You are on page 1of 11

MAHAHALAGANG PAG-UNAWA

1. Ang kasaysayan ay nagsisilbing gabay sa mga tao upang maiwasan ang kamalian ng nakalipas at
mapaghandaan ang mga posibleng kaganapan.
2. Kinakailangan ng mga batayan o batis upang matukoy ang katotohanan ng isang bagay, kaganapan,
o paninindigan.
3. Ang karanasan ang humuhubog sa kakayahan ng isang tao, lipunan, o bansa.

TALASAYSAYAN
• estetika – tumutukoy sa pagpapakita ng kagandahan sa sining at kalikasan
• burukrasya – katawan ng isang malaking organisasyon tulad ng pamahalaan ng isang bansa
• epistemolohiya – teoryang sumusuri o nagsisiyasat hinggil sa pinagmulan ng kaalaman o kabatiran
• fauna – tumutukoy sa mga hayop na nakikita sa kapaligiran
• flora – tumutukoy sa mga halaman na nakikita sa kapaligiran
• fossil – labi ng mga hayop o halaman
• mananalaysay – dalubhasang sumusulat ng kasaysayan na nagtakda ng masugid na pag-aaral ng mga
datos na pinagkukunan; tagapagsalaysay ng kasaysayan
• metapisika – sangay ng pilosopiya na nagsisikap mabigyang-linaw ang batayang pinagmulan ng mga
bagay
• prehistoriko – tumutukoy sa panahon na wala pang tala o nakasulat na kasaysayan
• relikya – mga kasangkapan o bahagi ng labi ng isang banal na tao
Kahulugan ng Kasaysayan
Ano ba ang kahulugan ng kasaysayan? Ang kadalasang sagot ay pag-alaala sa petsa, pangalan ng
mga tao o mga lugar, at mga pangyayari sa nakalipas. Ngunit kung susuriing mabuti, ang
pagpapakahulugan sa salitang kasaysayan ay mababatid sa pamamagitan ng pagtingin sa salitang-ugat
nito—ang saysay na ang ibig sabihin ay “halaga.” Kung gayon, ang kasaysayan ay paglalahad ng
mga pangyayaring may saysay o halaga.
Kahalagahan ng Kasaysayan
May pagpapahalaga ba tayong mga Pilipino sa ating kasaysayan? Paano natin dapat pahalagahan
ang ating kasaysayan bilang isang bansa at lipi? Suriin natin ang pananaw ng mga mananalaysay
patungkol sa kahalagahan ng kasaysayan.
Ayon kay Fr. Jose S. Arcilla, SJ, isang propesor sa kasaysayan, ang mga estudyante ng kasaysayan
ay dapat gumugugol ng oras upang masusing maunawaan ang mga pangyayari sa nakalipas. Dagdag
pa niya na kapag nabatid na ito ng estudyante, maiuugnay na niya sa iba pang pangyayari ang isang
pangyayari na bahagi ng pangkahalatang kasaysayan.
Ayon naman kay Gat Jose Rizal, nais niyang maikintal ang pagpapahalaga sa kasaysayan bilang
kasangkapan sa pagsulong ng nasyonalismo na masasalamin sa mga kataga na: “Ano ka sa hinaharap,
ang taong walang personalidad, ang bayang walang kalayaan, ang lahat ng sa iyo ay hiram, kahit na
ang iyong mga kahinaan.”
Sa kabilang banda, naniniwala naman si Propesor Teodoro Agoncillo, isang historyador, na ang
pagkakakilanlan sa sarili at sa bansa (national identity) ang halaga ng kasaysayan. Ayon naman sa
kilalang pilosopong si George Santayana, ang pag-aaral ng kasaysayan ay nagsisilbing gabay ng mga
tao sa kinabukasan. Ipinararating ng pilosopo na makatutulong sa tao ang pag-alam sa nakaraan upang
maiwasan na ang kamalian noon at makatulong sa pagbuo ng mga wastong hakbang para sa
kinabukasan.

Mga Pananaw sa Kasaysayan


Primaryang Batis - Naglalaman ng mga impormasyon na galing mismo sa bagay o taong pinag-uusapan sa
kasaysayan.∙Sekondaryang batis - Batayang ang impormasyon ay mula sa pangunahing batis ng
kasaysayan.∙Pasalitang Kasaysayan – Kasaysayan na sinambit ng bibig∙Kasaysayang Lokal - Kasaysayan na
nagmula sa ating lugar.∙Nationalist Perspective – Pagtingin o perspektiba na naaayon o mas pabor sa isang bansa
∙History From Below - Naglalayong kumuwa ng kaalaman batay sa mga ordinaryong tao,binibigyang pansin nito
ang kanilang mga karanasan at pananaw, kaibhan sa estereotipikongtradisyonal na pampulitikang kasaysayan at
tumutuon sa gawa at aksyon ng mga dakilang tao. ∙Pantayong Pananaw - Isang metodo ng pagkilala sa kasaysayan
at kalinangang Pilipino na nakabataysa “panloob na pagkakaugnay-uganay at pag-uugnay ng mga katangian,
halagahin (values),kaalaman, karunungan, hangarin, kaugalian, pag-aasal at karanasan ng iisang
kabuuangpangkalinangan—kabuuang nababalot sa, at ipinapahayag sa pamamagitan ng iisang wika∙Pangkaming
Pananaw - “Pangkaming Pananaw” ang nagawa ng hanay ng mga Propagandista tuladnina Rizal, Luna atbp. bilang
pamamaraan sa paglilinang ng kabihasnan natin. Ang kausap nila sakanilang mga nilalathala ay ang mga
banyaga—partikular ang mga kolonyalistang Kastila. Ang mgaKastilang ito na pinapaniwala ang mga indio na sila
ang nagdala ng ‘kaliwanagan’ sa atin (bunga ngrelihiyon) at utang natin ito sa kanila dahil tayo daw ay mga
barbaro at walang sariling sibilisasyon,kung hindi pa sila dumating dito sa atin.∙Pansilang Pananaw - Sa
perspektiba ng PP "pansilang pananaw" ito na na-absorb o ipinagpapatuloyng kasalukuyang mga antropologong
Pilipino (sa nasyonalidad ngunit siguro hindi sa kultura atwika). Ibig sabihin, wala pa nga sa Pangkaming Pananaw
ang aghamtao sa Pilipinas (na ginanagawang mga may nasyonalidad na "Pilipino").

