You are on page 1of 3

Introduksyon

Marami pa ring kababalaghan at katanungan ang bumabalot sa pagdedeklara ng Martial Law ni


dating Pangulong Ferdinand Marcos. Halina’t siyasatin natin kung ano ba ang nangyari sa
Pilipinas sa ilalim ng Batas Militar.

Ika-21 ng Setyembre 1972 – idineklara ni Marcos ang Proclamation No. 1081 o ang Batas
Militar (Martial Law sa Ingles). Ngunit isinapubliko ito at napanood ang pagdedeklara dalawang
araw matapos ito pagtibayin. Matapos ipinalabas ang proklamasyon, agad na ipinaaresto ang
mga katunggali ni Ferdie sa pulitika, at mga demonstrador. Ipinasara ang mga istasyon ng
telebisyon, radyo at palimbagan ng mga dyaryo. Hinigpit ang seguridad at nagpatupad ng curfew
sa buong kapuluan.

Idineklara ang Martial Law dahil sa assassination plot laban kay dating Defense
Secretary/Minister at ngayo’y Senate President Juan Ponce Enrile, paglakas ng pwersa ng mga
komunistang grupo at patuloy na kaguluhan sanhi ng mga demonstrasyon laban sa pamahalaan
at ang pagpapasabog sa Plaza Miranda. Hangad ng Martial Law na ‘iligtas’ ang republika mula sa
mga masasamang elemento at bumuo ng ‘Bagong Lipunan’.

“Iligtas ang Republika”

Layong iligtas ang republika mula sa mga masasamang elemento katulad ng mga komunista sa
pamamagitan ng pagdedeklara ng Batas Militar. Imbes na humina at mawala ang mga
komunista, lalong lumakas at dumami ang kanilang mga miyembro, nag-alab sila laban sa
rehimeng Marcos. Mas tumindi ang giyera sa pagitan ng gobyerno at mga komunista kaya
maraming inosente ang namatay sa salpukan ng dalawa. Ang mga mamamahayag ay
napagbintangan na sila’y kasapi ng mga grupong Communist Party of the Philippines at New
People’s Army kaya marami ang kaso ng extrajudicial killings sa panahon ng panunungkulan ni
Macoy. Maski mga ordinaryong tao ay pinagbintangan kaya ang iba sa kanila’y sinaktan, pinatay
at ipinahiya sa harap ng mga mamamayang takot at mabilis maniwala sa mga sabi ng gobyerno.

Bagong Lipunan

Hangad ni Marcos na baguhin ang lipunan sa pamamagitan ng Batas Militar. Nabago nga niya
ang lipunan dahil takot na ang mga Pilipino sa kanya. Malaki ang ipinagbago ng kalagayang
pangkalusugan at pangkalinisan – nawala ang mga basura sa daan at ang paligid ng mga tahanan
ay naging malinis at napanatiling malinis ng mga tao na rin. Nabawasan ang mga pasugalang
ipinagbabawal lalo na sa pangunahing lungsod ng Maynila. Nagkaroon ng kapayapaan at
katahimikan sa mga pook ng paaralan na dati-rati’y may ligalig at karahasan.

Napapaloob ang mga programa ng reporma ng pamahalaan sa salitang “PLEDGES” na ang ibig
sabihin ay: P-eace and Order (Kapayapaan at Kaayusan); Land Reform (Reporma sa
Lupa); Economic Development (Kaunlaran sa Kabuhayan);D development of moral
valuesGovernment Reforms (Mga Pagbabago sa Pamahalaan); Educational Reforms (Mga
Pagbabago sa Sistema ng Edukasyon); Social Services (Serbisyong Panlipunan).
Itinuturing na maganda ang programa ngunit ang mga repormang naipangako ay hanggang sa
papel lamang. Kung mayroon mang pagbabago at nangyari lamang sa mga unang taon ng
Bagong Lipunan.

Ang kanyang ‘Bagong Lipunan’ ay nabalot ng mga pangamba at takot dahil sa isang utos niya
lang, dapat sumunod at maniwala ang lahat o ipapapatay sila. Hatid niya ang bagong Pilipinas na
puno ng kaharasan at patayan.

