You are on page 1of 7

Republic of the Philippines

LAGUNA STATE POLYTECHNIC UNIVERSITY


Region IV-A CALABARZON
San Pablo City Campus
Del Remedio, San Pablo City
GRADUATE STUDIES AND APPLIED RESEARCH
Course Title: PANUNURING PAMPANITIKAN NG FILIPINAS
Topic: Pagsusuri ng Dulang (PIKIT MATA)
Professor: Mrs.Reyna B. Angeles
Presenter: Ms.Karen Fae M. Jimenez
Course: MAEd - FILIPINO

BALANGKAS B

I. A. Pamagat ng Katha- May-akda

Ang pamagat ng kathang ito ay Pikit Mata na isang dulang adaptasyon sa


nobelang Lalaki sa Dilim ni Benjamin P. Pascual sa panulat ng mga mag-aaral na
nasa ikatlong taon ng Batsilyer ng Pansekundaryang Edukasyon na
nagpapakadalubhasa sa Filipino sa direksyon ni Angelika F. Triñanes.

B. Sanggunian o Aklat na Pinagkuhanan


Ang mga pangyayari sa dulang aking napanood ay halaw ang kuwento sa
nobelang isinulat ni Benjamin P. Pascual na Lalaki sa Dilim na kung saan halos
ang ilang kawing kawing ng mga pangyayari ay nagkakatulad sa isa’t isa at
maging ang pangalan ng ilan tauhan ay kahalintulad din sa nasabing dula.
Narito ang pinagkuhanan ng bidyo ng nasabing dula na kung saan maaaring
mapanood ito: https://m.youtube.com/watch?v=FG-_NY5aHlw&t=1408s

