng isang opisyal na Tagapag-ugnay Pangkultura sa bawat bayan, lungsod, at lalawigan upang maging kinatawan ng Kagawaran ng Kultura sa naturang pook; at ikapito, ang pagsasanay sa mga guro sa mababat mataas na paaralan tungo sa wastong edukasyong pangkultura. Ambisyoso ang naturang panukalang adyenda, at nag-iiwan ng maraming posibilidad. Ang pagtataguyod ng Kagawaran ng Kultura (KK)ay nagbubukas ng pag-asa sa unang malas, ngunit nagbabadya rin ng panganib. Ito ay dahil kinakailangan ang muling pagsasabalangkas ng mga ugnayan, halimbawa sa panig ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA), Sentrong Pangkultura ng Pilipinas (CCP), Pambansang Aklatan (PNL), National Historical Institute (NHI), Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), National Book Development Board (NBDB), National Printing Office (NPO), at mga sangay ng ahensiyang pangkultura sa antas ng pamahalaang lokal. Kung ang naturang Kagawaran ay pangangasiwaan ang mga umiiral na ahensiya, ang mandato ng bawat ahensiyang nakapailalim dito ay dapat baguhin upang maiwasan ang duplikasyon ng mga trabaho at tungkulin. Sa gayong pangyayari, may posibilidad na lusawin ang estruktura ng NCCA kung ito ay mag-uulit lamang ng trabaho ng KK. Ang KK bilang bukod at nagsasariling ahensiya ng pamahalaan ay nangangailangan ng pagsasabalangkas ng pambansang badyet, at paghahanap ng bagong bukl ng pondo para matustusan ang itataguyod na pasilidad, kawani, estruktura, at iba pang bagay na may kaugnayan sa operasyon nito. Samantala, ang pambansang alokasyon nito ay maaaring mailagay sa panganib depende sa magiging komposisyon ng kongreso. Kinakailangan kung gayon ang pagpapatibay ng bagong batas para matustusan ang gayong dakilang lunggati; at kahit mangako ang isang bagong pangulo hinggil sa pagsusulong ng pambansang kultura, ang kaniyang pangako ay posibleng mapako depende sa magiging resulta ng bakbakan, kung hindi man balitaktakan, sa loob ng batasan. Isang hakbang pasulong ang maimumungkahing pagtatatag ng party list ng mga manunulat at alagad ng sining na handang maghain ng panukalang batas para sa kanilang kapakanan. Ito ay sapagkat hindi makapagbubuo agad ng Kagawaran ng Kultura ang sinumang papalaring maging pangulo pagkaraan ng Halalan sa Mayo 2010. Ang pagbubuo ng kagawaran ay nangangailangan ng malaking salapi; at depende sa panukalang badyet ng Kongreso, ang pangulo ng bansa ay makagagalaw lamang alinsunod saitinatakda at saklaw ng naturang badyet na ipinasa ng Kongreso. Kung isasaalang-alang ang kakulangan [deficit] sa badyet sa 2010, malinaw na maihuhuli ang usapin ng kultura sa hapag ng gabinete. Ang tanging solusyon, kung