Mga Batayan ng Kasaysayan


Ang pagsulat ng kasaysayan ay nakabatay sa mga batis na pinanggagalingan ng impormasyon
tungkol sa nakaraan. Ang mga batis ay maaaring nakasulat o hindi nakasulat. Dalawa ang uri ng mga
batis pangkasaysayan—ang pangunahin o primaryang batis at pangalawa o sekondaryang batis.
Ang pangunahing batis ay naglalaman ng mga impormasyon na galing mismo sa bagay o taong
pinag-uusapan sa kasaysayan.
Ang sekondaryang batis naman ay mga batayang ang impormasyon ay mula sa pangunahing batis
ng kasaysayan.
Mga Nakasulat na Pangunahing Batis
Mga Talaarawan o Diary/Journal
Ang talaarawan o diary/journal ay halimbawa ng primaryang batis ng kasaysayan. Ito ay tala ng
mga karanasan ng isang tao sa pang-araw-araw niyang buhay. Kung ang taong ito ay siya mismong
paksa o bahagi ng pinag-aaralang kasaysayan, ang kaniyang talaarawan ay nagiging tuwirang patunay
ng isang pangyayari Halimbawa nito ay ang talaarawan ni Jose Rizal noong siya ay nakatira sa Europe
na maaaring pangunahing batis sa pag-aaral ng kaniyang talambuhay. Mayroon ding diary si Hen.
Gregoric del Pilar na nagtapos sa bisperas ng labanan sa Pasong Tirad noong ika-2 ng Disyembre
1899.
Mga Awtobiograpiya
Ang mga awtobiyograpiya o talambuhay na isinulat mismo ng isang tao tungkol sa sarili ay isa ring
uri ng pangunahing batis. Nakasulat dito ang mahahalagang pangyayari sa buhay ng may akda. Si Jose
Rizal ay nagtipon ng isang awtobiograpiya noong siya ay labimpitong taong gulang na pinamagatan
niyang Memorias de un Estudiante de Manila. Nilalaman nito ang mga pangyayari mula sa kaniyang
kapanganakan hanggang sa panahon na naging estudyante siya sa Pamantasan ng Santo Tomas. Ang
iba pang halimbawa ng awtobiograpiya ay ang The Good Fight ni Pangulong Manuel L. Quezon na
naglalaman ng kaniyang buhay at ang kaniyang pakikibaka sa politika. Ang The Good Fight ay
inilimbag bilang aklat noong 1946.
Mga Memoir
Ang memoir ay isa ring uri ng pangunahing batis. Nakapaloob dito ang damdamin at opinyon ng
sumulat tungkol sa isang bagay o pangyayari. Lalabas na isang kuwentista o story teller ang may-akda
at ipinapaliwanag niya ang mga pangyayari ayon sa kaniyang paniniwala at perspektibo. Isang
halimbawa ng memoir ay ang Three Years of Enemy Occupation na isinulat ni Claro M. Recto habang
siya ay nakakulong sa Iwahig sa Palawan pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Inakusahan sa salang pagtatraydor si Recto ng pamahalaan bunga ng kaniyang paglingkod sa
pamahalaan sa ilalim ng mga Hapones noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Mula sa kaniyang
sulat ay mababasa ang pait na kaniyang naramdaman laban sa tumawag sa kaniya bilang puppet o tau-
tauhan ng mga Hapones. Ayon sa kaniya, hindi siya maaaring tawaging tau-tauhan ng mga Hapones at
traydor sa bansa dahil walang kapangyarihan ang America upang pangalagaan ang sambayanang
Pilipino sa panahong iyon.
Mga Liham
Ang liham ay isang mahalagang pangunahing batis dahil mismong ang taong bahagi ng
kasaysayang pinag-aaralan ang sumulat nito. Sa pamamagitan ng mga liham ay malalaman ang
kaniyang mga balak at pananaw sa kaniyang sariling salita. Ang halimbawa ng mga liham ay ang mga
sulat ng mga bayani tulad nina Jose Rizal, Marcelo H. del Pilar, at Apolinario Mabini.
Mga Talumpati
Ang talumpati ay mga pagbigkas sa publiko na ginawa ng mga opisyal at mga taong mahalaga sa
kasaysayan. Makikita natin sa talumpati ang kanilang mga adhikain at pananaw na kanilang
ipinakakalat sa pamamagitan ng pampublikong forum. Ilan sa mahahalagang talumpati ay ang
panimulang talumpati o inaugural address at State of the Nation Address ng mga pangulo. Maaari ring
isama rito ang mga tinalumpati ng mga mambabatas sa isang debate sa Kongreso. Ang mga opisyal na
talumpati ay nasasama sa Official Gazette, ang opisyal na publikasyon ng pamahalaan. Ang mga
debate sa Kongreso naman ay naisusulat sa Congressional Record.
Mga Ulat
Isa ring uri ng pangunahing batis ang mga ulat. Karaniwang ito ay mga opisyal na dokumento na
isinulat ng mga taong nasa isang pook sa haba ng isang panahon. Kasama rito ang mga isinulat ng
mga opisyal ng pamahalaan at simbahan na ipinaaabot sa kanilang mga pinuno.
Ang mga halimbawa ng mga ulat ay ang Philippine Commission Reports na iniulat ng Philippine
Commission, ang nagsilbing pinuno ng pamahalaan ng Pilipinas noong 1899 hanggang 1901, ang
kalagayan ng Pilipinas nang mapasakamay ng mga Amerikano ang bansa. Mayroon ding mga ulat ang
mga gobernador- heneral ng Spain at America. Ang tawag sa ulat ng gobernador-heneral noong
panahon ng mga Espanyol ay mga memorias.
Mayroon ding mga ulat ang ibang opisyal tulad ng mga ipinadadala ng pamahalaan sa fact-finding
missions. Kasama rito ang mga ulat ni Sinibaldo de Mas na nagbigay ng larawan ng Pilipinas noong
ika-19 na siglo at sinabi niya na kailangan ng mga reporma ng bansa. Isa pa ring halimbawa ng ulat ay
ang Wood-Forbes Report (nina William Cameron Forbes at Hen. Leonard Wood) noong dekada 1920
na nagsabing hindi pa handang magsarili ang Pilipinas.
Nakapaloob sa mga ulat ng mga gobernador-heneral at ng pamahalaan noon ang mahahalagang
pangyayari sa bansa, ang estado ng mga lokal na pamahalaan, kalagayan ng mga mamamayan, at mga
suliranin na hinaharap ng bansa.
Mayroon ding mga ulat ang mga relihiyoso sa Pilipinas tulad ng mga misyonero (mga Heswita,
Dominikano, Augustino, Recoleto, at Franciscano) na pumunta sa Pilipinas noong panahon ng mga
Espanyol. Ang mga superior o pinion ng mga relihiyosong orden na ito ay nagpadala ng
mga memoria sa kanilang pinuno sa Rome at sa Spain. Nilalaman ng mga memoria nila ang
pagsasalaysay sa kondisyon ng bansa, ang mga ugali at kultura ng mga katutubo, ang kanilang mga
gawain tulad ng pagpapalaganap ng relihiyon, at ang mga suliranin na kanilang kinaharap. Kabilang
din sa mga memoria ang mga estadistika tungkol sa dami ng mga katutubo sa pook na kanilang
tinitirahan. Mahalaga ang mga ulat ng mga misyonero lalo na kung ito ay isinulat noong simula ng
kolonisasyon ng Spain dahil inilarawan nito ang kondisyon ng Pilipinas sa panahong iyon. Sa tulong
rin nito, makikita natin ang larawan ng mga katutubo ng kapuluan sa simula ng pagsakop ng Spain sa
Pilipinas.
Mga Opisyal na Dokumento
Ang mga pamahalaan at institusyon ay nagpapalabas ng mga dokumento na may mahahalagang
impormasyon tungkol sa isang pook o bansa. Ilan sa mga halimbawa nito ay proklamasyon ng
kalayaan na isinulat ni Ambrosio Rianzares Bautista at inihayag sa Kawit noong 1898; ang
Proklamasyon bilang 1081 ni Pangulong Ferdinand E. Marcos na nagsailalim ng bansa sa batas militar
