You are on page 1of 15

ANG UNANG ISTASYON:

ANG HULING HAPUNAN

Namumuno: Sinasamba at pinupuri ka namin, O Panginoong Jesukristo.

Lahat: Sapagkat sa pamamagitan ng iyong Mahal na Krus, tinubos mo ang mundo.

Pagbasa sa Ebanghelyo ayon kay San Mateo (Mt 26:26-30)


Samantalang sila’y kumakain, dumampot ng tinapay si Jesus, at matapos magpasalamat
sa Diyos, kanyang pinagpira-piraso at ibinigay sa mga alagad. “Kunin ninyo ito at kanin. Ito
ang aking katawan,” wika niya. Hinawakan niya ang saro, nagpasalamat sa Diyos at
ibinigay sa kanila. “Uminom kayong lahat nito,” sabi niya. “Sapagkat ito ang dugo ng tipan,
ang aking dugo na mabubuhos dahil sa marami, sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan.
Sinasabi ko sa inyo na hindi na ako iinom nitong alak na mula sa ubas hanggang sa araw
na ang bagong alak ay inumin kong kasalo kayo sa kaharian ng aking Ama.” At pagkaawit
ng isang imno, sila’y nagpunta sa Bundok ng mga Olibo.

(Tatahimik sandali at pagkatapos babasahin ng namumuno ang pagninilay.)

Namumuno: Pagninilay mula sa isinulat ni San Vicente de Paul


Ang paglilingkod sa mga dukha ay paglilingkod kay Jesus. Sa kabila na ang mga
dukha’y malimit na may ugaling magaspang at mahirap pakibagayan, hindi dapat tayo
humusga sa kanilang panlabas na kaanyuan. Lalo’t higit kung makikilala natin sila sa
pamamagitan ng pananampalataya at makikita nating sumasakanila ang Anak ng Diyos
na piniling maging isang dukha.

(Tatahimik muli ng ilang sandali.)

Namumuno: Manalangin tayo sa Panginoon at hilinging maisabuhay natin


Ang Kawanggawang Pangkatawan: Pakanin ang mga Nagugutom

Lahat:
O Panginoong Jesukristo, sinasamba ka namin at pinasasalamatan sa pagbibigay sa
amin ng iyong Banal na Salita at Kamahalmahalang Katawan at Dugo sa Sakramento
ng Banal na Eukaristiya. Ipagkaloob mong maisabuhay namin araw-araw ang mga aral
ng pananampalataya at makilala ka namin sa lahat ng mga mahihirap lalo na sa mga
kapwa naming nagugutom at mabahaginan sila ng mapagsasaluhan sa kanilang hapag.
Amen.

Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Luwalhati sa Ama.


ANG IKALAWANG ISTASYON:
ANG PANANALANGIN NG PANGINOONG JESUKRISTO SA GETSEMANI

Namumuno: Sinasamba at pinupuri ka namin, O Panginoong Jesukristo.

Lahat: Sapagkat sa pamamagitan ng iyong Mahal na Krus, tinubos mo ang mundo.

Pagbasa sa Ebanghelyo ayon kay San Mateo (Mt 26:36-46)


At isinama sila ni Jesus sa isang lugar na tinatawag na Getsemani. Sinabi niya sa
kanyang mga alagad, “Dito muna kayo; mananalangin ako sa dako roon.” Ngunit isinama
niya si Pedro at ang dalawang anak ni Zebedeo. At nagsimulang mabagabag at maghirap
ang kanyang kalooban. Sinabi niya sa kanila, “Ang puso ko’y tigib ng hapis na halos
ikamatay ko! Maghintay kayo rito at makipagpuyat sa akin!” Pagkalayo nang kaunti,
nagpatirapa siya at nanalangin: “Ama ko, kung maaari’y ilayo mo sa akin ang saro ng
paghihirap na ito. Gayunman, huwag ang kalooban ko kundi ang kalooban mo ang
mangyari.” Nagbalik siya at dinatnan niyang natutulog ang tatlong alagad. Sinabi niya kay
Pedro, “Talaga bang hindi kayo makapagpuyat na kasama ko kahit isang oras lamang?
Magpuyat kayo at manalangin upang huwag kayong madaig ng tukso. Ang espiritu’y
nakahanda ngunit mahina ang laman.” Muli siyang lumayo at nanalangin: “Ama ko, kung
hindi maiaalis ang sarong ito nang hindi ko iinumin, mangyari ang iyong kalooban.” Muli
siyang nagbalik at dinatnan na naman niya silang natutulog, sapagkat sila’y antok na
antok. Iniwan niya uli ang tatlong alagad at muli siyang nanalangin, at iyon din ang sinabi.
Nagbalik na naman siya sa mga alagad at sinabi sa kanila, “Natutulog pa ba kayo at
nagpapahinga? Dumating na ang oras na ipagkakanulo ang Anak ng Tao sa mga
makasalanan. Tayo na! Narito na ang magkakanulo sa akin.”

(Tatahimik sandali at pagkatapos babasahin ng namumuno ang pagninilay.)