gayon, ay maihalal ng taumbayan ang isang pangulong puwedeng maging diktador, at bilang mapagpalang diktador ay mapasusunod niya ang lahat ng sangay ng pamahalaan para unahin ang pagsusulong ng pambansang kultura. Maiiba nang kaunti ang kaso ng panukalang Pambansang Surian sa mga Malikhaing Industriya dahil nakapailalim ito sa UP at ang gastusin nito ay maaaring isabay na lamang sa pagbubuo ng badyet ng UP na magsusumite naman ng panukala sa Kongreso. Ang dapat lamang linawin ay kung hanggang saan ang mandato ng pambansang surian kung ito bay sa antas lamang na pampatakaran o pampangasiwaandahil nakasalalay sa gayong pangyayari ang magiging badyet nito. Sa ganang akin, ang kinakailangan ay masinop na transisyon tungo sa pangarap na Kagawaran ng Kultura. Ang ganitong posibilidad ay maaaring simulan sa paglingon sa Saligang Batas ng 1987, Artikulo XIV, mga seksiyon 14 18. SEKSYON 14. Dapat itaguyod ng Estado ang pangangalaga, pagpapayaman at dinamikong ebolusyon ng isang pambansang kulturang Pilipino salig sa simulaing pagkakaisa sa pagkakaiba-iba sa kaligirang malaya, artistiko at intelektwal na pagpapahayag. (2) Dapat pasiglahin at tangkilikin ng Estado ang mga pananaliksik at mga pag-aaral tungkol sa mga sining at kultura. SEKSYON 15. Dapat tangkilikin ng Estado ang mga sining at panitikan. Dapat pangalagaan, itaguyod, at ipalaganap ng Estado ang pamanang historikal at kultural at mga likha at mga kayamanang batis artistiko ng bansa. SEKSYON 16. Ang lahat ng mga kayamanang artistiko at historiko ng bansa ay bumubuo sa kayamanang kultural nito at dapat pangalagaan ng Estado na maaaring magregula sa disposisyon nito. SEKSYON 17. Dapat kilalanin, igalang, at pangalagaan ng Estado ang mga karapatan ng mga katutubong pamayanang kultural sa pagpapanatili at pagpapayaman ng kanilang kultura, mga tradisyon, at mga institusyon. Dapat isaalang-alang nito ang mga karapatang ito sa pagbabalangkas ng mga pambansang plano at mga patakaran. SEKSYON 18. (1) Dapat seguruhin ng Estado ang pantay na pagtamo ng mga pagkakataong kultural sa pamamagitan ng sistemang pang-edukasyon, mga kultural na entity sa publiko o pribado, at mga scholarship, mga kaloob at iba pang mga insentibo, at mga pampamayanang sentrong kultural at iba pang mga tanghalang pangmadla. Sa naturang tadhana ng batas, maiisip na ginagawa na ang mga ito ng NCCA at CCP bagaman kulang na kulang ang ambag ng dalawang ahensiya para kalamayin ang loob ng mga manunulat at alagad ng sining. Kung iisipin na nauunsiyami ang tadhana ng konstitusyon, ito ay dahil wala pang batas na nagbibigay-kapangyarihan [enabling act] na magiging gulugod ng KK kung ihahambing sa Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) at iba pang ahensiya ng pamahalaan. Ang kinakailangan kung gayon ay maisabatas ang pagbibigay-kapangyarihan tungo sa kaganapan ng KK. Ito dapat ang isa sa mga pangunahing panukala ng pambansang adyenda ng pangkat nina Almario, Cabrera, Cruz, at Lumbera. Nakasaad din sa panukalang pambansang adyenda ang pagtataguyod sa paglaganap ng Filipino bilang wikang pambansa. Walang masama rito. Ang nasabing panukala ay humuhugot ng lakas sa itinatadhana ng Artikulo XIV, mga seksiyon 67. SEKSYON 6. Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nililinang, ito ay dapat payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na wika sa Filipinas at sa iba pang mga wika. Alinsunod sa tadhana ng batas at sang-ayon sa nararapat na maaaring ipasiya ng Kongreso, dapat magsagawa ng mga hakbangin ang Pamahalaan upang ibunsod at puspusang itaguyod ang paggamit ng Filipino bilang midyum ng opisyal na komunikasyon at bilang wika ng pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon. SEKSYON 7. Ukol sa layunin ng komunikasyon at pagtuturo, ang mga wikang opisyal ng Pilipinas ay Filipino at, hanggat walang ibang itinatadhana ang batas, Ingles. Ang mga wikang panrehiyon ay pantulong na mga wikang opisyal sa mga rehiyon at magsisilbi na pantulong na mga wikang panturo roon. Dapat itaguyod nang kusa at opsiyonal ang Kastila at Arabik. Nababalam ang kaganapan ng mga probisyong ito ng Konstitusyon dahil hangga ngayon ay wala pa ring batas na magbibigay-kapangyarihan [enabling act] na suhay ng wikang Filipino bilang bilang midyum ng opisyal na