noong ikas-23 ng Setyembre 1972; at ang Proklamasyon bilang 1973 ni Pangulong Gloria Macapagal-
Arroyo na nagpahayag ng batas militar sa Mindanao noong 2009.
Mayroon ding mga utos galing sa sangay ehekutibo tulad ng mga Letters of Instruction. Isa ring
mahalagang dokumento mula sa pamahalaan ay ang SONA.
Ang mga batas ay isa ring uri ng opisyal na dokumento. Noong panahon ng mga Espanyol, may
mga batas na ipinasa ng Consejo de Indias at ng Cortes (parlyamento ng Spain). Opisyal ding
dokumento ang mga Saligang Batas ng Pilipinas at mga batas na ipinasa ng lehislatura sa iba’t ibang
panahon sa bansa tulad ng Philippine Commission at Philippine Assembly noong panahon ng mga
Amerikano, ang Philippine Congress, at ang Batasang Pambansa.
Tulad ng iba pang opisyal na dokumento, makikita rin ang mga batas, utos, at mga proklamasyon
ng pamahalaan sa Official Gazette ng pamahalaan. Kabilang din dito ang mga resumen o bood ng mga
kaso kasama na ang mga nailatag sa Kataas-taasang Hukuman ng Pilipinas.
Isa ring opisyal na dokumentong pampubliko ay ang senso na naglalaman ng mga estadistika
tungkol sa taong-bayan. Kasama rito ang dami ng mga taong nakatira sa isang lokal, mga ipinanganak,
mga nag-aaral, mga nagtatrabaho, mga nagkasakit, at mga namatay.
Mayroon ding mga dokumento tungkol sa pagbuo ng mga bayan at probinsiya. Sa mga pook na
nabuo noong panahon ng mga Espanyol, mayroong pangkat ng dokumento na tinawag na Ereccion de
los Pueblos. Ang mga dokumentong ito ay matatagpuan sa Pambansang Sinupan ng Pilipinas.
Ilan pa rin sa nakalagak sa Pambansang Sinupan ang mga dokumento na may kinalaman sa
panahon ng mga Espanyol tulad ng mga cedula o mga utos ng hari ng Spain; ang Sediciones y
Rebelliones para sa nagsasaliksik tungkol sa mga naganap na paghihimagsik sa Pilipinas; Guia de
Forasteros na tungkol sa mga dayuhan sa Pilipinas; Monopolyo ng Tabako para sa mga nagsasaliksik
tungkol sa pagtanim ng tabako; at ang Varias Provincias para sa nagsasaliksik sa mga lalawigan ng
bansa.
IIan pa rin sa mga opisyal na dokumento ay ang mga pantaunang ulat o annual report. Mayroon
ding mga memorandum at circular na ipinalalabas ng mga opisina ng pamahalaan. Mahalagang
dokumento rin ang mga opisyal na resibo at mga receiving copy ng mga dokumento.
Maaari ring ituring na pangunahing dokumento ang mga ulat medikal (medical reports), post
mortem autopsy o resulta ng pagsusuri sa isang yumao, at mga mga transcript of record sa paaralan.
Ang kategorya na ito ay kasama naman sa pribadong dokumento. Ang paggamit nito ay maaaring
makuha sa permiso ng may-ari.
Mga Aklat na Isinulat ng mga Awtoridad
Mayroong mga aklat na maaaring ituring na pangunahing batis kung ito ay isinulat ng mga tao na
mismong naging saksi sa mga pangyayari. Ilan dito ay ang mga aklat na isinulat ng mga misyonero at
mga opisyal ng pamahalaan. Ang mga halimbawa nito ay ang Conquistas de las Islas Filipinas ni
Padre Gaspar de Medina, isang paring Augustino noong ika-18 siglo, at ang Historia de Filipinas ni
Padre Ignacio Alcina, isang paring Heswita. Isa ring mahalagang aklat ang Sucesos de las Islas
Filipinas ni Antonio de Morga na inilimbag noong 1609. Ang aklat ni Morga ay pinili ni Jose Rizal
upang ilimbag muli at dagdagan ng mga anotasyon upang itama ang maling pananaw ng mga
Espanyol sa Pilipinas.
Mga Isinulat ng mga Saksi
Isa ring uri ng pangunahing batis ang mga isinulat ng mga saksi sa mga pangyayari sa kasaysayan.
Ang tawag sa kanilang mga gawa ay eyewitness account. Ang saksi ay tao o mga taong nakakita
mismo ng pangyayari at kadalasang kasama o kalahok sa pangyayari. Maaaring tingnan ang mga
pangyayari sa perspektibo ng mga lider o mga tagasunod. Sa pamagitan ng eyewitness
account, malalaman ng mga mananaliksik ang mga pangyayari mula mismo sa mga gumanap.
Ang eyewitness account ay maaaring maisama sa awtobiograpiya at sa memoirs.
Ang ilang halimbawa ng eyewitness account ay ang salaysay ni Koronel Lazaro Makapagal tungkol
sa pagbitay sa magkapatid na Andres at Procopio Bonifacio noong 1897; ang salaysay sa pagbaril kay
Jose Rizal sa Bagumbayan noong 1897 ni Hilarion Martinez, isang miyembro ng banda sa Luneta
nang barilin ang bayani; at ang salaysay ni Dr. Igmedio Cruz (doktor ni Pangulong Quezon) tungkol
sa pagkamatay ng pangulo sa Lake Saranac noong ika-1 ng Agosto 1944. Ang mga eyewitness
account ay nailathala sa mga pahayagan tulad ng Philippine Free Press at Sunday Manila Times.
Mga Artikulo sa mga Pahayagan
Maaari ring ituring na pangunahing batis ang mga pahayagan kung ito ay mayroong tuwirang turan
(direct quotation) o halaw mismo sa pinanggalingan ng impormasyon. Dapat ay eksakto ang sinabi ng
batis at ito ay tungkol sa isang bagay na ang batis ay may awtoridad tungkol sa pangyayari. Kabilang
dito ang mga salaysay o pronouncement.
Ang mga Hindi Nakasulat na Pangunahing Batis
Mga Fossil, Buto, at Relikya
Ilan sa mga hindi nakasulat na pangunahing batis ay may kinalaman sa panahong prehistoriko. Ang
mga halimbawa nito ay mga fossil at mga buto at gamit o relikya ng mga sinaunang tao. Ang fossil ay
isang imprint o labi na ang orihinal na komposisyon ay napalitan na ng mga mineral tulad
ng calcium. Isang halimbawa nito ay ang petrified wood na ang orhinal na kahoy ay napalitan na ng
mga mineral tulad ng quartz. Ang mga buto ay ang mga aktwal na bahagi ng kalansay ng mga taong
dating nabubuhay sa daigdig tulad ng skull cap o bumbunan ng Taong Tabon at ang tuhod ng Taong
Callao. Mayroon ding mga relikya na ginamit ang mga sinaunang tao tulad ng flake tools at iba pang
gamit na yari sa bato. Mahalaga ang mga fossil, buto, at relikya dahil ang mga ito ay ebidensiya
tungkol sa pag-iral ng mga pinanggalingan nito sa daigdig. Malalaman ang edad ng mga ito sa
pamagitan ng siyentipikong proseso tulad ng Carbon-14 at Potassium-Argon testing.
Mga Memorabilia
Mayroon ding mga naiwan ang mga tao sa kasaysayan tulad ng mga gamit, damit, kasangkapan,
armas, at tirahan. Ang mga ito ay maituturing na memorabilia. Maituturing din itong mga relikya lalo
na kung ito ay may katandaan na. Ilan sa magagandang uri ng memorabilia ay ang mga
retrato, lithograph, pintura, at dibuho tungkol sa mga makasaysayang tao at pangyayari. Sa pamagitan
ng memorabilia at relikya ay malalaman natin ang uri ng pamumuhay ng mga tao noon.
Kasaysayang Oral
Ang kasaysayang oral (oral history) ay maaari ring pagkunan ng impormasyong pangkasaysayan.
Ang mga kasaysayang oral ay mga isinalin lamang na kuwento o kaalaman tungkol sa nakaraan na
