You are on page 1of 11

MGA ESTRATEHIYA SA PAGTUTURO NG TULA:

PAGBABAHAGI NG KARANSAN
NG UNIVERSITY OF ASIA AND THE PACIFIC
Ni Moreal Nagarit Camba

Ang tulang Filipino at pagtuturo nito sa University of Asia and the Pacific ay

bahagi ng kursong Filipino 103 – Panitikan ng Pilipinas, ang pangatlo ang huling kursong

Filipino na kukunin ng estudyante sa unibersidad.1 Kasama ng maikling kuwento, dula,

minsan may nobela pang kasama, sinisikap ng guro sa Filipino 103 na maging

makabuluhan ang una’t huling panitikang Filipino na makukuha ng estudyante sa

unibersidad bago pamailanlan ang kanilang mga pangunahing kurso, na madalas ay may

kinalaman sa pagnenegosyo, ekonomiya at / o teknolohiya.2

Unang araw pa lamang ng klase ay gumagawa na ako ng sarbey ukol sa katayuan

at disposisyon ng aking mga estudyante sa panitikan. Nakalulungkot isipin na sa loob

mahigit pitong taon kong pagtuturo nito, mabibilang lamang sa daliri, sa tatlumpung

estudyanteng naka-enroll sa aking klase ang nagsasabing libangan nila ang pagbabasa o

pagsusulat; mas sinasabi pa nilang online games, shopping, pagbiyahe o isport ang

kanilang libangan. Inaamin din mismo maging ng mga mahilig magbasa na, madalas

kung hindi man palagi, yaong mga manunulat na Ingles o nakasulat sa Ingles ang

kanilang binabasa. Naging karaniwan na ang pagbanggit sa mga pangalan nina Stephenie

Meyer dahil sa serye ng mga kuwentong bampira niya, ang ‘Twilight’ Series, at ng

pangalan ni J.K. Rowling dahil naman sa “Harry Potter.” Sa mga Filipino manunulat,

1
Ang Filipino 101 ay ‘Sining ng Komunikasyon’ samantalang ang Filipino 102 ay ‘Retorika.’
2
Ang mga kursong Entrepreneurship, Management, Economic at Information Technology ang
pinakapopular na kurso sa unibersidad kumpara sa Political Science, Education at Humanities. Ang mga
major sa Humanities ay Philosophy, History at Literature.

1
popular ang mga pangalang Jessica Zafra at Nick Joaquin, bagaman inaamin ng

karamihan sa nagbanggit sa pangalan ni Joaquin na hindi pa nila siya binabasa.

Inaamin rin mismo ng mga estudyante na madalas ang mga Filipinong manunulat

na kanilang kilala ay yaong mga ipinabasa sa kanilang mga guro noong nasa Mataas na

Paaralan sila. Kung kaya hindi naman kataka-taka na lagi’t laging nangunguna sa sarbey

ng paborito / kilala nilang manunulat na Filipino na nagsusulat sa Wikang Filipino, sina

Jose Rizal at / o Francisco Balagtas. Nakalulungkot pa nga minsan na ang mga obra

maestra ng dalawang dakilang manunulat na ito ay naipagbabaliktad pa ng mga

estudyante. Ang “Noli Me Tangere” at “El Filibusterismo” diumano’y isinulat ni

Balagtas at ang “Florante at Laura” ay isinulat ni Rizal. Kapansin-pansin rin na mayorya

sa kanila’y may mababanggit man na pangalan ng manunulat na Filipino subalit wala

namang kahit isang pamagat ng akda niya na mabanggit.

Mas malubha ang sitwasyon kung pangalan ng makatang Filipino at tula ang pag-

uusapan.

Sa pagsusuma, ito ang kondisyong aking kinahaharap halos bawat semestre sa

pagtuturo ng panitikan ng Pilipinas. Kung kaya naman, sadya ngang isang hamon para sa

akin na maengganyo sila, una magbasa at pangalawa na bigyang halaga ang Panitikang

Filipino, partikular ang tula na madalas nilang ituring bilang napakalalim at napakahirap

intindihin.

