You are on page 1of 25

Alamat ng Lamok

Noong unang panahon sagana sa lahat ng bagay ang bayan ng Tungaw. Mataba ang
lupang taniman dito. Masasaya ang mga tao. Ngunit marumi sila sa kanilang
kapaligiran. Madalas na naglulusak sa dumi ang mga bakuran. Nagkalat ang mga balat
ng prutas kahit saan. Nanlilimahid ang mga bata sa daan.

Isang araw, nahintakutan ang lahat sa biglang pagkawala ng ilang mga tao.

Walang nakakaalam kung saan sila napupunta. Padalas nang padalas ang mga

nawawala kaya’t lumapit ang taong bayan sa kanilang makisig na hari upang

humingi ng tulong.

“Magbantay tayo sa bawat sulok ng ating bayan,” sabi ng hari.

Kahit ubuhin sila sa nakasusulasok na mga basura, araw at gabing nagbantay ang mga
taong bayan at mga kawal. Hanggang sa makita nila ang paglitaw ng higanteng si
Amok sa may paanan ng bundok. Kinuha nito ang isang magbubukid at agad na nilulon.

“Wala nang sasarap pa sa maruruming tao! Blurp,” dighay ng higante.

“Wala tayong laban sa higante,” panlulumo ng isang binatang nangungutib ang

kamiseta.

“Mabuti sigurong umalis na lamang tayo sa Tungaw,” mungkahi ng mga

matatandang kutuhin.

Iwanan kaya nila ang kanilang maruming bayan?

“Hindi natin maaaring iwan ang ating bayan. Dapat natin itong ipagtanggol,”

mahigpit na sabi ng hari.

“Nasasarapan ang higanteng Amok sa ating karumihan. Kailangan nating maglinis


upang iwanan tayo ng higante,” utos ng hari.

Nagwalis ang kababaihan. Naligo ang mga bata. Naglaba ang kalalakihan. Saka

sila naghandang muli upang ipagtanggol ang kanilang bayan.


Nang muling lumusob ang higante, pinaulanan nila ito ng pana sa dibdib. Ngunit parang
walang puso ang higante. Hindi ito nasasaktan. Nilulon ng higante ang ibang kawal at
dinakip ng buhay ang ilang taumbayan.

“Wala sa dibdib ang puso ng higante kaya’t hindi siya mapatay,” paalala ng isang

matanda.

“Nasaan kaya?”, tanong ng hari.

“Walang sinumang nakakaalam”, sagot ng matanda.

Nag-isip nang paraan ang hari upang matuklasan kung paano mapapatay ang higante.
Nang minsang mabusog ito, nagkunyaring nahimatay ang hari. Napasama siya sa mga
dinakip ng buhay. Nang makarating sa kuweba, isang batang higante ang sumalubong
kay higanteng Amok.

“Narito ang pagkain mo. Matuto kang magtipid. Marunong nang maglinis at magtago
ang mga taong marurumi,” saka muling umalis ang higante.

Biglang bumangon ang hari at hinugot ang espada. Natakot ang batang higante.

“Hindi ko na po kayo kakainin, huwag ninyo akong patayin,” pagmamakaawa nito sa


hari.

“Nasaan ang puso ng iyong ama?,” sigaw ng hari.

“Hindi mo dapat malaman!,” iyak ng batang higante.

“Kung gayon ay papatayin kita!,” matapang na sabi ng hari.

“Nasa ilong ang puso ng aking ama kaya’t nasasarapan siya sa inyong kabahuan at
karumihan,” nangangatog na sagot ng batang higante.

Itinali ng hari ang batang higante at pinakawalan ang mga taong nakakulong sa
kuweba.

Hinanap ng makisig na hari ang higanteng Amok. Naabutan niya ito sa bayan.

Umakyat sa puno ang hari at tinaga sa ilong ang higante. Namilipit ito sa sakit.
Pinagtulungan nilang itali kasama ng batang higante. Sinunog ng taong bayan

ang mag-amang higante sa gitna ng tambak nilang basura.


“Hindi n’yo kami mapapatay. Hangga’t marumi ang inyong paligid, babalik kami at
sisipsipin ang inyong mga dugo!,” sigaw ng higanteng Amok bago siya matupok ng
apoy.

Itinapon ng taumbayan ang mga abo ng mag-amang higante sa maruming ilog.

Tumahimik na muli sa bayan ng Tungaw. Ngunit nagulat ang lahat sapagkat mula sa
maruming ilog ay may maliliit na insektong lumulusob sa bayan tuwing gabi. Naninipsip
sila ng dugo ng mga tao.

Naalala ng mga matatanda ang sabi ng higanteng Amok bago masunog kasama ng
anak. Nilinis ng mga taga- Tungaw ang kanilang maruming ilog. Dumalang ang maliliit
na insektong naninipsip ng dugo. Kinalaunan, tinawag ng mga taumbayan ang mga
insektong, Lamok.
ALAMAT NG SAGING

Noong unang panahon, isang magandang babae ang nakakilala ng


isang kakaibang lalaki. Ito ay isang engkanto. Masarap mangusap ang lalaki at
maraming kuwento. Nabihag ang babae sa engkanto. Ipinagtapat naman ng engkanto
na buhat siya sa lupain ng mga pangarap, at hindi sila maaaring magkasama.
Gayunman, umibig ang babae sa lalaki.