nagpasalin-salin lamang sa bibig ng mga tao. Ang paggamit ng kasaysayang oral bilang pangunahing
batis ay nakatutulong upang makuha ang kasaysayan na hindi pa nailalathala o upang makuha ang
pananaw hinggil sa isang paksa mula sa iba’t ibang perspektibo. Madalas na matatanda ang
pinagkukunan ng mga kasaysayang oral. Ang tawag sa ikinikuwentong salaysay ay eyewitness
testimony.
Ang kasaysayang oral ay mainam na pagkunan ng kaalaman tungkol aspektong kultural na tila
nalilimot na sa kasalukuyan. Ilan sa mga kasaysayang oral ay mga awit, tula, epiko, at alamat.
Taliwas sa pangalan nito, ang kasaysayang oral ay hindi pa kasaysayan. Ito ay isang metodolohiya
lamang at ang mga impormasyong nakalap mula rito ay dapat sumailalim pa rin sa masusing pag-aaral
at pagsisiyasat. Ang pangunahing paraan sa pagkuha ng impormasyon mula sa kasaysayang oral ay
panayam.
Maraming dapat isaalang-alang at isaisip ang mga magtatala ng kasaysayang oral. Una, kailangang
siguruhin na kapani-paniwala ang indibidwal na magbibigay ng testimonya. Dapat patunayan ng
mananaliksik na talagang naroon ang kinakapanayam sa pook ng pangyayari.
Pangalawa, dapat ipaalam sa taong kapapanayamin ang dahilan ng pagsasagawa ng panayam at
pag-alam ng tinutukoy na kasaysayang oral. Kailangang hilingin ang pahintulot ng kapapanayamin.
Pangatlo, mahalaga ang paghahanda ng mananaliksik tulad ng paggawa at pagsulat ng mga
tanong—pagsaayos ng mga itatanong mula sa pinakamadali hanggang sa pinakamahirap.
Dapat ding bumalik sa taong kinapanayam bitbit ang transcript ng panayam. Kailangang itanong sa
kinapanayam kung ang mga naitalang impormasyon ay nakuha nang wasto at papirmahan sa kaniya
ang transcript bilang patunay ng pagsang-ayon niya sa nilalaman ng panayam.
Ang huling bahagi ay ang pagsiyasat o cross-referencing ng nakuhang impormasyon laban sa mga
naisulat nang mga dokumento. Dapat ding dumaan sa proseso na tinatawag na kritisismo
(internal at external) upang malaman kung kapani-paniwala ang nakuhang testimonya.
Sa pagsasagawa lamang ng mga prosesong ito maaaring maituring na bahagi ng kasaysayan ang
kasaysayang oral.
Mga Sekondaryang Batis
Ang mga sekondaryang batis ay binubuo ng mga lathala na ang impormasyon ay mula sa mga
pangunahing batis. Itinuturo ng mga sekondaryang batis ang mga pangunahing batis bilang
pinagmulan ng impormasyong pangkasaysayan. Karaniwang sekondaryang batis ang mga batayang
aklat, magasin, at brochure. Sa paggawa ng pananaliksik, ang isang idibidwal ay maaaring tumingin
muna sa sekondaryang batis upang maabot ang pangunahing batis.
Mayroon ding mga sekondaryang batis na hindi naisulat. Isang halimbawa nito ay ang mga sabi-
sabi o mga pinagpasa-pasang impormasyon. Kadalasang nababago ang impormasyon nito habang ito
ay ikinakalat mula sa isang batis patungo sa mga susunod. Dahil dito, mahalagang maiabot ng
mananaliksik ang orihinal na batis upang mapatunayan ang katotohanan ng kaniyang impormasyon.
Maaari ring tumingin ang isang mananaliksik sa ikatlong uri ng batis na tinatawag na general
reference. Kabilang dito ang mga encyclopedia, katalogo, at abstrak o mga sulat o rebyu tungkol sa
pangunahing batis.
Dahil ang pangunahing batis ay mismong galing sa orihinal na sumulat o kasama sa pangyayaring
pangkasaysayan, mas maaasahan ang impormasyon na nakalap mula rito. Sa pamamagitan ng
pananaliksik, lalo na sa paggamit ng mga hindi opisyal na batis tulad ng mga liham, talambuhay, at
kasaysayang oral, mabibigyang-tinig ang mga karaniwang tao tungkol sa kasaysayan ng bansa.
Ang Historyador at ang Kaniyang Mahalagang Papel sa Lipunan
Ang Historyador at ang Kronista
Ang historyador ay isang taong dalubhasa sa pagsulat ng kasaysayan. Bukod sa mahusay siya sa
pagkalap ng mga impormasyon at detalye ng nakaraan, gumagawa rin siya ng isang buod o pattern na
nagbibigay ng saysay sa kaniyang mga nakalap. Sa pamamagitan ng pagbuo ng patternna ito,
ipinakikita ng historyador kung paano nabuo ang isang pangyayari. Kung wala nito, ang mga
impormasyon ng historyador ay isa lamang kronolohiya o chronology. Walang ipinag-iba ito
sa logbook ng guwardiya sa isang establisimyento o journal ng isang tao na inililista kung ano ang
nangyari sa pang-araw-araw. Halimbawa ng isang kronolohiya ay ang sumusunod:
Ika-1 ng Agosto 2012
5:30 ng –Nagising si Juan
umaga
5:40 – Pumunta si Juan sa palikuran
5:50 –Kumain siya ng agahan
6:00 –Nagbihis ng uniporme
6:30 –Umalis ng tahanan para pumasok sa paaralan
7:00 –Dumating sa paaralan at pumunta sa kaniyang silid-aralan
Ika-2 ng Agosto 2012
5:40 –Pumunta si Juan sa palikuran
5:55 –Kumain siya ng agahan
6:01 –Nagbihis ng uniporme
6:30 –Umalis ng tahanan upang pumasok sa paaralan
6:59 –Dumating sa paaralan at pumunta sa kaniyang silid-aralan
Ang isang kronolohiya ay hindi kasaysayan. Ang taong kumakalap lamang ng kung ano ang mga
sumusunod na pangyayari ay isa lamang kronista (chronicler) at hindi historyador. Ang kasaysayan ay
nagpapakita ng importansiya o saysay ng mga nailista sa kronolohiya. Noong si Antonio Pigafetta ay
kasama ni Ferdinand Magellan sa kaniyang paglalakbay, isinulat niya sa kaniyang talaan ang mga
pangyayari habang sila ay naglalakbay. Makikita sa kaniyang tala ang mga pangyayari ng ekspedisyon
mula 1519 hanggang 1522, kasama ang pagdating ng ekspedisyon sa Pilipinas noong ika-16 ng Marso
1521, at ang labanan sa Mactan noong ika-27 ng Abril sa taong iyon. Ang kaniyang mga naisulat ay
isang kronolohiya. Ang kronolohiyang ito ay ginamit ng isang historyador na si Maximillian
Transylvanus nang isinulat niya ang kaniyang aklat tungkol sa unang paglalayag sa buong daigdig.
Ang kronolohiya ni Pigafetta ay naging batis ng kasaysayan na isinulat ni Transylvanus.
Balikan natin ang halimbawa ng kronolihiya sa sinundang hanay. Sa pagsulat ng mga ginawa ni
Juan noong ika-1 ng Agosto 2012, ipakikita ng isang historyador na si Juan ay:
a. Nagigising nang maaga upang pumasok sa paaralan
b. Na halos pareho ang ritmo ng kaniyang buhay bilang estudyante
Maaari ring magbigay ng opinyon ang historyador tungkol kay Juan batay sa impormasyon na
nakalap niya tulad ng mga sumusunod:
a. Marahil isang mabuting estudyante si Juan dahil hindi siya lumiliban sa pag-pasok
b. Marahil ay may intensiyon si Juan na may patunguhan ang kaniyang pagsisikap sa pagising at
pagpasok nang maaga, tulad halimbawa ng pagnanais niyang maging honor student.
Sa pagsulat ng kasaysayan, katungkulan ng isang historyador na bigyang-saysay ang mga
pangyayari sa nakaraan.
Ang mga Historyador ng Pilipinas
Ang Pilipinas ay maraming mga batikang historyador na sumulat ng iba’t ibang aklat sa