II. Buod
Naganap ang unang pagtatagpo ng mga tauhan sa dula sa kanilang
baranggay na kung saan matatagpuan ang karinderya ni Aling Tekla, ang mga
lalaking mag-iinom,ang mga tsismosang labandera kasama ang isa sa mga
baranggay tanod pati na rin ang nakaupong si Ligaya sa isang mahabang upuan.
Ang bawat isa ay abalang-abala sa kanilang mga ginagawa sa buhay hanggang
sa biglang dumating ang kanilang kapitana na nagpaabot ng magandang balita
na magkakaroon sa kanilang lugar ng medical mission. Kaagad nitong
ipinatawag si Aiza na isang tanod upang tipunin ang kanilang mga kabaranggay
para sa isang magandang balita.Maraming doktor ang pupunta upang magbigay
tulong sa pangangailangan sa kanilang lugar. Kaya naman minabuti ng bawat isa
na magsiuwi na ng maaga sa kanilang tahanan upang makapagpahinga.
Tuwang-tuwa naman ang mag-inang Aling Selang at Ligaya sa narinig na balita.
Pagsapit ng kinaumagahan, mga nagsidating na ang mga doktor kasama si
Kapitana. Nagkanya-kanyang upo na ang bawat manggagamot at nagtawag na
ng kani-kanilang pasyente. Bawat pasyente na nagpapatingin sa manggagamot
ay nagtatanong hinggil sa kanilang kalagayan.Kinausap at kinamusta ni kapitana
ang mga doktor at binigyan niya ito ng tubig. Mabilis naman natapos ang
nasabing medical mission kaya naman kaagad nasabi ng kapitana sa mga
bisitang manggagamot na manatili na muna sila roon upang masaksihan ang
kapistahan sa kanilang lugar. Nagsimula na ang pagdiriwang ng kapistahan. Sa
bahay ng kanilang Kapitana, makikita ang mga kababaihan na kumakain sa
hapag kasama ang mga manggagamot at sa kabilang bahagi naman ay ang mga
kalalakihang umiinom ng alak.Kaagad naman tinawag ng isang lalaki ang
dalawang manggagamot na lalaki upang makisalo sa kanilang inuman, ang mga
ito ay sina Doktor Chad at Doktor Ralph. Sa gitna ng kanilang pag-iinom at
kuwentuhan napansin ng isang lalaki ang kayabangang taglay ng isang doktor
kaya naman naikuwento niya ito sa kasama. Nagplano itong abangan ang doktor
sa labasan ngunit may naisip itong ibang plano. Inabutan niya ang manggamot
ng baso na may alak subalit kaagad naman itong tinanggihan at ibinigay sa
katabing doktor na si doktor Ralph. Patuloy ito sa pagtanggi subalit ininom pa rin
niya ang baso kahit na ito ay hilong-hilo na sa kalasingan.
Dahil sa sobrang kalasingan at pagkahilo ng manggagamot hindi na niya
alam kung saan siya nakarating. Nakapasok siya sa bahay nina Ligaya sa
sobrang pagkalasing. Nang ito ay mapaupo, biglang may pumatak na isang
bagay na nagpagulat sa dalaga. Sa pag-aakala ng dalaga na ito ba ay ang
kaniyang ina, kaagad siyang lumapit patungo sa ingay na kanyang narinig
habang tinatawag ang kaniyang ina. Subalit ito ay hindi tumutugon, kaagad na
nilapitan ng lalaki ang dalaga at doon na niya sinimulan ang kaniyang
panghahalay. Hanggang sa nagulat na lamang ang lalaki sa kaniyang ginawa
kaagad siyang umalis. Natagpuan ni Aling Selang na nakahandusay ang anak,
nagmadali itong pumunta sa tanggapan ng kanilang baranggay upang humingi
ng tulong. Sa kabilang banda, matatagpuan ang balisa at nag-aalang doktor.
Hindi niya malaman kung ano ang gagawin. Kung ano-ano na ang tumatakbo sa
kaniyang isipan. Minabuti niyang tulungan ang dalaga kaya naman hindi na siya
nag-atubili, kinausap si Aling Selang upang magamot ito sa kanilang ospital sa
Maynila. Muling nagbalik si Ligaya sa kanilang lugar kasama ang kaniyang ina
pati na rin ang doktor na tumulong sa kaniya upang makakita. Sobrang laki ng
pagkagulat ng dalaga sapagkat ang taong lumapastangan sa kaniyang pagkatao
ay ang manggagamot na siyang nagmagandang loob dito na tumulong. Sobrang
galit at poot ang naramdaman ng dalaga kaya kaagad niya itong ipinakuha sa
mga kabaranggay upang ipakulong dahil sa nagawa nito. Kahit anong
pagpapaliwanag ang ginawa ng doktor sa dalaga ay hindi na nito magawang
pakinggan sapagkat sobrang laki ng naidulot nitong sakit sa dalaga.

Matapos na maipakulong ni Ligaya ang lalaki. Walang pag-aatubili siyang


naglabas ng kaniyang saloobin sa lahat ng tao sa kaniyang naging kalagayan at
sinapit sa kamay nito. Nagbigay siya ng payo sa lahat ng mga kababaihan na
matutong lumaban kahit na ano pa man ang katayuan o kalagayan sa buhay
maging bulag, pipi o bingi pa man ay marapat lamang na makamtan ang
hustisya na inaasam para sa kaginhawaan ng buhay.
III. Pagsusuri
A. Uring Pampanitikan