Isang araw, nagpaalam ang binata. Sinabi niyang iyon na ang huling pagkikita nila.
Nang magpaalam ang engkanto, hindi nakatiis ang babae. Ayaw niyang paalisin ang
lalaki. Maghigpit niyang hinawakan ang kamay ng lalaki para huwag itong makaalis.
Pero nawala ang lalaki, at sa matinding pagkabigla ng babae, naiwan sa kanya ang
kamay nito. Nahintakutan ang babae. Dali-dali niyang ang kamay sa isang bahagi ng
bakuran.

Kinaumagahan, dinalaw niya ang pook na pinagbaunan ng kamay. Napansin niyang


isang halaman ang tumutubo. Makaraan ang ilang buwan, tumaas ang puno na
may malalapad na dahon. Nagkabunga rin ito na may bulaklak na itsurang daliri ng
mga kamay. Ito ang tinatawag na saging ngayon.
ALAMAT NG LANSONES

Sinasabing ang puno ng lansones ay karaniwang makikita sa Luzon. Gayunman,


walang gaanong pumapansin dito. Isang araw, isang magnanakaw ng kalabaw
ang hinahabol ng mga tao. Napagawi ito sa lansonesan at doon nagtago. Sapagkat
gutom na gutom na rin ang magnanakaw sa katatakbo, pumitas siya ng lansones at
kumain. Nalason siya. Dinatnan siya ng mga taong patay at may bakas pa ng bula sa
bibig. Mula noon, pinagkatakutan ang lansones. Walang nangahas kumain nito.

Minsan, isang babaing nakaputi ang dumating. Palakad-lakad ito sa may lansonesan.
Pakanta-kanta ang babae kaya marami ang nakatingin sa kanya
pero nangangamba namang makipag-usap. Nakita ng lahat na kumuha ng bunga ng
lansones ang babae at nagsimulang kumain. Inasahan ng mga nanonood na
mamamatay siya pero walang nangyari sa kanya. Kinambatan niya ang mga tao para
lumapit. "Alam kong nagugutom kayo, inalisan ko na ito ng lason. Maaari na ninyong
kainin." Takot pa rin ang mga tao. Pero inabutan sila ng babae ng lansones. "Makikita
ninyong may bakas ng kurot ang prutas. Iyan ang tanda na inalisan ko na ito ng lason.
Kumain na kayo." At nawala ang babae.

Sinapantaha ng lahat na isang ada ang babae. Tinikman nilang lahat ang prutas. At
naroon nga ang bakas ng kurot, wari’y lalong nagpalinamnam sa lansones.
ALAMAT NG MANGGA

Kaisa-isang anak nina Aling Maria at Mang Juan si Ben. Mabait at matulungin si
Ben. Nagmana siya sa kanyang mga magulang na mababait din naman. Isang araw,
isang matandang pulubi ang kinaawaan ni Ben. Inuwi niya ang pulubi sa bahay,
ipinagluto at pinakain. Isang araw naman, samantalang nangangahoy, isang
matandang gutom na gutom ang nasalubong niya. Pinakain din niya ito at binigyan ng
damit.

Makaraan ang ilang panahon, nagkasakit si Ben. Sa kabila ng pagsisikap ng mag-


asawa na pagalingin ang anak, lumubha ito at namatay pagkatapos. Ganoon na lamang
ang iyak ng mag-asawa. Kinabukasan, habang nakaburol ang kanilang anak, dumating
ang isang diwata. Hiningi nito ang puso ni Ben, Ibinaon ng diwata ang puso sa isang
bundok. Ito ay naging punongkahoy na may bungang hugis-puso. Marami
ang nakikinabang ngayon sa bungang ito.
Sinasabing may isang bayang hindi nakakilala ng gutom dahil may isang gong
o batingaw silang nagkakaloob ng kanilang kahilingan. Nabalitaan ito ng
mga tulisan kaya nag-ambisyon silang nakawin ang gong at ilipat ito sa ibang lugar.
Sa takot ng mga tao sa pagsalakay ng mga tulisan, ibinaon nila ang gong sa isang
lugar na malapit sa gubat.

Sumalakay nga ang mga tulisan. Nakipaglaban ang mga taong-bayan


hanggang maitaboy paalis ang mga gustong magnakaw ng kanilang gong.
Sa kasawiang-palad, marami-rami rin ang namatay. Kabilang dito ang mga nagbaon
ng gong. Samakatwid, walang makapagsabi kung saan nakatago ang gong.

Ilang taon ang lumipas at hindi pa rin nakikita ang gong.Naghihirap na ang mga tao.
Isang araw, isang bata ang napadako sa tabi ng gubat at nakakita ng isang punong may
bungang hugis batingaw (kahugis ng gong na nawawala). Inakyat ng bata ang puno at
tinikman ang bunga. Nasarapan siya kaya nag-uwi pa para sa mga kababayan. Nang
makita ng mga kababayan niya ang bunga naghinala silang naroon sa punong iyon
ang kanilang gong. Nagpuntahan ang mga tao roon at hinukay ang ugat ng puno.
Totoo nga! Sa ilalim niyon nakabaon ang gong na susi ng kanilang kasaganaan.
Nakuhang muli ang gong at nagkaroon pa ng punong may matamis na
bungang hugis kampana ang mga taong-bayan.
Alamat ng Ahas
Bago pa man gumagapang ang mga ahas ay dati na silang may mga paa.
Tulad ng iba pang mga hayop, ang mga ahas ay may apat na paa na kanilang
ginagamit upang makalakad. Sa gubat, tinuruan ng isang guro ang mga
magkakaibigang kobra, sawa at dahong palay ng pagtatanggol sa sarili. Ang
mga ito ay tinuruan ng guro sapagkat napansin nito na ang mga ahas ay
maliliit at palagi silang kinakawawa ng mga mas malalaking hayop.

