You are on page 1of 13

MGA TULANG PAMBATA DIONIE B.

FERNANDEZ

TULA PARA SA MGA BATA


1. Paglalakbay

2. Sa Aming Lalawigan

3. Lungsod

4. Paraiso sa Likod ng Rehas

5. Araw ng Linggo

6. Munting Bintana

7. Gabi

8. Buwan

9. Hiyaw ng Kalikasan

10. Mga Aba sa Lipunan

11. Bawat Araw ay Paglalakbay

Page 1 of 13
MGA TULANG PAMBATA DIONIE B. FERNANDEZ

1. Paglalakbay

Kung kayo ay nababagot o di kaya’y nalulumbay,


Yayain ang pamilya na mamasyal o maglakbay.
Maglakad, pagpatak ng pawis ay walang humpay,
Iwas na sa gastos, katawan ay lalakas pa’t titibay.

Ang paglalakbay ay puno ng aksiyon at tuwa,


May hatid na gintong aral, pagod ay di alintana.
Sa bawat lugar, masasalamin ang tradisyon at kultura
Ng iba’t ibang taong galing sa iisang Banal na Lumikha.

Kung sa bulsa ay may sapat na perang madudukot,


Magagandang tanawin sa bansa ay inyong malilibot.
Lulan ng barko o bangkang de motor, sa tubig papalaot,
O kaya nama’y eroplanong sa himpapawid bubulsot.

Kung ang hanap ninyo ay karanasang buwis-buhay at kakaiba,


Magpadausdos sa mahabang kawad at magkunwaring agila,
O di kaya’y sumakay sa matuling kabayo, habol ang hininga,
Kung tsuper ng bus ay kaskasero, tiyak dibdib ninyo’y kakaba.

Hindi lang kayo aani ng magagandang karanasan,


Tiyak na makakakilala pa kayo ng mga bagong kaibigan.
Sa bawat paglalakbay, maging maingat at maparaan
Ugaliing magdasal upang malayo sa kapahamakan.

Page 2 of 13
MGA TULANG PAMBATA DIONIE B. FERNANDEZ

2. Sa Aming Lalawigan

Dito ay sariwa ang hangin, masarap langhapin,


Sa malinis na ilog at batis, mainam manalamin.
Pagsikat at paglubog ng araw, di dapat palampasin,
Kakaibang ligaya ang hatid sa bawat damdamin.

Mga luntiang burol at bundok, aming aakyatin,


Kakapit nang mahigpit sa baging saka maglalambitin.
Aming pangalan ay isisigaw, alingawngaw ay hihintayin,
Hanggang mga tinig namin ay kaniyang uulit-ulitin.

Sa dalampasigan, kami’y maglalakad nang paa’y walang sapin


Magtatampisaw sa tubig at gagawa ng kastilyong buhangin
Mga bangkang may makukulay na layag, isa-isang bibilangin
Hanggang ang mga ito’y lamunin ng dagat sa aming paningin.

Kapag mahangin, kabukiran ay aming bibisitahin


Kasama ang mga ate at kuya, saranggola’y paliliparin
Mga ligaw na bulaklak, sa sumbrero ni tatay iipunin,
Pampahupa sa galit ni inay na nag-aalala sa amin.

Kung nais ninyo’y di-makakalimutang karanasan


Paanyaya namin, sana ay inyong paunlakan
Halina’t mamangha sa ganda nitong aming lalawigan
Sa inyo’y sasalubong, mga taong puso’y ginintuan.

Page 3 of 13
MGA TULANG PAMBATA DIONIE B. FERNANDEZ

3. Lungsod

Sa mata ng batang dayo, lungsod ay di natutulog


Walang pumapansin, araw man ay sisikat o lulubog.
Mga taong hapo sa gawain, katawan ay tila lamog
Estrangherong nagsasalubong sa mundong umiinog.

Maingay at buhol-buhol na sasakyan,


Sa kalsada’y mga pagong na nag-uunahan.
Polusyong mula sa mga sasakyan at pagawaan,
Di na kayang labanan ng mga puno at halaman.
.
Di-mabilang at sanga-sangang kalye
Tambayan ng tuso at may masamang ugali.
Malapalasyong bahay at nagtataasang gusali,
Bakit marami pa ring walang masilungan sa gabi?

Huwag magtaka kung sa lungsod ay marami ang nahahalina


Sa paghahanap ng pangakong ginto, sila’y nagkakandakuba.
Ang totoo bata, hindi lang sa lungsod makikita ang pag-asa
Ito ay nasa kamay ng taong nagsisikap at gumagawa ng tama.

Page 4 of 13
MGA TULANG PAMBATA DIONIE B. FERNANDEZ

4. Paraiso sa Likod ng Rehas

Batang munti, tara na sa zoo at kilalanin


Mga hayop na nagbibigay aliw sa matang tumitingin
Humawak nang mahigpit sa aking kamay at ating silipin
Buhay sa likod ng rehas, sana’y iyong iintindihin.

