You are on page 1of 3

PARUSA ni Genoveva Edroza – Matute

Naunahan ng paggising at pag-iinat ng daungan ang pagsikat ng araw. Makakapal pa ang mga aninong buong
higpit na yumayakap sa mga pintungang nangaroon ay nagsimula na ang mga yabag na payao’t dito, ang anasang unti-
unting nagkatinig hanggang sa maging ingay, hanggang sa makiisa sa matinis na sipol ng kadadaong na bapor.
Nag-unahan sa andamyo ang mga bata ni Salamin. Nakatitiyak ang kanilang mga hakbang. Sapagkat ang mga
bata ni Salamin ay mga bata ng Big Boss. Ang Big Boss ang nakaaalam sa mga bapor na lumabas-pumasok sa daungang
yaon.
“Oras na nakapit ka kay Salamin… buhay ka na!”
“E ang Big Boss… hindi ko na ba kailangang makilala ang…”
“Bahala na si Salamin doon! Bago ka pa nga rito, oo!”
Malakas ang halakhak na isinagot ng Big Boss sa ikinuwentong iyon ni Salamin sa kanya isang araw. Samantalang buong
inip silang naghihintay na maiahon ng kanilang mga tauhan ang mga kalakal ng kadadaong na bapor.
“Mabuti naman at nalalaman nila!”
“Mabuti na ang maliwanag antemano, boss. Mahirap nang masingitan pa ang katalo.Kung sa bagay e, ano naman ang
magagawa ng maski sino, kung sakali?”
Nagtinginan nang matagal ang dalawa. May mahiwagang liwanag na kumislap sa kanilang mga mata. Biglang inalis ng
Big Boss ang tabako niya upang hindi maibuga ng madagundong sa halakhak na yumanig sa namimintog niyang tiyan.
“Sigurado ka bang hindi ka masisingitan ng pakawala?”
“Mahirap na, Boss! Sakali mang makasingit, ano naman ang delito niya, aber? Sa payroll, anim na piso… may pirma
siya!” Tumikhim muna sandali si Salamin. “Kung may reklamo siya, aba, magsumbong siya sa unyon!”
Hinintay ni Salamin ang muling pagyanig ng namimintog na katawan ng Big Boss sa isa pang madagundong na halakhak.
Nagtaka siya nang ito’y ngumiti lamang nang bahagya, alanganin, dinampot ang malamig na inumin sa baso, lumagok
nang makalawa, ibinaba ang baso, marahang iginuhit-guhit ang hintuturo sa malamig na “pawis” ng baso.
“Bago ako naging pangulo ng unyon ng mga trabahador, naging estibador ako, Salamin; bago iyon, nagtrabaho ako sa
daan, at bago iyon…”
Biglang ipinukpok ng Big Boss ang baso ng inumin sa hapag. Lumigwak ang laman nito.
“Sa bawat isa niyon, sinamantala ako!”
Natapos ang hapong iyon nang walang imikan.
Nag-alala si Salamin na baka nagdamdam sa kanya ang Big Boss. Ngunit nang magkita silang muli kinabukasan ay
naroon na naman ang ngiting humalili sa tabakong saglit na inalis niyon sa labi.
“Ikaw na nga pala ang bahala muna sa ilang bata natin sa unyon, Salamin.Magbabakasyon ako
sandali.”
“Siyanga pala, Boss, kilala mo na ba si Ventura, ang bago nating bata rito sa piyer? Kasapi na sa Unyon e.”
Ngunit ang Big Boss ay di dapat abalahin sa maliliit na bagay, gaya ng isang bagong tagapasan o ng isang bagong kasapi
sa unyon.
Ang mahalaga’y kabilang na si Ventura sa “palakad”. Nakayungyong na sa kanya ang dambuhalang “palakad”: anim na
piso isang araw sa payroll, limang piso sa bulsa – ang piso pang hindi niya maiuuwi kalianman ay maaaring tuntunin –
marahil – kung lalapit siya sa unyon. Ang pangulo ng unyon ay ang Big Boss.