Matapos ang kanilang pagaaral, natuto nga ang mga ahas ng kakayahang
ipagtanggol ang sarili. Mahigpit na ipinagbilin ng guro sa mga ito na wag
gamitin ang natutunang kakayahan sa paghahambog lamang. Ito ay
gagamitin lang nila kung kinakailangan at sa mabuting layunin lamang.

Ngunit dahil sa bagong natutunan, naging mataas ang tingin ng mga ito sa
sarili. Saan man sila magpunta ay pinagyayabang nila na itinuro sa kanila ng
guro ang kakayahan na ipagtanggol ang sarili maski mas malaki pa ang
kalaban.

Isang araw, ang mga ahas ay nagkatuwaan at nagpustahan kung sino sa


kanila ang pinakamagaling. Nagpatagisang gilas silang tatlo. Dahil dito, ang
lahat ng mga hayop sa gubat ay nagkagulo. Sumakit ang katawan ni Leon ng
pilipitin ni kobra. Iika-ika si elepante matapos sipa-sipain ni sawa ang kanyang
mga binti. Si matsing naman ay napagod at hinihingal sa katatakbo upang
maiwasan ang mga suntok ni dahong palay.

Narinig ng guro ang ginawa ng mga tinuruan niyang ahas. Napa-iling ito at
nag-isip kung paano niya tuturuan ng leksiyon ang mga hambog at malilikot
na hayop. Matapos mag-isip ay hinanap niya ang mga ahas.

Nang makita ng guro ang mga ahas, ito ay nagdasal. Napatulog niya ang mga
ito. Itinali niya at inipit ang mga paa ng malilikot na ahas at pinutol ang mga
ito.

Nagising ang tatlo at nakita ang putol nilang mga paa. Nasa tabi nila ang
kanilang guro. Pinaunawa ng guro na kaya niya pinutol ang mga paa nito ay
dahil sa naging hambog ang mga ito dahil sa panibagong natutunan.
Pinagsabihan niya ang mga ahas na simula noon ay wala na silang paa at
gagapang na lamang sila para makalakad. Hindi na rin nila magagamit ang
kakayahan sa pagtatanggol dahil hindi sila karapat-dapat para dito.
Simula noon ay gumagapang na lang ang mga ahas. Dahil hindi na rin nila
magamit ang kakayanan ng pagtatanggol at sa hiyang dinulot ng
pagkakaputol ng paa, sila ngayon ay naging mailap sa ibang mga hayop.
Nagtatago sila at nag-aantay ng tamang pagkakataon upang umatake sa
kanilang biktima.

ARAL: Iwasan ang pagiging hambog o mayabang. Wala


itong mabuting idudulot sa halip ay makasisira pa ito sa
ating pagkatao.
Alamat Ng Butiki
Alamin kung bakit humahalik sa lupa ang butiki.

Noong unang panahon, may isang batang pilyo na nag ngangalang Kiko. Ang bata ay
madalas mapalo ng mga magulang sapagkat ito'y malikot at matigas ang ulo.

Buod dito ay walang galang sa matanda si Kiko kaya't walang may gustong makipag
kaibigan sa kanya.

Palibhasa'y walang kaibigan ay ang mga maamong hayop na lamang ang pinaglalaruan ni
Kiko. Ang mga maamong hayop na iyon ay nagiging mailap sa pananakit ng bata.

Isang araw habang abala ang ina sa pag wawalis ng bakuran ay lumapit ang bata sa punso
at walang kagatol gatol nitong sinipa ang punso.

Galit na galit ang ina ni Kiko at agad na humingi ng tawad sa mga duwende sa punso at
nagsabing hindi na ito mauulit.

Pinangaralan si Kiko ng ina na masamang magalit ang mga duwende sa punso.

Subalit umulit na naman si Kiko ng isang araw ay may nakitang bayawak. Sinundan ito
ni Kiko hanggang sa matagpuan ang mga itlog nito.

Tuwang tuwang tinirador ni Kiko ang mga itlog ng bayawak ngunit biglang nagulat nang
may sumulpot sa duwende sa harap nya.

"Hoy batang salbahe! alam mo bang may buhay sa loob ng mga itlog na yan? sa ginawa
mong yan, ikaw ay aking parurusahan. Magiging kalahi mo ang mga bayawak! Bago
magtakipsilim, ikaw ay hahalik sa lupa at Butiki ang sayo'y itatawag!"

Natakot ang bata at sinabing di na ito mauulit at magpapakabait na. Ngunit di na ito
pinatawad ng duwende.

Dali daling tumakbo si Kiko sa kanilang bahay at humahangos na umakyat ng hagdan.

"Ayokong maging butiki ina..." saad ng nahintatakutang si Kiko

Nakita ng ina ni Kiko na ang bata ay unti unti nagiging isang maliit na hayop na kamukha
ng bayawak. Palibhasay "Butiki" ang huling narinig sa anak ay Butiki na ang tinawag
nila rito. Mula noon, patuloy pa rin sa paghalik sa lupa ang butiki tuwing dapithapon.
Si Langgam At Tipaklong (Pabula)
Maganda ang panahon. Mainit ang sikat ng araw. Maaga pa lamang ay
gising na gising na si Langgam. Nagluto siya at kumain. Ilang sandali pa,
lumakad na siya. Gaya ng dati, naghanap siya ng pagkain. Isang butil ng
bigas ang nakita niya. Pinasan niya ito at dinala sa kanyang bahay. Nakita
siya ni Tipaklong.

