You are on page 1of 3

ALAMAT NG KARAGATAN

by Roberto Añonuevo

Nainip sa ilalim ng karagatan si Amansinaya, ang bathala ng tubigan, noong musmos pa ang
daigdig. Wala siyang makitang kaaya-aya, kundi ang malalamig na bato sa pusod ng dagat;
o ang mapuputing buhangin sa gilid ng pasigan. Wala siyang makausap, at nayamot siya sa
paglipas ng mga araw. Umulan man at umaraw, ang kaniyang kapangyarihan ay nanatiling
nakapaloob sa tubigan. Tubig, tubig, tubig ang kaniyang kapangyarihan at ang malimit
niyang bukambibig.

Ngunit ano ang silbi ng kapangyarihan kung siya lamang—si Amansinaya—ang


nakababatid? Kailangang subukin niya ang hanggahan ng kaniyang lakas, talino, at loob.
Kailangan niyang ilabas ang kapangyarihan sa loob ng kaniyang katauhan. Nag-isip siya ng
mga paraan, at nilibot niya ang kaniyang nasasakupan: ilog, lawa, tangway, dagat, at iba
pang malalalim na guwang ng lupang nagsilbing imbakan ng tubig-ulan.

Napansin siya ni Araw at nagwikang, “Kay-lungkot mo naman, kaibigan, nag-iisa ka riyan at


tila walang kabuluhan!”

Nagpanting ang tainga ni Amansinaya. Walang sinuman ang nakauuyam sa kaniya noong
una pa man. “Ipakikita ko sa iyo ang aking kapangyarihan,” mabilis na sambit ni
Amansinaya kay Araw. Sumigaw nang malakas si Amansinaya at ang kaniyang sigaw na
umalingawngaw ay nagpaalimbukay ng mga alon. Lumitaw ang matitinding daluyong na
nagpabaha sa mga baybayin at nagpalubog ng ilang pulo. Paulit-ulit na sumigaw si
Amansinaya at nagdulot iyon ng dambuhalang ipuipo sa laot. Pagdaka’y umahon sa tubigan
ang marahas na buhawi na pumuwing sa mabibilog na mata ni Araw.

Nagulantang si Araw. Humingi siya ng paumanhin kay Amansinaya. Mula noon, ang
kinaugaliang-anyo ni Araw ay tila umaahon siya sa silangang dagat tuwing umaga, at
lumulubog naman sa malalim na kanlurang dagat tuwing dapithapon. Paulit-ulit ginagawa
yaon ni Araw ayon sa takdang panahon upang ipagunita sa sinumang makasasaksi ang
anyo ng nagkakasundong tubig at liwanag. Hindi na muling biniro ni Araw si Amansinaya.
At hindi na rin kinayamutan ni Amansinaya si Araw.

Gayon man ay hindi pa rin nasiyahan si Amansinaya. Sa ibabaw ng kaniyang mga palad,
nilikha niya ang dalawang saray ng tubig sa karagatan. Ang kaliwang kamay niya ang
nagpabukal ng ibabang saray: malamig, mabigat, at hindi kayang arukin ng liwanag.
Samantalang ang kanang kamay ay nagpabukal ng itaas na saray: mainit-init, magaan, at
yaon lamang ang hanggahan na kayang abutin ng sinag ng araw. Hindi kailanman
naghahalo ang dalawang uri ng tubig. Isang paalala rin iyon na hindi kailanman mababatid
o maaarok ng sinag ng araw ang hiwaga ng tubigan. Kung ibig ni Amansinaya na matulog ay
darako siya sa ibabang saray. At kung ibig magpaaraw ay tutungo sa itaas na saray. Gayon
ang paulit-ulit niyang ginagawa sa paglipas ng panahon.

Napansin ni Ulap ang gawi ni Amansinaya. Si Ulap, na nag-iingat ng maraming abram at


bangang puno ng asin, ay biniro ang bathala ng tubigan. “Kaya kong sakupin ang pook mo!”
pahaging ni Ulap. Maya-maya’y nagdilim ang paligid. Mabilis na bumaba si Ulap at
nagkunwaring sasakupin nga ang lunan ni Amansinaya. Bumalikwas si Amansinaya na
naniwalang tototohanin ni Ulap ang banta. Biglang pumalakpak si Amansinaya nang
napakalakas at nagdulot iyon upang umalimbukay ang mga alon. Sinalpok ng mga alon ang
katawan ni Ulap; at nayanig at nagbagsakan ang mga abram at bangang nakapatong sa
kaniyang ulo. Nabigla si Ulap; at hindi niya napigilan ang pagtapon ng napakaraming asin
sa karagatan, at yaon ang simula kung bakit umalat ang mga dagat sa daigdig. Natakot na
rin si Ulap na muling biruin si Amansinaya.

