You are on page 1of 4

Talambuhay ni Pangulong Rodrigo Duterte

Si Rodrigo "Rody" Roa Duterte ay ipinanganak noong ika-28 ng Marso taong 1945. Siya ay isang
Pilipinong abogado, politiko, at ang ika-16 at kasalukuyang Presidente ng Pilipinas. Kilala rin siya sa pangalang
Digong, Siya ang unang pangulo mula sa Mindanao at ang pinakamatandang naging presidente sa kasaysayan ng
Pilipinas sa edad na 71 (dating rekord na hawak ni Sergio Osmeña sa edad na 65).
Nag-aral si Duterte ng Political Science sa Lyceum of the Philippines University at nagtapos noong taong
1968. Tinapos naman niya ang kanyang abogasiya noong taong 1972 sa San Beda College of Law. Pagkatapos
nito ay nagtrabaho siya bilang abogado at taga-usig ng Davao City, isa sa pinakamalaking lungsod ng Pilipinas.
Si Duterte ay naging bise mayor ng Davao City bago naging alkalde ng lungsod noong 1986. Isa siya sa mga
alkalde ng Pilipinas na may pinakamahabang nagugol sa serbisyo, umabot ito ng pitong termino at higit na 22 na
taon.
Noong May 9, 2016, nanalo si Duterte sa halalan bilang pagkapangulo. Nakakuha siya ng 39.01% ng mga
boto laban sa katunggali na si Mar Roxas mula sa Liberal party. Sa kanyang kampanya, ipinangako niyang
mababawasan ang krimen sa pamamagitan ng pagpatay sa libu-libong mga kriminal. Ang kanyang domestic
policy ay nakatutok sa paglaban sa iligal na droga sa pamamagitan ng pagtugis sa mga pinaghihinalaang
nagbebenta at gumagamit ng droga. Noong Abril 2017, tinatayang higit 7,000 katao ang namatay mula sa mga
lehitimong operasyon ng pulisya at vigilante-style killings. Si Duterte na binansagang "The Punisher" ng Time
magazine, ay iniuugnay rin ng Amnesty International at Human Rights Watch sa ekstrahudisyal na pamamaslang
sa higit 1,400 na pinaghihinalaang kriminal gamit ang vigilante death squads sa panahong ito ay alkalde pa ng
Davao.
Noong Nobyembre 21 taong 2015, sa isang pribadong pagtitipon sa San Beda College of Law, pormal na
inihayag ni Duterte ang kanyang intensiyong tumakbo bilang pangulo sa halalan ng 2016. Tinanggap rin niya ang
alok ni Alan Peter Cayetano na maging running mate sa darating na eleksyon. Sa kanyang kampanya ay sinabi
niya na gusto niyang ipatupad ang isang pederal na parlamentaryong anyo ng pamahalaan. Siya rin ay nangakong
papatayin ang libu-libong mga kriminal, at supilin ang krimen sa loob ng anim na buwan.

Noong ika-30 ng Mayo taong 2016, inihayag ng Ika-16 na Kongreso ng Pilipinas si Duterte bilang bagong
halal na Pangulo ng Pilipinas matapos siyang makakuha ng 16,601,997 na boto, na halos pitong milyong higit pa
kaysa sa kanyang pinakamalapit na kalaban. Si Camarines Sur representative Leni Robredo sa kabilang banda,
ay inihayag na Bise Presidente ng Pilipinas na may 14,418,817 votes.
Talambuhay ni dating Pangulong Ferdinand Marcos

Si Ferdinand Edralin Marcos ay ang ika-10 Pangulo ng Republika ng Pilipinas mula 30 ng Disyembre 1965
hanggang ika-25 ng Pebrero 1986. Siya ay isinilang noong Setyembre 11, 1917 sa Sarrat, Ilocos Norte. Si Marcos ay nag-
aral sa Maynila at nag-aral ng abugasya noong mga huling taon ng 1930 sa Unibersidad ng Maynila. Nilitis siya para sa
pagpatay sa kalaban sa pulitika ng kanyang ama noong 1933 at napatunayang nagkasala noong Nobyembre 1939. Umapela
siya sa Korte Suprema ng Pilipinas at napawalang-sala pagkalipas ng isang taon.
Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig siya ay naging isang opisyal sa armadong pwersa ng Pilipinas. Ang pag-
angkin ni Marcos na siya ay naging lider sa kilusang gerilya ng Pilipinas ay isang mahalagang kadahilanan sa kanyang
tagumpay sa pulitika, ngunit ipinahayag ng mga tala ng gobyerno ng Estados Unidos na siya ay may maliit papel o hindi
talaga bahagi sa mga gawaing kontra Hapon noong 1942-1945.
Mula 1946 hanggang 1947 si Marcos ay naging technical assistant ni Manuel Roxas, ang unang pangulo ng
malayang republika ng Pilipinas. Siya ay miyembro ng Kapulungan ng mga Kinatawan ng Pilipinas (1949-59), ng Senado
(1959-65) at nagsilbi bilang pangulo ng Senado (1963-65). Noong 1965, si Marcos, na isang kilalang miyembro ng Liberal
Party na itinatag ni Roxas, ay tumiwalag dito matapos mabigo na makuha ang nominasyon ng kanyang partido para sa pagka
pangulo. Pagkatapos ay tumakbo siya bilang kandidato ng Nasyonalista para sa pangulo laban sa pangulo ng Liberal, si
Diosdado Macapagal. Nanalo si Marcos at itinalaga bilang pangulo noong Disyembre 30, 1965. Noong 1969 siya ay muling
nahalal at naging unang pangulo ng Pilipinas na naglingkod sa ikalawang termino. Sa panahon ng kanyang unang termino
ay nagawa niyang mapabuti ang estado ng agrikultura, industriya, at edukasyon. Ngunit ang kanyang administrasyon ay
magulo dahil na rin sa dumaraming demonstrasyon at marahas na mga aktibidad ng mga gerilya.
Noong Setyembre 21, 1972, ipinataw ni Marcos ang Batas Militar sa Pilipinas, dahil na rin sa pagkilos ng mga
komunista upang pabagsakin ang gobyerno. Ipinabilanggo ni Marcos ang mga oposisyong pulitiko at ang armadong pwersa
ng Pilipinas ay naging armado ng rehimen. Si Marcos ay binatikos ng mga lider ng simbahan at sinalungat ng mga lider ng
politika- lalo na ni Benigno Aquino, Jr., na ibinilanggo at ipiniit sa loob ng halos walong taon. Sa mga lalawigan ng mga
komunistang Maoist (Bagong Hukbong Bayan) at mga separatistang Muslim (lalo na ng Moro National Liberation Front)
nagsagawa ng mga girilyang pagkilos upang pabagsakin ang sentral na pamahalaan. Sa ilalim ng batas militar ang pangulo
ay nagtatag ng mga pambihirang kapangyarihan, kabilang ang kakayahang isuspinde ang "writ of habeas corpus".
Ipinahayag ni Marcos ang katapusan ng batas militar noong Enero 1981, ngunit patuloy siyang namamahala sa isang
awtoritarian na paraan sa pamamagitan ng iba't ibang anyo ng saligang batas. Nanalo siya sa halalan sa bagong nalikhang
poste ng pangulo noong Hunyo 1981.
Ang asawa ni Marcos mula 1954 ay si Imelda Romuáldez Marcos, isang dating beauty queen. Si Imelda ay naging
isang makapangyarihang pigura pagkatapos simulan ang martial law noong 1972. Madalas siyang mabatikos dahil sa
kanyang pagtalaga sa kanyang mga kamag-anak sa mahahalagang posisyon sa gobyerno, habang siya naman ay gobernador
ng Metropolitan Manila (1975-86) at ministro ng mga pamayanan ng tao at Ekolohiya (1979-86).
Ang mga huling taon ni Marcos sa kapangyarihan ay nasira dahil sa laganap na korapsyon sa gobyerno,
ekonomiyang hindi umuunlad, patuloy na hindi pagkakapantay-pantay sa pagitan ng mayayaman at mahihirap, at ang
tuluyang paglago ng rebolusyonaryong gerilyang komunista na aktibo sa mga rural na lugar sa iba't ibang sulok ng Pilipinas.