komunikasyon at bilang wika ng pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon. Maimumungkahi kung gayon sa susunod na administrasyon na simulan na ang seryosong pagsasabatas na magpapatibay sa aplikasyon ng wikang Filipino sa ibat ibang ahensiya ng pamahalaan. Mabibigo lamang ang ganitong hakbangin kung sakalit baguhin muli ang nilalaman ng Konstitusyon, at iayon sa pampolitikang hakbangin ng mga bata ni Pang. Gloria Macapagal Arroyo na nangangarap muling bumalik sa Kongreso para maging Punong Ministro sa bagong sistema ng pamahalaan. Masisilip ang isa pang butas sa panukalang pambansang adyenda sa kultura kapag pinagdikit ang KK (na sentralisado ang kapangyarihan) at ang pagtatalaga ng isang isang opisyal na Tagapag-ugnay Pangkultura sa antas ng pamahalaang lokal. Ang naturang tagapag-ugnay ay magiging kinatawan ng KK at magpapatupad ng mga proyektong pangkultura para sa naturang pook. Sa hangaring gawing sentralisado ang pagpapatakbo ng KK, mailalalagay sa alanganin ang debolusyon at desentralisasyon ng kapangyarihang itinatadhana ng Kodigo ng Pamahalaang Lokal ng 1991 (RA 7160). Ang pondo ay magmumula sa pamahalaang sentral, alinsunod sa binuong panukalang badyet ng kongreso, at ipamumudmod pababa sa mga pamahalaang lokal. Na problematiko, dahil ibig ng naturang Kodigo na bigyan ng kapangyarihan ang pamahalaang lokal at makapagsarili at makatayo sa sariling paa ngunit darating muli ang KK na ang ugnayan sa pamahalaang lokal ay hindi malinaw at maibabatay pa lamang sa mga umiiral na ugnayan na nagaganap sa loob ng NCCA, CCP, at KWF. Isa pang aspektong pagtatalunan ang alokasyon ng pondo sa mga pamahalaang lokal, at kung ano ang magiging batayan kung bakit dapat gawing priyoridad ang isang pook pangkultura kompara sa ibang pook pangkultura. Ang problema sa pagsasakatuparan ng debolusyon at desentralisasyon ay makikita rin sa pagbubuo ng mga sentrong pook, gaya ng Metro Manila, Metro Cebu, at Metro Davao, na ang mga lungsod at munisipalidad ay pinagbubuklod para mabilis ang kolektibong paglago ng mga pook. Kung sisipatin sa panig ng debolusyon at desentralisasyon, ang pagbubuo ng mga metropolis ay salungat sa itinatadhana ng kodigo bagaman masisipat pa rin ito na bahagi ng mga pagsubok hinggil sa tamang timpla ng pamamahala sa antas ng lokal, kung ihaharap sa antas na pambansa. Kung babalikan ang panukalang pagbubuo ng KK at Pambansang Surian sa mga Malikhaing Industriya, ang dalawang ito ay daraan sa paglilitis kung hanggang saan mahihigit ang bisa nito sa antas ng pamahalaang lokal at sa pambansang antas na pagmumulan ng pondo para sa pagsasakatuparan ng mga grandeng programa at proyektong makaaapekto sa malaking populasyon ng mga Filipino. Nais kong imungkahi sa pagbubuo ng pambansang adyenda sa kultura ang sumusunod: 1. Ikawing ang pagbubuo ng Kagawaran ng Kultura sa pagbabalangkas ng Medium Term Philippine Development Plan (MTPDP) na maaaring simulan sa susunod na taon hanggang sa pagwawakas ng termino ng pangulo sa 2006. Magbuo, magpatibay, at magpatupad ng mga batas na magbibigay kapangyarihan [enabling law] sa mga probisyon ng Konstitusyon 1987 hinggil sa kultura at wika, partikular ang malaganap na paggamit sa Filipino bilang midyum ng komunikasyon at midyum sa edukasyon, samantalang pinayayabong ang mga lalawiganing wika, at ginagamit sa pandaigdigang talastasan ang mga internasyonal na wikang gaya ng Ingles, Espanyol, Arabe, at Mandarin. Seryosong balangkasin ang konsolidasyon ng mga ahensiya ng pamahalaan na pawang may kaugnayan sa kultura at sining, gaya ng NCCA, CCP, KWF, NBDB, at iugnay sa planong pagtatatag ng Kagawaran ng Kultura na isasalang sa Kongreso; at magtalaga ng mga pinunong may sapat na kakayahan, sigasig, at malasakit sa sining at kultura, bukod sa walang batik ng katiwalian o korupsiyon ang rekord. Iugnay at ikawing ang planong pagbubuo ng KK sa mga umiiral at panghinaharap na plano at programa ng iba pang ahensiya ng pamahalaan, gaya ng batasan, telekomunikasyon, transportasyon, pagawaing-bayan, sandatahang lakas, industriya ng aklat at palimbagan, edukasyon, turismo, kalusugan, isports, at iba pa. Pagpapaunlad ng umiiral na balon ng pondo ukol sa kultura at sining, pagsasabalangkas ng taunang pambansang badyet, at paghahanap ng karagdagang bukal ng pondo na kusang palo ng susunod na administrasyon para sa lunggating pagsasakatuparan ng KK.

