Professional Documents
Culture Documents
by Roberto Aonuevo
Nainip sa ilalim ng karagatan si Amansinaya, ang bathala ng tubigan, noong
musmos pa ang daigdig. Wala siyang makitang kaaya-aya, kundi ang
malalamig na bato sa pusod ng dagat; o ang mapuputing buhangin sa gilid
ng pasigan. Wala siyang makausap, at nayamot siya sa paglipas ng mga
araw. Umulan man at umaraw, ang kaniyang kapangyarihan ay nanatiling
nakapaloob sa tubigan. Tubig, tubig, tubig ang kaniyang kapangyarihan at
ang malimit niyang bukambibig.
Ngunit ano ang silbi ng kapangyarihan kung siya lamangsi Amansinaya
ang nakababatid? Kailangang subukin niya ang hanggahan ng kaniyang
lakas, talino, at loob. Kailangan niyang ilabas ang kapangyarihan sa loob ng
kaniyang katauhan. Nag-isip siya ng mga paraan, at nilibot niya ang
kaniyang nasasakupan: ilog, lawa, tangway, dagat, at iba pang malalalim na
guwang ng lupang nagsilbing imbakan ng tubig-ulan.
Napansin siya ni Araw at nagwikang, Kay-lungkot mo naman, kaibigan, nagiisa ka riyan at tila walang kabuluhan!
Nagpanting ang tainga ni Amansinaya. Walang sinuman ang nakauuyam sa
kaniya noong una pa man. Ipakikita ko sa iyo ang aking kapangyarihan,
mabilis na sambit ni Amansinaya kay Araw. Sumigaw nang malakas si
Amansinaya at ang kaniyang sigaw na umalingawngaw ay nagpaalimbukay
ng mga alon. Lumitaw ang matitinding daluyong na nagpabaha sa mga
baybayin at nagpalubog ng ilang pulo. Paulit-ulit na sumigaw si Amansinaya
at nagdulot iyon ng dambuhalang ipuipo sa laot. Pagdakay umahon sa
tubigan ang marahas na buhawi na pumuwing sa mabibilog na mata ni Araw.
Nagulantang si Araw. Humingi siya ng paumanhin kay Amansinaya. Mula
noon, ang kinaugaliang-anyo ni Araw ay tila umaahon siya sa silangang
dagat tuwing umaga, at lumulubog naman sa malalim na kanlurang dagat
tuwing dapithapon. Paulit-ulit ginagawa yaon ni Araw ayon sa takdang
panahon upang ipagunita sa sinumang makasasaksi ang anyo ng
nagkakasundong tubig at liwanag.
Hindi na muling biniro ni Araw si
Amansinaya. At hindi na rin kinayamutan ni Amansinaya si Araw.
Gayon man ay hindi pa rin nasiyahan si Amansinaya. Sa ibabaw ng kaniyang
mga palad, nilikha niya ang dalawang saray ng tubig sa karagatan. Ang
kaliwang kamay niya ang nagpabukal ng ibabang saray: malamig, mabigat,
at hindi kayang arukin ng liwanag. Samantalang ang kanang kamay ay
nagpabukal ng itaas na saray: mainit-init, magaan, at yaon lamang ang
hanggahan na kayang abutin ng sinag ng araw. Hindi kailanman naghahalo
ang dalawang uri ng tubig. Isang paalala rin iyon na hindi kailanman
mababatid o maaarok ng sinag ng araw ang hiwaga ng tubigan. Kung ibig ni
Amansinaya na matulog ay darako siya sa ibabang saray. At kung ibig
magpaaraw ay tutungo sa itaas na saray. Gayon ang paulit-ulit niyang
ginagawa sa paglipas ng panahon.