You are on page 1of 4

Tagalog, Pilipino at Filipino: May Pagkakaiba ba?

January 25, 2017

Hindi natin maipagkakailang hindi lahat sa atin ang nakakaalam kung ano ang
ating pambansang wika. Kung tatanungin nga siguro ang lahat ng mga mag-aaral
sa elementarya, may mga magsasabi pang tagalog, o di kaya nama’y tatahimik na
lamang dahil sa pagkalito. Tagalog nga rin ang tawag ng mga foreigners sa ating
pambansang wika. Ilang taon na rin ang nakakaraan ng ito’y baguhin mula
Pilipino (na batay sa Tagalog) sa pagiging Filipino, ngunit masasabi pa rin nating
hindi pa rin tayo nakakawala sa anino ng Tagalog. Tagalog, Pilipino, Filipino, ano
nga nga ba ang kanilang pagkakaiba?

Wikang Tagalog

Ang Doctrina Cristiana (Doktrinang Kristiyano) na siyang unang librong


nailimbag sa bansa sa taong 1593 ay nakasulat sa Tagalog. Tagalog rin ang
sinasalita ng maraming Pilipino sa pagdating nina Miguel Lopez de Legaspi noong
1565 sa Maynila. Mahihinuhang ang Tagalog ay isang wikang natural at may
sariling mga katutubong tagapagsalita.

Ang salitang tagalog na hinango sa salitang taga-ilog, ay ang wika sa Metro


Manila, Bulacan, Batangas, Rizal, Laguna, Quezon, Cavite, Mindoro, Marinduque
at ilang parte ng Puerto Princesa at Nueva Ecija. Ito’y isang wikang sinasalita sa
mga etnolinggwistikong grupo sa bansa.

Wikang Tagalog bilang batayan sa Wikang Pambansa

Nang idineklara ni Presidente Manuel L. Quezon ang Wikang Pambansa na batay


sa Tagalog noong Disyembre 30, 1937 sa pamamagitan ng Executive Order No.
134, maraming umalma at tumutol na mga mamayan ng bansa.

Ang Surian ng Wikang Pambansa ang naatasang pumili ng isang katutubong wika
na gagamiting basehan para sa pagbabalangkas at pagpapatibay ng wikang
pambansa. Ang Surian ng wikang pambansa ang siya ring inatasan na magbigay
ng preperinsiya sa pinakamaunlad sa kayarian, nilalaman at panitikan na
tinatanggap at ginagamit ng pinakamaraming bilang ng mga Pilipino.

Gumawa ng rekomendasyon sa Pangulong Manuel L. Quezon ang Surian ng


Wikang Pambansa na ang tagalog ang gawing saligan ng wikang pambansa. Ang
Tagalog, diumano ang tumutugon sa lahat halos ng kinakailangan ng Batas
Komonwelt Blg. 184.

Ngunit idinemanda ang Surian dahil sa kuwestiyon ng legalidad ng pagkapili ng


Tagalog bilang base ng wikang pambansa gayon din ang pagpapalaganap ng
Pilipino bilang wikang pambansa. Pinagwagian ng Surian ang kaso sa Hukumang
unang dinulugan, sa Hukuman sa Paghahabol at sa Korte Suprema. At noong
Hulyo 15, 1970 ay nagpasya ang Korte:
“Ang Tagalog bilang batayan ng ating wikang pambansa (na pinatunayan sa ulat
ng Kawanihan ng Senso na siyang pinakamalaganap na sinasalita sa ating
katutubong wika), ang hayag na pagpapahayag at pagkilala rito ng bayan at
pamahalaan, sa kapahintulutan ng Batas ng Komonwelt Blg. 570 na pinagtibay ng
Kongreso na nagpapahayag na ang wikang pambansang Pilipino ay isa sa mga
wikang opisyal ng Pilipinas na may bisa noong Hulyo 4, 1946, ay nakapaglagay na
isyu ng katalinuhan at kaangkupan sa pagpili ng Pilipino, batay sa Tagalog bilang
wikang pambansa natin, na lampas na sa autoridad ng mga hukuman upang
rebisahin at isaisantabi.

Dahil sa pangyayaring nabanggit, sa kasalukuyan, ang pinakaangkop na kahulugan


ng wikang pambansa ay ang wikang pinagtibay ng pamahalaan na ginagamit sa
pamamahala at pakikipag-ugnayan ng mga mamamayan. Dahil dito, patuloy pa rin
ang paglaganap ng wika sa mga lugar ng mga etniko na gumagamit ng katutubong
wika. Isaalang-alang pa rin ang puspusang paggamit at pagpapalaganap ng wika
bilang matatag na pundasyon at pakikipag-ugnayan sa iba’t-ibang
larangan-pampolitika, panlipunan, pang-media, pampanitikan, pang-edukasyon at
iba pa”.

