You are on page 1of 8

BANTUGAN (Epiko ng Mindanao)

Si Prinsipe Bantugan ay kapatid ni Haring Madali sa kaharian ng Bumbaran. Ang prinsipe ay balita sa
tapang at kakisigan, kaya't maraming dalaga ang naaakit sa kanya. Dahil sa pangyayaring ito, si Haring
Madali ay naiinggit sa kapatid. Nag-utos siya na ipinagbabawal na makipag-usap ang sinuman kay
Prinsipe Bantugan. Ang sinumang mahuling makipag-usap sa prinsipe ay parurusahan. Nalungkot si
Prinsipe Bantugan at siya'y naglagalag, siya'y nagkasakit at namatay sa pintuan ng palasyo ng Kaharian
ng Lupaing nasa Pagitan ng Dalawang Dagat. Ang hari rito at ang kapatid niyang si Prinsesa Datimbang
ay naguluhan. Hindi nila kilala si Bantugan. Tumawag sila ng pulong ng mga tagapayo. Habang
sinasangguni nila ang konseho kung ano ang gagawin sa bankay, isang loro ang pumasok. Sinabi ng loro
na ang bangkay ay si Prinsipe Bantugan na mula naman sa Bumbaran at ibinalita naman ang pangyayari
kay Haring Madali.
Nalungkot si Haring Madali. Dali-dali siyang lumipad patungo sa langit upang bawiin ang kaluluwa ni
Bantugan. Nang makabalik si Haring Madali, dala ang kaluluwa ni Bantugan, ay dumating din si Prinsesa
Datimbang na dala naman ang bangkay ni Bantugan. Ibinalik ang kaluluwa sa katawan ni Bantugan.
Nabuhay na muli si Bantugan at nagdiwang ang buong kaharian pati na si Haring Madali.
Samantala, nakarating naman ang balita kay Haring Miskoyaw na namatay si Bantugan, ang matapang
na kapatid ni Haring Madali. Nilusob ng mga kawal niya ang Bumbaran. Itinigil ang pagdiriwang at
nakilaban ang mga kawal ng Bumbaran. Nanlaban din si Prinsipe Bantugan subalit dahil sa siya ay
nanglalata pa dahil sa bagong galing sa kamatayan, siya ay nabihag. Siya'y iginapos, subalit nang
magbalik ang dati niyang lakas, nilagot ni Bantugan ang kanyang gapos at buong ngitngit niyang pinuksa
ang mga kawal ni Haring Miskoyaw. Nailigtas ni Bantugan ang kaharian ng Bumbaran. Ipinagpatuloy ng
kaharian ang pagdiriwang. Nawala na ang inggit sa puso ni Haring Madali. Dinalaw ni Bantugan ang lahat
ng mga prinsesang kanyang katipan. Pinakasalan niyang lahat ito at iniuwi sa Bumbaran na tinanggap
naman ni Haring Madali nang malugod at buong galak. Namuhay si Bantugan ng maligaya ng mahabang
panahon.

INDARAPATRA AT SULAYMAN (Epiko ng Mindanao)


Si Indarapatra ay ang matapang na hari ng Mantapuli. Nabalitaan niya ang malimit na pananalakay ng mga
dambuhalang ibon at mababangis na hayop sa ibang panig ng Mindanao. Labis niyang ikinalungkot ang mga
nangyayaring ito sa mga naninirahan sa labas ng kaharian ng Mantapuli.
Ipinatawag ni Indarapatra ang kanyang kapatid na si Sulayman, isang matapang na kawal. Inutusan ni Indarapatra si
Sulayman upang puksain ang mga ibon at hayop na namiminsala sa mga tao. Agad na sumunod si Sulayman. Bago
umalis si Sulayman, nagtanim si Indarapatra ng halawan sa may durungawan. Aniya kay Sulayman, Sa pamamagitan ng
halamang ito ay malalaman ko ang nangyayari sa iyo. Kapag namatay ang halamang ito, nanganaghulugang ikaw ay