"Magandang umaga kaibigang Langgam," bati ni Tipaklong. "Kay bigat ng


iyong dala. Bakit ba wala kanang ginawa kundi maghanap at mag-ipon ng
pagkain?"

"Oo nga, nag-iipon ako ng pagkain habang maganda ang panahon," sagot
ni Langgam.

"Tumulad ka sa akin, kaibigang Langgam," wika ni Tipaklong. "Habang


maganda ang panahon, tayo ay magsaya. Halika, tayo ay lumukso. Tayo
ay kumanta."

"Ikaw na lang kaibigang Tipaklong," sagot ni Langgam. "Gaya ng sinabi ko


sa iyo, habang maganda ang panahon ako ay naghahanap ng pagkain.
Ito'y aking iipunin para ako ay may makain pag sumama ang panahon."

Lumipas pa ang maraming araw, dumating na ang tag-ulan. Ulan sa


umaga, ulan sa hapon at sa gabi umuulan pa rin. At dumating ang
panahong kumidlat, kumulog at lumakas ang hangin kasabay ang
pagbuhos ngmalakas na ulan. Ginaw na ginaw at gutom na gutom ang
kaawa-awang Tipaklong. Naalala niyang puntahanang kaibigang si
Langgam. Paglipas ng bagyo, pinilit ni Tipaklong na marating ang bahay ni
Langgam. Bahagya na siyang makalukso. Wala na ang dating sigla ng
masayahing si Tipaklong.

"Tok! Tok! Tok!"

Nang buksan ni Langgam ang pinto nagulat siya."Aba! Ang aking


kaibigan," wika ni Langgam. "Tuloy ka Tipaklong."

Binigyan ni Langgam ng tuyong damit si Tipaklong. Mabilis na naghanda


siya ng pagkain. Ilan pang sandali at magkasalong kumain ng mainit na
pagkain ang magkaibigan.
"Salamat, kaibigang Langgam," wika ni Tipaklong. "Ngayon ako naniniwala
sa iyo. Kailangan nga palang mag-ipon habang maganda ang panahon at
nang may makain pagdating ng tag-gutom."

Mula noon, nagbago si Tipaklong. Pagdating ng tag-init at habang


maganda ang panahon ay kasama nasiya ng kanyang kaibigang si
Langgam. Natuto siyang gumawa at higit sa lahat natuto siyang mag-
impok.

ARAL:
Mag-impok habang maganda ang sitwasyon upang maging handa sa
anumang suliranin sa hinaharap.
Ang Aso At Ang Anino
Isang araw, may isang aso ang naglalakad sa may daan habang kagat-kagat sa bibig
ang isang pirasong karne. Tumawid siya sa isang tulay at tumingin sa tubig sa ilalim ng
tulay. Nakita niya ang kanyang repleksiyon sa tubig at inakalang ibang aso ito na
mayroon ding dalang karne sa bibig.

Malaki at masarap ang dalang karne ng asong nasa harap ko, sa isip ng aso. Kapag
nakuha ko ang karneng 'yan, magkakaroon ako ng dalawang karne. Tiyak mas
mabubusog ako at siguradong may tira pa para panghapunan. Tatakutin ko siya at
kukunin ang karne nito.

Tumahol siya dahil nais niyang makuha ang karne ng asong nakita. Ngunit sa kanyang
pagtahol ay nahuhog sa tubig ang karne sa kanyang bibig at hindi na niya ito muli pang
nakuha. Malungkot at gutom na umuwi ang aso.

Ang Aral ng Kuwento: Ang pagiging sakim ay isang kahangalan. Hindi masamang
maghangad ng mga bagay na wala ka ngunit matutong maging masaya sa kung
anong meron ka ngayon. Matutong pahalagahan ang mga bagay na nasa iyo
upang hindi magsisi kapag ito ay nawala.
Ang Kampanilya at Ang Pusa
Isang pamilya ng daga ang nabubuhay sa takot dahil sa isang pusa. Isang araw ay
nagtulungan sila upang talakayin ang mga posibleng paraan upang matalo ang pusa.
Matapos ang maraming talakayan, isang batang daga ang nagmungkahi ng isang
ideya.

"Bakit hindi tayo maglagay ng isang kampanilya sa leeg ng pusa upang dinig nating
kung papalapit ito?", sabi ng batang daga.

Pumalakpak at sumang-ayon ang lahat sa ideya maliban sa isang matandang daga.

Tanong ng matandang daga, "Sino ang maglalagay ng kampanilya sa leeg ng pusa?"

Natahimik ang lahat. Kahit maganda ang ideya ng batang daga ay wala sinuman sa
kanila ang may lakas ng loob na lumapit sa pusa at maglagay ng kampanilya sa leeg
nito!

Ang Aral ng Kuwento: Madaling imungkahi ang mga solusyong imposibleng


maipatupad. Ang pagkakaroon ng maraming mga ideya ay mabuti para sa paglutas ng
problema, ngunit ang pagkakaroon ng mga ideya na gumagana at madaling ipatupad
ay mas mahusay.
Ang Uwak At Ang Banga
Isang araw, sa panahon ng tagtuyot, naghahanap ang isang uhaw na uwak ng
tubig na maiinom. Uhaw na uhaw siya at buong araw siyang naglalakbay.
Mamamatay siya sa uhaw kapag hindi siya nakainom ng tubig sa
pinakamadaling panahon. Sa wakas ay nakahanap siya ng isang banga na may
lamang maliit na tubig sa loob nito. Subalit ang banga ay mataas at may makitid
na leeg. Kahit anong subok niya ay hindi niya abot ang tubig.