kasaysayan, kasama na ang mga batayang aklat. Isa si Teodoro Agoncillo sa mga batikang historyador
sa bansa. Siya ang sumulat ng History of the Filipino People na ginagamit ng mga estudyante nang
ilang dekada na. Nariyan din si Gregorio Zaide na isa sa mga pinakaunang sumulat ng aklat tungkol sa
kasaysayan ng Pilipinas. Ilan sa kaniyang mga aklat ay ang Philippine History, na isinulat noon pang
dekada 1930, at ang Philippine Cultural and Political History. Ang iba pang kilalang historyador sa
Pilipinas ay sina Antonio Molina, Nicolas Zafra, Renato Constantino, Onofre D. Corpuz, Serafin D.
Quiason, William Henry Scott, Reynaldo Ileto, at Samuel K. Tan.
Mapapansin na iba’t iba ang estilo ng pagsulat ng mga historyador. Ilan sa mga dahilan nito ay ang
kanilang perspektibo ng kasaysayan, ang pilosopiyang pangkasaysayan o historical philosophy na
kanilang gabay sa pagsulat, at ang mga batis na kanilang ginamit.
Mayroon ding mga historyador na dalubhasa sa isang aspekto ng kasaysayan tulad ni Samuel K.
Tan na sumulat ng kasaysayan mula sa pananaw ng mga Moro, Muslim, at mga katutubo sa Timog
Mindanao at Sulu. Si Reynaldo Ileto naman ay sumulat ng kasaysayan ayon sa pananaw ng taong wala
sa gitna ng lipunan o mga itinuturing na mga naisantabi ng kasaysayan tulad ng mga magsasaka, mga
tinuturing na kulto tulad ng mga grupong anting-anting sa Banahaw, at mga tinatawag na
kilusang millenarian. Mayroon ding mga historyador na dalubhasa sa lokal na kasaysayan tulad nina
Isagani Medina na eksperto sa kasaysayan ng lalawigan ng Cavite; Jaime Veneracion na eksperto sa
kasaysayan ng Bulacan; Luis C. Dery na eksperto sa kasaysayan ng Kabikulan; at Resil Mojares na
dalubhasa sa kasaysayan ng Cebu.
Mayroon ding mga historyador na dalubhasa sa pagsulat ng kasaysayan ng mga sektor ng lipunan
tulad ng mga kababaihan, kasaysayan ng relihiyon, at kasaysayan ng mga institusyon. Ang mga
eksperto rito ay sina Ma. Luisa Camagay para sa kasaysayan ng kababaihan; P. Rolando de la Rosa
para sa kasaysayan ng mga Dominicano sa Pilipinas; P. Rolando de la Goza para sa kasaysayan ng
mga paring Vincentian; at P. Horacio de la Costa para sa kasaysayan ng mga Heswita sa Pilipinas.
Para sa kasaysayan ng mga institusyon, maaaring magsulat tungkol sa kasaysayan ng mga
pamantasan, paaralan, o sangay ng pamahalaan. Kabilang dito si P. Fidel Villaroel na itinuturing na
historyador ng Pamantasan ng Santo Tomas at si Justice Camilo Quiason na nagsulat tungkol sa
kasaysayan ng Hudikatura sa Pilipinas.
Mahalaga ang papel ng historyador sa lipunan ng isang bayan dahil sila ang nagsasalaysay at
nagbibigay-saysay sa nakaraan. Sa pamamagitan ng kanilang pagsusulat at pananaliksik, natutuklasan
natin ang ating pinanggalingan. Mauunawaan natin ang ating kasalukuyan at mapaghahandaan natin
ang ating hinaharap.
Pagsasanay ng Isang Historyador
Ang isang historyador ay dapat may matalas na pag-iisip na binibigyan niya ng interpretasyon ang
mga pangyayari. Sa pamamagitan nito, natutuklasan niya ang buod pangkasaysayan o historical
pattern. Ang mga impormasyong nakalap ay nabibigyang-laman sa kaniyang buod. Ang isang
mahalagang gabay ng isang historyador ay ang pilosopiyang pangkasaysayan o philosophy of
history. Ang pilosopiya ay nakaiimpluwensiya sa pagsulat ng kasaysayan ng bawat historyador at sa
pagbuo ng kanilang buod ng kasaysayan.
Isang halimbawa nito ay ang mga akda ni Agoncillo tulad ng History of the Filipino People. Ang
uri ng pilosopiyang pangkasaysayan na naging gabay ni Agoncillo ay ang pilosopiyang makabayan.
Sa pamamagitan ng gabay na ito, isinulat ni Agoncillo ang kasaysayan ng Pilipinas bilang pagbubuo
ng isang bansang estado o nation-state. Ipinakita ni Agoncillo ang mga proseso na ang Pilipinas ay
nagmula sa iba’t iba at hiwa-hiwalay na mga barangay na napagbuklod ng kolonyalismo ng Spain at
America. Ipinakita rin niya ang pakikibaka ng sambayanan laban sa mga mananakop kasama na ang
maraming himagsikan at mapayapang pakikibaka hanggang sa matamo ang tunay na kalayaan.
Ipinakita rin ni Agoncillo ang pakikitungo ng Pilipinas sa mga bansang dayuhan.
Malakas naman ang impluwensiya ng pilosopiyang idealismo sa mga akda ni Zaide. Sa
pamamagitan nito ay isinulat niya ang Pilipinas na umuunlad mula sa isang primitibong estado
patungo sa mas nakatataas na antas. Ganito rin ang mga sinulat nila Zafra at Molina.
Ipinakita naman sa mga sinulat ni Renato Constantino ang kasaysayan ng bansa bilang isang
pakikibaka, hindi lamang ng mga Pilipino laban sa mga dayuhan kundi maging sa mga uri-sa-uring
tunggalian o class struggle ng mga kapuwa Pilipino sa lipunan.
Lahat ng mga historyador at ang mga kasaysayan na kanilang isinulat ay mayroong mga kiling
o bias. Ito ay dahil ang kasaysayan ay isinulat mula sa iba’t ibang perspektibo. Para sa mga Pilipino,
mas mahalagang gamitin ang perspektibo ng kanilang bansa sa pagsulat ng kanilang kasaysayan.
Ang Historyograpiya
Ang paglalahad ng kasaysayan ay kailangang batay sa mga batis. Ang pagsulat ng kasaysayan ay
isa ring sining dahil maraming estilo at pilosopiyang maaaring gamitin. Ito rin ay isang agham dahil
ang mga batis ay dapat na maaaring mapatunayan.
Ang isang mahusay na historyador ay dapat sanay sa paggamit ng mga batis. Hindi niya maaaring
imbentuhin ang kaniyang mga datos at kailangang ipinakikita niya kung saan niya kinuha ang
kaniyang impormasyon. Magagawa niya ito sa pamamagitan ng mga dokumentasyon tulad
ng footnote, endnote, at bibliograpiya. Maaaring ilagay ang pangalan ng batis
sa endnote o footnote. Maaari namang kopyahin ang eksaktong sinabi ng isang tao sa aklat subalit
kailangang ipakita ito sa endnote o footnote. Lahat ng mga pinanggalingan ng impormasyon ay dapat
nasa bibliograpiya sa likod ng aklat.
Sa pagsulat ng kasaysayan, mahalaga na ang mga batis ay galing sa mga primaryang pinangkunan.
Mahalaga rin na ang batis ay malapit sa panahon na tinatalakay.
Dapat ding alam ng historyador kung saan maaaring makita ang kaniyang mga batis. Ang
dokumentasyon ng kaniyang mga batis ay magiging patunay ng kaniyang pagkadalubhasa sa kaniyang
larangan.
Ang Kasaysayan at Iba pang Agham-Panlipunan
Kung ang kasaysayan ay nakatuon sa paglalahad ng mga pangyayari sa lipunan, nakatuon naman
ang ibang agham-panlipunan sa pagpapaliwanag ng mga kilos at pagbabago sa lipunan. Sa tulong ng
ibang disiplina ng agham-panlipunan, nabibigyang-linaw ng kasaysayan ang mga naganap na
pangyayari sa isang lipunan o bansa. Narito ang ilang mga disiplina ng agham-panlipunan na