namatay.
Sumakay si Sulayman sa hangin. Narating niya ang Kabilalan. Wala siyang nakitang tao. Walang anu-ano ay nayanig
ang lupa, kaya pala ay dumating ang halimaw na si Kurita. Matagal at madugo ang paglalaban ni Sulayman at ni Kurita.
Sa wakas, napatay rin ni Sulayman si Kurita, sa tulong ng kanyang kris.
Nagtungo naman si Sulayman sa Matutum. Kanyang hinanap ang halimaw na kumakain ng tao, na kilala sa tawag na
Tarabusaw. Hinagupit nang hinagupit ni Tarabusaw si Sulayman sa pamamagitan ng punongkahoy. Nang nanlalata na si
Tarabusaw ay saka ito sinaksak ni Sulayman ng kanyang espada.
Pumunta si Sulayman sa Bundok ng Bita. Wala rin siyang makitang tao. Ang iba ay nakain na ng mga halimaw at ang
natirang iba ay nasa taguan. Luminga-linga pa si Sulayman nang biglang magdilim pagkat dumating ang dambuhalang
ibong Pah. Si Sulayman ang nais dagitin ng ibon. Mabilis at ubos lakas ng tinaga ito ni Sulayman. Bumagsak at namatay
ang Pah. Sa kasamaang palad nabagsakan ng pakpak ng ibon si Sulayman na siya niyang ikinamatay.
Samantala, ang halaman ni Sulayman sa Mantapuli ay laging pinagmamasdan ni Indarapatra. Napansin niyang nanlata
ang halaman at alam niyang namatay si Sulayman.
Hinanap ni Indarapatra ang kanyang kapatid. Nagpunta siya sa Kabalalan at nakita niya ang kalansay ni Tarabusaw.
Alam niyang napatay ito ng kapatid niya. Ipinagpatuloy ni Indarapatra ang paghahanap niya kay Sulayman. Narating niya
ang bundok ng Bita. Nakita niya ang patay na ibong Pah. Inangat ni Indarapatra ang pakpak ng ibon at nakita ang
bangkay ni Sulayman. Nanangis si Indarapatra at nagdasal upang pabaliking muli ang buhay ni Sulayman. Sa di
kalayua'y may nakita siyang banga ng tubig. Winisikan niya ng tubig ang bangkay at muling nabuhay si Sulayman.
Parang nagising lamang ito mula sa mahimbing na pagtulog. Nagyakap ang magkapatid dahil sa malaking katuwaan.
Pinauwi na ni Indarapatra si Sulayman. Nagtuloy pa si Indarapatra sa Bundok Gurayu. Dito'y wala ring natagpuang tao.
Nakita niya ang kinatatakutang ibong may pitong ulo. Sa tulong ng kanyang engkantadong sibat na si juris pakal ay
madali
niyang
napatay
ang
ibon.
Hinanap niya ang mga tao. May nakita siyang isang magandang dalaga na kumukuha ng tubig sa sapa. Mabilis naman
itong nakapagtago. Isang matandang babae ang lumabas sa taguan at nakipag-usap kay Indarapatra. Ipinagsama ng
matandang babae si Indarapatra sa yungib na pinagtataguan ng lahat ng tao sa pook na iyon. Ibinalita ni Indarapatra ang
mga pakikilaban nilang dalawa ni Sulayman sa mga halimaw at dambuhalang ibon. Sinabi rin niyang maaari na silang
lumabas sa kanilang pinagtataguan. Sa laki ng pasasalamat ng buong tribu, ipinakasal kay Indarapatra ang anak ng hari,
ang magandang babaeng nakita ni Indarapatra sa batisan.

MARAGTAS (Epiko ng mga Bisaya)


Ang epikong Maragtas ay kasaysayan ng sampung magigiting, matatapang at mararangal na datu. Ang kasaysayan ng
kanilang paglalakbay mula Borneo patungo sa pulo ng Panay ay buong kasiyahan at pagmamamalaking isinalaysay ng
mga taga-Panay.
Ayon sa ilang ulat at pananaliksik na pinagtahi-tahi at pinagdugtung-dugtong, ganito ang mga pangyayari:
Ang Borneo noon ay nasa pamumuno ng isang malupit at masamang sultan na si Sultan Makatunao. Kinamkam niya
ang lahat ng yaman ng nasasakupan. Kanya ring pinupugayan ng dangal ang mga babae, pati ang mga asawa at anak
na dalaga ng mga datu na nasa ilalim niya.
Isang araw, si Pabulanan, ang asawa ni Datu Paiborong, ang nais halayin at angkinin ng masamang sultan. Nalaman ni
Datu Paiborong ang tangka ni Sultan Makatunao. Nagbalak ang magigiting na datu na manlaban kay Sultan Makatunao.
Nag-usap-usap silang palihim. Naisipan sin nilang humingi ng tulong kay Datu Sumakwel.
Si Sumakwel ay mabait, magalang at matalino. Alam niya ang kasaysayan ng maraming bansa at marami siyang alam
kung tungkol sa paglalayag. Dinalaw ni Datu Paiborong at ni Datu Bangkaya si Sumakwel. Ipinagtapat ng dalawa ang
paglaban na nais nilang gawin. Ayaw ni Sumakwel sa balak na paglaban.
Pinuntahan ni Sumakwel si Datu Puti. Si Datu Puti ay punong ministro ni Makatunao. Sinabi ni Sumakwel ang suliranin