Namumuno: Pagninilay mula sa isinulat ni San Josemaria Escriva


Saanman naroroon ang inyong mga hangarin, ang inyong gawain, ang inyong
pagmamahal, doon ninyo matatagpuan si Kristo sa arawaraw. Sa gitna ng mga
pinakamateryal na bagay sa mundo, doon tayo dapat magpakabanal, maglingkod sa
Diyos at sa lahat ng tao. Waring sa abot-tanaw nagtatagpo ang langit at lupa, mga anak.
Sa katunayan, doon sila nagkakaisa sa inyong mga puso, kapag pinababanal ninyo ang
inyong pang-araw-araw na buhay.

(Tatahimik muli ng ilang sandali.)

Namumuno: Manalangin tayo sa Panginoon at hilinging maisabuhay natin


Ang Kawanggawang Pangkatawan: Painumin ang mga Nauuhaw

Lahat:
O Panginoong Jesukristo, sinasamba ka namin at pinasasalamatan sa dakilang
pagmamahal mo sa sangkatauhan. Ipagkaloob mong maisabuhay namin ang aming
pananampalataya. Maunawaan nawa naming na malimit na pagtawag sa iyo sa
panalangin at pagsasabuhay ng pag-ibig ng Ama at sa kapwa lalo na ang paglilingkod at
pagkalinga sa mga nangangailangan ang kalugod-lugod sa iyo at tiyak na landas ng
pagpapakabuti at pagpapakabanal. Amen.

Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Luwalhati sa Ama


ANG IKATLONG ISTASYON:
SI JESUS AY HINATULANG MAMATAY

Namumuno: Sinasamba at pinupuri ka namin, O Panginoong Jesukristo.

Lahat: Sapagkat sa pamamagitan ng iyong Mahal na Krus, tinubos mo ang mundo.

Pagbasa sa Ebanghelyo ayon kay San Juan (Jn 18:28-40)


Mula sa bahay ni Caifas, si Jesus ay dinala nila sa palasyo ng gobernador. Umaga na noon. Hindi
pumasok ang mga Judio sa palasyo ng gobernador upang sila’y huwag maituring na di-karapat-
dapat kumain ng Hapunang Pampaskuwa. Kaya’t sa labas sila tinanggap ni Pilato at tinanong,
“Ano ang sakdal ninyo laban sa taong ito?” Sumagot sila, “Kung hindi po siya gumawa ng
masama, hindi namin siya dadalhin sa inyo.” Sinabi sa kanila ni Pilato, “Dalhin ninyo siya, at
hatulan ayon sa inyong kautusan.” Sumagot ang mga Judio, “Wala po kaming kapangyarihang
humatol ng kamatayan kaninuman” (Nangyari ito upang matupad ang sinabi ni Jesus tungkol sa
paraan ng kanyang pagkamatay.) Si Pilato’y pumasok uli sa palasyo at tinawag si Jesus. “Ikaw ba
ang Hari ng mga Judio?” tanong niya. Sumagot si Jesus, “Iyan ba’y galing sa inyong sariling
isipan, o may nagsabi sa inyo?” “Ako ba’y Judio?” tanong ni Pilato. “Ang mga kababayan mo at
ang mga punong saserdote ang nagdala sa iyo rito. Ano ba ang ginawa mo?” Sumagot si Jesus,
“Ang kaharian ko’y hindi sa sanlibutang ito. Kung sa sanlibutang ito ang aking kaharian,
ipinakipaglaban sana ako ng aking mga tauhan at hindi naipagkanulo sa mga Judio. Ngunit hindi
sa sanlibutang ito ang aking kaharian!” “Kung gayon, isa kang hari?” sabi ni Pilato. Sumagot si
Jesus, “Kayo na ang nagsasabing ako’y hari. Ito ang dahilan kung bakit ako ipinanganak at
naparito sa sanlibutan: upang magsalita tungkol sa katotohanan. Nakikinig sa aking tinig ang
sinumang nasa katotohanan.” “Ano ba ang katotohanan?” tanong ni Pilato. Pagkasabi nito, muling
lumabas si Pilato at sinabi sa mga Judio, “Wala akong makitang kasalanan sa taong ito. Ngunit
ayon sa inyong kaugalian, dapat akong magpalaya ng isang bilanggo kung araw ng Paskuwa. Ibig
ba ninyong palayain ko ang Hari ng mga Judio?” “Hindi!” sigaw nila. “Huwag siya, kundi si
Barrabas!” (Si Barrabas ay isang tulisan.)

(Tatahimik sandali at pagkatapos babasahin ng namumuno ang pagninilay.)

Namumuno: Pagninilay mula sa isinulat ni San Pablo De La Cruz


Kapag ikaw ay nag-iisa sa iyong silid, kumuha ka ng isang krusipiho, halikan mo ang limang sugat
ni Kristo nang may buong paggalang, sabihin mo sa kanyang magpahayag siya sa iyo ng isang
maikling homiliya, at pakinggan mo ang mga salita ng buhay na walang hanggan na
mangungusap sa iyong puso; pakinggan mo ang sinasabi ng mga tinik, ang mga pako, at ang
kamahalmahalang Dugo. O anong gandang homiliya!

(Tatahimik muli ng ilang sandali.)

Namumuno: Manalangin tayo sa Panginoon at hilinging maisabuhay natin Ang Kawanggawang


Pangkatawan: Damtan ang Walang Maisuot

Lahat:
O Panginoong Jesukristo, sinasamba at niluluwalhati ka namin. Ikaw ang dakilang tanda ng
pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan. Ang ganap na pagtalima mo sa Ama, sa kanyang
kalooban ay matularan nawa namin araw-araw. Makilala ka namin sa mga dukha at bahaginan
sila ng mga biyayang sa iyo rin nagmula. Amen.

Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Luwalhati sa Ama


ANG IKAAPAT NA ISTASYON:
ANG PAGHAHAMPAS SA PANGINOONG JESUKRISTO
AT PAGPUPUTONG NG KORONANG TINIK

Namumuno: Sinasamba at pinupuri ka namin, O Panginoong Jesukristo.

Lahat: Sapagkat sa pamamagitan ng iyong Mahal na Krus, tinubos mo ang mundo.

Pagbasa sa Ebanghelyo ayon kay San Juan (Jn 19:1-6a)


Kaya’t ipinakuha ni Pilato si Jesus at ipinahagupit. Ang mga kawal ay kumuha ng halamang
matinik, ginawang korona, at ipinutong kay Jesus. At sinuutan siya ng balabal na purpura. Isa’t
isa’y lumalapit sa kanya at ang wika, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” At siya’y pinagsasampal.
Lumabas uli si Pilato at sinabi sa kanila, “Ihaharap ko siya sa inyo upang malaman ninyo na wala
akong makitang kasalanan niya!” At inilabas si Jesus na may koronang tinik at balabal na purpura.
Sinabi sa kanila ni Pilato, “Narito ang tao!” Pagkakita sa kanya ng mga punong saserdote at ng
mga bantay, sila’y sumigaw, “Ipako siya sa krus! Ipako sa krus!”

(Tatahimik sandali at pagkatapos babasahin ng namumuno ang pagninilay.)

Namumuno: Pagninilay mula sa isinulat ni Santa Gemma Galgani


Ano ang dahilan ng pagpapakasakit mo para sa akin, mahal kong Jesus? Pag-ibig! Ang mga
pako…ang koronang tinik…ang krus…ang lahat ng ito ay tanda ng pagmamahal mo sa akin!
Alang-alang sa Iyo ako ay magsasakripisyo nang ganap. Iniaalay ko sa Iyo ang aking katawan at
lahat ng mga kahinaan nito, ang aking kaluluwa at lahat ng pag-ibig nito.

(Tatahimik muli ng ilang sandali.)

Namumuno: Manalangin tayo sa Panginoon at hilinging maisabuhay natin Ang Kawanggawang


Pangkatawan: Patuluyin ang mga Walang Masilungan

Lahat:
O Panginoong Jesukristo, sinasamba ka namin at pinasasalamatan sa iyong dakilang
pagmamahal sa sanlibutan. Ikaw na Anak ng Kataas-taasang Diyos ay nagpakumbaba at naging
katulad naming taong totoo maliban sa kasalanan. Ipagkaloob mong ang mga biyayang aming
tinanggap mula sa iyong kagandahangloob ay maibahagi namin sa aming kapwa at makilala ka
namin sa kanila. Magkaroon kami ng lakas ng kaloobang maging bahagi ng pagbubuo ng mga
tahanan ng mga walang masilungan.
Amen.

Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Luwalhati sa Ama


ANG IKALIMANG ISTASYON:
ANG PAGPAPASAN NI JESUS NG KRUS

Namumuno: Sinasamba at pinupuri ka namin, O Panginoong Jesukristo.

Lahat: Sapagkat sa pamamagitan ng iyong Mahal na Krus, tinubos mo ang mundo.

Pagbasa sa Ebanghelyo ayon kay San Juan (Jn 19:16b-17)


Si Jesus ay ibinigay sa kanila ni Pilato upang ipako sa krus. Kinuha nga nila si Jesus. At
lumabas siya na pasan ang kanyang krus, patungo sa lugar na kung tawagi’y “Dako ng
Bungo” (Golgota sa wikang Hebreo).

(Tatahimik sandali at pagkatapos babasahin ng namumuno ang pagninilay.)

Namumuno: Pagninilay mula sa isinulat ni San Ignacio De Loyola


Kung pinapahintulutan ng Diyos ang maraming pagsubok sa iyong buhay, ito’y tanda na
may dakilang plano Siya para sa iyo at nais Niyang gawin kang banal.

(Tatahimik muli ng ilang sandali.)

Namumuno: Manalangin tayo sa Panginoon at hilinging maisabuhay natin Ang


Kawanggawang Pangkatawan: Dalawin ang mga Bilanggo

Lahat:
O Panginoong Jesukristo, sinasamba at niluluwalhati ka namin. Ang iyong pagparito sa
lupa ang nagbigay sa amin ng dakilang pagasa sa buhay. Ipinadama mo ang pagkalinga
sa lahat ng mga tao, sa mga mahihirap, maysakit, matatanda at mga bata, sa lahat ng
mga isinasantabi ng lipunan. Ipagkaloob mo sa amin ang biyayang mapaglingkuran ka ng
may kababaang-loob. Maihatid namin ang iyong Banal na Salita sa lahat ng tao kabilang
ang mga napipiit sa mga bilangguan. Amen.

Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Luwalhati sa Ama


ANG IKAANIM NA ISTASYON:
ANG PAGKADAPA NI JESUS

Namumuno: Sinasamba at pinupuri ka namin, O Panginoong Jesukristo.