Noong 1983 ang kalusugan ni Marcos ay nagsimulang bumagsak, at ang mga sumasalungat sa kanyang pamamahala
ay dumami. Noong Agosto 21, 1983, bumalik sa Maynila si Benigno Aquino, Jr. upang magbigay ng alternatibo laban kay
Marcos at sa lalong lumalakas sa New Poeple's Army (NPA). Ngunit siya ay binaril at napatay sa pagbaba niya sa eroplano.
Ang pagpatay ay nakita bilang gawain ng pamahalaan at naging sanhi ng malawakang protesta laban sa gobyerno. Isang
independiyenteng komisyon na hinirang ni Marcos ang nagpatibay noong 1984 na mga matataas na opisyal ng militar ang
responsable sa pagpatay kay Aquino.
Upang muling ipahayag ang kanyang mandato, nagtawag si Marcos ng bagong halalan sa pagkapangulo. Ngunit
isang matinding kalaban sa pulitika ang lumitaw, ang biyuda ni Aquino, si Corazon Aquino, na naging kandidato ng
oposisyon para pagka presidente. Pinaniniwalaan ng marami na nakuhang talunin ni Marcos si Aquino dahil lamang sa
napakalaking pandaraya sa pagboto ng kanyang mga tagasuporta sa halalan noong Pebrero 7, 1986. Habang labis na
pinawalang-saysay sa sariling bayan at sa ibang bansa ang kanyang kahina-hinalang pagkapanalo sa eleksiyon, mahigpit na
pinananatili ni Marcos ang kanyang pagkapangulo habang nahati ang militar ng Pilipinas sa pagitan ng mga tagasuporta
niya at ng lehitimong karapatan ni Aquino sa pagkapangulo. Natapos lamang ang isang matinding sagupaan na naganap sa
pagitan ng dalawang panig noong si Marcos ay umalis sa bansa noong Pebrero 25, 1986, sa paghimok ng Estados Unidos.
Tumakas siya papuntang Hawaii, kung saan siya ay nanatili hanggang sa kanyang kamatayan noong September 28, 1989.
Talambuhay ni Dating Pangulong Ramon Magsaysay

Si Ramon Magsaysay ay ang ika-7 Pangulo ng Pilipinas na kilala bilang "the Guy" o "Presidente ng
Masang Pilipino". Siya ay ipinanganak sa Iba, Zambales noong Agosto 31, 1907 at pangalawang anak ni Exequiel
Magsaysay at Perfecta Del Fierro. Bilang pangulo, binuksan niya ang pintuan sa mga mamamayang Pilipino kung
saan sila ay binigyan ng pagkakataong lumapit sa kanya nang direkta at bigyan sila ng higit na kalayaan upang
ipahayag ang kanilang sakit at pagdurusa. Magpahanggang ngayon, ang kanyang pamumuno at kabutihan ay ang
mga katangiang hinahanap ng mga Pilipino para sa isang lider.
Nag-aral si Magsaysay sa Unibersidad ng Pilipinas at kumuha ng enhinyerang mekanikal bagamat sa
Colegio de Jose Rizal niya natapos ang Antas sa Komersyo. Sa kanyang kapanahunan, karamihan sa mga pinuno
sa pulitika ay kamag-anak ng Kastila. Si Magsaysay lamang ang may lahing Malay, katulad ng pangkaraniwang
Pilipino.
Si Magsaysay ay nagsimula bilang isang mekaniko sa Try-Tran Bus Company at sa kalaunan ay naging
bilang branch manager. Naging tanyag siya bilang isang mahusay na lider ng gerilya sa Ikalawang Digmaang
Pandaigdig at pinangalanan bilang gobernador militar ng Iba, Zambales ni General Douglas McArthur nang
palayain ng Estados Unidos ang Pilipinas.