pinagkukunan ng mga batis, pananaw at pamamaraan, at kaalaman sa pagbuo ng kasaysayan.
Agham-Pampolitika
Nakatuon ang agham-pampolitika sa pag-aaral ng mga teorya, paraan, at sistema ng pamamalakad
ng mga pamahalaan. Sinusuri rin sa disiplinang ito ang pagpapatakbo ng isang burukrasya at ang
pagkilos at patakaran ng isang pamahalaan. Maiuugnay sa kasaysayan ang disiplinang ito sapagkat
naitatala mula sa pag-aaral ng agham-pampolitika ang mga desisyon at pagkilos ng pamahalaan o ng
mismong pinuno nito na nakaaapekto sa mga nasasakupan nitong mamamayan at bansa.
Ang impeachment trial ni dating Pangulong Joseph Estrada, ang mga krisis sa gabinete, at iba pang
hamon sa mga nakaraang administrasyon ay mga pangyayaring pampolitika na bahagi ng kasaysayan
ng Pilipinas.
Sikolohiya
Nakatuon ang sikolohiya sa pag-aaral ng pag-iisip ng tao. Binibigyang-kahulugan nito ang
pagkakabuo sa personalidad tulad ng ugali at mga gawi ng tao. Sinusuri rin ng disiplinang ito ang mga
pagbabago o pag-iiba ng kilos ng tao batay sa mga pangyayari sa kaniyang paligid.
Malaki ang kaugnayan ng sikolohiya sa kasaysayan dahil mismong mga tao—na siyang bahagi at
tagapaglikha ng kasaysayan—ang pinag-aaralan dito. Ang ugali ng tao at ang paraan niya ng pag-iisip
ay nakaaapekto sa kaniyang pagkilos sa lipunan. Ang mga pagkilos na ito ang lumilikha ng mga
pangyayari sa kasaysayan.
Maaaring maging batayan ang pag-iisip at pagkilos ng tao sa pagbibigay-kahulugan kung bakit
nagaganap ang mga pangyayari sa lipunan. Halimbawa, maaaring ipaliwanag sa pamamagitan ng
sikolohiya kung bakit sumapi si Jose Rizal sa Kilusang Propaganda at nagsulat ng mga nobela at
lathalain para lamang sa kapakanan ng mga Pilipino kahit na batid niyang magdudulot ang mga ito ng
hirap at kasawian sa kaniyang sarili at sa kaniyang pamilya.
Sosyolohiya
Ipinapaliwanag ng sosyolohiya ang relasyon ng tao sa kaniyang pamilya, sa kaniyang lipunan, at sa
institusyon at samahang kaniyang kinabibilangan. Sa pamamagitan ng pag-aaral ng sosyolohiya,
mababatid kung paano umaangkop o umaayon ang tao sa kaniyang paligid partikular sa ginagalawan
niyang lipunan.
Ang paraan ng pag-angkop ng tao sa kaniyang lipunan ay nagbabago sa paglipas ng panahon. Ito
ang kasaysayan ng isang lipunan. Mapag-aaralan sa mga susunod na kabanata ang paglago ng
lipunang Pilipino mula noong panahon ng mga ninuno, noong ang kapuluan ay nasa ilalim ng mga
mananakop, at hanggang sa kasalukuyan na may kasarinlan na ang bansa.
Sa pamamagitan ng sosyolohiya, nasusuri rin ang reaksiyon ng tao sa mga pangyayari tulad ng mga
pag-aalsa o digmaan. Ang people power sa EDSA I noong Pebrero 1986 ay masasabing kabilang sa
mga makasaysayang pangyayari ng paghahayag ng mga hinaing ng mga tao sa ating lipunan.
Ekonomiks
Sinusuri naman sa ekonomiks kung paano ginagamit ng lipunan ang taglay nitong limitadong
yaman upang matustusan ang mga pangangailangan at kagustuhan ng mga mamamayan.
May direktang kaugnayan ang ekonomiks sa kasaysayan sapagkat ang umiiral na kondisyong pang-
ekonomiya sa iba’t ibang panahon ang nagtatakda ng kalagayang pangkabuhayan ng mga tao sa mga
panahong iyon. Sa pag-aaral ng ekonomiks, nakikita ang mga pangangailangan ng mga tao at kung
paano sila nakaagapay sa mga patakaran ng pamahalaan at mga pagbabagong dulot ng mga
kaganapang pandaigdig.
Magkakaiba ang sitwasyong pang-kabuhayan ng mga Pilipino sa iba’t ibang panahon sa kasaysayan
ng Pilipinas. Ang paraan ng pag-agapay ng mga Pilipino sa kalagayang pangkabuhayan sa paglipas ng
panahon ay tampok sa pag-aaral ng kasaysayan. Halimbawa, noong panahong kolonyal, batid natin na
nagdulot ang monopolyo ng tabako ng malaking kita para sa pamahalaan. Kabaligtaran naman ito sa
nangyari sa mga magsasaka, partikular yaong mga nasa Ilocos at Cagayan, dahil hindi umunlad ang
mga ito. Kalaunan, binuksan ang Pilipinas sa pandaigdigang kalakalan na nagdala ng pag-unlad sa
mga Pilipino na humantong sa pagsibol ng uring ilustrado noong ika-19 na siglo.
Heograpiya
Nakatuon ang heograpiya sa pag-aaral ng pisikal na katangian ng mundo. Bahagi nito ang pag-aaral
ng mga anyong-lupa at anyong-tubig na makikita sa isang tiyak na lokasyon.
Magkaugnay ang heograpiya at kasaysayan dahil nakaaapekto ang pisikal na kaanyuan ng isang
lugar sa paraan ng pamumuhay ng mga taong naninirahan doon. Ang pagiging arkipelago ng Pilipinas,
halimbawa, ay nagbunga ng kulturang nakabase sa katubigan. Ang kabuhayan ng mga sinaunang
Pilipino ay pangingisda at bihasa rin sila sa pagbuo ng mga sasakyang-pandagat. Maging ang mga
unang pamayanan na tinawag na barangay ay hango sa salitang balangay, isang uri ng sasakyang-
pandagat. Sa pamamagitan din ng katubigan, nagkaroon ng ugnayan ang ating mga ninuno sa mga
taong nananahan noon sa Indonesia, China, Vietnam, at iba pang karatig na lupain.
Antropolohiya
Inaalam sa antropolohiya ang pinagmulan at kaasalan ng tao at ang pag-unlad at pagkakaiba-iba ng
mga lipunan at kultura. Ang mga datos na nakukuha mula sa pag-aaral ng antropolohiya ay nagagamit
upang makabuo ng salaysay tungkol sa kasaysayan ng pinagmulan ng tao tulad halimbawa ng pag-
aaral sa mga labi ng Taong Tabon sa Pilipinas. Bahagi rin ng disiplinang ito ang pag-aaral maging sa
mga pangkat-etniko ng bansa tulad ng mga Mangyan, Ifugao, at mga Moro sa Mindanao.
Arkeolohiya
Ang arkeolohiya ay pag-aaral tungkol sa mga sinaunang kultura at kabihasnan ng iba’t ibang
pangkat ng mga tao sa tulong ng pagsusuri sa kanilang mga labi at mga nilikhang kasangkapan. Pinag-
aaralan din sa displinang ito ang mga epekto ng flora at fauna at iba pang labi sa mga sinaunang
lipunan na sumibol sa mundo.
Sa tulong din ng arkeolohiya, nabibigyan ng interpretasyon ang mga bakas ng lumipas na
kabihasnan at ang kanilang naiambag sa kasaysayan ng tao. Halimbawa, ang mga kaalaman sa
pagpapalayok ng mga unang Pilipino na bumuo ng Tapayang Manunggul ay nakatutulong sa paglikha
ng malinaw na larawan ng kahusayan sa sining ng mga sinaunang tao sa ating kapuluan.
Pilosopiya
Ang pilosopiya ay disiplinang kinapa-palooban ng lohika, etika, estetika, metapisika, at
epistemolohiya. Ito ay pagsusuri sa mga paniniwala ng tao patungkol sa katotohanan, katarungan,
hustisya, at iba pang may kaugnayan sa pagkamit ng karunungan.
Sa tulong ng pag-aaral ng pilosopiya, natutukoy kung ano-anong mga paniniwala at paninindigan
ang taglay ng mahahalagang tao sa kasaysayan. Halimbawa, sa pamamagitan ng pag-aaral sa
pilosopiya ni Jose Rizal, mauunawaan ang mga karunungan at paniniwalang nagsilbing gabay ng
kaniyang mga pagkilos para sa bayan.