Marami ngang nagawa, mas marami pa ang ninakaw sa kaban ng bayan

Oo’t marami nga siyang nagawa sa kanyang 21 taon na panunungkulan. Nandyan ang San
Juanico Bridge, Cultural Center of the Philippines, Lung Center at Heart Center, ang mga
programang Green Revolution, reporma sa Lupa, North Luzon at South Luzon Expressway at iba
pa. Sabi ng ilan, mas mura ang mga bilihin noon kesa bago pa at pagkatapos ni Marcos ngunit
hindi nila alam na binabantaan ng pamahalaan ang mga nagtitinda na panatilihin sa mababang
presyo ang mga bilihin upang mas maging epektibo ang “Bagong Lipunan”. Ngunit sa mga iba
niyang proyekto ay sukdulan ang paglabas ng pera mula sa kaban ng bayan upang ibigay sa
kanyang mga kaibigan at kamag-anak. Naging kontrolado ng kanyang pamilya ang ekonomiya
kaya noong pinatalsik siya, pinabagsak nila ng husto ang ekonomiya ng bansa.

Pagbabago sa Pamahalaan at Saligang Batas

Nagkaroon ng malaking pagbabago sa pamahalaan mula nang ipahayag ang Martial Law. Ang
Kongresyo na siyang gumagawa at bumabalangkas ng mga batas ay binuwag. Naalisan ng
tungkulin ang mga senador at kinatawan. Sa ilalim ng Batas Militar, nagkaroon ang Pangulo ng
kapangyarihang lehislatibo. Gumawa siya ng mga Kautusang Pampanguluhan (presidential
decree), Kautusang Pangkalahatan (General Order) at Liham Pagpapatupad (Letter of
Instruction). Ang mga ito ang mangangasiwa sa Pamahalaan at lahat ng mga sibilyang
kapangyarihan. Ang Kautusang Pampanguluhan ay may bisa at lakas tulad ng mga batas na
ipinapalabas ng dating Kongreso.

Agad na ipinabuwag ang Saligang Batas ng 1935 at dagliang gumawa ng Kumbensyong


Konstitusyonal na siyang gagawa ng bagong saligang batas. Ilan sa mga delegado sa kumbensyon
ay sina dating Pangulong Carlos P. Garcia at Diosdado Macapagal, ang ilang mga kasapi ay mula
sa pampublikong sektor at simbahang Katolika. Kaya nang naiharap at naipasa kay Marcos ang
saligang batas, naging magulo ang pamahalaan. Matapos maipasailalim sa bagong konstitusyon
ang bansa, naging dalawa ang tungkulin ni Marcos, ang maging Pangulo at Punong Ministro, ang
Kongreso’y napalitan ng Batasang Pambansa.

Sa ilalim ng Batas Militar, ang Pilipinas ay para bang nakasakay sa isang roller coaster, dahil sa
magulong sistema ng pamahalaan at lipunan. Maraming inosente ang namatay dahil sa mga
maling bintang at ang ating ipinagmamalaking sandatahan ay naging death machine ni Marcos
laban sa mga katunggali niya. Ang kanyang mga sinabi sa kanyang inagurasyon noong 1965, mga
proyekto niyang nakatulong sa nakararami ay nabahiran na ng dungis dahil sa kanyang
pagdedeklara ng Proklamasyon Blg. 1081.
Inihatid niya ang Pilipinas sa daang bagsak ang ekonomiya, hati ang pananaw ng buong
populasyon at mga giyera dahil sa iba’t-ibang paniniwala. Nawalan ng pag-asa ang mga
Pilipinong biktima ng Martial Law upang makabangon.

Ngunit sa matuwid na daan, ang bawat isa ay dapat maniwalang may pag-asa pa, dahil tayo rin
ang uukit ng maganda at bagong bukas. Tayo rin ang maghahatid sa ating mga sarili sa
matiwasay na bansa, tungo sa kaunlaran. Huwag na natin sayangin ang panahon at ituwid natin
ang kamalian, baguhin ang sistema at pag-isahin ang hangarin nating bagong Pilipinas.

You might also like