You are on page 1of 1

Idineklara ang Batas Militar noong ika-21 ng Setyembre, taong 1972 sa bisa ng Proklamasyon

Blg. 1081 na nilagdaan ng dating pangulong Ferdinand Marcos. Ang hakbang na ito ay binatikos ng
maraming puna at pagtuligsa mula sa mga Pilipino at pagbabago sa estado ng Pilipinas. Ayon sa
pangulong Marcos, idineklara niya ang pagpapatupad ng Batas Militar sa dalawang kadahilanan. Una ay
upang iligtas ang Pilipinas sa kamay ng mga kaaway nito. Pangalawa ay upang magtatag ng isang
bagong lipunan na makapagdudulot ng ibayong kaunlaran, kapayapaan at seguridad sa sambayanang
Pilipino.
Ipinaliwanag pa ni pangulong Marcos na kinakailangan ang Batas Militar upang bigyang
proteksiyon ang demokrasya ng bansa sa mga kaaway nito tulad ng mga kumunistang CCP-NPA at
PKP-HMB, Moro National Liberation Front na naghahangad magtayo ng sariling bansa sa Mindanao sa
pamamagitan ng armadong pagkilos, mga maka-kanan na grupong radikal sa simbahan, mga grupong
oligarkiko, at mga dayuhang nanghihimasok sa panloob na kalagayan ng bansa. Ayon sa kanya,
kinakailangan ng bansa ng malakas na pwersa upang matugunan ang hamon ng mga kaaway at
maprotektahan ang bansa.
Isa sa mga layunin ng pagdedeklara ng Batas Militar ay ang pagtatatag ng isang bagong
lipunang makatao, maka-Diyos at makabayan at may pitong haligi. Ito ay ang (1) pambansang
pagkakaisa, (2) pambansang pagkakakilanlan, (3)kaunlaran at kasaganaan, (4) demokrasya salig sa
maraming paglahok ng tao, (5) katarungang panlipunan, (6) internasyonalismo at pakikiisa sa sanlibutan
at (7)kalayaan sa paniniwala. Pitong aspeto naman ang binibigyang-diin ng mga programang
pangreporma: (1) ang katahimikan at katiwasayan, (2) lupa at sakahan, (3) kabuhayan, (4) edukasyon,
(5) reorganisasyon ng pamahalaan, (6)paggawa at (7) serbisyong panlipunan.
Binale-wala ng mga kritiko ni Marcos ang kanyang mga binanggit na kadahilanan. Ayon sa
kanilang paniniwala, ang pagdeklara niya ng Batas Militar ay isa lamang daan upang mapahaba ang
kanyang pananatili sa posisyon. Dagdag pa ng mga kritiko, malaki ang takot ni Marcos sa hahalili sa
kanya sa Malacanang. Isa na rito si Senador Benigno Aquino Jr., ang kanyang pangunahing kalaban sa
pulitika, at tinatayang siyang may malaking pag-asa sa posisyon ng pagkapangulo. Tiyak na niya ang
pagpapasiyasat nito sa malaking katiwaliang nagaganap sa kanyang administrasyon.
Humina ang kapangyarihan ng Mataas na Hukuman dahil sa pagkakatatag ng mga military
tribunal at military commission. Ang lahat ng kapangyarihan ng pamahalaan ay naipon sa kamay ni
Marcos at sa hukbong military.
Maraming bagay ang mga ipinagbawal tulad nang pagtuligsa sa pamahalaan sa pahayagan,
radyo, at telebisyon. Ipinagbawal din ang pampublikong pagtitipon na may temang pulitikal. Maliban sa
maigting na pagsesensor, mahigpit na ipinapatupad ang curfew. Dinarakip ang sinumang nasa labas ng
bahay mula hatinggabi hanggang ikaapat ng umaga. Ang mga piitan sa ibat ibang kampo ng hukbong
military, higit sa lahat ay sa Camp Aguinaldo, Crame at Fort Bonifacio, ay napuno ng mga taong ibat iba
ang dahilan nang paglabag sa batas ng curfew. Kabilang na rito ang mga kalaban sa pulitika ni Marcos
na sina Senador Benigno Aquino Jr., Senador Jovito Salonga at Senador Jose Diokno.
Dahil sa krisis sa langis noong 1973, sinikap ng pamahalaan na tumuklas ng langis at pasiglahin
ang paghahanap ng alternatibong enerhiya. Nagtayo ito ng mga plantang geothermal at hydro-electric.
Gumawa din ito ng plantang nukleyar sa Bataan. Upang magkaroon ng sapat na pagkain at masaganang
pamumuhay, itinaguyod ng pamahalaan ang ibat ibang programa tulad ng Green Revolution (gulayan),
Blue Revolution (isda at pagkaing dagat), Palayan ng Bayan, Masagana 99 (magkaroon ng ani na 99
kaban bawat ektarya), Masaganang Maisan, Kilusang Kabuhayan at Kaunlaran (KKK) at Sariling Sikap.
Batas Militar sa Pilipinas
Jan Myckel Perez
BS IT-1
Filipino 1

You might also like