ng mga datu at ang balak na paglaban. Ipinasiya nina Sumakwel at Datu Puti ang palihim na pag-alis nilang sampung
datu sa Borneo. Hindi nila magagapi si Makatunao. Maraming dugo ang dadanak at marami ang mamamatay. Ayaw ni
Datu Puti na mangyari ang ganoon. Iiwan nila ang kalupitan ni Sultan Makatunao at hahanap sila ng bagong lupain na
maaaring pamuhayan nila nang malaya at maunlad. Sila'y mararangal na datu na mapagmahal sa kalayaan.
Nagpulong nang palihim ang sampung datu. Sila'y tatakas sa Borneo. Palihim silang naghanda ng sampung malalaking
bangka, na ang tawag ay biniday o barangay. Naghanda sila ng maraming pagkain na kakailanganin nila sa malayong
paglalakbay. Hindi lamang pagkain ang kanilang dadalhin kundi pati ang mga buto at binhi ng halamang kanilang
itatanim sa daratnan nilang lupain. Madalas ang pag-uusap ni Sumakwel at ni Datu Puti. Batid ni Sumakwel ang
malaking pananagutan niya sa gagawin nilang paghanap ng bagong lupain. Silang dalawa ni Datu Puti ang itinuturing na
puno, ang mga datung hahanap ng malayang lupain.
Isang hatinggabi, lulan sa kanilang mga biniday o barangay, pumalaot ng dagat ang sampung datu kasama ang kanilang
asawa at mga anak at buong pamilya pati mga katulong. Sa sampung matatapang na datu, anim ang may asawa at apat
ang binata. Si Sumakwel ay bagong kasal kay Kapinangan, si Datu Bangkaya ay kasal kay Katorong na kapatid ni
Sumakwel. Ang mag-asawang si Datu Paiborong at Pabulanan, si Datu Domangsol at ang asawang si Kabiling, ang
mag-asawang si Datu Padihinog at Ribongsapaw, Si Datu Puti at ang kanyang asawang si Pinampangan. Ang apat na
binatang datu ay sina Domingsel, Balensuela, Dumalogdog at Lubay.
Ang mga taga-Borneo ay kilala sa tawag na Bisya o Bisaya. Malakas ang loob nila na pumalaot sa dagat pagkat batid
nila ang pagiging bihasa ni Datu Puti at ni Sumakwel sa paglalayag. Nakita nang minsan ni Sumakwel ang isang pulo
makalagpas ang pulo ng Palawan. Alam niya na ang naninirahan dito ay mga Ati, na pawang mababait at namumuhay
nang tahimik. Alam din niya kung gaano kayaman ang pulo.
Nasa unahan ang barangay ni Datu Puti. Makaraan ang ilang araw at gabi nilang paglalakbay, narating nila ang pulo ng
Panay. Ang matandang pangalan nito ay Aninipay.
Bumaba si Datu Puti at naglakad-lakad. Nakita niya ang isang Ati. Siya ay katutubo sa pulong iyon. Pandak, maitim, kulot
ang buhok at sapad ang ilong. Sa tulong ng kasama ni Datu Puti na marunong ng wikain ng katutubo ay itinanong niya
kung sino ang pinuno sa pulong iyon at kung saan ito nakatira. Ipinabalita ni Datu Puti kay Marikudo na silang mga
Bisaya mula sa Borneo ay nais makipagkaibigan.
Si Marikudo ay siyang hari ng Aninipay. Siya ay mabuting pinuno. Ang lahat sa pulo ay masaya, masagana at matahimik
na namumuhay. Walang magnanakaw. Ang lahat ay masipag na gumagawa. Kilala rin sila sa pagiging matapat at
matulungin sa kapwa.
Dumating ang takdang araw ng pagkikita ng mga Ati sa pamumuno ni Marikudo at ng mga Bisaya sa pamumuno ni Datu
Puti. May isang malaking sapad na bato sa baybay dagat. Ito ang kapulungan ng mga Ati. Ito ang Embidayan. Dito
tinanggap ni Marikudo ang mga panauhin. Nakita niya na mabait at magalang ang mga dumating. Ipinaliwanag ni Datu
Puti ang kanilang layong makipanirahan sa pulo ng Aninipay. Nais nilang bilhin ang lupain. Sinabi ni Marikudo na tatawag
siya ng pulong, ang kanyang mga tauhan at saka nila pagpapasyahan kung papayagan nilang makipanirahan ang mga
dumating na Bisaya.
Muling nagpulong ang mga Ati at mga Bisaya sa Embidayan. Nagpahanda si Marikudo ng maraming pagkaing
pagsasaluhan ng mga Ati at mga Bisaya. Dumating mula sa Look ng Sinogbuhan ang mga Bisaya lulan ng sampung
barangay. Nakaupo na sa Embidayan si Marikudo kasama ang kanyang mga tauhan. Katabi ni Marikudo ang kanyang
asawa na si Maniwantiwan. Nakita ng mga Ati ang maraming handog ng mga Bisaya. Ang mga lalaking Ati ay binigyan
ng mga Bisaya ng itak, kampit at insenso. Ang mga babaeng Ati ay binigyan naman ng kuwintas, panyo at suklay. Ang
lahat ay nasiyahan. Nagpakita ng maramihang pagsayaw ang mga Ati. Tumugtog ang Bisaya sa kanilang solibaw, plota,
at tambol habang ang mga lalaki naman ay nagsayaw pandigma, ang sinurog.
Nag-usap sina Marikudo at Datu Puti. Ipinakuha ni Datu Puti ang isang gintong salakot at gintong batya mula sa kanilang
barangay. Ibinigay niya ito kay Marikudo. Nakita ni Maniwantiwan ang mahabang-mahabang kuwintas ni Pinampangan.
Ito'y kuwintas na lantay na ginto. Ibig ni Maniwantiwan ang ganoon ding kuwintas. Pinigil ni Maniwantiwan ang bilihan,
kung hindi siya magkakaroon ng kuwintas. Madaling ibinigay ni Pinampangan ang kuwintas niya kay Maniwantiwan.
Itinanong ni Datu Puti kung gaano kalaki ang pulo. Sinabi ni Marikudo, na kung lalakad sa baybay dagat ng pulo simula
sa buwang kiling (Abril o buwan ng pagtatanim) ay makababalik siya sa dating pook pagsapit ng buwan ng bagyo-bagyo