MAALAALA Mo KAYA?
1. Bakit kailangang pag-aralan ang kasaysayan?
2. Paghambingin ang dalawang batayan ng kasaysayan.
3. Umaayon ka ba sa pananaw ng pilosopo na si George Santayana tungkol sa kasaysayan?
Pangatuwiranan.
4. May epekto ba ang mga karaniwang kaganapan sa buhay ng isang tao sa kabuuang kasaysayan ng
isang bansa? Magbigay ng mga patunay.
5. Paano mapahahalagahan ng Pilipino ang kaniyang kasaysayan?
6. Paano magagamit ang kasaysayan bilang gabay sa pakikihalubilo mo sa ibang tao?
7. Pumili ng isang agham-panlipunan. Ipali-wanag ang kaugnayan nito sa pag-aaral ng kasaysayan.

KASAMA KA SA KASAYSAYAN
1. Isa kang graphic artist. Hinirang ka ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP)
upang bumuo ng poster. Ang mensahe ng poster ay ang paghimok sa kabataan na mahalin at
pahalagahan ang pag-aaral ng kasaysayan. Sa iyong poster, inaasahan na kaakit-akit ang
pananalitang gagamitin, maganda ang pagkakaguhit sa larawan, may kaugnayan sa kasaysayan ang
mga larawang iguguhit, at ang kulay ay nakapupukaw sa atensiyon ng mga tao.
2. Ikaw ay isang feature writer para sa isang pahayagan. Naatasan kang sumulat ng isang artikulo na
tumatalakay sa mga karanasan mo noong nasa elementarya ka pa. Layunin nitong imulat ang
kabataan sa kaibahan ng pamumuhay noon kumpara sa kasalukuyan. Marapat na ang artikulo ay
hindi lalagpas sa 500 salita, maayos ang daloy ng kaisipan, makabuluhan ang nilalaman, at kawili-
wili ang paghayag ng iyong karanasan.
3. Ang grupo ninyo ay magsisilbing isang banda na muling magpapatanyag ng isang sikat na awitin
noong dekada 1960 hanggang 1990. Sa pamamagitan ng isang video presentation, ipakikita ng
inyong banda sa inyong mga tagatangkilik ang pamumuhay, kaisipan, at estilo na namayani sa
napiling dekada. Kinakailangang tugma ang awitin sa napiling dekada, maayos ang pagkakaawit,
angkop ang props at costume, at maayos ang video editing.