Wikang Pilipino bilang Wikang Pambansa

Taong 1943 nang tinukoy na ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Pilipino, na


ibabatay sa Tagalog, alinsunod sa ipinasa ni kalihim Jose Romero (Department
Order No. 7) ng Kagawaran ng Edukasyon. Simula 1959, ito na rin ang ginamit sa
pagtuturo sa paaralan, ngunit nahinto nang pagtibayin ang wikang Filipino bilang
Wikang Pambansa alinsunod sa Article 14 Sec. 6 ng 1987 Konstitusyon.

Nang ipinatupad ang ang pagiging pambansang wika ng wikang Pilipino, umani
ito ng malakas na pagtutol. Ang pagpili sa Tagalog bilang batayan ng wikang
pambansa ay lumikha ng malakas na oposisyon sa mga di-tagalog at pro-ingles.
Madalas naipapahiwatig ang oposisyong ito sa mga sulat sa editor ng mga
peryodikal at sa mga paulit-ulit na habla at salita laban sa Pilipino. Sa paggamit ng
Pilipino na batay sa Tagalog, ang mga di-Tagalog ay nakadarama ng damdaming
kakulangan o ng damdaming napapailalim sa mga Tagalog. Nadarama nila ang
panibugho na sila’y dayuhan sa isa’t isa.

Pangunahin sa pagtutol dito ay ang mga Cebuano. Anila, ang Pilipino (1959) na
siyang nahirang na Wikang Pambansa ay Tagalog din. Hindi sila masisisi sa bagay
na ito sapagkat nang likhain nga naman ang Balarila ng Wikang Pambansa ilang
taon na ang nakalilipas ay naging Tagalog-na-Tagalog. Ito’y isang pagkakamali na
lalong nagpalala sa suliranin hinggil sa pagkakaiba at pagkakakilanlan ng
Pilipinong batay sa Tagalog at ng Tagalog mismo.

Ang mga hindi-tagalog ay hindi nabigyan ng pagkakataon na maging parte ng


pagpapayaman at pagpapaunlad ng Pilipino.

Ngunit sa likod ng mga tabing masisilayan kung bakit ibinatay ang pambansang
wika sa Tagalog. Sa katunayan, Tagalog ang piniling saligan ng Wikang
Pambansa sa kadahilanang ito’y nahahawig sa maraming wikain sa bansa. 59.6%
sa Kapampangan, 48.2% sa Cebuano, 44.6% sa Hiligaynon at iba pa. Sa madaling
salita’y hindi magiging mahirap unawain at pag-aralan ang Tagalog para sa mga
di-Tagalog dahil nahahawig ito sa kanilang wikain.
May dahilan kung bakit nagkakahawig-hawig ang mga wika sa Pilipinas. Lahat ng
mga katutubong wika sa Pilipinas ay buhat sa iisang angkan ng wika. Ang isang
angkan ng wika ay isang klasipikasyon ng iba’t-ibang wika na pinapaniwalaang
nagmula sa iisang wika. Ang orihinal na wikang pinagmulan ng iba’t-ibang wika
ay karaniwang tinatawag natin na wikang proto ng angkan. Noong mga dakong
una ay may iisang wikang proto na tinatawag nating Proto-Austronesian. Nagmula
sa Proto-Austrenesian ang Malagasy, ang mga wikang Cham ng Vietnam, ang mga
wikang katutubo ng Taiwan, ang mga wika sa Pilipinasat iba pa. Ang isa sa mga
anak na wika ng Proto-Austronesian ay pinagmulan ng halos ng wika sa Pilipinas.
Ang wikang proto na pinagmulan ng wika sa Pilipinas ay tinatawag nating
Proto-Philippine. Ito ay isang wikang haypotetikal lamang o isang wikang
pinapalagay ng mga dalubwika na lumitaw ng mga dakung una, na sa paglipas ng
panahon ay nagkaroon ng mga pagbabago, hanggang nagkaroon na ng sariling
tatak ng pagkawika ang bawat isa.

Pinatutunayan din ng maraming pag-aaral na ang Tagalog ang pinakamaunlad na


wika sa bansa at siyang ginagamit ng higit na nakararami sa pakikipagtalastasan,
sa panitikan, sa kalakalan at sa iba pang disiplina’t larangan.

Matagal din ang pamamayagpag ng Wikang Pilipino. Ang pagtawag ng konkon


noong 1971 ang nagbigay ng pinakahihintay na pagkakataon sa mga di-tagalog at
sa mga pro-ingles na baguhin o patayin ang wikang pambansang batay sa isang
wika.

Sa mga una pa lamang na sesyon ng konkon, malinaw nang lumabas ang malakas
na pagkontra o pagtanggi ng mga karamihan sa mga delegado sa konkon(na mga
di-tagalog) sa patuloy na paggamit sa Pilipino bilang wikang pambansa ng
Pilipinas.

Dahil sa naisantabi ang mga wikang malawak din ang gamit gaya ng Cebuano,
Hiligaynon at Ilokano, nag-udyok ito ng pagpapalit sa Wikang pambansa mula
Pilipino tungo sa Filipino sa 1973 at 1987 Konstitusyon.