Ang dulang Pikit-Mata ay maihahalintulad sa isang sarsuwela na isang


komedya at melodrama sapagkat sa simula pa lamang ng tagpo sa kuwento ay
kakikitaan na kaagad ito ng pagiging masining na sinasaliwan ng awitin na
nagbibigay buhay sa bawat tauhan.Ito rin ay kinapapalooban ng iba’t ibang yugto
katulad ng pagpapalabas ng masidhing damdamin ng tauhan na si Ligaya na
labis ang pighati, panibugho at pagkasuklam sa taong lumapastangan sa kaniya
ng walang kalaban- laban. Labis na pighati ang naramdaman ng inang si Aling
Selang sa sinapit ng anak sapagkat hindi man lamang niya ito nagawang
tulungan. Sa kondisyon ng anak na isang bulag ay tiyak na ang kaniyang luha sa
mga mata ay walang tigil sa pagpatak.Nagmulat ng pag-ibig sa kapwa na
ipinakita ng mga kapitbahay nina Ligaya na kahit na siya ay bulag malugod
siyang nakaramdaman ng pagmamahal sa mga taong nakapaligid sa kaniya.
Pag-ibig ni Doktor Ralph sa dalaga sa kabila ng nagawa nitong kahalayan ay
hindi nawaksi sa isip niya ang dalaga. Labis na pagkasuklam ni Ligaya ng
malaman niyang isang mapagbalat-kayo na manggagamot na tumulong sa
kaniya upang makakita ang siya palang taong nakagawa sa kaniya ng
kahalayan.Hindi maikakaila na sa isang dula hindi mawawala ang katatawanan
na siyang naipakita ng ibang tauhan sa dulang ito.

B. Istilo ng Paglalahad
Nagsimula ang dula sa pagpapakita sa galing na ipinakita ng tauhang si
Ligaya na humihingi ng tulong at naglabas ng kaniyang matinding panibugho sa
kaniyang sinapit, maging ang iba’t ibang tauhan na sina Aling Tekla na siyang
tindera sa kaniyang karinderya kasama ang isang babae at sa kabilang bahagi
makikita sa tagpuan ang mga kalalakihang nagiinom sa may karinderya at sa
isang panig matatagpuan ang mga tsismosa na naglalaba ng damit kasabay sa
saliw ng isang awiting pinamagatang Hayaan Mo Sila, maging sa kalagitnaan ay
may kantang Akin Ka Na Lang at marami pang iba. Bawat tauhan sa dula ay
nagpakita ng kanilang iba’t ibang galing sa pamamagitan ng pagpapatawa. Ang
daloy ng kaisipan ay talaga naman nangyayari sa ating panahon ngayon.
Inilahad ito sa pamamagitan ng sagutan ng bawat tauhan sa isa’t isa hingggil sa
paksa na kanilang pinag-uusapan. Ginamit ng bawat tauhan ang kanilang
pagiging malikhain upang maging maganda ang daloy ng kuwento.

C. Mga Tayutay

Batay sa aking pagkakasuri sa dula halos lahat ng mga pahayag na


binitawan ng mga tauhan sa kuwento ay gumamit ng simple at madaling
maunawaang mga salita na siyang nagbigay daan sa mga manonood upang ito
ay madaling maunawaan.Siguro kung mayroon man,ito ay iyong tagpo sa simula
ng dula,

Tanong Retorikal o Pagsayusay


Ito’y isang pagtatanong na karaniwang nasa anyong panawagan subalit di
nangangailangan ng katugunan
Batay sa ipinahayag ng tauhang si Ligaya na tila siya’y nagtatanong na nasa
anyong may panawagan subalit wala namang ni isa man lang tao na sumagot
sa kaniyang pagtangis na: Bakit? Bakit? Bakit ako? Hindi ako masamang tao!!!!
Tulungan niyo akooooooo!!!!!!!!!!

Pag-uyam
Ang pagpapahayag na ganito ay parang pumupuri ngunit kung uunawaing
mabuti ay pangungutya.
Sa ipinakitang dula, maririnig ang iba’t ibang usapan ng tauhan sa dula,
nariyan ang pagpapahayag sa pagpuri kay Ligaya ng isang lalaki na , Ang ganda
ni Ligaya subalit bulag naman siya.Sa unang pahayag ay binigyan pagpupuri ng
lalaki si Ligaya subalit sa katapusan ay agad niya itong kinutya at hinusgahan.