(Oktubre o buwan ng pag-aani).


Ang lupang kapatagan ay ibinigay ng mga Ati sa mga Bisaya. Ibinigay rin nila ang kanilang mga bahay. Ang mga Ati ay
lumipat ng paninirahan sa bundok.
Madaling isinaayos ni Datu Puti ang mga Bisaya. Si Datu Bangkaya kasama ang kanyang asawa na si Katurong at anak
na si Balinganga at kanilang mga tauhan at katulong ay tumira sa Aklan. Sumunod na inihatid ni Datu Puti sina Datu
Paiborong at asawang si Pabulanon at ang kanyang dalawang anak na si Ilehay at si Ilohay. May mga tauhan ding
kasama si Datu Paiborong na kakatulungin niya sa pagtatanim ng mga buto at binhi na iiwan ni Datu Puti at Datu
Sumakwel. Sina Lubay, Dumalogdog, Dumangsol at Padahinog ay kasama ni Sumakwel. Sila ay sa Malandog naman
maninirahan. Nagpaalam si Datu Puti kay Sumakwel. Kanyang pinagbilinan si Sumakwel na pamunuang mahusay ang
mga Bisaya. Nag-aalala si Datu Puti tungkol sa kalagayan ng iba pang Bisaya sa Borneo sa ilalim ng pamumuno ng
malupit na si Makatunao.
Matapos magpaalam kay Sumakwel, umalis na ang tatlong barangay, kay Datu Puti ang isa, at ang dalawa pa ay sa
dalawang binatang datu na sina Datu Domingsel at Datu Balensuela. Narating nila ang pulo ng Luzon. Dumaong ang
tatlong barangay sa Look ng Balayan. Ipinasya ng dalawang datu na dito na sa Taal manirahan kasama ang mga "Tagailog". Isang araw lamang at umalis na sina Datu Puti at Pinampangan upang bumalik sa Borneo