Pagkatapos ay isang ideya ang kanyang naisip. Kumuha siya ng maliit na bato at
inilagay sa loob ng banga. Sa bawat maliliit na bato na iniligay niya sa loob ay
unti-unting tumataas ang tubig. Ipinagpatuloy niya nag paglalagay hanggang sa
abot na ng kanyang tuka ang tubig at siya ay nakainom.

Ang Aral ng Kuwento: Kung sa simula ay hundi ka nagtagumpay, huwag


sumuko! Ang pagtitiyaga ang susi sa paglutas ng anumang suliranin. Kung hindi
nalutas ng unang solusyon ang isang problema ay humanap at mag-isip ng iba
pang solusyon. Patuloy kang sumubok hanggang sa makuha mo ang tamang
sagot at solusyon. Mainam ito kaysa sa wala kang gawin na anuman upang
malutas ang problema.
Ang Unggoy At Paru-Paro
Isang araw, sa taas ng puno na malapit sa bundok, pinagmasdan ni Unggoy ang
kanyang paboritong bulaklak habang kumakain ng saging.

“Ang ganda-ganda talaga ng bulaklak na iyon. Gusto ko siyang pagmasdan araw-araw,”


wika ni Unggoy sa kanyang sarili.

Pagkatapos niyang kumain ng saging, itinapon ni Unggoy ang balat ng saging sa lupa
at humiga sa kanyang sanga. Nakita ito ni Paru-paro at linapitan niya si Unggoy.

“Unggoy napansin kong nahulog mo ang balat ng saging na iyong kinain sa lupa.”

Ang wika naman ni Unggoy, “Naku sadya iyan Paru-paro. Lagi kong itinatapon ang mga
pagkain ko sa lupa.

“Kaya pala ang daming basura dito. Hindi mo dapat basta-basta na lamang tinatapon
ang mga basura mo kung saan-saan lamang Unggoy. Maari kang makadulot ng
trahedya. Meron namang mga basurahang malapit dito ah. Doon mo nalang itapon ang
mga basura mo,” paliwanag ni Paru-paro.

"Hay nako Paru-paro, tigilan mo nga ako! Ang tagal-tagal ko ng ginagawa yan ah, wala
namang nangyayaring masama,” galit na sagot ni Unggoy. “Umalis kana nga, sinisira
mo araw ko,” dagdag pa nito.

Lumipad si Paru-paro ng walang imik. Isang madilim na gabi habang natutulog si


Unggoy sa taas ng kanyang puno, ay biglang bumuhos ang malakas na ulan. Hindi niya
ito pinansin at sinusubukan muling matulog. Ngunit sa halip na makatulog ay napatayo
pa si Unggoy dahilan sa may bigla siyang narinig na malakas natunog. Nagsimulang
manginig ang kanyang puno at muntikan na siyang mahulog. Napatalikod siya at
nabigla na lamang sa kanyang nakita. Lupang bumubuhos pababa mula sa bundok.

“Isang landslide!” Walang magawa si Unggoy kung hindi sumigaw. “Tulong! Tulungan
ninyo ako,” sigaw niya. Tumumba ang kanyang puno at nahimatay si Unggoy.

“Ito ang resulta ng pagtatapon mo ng mga basura mo sa kalikasan Unggoy. Ito ag


trahedyang sinasabi sa iyo,” paliwanag ni Paru-paro.

Napansin ni Unggoy ang lupa kung saan nakatanim doon ang paboritong bulaklak ni
Paru-paro. Natabunan itong lupa at basura.

“Paru-paro patawad. Nagsisisi na ako sa kasalanang aking ginawa. Magbabago na ako.


Hindi na ako magtatapon ng basura sa kapaligiran,” umiiyak at nagmamakaawa sa
Unggoy.
“Kung kaya mong magbago Unggoy at hindi muna talaga ito gagawin pa ulit,
pinapatawad na kita. Pero tulungan mo ako at ang iba pang mga hayop para mabigyan
muli ng buhay ang ating tahanan at patawarin ka rin ni Inang Kalikasan.”

Simula noon, hindi na muling nagtapon si Unggoy ng basura kung saan-saan na


lamang at unti-unti ay muling nabigyan buhay ang kanilang tirahan, malinis at
mapayapa.

ARAL:
Ika ng mga matatanda: Kung ano ang itinanim, ay siya ring aanihin. Sa kwento na
ito, matututunan ang pagtatanim ng mabuting gawa nang sa gayon ay magiging mabuti
rin ang bunga. Tulad na lamang ng pagtanggap natin ng ating mga panauhin na kaiba
sa ibang nasyon. Ito ay bahagi nang ating kultura. Dahil dito, nakapagtanim tayo ng
mga mabubuting gawa sa ibang tao at kasunod nito ang mabubuting bunga o
maidudulot na iyong ginawang kabutihan
Ang Alamat ng Paru-Paro
Noong unang panahon may magkapatid na ulila na naninirahan sa isang ilang na baryo sa
Laguna. Ito ay sina Amparo na ang palayaw ay Paro samantalang ang nakababata naman
ay si Perla na pawang sumisibol na dalagita. Pagtitinda ng bulakalak ang kanilang
ikinabubuhay. Magkaiba ang ugali nila, si Amparo ay tamad at walang kinagigiliwang gawin
kundi ang lumapit sa mga bulaklak at amuyin ito. Samantalang si Perla naman ay masipag
at masinop sa kabuhayan. Likas na mabait si Perla pasensiya na lamang ang kaniyang
binibigay sa kapatid na si Amparo na ubod na tamad.