D.Sariling Reaksyon
1. Pananalig Pampanitikan/ Teorya

Batay sa dulang aking napanood na pinamagatang Pikit-Mata, maraming


teoryang pampanitikan ang nangibabaw sa kuwento. Nariyan na ang teoryang
Feminismo na pumapatungkol sa kalakasan at kahinaan na ipinakita ng tauhang
sina Aling Selang at Ligaya dahil sa labis na pighati na nangyari sa dalaga dahil
sa kalagayan na nararamdaman nito. Ninanais lamang niya na makamit ang
nararapat na hustisya sa nangyari sa kanya. Ang bawat tagpo ng mga
pangyayari ay tiyak na nakikita at nangyayari pa rin sa kasalukuyang panahon na
kung saan nararanasan ang pang-aapi sa mga walang kalaban-labang mamayan
dahil sa kanilang kapansanan. Nakakaranas ng pangungutya ng ibang tao dahil
sa kapansanan na maaaring bulag, pipi at bingi o dili naman kaya’y dahil sa
mapangtuksong mundo dahil sa mga taong nakapaligid sa tauhang si Ligaya na
nangingibabaw ang teoryang Realismo.Sa pagitan naman ng tauhan na lalaking
nagpakilala sa katauhan ni Doktor Raphael ay nagpakita at nagparamdam na ito
ng kaniyang tapat na paghanga at pag-ibig sa dalagang si Ligaya noong una pa
lang niya itong nakita. Hindi matatawaran ang pag-ibig na nangibabaw sa inang
si Aling Selang sa kaniyang anak na si Ligaya lalo na may mabigat itong
pinagdaraanan dahil sa karahasan na maaaring iugnay sa teoryang
Romantisismo. Halos lahat ng tagpo ay nararanasan pa rin ngayon sa
kasalukuyan. Maging ang aral sa naging katapusan ng dula ay nangibabaw,
nagpakita na ang bawat isa maging ikaw man ay may kapansanan, walang
kakayahan sa buhay mahirap at nakakaranas ng pangungutya at pang-aapi mula
sa ibang tao sa bandang huli ay nakakaranas ng wagas na kaginhawaan dahil sa
moral na ipinakita ng katha sa mga manonood ang teoryang Moralistiko
2. Mga Pansin at Puna

A. Mga Tauhan
Mapapansin na ang mga nagsiganap na tauhan sa dula ay talagang
kakikitaan ng kagalingan at pagiging totoo sa kanilang mga sinasabi. Sapagkat
mula pa lamang sa simula ng kuwento nangibabaw na kaagad ang kakaiba at
kakatuwang pangyayari na sa ating kasalukuyang panahon ay nangyayari pa
rin.Masasalamin sa pagganap ng tauhang si Ligaya, ang tauhang babae na may
kapansanan ng pagiging isang bulag na nakaranas ng pangungutya, pang-aapi
at karahasan dahil sa mga taong nakapaligid sa kanya. Si Aling Selang, sa
kanyang pagganap bilang isang ina na ang anak ay may kapansanan, dahil sa
nangyari sa anak ay natutong lumaban at ipagtanggol ang kaniyang anak sa
mapang-alipustang lipunan. Naghanap ng hustisya para mabigyan ng
katarungan ang kanyang anak. Ang tauhan ng mga tsismosa at mga lalaking
nag-iinom sa lansangan sa dula ay tunay na sa ating kasalukuyang panahon ay
nagaganap pa rin.Maraming hinaing sa kani-kanilang buhay na kahit isang
walang kamalay-malay na indibidwal ay kanilang kinukutya at inaalipusta dahil sa
kalagayan nito. Si Doktor Ralphael na nagpakilala sa unang bahagi ng kuwento
sa dula na isang mabait at matulungin manggagamot na sa kalauna’y nakagawa
ng isang madilim na karahasan sa dalagang si Ligaya. Subalit hindi naman niya
ginusto ang nangyari sapagkat dahil sa sobrang pagkahilo at kalasingan kaya
niya lamang iyon nagawa.Si Kapitana at ang tauhan ng isang tanod sa
baranggay na ginagampanan ang kanilang tungkulin at kanilang gampanin sa
mamamayan sa sa karaniwang panahon ay bibihira na lamang natin makita at
maramdaman.