ULLALIM (Epiko ng Kalinga)


Ang kwento ay nagsimula sa nakatakdang kasal nina Ya-u at Dulaw nang makapulot ng nganga o ua (na tawag ng tagaKalinga). Ang magkasintahan ay naanyayahan sa isang pistahan sa Madogyaya. Nang sila ay nasa Madogyaya, naakit
ang pansin ni Dulliyaw kay Dulaw hanggang si Dulaw ay magkagusto sa kanya. Sa pagplano na ligawan ni Dulaw si
Dulliyaw ay naisip nitong painumin ng alak si Ya-u hanggang sa malasing. Habang si Ya-u ay natutulog sa ibang bahay
ay saka niligawan ni Dulaw si Dulliyaw. Pinakain nito ang babae ng nganga at sinabi niya sa babae na sa pamamagitan
ng pagtanggap niya ng nganga ang ibig sabihin ay tinanggap na niya ang pag-ibig na kanyang iniaalay. Bago siya umalis
ay sinabi niya sa babae na siya ay babalik kinabukasan. Naiwan na nag-iisip ang dalaga.
Kinabukasan sa kalagitnaan ng gabi ay dumating si Dulaw sa bahay nina Dulliyaw. Habang silay kumakain ng nganga,
sinabi nito sa babae na siya ay nagpunta roon upang isama ang dalaga sa kanilang bahay. Nagulat si Dulliyaw sa winika
ng lalaki. Iyon lamang at nagkagulo na ang mga tao sa nayon. Sa pagtakas nila ay nakasalubong sila ng isang lalaki na
may dala-dalang palakol at balak silang patayin. Bago sila maabutan ng lalaki ay nakaakyat na si Dulaw sa isang puno
upang tumakas. Samantala wala namang mangahas na siya ay lusubin kaya naipasiya ni Ya-u na tawagin ang mga
sundalong Espaol ng Sakbawan.
At noon nga si Guwela na kumander ng Garison ay umakyat sa kaitaasan ng Kalinga na kasama ang mga sundalo.
Iniutos niya na dakpin si Dulaw na nakaupo pa rin sa puno. Napag-alaman niya na marami ang tutol sa ginawa niya kaya
wala na siyang lakas na lumaban nang siya ay lagyan ng posas. Sa utos pa rin ni Guwela siya ay dinakip at nakulong sa
Sakbawan.
Makalipas ang tatlong taon na pagkakabilanggo, naging payat na siya. Humingi si Dulliyaw ng nganga kay Dulaw. Kinuha
ni Dulaw ang huling nganga sa bahay at itoy pinagpirapiraso. Bago niya ito maibigay kay Dulliyaw bigla na lamang itong
nawala.
Samantala, sa pook na Magobya naliligo si Duranaw. Sa paliligo niya sa ilog ay nakapulot siya ng nganga. Kinain niya ito
nang walang alinlangan.
Matapos nguyain ang nganga ay bigla na lamang itong nagbuntis hanggang sa siya ay magsilang ng isang malusog na
lalaki at pinangalanan niya itong Banna. Tatlong taon ang lumipas. Si Banna ay mahilig makipaglaro sa mga Agta, subalit
siyay madalas na tinutukso ng kanyang mga kalaro. Sinasabi na kung siya raw ang tunay na Banna ang ibig sabihin ay
siya ang anak ni Dulaw na nakulong sa Sakbawan. Sinumbong niya ito sa kanyang ina ngunit pinabulaanan ito ng
kanyang ina.
Sa isang iglap, si Banna ay naging malakas at naghangad ng paghihiganti. Isang mahiwagang pangyayari ang nagdala
kay Banna pati ng kanyang mga kasama sa Sakbawan. At doon ay kanyang pinatay si Dulliyaw. Sinabi ng isang kasama
ni Banna kay Dulaw na si Banna ay kanyang anak, iyon lang at sila ay dali-daling sumakay sa isang bangka at sa isang
iglap ay nakarating sila sa pook ng Magobya. Mula noon ay nauso na ang kasalan sa kanilang pook.