Ngunit isang araw ay naubos na ang pasensiya ni Perla at nagalit kay Amparo na laging
nagrereklamo sa kanilang ulam. Galit din sumagot si Amparo “Anong gusto mo alilain ako
at busabusin, ako ang masusunod dahil ako ang nakakatanda.” Sabay nanaog at pumitas
ng halaman sa hardin at nagtuloy sa ilog upang pagmasdan ang bulaklak sa kanyang
buhok. Pagdukwang niya ay tuloy-tuloy siyang nahulog sa ilog. Sa pag-aalala pala sa
kapatid ay sumunod si Perla at kitang-kita niya nang mahulog siya sa ilog. Sumigaw ng
malakas si Perla “Paro!Paro!, marami ang nakarinig at tinulungan siya ngunit walang
Amparo silang nakita.

Habang balisang nagmamasid ang mga tao sa ilog, ay may isang bulaklak ang lumutang sa
knahulugan ni Amparo at unti-unti itong gumalaw, dahan-dahang nawala ang hugis bulaklak
nito at unti-unting umusbong ang pakpak na may iba’t-ibang kulay. Walang ano-ano ay
lumipad at nakita ni Perla ito na pumunta sa halamanan at nagpalipat lipat sa mga bulaklak.
Kinutuban si Perla at nasambit niya ang katagang “Paro! Paro…!

Simula noon, ang maganda at makulay na munting nilikha ay tinawag ng mga tao na
PARUPARO.
Ang Alamat ng Rosas
Noong unang panahon sa isang malayong nayon, ay may isang dalaga na nagngangalang
Rosa na kilala dahil sa natatangi nitong ganda at dahil na rin sa kanyang mapupulang mga
pisngi, kung kaya't pinagkakag- uluhan si Rosa ng mga kalalakihan.

Isang araw nang dumating ng bahay si Rosa ay nakita niya ang isa sa kanyang mga
manililigaw na si Antonio na kausap ang kanyang mga magulang at humihing ng pahintulot
na manligaw kay Rosa kung saan ay masaya naman siyang pinayagan ng mga magulang
ni Rosa at dahil na rin sa rason na si Antonio lamang ang lalaking unang umakyat ng ligaw
sa kanila. Ang kinakailangan lang naman na gawin ni Antonio ay ang mapatunayan ang
sarili kay Rosa at pasiyahin ito.

Iyon ang naghimok kay Antonio, kaya naman ay pinagsilbihan niya ang pamilya ni Rosa sa
pamamagitan ng dote. Lubos namang natuwa ang mga magulang ni Rosa, lalong-lalo na
ang dalaga na unti-unti ay nahuhulog na ang loob sa masugid na binata.

Sa araw na kung saan ay dapat sanang sagutin ni Rosa ang kanyang manliligaw ay doon
rin siya labis na nagtaka kung bakit wala pa ito. Doon din niya nalaman na pinaglalaruan
lang pala siya ni Antonio nang marining niya ito habang kausap ang kanyang mga kaibigan.
Parang pinagsakluban ng langit at lupa si Rosa sa kanyang narining. Nadurog ang kanyang
puso sa kanyang unang pag-ibig. Hindi tumigil ang pag-iyak ni Rosa habang siya ay
bumalik sa kaniang bahay. Nag-aalala naman siyang tinanong nang kanyang mga
magulang pero hindi sumagot ang dalaga. Kinabukasan ay hindi na nakita si Rosa at pati
na rin sa susunod na mga araw.

Isang araw, ay nabalitaan na may kakaibang halaman na tumubo sa dapat sanang tagpuan
nina Rosa at Antonio. Tinawag ang halaman na rosas dahil ang pulang kulay
nang bulaklak ay nagsisilbing paalala sa mga mapupulang pisngi ni Rosa. Ang naiiba
lamang ay ang tinik na napapalibot sa halaman na pinapaniwalaan na si Rosa na
nagsasabing wala sinumon ang makakakuha sa magandang bulaklak na hindi nasasaktan.
Bakit Ikinakawag Ng Mga Aso Ang Kanilang Buntot
Ito ay kuwento mula sa Visayas.

May isang mayamang lalaki sa isang bayan na may alagang aso at pusa na talaga namang
maraming pakinabang sa kaniya. Ang aso’y marami nang napagsilbihang amo at tumanda
na rin ito nang husto kaya hindi na kayang makipaglaban pa. Ngunit mabuti siyang gabay at
kasa-kasama ng pusa na malakas at matalino.

May anak na babae ang amo nila na nag-aaral sa isang kumbento na may kalayuan sa
bahay. Madalas niyang inuutusan ang aso at ang pusa na dalhan ng mga regalo ang
kaniyang anak.

Isang araw, tinawag niya ang matatapat niyang alaga. Inutusan niya silang dalhin ang
mahiwagang singsing sa anak niya.

“Malakas ka at matapang,” sabi niya sa pusa. “Maaari mong dalhin ang singsing pero
ingatan mo na huwag itong malaglag.”

At sinabi niya sa aso, “Kailangang samahan mo ang pusa nang magabayan at


maipagtanggol siya sa kapamahakan.”

Nangako sila na gagawin nila ang kanilang makakaya, at saka umalis. Maayos naman ang
lahat hanggang sa makarating sila sa isang ilog. Dahil walang tulay at wala ring bangka,
walang ibang paraan para makatawid kundi ang lumangoy.