B. Galaw ng Pangyayari
Nagsimula ang kuwento sa isang dalagang naglalabas ng kaniyang
saloobing pighati at pagkasuklam dahil sa karahasang kaniyang pinagdaanan sa
kabila ng kaniyang kapansanan na sinundan ng iba’t ibang uri ng tauhan na
ginampanan ng mga tsismosa at tsismoso na nag-iinom ng alak sa tapat ng
karindeya ni Aling Tekla kasama ang isang dalagang katulong niya sa pagtitinda.
May mga kababaihang naglalaba subalit may kani-kanila silang usapan at si
Ligaya na nakaupo sa isang mahabang upuan na tila ba ay waring nag-iisip kung
ano ang nangyayari sa kaniyang paligid. Kung ano-anong usapan ang maririnig
sa bawat sulok ng lugar, minsan pa’y nakasama si Ligaya na tila ba ay walang
kaalam-alam na siya na ang paksa ng usapan sa kanilang lugar. Makikita
lamang sa tagpo kung anong pagkahiya at pangungutya ang ipinaramdam ng tao
sa bida na dapat hindi naman dapat ipakita sapagkat mali na husgahan ang
isang tao lalo pa at wala naman tayong kaalam-alam sa totoong buhay nito.Nang
biglang dumating ang kapitana ng kanilang lugar, naghatid ito ng magandang
balita sa Baranggay Karapatan na magkakaroon ng medical mission na
magbibigay tulong sa mga taong nakatira roon.Kaya naman dali-daling lumapit
ang mga tao sa lugar upang masaksihan at marinig ang nasabing medical
mission.
Kinabukasan, nagsidating na ang mga manggagamot na magsasagawa ng
medical mission sa baranggay Karapatan. Kasama ni kapitana ang apat na
magagaling na manggamot mula pa sa Maynila. Mayroon manggamot at
espesyalista sa mata, mayroon din naman sa puso at marami pang iba.Lahat ng
tao sa kanilang lugar ay nagsidating na rin at ganap na sinimulan ang pagtingin
sa mga pasyente. Hindi kalauna’y natapos na rin ang nasabing medical mission,
kaagad naman kinamusta at kinausap ni Kapitana ang mga manggagamot at
malugod nitong inanyayahan na mamalagi na muna roon sapagkat nagdiriwang
ang kanilang baranggay ng kapistahan. Sa ipinakitang tagpo, tiyak na
masasalamin ang ganitong pangyayari na sa kasalukuyan ay nangyayari pa
rin.Nagaganap ang pagtulong at damayan sa kapwa tao. Lalo na sa tagpo na
naganap na kapistahan, hindi pa rin maaalis ang kultura at tradisyon na
kinagisnan sa pagdiriwang. May kasiyahan, mga pagkain na nakahanda sa mesa
at mga bisita na nagsisidating sa bawat bahay na mapupuntahan. May mga
kalalakihang nagiinom sa bawat bahay-bahay na siyang nakaugalian na kapag
may pagdiriwang.
Nangyari na nga ang hindi inaasahang mangyari dahil sa kalasingan ay hindi
na maikakailang magagawa iyong ng manggagamot sa kuwento pero sa
kasalukuyan ay bihira naman na mangyari. Subalit kung ang isang
pangkaraniwang binata na nasa ganoong sitwasyon maaaring mangyari at
magawa niya iyon.Sa bahaging pagtatapos na ipinakita ng kuwento sa dula,mas
mainam kung ipinakita na naipakulong ang doktor at nagkaroon ng kapatawaran
sa isa’t isa silang dalawa. Naipakita ng maayos ang nangyari sa tauhang si
Liagya kung siya ba ay nakatagpo ng taong magmamahal sa kanya.

