You are on page 1of 8

Mga Alamat

Ang Alamat ng Bukal ng Tiwi

Ang Bukal ng Tiwi ay isa sa magaganda at natatanging pook sa Pilipinas. Ito ay may layong
higit-kumulang na apatnapung kilometro sa Lunsod ng Legaspi sa Bikol. Ang Bukal ng Tiwi ay
pinagdarayo ng ating kababayang Pilipino at mga dayuhang turista dahil sa mainit na tubig na
sinasabing gamot sa iba't-ibang karamdaman.

Noong unang panahon raw, ang Tiwi ay isang magandang nayon. Bukod dito, nakilala rin ang
Tiwi dahil sa magagandang dalaga sa pook na ito. Nabalitaan raw ito ng anak ng Haring Araw. At
isang araw, sakay sa kanyang karuwahe ay namasyal ang binata sa Tiwi. Magaganda ang mga
dalagang kanyang nakita. Nabighani kaagad siya sa ganda ni Aila, ang pinakamaganda sa lahat ng
dalaga sa Tiwi. Mabilis na bumalik ang binata kay Haring Araw at ibinalita niya ang napakagandang
dalaga na nakita niya. Sinabi niya sa hari na iniibig niya ang dalaga at ibig niya itong maging asawa.

Malungkot na umiling ang hari at ipinaliwanag sa binata na hindi maaaring mag-asawa ang
katulad niya sa mga karaniwang tao.

Nalungkot ang binata sa sagot ng ama kaya hindi na siya namasyal nang sumunod na mga
araw. Ang kanyang karuwahe, kasuotan at mata na nagbibigay liwanag ay hindi na nakita ng mga tao.
Dahil dito nagdilim ang mundo.

Naisip ni Haring Araw na kaawa-awa ang mga tao. Kinausap niya ang binata upang muling
magliwanag ang daigdig. Pumayag ang binata. Binalak niyang bumalik sa Tiwi at pakasalan ang
magandang si Aila na lingid sa kaalaman ni Haring Araw.

Mabilis na nagbihis ang binata at masiglang sumakay sa kanyang karuwahe. Dahil dito muling
lumiwanag ang paligid. Kaagad niyang pinuntahan ang Nayon ng Tiwi upang magpahayag ng pag-ibig
sa magandang si Aila. Ngunit nang malapit na siya sa nayon ay sumiklab ang apoy. Nakita niya na
nagtatakbuhan ang mga tao upang iligtas ang kanilang sarili. At nakita ng binata ang magandang si
Aila kaya mabilis siyang bumaba upang iligtas ang dalaga.

Natupok ang buong nayon at ang lahat ng tao roon. Kinalong ng binata ang natupok na dalaga.
Sa isang iglap ay naging abo ang katawan ng magandang si Aila. Biglang sumaisip ng binata na
sadyang magsisiklab ang anumang bagay na mapapalapit sa kanyang karuwahe at kasuotan,
gayundin kung matitigan ng kanyang mga mata. Naalala rin niya ang paliwanag ng kanyang Amang
Araw na hindi maaaring mag-asawa sa karaniwang tao ang katulad nila. Malunkot na sumakay na muli
sa kanyang karuwahe ang binata. Bumalik siya kay Haring Araw upang ibalita ang masamang bunga
ng pag-ibig niya sa isang magandang dalaga.

Sa paglipas ng panahon, nakita ng mga tao ang pagbabagong bihis ng natupok na Nayon ng
Tiwi. May bumukal na tubig sa gitna ng natupok na pook at muling naging lunti ang paligid. Mula na
noon hanggang sa ngayon, pinagdarayo ng mga tao ang bukal ng Tiwi dahil sa mainit na tubig na
bumabalong sa bukal na namumuti sa singaw ng init ng araw.
Ang Alamat ng Pinya

Mahal na mahal ni Aling Rosa ang kanyang anak na si Pina. Inaalagaan niya itong mabuti at
hindi niya pinagagawa sa bahay upang hindi mapagod. Masaya na siyang nagsisilbi sa anak at
gumawa ng lahat ng trabaho sa bahay. Si Pina ay lumaki sa layaw dahil sa kagagawan ni Aling Rosa.
Gustuhin man niyang turuan itong gumawa sa bahay at magbago ng ugali ay hindi na niya magawa.
Ayaw nang baguhin ni Pina ang kanyang nakasanayang masarap na buhay. Kung kaya’t napilitan si
Aling Rosa na kahit na matanda na ay siya pa rin ang nagtatrabaho at gumawa ng lahat ng gawain sa
bahay.

Isang araw ay nagkasakit si Aling Rosa. Mahinang-mahina siya at hindi na makabangon sa


higaan. Nagmakaawa siya sa anak na magluto ng pagkain upang hindi sila magutom na mag-ina.