Lahat: Sapagkat sa pamamagitan ng iyong Mahal na Krus, tinubos mo ang mundo.

Pagbasa mula sa aklat ni Propeta Isaias (Is 53:4-7)


Tiniis niya ang hirap na tayo ang dapat magbata. Gayon din ang kirot na tayo sana ang
lumasap; akala natin ang dinanas niya’y parusa sa kanya ng Diyos. Dahil sa ating mga
kasalanan kaya siya nasugatan; siya ay binugbog dahil sa ating kasamaan. Tayo ay
gumaling dahil sa pahirap na tinamo niya at sa mga hampas na kanyang tinanggap.
Tayong lahat ay parang mga tupang naligaw; nagkanya-kanya tayo ng lakad. Ngunit inibig
ni Yahweh na sa kanya ipataw ang parusang tayo ang dapat tumanggap. Siya ay
binugbog at pinahirapan; ngunit di tumutol kahit kamunti man; tulad ay korderong hatid sa
patayan. Parang mga tupang hindi tumututol kahit na gupitan, ni hindi umimik kahit
gaputok man.

(Tatahimik sandali at pagkatapos babasahin ng namumuno ang pagninilay.)

Namumuno: Pagninilay mula sa isinulat ni San Francisco Caracciolo


Ano pa ang maari nilang nagawa higit pa sa mga suntok at palo, paghatak sa kanyang
buhok, paglura sa kanyang mukha, ang hindi mabilang na pag-alipusta at panlilibak sa
harap ng kanyang Banal na Ina? Ang mga bagay na ito’y itinatalaga natin sa pagninilay
ninuman na may pusong mahabagin.

(Tatahimik muli ng ilang sandali.)

Namumuno: Manalangin tayo sa Panginoon at hilinging maisabuhay natin Ang


Kawanggawang Pangkatawan: Dalawin ang mga Maysakit

Lahat:
O Panginoong Jesukristo, sinasamba ka namin at niluluwalhati. Ganap ang pagbibigay mo
ng iyong sarili sa pagtalima sa kalooban ng Diyos Ama. Ang iyong pagpapakasakit at
pagkamatay sa krus ang naging tulay namin sa paglapit sa Diyos Ama at pagkakaroon ng
pag-asa sa buhay na ito. Ipagkaloob mong mapaglingkuran naming ang lahat ng maysakit
at makilala ka namin sa kanila. Higit sa lahat, maipadama namin at maihatid sa kanila ang
pag-asa at kabuluhan sa pagharap sa mga hamon sa kalusugang pangkatawan at
pagkakasakit bilang bahagi ng misteryo ng pagliligtas mo sa amin. Amen.

Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Luwalhati sa Ama


ANG IKAPITONG ISTASYON:
SI JESUS AY TINULUNGAN NI SIMON CIRENEO

Namumuno: Sinasamba at pinupuri ka namin, O Panginoong Jesukristo.

Lahat: Sapagkat sa pamamagitan ng iyong Mahal na Krus, tinubos mo ang mundo.

Pagbasa sa Ebanghelyo ayon kay San Mateo (Mt 27:32)


Paglabas nila ng lunsod, kanilang nakita ang isang lalaking nagngangalang Simon, isang
taga-Cirene. Pilit nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Jesus.

(Tatahimik sandali at pagkatapos babasahin ng namumuno ang pagninilay.)

Namumuno: Pagninilay mula sa mga sinabi ni San Lorenzo Ruiz ng Maynila


Ako ay isang Kristiyano, at ihahandog ko ang aking buhay sa Diyos, at kung mayroon
akong isang libong buhay, bawat isa’y sa Kanya’y aking iaalay.

(Tatahimik muli ng ilang sandali.)

Namumuno: Manalangin tayo sa Panginoon at hilinging maisabuhay natin Ang


Kawanggawang Pangkatawan: Ilibing ang mga Namatay

Lahat:
O Panginoong Jesukristo, sinasamba at niluluwalhati ka namin. Sa iyong pagkamatay sa
krus, tinubos mo ang sangkatauhan. Ipagkaloob mong ang lahat ng aming
pagkamakasarili ay mamatay sa aming pagkatao upang tulad ni San Pablo Apostol, ikaw
mismo ang makapamuhay sa aming kalooban at pagkatao. Sa pamamagitan ng biyayang
nagmumula sa iyo, lalo na ang pagkakaroon ng tuwa, galak at pag-asa sa kabila ng
kapighatian at pagdadalamhati at maibahagi rin ang biyayang ito ng pag-asa mula sa iyo
sa lahat ng mga nagdadalamhati. Amen.

Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Luwalhati sa Ama


ANG IKAWALONG ISTASYON:
NASALUBONG NI JESUS ANG MGA BABAENG TAGA-JERUSALEM

Namumuno: Sinasamba at pinupuri ka namin, O Panginoong Jesukristo.

Lahat: Sapagkat sa pamamagitan ng iyong Mahal na Krus, tinubos mo ang mundo.