(I)

Isa mga epektibong paraan na aking ginagamit upang muling ipakilala ang tulang

Filipino ay sa paraan ng bugtungan. Magdadala ang bawat estudyante ng mga bugtong na

2
kanilang nasaliksik o natanong sa kanilang mga magulang o kakilala. Pagpapangkat-

pangkatin sila at isa-isa nilang sasagutan ang mga bugtong na kanilang dala-dala. Sa

pamamagitan nito, naipakikilala ang pinakasimple at tradisyunal na paraan ng pagtula sa

bansa. Sa bugtungan, muling nararanasan ng mga estudyante ang oral na tradisyon ng

panitikan noong sinaunang panahong. Bukod pa rito, natatalakay rin ng guro ang

elemento ng sukat at sistema ng tugmaan, partikular sa Panitikang Tagalog. Idagdag pa,

sinisikap nilang huliin ang talinghaga ng bawat bugtong. Halimbawa:

(a) Mataas kung nakaupo,


Mababa kung nakatayo.

Tinatalakay ang bilang ng saknong, taludtod at dami ng pantig ng tula. Maging ang mga

tunog sa huling salita ng bawat linya ay pinag-aaralan; na ang salitang nakaupo

(maragsa) ay katunog ng nakatayo (maragsa).

Bukod pa rito, natatalakay din ang iba’t ibang antas ng tugma3 sa panulaang

Tagalog. Halimbawa sa bugtong na:

(b) Limang magkapatid


Laging kabit-kabit.

ay magkatugma dahil sa ang tunog na D (huling titik ng salitang magkapatid) at tunog na

T (huling titik ng salitang kabit-kabit) na may parehong patinig sa unahan (sa

pagkakataong ito ay titik I) ay magkatunog.4

3
Ang iba’t ibang antas ng tugma ay Karaniwan, Tudlikan, Pantigan at Dalisay.
4
Ang titik D at T ay kabilang sa malakas na katinig, kung gayon ay magkatugma. Kasama sa pa sa lipon na
ito ang titik B, K, G, P at S. Nasa Virgilio Almario. Taludtod at Talinghaga: Mga Sangkap ng Katutubong
Pagtula. Pasig: Anvil, 1991.

Maaari ring basahin ang Jose Rizal. “Arte Metrika del Tagalog,” at Lope Santos. “Pecularidades de la
Poesia Tagala,” kapwa nasa Poetikang Tagalog: Mga Unang Pagsusuri sa Sining ng Pagtulang Tagalog
nina Fray Gaspar de San Agustin, Fray Francisco Benchuchillo, Jose P. Rizal, Lope K. Santos. Virgilio
Almario, ed. Quezon City: Sentro ng Wikang Filipino, 1996. pp. 48-159.

3
Bukod sa elementong sukat at tugma ng tradisyunal na tulang Tagalog, hinuhuli

ng mga estudyante ang talinghaga sa bawat salita. Sa pamamagitan nito, nakikita ng mga

estudyante ang malikot na imahenasyon ng mga sinaunang Filipino sa paglalarawan ng

aso at kamay. Sa kabuuan, nahihinuha rin nila kung anu-anong paksa ang madalas na

makikita sa bugtong ng mga sinaunang Filipino.

Kaugnay nito, naipapakita rin ang kulturang kinapapaloob ng mga bugtong at ang

ebolusyon nito sa pagpasok ng kulturang Kastila, Amerikano at iba pa sa bansa.

Halimbawa, ang pagpasok ng mga salitang banyaga at konseptong banyaga sa bugtong

na:

(c) Baston ni Adan


Hindi mahawakan

Kapansin-pansin ang pagpasok ng konsepto Espanyol sa tula sa pamamagitan ng mga

salitang Adan at baston; maging ang parelelismo ng kuwentong Moses sa bibliya sa

bugtong na ito.

Bukod sa bugtong, ipinakikila rin ang mga salawikain bilang pinakasimple at

tradisyunal na tula sa bansa. Bahagi nito ang banggit sa ilang popular na salawikain

kagaya ng:

(1) Aanhin mo pa ang damo


Kung patay na ang kabayo?

(2) Ubus-ubos biyaya


Bukas, nakatunganga.

(3) Natotoua con pasalop,


Con singili,i, napopoot.

4
Tulad ng ginawa sa bugtong, sinusuri rin ang sukat, tugma at talinghaga ng mga

salawikain. Matapos nito’y ipinakikilala na rin ang iba pang mga katutubong anyong

pampanitikan sa bansa katulad ng tanaga5, diona6, dalit7 at ambahan8.

Narito ang halimbawa ng mga tanagang tinatalakay sa klase:

(1) -------

Nang ualang biring ginto a


Doon nagpapalalo b.
Nang magcaguinto guinto a
Doon nanga songmoco. b

(2) ‘Palay’ ni Ildefonso Santos

Palay siyang matino, a


Nang humangi’y yumuko, a
Nguni’y muling tumayo: a
Nagkabunga ng ginto! a

(3) ‘Agahan’ ni Rio Alma

Isang pinggang sinangag, a


Isang lantang tinapa, b
Isang sarting salabat, a
Isang buntunghininga. b

Sa proseso, natatalakay na rin ang padron ng tugma9.

