You are on page 1of 1

Virgilio S.

Almario
Pambansang Alagad ng Sining para sa Literatura

Mas kilala bilang Rio Alma sa mundo ng panitikan, si Virgilio S. Almario ay isang premyadong makata at kritiko
bukod pa sa pagiging natatanging tagasalin, patnugot, guro at tagapamahalang kultural.
Lumaki siya sa Camias, San Miguel de Mayumo, Bulacan kung saan ginugol ang kabataan sa komunidad ng mga
magsasaka sa panahon ng pagkilos ng Hukbalahap noong mga 1950. Sa kanyang pagtatapos ng A.B. Political Science
sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1963, kaagad siyang nagturo sa San Miguel High School na kanyang alma mater.
Dito, sa kanyang sinilangang bayan, kanyang inialay ang mga unang taon ng kanyang propesyon bilang guro ng
araling panlipunan.
Sa tag-init ng taong 1963 unang namukadkad ang kanyang buhay bilang makata. Nakasama niya sina Rogelio
Mangahas at Lamberto Antonio nang kumuha ng kursong edukasyon sa University of the East at sila-sila ang
nagpasimuno ng ikalawang matagumpay na kilusang modernista sa panulaang Filipino. Noong 1967, iniliabas ang
unang koleksiyon niya ng tula, Makinasyon at Ilang Tula. Sinundan ito ng sampu pang koleksiyon kabilang ang
bilingual na Selected Poems 1968-1985. Ang kanyang mga tula ay inilimbag ng UP Press noong1998 sa dalawang
tomong koleksiyon na may pamagat na Una Kong Milenyum.
Ang unang mga patak ng kanyang panunuring pampanitikan ay inilathala sa Dawn, ang lingguhang pahayagan ng
University of the East. Naging bahagi ang ilan sa mga ito ng koleksiyong Ang Makata Sa Panahon ng Makina (1972)
na ngayon ay itinuturing na unang aklat ng kritisismong pampanitikan sa Filipino. Nang lumaon, kanya munang
isinantabi ang modernista at pormalistang interes para sa gawaing politikal at makabayan. Sumapi siya sa kilusang
aktibista at sa panahon ng batas militar ay inalis sa kanyang posisyon sa pagtuturo. Ikinasal siya kay Emelina B.
Soriano isang hapon ng bagong taon noong 1973. Habang nasa blacklist ng militar, ibinuhos niya ang oras sa
pagsasaliksik sa kasaysayang pampanitikan at tradisyon sa panitikang Pilipino. Ang mga gawaing ito ay nagbunga ng
isang mapanghawang sanaysay ukol sa nobela at ilan pang mahalagang pag-aaral kabilang ang Taludtod at Talinhaga
(1965; 1991), Balagtasismo Versus Modernismo (1984), Kung Sino ang Kumatha Kina Bagongbanta, Ossorio,
Herrera, atbp. (1992), at Panitikan ng Rebolusyong 1896 (1993).
Binabaybay din ng kanyang mga gawa ang mahahalagang pag-aaral sa wikang pambansa at makikita ang ilan sa mga
ito sa mga publikasyong Filipino ng mga Filipino (1993) at Tradisyon at Wikang Filipino (1998). Sumulat din siya ng
gabay sa estilo, ang Patnubay sa Masinop na Pagsulat (1993), at kasalukuyang tinatapos ang pamamatnugot sa
pinakamalaking diksiyunaryong monolingual sa Filipino na sinimulan noong siya pa ang direktor ng UP Sentro ng
Wika taong 1996.
Pinagtuunan din niya ng pansin ang pagsasalin at pamamatnugot upang lubos pang mapayaman ang danas
pampanitikan sa Filipino at makapaghain ng pinakamahuhusay na halimbawa ng panitikan sa mga Filipinong
mambabasa at mag-aaral. Naisalin na niya ang pinakamagagaling na makata ng kontemporanyong panahon at makikita
ito sa koleksiyong Makabagong Tinig ng Siglo (1989). Isinalin din niya ang mga dula nina Nick Joaquin, Bertolt
Brecht, Euripides, and Maxim Gorki. Ang salin ng Noli and Fili (1999) ni Rizal na kinomisyon ng Philippine
Centennial Commission ang pinakabago niyang proyekto sa pagsasalin at sinasabing pinakamahusay na pagsasalin ng
nobela ni Rizal ayon kina Sen. Blas F. Ople at ng Manila Critics Circle. At di pa rito nagtatapos: nag-edit din siya ng
mga koleksiyon nina José Corazón de Jesus, Lope K. Santos, Alfredo Navarro Salanga, Pedro Dandan, mga piling
batayang aklat sa ekolohiya at panitikang pambata, at ilan pang antolohiya kasama ang Walong Dekada ng
Makabagong Tulang Pilipino (1981) na nagtatampok ng pinili niyang pinakamahuhusay na makata at tula ng ika-20
siglo.

Si Virgilio Senadren Almario ay kilalang awtoridad sa larangan ng wikang Filipino at panitikan ng Pilipinas.
Kasalukuyang dekano ng Kolehiyo ng Arte at Literatura ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman. Gamit ang sagisag
na Rio Alma, si G. Almario ay nakapagsulat at nakapaglathala na ng mga tula at kuwento na kinilala na rin ng maraming
mga institusyon tulad ng Carlos Palanca Foundation, Sentrong Pangkultura ng Pilipinas(Cultural Center of the
Philippines, o CCP) at Komisyon sa Wikang Filipino. Kilalang mananaliksik din si G. Almario at pangunahing tuon ng
kanyang mga pananaliksik. Isa rin siya sa mga hinirang na Outstanding Writers and Artists of the Century ng CCP.
Dating direktor ng Surian ng Malikhaing Pagsulat ng Unibersidad ng Pilipinas, si G. Almario ay nagtapos ng kanyang
AB sa Political Science at MA sa Filipino sa naturang unibersidad.

You might also like