Pagkaraan niyon, lumikha ng sariling pamantayan si Amansinaya sa loob ng kaniyang sarili:


ang pamantayan na kakaiba sa pamantayan ng iba pang bathala ng kalawakan. Binunot
niya ang ilang hibla ng kaniyang buhok at ipinukol sa karagatan. Ang mga buhok ay
kahanga-hangang naghunos na makukulay na damong-dagat, pagang, at halamang-tubig.
Bumunot ng balahibo si Amansinaya sa kaniyang bisig at dibdib; at ang mga balahibo-nang
ihagis niya sa dalampasigan-ay naghunos na matitigas na bakawan. Dumami nang dumami
ang kaniyang likha, at naibigan niya ang nasaksihan.

Patuloy na nag-isip si Amansinaya hinggil sa susunod na hakbang. Nakapangalumbaba siya


habang nagbubulay; at nakatitig man siya sa malayo’y ni walang ibang nakikita kundi ang
kawalan. Magdamag niyang binalangkas ang susunod na hakbang. Ngunit walang pumasok
sa kaniyang noo. Sa labis na kaiisip ay kumalam ang kaniyang sikmura. Kumalam nang
kumalam ang sikmura ng bathala. Di-kawasa’y naramdaman niyang tila lalong tumindi ang
kaniyang kapangyarihan at sasabog ang kaniyang tiyan. Iniluwa ni Amansinaya ang laman
ng kaniyang tiyan; at ang anumang bagay na lumabas sa kaniyang bibig ay naging isda,
balilan, at page. Nabuo ang pating, buwaya, at pagong. Kumislot ang alimango, hipon, at
salabay. Sumuka nang sumuka si Amansinaya at nabuhay ang kabibe, palos, at dugong.
Dumami nang dumami ang lamandagat, at walang ano-ano’y naglaho ang paghilab ng tiyan
niya. Natuwa si Amansinaya sa naganap. Bagaman waring nagasgas ang kaniyang
lalamunan, ilong, gilagid, at dila ay hindi niya inalintana ang gayong karanasan. Gumaan
ang pakiramdam ni Amansinaya sa unang pagkakataon, at iyon ang kaniyang higit na
kinalugdan.

Nilibot ni Amansinaya ang kaniyang nasasakupan. Sumakay siya sa mga alon, at nakita niya
mula sa malayo ang ilang tao doon sa gilid ng dalampasigan. Tinitigan niya ang kanilang
hulagway, ang hulagway na tila nag-iisip nang malalim doon sa hiwaga ng karagatan. May
pumitlag na pagmamahal sa dibdib ng bathala. Walang ano-ano’y pinaahon niya sa
dalampasigan ang mga pusit at natuwa ang mga tao. Pinalapit ng bathala sa mga baybayin
ang mga isda at lalong natuwa ang mga tao. Natutuhan ng mga tao na iluto at kainin ang
bigay ng mapagpalang mga agos. Hindi na sila nagutom nang panahong iyon. Mula noon,
kinilala nila ang angking kapangyarihan ni Amansinaya at ang lahat ng kaniyang likhang
nananahan sa tubigan.

Ngunit dumating ang panahong naging tamad ang mga tao. Hindi nila pinahalagahan ang
mga ilog, lawa, at dagat. Binalewala rin nila ang maylikha ng mga lamandagat. Hindi
nagtagal, nagalit si Amansinaya sa mga tao at tiniyak na kailangan munang magpawis ang
sinumang mangingisda at magdaragat bago makatikim ng kaniyang mga likha. Dumanas ng
taggutom ang mga tao nang dumating ang di-inaasahang mga bagyo at mahahabang tag-
araw. At ang mga tao, natauhan sila sa kanilang maling asal at nagbalik-loob sa bathala ng
tubigan.

Mula noon, nagsikap at natuto ang mga mangingisda at magdaragat na sumakay sa mga
alon samantalang ginagamit ang palatandaan ng mga bituin, simoy, at agos sa paglalayag;
nagpakadalubhasa sa paglutang, paglangoy, o pagsisid sa tubigan gaya ng ibang
lamandagat. Tinangka rin nilang bumuo ng kani-kanilang bangka, balangay, at benawa;
tinuklas ang paghahayuma ng lambat at ang bisa ng kawil o pana; at pinag-aralan ang
paggawa ng gaya ng salakab, baklad, at palaisdaan. Nakabuo ang mga tao ng mga pananalig
habang pinagpupugayan si Amansinaya. Lumikha ng mga tula o awit ang mga magdaragat
at mangingisda; at pinarangalan ang nagbibigay sa kanila ng ginhawa habang nabubuhay.
Iginalang nila at pinangalagaan ang tubigan; at itinuturing na ang kanilang mga buhay ay
kaugnay ng buhay ng tubigan.

Umapaw nang umapaw ang kaligayahan sa puso ni Amansinaya sa nasaksihan. At itinakda


niya nang sandaling yaon ang pantay-dagat sa buong daigdig upang maging batayan sa pag-
iral ng sangkatauhan.

You might also like