5
Ang tanaga ay isang katutubong tula na may isang saknong, apat na linya, pipituhin pantig bawat linya;
ito rin ay may tugma.
6
Ang diona ay isang katutubong tula na may tatlong linya at may wawaluhing pantig bawat linya; ito rin ay
may tugma.
7
Ang dalit ay isang katutubong tula na may apat na linya at wawaluhing pantig bawat linya; ito rin ay may
tugma.
8
Ang ambahan ay katutubong tula ng mga Mangyan ng Mindoro. Ito ay binubuo ng isang saknong na may
iba’t ibang bilang ng linya, minsan lima, minsan higit pa sa sampu. Ito ay may pipituhing pantig at may
tugma.
9
Pagtukoy kung ito ba ay isahan, dalawahan o sunuran, inipitan o salitan.

5
Sa kabuuan, ginagamit bilang tuntungan ang mga simpleng anyo ng tula gaya ng

bugtong at salawikain bilang tuntungan sa pag-aaral ng mga tradisyunal na elemento ng

tula.

(II)

Nagiging mas kapanapanabik rin ang muling pagpapakilala sa mga tula sa

pamamagitan ng paggamit ng teknolohiya. Bahagi ng pagpapakilala sa mga bayani ng

katutubong epiko ng Pilipinas ang pagpapanood ng excerpts sa pag-awit ng mga

tagulaylay ng mga grupong Tala-andig ng Bukidnon, Kalinga, at mga taga-Tawi-tawi sa

kani-kanilang mga epiko.10 Sa pamamagitan nito, nagkakaroon ng ‘first-hand experience’

(bagaman nasa porma lamang ng video) kung ano ang kilos, gawi, tono, ekspresyon ng

mukha, kasuotan at iba pa tuwing kinakanta ang mga ito epiko.11

Sa pamamagitan rin nito, naipapakilala ang napakayamang kultura ng Pilipinas na

madalas ay hindi naipapakilala sa mga estudyante. Nagiging lunsaran ang video upang

ipakilala ang epiko ng Pilipinas sa mga estudyante bilang buhay na tradisyon at ang mga

bayani ng epikong Filipino bilang hindi iba sa mga tauhan na nauna nang ipinakilala sa

kanila sa kanilang asignaturang Classical Literature, ang “Iliad” at “Odyssey.” Ang mga

bayani sa epikong Filipino, katulad sa mga nasa kanluraning epiko ay may natatanging

pisikal na lakas, katulad ng pakikipagbunong-braso ni Lam-ang sa alagang kalabaw

noong tatlong taong gulang pa lamang siya, na may mga tauhang anak ng diwata at

mortal katulad nina Labaw Donggon, Humadapnon at Dumalapdap, na may mga

10
“Ulaging” ang ibinahagi ng mga Tala-andig, “Banna” kinanta ng mga Kalinga, “Katakata” ang ibinahagi
ng mga Taga-Tawi-tawi. Nasa Literature of Voice: Epics in the Philippines, Video. Nicole Revel, ed.
Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 2001.
11
Sa video halimbawa, mapapanood nila ang “Ulaging” ay kinakanta nang paupo, ang “Banna” ay
kinakanta naman nang patayo habang ang “Katakata” ay kinakanta naman nang pahiga.

6
mahahabang labanan para ipagtanggol ang kalayaan ng bayan at ng minamahal katulad

ng labanan nina Aliguyon at Pumbakhayon, na may mga mitikal na nilalang katulad ng

Yling sa epikong “Ibalon” ang mahiwagang alagang manok at aso ni Lam-ang.

Ipinakikila ang mga tauhang ito, maging ang banghay ng kuwento ukol sa kamangha-

manghang mga pakikipagsapalaran, na nilangkapan ng kuwentong pag-ibig at

pakikipagtunggali sa mga halimaw bilang balon ng arketipal na imahen ng

kontemporanyong panahon. Ipinakikilala sila bilang hindi iba sa mga lokal at banyagang

superheroes na kanilang napapanood sa kasalukuyang panahon: sina Spiderman,

Superman at maging sina Captain Barbell at Darna.