Pagbasa sa Ebanghelyo ayon kay San Lucas (Lc 23:27-31)


Sinusundan si Jesus ng maraming tao, kabilang ang mga babaing nananaghoy at
nananambitan dahil sa kanya. Nilingon sila ni Jesus at sinabi sa kanila, “Mga kababaihan
ng Jerusalem, huwag ninyo akong tangisan. Ang tangisan ninyo’y inyong mga sarili at ang
inyong mga anak. Tandaan ninyo: darating ang mga araw na sasabihin nila, ‘Mapalad ang
mga baog, ang mga sinapupunang hindi nagdalantao, at ang mga dibdib na hindi
nagpasuso.’ Sa mga araw na iyo’y sasabihin ng mga tao sa mga burol, ‘Tabunan ninyo
kami!’ Sapagkat kung ganito ang ginagawa sa kahoy na sariwa, ano naman kaya ang
gagawin sa tuyo?”

(Tatahimik sandali at pagkatapos babasahin ng namumuno ang pagninilay.)

Namumuno: Pagninilay mula sa isinulat ni San Juan Bautista De La Salle


Bilang piniling sambayanan ng Diyos upang ipangaral ang katotohanan ng Ebanghelyo,
nakikibahagi kayo sa ministeryo ng mga anghel de la gwardiya sa pagtuturo ninyo ng mga
katotohanang ito sa mga bata. Nararapat ninyong turuan sila kung paano maisasabuhay
ang mga ito at kinakailangang may maalab kayong pagsisikap upang sa kanilang buong
buhay ay maisakatuparan nila ang mga aral ng Ebanghelyo.

(Tatahimik muli ng ilang sandali.)

Namumuno: Manalangin tayo sa Panginoon at hilinging maisabuhay natin Ang


Kawanggawang Pangkaluluwa: Turuan ang mga Mangmang

Lahat:
O Panginoong Jesukristo, sinasamba ka namin at niluluwalhati. Lubos ka naming
pinasasalamatan sa iyong Banal na Salita na aming gabay sa pamumuhay. Ipagkaloob
mong maibahagi namin sa mga hindi pa nakakikilala sa iyo at maging sa mga
nangangailangan ng aral at liwanag na mula sa iyo ang liwanag, katotohanan at
karunungang magbibigay hindi lamang ng katuturan at kaganapan sa buhay ngunit higit sa
lahat ang pagkakamit ng buhay na walang hanggan. Amen.

Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Luwalhati sa Ama


ANG IKASIYAM NA ISTASYON:
IPINAKO SI JESUS SA KRUS

Namumuno: Sinasamba at pinupuri ka namin, O Panginoong Jesukristo.

Lahat: Sapagkat sa pamamagitan ng iyong Mahal na Krus, tinubos mo ang mundo.

Pagbasa sa Ebanghelyo ayon kay San Marcos (Mc 15:24-27)


Ipinako siya sa krus, at nagsapalaran sila upang malaman kung alin sa kanyang mga
damit ang mapupunta sa bawat isa. Ikasiyam ng umaga nang ipako nila sa krus si Jesus.
Sa itaas ng krus isinulat ang sakdal laban sa kanya. “Ang Hari ng mga Judio.”

(Tatahimik sandali at pagkatapos babasahin ng namumuno ang pagninilay.)

Namumuno: Pagninilay mula sa isinulat ni Santa Teresa ng Avila

Ang paghihirap ay isang malaking biyaya. Tandaan mong ang lahat ay may katapusan…
Maging matatag ang kalooban mo. Isipin mong ang nakalaan ay buhay na walang
hanggan.

(Tatahimik muli ng ilang sandali.)

Namumuno: Manalangin tayo sa Panginoon at hilinging maisabuhay natin Ang


Kawanggawang Pangkaluluwa: Bigyang-babala ang mga Makasalanan

Lahat:
O Panginoong Jesukristo, sinasamba at niluluwalhati ka namin. Ikaw ang Mabuting Pastol
na walang kapagurang humahanap sa mga nawawalang tupa. Ipagkaloob mo sa amin ang
biyayang manatili sa pamumuhay sa kabutihan at kaliwanagang mula sa iyong mga aral at
sa pamamagitan ng aming pagsisikap ay maipakilala namin sa mga taong malayo sa iyo
ang pag-asa, pagpapatawad, awa at habag sa kanila. Amen.

Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Luwalhati sa Ama


ANG IKASAMPUNG ISTASYON:
ANG PAGBIBIGAY NG KAPATAWARANSA MAGNANAKAW

Namumuno: Sinasamba at pinupuri ka namin, O Panginoong Jesukristo.

Lahat: Sapagkat sa pamamagitan ng iyong Mahal na Krus, tinubos mo ang mundo.

Pagbasa sa Ebanghelyo ayon kay San Lucas (Lc 23:35-43)


Ang mga tao’y nakatayo roon at nanonood, nililibak naman siya ng mga pinuno ng bayan.
Anila, “Iniligtas niya ang iba; iligtas naman niya ngayon ang kanyang sarili, kung siya ang
Mesias, ang hinirang ng Diyos!” Nilibak din siya ng mga kawal, nilapitan at inalok ng alak.
Sinabi nila, “Kung ikaw ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili.” At nakasulat sa
ulunan niya (sa wikang Griego, Latin at Hebreo), “Ito ang Hari ng mga Judio.” Tinuya siya
ng isa sa mga salaring nakabitin, at ang sabi, “Hindi ba ikaw ang Mesias? Iligtas mo ang
iyong sarili, pati na kami!” Ngunit pinagsabihan siya ng kanyang kasama, “Hindi ka ba
natatakot sa Diyos? Ikaw ma’y pinarurusahang tulad niya! Matuwid lamang na tayo’y
parusahan nang ganito dahil sa ating mga ginawa: ngunit ang taong ito’y walang ginawang
masama.” At sinabi niya, “Jesus, alalahanin mo ako kapag naghahari ka na.” Sumagot si
Jesus, “Sinasabi ko sa iyo: ngayon di’y isasama kita sa Paraiso.”