2.

3.

4.

5.

6.

Paglulunsad ng malawakang konsultasyon hinggil sa masinop na ugnayan ng sentralisadong KK at desentralisadong KK alinsunod sa itinatadhana ng Saligang Batas at Kodigo ng Pamahalaang Lokal, at

batay sa umiiral na komposisyon ng mga pook na binuo bilang metropolis at mga pook na nagsasarili. 7. Pagtataguyod ng Surian ng mga Malikhaing Industriya na kakatawanin ng mga manunulat at alagad ng sining mula sa ibat ibang organisasyon, anuman ang kulay ng paniniwala, uring pinagmulan, at antas ng edukasyon. 8. Tangkilikin at seryosong harapin ang pagpapaunlad ng panloob na industriya ng papel, makinarya at kasangkasan sa palimbagan, tinta at iba pa, samantalang isinasaalang-alang ang pagbabawas ng taripa sa mga imported na papel, tinta, aklat at mga babasahing may kaugnayan sa edukasyon, panitikan, at iba pang larang. 9. Ibaba ang buwis na ipinapataw sa mga malikhaing obra ng mga manunulat at alagad ng sining para matulungan silang makatindig sa sariling paa at makapamuhay nang marangal. 10. Isulong ang pambansang programa hinggil sa pangangasiwa ng internet at kaugnay nito sa telekomunikasyon para mapangalagaan ang sariling kultura mula sa pagkalusaw, samantalang itinatampok ang mga positibo nitong katangian para sa kapakinabangan ng sambayanan. Mga mungkahi lamang ito at maaaring hindi makarating sa awtoridad. Ngunit puwedeng maisaalang-alang ng susunod na administrasyong may ginintuang pangarapna magtutuwid sa tiwaling pagpapahalaga ng mga nakalipas na panahon.