Kaugnay pa rin ng teknolohiya, ipinaparinig ang ilang mga pagbasa ng tula

(poetry reading) na Nairekord na. Ang mga ito ay maganda ring lunsaran bago magsuri

ng tula. Halimbawa na lamang ay ang pormal na pagbasang ginawa ng makatang Elynia

Ruth Mabanglo sa tulang “Ako ang Daigdig” ni Alejandro G. Abadilla (AGA) o ang

pagpaparinig sa pakanta / pa-rap na bersyon ng batang makatang si Khavn dela Cruz sa

parehong tula.12 Dagdag pa rito ang bersyon ng makata / mang-aawit na si Jess Santiago

sa tulang “Kung Tuyo na ang Luha mo Aking Bayan” at ng aktor na si Joel Torre sa

tulang “Isang Dipang Langit” ng Pambasang Alagad ng Sining na si Amado V.

Hernandez (AVH),13 at ang “Di na tayo Umiibig Tulad Noon,” tula ng Pambansang

Alagad ng Sining na si Virgilio Almario na binasa ni Jovy Peregrino.14 Ang mga

pagbasang ito ay nagiging huwaran rin para sa mga susunod na pagbasa na gagawin ng

mga estudyante sa klase.

12
Nasa KAAKUHAN ni AGA, Mga Tula kay AGA, CD. Quezon City: C & E Publishing Inc., 2006.
13
Nasa Panata sa Kalayaan: Pagbasa ng mga Tula ni Ka Amado, CD. Proyekto ng Amado V. Hernandez
Resource Center (AVHRC), Cultural Center of the Philippines (CCP), Concerned Artist of the Philippines
(CAP) at Sinag-Bayan. Binasa noong Setyembre 14, 2002 sa Tanghalang Manuel Conde, CCP.
14
Nasa Tigre sa Zoo ni Rio Alma, CD. 2009.

7
(III)

Matapos ring makapagsuri ng ilang mga tula sa klase, mula sa tradisyunal na tula

ni Jose Corazon de Jesus at modernong tula nina AGA, Rolando Tinio, Jose Lacaba at

Michael Coroza, bilang paglalagom, ipinasusulat ang mga estudyante ng mga tanaga,

dalit, diona at isang modernong tula na kanilang babasahin at / o itatanghal sa harap ng

klase. Nagiging daan ito upang matukoy ng guro kung naiintindihan ang mga elementong

sukat at tugma sa tradisyunal na tula at maging ang talas at husay ng mga estudyanteng

gumamit ng tayutay at idyomatikong pahayag. Nagiging daan din ito upang maibahagi

nila ang kanilang mga nararamdaman at kaisipan.

Nagkakaroon din ng mga gawaing panggrupo sa klase na may layuning

magsaliklik ng isang Filipinong makata at isa niyang tula na nasa wikang Filipino,

maaaring Tagalog o nasa rehiyunal na wika na may salin sa Tagalog, na kanilang

tatalakayin sa harap ng guro o klase.

Bukod sa paglalapat ng mga teoryang tinalakay sa klase, labis na hinihikayat ang

grupo na kapanayamin ang mga manunulat na kanilang pinili, lalo na kung ito’y

nabubuhay pa. Naging kapaki-pakinabang ang mga online site ukol sa panitikan na mino-

moderate ng mga panitikero upang makahanap ng mga makata na pag-aaralan, sample ng

kanilang mga sinulat at maging ang lokasyon at email address nila upang mas madaling

natutunton. Nariyan halimbawa ang www.liraonline.com, www.panitikan.com.ph,

www.filipinowriter.com at www.highchair.com.ph, bilang mga sanggunian bukod pa sa

iba’t ibang blogsite na mino-moderate mismo ng mga tarikan. Halimbawa, nariyan ang

http://rioalma.com/ ni Rio Alma, http://tagasabato.blogspot.com/ ni Teo Antonio,

http://alimbukad.com/ ni Roberto Anonuevo, at http://kapetesapatalim.blogspot.com/ ni

8
Jose Lacaba. Online na rin ang iba’t ibang unibersidad na mayroong mga palihan,

publikasyon at malalaking departamento ng panitikan.

Bunga nito, hindi na rin kataka-taka na mas nagiging madali ang korespondensya

ng mga estudyante sa kanilang mga pinag-aaralang makata. Sa katunayan, ilan sa kanila

ay nakikipagkuro sa pamamagitan ng email. Batay din sa karanasan, sinasabi ng mga

estudyante na natutuwa silang makita nang harapan at / o makapanayam ng personal ang

mga manunulat na noo’y nababasa lamang nila.