(Tatahimik sandali at pagkatapos babasahin ng namumuno ang pagninilay.)

Namumuno: Pagninilay mula sa isinulat ni San Juan De La Cruz


Akin ang kalangitan at lupa; akin ang mga tao, ang mga matutuwid at makasalanan; akin
ang mga anghel at ang Ina ng Diyos, at lahat ng bagay ay sa akin; ang Diyos ay akin at
para sa akin, sa kadahilanang akin si Kristo at lahat ay sa akin. Ano pa ba ang iyong
hinihiling at hinahanap mo, o aking kaluluwa? Sa iyo ang lahat ng ito, at ito’y lahat para sa
iyo.

(Tatahimik muli ng ilang sandali.)

Namumuno: Manalangin tayo sa Panginoon at hilinging maisabuhay Ang


Kawanggawang Pangkaluluwa: Pagpayuhan ang mga Naguguluhan ng Isip

Lahat:
O Panginoong Jesukristo, sinasamba at niluluwalhati ka namin. Pinasasalamatan
ka namin sa biyaya ng iyong pagtuturo ng katotohanang tanging sa iyo mapapanatag
ang aming mga isipan at kaluluwa. Hinihiling namin ang iyong biyayang magabayan ang
mga naguguluhan ng isip at nangangailangan ng liwanag sa kanilang buhay. Naparito ka
bilang liwanag ng sanlibutan. Papagningasin mo ang puso ng lahat ng iyong mga lingkod
at ang lahat ng pagkakataon ay magamit namin upang ihatidang liwanag mo sa mundong
ito. Amen.

Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Luwalhati sa Ama


ANG IKALABING-ISANG ISTASYON:
ANG MAHAL NA BIRHENG MARIA
AT ANG MAHAL NA ALAGAD SA PAANAN NG KRUS

Namumuno: Sinasamba at pinupuri ka namin, O Panginoong Jesukristo.

Lahat: Sapagkat sa pamamagitan ng iyong Mahal na Krus, tinubos mo ang mundo.

Pagbasa sa Ebanghelyo ayon kay San Juan (Jn 19:25-27)


Nakatayo sa tabi ng krus ni Jesus ang kanyang ina at ang kapatid na babae nitong si
Maria, na asawa ni Cleopas. Naroon din si Maria Magdalena. Nang Makita ni Jesus ang
kanyang ina, at ang minamahal niyang alagad sa tabi nito, kanyang sinabi, “Ginang, narito
ang iyong anak!” At sinabi sa alagad, “Narito ang iyong ina!” Mula noon, siya’y pinatira ng
alagad na ito sa kanyang bahay.

(Tatahimik sandali at pagkatapos babasahin ng namumuno ang pagninilay.)

Namumuno: Pagninilay mula sa isinulat ni San Luis Maria de Montfort


Naligaw ka ba ng landas patungong Langit? Kung gayon tumawag ka kay Maria, dahilan
sa ang kanyang pangalan ay nangangahulugang “Tala ng Karagatan,” “Tala ng Hilaga,” na
gumagabay sa paglalayag ng ating kaluluwa sa buhay na ito at siya ang magdadala sa iyo
sa daungan ng buhay na walang hanggan.

(Tatahimik muli ng ilang sandali.)

Namumuno: Manalangin tayo sa Panginoon at hilinging maisabuhay Ang


Kawanggawang Pangkaluluwa: Aliwin ang mga Tumatangis

Lahat:
O Panginoong Jesukristo, sinasamba at niluluwalhati ka namin. Mula sa krus, inihabilin mo
ang iyong Mahal na Ina sa iyong pinakamamahal na apostol na si San Juan.
Nagpapasalamat kami sa iyo at sa Ama sa pagkakaroon namin ng Mahal na Ina naming
nasa langit na gumagabay sa amin dito sa lupa. Ipagkaloob mong maipakilala namin
ang mapagmahal at mapagkalingang Mahal na Birheng Maria sa lahat ng mga tao upang
sila rin ay makaalam na may gumagabay sa kanila at kumakalinga sa lahat ng
pagkakataon lalo na sa sandali ng pagdadalamhati at kalungkutan. Amen.

Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Luwalhati sa Ama


ANG IKALABINDALAWANG ISTASYON:
SI JESUS AY NAMATAY SA KRUS

Namumuno: Sinasamba at pinupuri ka namin, O Panginoong Jesukristo.

Lahat: Sapagkat sa pamamagitan ng iyong Mahal na Krus, tinubos mo ang mundo.