Kontra-Imperyalistang Pagdulog sa Bulalakaw ng Pag-asa ni Ismael Amado


Ipinaskil noong Agosto 30, 2009 ni Roberto Aonuevo

Nakapanghihinayang at nagpahinog nang matagal sa bodega ng kasaysayan ang nobelang Bulalakaw ng Pagasa (1909) ni Ismael A. Amado, at may pambungad niIigo Ed. Regaldo. Noong 1918, pagkalipas ng sampung taon, saka pa lamang ilalantad sa madla ang aklat. Ito ay batay na rin sa pagsunod ni Amado sa payo ng matatandang manunulat na labis na subersibo ang aklat, at maaaring ikapahamak ng awtor dahil mahigpit noon ang batas laban sa sedisyon na pinaiiral ng pamahalaang kolonyal ng Amerikano. Katumbas ng pagsunod ni Amado sa payo ng matatandang tinali ang pagkawala ng kaniyang oportunidad na maging dakila nang panahong iyon. Binuksan ang nobela sa tagpong nangutang ang isang Amerikanong nagngangalang John Stag sa tindahan ni Julio. Ngunit walang pera ang Amerikano, kaya hindi pinautang. Nanggalaiti ito kay Julio hanggang magpambuno ang dalawa at masira at magkabasag-basag ang mga paninda ng kawawang tindero. Nabalitaan ito ng mga pulis, subalit imbes na umawat ay nasindak sa Amerikanong de-baril at nangagsitakbo. Sumaklolo si Gerardo, at bagaman tinamaan ng bala sa bisig ay nagapi pa rin niya ang tarantadong Amerikano. Sa tulong ng ilang kababayan ay inireklamo sa hukumang munisipal ang salarin, makaraang usisain ng sarhento at dalawang kasamang kawal. Idinulog kay Kapitang Memo, alyas ni Maximo San Jorge de los Santos, ang problema ngunit imbes na parusahan si Stag ay pumanig pa ito sa Amerikano. Iyon palay dating magkakutsaba sina Memo at Stag sa pagnanakaw, pagpatay, at panggagahasa doon sa Tarlak, hanggang itakas mag-isa ni Memo ang nakulimbat na salapi at iwanan ang kaibigan. Nagbabala si Stag na papatayin nito si Kapitang Memo kapag nabigong iligtas siya sa kaso. Nagtalo sa pagdinig sina Gerardo at Kapitang Memo, at dahil sa paglalahad ng mga karapatan at katwiran ni Gerardo, napapayag na rin si Kapitang Memo na patawan ng parusa si Stag. Ngunit ang multay nagmula sa bulsa ni Kapitang Memo, at nang kinagabihan ng pagkakakulong sa Amerikano ay pinalaya ito sa kung anong paraan. Ibinulgar sa nobela ang Libis na bayang pinaghaharian ni Kapitang Memo na pugad ng sugalan, gaya ng sabong, monte, tupada, at huweteng. Ibinulgar din ang bulok na pamamalakad sa hukuman, pulisya, at kabuhayan ng mga tao. Nagdulot ito ng ligalig sa mga tao, kaya napilitang itatag ang kapisanang Dakilang Mithi bilang tugon sa panlipunang problema, hanggang ibulgar ng isang babaeng limahid ang pandurustang sinapit niya kay Kapitang Memo na gumahasa, umalipin at nagbugaw sa kaniya, bukod sa pumatay sa kaniyang ama at tumangay ng salaping nagkakahalaga ng sampung libong pisona napakalaking halaga noon. Nagalit si Kapitang Memo dahil nabulgar ang kaniyang masamang nakaraan. Ipinatawag niya si Gerardo sa kaniyang tanggapan, ngunit imbes na kausapin ay pinagtangkaan pa niya itong patayin. Dumating naman ang gobernador at huli sa akto si Kapitang Memo. Natiwalag si Memo sa kaniyang tungkulin, at nagbalak maghiganti. Ang paghihiganti ni Kapitang Memo ay magbubukas para ipakilala sa nobela ang gaya nina Faure, Eling, Pacing, at Juancho. Si Faure ang matalik na kaibigan ni Gerardo na siyang pangulo ng Dakilang Mithi, bukod sa mahusay na abogado. Si Eling ang kasintahan ni Gerardo, at pinagtangkaang gahasain ni Juancho bilang ganti sa ginawang pagpapatiwalag kay Kapitang Memo. Si Pacing ang kaibigan ni Eling, at inilahad ang kanilang kalagayan sa pamamagitan ng mga maling paniniwala kung bakit ipinagbabawal ang pagpapaaral sa babae. Si Juancho naman ang bigong manliligaw ni Eling, at siyang kasapakat ni Memo sa paghihiganti. At si Stag ay Amerikanong pusakal na mandarambong at kriminal, bukod sa mapang-aglahi at barumbado, na handang makipagkutsaba sa sinumang Filipino upang maisulong ang pansariling interes. Ang tunggalian ng mga paniniwala ay sisiklab nang magtalo sina Faure at Juancho hinggil sa layon sa Dakilang Mithi. Nagkaisa lamang ang pangkat nang magtalumpati si Gerardo, at nag-ambagan para maipagpatuloy ang magandang simulain nito hinggil sa mabuting pamamahala. Dapat ding banggitin na ang tunggalian ay hindi lamang nagmumula sa mga uring panlipunan at batayang ekonomiko ng mga tauhan. Ang tunggalian ay may kaugnayan sa nagsasalungatang kultura at paniniwala, mula man iyon sa pagtatanghal ng karapatang pantao hanggang pagtatanggol ng kapurihan ng bansa. Ang tunggalian ay maghihimagsik na Filipino kontra imperyalismong Amerikano, na maglalaro mulang pisikal na antas, gaya ng madudugong bakbakan o pagpatay hanggang antas na sikolohiko at pangkaisipan, gaya ng pagtatanggol sa dangal na ibig ilugso ng dayuhan o kakutsaba nitong Filipino. Sa