Sasabihin sana niya sa Big Boss: “Boss, ang Venturang iyon, baka makatulong natin sa unyon, mukhang matalino e.
Tiningnan ko ang record. Nag-aral. Hindi nga lamang nakatapos sapagkat nag-asawa agad. Empleyado sana ngunit
nabawas. Matagal nawalang mapasukan kaya’t nag-laborer na lamang. Matagal na hindi kumibo nang ipaliwanag ko ang
“palakad”. Ngunit pagkatapos ay pumirma rin sa anim na piso. Ngayon, ang gusto kong sabihin sa iyo, Boss, baka natin
magamit si Ventura. Mabi-build-up natin sa unyon. E di pakikinabangan natin pagkakandidato mo sa pulitika. Hindi ba
‘ka mo iniisip mong magkandidato, total, sigurado ang botante mo dahil sa unyon?”
Matagal nang nakabalik ang Big Boss buhat sa pagbabakasyon nang mabuksan ni Salamin ang tungkol kay Ventura.
Pinagtiyagaan muna ni Salamin ang pakikinig at paghanga sa maraming bihag ng Big Boss sa huling lakad nito.
Naulit na naman ang pagtatanong niya kung talagang hindi na ito lalagay sa tahimik: kung paano ito magkakaroon ng
anak na sinasabing ibig na ibig nito?
Sa unang tanda ng pagkapagod nito sa pagbabalita’y maingat ngunit mabilis na ipinasok ni Salamin sa salitaan ang
tungkol kay Ventura. Ipinakita niya sa Big Boss ang record card ng bago nilang tauhan. Patuloy ang pagbabalita ng Big
Boss habang tinitingnan ang record card ni Ventura. Biglang
naputol ang pagsasalita nito at napatitig nang walang-kurap sa kanyang hawak.
“Akalain mo, Salamin? Akalain mo? Ang misis ng Venturang ito ay isa sa mga naging bata ko!”
Ayaw na sana ni Salaming ipagpatuloy ang mungkahi niya tungkol kay Ventura. Nag-alala rin siya sa maaaring mangyari.
Ngunit ang Big Boss ngayon ang mapilit: nais niyang makita si Ventura. Nais niya itong makausap. Makilala. Nais din
niyang makabalita tungkol sa maybahay nito. Hindi sa ano pa man. Kuryusidad lamang.
Ipinatawag ng Big Boss si Ventura. Ibig niyang makita ang sinasabi ni Salaming bagong tauhan sa daungan, ang bagong
kasapi sa unyon, sapagkat ito ay matalino; sapagkat ito ay di gaya ng karaniwang tagapasan nila roon, sapagkat maaari
niyang mapakinabangan ito kung sakaling matuloy ang binabalak niyang pagkakandidato, ngunit lalo sa lahat, sapagkat
ito ang napangasawa ni Neneng.
Nagkunwari si Salaming nakalimot sa ipinagbilin ng Big Boss. Sumisidhi ang pag-aalala niya sa maaaring balakin nito sa
maybahay ni Ventura. Ipinagpaliban niya ang pagsasama rito sa Big Boss, hanggang sa hindi na niya maipagpaliban pang
muli.
Nang iwan ni Salamin si Ventura sa harap ng Big Boss, ito’y mapitagang nakatayo sa harap ng hapag na kinauupan ng
Big Boss. Pinagmamasdan ng mga naniningkit namata ng Big Boss ang nakatayo sa harap ng kanyang hapag.
Walang pagkagulat ang Big Boss sa kanyang nakita: itong talaga ang uri ng lalaking maiibigan ni Neneng, ang naisip ng
Big Boss; hindi makisig hindi nakakatawag-pansin, tahimik, hindi kagugulatan: kabaligtaran niya.