“Ibigay mo sa akin ang mahiwagang singsing,” sabi ng aso nang handa na silang lumundag
sa tubig.

“Hindi puwede,” sagot ng pusa. “ipinahawak sa akin ito ng amo natin.”

“Ngunit hindi ka magaling lumangoy,” katuwiran ng aso. “Malakas ako at kaya ko itong pag-
ingatan.”

Subalit tumanggi ang pusa na ibigay ang singsing. Hanggang sa binantaan siya ng aso na
papatayin siya, kaya napilitan siyang ibigay na rin ito sa aso.

Napakalawak ng ilog at napakalakas ng agos kaya lubha silang napagod. At bago nila
marating ang kabilang pampang, nahulog ng aso ang singsing. Hinanap nila itong mabuti
subalit hindi nila ito nakita kahit saan.

Makalipas ang ilang sandali, bumalik na sila upang sabihin sa amo nila ang malungkot na
pagkawala ng singsing. Bago pa man makarating sa bahay, natakot ang aso kaya tumakbo
siya papalayo. At hindi na siya nakita pang muli.

Mag-isang tumuloy ang pusa. Nang makita ng amo na parating na ito, tinawag niya ito at
tinanong kung bakit nakabalik siya agad at kung ano ang nangyari sa kaibigan niya.
Natakot ang kawawang pusa. Pero ipinaliwanag niyang mabuti kung paano nawala ang
singsing at kung bakit lumayas ang aso.
Galit na galit ang amo nang marinig ang kuwento nito. Iniutos niya sa lahat ng mga tauhan
niya na hanapin ang aso at parusahan siya sa pamamagitan ng pagputol ng buntot niya.

Iniutos din niya na tumulong sa paghahanap ang lahat ng aso sa mundo. Mula noon kapag
nasasalubong ng isang aso ang kapwa niya, nagtatanong siya, “Ikaw ba ’yong matandang
aso na nakawala sa mahiwagang singsing? Kung oo, kailangang putulin ang buntot mo.”
Agad-agad, ang bawat isa ay nagpapakita ng kanilang ngipin at iwinawasiwas ang kanilang
buntot upang patunayan na hindi sila ang salarin.

Simula rin noon, takot na ang mga pusa sa tubig. At hanggang maiiwasan, hindi sila
lumalangoy para tumawid sa ilog.
Ang Laban Ng Mga Alimango
Ito ay kuwento mula sa Visayas.

Isang araw, nagpulong ang mga alimango. Sabi ng isa sa kanila, “Ano ang gagawin natin
sa mga alon? Palagi silang kumakanta nang malakas, hindi na tayo makatulog.”
“Kung gano’n,” sagot ng isa sa mga pinakamatandang alimango, “kailangan na nating
makipagdigma sa kanila.”

Sinang-ayunan ito ng iba. Napagkasunduan nila na kinabukasan ay kailangan maghanda


sa pakikipaglaban sa mga alon ang lahat ng mga lalaking alimango. Papunta na sila sa
dagat tulad ng napagkasunduan nang makasulubong nila ang isang hipon.

“Mga kaibigan, saan kayo pupunta?” tanong ng hipon.

“Makikipaglaban kami sa mga alon,” sagot ng mga alimango. “Sapagkat masyado silang
maingay sa gabi at hindi na kami makatulog.”

“Sa tingin ko hindi kayo magtatagumpay,” sabi ng hipon. “Napakalakas ng mga alon
samantalang napakahina ng mga binti n’yo na halos sumasayad na sa lupa pati ang mga
katawan n’yo kapag lumalakad kayo.” Tumawa nang malakas ang hipon pagkatapos.

Ito ang lalong nagpagalit sa mga alimango. Sinipit nila ang hipon hanggang sa mangako ito
na tutulong sa kanilang pakikipaglaban.

Nagpunta silang lahat sa tabing-dagat. Napansin ng alimango na iba ang puwesto ng mga
mata ng hipon at hindi katulad ng sa kanila. Naisip nila na may mali kaya pinagtawanan nila
ito, at sinabi sa kaniya, “Kaibigang hipon, nakaharap sa maling direksiyon ang mukha mo.
Ano ang sandata mo sa pakikipaglaban sa mga alon?”

“Ang sibat sa aking ulo ang sandata ko,” sagot ng hipon. Pagkasagot na pagkasagot niya,
nakita niya na may malaking alon na paparating at tumakbo siya papalayo. Hindi ito nakita
ng mga alimango, sapagkat nakatingin silang lahat sa tabing-dagat. Natabunan sila ng tubig
at nalunod.

Hindi nagtagal, nag-alala na ang mga asawa ng mga alimango dahil hindi na sila bumalik.
Dahil dito, pumunta sila sa may tabing-dagat para tingnan kung may maitutulong sila sa
labanan. Ngunit hindi nagtagal, natabunan rin sila ng tubig at namatay.