Masama man ang loob ay pumayag si Pina na magluto at gumawa ng iba pa. Ngunit pamali-
mali dahil hindi siya sanay magtrabaho.

Nagtagal ang sakit ni Aling Rosa at nagsawa si Pina sa paggawa at pagsunod sa utos ng ina.
Madalas na silang magkagalit. Laging masama ang loob ni Pina habang gumagawa ng trabaho sa
bahay.

Isang araw ay magluluto na naman si Pina. Hindi siya makapagsimula dahil hindi niya makita
ang sandok. Hinanap niya itong mabuti sa loob ng bahay ngunit di pa rin niya makita. Nagreklamo na
siya sa kanyang ina. Inutusan siya ng ina na bumaba ng bahay at doon hanapin dahil baka nahulog sa
lupa.

Nagkakagalit na ang mag-ina dahil sa paghahanap ng nawawalang sandok, hanggang sa


nasambit ni Aling Rosa ang: Sana’y tubuan ka ng maraming mata nang makita mo ang iyong
hinahanap!

Ilang oras na ang nagdaan ay hindi pa umaakyat si Pina sa bahay. Lumipas na ang gutom ni
Aling Rosa ay wala pa rin si Pina. Gabi na wala pa rin si Pina. Nag-alala na si Aling rosa sa hindi
pagbalik ni Pina. Nagtanong siya sa kanilang mga kapitbahay ngunit walang nakakita kay Pina.
Hinanap niya itong muli sa buong kabahayan at sa buong bakuran. Hindi na niya nakita si Pina.

Isang araw, sa isang sulok ng kanilang bakuran ay nakita niya ang isang halaman na ang
bunga ay tulad ng isang ulo na maraming mata. Naalaala ni Aling Rosa ang sinabi sa kanyang anak:
Sana’y tubuan ka ng maraming mata nang makita mo ang iyong hinahanap! Napaiyak si Aling Rosa at
iniisip na ang halamang tumubo sa kanyang bakuran ay ang kanyang anak na si Pina.

Inalagaan niya ang halaman at simula noon ay tinawag niya itong Pinya.
Mga Bugtong
1. Kung kailan mo pinatay, saka pa humaba ang buhay.
Sagot: kandila

2. Baboy ko sa pulo, ang balahibo'y pako.


Sagot: langka

3. Nang sumipot sa maliwanag, kulubot na ang balat.


Sagot: ampalaya

4. Isang butil ng palay, sakot ang buong buhay.


Sagot: ilaw

5. Ako ay may kaibigan, kasama ko kahit saan.


Sagot: anino

6. Sa araw ay bungbong, sa gabi ay dahon.


Sagot: banig

7. Dumaan ang hari, nagkagatan ang mga pari.


Sagot: siper

8. Munting hayop na pangahas, aaligid-aligid sa ningas.


Sagot: gamu-gamo

9. Tinaga ko ang puno, sa dulo nagdurugo.


Sagot: gumamela

10. Naabot na ng kamay, ipinagawa pa sa tulay.


Sagot: kubyertos

11. Malaking supot ni Mang Jacob, kung sisidlan ay pataob.


Sagot: kulambo

12. Maliit pa si kumare, marunong ng humuni.


Sagot: kuliglig

13. Baka ko sa palupandan, unga'y nakakarating kahit saan.


Sagot: kulog
Mga Maikling Kwento

Kung Bakit may Tagsibol at Taglagas

Si Proserpina ay isang dalagang magandang-maganda. Katulong siya ng kanyang


inang si Demiter sa pangangalaga sa mga halaman sa lupa. Kung minsan ang mag-ina
ay namimitas ng mga bulaklak na basa pa ng hamog kung bukang-liwayway. Kung
minsan naman ay nakikipagsayaw si Proserpina sa kanyang mga kapwa dalaga sa gitna
ng parang. Masaya ang buhay ng mag-ina.

Nang mga panahong yaon ay malungkot si Pluto. Nag-iisa siya sa kanyang kaharian sa
ilalim ng lupa. Ibig niyang magkaroon ng reyna. Marami nang dalaga ang kanyang
pinaghandugan ng mga mahal at magagandang hiyas, ngunit isa man ay walang
mahikayat na tumira sa kanyang kaharian.

Isang araw ay nagtungo si Pluto sa ibabaw ng lupa. Nakalulan siya sa kanyang gintong
karosa na hinihila ng mga kabayong walang kamatayan. Mabilis ang takbo ng mga
kabayo. Nagkataong nasa parang noon sina Proserpina at ang kanyang mga kaibigan.
Nakita siya ni Pluto.

“Siya ang gagawin kong reyna ng aking kaharian,” ang bulong ng hari.