IBALON (Ang epiko ng Bikol)


5

Kilala ang Bicol sa kanilang matandang epiko na Ibalon na isinalaysay ng isang


makatang manlalakbay na si Cadugnung na isinalin Fr. Jose Castao. Ang nasabing epiko ay
nalathala sa Madrid sa tulong ni Wenceslao Retana.
Ibalon o Ibalnon ang naging tawag ng mga Espaol sa sinaunang lupain ng mga
Bicolano. Naging batayan nito ang mga ibal o ibay na kauna-unahang pangalan ng tangway
ng Bicol. Salitang pinaikli ang ibal ng Ibalyo na nangangahulugan na naging tawiran mula sa
Visaya patungo sa kabilang ibayo sa dakong Timog Luzon.
Binubuo ng sampung saknong na may tig-4 na linya o talutod. May sukat na
lalabindalawahin. May dalawang bahagi ang epiko. Naglalaman ng kahilingan ni Iling (isang
ibong laganap sa kabikulan at kung inaalagaan ay madaling turuang bumigkas ng ilang salita)
kay Cadugnung na awitin ang mga pangyayaring magpakilala sa kabayanihan ni Handyong.
Ang ikalawang bahagi naman ay ang awit ni Cadugnung na naglalaman ng mga
pangyayaring naganap noong matagal na panahon.
Sa pagsisimula ng epiko, si Baltog ang kauna-unahang lalaking nakarating sa Kabikulan
buhat sa lupain ng Botavara. Dahil sa mayamang lupain ng Bicol at sa likas nitong kagandahan,
naakit si Baltog. Isang gabi, tinambangan ni Baltog ang baboy-ramo. Sinaksak niya ang
mabangis na hayop sa pamamagitan ng kanyang sibat. Pagkatapos ay sinunggaban niya ang
mga panga at binali ang buto. Isinabit ni Baltog ang dalawang panga sa puno ng Talisay. Labis
na humanga ang mga mangangasong buhat sa ibang lugar nang kanilang makilala at makita
ang pangit at panga ng baboy-ramo gayundin ang panga nitong nakausli. Ang baboy-ramong
ito ay buhat daw sa bundok ng Lingyon at tinatawag na Tandayag.
Dahil sa ipinamalas ni Baltog na pambihirang lakas kayat kinilala siyang pinuno ng pook
na Ibalon. Naging mabuti siyang pinuno. Binigyan niya ng katarungan ang lahat ng kanyang
nasasakupan.
Matapos ang panahon ng kapayapaan at kasaganaan, naghari naman sa buong Ibalon
ang lagim at kapinsalaan dahil sa poot ng mga dambuhalang tulad ng mga pating na may
pakpak, kalabaw na lumilipad at higanteng buwaya.
Nalungkot si Baltog dahil siya ay matanda na at hindi na niya kayang ipagtanggol ang
kanyang mga nasasakupan.
Hindi nagtagal, isang batang-batang mandirigma ang
nagngangalang Handyong ang dumating sa Ibalon. Nang marinig niya ang karaingan ng mga
tao ay muli siyang naging tagapagligtas. Naging matagumpay naman siya sa paglipol ng mga
dambuhala. Hinikayat ni Baltog si Handyong na magkaroon ng isang pangkat ng mga
mandirigma upang tumulong sa paglipol ng mababangis na dambuhala. Kayat mula noon si
Handyong naman ang humaliling bayani ng epiko.
Nakalaban din at napatay ni Handyong si Ponong nang bigla itong lumusob sa kanila.
Isa rin itong dambuhala na iisa ang mata at tatlo ang bibig. Ito ay napatay ni Handyong. Ang
labanan ay umabot ng sampung buwan. Ang pating na may pakpak at Simarong kalabaw na
lumilipad ay nalipol lahat. Ang mabangis na Sarimaw ay itinaboy sa bundok ng Kolasi. Ngunit
isa pang dambuhala ang nakaligtas sa kamay ni Handyong. Siyay si Oryol, isang tusong ahas
6