Matagal nang nakalabas sa kanyang tanggapan si Ventura, matagal na niya itong nakausap tungkol sa maaari pa nitong
gawin bukod sa pagpapasan sa daungan, ang Big Boss ay nakaupo pa rin sa harap ng malaki niyang hapag. Saglit siyang
nagbalik salalawigan – doon sa kinatagpuan niya kay Neneng, noong ito’y maniwala sa kanya ng lubusan, umibig, umasa,
naghintay – gaya ng di na niya mabilang ngayon kung ilan. Saan nagwawakas ang pag-asa at nagsisimula ang kamatayan
ng pananalig? Kailan nag-uugat ang bagong paniniwala? Ang bagong pagmamahal?
“Kuryusidad lamang,” ang patawang sinabi ng Big Boss kay Salamin, nang magpadaan ito sa kanyang tsuper sa
direksiyong nakatala sa record card ni Ventura.
Ngunit ang kuryusidad na iyo’y pinagmulan ng mga disukat akalain: ang mga nasasabik na tanong ni Salami’y nakatagpo
ng di-inaasahang katahimikan; ang Big Boss ay kinapansinan ng pagwawalang-kibo, pagsusungit, pag-iinit ng ulo; si
Ventura ay bigla na lamang nagpapaalam kay Salamin – nagyayaya raw pilit ang kanyang maybahay na umuwi sa
lalawigan, sa di niya malamang kadahilanan.
Napagtulungan nina Salamin at Big Boss ang paghimok kay Venturang magpatuloy sa gawain sa daungan, gawaing
tuntungan lamang sa pagtaas, paghawak ng mataas ng tungkulin sa unyon, pag-unlad, pagtatagumpay.
Si Salamin ay nasisiyahan bagaman nagtataka sa mga pangyayari.
“Ano ang sabi ko sa iyo, Boss, matalino si Ventura at pakikinabangan natin sa hinaharap.”
“Sayang at matigas ang kanyang asawa!” Sa tinig ng Big Boss ay may gumagapang napagbabanta.
Matagal bago napag-alaman ni Salamin ang mga pangyayari. Unti-unti.
Nabigla nang gayon na lamang ang maybahay ni Ventura nang unang dumalaw sa tahanan nila ang Big Boss. Nagkahalo
rito ang pangamba, ang poot, ang lamig at tigas ng bakal. Wala na ni munting bakas ang lumipas.
Ang laki ng mga tagumpay ng Big Boss sa maraming bagay ay nakatagpo ng walang-hanggang kabiguan kay Neneng:
lubusan ang pagkapinid ng pinto sa kamalian, sa kabulagan ng kahapon: walang-kapantay ang pagmamahal, ang
paggalang ni Neneng kay Ventura – walang makapagpapabago rito, ni ang pangamba sa mga pagbabanta, ni ang panganib
ng sumpa’t pagtalikod ng kabiyak, kung sakali. Lalong di-nagkabisa ang maririkit na pangako ng tagumpay, kariwasaan,
kasaganaan – para kay Neneng at Ventura, lalung-lalo na sa kaisa-isa nilang anak.
Ang minsang kabiguan sa isang nahirati sa mga tagumpay ay nagpapaulol dito. Nakikita ni Salamin sa mga mata ng Big
Boss ang unti-unti ngunit tiyak na pagbabaga ng ulol na pagnanasa sa di-mangyayari.
Natiyak ni Salaming sadyang masama ang nangyayari sa Big Boss nang ito’y maglalagi sa kanila – upang kalaruin, upang
sundan-sundan ng tingin ang kanilang anak. Alam nilang lahat sa daungan ang matinding pagnanasa nito sa isang anak,
ang kawalan nito ng pamilya, ang walang-hanggang paghahanap nito sa mga ugat ng tunay na kaligayahan.
Napag-alaman din ni Salaming nabubuhos ang loob ni Big Boss sa kaisa-isang anak nina Ventura at Neneng – habang
lalong ipinipinid nitong huli ang ano mang daan ng kanilang pagkikita. Ang totoo, kung kasama lamang ni Ventura ang
Big Boss sa kanilang tahanan napipilitang pakihirapan ito ni Neneng. At nasasaksihan ng Big Boss ang buhay-mag-
anak na kailanma’y hindi naging bahagi ng malalaki niyang tagumpay.
Lalong natiyak ni Salaming sadyang palubha nang palubha ang nangyayari sa Big Boss.
