Professional Documents
Culture Documents
Sa Bagong Paraiso Pagsusuri
Sa Bagong Paraiso Pagsusuri
Buod:
SIMULA
Kapwa sila walong taong gulang at magkababata. Ang kanilang daigdig ay
umikot sa isang paraiso'y langit ang kawangis, madalas silang maglaro sa
bakuran ng kanilang bahay na malapit sa isang dalampasigan. Tahimik ang
kanilang mundo at mistulang walang suliranin. Ang kanilang mga magulang
ay hindi nag-aaway at relihiyoso. Pareho silang marami silang pangarap.
Wala silang pasok sa araw ng Sabado at Linggo o mga araw na pista
opisyal. Silang dalawa'y madalas magpalipas ng oras sa loob ng kanilang
bakuran, mula sa umaga hanggang sa hapon. Umaakyat sila sa mga puno
kahit na marurupok, maaligasgas at malulutong na ang mga sanga nito.
Nagagasgas ang kanilang mga tuhod, nababakbak ang balat sa kanilang
siko, nagagalusan ang kanilang mukha at kung minsan ay nababalian pa
ng buto dahil nahuhulog ngunit ang lahat ng iyon ay hindi nila iniinda,
patuloy pa rin sila sa paglalaro. Sa may lilim ng punong mangga kung saan
ay makapal ang damo kung umaga ay nandun silang dalawa
naghahabulan, nagsisirko, nagpapatiran, at kung sila'y hinihingal na sa
pagod ay hihiga sila sa damuhang iyon, titingalain nila ang langit at
magkukunwaring aanawin sa langit ang kanilang mukha.
Saglit na Kasiglahan
Namumulot sila ng kabibi, naghuhukay ng hilamis sa talpukan, o kaya'y
gagawa ng kastilyong buhangin, o kaya'y nanunugis ng mga lamang-dagat
na nagtatago sa ilalim ng buhangin. Ngunit hindi lang iyon ang kanilang
ginagawa: naghahabulan din sila dito at kapag napagod na ay mahihiga rin
sila sa buhanginan, tulad ng ginagawa nila sa damuhan sa looban, at sa
kanilang pagkakatabi ay nagkakatinginan sila.
Suliranin
Makalipas ang ilang taon. Sila'y nakatapos na ng hayskul.Maliwanag ang
narinig na salita ng dalagita: Kung gusto mong makatapos ng karera,
huwag muna kayong magkita ni Ariel. Naunawaan niya ang ibig sabihin
niyon, ngunit siya'y tumutol "Pero, Inay…kaibigan ko si Ariel." May
himagsik sa kanyang tinig. "Kahit na…kayo'y dalaga at binata na. Alam mo
na siguro ang ibig kong sabihin." Alam niya ang kahulugan niyon: Masama.
At saglit iyong inagaw ng tinig ng kanyang ama. "Ibig kong magdoktora ka,
kaya kalimutan mo muna ang mga lalaki!"Hindi siya nakatagal sa harap ng
kanyang mga magulang. Nakatiim ang mga labing pumasok siya sa
kanyang silid. "Ayaw nila…ng Inay…ng Itay…masama raw," at mga luha'y
tumulo sa kanyang mga mata. Nang minsang dalawin ng binata ang dalaga
sa dormitoryo ay pinakiusapan siya ng dalaga na huwag na muna silang
magkita. Napatitig lamang ang binata sa dalaga. Minsan, ang binata ay
umuwi sa lalawigan. Mapanglaw ang kanyang mukha at napuna iyon ng
kanyang ama. Nalulungkot ang binata sapagkat ayaw ng makipagkita sa
kanya ni Cleofe. Nagtawa ang kanyang ama. Sinabi ng ama sa anak na
magkakalapit din namang sila muli pag nakapagtapos na ang dalaga. At
gusto ng mga magulang nito na maging doktora ang anak. Pasigaw ang
alingawgaw ng kanyang tinig sa kanyang isip. "At habang nagdodoktora
siya ay masama kaming magkita?" "Tama ka!" maagap na pakli ng ama.
"Hindi mo ba alam na kapag malapit ka sa babae ay malapit ka rin sa
tukso!" At ang dalawa'y hindi na nga nagkita, gayong nasa lungsod na
maliit at maglakad ka lamang sa mga lansangan ay hindi ka mawawalan ng
makakasalubong na kakilala. Mangyari'y iniwasan nila ang magkita, at
hindi sila nagkita sapagkat inihasik sa kanilang isip na ang pagkikita nila ay
masama, tukso.
KASUKDULAN
Hindi sila nagkita sa loob ng mahabang panahon. Hindi sila nakatiis. Isang
araw na hindi sinasadya'y nagkasalubong.Ang binata ang naglakas-
loob,binati niya ang dalaga. Hindi nakasagot ang dalaga. Nakatitig lamang
siya sa mukha ng binata at nang anyayahan siya nitong magpalamig sila
sa isang restawran ay napasunod lamang siya, napatangay sa agos
kanyang damdamin. Sila'y nagkatitigan at sila'y nakalimot at akala nila'y
nasa luntiang damuhan, nakahiga at nakabaling sa isa't isa. At sila'y
nagkita sa Luneta, hindi lang minsan kundi maraming pagkikita, maraming-
marami at ang kanilang sikil ng damdamin ay lumaya at sa unang
pagkakataon, pagkaraan ng ilang buwan, sila'y lumigaya. Ngunit ang
inihasik na binhi ng pagkakilala sa masama at sa mabuti sa kanilang isip ay
sumibol na at nagpaunawa sa kanila na ang ginagawang iyon ay masama.
Ngunit sila'y naghihimagsik. Sinabi ng dalaga: hindi na ngayon tayo
maaaring magkita. Sinasabi ng binata: magkikita tayo… magtatago
tayo…ililihim natin sa kanila ang lahat. At sila nga ay nagkita, sa mga pook
na hindi sana nila dapat pagkitaan, ngunit doon sila itinaboy ng kanilang
paghihimagsik ng takot na matutop at ng pangangailangan. Ang daigdig
nila ngayon ay makitid, suluk-sulok, malamig din, ngunit hinahamig ng init
ng kanilang lumayang mga katawan. Maligaya sila sa kanilang daigdig.
Maligaya sa kanilang bagong paraiso.
Kakalasan
Hanggang isang araw ay kumulog, dumagundong ang kalawakan, at
nangagulat ang mga tao sa lansangan; pamaya-maya, pumatak ang ulan,
na ang pasimulang madalang ay naging masinsin. Ang dalaga ay
dumungaw sa bintana - masama ang kanyang pakiramdam. May kung
anong nakatatakot na bagay sa kanyang katawan na ibig niyang ilabas, na
ibig niyang itapon. At iyon ay umaakyat sa kanyang lalamunan.
WAKAS
Humawak siya sa palababahan ng bintana. Tumingala siya upang pawiin
ang pagsama ng kanyang pakiramdam. Tumungo siya at nakita niyang
nilinis ng tubig ang bangketa at kasabay ng kanyang pagtungo, parang
may isinikad na pataas sa lalamunan ang kanyang bituka at siya'y
napanganga at siya'y napapikit at siya'y napaluha at paghigpit ng kanyang
hawak sa palababahan ng bintana ay napaduwal siya…at ang lumabas sa
kanyang bibig ay tumulo sa bangketa at sandaling kumalat doon at
pagkaraa'y nilinis ng patak ng ulan, inianod ng nilikhang mumunting agos
sa gilid ng daan. At ang dalaga'y napabulalas ng iyak.