Mula sa tarangkahan, atin nang makikita


Ang elepanteng makupad at uugud-ugod na
Sa maliit na kuweba, magtatago at mambubulaga
Ang mga batang tulad mo’y mapapanganga.

Mga buwaya ay nagkukunwaring estatwa


Sa malumot na tubig, tila di humihinga
Kapag pagkain ay initsa, bigla silang nganganga
Sa sandaling mabusog, sila’y mapapaluha sa tuwa.

Siguradong malalaking ahas ay wala nang kawala


Subalit, may takot pa ring makikita sa iyong mga mata,
Di ka nag-iisa, ako ma’y natatakot kapag ahas ay gumalaw na
Kaya naman, ayoko ng regalong sa balat ng ahas gawa.

Mga tigre at leon, ayaw nang kumibo,


Natatakot sa hamon ng karera sa pagtakbo,
Mga paa nila’y wala ng sapat na ehersisyo,
Sa loob ng maliit na kuwebang kuwadrado.

Page 5 of 13
MGA TULANG PAMBATA DIONIE B. FERNANDEZ

Mga unggoy sa sanga-sangang bakal naglalambitin


Sa kanilang mga mata, lungkot ay masasalamin.
Alam kong ika’y naaawa, huwag sa akin tumingin
Ako ma’y walang kakayahang sa kulungan, sila’y alisin.

Heto ang ‘sang sentimo’t humiling sa mahiwagang balon


Mga hayop nawa’y maging masaya maski nakakulong
Mabigyan ng sapat na pagkain at tamang pagkakanlong,
Sa likod ng malamig na rehas, paraiso ay uusbong.

Page 6 of 13
MGA TULANG PAMBATA DIONIE B. FERNANDEZ

5. Araw ng Linggo

Gising na bunso, ngayon ay Linggo,


Iyong isusuot, magara mong baro.
Masisimba at magpasalamat tayo,
Sa mga pagpapala na ating natamo.

Paglabas ng simbahan,
Jollibee ay pupuntahan.
Paborito mong chicken joy,
Muling matitikman.

Hindi lang iyon ang ating gagawin


Sa liwasan, tayo’y mamasyal din
Kung ibig mo ng lobo, sa akin sabihin
Ibibili pa kita ng sorbetes at sapin-sapin.

Ikaw ay malayang makipaghabulan,


Sa ibang bata, ika’y makipagkuwentuhan
Uupo kayo sa bangko’t magtatawanan,
O kaya’y masayang mag-uugoy sa mga duyan.

Mayroon ka perong dapat tandaan


Pagkakalat sa paligid ay dapat iwasan,
Magagandang bulaklak, bawal pitasin at paglaruan,
Higit sa lahat, huwag tapakan ang damuhan.

Page 7 of 13
MGA TULANG PAMBATA DIONIE B. FERNANDEZ

6. Munting Bintana

Pagtilaok ng sundalong tandang


Haring araw ay magugulantang
Sisilip sa ulap, init niya’y gagapang
Hatid ay pag-ibig sa bawat nilalang.

Munting bintana ay marahang bubuksan


Magandang balana, muling pagmamasdan
Sari-saring eksena, tiyak masasaksihan
Sa maliit na kuwadradong animo’y sinehan.

Init at lamig ay magsasalubong, magsasalpukan


Sa pisngi ng munting batang kapos sa kaalaman
Makikilala niya ang iba’t ibang mukha ng tauhan
Sa dula-dulaang binudburan ng lungkot at kasiyahan.

Walang makakapigil, oras ay matuling daraan


Maski ang ibang kuwento’y di pa natuldukan
Paglatag ng dilim, munting bintana’y tatakpan
Umaasang mas maganda ang bukas na aabangan.

Page 8 of 13
MGA TULANG PAMBATA DIONIE B. FERNANDEZ

7. Gabi

Sa gabing malaki at maliwanag ang buwan


Halina’t maglaro ng patintero sa lansangan
Bawat guhit sa lupa ay sikaping malampasan,
Huwag lamang pahuhuli sa bantay na kalaban.

Kapag kayo’y nagsawa, tara sa kakahuyan


Tiyak na magugustuhan ninyo ang tagu-taguan
Pagbilang ng sampu, sikaping hindi matagpuan
Kapag minalas, magbubunyi ang tayang papalitan.

Kung kayo’y napagod na sa paglalaro


Halinang makinig sa mga kuwento ni lolo
Itikom ang bibig at lakbayin ang mundo
Ng matatapang na prinsipe at pati ng maligno.

Upang takot ay mawala, ilabas ang gitara


Tayo’y magkantahan at magpakasaya
Samahan na rin natin ng pagbigkas ng tula
Hanggang bumigat ang talukap ng ating mga mata.

Kung sa himbing ng inyong tulog, kayo’y masundan


Ng mga pangyayaring sa araw ay inyong kinatakutan
Panaginip lamang iyan, hindi dapat pangambahan
Bagkus, magpasalamat dahil buhay ay narugtungan.