Pinatakbo ni Pluto ang kanyang mga kabayo at inagaw ang dalagang namimitas ng
mga bulaklak. Humingi ng tulong si Proserpina. Tumawag siya sa kanyang amang si
Seus, ngunit hindi siya narinig nito.

Walang nakarinig sa kanyang kasisigaw maliban sa isang mahiwagang diyosang ang


pangalan ay Hekate. Gayunman ay sumigaw rin nang sumigaw si Proserpina. Ang
alingawngaw ng kanyang sigaw ay ikinalat ng hangin sa mga burol at kagubatan
hanggang sa narinig ni Demiter na noo’y nasa malayong pook.

Dali-daling nagbalik sa Sisilya si Demiter. Una niyang tinungo ang kanilang tahanan
upang tingnan si Proserpina. Wala roon ang dalaga. Naghanap si Demiter. Siyam na
araw niyang hinanap ang nawawalang anak. May dala siyang dalawang sulo na
itinatanglaw sa lahat ng sulok ng lupa, ngunit di niya matagpuan ang dalaga. Dahil sa
laki ng kanyang kalungkutan ay hindi siya tumikim ng anumang pagkain ni inumin.

Dumating sa kanya si Hekate nang ikasampung araw. Ibinalita sa kanyang narinig niya
ang mga sigaw ni Proserpina ngunit hindi niya nakita kung sino ang umagaw.

Hindi naasikaso ni Demiter ang kanyang gawain sa ibabaw ng lupa. Namatay ang mga
halaman at nagkagutom ang mga tao. Habang lumalakad ang mga araw ay lalo silang
nagkakagutom. Lumapit sila kay Demiter at hiniling ditong patubuin na ang mga halaman
sa lupa.
Naging matigas ang puso ni Demiter dahil sa kalungkutan. Sinabi niya sa mga tao na
hangga’t hindi niya nakikita ang kanyang anak ay hindi niya maasikaso ang mga gawain
niya sa lupa.

Naghanap siya nang naghanap. Nang wala na siyang pag-asa ay lumapit siya kay Seus.
Hiniling niya sa diyos ng mga diyos na ibalik sa kanya si Proserpina.

“Kung siya’y ibabalik sa akin ay muling magkakaroon ng masaganang ani sa lupa,” ang
sabi ni Demiter kay Seus.

Naawa sa kanya si Seus. Ipinangako sa kanyang ibabalik sa piling niya si Proserpina


kung ang dalaga’y hindi kumain ng anuman samantalang siya’y nasa kaharian ni Pluto.

Natuwa si Demiter. Nagtungo siya sa ilalim ng lupa. Natagpuan niya si Proserpina sa


palasyo ni Pluto. Nagyakap ang mag-ina. Ibig na ibig na ng dalagang masilayan ang
ibabaw ng lupa na sinisikatan ng araw.

Ngunit siya pala’y kumain ng araw na yaon ng anim na buto ng granada. Dahil sa
pagkakain niyang yaon ay minarapat ni Plutong mamalagi sa kanyang piling si
Proserpina sa loob ng anim na buwan, at sa piling naman ni Demiter sa nalalabing anim
na buwan bawat taon.

Kung si Proserpina’y nasa piling ng kanyang ina ay tagsibol at tag-araw sa ibabaw ng


lupa. Kung siya’y nasa kaharian ni Pluto ay taglagas at taglamig sa ibabaw ng lupa.

Bakit may Pulang Palong ang mga Tandang?

Nakapagtataka kung bakit may pulang palong ang mga tandang. Kapansin-pansin din na kapag
pulang-pula ang palong ng tandang ay magilas na magilas ito. Para bang binata na nagpapaibig
sa mga dalaga.

Ayon sa kuwento, may mag-ama raw napadpad ng bagyo sa isang baryo sa pulo ng Masbate.
Ang ama ay nakilala ng mga tao sa nayon dahil sa kawili-wiling mga palabas nito na mga
salamangka o mahika. Tinawag nilang Iskong Salamangkero ang kanilang bagong kanayon.

Bukod sa pagiging magalang, masipag, mapagkumbaba ay mabuting makisama sa mga taga


nayon si Iskong Salamangkero. Madali siyang nakapaghanap ng masasakang lupa na siyang
pinagmulan ng kanilang ikinabubuhay na mag-ama.

Kung anong buti ng ama ay siya namang kabaliktaran ng anak nitong si Pedrito. Siya ay tamad
at palabihis.

Ibig ni Pedrito na matawag pansin ang atensyon ng mga dalagita. Lagi na lamang siyang nasa
harap ng salamin at nag-aayos ng katawan.
Ang paglilinis ng bahay at pagluluto ng pagkain na siya lamang takdang gawain ni Pedrito ay
higit pa rin niya pinagkakaabalahan ang pag-aayos ng sarili.

Kapag siya ay pinagsasabihan at pinangangaralan ng ama ay nagagalit siya at sinagot-sagot


niya ito.