Nabago man ito dahil sa ginawang batas, hindi naman ito agarang nabura sa isipan
ng mga tao. “Tagalog Imperialism” kung ito’y tawagin ni Prof. Leopoldo Yabes,
isang Ilokanong manunulat at naging dekano ng College of Arts and Sciences
sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman. Nakondisyon na ang mga tao sa tagalog
kung kaya’t kahit na binago ito, tagalog pa rin ang itinawag dito hindi lang ng mga
Pilipino bagkos, ng mga dayuhan rin.

Wikang Filipino bilang Wikang Pambansa

Ang wikang Filipino ang ating kasalukuyang wikang pambansa at wikang opisyal
na ginagamit bilang transaksyunal na wika sa mga pang-gobyernong pasilidad at
opisina.

Pambansang lingua franca kung ito rin ay maituring. Ngunit ano nga ba ang
kahulugan ng lingua franca?. Ayon sa Wikipedia, ang salitang lingua franca ay
mula sa salitang aleman na nangangahulugang working language na ang ibig
sabihin ay isang wikang nag-uugnay sa mga taong may kanya-kanyang dayalek.
Ang pagiging lingua franca ng isang wika ay ang pagiging pangalawang wika nito
kung saan ito ay nagiging medyum upang ang mga may iba’t-ibang dayalek ay
magkaintindihan. Halimbawa, ang dayalek ng Davao ay Davaoeño samantalang
Chavacano naman ang sa Zamboanga. Hindi sila magkakaunawaan kung
gagamitin nila ang kanilang sariling dayalek, ngunit kung gagamitin nila ang
wikang Filipino na siyang lingua franca ng ating bansa, ang komunikasyon ay
nagiging posible.

Ang wikang Filipino ay multi-base language in nature. ang ganitong ideya ay


naglalayong luminang ng Wikang Pambansa para sa Pilipinas na hindi lamang
batay sa Tagalog, kundi batay sa maraming wikain sa bansa kasama ang mga
salitang banyaga na naging at nagiging bahagi na ng ating kabihasnan. Marami
ang nagpapalagay na ang ganitong kaayusan ay nagpapakita ng pagiging dinamiko
ng isang wika. Idinadahilan nila na hindi lamang iisa ang dapat maging estilo ng
Wikang Pambansa na batay sa iba’t ibang wikain, tayo’y higit na
magkakaunawaan bilang mga mamamayang Pilipino – Tagalog, Cebuano, Ilocano,
Ibanag, Kapampangan, Muslim, lahat.

Ang Tagalog at Filipino ay hindi pareho, ngunit hindi rin magkaiba. Paanong
nangyari ito? Sapagkat ang Filipino ay pinaunlad (o pinauunlad) na Tagalog salig
sa mga umiiral na wika sa Pilipinas. Hindi sila pareho sapagkat higit na mayaman
ang bokabularyo ng Filipino kaysa sa Tagalog dahil sa impluwensya ng iba’t ibang
wikain at wikang banyagang maluwag na nakakapasok sa bokabularyo nito,
bagamat hindi ito sapat upang hindi magkaunawaan ang nagsasalita ng Tagalog
(katulad ng salitang lalawiganin) ang hindi maituturing na salitang Filipino
sapagkat hindi angkop ang salitang ito sa istandardisasyon at/o intelektwalisasyon
ng Filipino, ang higit na mahalaga’y maraming mga salitang banyaga tulad ng
Ingles, Italyano, Franses, Latin at iba pa at mga salitang mula sa iba pang wikain
sa Pilipinas ang mga maituturing na bahagi na ng bokabularyong Filipino
(sapagkat nauunawa’t ginagamit) ngunit di ng Tagalog

Miskonsepsyon sa Filipino

Sa pag-aakala ng iba, hinango ang salitang Filipino mula sa salitang Ingles na


nangangahulugang mamayan ng bansa. Akala rin ng iba na, sa Ingles din galing
ang F dito. Ilan lamang ito sa mga miskonsepsyon na nanatili pa rin sa iilan,
hanggang sa ngayon.

Pinalitan ang P ng F upang maging simbolo ng hindi lang Tagalog ang batayan ng
wikang ito sapagkat, walang ganitong tunog sa Tagalog. Ito’y sumisimbolo sa
akomodasyon ng wikang pambansa sa iba pang mga dayalek.

Nadagdagan rin ng walong letra ang alpabeto. Ang mga ito ay, c, f, j, ñ, q, v x, at z.
Dahil dito, ang dating Dabaw ay nagiging Davao na. Naisusulat na rin ang
selebrasyon ng mga Ifugao na tinatawag na cañao.

Sa pamamagitan ng Filipino bilang wikang panturo, tayo’y higit na


magkakaunawaan bilang mga mamamayang Pilipino-Tagalog, Ilokano, bisaya,
lahat!

Bigyang diin ang pagkakaunawaan sa pamamagitan ng sariling wika- ang Filipino!


“Gisingin natin ang lahat ng mga Juan de la Cruz na nahihimbing pa”.

You might also like