“Isama mo si Ventura sa ating… uhum… ‘paluwagan’.”
Kaya’t nang hapong iyo’y ipinarinig niya kay Ventura ang tungkol sa “paluwagan”. Dali-daling lumapit si Ventura kay
Salamin at sa kausap nito. Bago umuwi si Ventura ay nakahiram ito ng limampung pisa buhat sa “paluwagang” may
patubong beinte porsiyento.
May sakit ang kaisa-isang anak ni Ventura.
Patuloy ang paglagda ni Ventura sa anim na piso isang araw sa payroll, sa pag-uuwi ng lima, sa paghihintay na mataas ng
tungkulin sa
daungan, sa unyon, sa pahina nang pahinang pangungunyapit sa mga gilid ng humihigop na “paluwagan”.
Nanatiling tuwid at maigting ang guhit ng mga labi ng Big Boss.
“Boss,” ang minsa’y napangahasang simulang sabihin ni Salamin, “kung talagang matigas ang asawa ni Ventura, mabuti
pa kaya’y… total, marami ka namang iba riyan at…”
“Ngayon pa,” ang putol ng Big Boss , “ngayon pang naglulubha ang kanilang anak at baon na baon na sa utang si
Ventura? Tingnan ko ang kasupladahan ng babaing iyon! Tingnan ko kung hindi maglulumuhod sa akin para siya ay
tulungan!” Kakaiba ang tinig ng Big Boss. Hindi nakilala ni Salamin ang tinig ng Big Boss.
Ngunit nagpatuloy na nag-uulol ang baga ng kabiguan sa mga mata ng Big Boss.
Tanghali na’y wala pa si Ventura sa daungan, isang araw. Nang dumating ito’y tuloy-tuloy sa tanggapan ng Big Boss.
Nakiusap, naglumuhog, upang makuha nang maaga ang suweldo niya kung maaari. Ngunit iyon ay labag sa palakad.
Sana, makakuha pang muli sa “paluwagan”. Ngunit ang pagkukulang niya roo’y umabot na sa hanggahang ipinahihintulot
ng palakad. Dali-daling umalis si Ventura. Litung-lito.
Agaw-buhay sa pagamutan ang kaisa-isang anak nina Ventura.
Matagal na napatingin si Salamin sa Big Boss sa kabila ng hapag. Tangan ng huli ang sobre ng suweldo ni Ventura na
madaling nakuha ni Salamin sa kahero sa utos ng Big Boss.
“Akala ko, Boss, ibibigay mo iyan?”
“Sana nga, kaya, ipinakuha ko sa iyo, ngunit nagbago ang loob ko”
Lalong tumuwid at umigting ang guhit ng mga labi ng Big Boss.
“Darating siya! Darating siya!” ang anas na nanggaling sa tuwid at maigting na guhit.
Nagsimulang humihip ang hangin sa mga durungawan ng tanggapan. Ang mga ingay sadaungan ay unti-unti nang
ginagapi ng palakas na salpok ng mga alon. Pahaba na nang pahaba ang mga daliri ng sari-saring aninong yumuyungyong
sa mga pintungan.
Isang katok ang biglang nagpatayo sa Big Boss buhat sa kanyang hapag.
“Siya na!”
“Tuloy! Bukas iyan!” ang malakas niyang sabi. Pumasok si Salamin.
“Boss, dumating ang kumpare ni Ventura. Patay na raw ang anak niyon. Hindi naman pala anak ni Ventura iyon e; anak
ng maybahay niya – sa una.”
Anak ng maybahay niya – sa una. Sa una. Sa una! Sa una!
Umikot ang mahahabang daliri ng mga anino sa silid. Umikot din si Salamin. Mula sapagkakatayo, bumagsak ang Big
Boss sa silya niyang umikot – ang buong silid, ang buong daigdig ay umikot.
Sa daungan, ang iba’t ibang ingay ay tuluyan nang nagasa ng mga naghuhumindig na alon ng nagngangalit na dagat.
Unang nalathala noong 1961.

You might also like