Pagbasa sa Ebanghelyo ayon kay San Juan (Jn 19:28-30)


Pagkatapos nito, alam ni Jesus na naganap na ang lahat ng bagay; at bilang katuparan ng
Kasulatan ay sinabi niya, “Nauuhaw ako!” May isang mangkok doon na puno ng maasim
na alak. Itinubog nila rito ang espongha, ikinabit sa sanga ng isopo at idiniit sa kanyang
bibig. Nang masipsip ni Jesus ang alak ay kanyang sinabi, “Naganap na!” Iniyukayok niya
ang kanyang ulo at nalagot ang kanyang hininga.

(Tatahimik sandali at pagkatapos babasahin ng namumuno ang pagninilay.)

Namumuno: Pagninilay mula sa isinulat ni San Francisco de Asis


Nararapat na magsaya tayo sa mga sandaling hinaharap natin ang mga pagsubok at
hamon sa ating kaluluwa at katawan at iba pang tiisin sa mundong ito alang-alang sa
buhay na walang hanggan. Panginoon at Diyos ko, pinasasalamatan kita sa lahat ng aking
mga pasanin; kung ito’y ayon sa iyong kalooban, paramihin mo pa ang mga ito.
Pasasalamatan kita sa anumang pagsubok na iyong ibibigay; ito’y dahil sa pagtalima sa
iyong kalooban lamang nagmumula ang aking ganap na kapayapaan.

(Tatahimik muli ng ilang sandali.)

Namumuno: Manalangin tayo sa Panginoon at hilinging maisabuhay natin Ang


Kawanggawang Pangkaluluwa: Pagtiisan ang mga Pagkakamali

Lahat:
O Panginoong Jesukristo, sinasamba at niluluwalhati ka namin. Ikaw ang bukal ng awa at
habag ng Diyos sa sanlibutan. Itinuturing mong mapapalad at tunay na mga anak ng Diyos
ang mga taong nagpupunyagi para sa kapayapaan. Ipagkaloob mo na matularan namin
ang iyong kababaang-loob at kalinisan ng puso upang kami’y maging kasangkapan ng
paghahari ng iyong pagpapatawad at kapayapaan dito sa lupa. Amen.

Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Luwalhati sa Ama


ANG IKALABINTATLONG ISTASYON:
SI JESUS AY INILIBING

Namumuno: Sinasamba at pinupuri ka namin, O Panginoong Jesukristo.

Lahat: Sapagkat sa pamamagitan ng iyong Mahal na Krus, tinubos mo ang mundo.

Pagbasa sa Ebanghelyo ayon kay San Juan (Jn 19:38b-42)


Si Jose na taga-Arimatea ay nagsadya kay Pilato upang humingi ng pahintulot na makuha
ang bangkay ni Jesus. (Si Jose’y isang alagad ni Jesus, ngunit palihim nga lamang dahil
sa takot sa mga Judio.) At pinahintulutan siya ni Pilato; kaya’t kinuha ni Jose ang bangkay
ni Jesus. Sumama sa kanya si Nicodemo, may dalang pabango—mga 100 libra ng
pinaghalong mira at aloe. (Siya ang nagsadya kay Jesus isang gabi.) Kinuha nila ang
bangkay ni Jesus, at nilagyan ng pabango habang binabalot sa kayong lino, ayon sa
kaugalian ng mga Judio. Sa pinagpakuan kay Jesus ay may isang bagong libingang hindi
pa napaglilibingan. Yamang noo’y araw ng Paghahanda ng mga Judio, at dahil sa malapit
naman ang libingang ito, doon nila inilibing si Jesus.

(Tatahimik sandali at pagkatapos babasahin ng namumuno ang pagninilay.)

Namumuno: Pagninilay mula sa isinulat ni Santa Faustina

Kung ang isang kaluluwa’y tunay na nagmamahal sa Diyos at may napakalapit na


ugnayan sa Kanya, hindi magiging balakid para sa kanyang buhay espiritwal ang
anumang mga pagsubok kahit na ang pinakamabigat na hamon sa buhay. Kahit na sa
gitna at sandali ng matinding paghamon ng kamunduhan, mananatili ang kaluluwang ito
na malinis at walang bahid dahilan sa ang dakilang pag-ibig ng Diyos ang nagbibigay
lakas sa pagkikipaglaban, at ang Diyos ang nagbibigay ng pagsasanggalang sa
kaluluwang ito sa natatanging paraan.

(Tatahimik muli ng ilang sandali.)

Namumuno: Manalangin tayo sa Panginoon at hilinging maisabuhay natin Ang


Kawanggawang Pangkaluluwa: Patawarin ang lahat ng Pamiminsala

Lahat:
O Panginoong Jesukristo, sinasamba at niluluwalhati ka namin. Pinasasalamatan ka
namin sa biyaya ng iyong kapatawaran na sumasaamin sa Sakramento ng
Pagbabalikloob. Ipinakita mo sa amin ang mukha ng maawaing Ama sa langit. Ipagkaloob
mong patuloy kaming makalapit sa iyo sa Sakramento ng Kumpisal at makatanggap ng
pagpapagaling sa aming mga puso at kaluluwa at magawa rin naming magpatawad sa
kapwang nagkait sa amin ng kalinga at pagmamahal. Amen.

Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Luwalhati sa Ama


.
ANG IKALABING-APAT NA ISTASYON:
SI JESUS AY MULING NABUHAY

Namumuno: Sinasamba at pinupuri ka namin, O Panginoong Jesukristo.

Lahat: Sapagkat sa pamamagitan ng iyong Mahal na Krus, tinubos mo ang mundo.