Page 9 of 13
MGA TULANG PAMBATA DIONIE B. FERNANDEZ

8. Buwan

Oh! buwan, pag-asa ka sa gabing madilim


Maski kabilugan mo’y may hatid daw na lagim
Rikit at liwanag mo’y lunas sa aking panimdim
Sa piling mo, tulog ko ay tiyak na malalim.

Sa aking pagkabata, gintong bola kang tinatanaw


Sa madilim na kalangitan, sa gabing mapanglaw
Kagandahan mo ang siyang nagpapagalaw
Sa buhay kong puno ng pangarap na mababaw.

Sa aking paglaki, manatili ka sanang kakampi


Kaulayaw sa malungkot at malamig na gabi
Matiyagang makikinig sa halakhak ko’t hikbi
Handang maging saksi sa tagumpay ko’t pagkasawi.

Sa aking pagpanaw, sana’y di mamatay


Ganda at liwanag mong walang kapantay
Nais kong sa aking himlayan, ika’y magbantay
Tapat kong kaibigan maski sa kabilang buhay.

Page 10 of 13
MGA TULANG PAMBATA DIONIE B. FERNANDEZ

9. Hiyaw ng Kalikasan

Halina at pakinggan, mga minamahal kong kaibigan


Itabi muna ang anumang bagay na pinagkakaabalahan
Pagtuunan ng pansin ang kalagayan ng kapaligiran
Bago ito tuluyang mawalan ng sigla at kinang.

Habang kalooban ng tao ay patuloy na nagngingitngit


Sa mga bagay na ninanais pero mahirap makamit
Kapaligiran ay nasisira, panahon ay patuloy na umiinit
Hatid sa puso ng karamihan ay takot, pangamba at inggit.

Hindi marahil napapansin ng ilan, bunga ng pagkabagot


Luntiang kagubatan, unti-unti na ring nasisira’t napapanot
Mababangong hardin, di maglalaon ay mistulang tagtuyot
Magagandang tanawin, sa hinaharap ay mababaon sa limot.

Inang kalikasan ay malaon nang nagsusumamo’t humihiyaw


Pang-aabuso sa hangin, lupa at katubiga’y nangingibabaw
Tayo nang kumilos, damdaming makakalikasan ay dapat mapukaw
Gawing luntian ang bawat paligid at labanan ang polusyong halimaw.

Page 11 of 13
MGA TULANG PAMBATA DIONIE B. FERNANDEZ

10. Mga Aba sa Lipunan

Minamahal kong anak, huwag magtampo’t malumbay,


Kung nais mo ay hindi lahat maibigay ng tatay at nanay
Marami pa ring bata ang salat sa maginhawang buhay
Patuloy na nangangarap, buhay nila sana’y magkakulay.

Sigaw nila ay bulong sa kalawakan


Hikbi nila ay hindi maulinigan
Luha nila ay patak sa karagatan
Sila ang mga aba sa ating lipunan.

Salat sila sa anumang yaman at karunungan


Subalit, matapang at patuloy na nakikipaglaban
Sa murang edad,naghahanap-buhay sa lansangan,
Namamalimos ng katiting na kaginhawaan.

Makunat na pandesal ang kilala nilang tinapay


Sinasayang mong tsokolate, tukso sa kanilang laway
Sa hapag, matigas na kanin at asin ang magkasabay,
Kadalasan, tiyan ay kumakalam, katawa’y matamlay.

Pasalamatan ang buhay na sa iyo’y alay


Ng iyong mapagmahal na tatay at nanay
Sa mga taong aba, pag-ibig ay ibigay
Ang pagtulong ay kahanga-hangang tunay.

Page 12 of 13
MGA TULANG PAMBATA DIONIE B. FERNANDEZ

11. Bawat Araw ay Paglalakbay

Anak, bawat araw sa iyong buhay ay paglalakbay,


Kung saan daang baluktot o matuwid, iyong binabaybay,
Makakaranas ka ng kaligayahan, kabiguan at pagkalumbay,
Sakaling ika’y madapa, kami ni Tatay ay nakaalalay.

Una kang naglakbay sa aking sinapupunan


Siyam na buwan kitang hinintay at iningatan
Nang ika’y iniluwal sa mundo, aking kaligayahan
Bawat araw na lumipas ay makasaysayan.

Una mong silid-aralan ang ating tahanan


Mga obra mo sa dingding, iyo pang masisilayan
Pangunahing aralin, pagmamahal at kabutihan
Mga sandata sa pagkamit ng ibayong karunungan.

Sa bawat yugto ng iyong paglalakbay, langing isipin


Kawangis ng umiikot na gulong ang buhay natin
May panahong nasa ibaba ngunit kusang tumataas din
Maging handa nawa ang iyong loob sa anumang susuungin.

Pangaral namin ni Tatay, iyong pakaingatan,


Sa puso mo sana ay laging manahan,
Pagmamahal, pagpapakumbaba, at kabaitan,
Upang balakid sa iyong paglalakbay ay malampasan.

Page 13 of 13

You might also like