lahat ng tunggalian, magwawagi ang Filipinong radikal kahit sa unang salpok ay mapapailalim siya sa kapangyarihan ng Amerikano. Hindi magtatagal ang ganitong tagumpay dahil dadakpin ng nakabalatkayong demonyo si Gerardo, at dadalhin sa gubat upang patayin. Ngunit sumaklolo si Florante, at napatay si Memona siya palang nakamaskarang demonyo nang magpambuno sila sa lupa. Gumanti pagkaraan at sinaksak ni Juancho si Florante. Ngunit sumaklolo si Gerardo at nang magpambunoy kapuwa sila nahulog sa tulay. Nalunod si Juancho dahil hindi marunong lumangoy, samantalang nakaligtas si Gerardo. Naratay bago namatay si Florante. Bago ito mamatay ay hiniling nito sa kaniyang inang si Aling Tinay na balutin ng bandila ang kaniyang kabaong. Ipinagbabawal ang paglalantad ng bandila dahil labag iyon sa kautusan ng rehimeng Amerikano. Nang araw ng libing ay dumating ang limang kawal na kayumanggi at isang puti. Nilapastangan ng Amerikano ang libing, niyurakan ang bandilang Filipino, at naging sanhi ito upang sampalin ni Faure ang Amerikano. Sumaklolo ang limang kawal, binugbog si Faure, at tinangay upang ikulong. Walang pumalag sa mga kababayan niyang saksi, na pawang nangasindak. Hindi nagpapigil si Gerardo na saklolohan ang kaniyang katoto. Isang gabiy palihim siyang dumako sa bilangguan, pinatay sa saksak ang bantay, at pinalaya si Faure. Matutuklasan din kinabukasan na tinarakan ng talibong sa dibdib ang Amerikanong yumurak sa watawat at sa dangal ng mga Filipino. Tumakas at nagtungo kung saan malaya si Faure, samantalang nagsama sina Gerardo at Eling upang harapin ang bagong yugto ng buhay.

Paglingon sa nobela
Nakapangingilabot ang nobela dahil marami itong ibinubunyag sa publiko at hangga ngayon ay waring bangungot na bumabangon para gulantangin ang madla. Ang korupsiyon ng mga politiko sa halalan para magwagi; ang pandarambong, pagpatay, at panggagahasa; ang pagpapairal ng mga pasugalan at iba pang uri ng bisyo; ang baluktot na paniniwala hinggil sa papel ng babae sa lipunan; ang kahinaan ng pulisya at kawalan ng hustisya mula sa hukuman; ang malayaw na hatid na Amerikanisasyon sa kulturang Filipino; at ang mapang-aglahing patakaran at pamamalakad ng mga Amerikano dito sa Filipinas. Sa unang malas ay madaling basahin ang nobela, ngunit ang totooy hitik iyon ng mga pahiwatig mula man sa pagsisintahan nina Gerardo at Eling, o kayay sa paggamit ng simbolo ng watawat na niyuyurakan ng kawal ng Estados Unidos o sa kabulukan ng sistema ng pamahalaang sinasagisag ni Kapitang Memo. Ang tunggalian ng mga katwiran ay mamumutawi sa bibig ng mga pangunahing tauhan, at bagaman mapupuwing sa ngayon na animoy patalumpati ang pagdulog, ang naturang taktika ay humuhugot ng halina sa tradisyong pabigkas ng mga Filipino sa kabuuan, na ang talastasan ay itinuturing ang kausap na kabahagi ng pagkatao ng nakikipag-usap. Ang naturang taktika ay mahahalata kahit sa pagpasok ng tinig ng awtor doon sa nobela, at gaano man kapayak ito ay maipangangatwirang ang nobelista ay kabahagi sa paglalahad ng mga pangyayari, upang lalong mailapit sa puso at isip ng mga mambabasa ang realidad ng kaligiran sa loob ng nobela. Bagaman inilalantad ng nobela ni Amado ang kabulukan ng lipunan, ang realidad sa loob ng nobela bilang panitikan ay masasabing kayang tumayo nang mag-isa. At ang naturang realidad na pampanitikan ay naglalantad ng salamangka ng pagkatha, at walang maaasahang direktang tumbasan ng mga pangyayari, dahil ang realidad na pampanitikan ay kayang humuwad sa nagaganap noon. Halimbawa, ang kapisanang Dakilang Mithi ay maaaring kumatawan sa anumang makabansang organisasyong may layuning kontra-imperyalista, ngunit ang pagiging radikal ay hindi lamang nagwawakas sa pagiging reaksiyonaryo at burges bagkus sa pagiging proaktibo, progresibo, maly, at maka-Filipino. Ang pagpatay nina Gerardo at Faure sa Amerikanong opisyal na yumurak sa watawat ng Filipinas ay hindi simpleng paghihiganti, bagkus pagbabangon na tinutumbasan ng armadong pag-aaklas kung hinihingi ng pagkakataon. Maihahalimbawa rin ang konsepto ng panggagahasa sa babae, at ang babaeng ito sa nobela ay maaaring kumatawan sa Inang Bayan na nilalapastangan ng Estados Unidos. Sabihin nang marami ang maipupuwing sa estilo ng pagkakasulat. Ngunit dapat isaalang-alang ng mga mambabasa ngayon na nang sulatin ni Amado ang kaniyang nobela ay wala pang panuntunan sa gramatika, ispeling, at palaugnayan sa wikang Tagalog, na pagkaraan ng tatlong dekada makalipas mailathala ang kaniyang nobela ay saka pa lamang mabubuo ng gaya ni Lope K. Santos at mga kapanalig na manunulat sa Aklatang Bayan. (Nagsisimula pa lamang ang paglilinang ng nobelang Tagalog sa bungad ng siglo 20, at ang mga modelo na