Isang tanghali, dumating sa bahay si Iskong Salamangkero mula sa sinasakang bukid na pagod
na pagod at gutom na gutom. Dinatnan niya na wala pang sinaing at lutong ulam si Pedrito.

Tinawag niya ang anak ngunit walang sumasagot kaya pinuntahan niya ito sa silid. Nakita niya
sa harap ng salamin ang anak na hawak ang pulang-pulang suklay at nagsusuklay ng buhok

“Pedrito, magsaing ka na nga at magluto ng ulam. Gutom na gutom na ako, anak”, wika ni
Iskong Salamangkero.

Padabog na hinarap ni Pedrito ang ama at kanyang sinagot ito.

“Kung kayo ay nagugutom, kayo na lamang ang magluto. Ako ay hindi pa nagugutom.” At
nagpatuloy ng pagsusuklay si Pedrito ng kanyang buhok.

Nagsiklab ang galit na si Iskong Salamangkero sa anak. Sinugod niya si Pedrito at kinuha ang
pulang suklay. Inihampas niya ito sa ulo ng anak at malakas niyang sinabi:

“Mabuti pang wala na akong anak kung tulad mong tamad at lapastangan. Sapagkat lagi la na
lamang nagsusuklay ang pulang suklay na ito ay mananatili sana iyan sa tuktok ng iyong ulo.” At
idiniin ni Isakong Salamangkero ang pulang suklay sa ulo ni Pedrito

Dahil sa kapangyarihang taglay ni Isko bilang magaling na salamangkero, biglang naging


tandang ang anak na tamad at lapastangan. At ang suklay sa ulo ni Pedrito ay naging pulang
palong. Hanggang sa ngayon ay makikita pa natin ang mapupulang palong sa ulo ng mga
tandang.
Mga Salawikain

Mga Salawikain Tungkol sa Edukasyon

1. Kapag pinangatawanan, sapilitang makakamtan.

2. Kung walang tiyaga, walang nilaga.

Mga Salawikain Tungkol sa Wika

1. Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika, daig pa ang malansang isda.

Mga Salawikain Tungkol sa Buhay

1. Aanhin mo ang palasyo,


Kung ang nakatira ay kuwago?
Mabuti pa ang bahay kubo,
Ang nakatira ay tao.

2. Ako ang nagbayo,


Ako ang nagsaing.
Saka ng maluto’y,
Iba ang kumain.

3. Ako, ikaw o kahit sinumang nilalang,


Tayong lahat ay arkitekto ng sariling kapalaran.

4. Ang bayaning nasugatan


Nag-iibayo ang tapang.

5. Ang buhay ay parang gulong,


Minsang nasa ibabaw,
Minsang nasa ilalim.

6. Ang bulsang laging mapagbigay,


Hindi nawawalan ng laman.

7. Ang hindi napagod magtipon,


Walang hinayang magtapon.

8. Ang iyong kakainin,


Sa iyong pawis manggagaling.

9. Ang kaginhawaan ay nasa kasiyahan at wala sa kasaganaan.

10. Ang lumalakad nang mabagal,


Kung matinik ay mababaw.
Ang lumalakad nang matulin,
Kung matinik ay malalim.
Mga Sagisag
1. Kalabaw (Carabao / Water buffalo)
 Pambansang Hayop (National Animal)
2. Litsong Baboy (Roasted pig)
 Pambansang Pagkain (National Food)
3. Sampaguita (Sampaguita)
 Pambansang Bulaklak (National Flower)
4. Anahaw (Fan Palm)
 Pambansang Dahon (National Leaf)
5. Bangus (Milkfish)
 Pambansang Isda (National Fish)
6. Mangga (Mango)
 Pambansang Prutas/bungangkahoy (National Fruit)
7. Bahay Kubo (Nipa Hut)
 Pambansang Tirahan (National House)
8. Agila (Philippine eagle)
 Pambansang Ibon (National Bird)
9. Narra (Narra)
 Pambansang Punungkahoy (National Tree)
10. "Lupang Hinirang"
 Pambansang Awit (National Anthem)
11. Wikang Filipino (Filipino)
 Pambansang Wika (National Language)
12. Barong Tagalog
 Pambansang Kasuotan ng Lalaki (National Dress for Male)
13. Baro at Saya
 Pambansang Kasuotan ng Babae (National Dress for Female)
14. Bakya
 Pambansang Sapin sa Paa (National Footwear)
15. Sipa
 Pambansang Laro (National Sport)
16. Cariñosa
 Pambansang Sayaw (National Dance)
17. Dr. Jose Rizal
 Pambansang Bayani (National Hero)
18. Watawat ng Pilipinas (Philippine flag)
 Pambansang Watawat (National Flag)
19. Rizal Park
 Pambansang parke (National Park)

You might also like