Naglingkod siya bilang Kongreso ng Partidong Liberal sa Zambales mula 1946 hanggang 1950. Ito ang
kanyang unang karanasan sa pulitika. Bilang politiko, nagkaroon siya ng mahalagang papel sa pagpasa ng GI Bill
of Rights sa Kongreso ng Estados Unidos kung saan ay makikinabang ang mga Pilipinong beterano ng digmaan.
Inihalal ni Pangulong Elpidio Quirno si Magsaysay upang maging kalihim ng depensa upang mahawakan ang
pagbabanta ng mga Hukbalahap (Hukbong Bayan Laban sa mga Hapones) na nag-organisa ng People's
Liberation army. Nagtagumpay siya sa kampanya laban sa Hukbalahap gamit ang parehong mga solusyon sa
militar at pulitika. Ang kanyang kampanya ay itinuturing na isa sa pinakamatagumpay na kampanyang anti-
gerilya sa modernong kasaysayan.
Sinubukan ni Magsaysay na makuha ang loob ang mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbibigay sa
kanila ng mga lupain at mga kasangkapan kung susuporta sila sa gobyerno, dahilan upang mapagtanto ng mga
Huk na hindi nila makakayanan nang walang suporta mula sa mga tao. Inorganisa ding muli ni Magsaysay ang
hukbong militar sa pamamagitan ng pagpapaalis sa mga tiwaling opisyal, at sinanay sila upang maging maaasahan
laban sa mga gerilya. Dahil sa kanyang radikal na kampanya, ang mga huk ay hindi na naging banta sa gobyerno
bagaman gumawa siya ng maraming mga kaaway sa loob ng pamahalaan. Inakusahan niya ng katiwalian at
kawalan ng kakayahan ang administrasyong Quirino dahilan upang magbitiw si Magsaysay sa kanyang posisyon
noong Pebrero 28, 1953.
Noong 1953, sinuportahan ng Partidong Nacionalista at ni Carlos Romulo si Magsaysay upang tumakbo
para sa pagka-pangulo laban kay Quirino bagaman siya ay isang kandidato ng Liberal. Nanalo siya at naging ika-
pitong pangulo ng Pilipinas. Sa panahon ng kanyang administrasyon, ipinakilala niya ang mga pangunahing
programa tulad ng reporma sa lupa, panlipunang kapakanan at mga gawaing pampubliko. Tinulungan niya ang
mga magsasaka sa pamamagitan ng pagtatag ng kreditong pang-agrikultura at cooperative financial agency. Si
Magsaysay ang tinaguriang "Pangulo ng mga Magsasaka" ngunit ang kanyang mga plano ay nahadlangan ng iba
pang mga pulitiko na pumapabor sa mayayaman.
Si Magsaysay bilang isang pangulo ay simple at nakatuon sa pagtulong sa karaniwang tao. Siya ay
nanatiling malapit na kaibigan at tagataguyod ng Estados Unidos. Siya rin ang boses na tagapagsalita laban sa
Komunismo sa panahon ng Cold War o Digmaan sa Diplomasya. Ginawa niyang miyembro ang Pilipinas sa
SATO (Southeast Asia Treaty Organization), na itinatag sa Maynila noong Setyembre 8, 1954 at inorganisa niya
ang mga bansa ng Afro-Asians laban sa pandaigdigang komunismo sa Bandung Conference sa Indonesia.
Si Ramon Magsaysay ay namatay nang bumagsak sa Cebu ang sinasakyan nitong eroplano habang
nangangampanya para sa halalan. Ang kanyang bise presidente na si Carlos P. Garcia ang pumalit sa kanyang
puwesto.
Talambuhay ni dating Pangulong Corazon Aquino

Si María Corazón Cojuangco-Aquino na lalong mas kilala sa palayaw na Cory ang ikalabing-isang
Pangulo ng Pilipinas ng Republika ng Pilipinas at kauna-unahang naging babaeng pangulo ng Pilipinas (Pebrero
25, 1986–Hunyo 30, 1992). Ipinanganak siya noong Enero 25, 1933 sa Tarlac ng kanyang mga magulang na sina
Jose Cojuangco Sr. at Demetria Sumulong. Kilalang may kaya ang kanilang angkan na nagmamay-ari ng malawak
na lupain sa Tarlac.