3. Bisang Pampanitikan

A. Bisa sa Isip
Marapat lamang na ating isaisip na ang bawat problema sa buhay ay kayang
malampasan basta ito ay ating pagsumikapan upang malutas. Huwag tayong
susuko kaagad at bagkus ay harapin dahil ito lang ang nagsisilbing pagsubok
kung paano tayo magiging matatag sa buhay. Sa ipinakita ng pangunahing
tauhan sa dula, kalakasan at katatagan ang kaniyang ipinakita at ipinaramdam
sa katulad kong manonood sapagkat sa kabila ng kaniyang kapansanan at
karahasan na pinagdaanan ay mas minabuti niya itong paglabanan. Nananatiling
matatag at malakas at hindi nagpatalo sa kahinaan ng kaniyang kalooban. Hindi
siya sumuko patuloy niyang hinahanap ang hustisya na kaniyang inaasam. Hindi
porke’t siya ay babae lamang hindi na niya kakayanin lumaban. Nagsumukap
siyang makabangon sa kabila ng dagok na nakintal sa kaniyang isipan.

2. Bisa sa Damdamin

Matapos kong mapanood ang dula, iba’t ibang damdamin ang nangibabaw
sa dula. Una na lamang ay ang pagmamahal ng tauhang si Aling Selang sa
kaniyang anak na si Ligaya. Hindi matatawaran at mapapantayan ang
pagkalinga at pagmamahal na ipinaparamdam ng isang ina sa kanilang mga
anak kahit na ito pa man ay may kapansanan nariyan lamang sila para ito ay
gabayan at tulungan. Damdamin ng pagkagalit sapagkat bakit sa dinami-rami ng
tao sa mundo, bakit kung sino pa yung mga may kapansanan sila pa yun
nagagawang mabiktima ng walang kalaban laban at ang huli ay ang kaligayahan
na ipinakita sa pagkamit ng hustisya ng dalagang si Ligaya damang dama ko
bilang isang tagapanood ang kaniyang katatagan at katapangan sa kabila ng
dagok sa kaniyang buhay na naranasan.

4. Bisa sa Kaasalan

Nangibabaw ang iba’t ibang kaasalan sa dulang aking napanood, kung


paano nga ba ang tamang pakikisama at pagtrato sa isang tao. Iba’t ibang
karahasan ang naipakita ng kuwento nariyan ang pang-iinsulto, panghuhusga at
pagmamalabis na idinidikta sa lipunan.Ipinakita pa rin ni Ligaya sa kabila ng
kaniyang pinagdaanan ay hindi pa rin siya gumawa ng masama sa kaniyang
kapwa upang maghiganti bagkus ay ipagpatuloy lamang ang laban sa buhay.
Iba’t ibang aral ang aking natutunan, huwag tayong manghusga sa isang tao lalo
na kung sa kaniyang panlabas na kaanyuan kung hindi pa man natin siya
nakikilala at ang estado ng buhay niya.

5. Bisa sa Lipunan

Ipinakita sa dula ang naging kalakasan ng tauhang si Ligaya sa kabila ng


nangyaring karahasan sa kanya dahil sa kaniyang kapansanan. Mas minabuti
niya itong labanan at hindi mabigo sa laban ng kaniyang buhay laban sa mga
taong mapangalipusta at mapangkutya sa kanya.Namutawi ang kalakasan ng
mga kababaihan batay na rin sa binitawan ng tauhan sa dula, marapat lamang
na bilang isang babae matuto tayong magbukas ng ating isipan at alisin ang mga
agam-agam sa sarili huwag matakot at patuloy itong paglabanan.

“Nagsasawa kana ba sa lahat ng pangungutya, pang-iinsulto, panghuhusga


at pagmamalabis na idinidikta ng lipunan? Kung Oo, humanda ka! Oras na para
ika’y manindigan sa karapatan na siyang iyong tunay na kailangan. Buksan ang
mga bibig at wag maging pipi, talasan ang pandinig at wag maging bingi, higit sa
lahat buksan ang mga mata dahil ang mundo’y binabalot ng mga taong sa
gawai’y PIKIT MATA!”.

You might also like