You are on page 1of 3

FILIPINO

3 WORKSHEET
NASAAN ANG AKLAT KO?

Panuto: Basahin ang kuwento at sagutin ang mga tanong sa ibaba.

Nasaan ang Aklat ko?

Hunyo na. Patapos na ang halos tatlong buwang bakasyon ng mga mag-aaral. Si
Jessa ay abalang-abala sa paghahanda ng kanyang mga gamit dahil pasukan nang muli sa
darating na Lunes. Nilinis na niya ang kanyang sapatos na itim. Pinlantsa na rin niya ang
kaniyang uniporme. Ngayon ay inilalagay na niya ang mga kagamitang pang-eskuwela sa
loob ng kanyang bagong bag. Habang inaayos ang mga libro, napansin niyang kulang ito ng
isa.

“Hala! Nasaan na ang aking libro sa Filipino? Kahapon lang ay kasama pa iyon ng iba
ko pang aklat dito sa mesa,” ang nagtatakang naisip ng bata. Pumunta siya sa sala kung
saan naglilinis ang kanyang nanay. “Inay! Kinuha niyo po ba ang libro ko doon sa aking
mesa? Nawawala po kasi ang isa,” ang tanong ni Jessa.

“Hindi, anak. Bakit ko naman kukunin ang libro mo? Tiningnan mo na ba sa istante?
Baka napahalo lang sa mga lumang aklat mo,” ang mungkahi ng kanyang nanay.

Bumalik si Jessa sa kanyang kuwarto. Pumunta siya sa istante at tiningnan ang mga
libro dito. “Halu-halo naman ang mga libro ko. Ang mga lumang aklat-aralin, magasin, at
mga nobela ay sama-sama. Napakahirap tuloy humanap ng libro,” ang tahimik na wika ng
bata sa sarili. Isa-isa niyang tinanggal ang mga libro sa istante at tiningnan ang pabalat.
Wala roon ang kanyang hinahanap na aklat. “Ang mabuti pa ay ayusin ko na ng pagbalik
ang mga aklat na ito para mas mabilis nang maghanap ang mga kailangan kong libro,” ang
naisip ng bata. Ibinalik niya ang mga libro ayon sa uri at paksa.
Nang matapos si Jessa sa pagbabalik ng mga aklat, ibinaling naman niya ang
kanyang tingin sa malaking lamesa sa kanyang kuwarto. Puno ng patong-patong na mga
gamit ang mesa. “Baka nandito sa tambak ng mga gamit ang aking libro sa Filipino,” ang
sabi nito sa kanyang sarili. Sinubukan niyang angatin ang isang malaking piraso ng karton
upang silipin ang ilalim nito. Biglang nangalaglag ang mga lapis, pambura, papel, at kung
anu-ano pa. “Mahihirapan talaga akong hanapin ang mga gamit ko kung ganito kagulo ang
mga ito. Mabuti pa ay ayusin ko na ang mga gamit habang may oras pa ako,” ang pasya
ng bata. Tinipon niya ang mga lapis, pambura, bolpen, at iba pang panulat at pangkulay.
Inilagay niya ito sa isang maliit na kahon. Inayos rin niya ang mga papel at kuwaderno.
Dinampot niya ang mga balat ng pagkain na hindi niya itinapon at inilagay ang mga ito sa

Teacher Abi’s Worksheets


teacherabiworksheets.blogspot.com


FILIPINO 3 WORKSHEET
NASAAN ANG AKLAT KO?

basurahan. Kumuha siya ng basang basahan at pinunasan ang malaking mesa. Sa wakas
ay nalinis na niya ang mesa ngunit hindi pa rin niya nakita ang hinahanap na libro.

“Saan ba napunta iyon? Napunta kaya ito sa ilalim ng kama?” ang tahimik na tanong
ng bata sa kanyang sarili. Mabilis na lumuhod si Jessa at sinilip ang ilalim ng kama. Wala
doon ang libro ngunit napansin niyang maalikabok ang sahig dito. Lumabas si Jessa ng
kuwarto at kumuha ng walis at dustpan. Mabilis niyang winalis ang alikabok sa ilalim ng
kama at sa sahig ng kanyang kuwarto. Pagkatapos itapon sa basurahan ang kanyang
pinagwalisan, tiningnan ni Jessa ang kanyang kuwarto. “Maayos nang lahat at malinis na
ang mesa at sahig. Masaya akong naayos ko na ang aking kuwarto at mas madali ko nang
mahahanap ang mga gamit ko ngunit hindi ko pa rin nakikita ang aking libro,” ang sambit ng
bata.

Dahil sa pagod sa paglilinis, nagpasiya si Jessang mahiga na muna sa kanyang


kama. Paglapat ng kanyang ulo sa unan ay may naramdaman siyang matigas. “Ay! Nasa
ilalim lang pala ng unan ang libro ko sa Filipino!” ang tuwang-tuwang sabi ng bata. Mula
noon ay nagpasiya na siyang panatilihing malinis ay maayos ang kanyang kuwarto upang
hindi na siya muling mahirapan pang hanapin ang mga gamit niya.

Talakayin natin: Sagutin ang mga tanong.

1. Bakit inaayos ni Jessa ang mga gamit niyang pampaaralan?


2. Ano ang kanyang nawawalang gamit?
3. Sa iyong palagay, tama bang inayos ni Jessa ang mga libro sa kanyang istante?
Ipaliwanag ang iyong sagot.
4. Saan nahanap ni Jessa ang kanyang nawawalang gamit?
5. Nangyari na rin bang ikaw ay nawalan ng gamit? Paano mo ito nahanap? Ibigay ang
mga hakbang na iyong ginawa.

Teacher Abi’s Worksheets


teacherabiworksheets.blogspot.com


FILIPINO 3 WORKSHEET
NASAAN ANG AKLAT KO?

Pagsunud-sunurin ang mga pangyayari: Basahin ang mga ibinigay na pangyayari. Sumulat
ng 1-6 sa patlang.

__________ Naisipan ni Jessa na magwalis ng alikabok at kalat sa kanyang kuwarto.


__________ Inayos ni Jessa ang istante ng mga libro upang mas mabilis na niyang
mahanap ang nais niyang aklat.
__________ Itinanong ni Jessa sa kanyang nanay kung kinuha ba nito ang kanyang aklat.
__________ Inaayos na ni Jessa ang kanyang gagamitin sa pagpasok dahil malapit nang
magpasukang muli.
__________ Nahanap ni Jessa ang kanyang nawawalang libro sa ilalim ng kanyang unan.
__________ Tinipon ni Jessa ang mga panulat at pangkulay at inilagay ang mga ito sa
isang kahon.

Teacher Abi’s Worksheets


teacherabiworksheets.blogspot.com

You might also like