(IV)

Halos bawat taon, bilang bahagi na rin ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika, nag-

iimbita ang Departamento ng Filipino ng mga kilalang makata upang magbigay ng isang

panayam o palihan. Ang ‘Meet-the-Writer’ na proyektong ito ay upang makilala nang

lubusan ang mga makata. Taong 2003 nang magbigay ng lecture-workshop ang

Pambansang Alagad ng Sining na si Virgilio Almario ukol sa tradisyunal na tula, taong

2004 nang magbigay ng panayam si Vim Nadera, tinaguriang Ama ng Performance

Poetry, ukol sa mga anyo at halimbawa ng Makabagong Tula sa Pilipinas, 2008 (kasama

ang organisasyong Haranya15) nang mabigay ng lecture-workshop ang batang makata na

si Egdar Samar ukol sa sukat at tugma sa panulaang Tagalog.

Nagsisilbing inspirasyon ang mga ganitong okasyon upang mas mahimok ang

mga estudyanteng magbasa ng Panitikang Filipino, partikular ang tula, at gayundin ang

pagsulat.

15
Ang Haranya ang tanging organisasyon sa UA&P na kinabibilangan ng mga estudyanteng nahihilig sa
pagsusulat ng panitikan, kadalasan ay tula, sa wikang Filipino.

9
Bahagi pa rin ng paniniwalang hindi lamang sa loob ng apat na sulok ng klasrum

matututuhan ang tula at pagtula, hinihikayat ang mga estudyante ng Panitikan ng

Pilipinas na manood ng mga pagtatanghal ng Haranya. Bawat semester, samu’t saring

mga proyekto katulad ng balagtasaan at malikhaing pagbabasa ng mga tula, na madalas

ay sila ang gumawa. Itinatanghal ang mga ito bilang bahagi ng kanilang selebrasyon sa

mga partikular na okasyon kagaya ng Araw ng mga Puso, Pasko at iba pa.

Sa nasabing mga pagtitipon, nakikita nila ang kapwa nila estudyante na

nagtatanghal sa entablado. Madami ang nagiging inspirado na kung hindi man magsulat

ng tula na labas sa klase ay nagiging inspirado na sumali at makilahok sa susunod na mga

gawain ng Haranya.

Sa kabuuan, sadya ngang isang malaking hamon na gawing kapana-panabik ang

mga pagbabasa at lalo pa ang pagpapahalaga at pagpapaunawa sa mga tula na tinatalakay

sa klase, bunga na rin ng kanilang kawalan ng interes sa Filipino bilang asignatura at sa

kursong panitikan sa kabuuan. Tila isang malaking muog na na kailangang gibain ang

miskonsepsyon na ang panitikan ng Pilipinas, partikular ang tula, ay mahirap basahin,

masyadong malalim, baduy o kaya nakababagot.

Kung kaya naman, una, kailangang simulan ito sa pagpili ng mga tekstong de-

kalibre, ng mga akdang gawa mismo ng mga “totoong” makata; hindi yaong mga editor

ng kanilang highschool teksbuk, na dahil ayaw magbayad ng royalty ay sumusulat ng

mga linyang nagtutugma at ipinapasok na ang mga ito sa kani-kanilang libro. Sa

10
pamamagitan nito, matutukoy nilang (a) hindi lamang sukat at tugma ang tula at (b) na

madaming magandang tula na Filipino.

Pangalawa, kailangan ding iugnay ang mga nababasa ng estudyante sa kanilang

kasalukuyang buhay at nangyayari sa paligid upang hindi lamang madaling maalala ang

akda bagkus upang maging makabuluhan ang pag-aaral ng panitikan. Nakatutulong din

nang mabuti kung maiuugnay ito sa mga asignaturang nakuha na ng estudyante.

Halimbawa ang pag-uugnay ng mga nabasa nilang Kanluraning epiko sa Katutubong

epiko ng mga Filipino.

Pangatlo, maaaring gamitin at imaximisa ang mga kasalukuyang teknolohiya,

mula sa mga larawan, pelikula, audio at iba pa. Sa katunayan, maaaring maging

katuwang ng guro ang aklatan ng unibersidad sa paglikom ng ganitong mga kagamitan

para sa pagtuturo. Subalit mahalaga ring banggitin na sa likod ng mga teknolohiya o

estratehiyang nabanggit ko, guro pa rin ang pinakaimportanteng instrumento sa

pagtuturo.

Bilang pangwakas, kailangang makiramdam ng guro sa mga estudyante niya

upang matutukoy kung anu-ano ang nababagay at angkop na mga gawain para sa klase, o

maging ang bilis o bagal ng talakayan, dahil ang totoo, walang asignatura sa kursong

Edukasyon na makapagbibigay ng iisang pormula sa tama at wastong paraan ng

pagtuturo.

11

You might also like