pagkatha ay hinihiram sa Ewropa kung hindi man sa Amerika. ) Kahit sabihin pang magaspang ang wika ni Amado, at kulang sa estilistang pagdulog, at maipupuwing na rito ang ilang ispeling ng mga salita o ang paraan ng pagbuo ng usapan at tauhan, ang gayong gaspang ay lalong nagpapakinang ng kaniyang akda dahil handa nitong ibulalas ang ubod ng lunggati ng mga Filipino alinsunod sa diskurso ng mga Filipino noong sakop ng imperyalistang Estados Unidos ang Filipinas. Wala nang dahilan ang makabagong henerasyon para hindi basahin at balikan ang nobelang Bulalakaw ng Pagasa ni Ismael Amado. Kayang basahin ito nang isang upuan lamang. Hitik sa pag-asa ang nobela, kahit sabihin pang tigmak sa dugo at lubog sa lagim. Dapat muling tuklasin ang nobela, lalot nagsisikap muli ang Estados Unidos na palakasin ang puwersa nito hindi lamang sa Filipinas kundi sa Timog-Silangang Asya. At dapat ipabasa ito sa mga kabataan, para mabatid nila kung paano ginagago ng mga banyaga ang dangal ng ating bansa.

Balatong Pampolitika
Ipinaskil noong Hulyo 29, 2009 ni Roberto Aonuevo

Mataas na pagkilala na maituturing ang pagtanggap ng anumang gawad o parangal, lalo kung may kaugnayan sa sining. Nagiging matamis ang gawad kung karapat-dapat tumanggap ang isang alagad ng sining, gaya ng manunulat o pintor o eskultor o kompositor, at ang mga kasama niya sa larang ay umaangat din kahit paano ang estado dahil pinagpupugayan sa pinakamataas na paraan ang kanilang kasama. Ang gawad ay iniuugnay sa simbolikong tagumpay, at nakahihigit sa pabuyang salapi, bagaman makapagbubukas din yaon ng pinto sa sinuman upang makilala sa daigdig. Hindi naman ibig sabihin na kapag nabigong tumanggap ng gawad ang isang tao ay bigo na siyang maituturing sa kaniyang larang. Di-iilang manunulat, gaya ni Iigo Ed. Regalado, ang tumangging tumanggap ng gawad kung nararamdaman nilang ang gawad ay ginagamit na balato, kung hindi man kasangkapang pampolitika, ng mga awtoridad. Pipiliin nila ang manahimik dahil buo ang tiwala nila sa sariling kakayahan, at hindi kailanman mapapupusyaw ng pagkaligta ang kanilang ambag sa piniling larang. Nagbago na ang panahon ngayon. Pinakamagandang halimbawa ang panghihimasok ng pangulo ng Republika ng Filipinas hinggil sa pamimili kung sino ang dapat tanghaling pambansang alagad ng sining. Ang pagpili ng mga tao na mapapabilang sa Orden ng Pambansang Alagad ng Sining ay napakahigpit, at dumaraan sa maiinit na talakayan at deliberasyon ng mga lupong binubuo ng mga kinatawan ng bawat larang ng sining. Pinag-aaralan nang maigi ang naging ambag ng bawat kandidato, at dumarating sa yugtong kinakailangang may isang tagapagtanggol ang kandidato sa harap ng mga lupon upang ipaliwanag kung bakit karapat-dapat magwagi ang kaniyang manok. Ngunit sa oras na makialam ang pangulo, ang kaniyang piniling mga kandidato ay sapilitang maipapasok sa listahan ng mga pararangalan. Karapat-dapat na magwagi bilang Pambansang Alagad ng Sining ang tulad nina Manuel Urbano, Lazaro Francisco, Federico Alcuaz, at Francisco Maosa Ramon Santos na pawang pinili ng mga lupon sa sining. Ngunit por diyos por diyablo, nanghimasok