Libo-libong maliliit na alimango ang nakita sa may tabing-dagat. Binibisita silang madalas
ng hipon at ikinukuwento sa kanila ang malungkot na sinapit ng kanilang mga magulang.
Magpasahanggang ngayon, makikita pa rin ang maliliit na alimangong ito na patuloy na
tumatakbo papunta at pabalik sa tabing-dagat. Tila nagmamadali silang bumaba para
labanan ang mga alon. Kapag hindi naging sapat ang tapang nila, tumatakbo sila pabalik sa
lupa kung saan tumira ang kanilang mga ninuno. Hindi sila tumira sa lupa tulad ng kanilang
mga ninuno at hindi rin sa dagat kung saan nakatira ang ibang mga alimango. Nakatira sila
sa tabing-dagat kung saan tinatangay at sinusubukan silang durugin ng alon kapag mataas
ang tubig sa dagat.
Ang Alakdan At Ang Palaka
Isang araw, may isang alakdan na lumilibot sa bundok upang makahanap ng lilipatan.
Nilakbay niya ang mga gubat, burol... Umakyat sa mga batuhan at halamanan hanggang sa
umabot siya sa isang ilog. Malawak at mahaba ang ilog kaya huminto siya at nagplano.
Walang paraan para siya ay makatawid kaya't siya ay naglibot paakyat-pababa sa paligid
ng ilog hanggang sa siya'y napaisip na bumalik na lamang. Mula sa isang tabi, may nakita
siyang isang palaka na tumatawid sa ilog. Naisip niyang humingi ng tulong dito.
"Magandang Umaga Ginoong Palaka!" tawag ng alakdan. "Maaari mo ba kong isakay sa
iyong likod para makatawid sa ilog?"
"Ayoko nga, paano ako makakasiguro na hindi mo ko papatayin?" tanong nang
nangangambang palaka.
"Dahil," sagot ng alakdan. "Kung patayin kita, mamamatay din ako dahil hindi ako
marunong lumangoy!"
Mula doon ay napaisip ang palaka. May punto nga naman ang alakdan... Nguni't para
makasiguro ay tinanong niya ito ulit.
"Paano kung malapit na tayo sa baybayin? Maaari mo pa rin akong patayin tapos ay ikaw
na lang ang uusad sa gilid ng ilog."
"Totoo," sumang-ayon ang alakdan, "Pero walang paraan para ako ay umabot sa kabilang
dulo ng ilog."

"O sige... paano kung aantayin mo lamang tayong makatuntong sa kabilang dulo bago mo
ko patayin." sabi ni palaka.

"Ahhh... dahil kapag nadala mo na ko sa kabilang dulo, magkakaroon ako ng utang na loob
sa iyo kaya't hindi ko magagawang patayin ka, diba?" sagot ng alakdan.

Sumang-ayon ang palaka na itawid ang alakdan kaya siya ay nagpunta sa kinaroroonan
nito at isinakay siya. Matapos noon, ay tumawid na ang palaka sa ilog na kasama ang
alakdan... Bagaman malakas ang daloy ng ilog, siniguro niya na di malulunod ang kanyang
pasahero. Nguni't sa kalagitnaan ng kanilang paglalakbay, naramdaman ng palaka na may
tumusok sa kanyang likuran. Nang napasilip siya ay nakita niyang tinatanggal ng kanyang
pasahero ang nakatusok na buntot na may lason sa kanyang likuran. Namanhid ang
kanyang laman-loob hanggang sa kumalat ito sa kanyang buong katawan.
"Loko-loko!" sambi't ng palaka, "Ngayon mamamatay tayong dalawa! Bakit mo ginawa
yon?"
Nagkipit-balikat ang alakdan at sinabing, "Wala akong magawa, natural na sa akin ang
ganoon." At sabay silang nalunod sa malalim na ilog.

ARAL:
May mga taong mahirap baguhin ang kanilang pag-uugali. Kadalasan, nagkakamali tayong
balewalain ang katotohanang ito. Minsan nakikipagkaibigan tayo sa mga taong hindi
angkop na maging mabuting kaibigan o pumapasok tayo sa isang relasyon sa pag-
aakalang mababago natin ang ugali ng kapareha. Bagama't karamihan sa atin ay likas na
mabuti, may mga taong likas na ang kasamaan kaya laging mag-ingat sa pakikipaghalubilo
sa mga taong hindi lubos na kilala bago pa maging huli ang lahat.
Ang Tatlong Maliliit Na Baboy
May tatlong biik na nagdesisyong maglakbay upang hanapin ang kanilang kapalaran.
Napag-usapan ng mga biik na kapag nakakita sila ng maayos na lugar para sa kanila ay
sisimulan na nilang magtayo ng bahay.

May pagkatamad ang unang biik kung kaya't nagtayo siya ng sarili niyang bahay na gawa
sa mga dayami. Isang araw dumating ang isang malaking lobo, sa isang malakas na pag-
ihip lamang ay napatumba nito ang bahay na ginawa ng unang biik.

Sa takot na makain ng lobo ang unang biik ay nagtatakbo siya patungo sa ikalawang biik.

Wais naman si pangalawang biik kaya nagtayo siya ng kanyang bahay na gawa sa kahoy
at pawid, ngunit nang dumating nanaman ang malaking lobo, natulad lamang ang kanyang
bahay sa naunang biik. Sa takot ng dalawang biik ay nagtatakbo naman sila patungo sa
bahay ng ikatlong biik.

Ang ikatlong biik ay masipag at matalino. Nagtayo siya ng bahay na gawa sa bato.

At hindi nga nagtagal ay dumating na ang malaking lobo. Hinipan nito ng paulit-ulit ang
bahay ng ikatlong biik, ngunit hindi siya nagtagumpay. Naiisip ng lobo na magdaan sa
chimineya upang makapasok sa loob.

Dahil sa nangyari sa naunang dalawang bahay ng mga biik. Naglagay sila ng apoy at
nagsalang doon ng mainit na tubig upang sa gano'n ay mapaso at masunog ang lobo kung
sakali mang dumaan ito sa chimineya. At ganoon nga ang nangyari, nagdaan sa chimineya
ang lobo at doon tuluyang napaso. Nagtatakbo ang lobo sa sakit at hindi na muling
nagbalik.

You might also like