SAMUT-SARING KUWENTO
Babala: Hindi Lahat ng Luma Ay Orig!

Hindi na ngayon binibigyang-pansin sa mga aklat ng kasaysayan si Rajah Kalantiaw at ang Kodigo
ng mga Batas na kaniyang ginawa. Ngunit mula noong 1913 hanggang 1968, tanggap bilang isang
tunay na sinaunang pinuno ng Pilipinas si Kalantiaw. Tunay ba siya o likha lamang ng imahinasyon?
Alamin natin.
Noong 1913, nalathala sa pahayagang Renacimiento Filipino ang artikulo ni Manuel Artigas na
pinamagatang “Civilización Prehispaña: informes ineditos sobre Filipinas” na binabanggit ang 16 na
batas ni Kalantiaw. Sa sumunod na taon, ibinigay ni Jose Marco ang ilang mga dokumento sa
Pambansang Aklatan na kabilang ang Las antiguas leyendes de la Isla de Negros, na isinulat umano
ng prayleng si José María Pavón mula 1838 hanggang 1839. Mula noon, tinanggap na bilang tunay na
makasaysayang tao si Kalantiaw at ang kaniyang kodigo ng mga batas.

Si William Henry Scott

Noong 1965, ginawang tesis doktorado ni William Henry Scott ang pagsusuri sa mga sinaunang
sulatin patungkol sa Pilipinas. Isa sa kaniyang mga sinuri ay ang Kodigo ni Kalantiaw. At ito ang ilan
sa kaniyang mga napatunayan:
1. Sinasabi sa pamagat na mayroong 17 mga batas si Kalantiaw ngunit ang nilalaman ng kodigo ay 18
mga batas.
2. Sinabi sa aklat na isang oras lalatiguhin ang sinumang hindi patas makipagpalitan (barter) ng
pagkain. Dagdag pa, walong oras ding paglangoy ang gagawin ng isang lalaki na hindi naging
mabuti sa kaniyang asawa. Subalit, alam ng lahat na ang mga sinaunang Pilipino ay walang orasan.
Paano ngayon masusunod ang mga kautusang ito ni Kalantiaw kung wala namang orasan ang mga
tao noon?
3. Kasama sa dokumento ang isang sinaunang kalendaryo ng Kabisayaan at nakasaad doon na ang
buwan ng Nobyembre ay isang masamang buwan kung kailan puno ang hangin ng mga mikrobyo
(microbes). Ang salitang mikrobyo ay naimbento lamang noong 1878 at noon lamang mga 1850
nabuo ni Louis Pasteur ang teorya na mga mikrobyo ang nagdadala ng sakit. Paano
makapagbabanggit ang isang sinaunang Pilipino na nabuhay noong taon 1400 ng tungkol sa
mikrobyo tuwing Nobyembre?
4. Ang sinasabing sumulat ng Las antiguas leyendes de la Isla de Negros na si José Pavón ay nakatira
na sa Himamaylan noong 1830 ayon sa dokumento. Ngunit mula sa Libro de Cosas Notables ng
Himamaylan, si Pavón ay naging kura paroko lamang noong ika-7 ng Setyembre 1842.

Tinukoy rin ni Scott ang dalawang paliwanag ni Jose Marco kung saan nagmula ang mga
dokumento:
1. Ang una ay kasama umano ito sa isang baul na itinakas ng kaniyang ama sa Simbahan ng
Himamaylan sa Negros noong panahon ng rebolusyon.
2. Noong siya naman ay inanyayahan sa University of Chicago noong 1954, sinabi niyang binili
niya ang dokumento noong 1913 sa isang matandang tagapagluto sa Simbahan ng Himamaylan
na siyang kumuha ng baul noong panahon ng rebolusyon.

Kasama ang ilan pang mga pagsusuri sa mga manuskrito, humantong sa paglalahat si Scott na
huwad ang mga dokumento at si Jose Marco ang gumawa ng pamemeke. Nakalulungkot lamang na
ang mga dokumento ay kabilang sa mga nasira nang masunog ang Pambansang Aklatan. Sa tulong
sana ng makabagong teknolohiya ay masusuri na ang edad ng papel at tinta na ginamit. Gayunman, sa
masusing pag-usisa at paghanap ng mga batayang primarya at sekondarya, natukoy ni Scott na hindi
lahat ng luma ay orig dahil may nandaraya at gumagawa ng peke. Kaya si Kalantiaw ay bahagi
lamang ng imahinasyon na napagkamalang totoo noong mga nakaraang dekada ng ika-20 siglo.

You might also like