muli si Pang. Gloria Macapagal Arroyo na pumili kina Cecille Guidote Alvarez, Carlo J. Caparas, at Pitoy Moreno! Isang mariing sampal ito sa buong pamayanan ng sining at panitikan, at lalong magpapababa sa kredibilidad ng pambansang institusyon. Hindi ko kaaway sina Alvarez, Caparas, at Moreno ngunit sasabihin kong hindi sila karapat-dapat na mapabilang sa Orden ng Pambansang Alagad ng Sining. Kung kinakailangang bigyan ng gawad si Moreno ay dapat magmula lamang iyon sa hanay ng mga tagadisenyo ng damit at modista. Si Caparas naman ay kasumpa-sumpa kung ihahanay bilang manunulat o direktor ng pelikula, at lalong isusuka kung ibibilang sa larang ng sining biswal yamang hindi naman siya dibuhista o pintor o eskultor. At si Alvarez ay higit na magaling na politiko imbes na direktor ng dula, at ang kaniyang napipintong pagtanggap ng gawad ay lalong mababatikan dahil kabilang siya sa pamunuan ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA/ Pambansang Komisyon para sa Kultura at Mga Sining). Naging tradisyon na yata ng pangulo na bigyan ng parangal ang mga tao na malapit sa kaniyang sirkulo. Ang pagbibigay ng ganitong gawad ay maituturing na balatong pampolitika dahil ang nagwagi ay hindi ang pinararangalan na gaya nina Alvarez, Caparas, at Moreno kundi ang pangulo mismo. Niyuyurakan ng pangulo ang prestihiyong dating taglay ng gawad, at waring sinasabi niyang kaya niyang magpasiya kung ano at sino ang karapatdapat tanggapin sa larangan ng sining. Na hindi makatwiran. Ang tindig ng pangulo ay paglulugar sa mataas na luklukan, at ang awtoridad at pagsang-ayon ay laging nagmumula sa gitna. Isang bituin siyang iniinugan ng maliliit na planeta na kung hindi man sipsip ay kaibigan, at sinumang sumalunga sa kaniya ay walang pagkakataong mabigyan ng parangal. Higit pa rito, ang gawad ay nagiging parang kendi na maipamamahagi lalo kung malapit na ang halalan. Naghahasik ng unos ang pangulo sa panghihimasok muli sa pamimili kung sino ang magiging Alagad ng Sining. Kung nabubuhay marahil si Francisco ay baka tanggihan niya ang gawad, dahil nalulukuban ng kontrobersiya ang isang pinagpipitaganang institusyon. Marahil ay hindi lamang tatanggihan ni Francisco ang gawad kundi babatikusin pa ang pangulo dahil ang ipinangangako nitong panlipunang pagbabago, gaya ng reporma sa lupa, ay nananatiling pangarap lamang ng mga magsasaka, gaya ng mababasa sa kaniyang mga nobela. Ngunit hindi na magagawa pa ito ni Francisco, dahil wala siyang kapangyarihan at impluwensiya gaya ng taglay ng kagalang-galang na Pangulo ng Republika ng Filipinas.

Pagtutuwid: Kabilang si Ramon Santos na batikang kompositor at musiko na pinili at inirekomenda ng lupon sa sining na dapat magwagi ng Gawad Pambansang Alagad ng Sining. Siya, sa aking palagay, ang dapat inuunang parangalan kaysa sa mga isiningit na sina Cecille Guidote Alvarez, Carlo Caparas, Francisco Maosa, at Pitoy Moreno. Ang pagkawala ni Santos sa listahan ay sukdulang panghihimasok ng pangulo sa mga lupon ng tagasala, dahil kaya pala niyang baligtarin kahit ang pangwakas na desisyon ng sirkulo ng mga eksperto sa sining.

You might also like