Nagtapos siya sa isang paaralang Katoliko na para lamang sa mga kababaihan bago pinalad na makapag-
aral sa Estados Unidos at nakapagtapos nang may digri sa Wikang Pranses at Matematika sa New York's Mount
Saint Vincent College. Nagbalik siya ng Pilipinas noong 1953 upang kumuha ng kursong abugasya. Doon niya
nakilala ang kabiyak na si Benigno Aquino, Jr. ("Ninoy"), ang pinaslang na lider ng oposisyon noong panahon ni
dating Pangulong Ferdinand E. Marcos.
Nailuklok siya sa pamamagitan ng isang mapayapang rebolusyon (Unang Rebolusyon sa EDSA) noong
Pebrero 25, 1986 at ibinalik niya ang demokrasya sa bansa. Siya ay kilala rin bilang ina ng artistang si Kris
Aquino.
Si Cory Bilang Asawa ni Benigno Aquino, Jr.
Kilalang angkan ang Aquino sa politika. Nahalal bilang mayor si Benigno Aquino, Jr. o kilala sa tawag
na Ninoy isang taon matapos ang kanilang pag-iisang dibdib. Naging pinakabata rin itong gobernador hanggang
sa maging senador.
Naging pangunahing kritiko ng dating Pangulong Ferdinand E. Marcos ang kanyang asawa at isa sa mga
nakulong matapos maideklara ang Martial Law noong Setyembre 21, 1972. Dahil sa ilang taong pagkakakulong
ng kanyang asawa ay siya ang naging tagapagsalita at katuwang nito sa pakikipag-usap sa mga aktibista at
mamamahayag. Pansamantala silang nanirahan sa Boston matapos na palayain ang kanyang asawa upang
sumailalim sa operasyon sa puso.
Taong 1983 ng buwan ng Agosto ng mapagpasiyahang bumalik sa Pilipinas ng kanyang asawang si
Benigno Aquino, Jr. upang tulungan ang mga taong hindi sang-ayon sa pamumuno ng dating Pangulong
Ferdinand E. Marcos. Sa kasamaang-palad ay ipinapatay siya matapos makalapag sa paliparan ang eroplanong
kanyang sinasakyan.
Pagkakasakit at Kamatayan
Marso 24, 2008 unang natuklasan ang pagkakaroon ng colon cancer ng dating pangulong Corazon Aquino.
Humingi ng dasal at suporta para sa kanyang maysakit na ina si Kris Aquino, ang artista at TV host na bunso
niyang anak.
Nagsimula ang karamdaman ng dating pangulo sa paulit-ulit na pagtaas ng blood pressure nito,
paglalagnat at hirap sa paghinga. Hindi nagtagal ay naiulat ang kawalang-gana nito sa pagkain, hindi gumagaling
na pag-ubo at ang kapansin-pansing pagbaba ng timbang na naging sanhi ng kanyang pagkapayat. Ito ang
nagbunsod sa magkakapatid na Aquino na ipailalim sa malawakang pagsusuri ang kalusugan ng kanilang ina at
dito natuklasan ang pagkakaroon niya ng cancer cancer sa colon.
Nakiusap ang pamilya na irespeto ang pribadong buhay ng kanilang ina at samahan sila sa pagdarasal
upang gumaling ang karamdaman nito. Umabot sa mahigit na 14 na buwan ang pakikipaglaban ng pangulo sa
sakit na cancer kaalinsunod ang pagpapasailalim sa Chemotherapy sessions.
Noong Hulyo 2009, iniulat na si Aquino ay nasa seryosong kalagayan, nagdurusa sa pagkawala ng gana,
at nasa Makati Medical Center. Sa kalaunan ay inihayag na nagpasya si Aquino at ang kanyang pamilya na itigil
ang chemotherapy at iba pang mga medikal na interbensyon para sa kanya.
Namatay si Aquino sa Makati Medical Center noong 3:18 ng umaga noong Agosto 1, 2009 dahil sa
cardiorespiratory arrest; Siya ay 76.

You might also like