na nakukuhang maging isang anyo ng kaakit-akit na babae at ang tinig ay parang sirena. Ang
mapanlinlang na serpyente ay nagtatangkang gayumahin si Handyong. Sa kabila ng pang-aakit
na ginawa kay Handyong, pinatunayan ni Oryol na hindi niya mapapasuko si Handyong, kayat
naghandog siya ng tulong upang mapuksa ang mga dambuhalang buwaya sa ilog Bicol.
Pagkatapos ng labanan, ang ilog Bicol ay namula sa dugo ng mga buwaya. Nasaksihan ng
ilang orang-utang ang labanang ito at silay nasindak.
Nang malipol ang mga dambuhala sa pook, namahinga si Handyong. Mula noon siyay
nagpatuloy sa pamamahala sa kanyang mga kababayan nang buong tapat at katalinuhan. Sa
kanyang pagpapahinga siyay nagtanim ng gabi ang laman ay kasinlaki ng pansol. Nagtanim
din siya ng isang uri ng palay na nagtataglay ng kanyang pangalan. Lalo siyang napamahal sa
kanyang mga sakop nang nahikayat niya nang buong lugod ang mga mamamayan upang
gumawa ng mga kapaki-pakinabang na kasangkapan sa ikakabuti ng lipi.
Binanggit din sa epiko na si Handyong ang kauna-unahang gumawa ng bangkang
naglayag sa ilog Bicol na si Cuinantong. Lalong naging kahanga-hanga si Cuinantong nang
magdagdag siya ng timon at layag sa bangkang gianwa niya. Ginawa rin ni Cuinantong ang
araro, suyod, pagalong, singkaw, gulok, asarol at salop. Ang iba pang nagsigawa ng
kasangkapan ay si Hablom na tumuklas ng habihan, ang unanong si Dinahon naman ang
lumikha ng tapayan, kalan, palayok at iba pa. Si Surat naman ang gumawa ng ABAKADA at
inukit sa batong libon.
Inilalarawan din sa epiko ang bahay nina Handyong na kung tawagin ay moog
sapagkat itoy nakasalalay sa punongkahoy. Alinsunod sa epiko silay tumatahan sa itaas ng
punungkahoy upang maiwasan ang labis na init at maligtas ang mga sarili sa insektot hayop na
naglipana sa pook. Ibinigay ni Handyong ang batas na makatarungan na magpapahintulot na
manirahan nang sama-sama ang alipin at umaalipin nang may karangalan at katiwasayan sa
pamilya.
Sa gitna ng kapayapaang naghahari sa lupain ay nagkaroon ng isang delubyo. Ang
baha ay kagagawan ni Inos. Isang nakasisisndak na bagyo na may kasamang malakas na ulan
ang nasabing delubyo. Pagkatapos ng delubyo, isang tangway ang lumitaw na ngayon ay
tinatawag na Pasacao. Nagbago rin ang takbo ng agos ng ilog Inarihan. Ang epiko ay
nagwakas sa kasaysayan ni Bantong, isang batang-batang kaibigan ni Handyong na lagi niyang
kasa-kasama. Sa panahong iyon, ang katahimikan ng Ibalon ay muling binulabog ni Rabut,
isang dambuhalang kalahating tao at kalahating hayop ang katawan.
Siyay isang
mangkukulam at nagagawa niyang bato ang sinuman.
Isang araw, kasalukuyang bumabaha, nagtungo si Bantong kasama ang kanyang mga
tauhan sa yungib at sinalakay si Rabut samantalang itoy natutulog. Tinaga ni Bantong ang
tulog na dambuhala. Namilipit sa sakit sa Rabut at umalingawngaw ang kanyang tinig sa buong
bayan.
Dinala ni Bantong ang bangkay ni Rabut sa Libnaman. Ipinakita niya kay Handyong ang
dambuhala at hindi siya makapaniwala sa kapangitan ni Rabut. Dito nagwakas ang salin ni Fr.
Jose Castao:
7

Nangako si Cadugnung na ipagpapatuloy niya ang kuwento sa ibang araw. Subalit


maaaring hindi na naisalin ang iba pang bahagi ng epiko o kaya hindi na natapos kung kayat
nananatiling walang karugtong ang epiko.

You might also like