Pagbasa sa Ebanghelyo ayon kay San Juan (Jn 20:1-10)


Madilim-dilim pa nang araw ng Linggo, naparoon na si Maria Magdalena sa libingan.
Naratnan niyang naalis na ang batong panakip sa pinto ng libingan. Dahil dito, patakbo
siyang pumunta kay Simon Pedro at sa alagad na mahal ni Jesus, at sinabi sa kanila,
“Kinuha sa libingan ang Panginoon at hindi namin alam kung saan dinala!” Kaya’t si Pedro
at ang nasabing alagad ay nagpunta sa libingan. Kapwa sila tumakbo ngunit si Pedro’y
naunahan ng kasamang alagad. Yumuko ito at sumilip sa loob. Nakita niyang nakalagay
ang mga kayong lino, ngunit hindi siya pumasok. Kasunod niyang dumating si Simon
Pedro at tuluy-tuloy itong pumasok sa libingan. Nakita niya ang mga kayong lino, at
ang panyong ibinalot sa ulo. Hindi ito kasama ng mga kayong lino, kundi hiwalay na
nakatiklop sa isang tabi. Pumasok din ang alagad na naunang dumating; nakita niya ito at
siya’y naniwala. (Hindi pa nila nauunawaan ang nasasaad sa Kasulatan, na kailangang
muling mabuhay si Jesus.) At umuwi ang mga alagad.

(Tatahimik sandali at pagkatapos babasahin ng namumuno ang pagninilay.)

Namumuno: Pagninilay mula sa isinulat ni San Padre Pio Pietrelcina


Panalangin ang pinakamagaling nating sandata. Ito ang susi sa puso ng Diyos.
Kailangang kausapin mo si Jesus hindi lamang sa pamamagitan ng iyong mga labi, ngunit
higit sa lahat ng iyong puso. Sa katunayan, may mga pagkakataong kailangang kausapin
mo lamang Siya sa pamamagitan ng iyong puso.

(Tatahimik muli ng ilang sandali.)

Namumuno: Manalangin tayo sa Panginoon at hilinging maisabuhay natin Ang


Kawanggawang Pangkaluluwa: Ipanalangin ang mga Nangabubuhay at Nangamatay

Lahat:
O Panginoong Jesukristo, dakilang Anak ng kataastaasang Diyos, sinasamba ka namin.
Noong nabubuhay ka pa sa lupa, ipinakita at itinuro mo sa iyong mga apostol ang
kahalagahan ng pananalangin. Ipagkaloob mong hindi lamang namin maidulog sa
pagdarasal ang mga sarili naming kahilingan kundi maalala naming mailapit sa iyo ang
mga pangangailangan ng lahat, ang mga nangabubuhay at mga nangamatay, lalo
na ang mga kaluluwang walang nakakaalala sa purgatoryo. Amen.

Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Luwalhati sa Ama


PANGHULING PANALANGIN

Namumuno:
O Panginoong Diyos Ama namin sa langit, kami’y taos pusong nagpapasalamat sa biyaya
ng dakila mong pagmamahal na samasaamin sa Panginoong Jesukristo na aming
Tagapagligtas. Naipamalas mo sa amin ang iyong dakilang kagandahang-loob,
pagmamahal at pagkalinga at ang iyong pagnanais na bahaginan kami ng iyong buhay na
walang hanggan.

Lahat:
Sa ginawang pagtahak namin sa Daan ng Krus ng Panginoong Jesukristo at sa tulong
ng biyaya ng Espiritu Santo, lalo mo pong pagalabin ang aming mga puso upang manatili
kaming tapat sa pagsasabuhay ng iyong aral at katotohanan at higit sa lahat,
makapaglingkod kami nang ganap sa aming kapwa lalo na ang mga mahihirap, mga
nangangailangan at lahat ng naisasantabi sa aming bayan. Ipagkaloob po ninyo ang
kapayapaan sa aming bayan, sa aming mga pamilya, sa aming mga parokya, sa lugar ng
mga gawain. Marapatin ninyong masilayan ng lahat ang inyong liwanag at pagpapala at
masuklian namin sa araw-araw ng ganap na pagbabalik-loob at pagbabago ng puso ang
iyong dakilang pagmamahal sa amin. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Jesukristo
na nabubuhay at naghaharing kasama mo at ng Espiritu Santo, iisang Diyos,
magpasawalang hanggan. Amen.

Namumuno: Para sa intensyon ng Santo Papa Francisco. Ama Namin, Aba Ginoong
Maria, Luwalhati sa Ama.

Namumuno: San Jose Manggagawa, aming Patron

Lahat: Ipanalangin mo kami!

Namumuno: Nuestra Señora de Candelaria

Lahat: Ipanalangin mo kami! + Kung pari o diyakono ang namumuno:

Pari: Sumainyo ang Panginoon.

Lahat: At sumainyo rin.

Pari: Pagpalain kayo ng makapangyarihang Diyos, + Ama, at Anak, at Espiritu Santo.

Lahat: Amen.

Pari: Humayo kayong taglay ang pag-ibig, pag-asa, pagpapagaling at kapayapaan ng


Panginoong Jesukristo.

Lahat: Salamat sa Diyos.

Namumuno: + Sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo.

Lahat: Amen.

You might also like