You are on page 1of 6

Hi ang Sagot ko sa Iloilo

Nakakarelax, at luntian, nakakaaliw at bagong karanasan, ang kakaibang ganda ng Iloilo

ay nakakapagbigay ng iba’t ibang pakiramdam. Mula sa mga luntian nitong paligid hanggang sa

mga hindi nalalayong walang bahid ng pagkasira sa kalikasan. Masyadong malawak ang

pagpapakahulugan sa Iloilo na maaaring maihambing sa ibang pang lugar ngunit ang Iloilo ay

siya pa ring Iloilo na mananatiling kakaiba hindi lang sa tanawin, pagkain kundi pati rin sa mga

karanasan. Ito pa rin ang Iloilo na maibubukod sa iba pang lugar na itinatampok ng Pilipinas.

Nakakahilo ang bumiyahe na tila wala na yatang katapusan and paglalakbay ko noon

papuntang Iloilo. Sampung taon na rin marahil ang nakalipas nang huli akong tumapak sa

kabisayaan kaya ganoon na lang ang hilo ko, dahil hindi na nga sanay sa mahaba-habang biyahe.

Akala noong una'y mas maigi ang mag-eroplano dahil magiging unang karanasan ko iyon kung

sakali ngunit ang pagbibiyahe gamit ang bus ay talaga namang nakaaaliw dahil sa luntiang

kapaligiran. Lumapag na ang barko sa kabisayaan at maraming tanong na rin sa akin ang nabubuo

kung ano na ang itsura ng paligid at ng mga preskong bahay noon matapos ang sampung taong

hindi ako nakapagbakasyon at matapos din ang pagdaan ng pinakamalakas na bagyong naitala sa

Pilipinas na Yolanda. Hindi kalayuan mula sa daungan, makikita ang mga nagtataasang puno ng

niyog na tugmang-tugma para sa maputing buhangin na tila nakita ko na sa mga larawang

karaniwan ng itinatampok. Hindi nga ako nagkamali nang maalala kong nasa Antique pa lang kami

kung saan ang Boracay ang pinakakilala sa lalawigang ito. Hindi man talaga iyon ang Boracay

pero hawig na rin nito. Hindi nakasasawang pagmasdan ang sumisilip na araw noon na

dumaragdag sa kadramahan ng paligid tulad ng nasa mga pelikula. Kapansin-pansin din ang parte

ng mga dikit-dikit na bahay at mga tindahan na tila Maynila at iba sa akala kong layo-layong bahay

sa probinsiya. Habang pinagmamasdan, napansin kong panatag at payapa lang ang nararamdaman
ko, hindi tulad sa Maynila na larawan ng iba't ibang katayuan sa buhay kung saan may awa,

paghanga at pagkaasar. Marahil dahil na rin sa walang pagkukumpara akong makita sa

kqsimplehan ng kasuotan nilang lahat at ito ang isa kaibahan ng mga probinsiya sa Maynila. Hindi

malulungkot ang mga mata mo sa kakatingin sa labas dahil sa maluntian nitong paligid. Sunod na

lugar na binaybay namin ay ang Capiz kung saan pinaniniwalaan ng ilan na nakatatakot na lugar

dahil sa aswang. Sabi ng ilan sa mga nabasa kong horror story, mabigat daw sa pakiramdam kapag

dumadaan dito. Sa karanasan ko, wala naman itong pinagkaiba sa nadaanan kanina na Antique.

Binaybay pa namin hanggang sa makarating kami sa Iloilo. Mula nang simulan naming baybayin

ang kabisayaan, nagtataka ako kung paano namin mahahagilap ang bahay ng Tito ko dahil halos

pare-parehas lang ang disenyo ng mga bahay na may mga malalaking bintana na may pa-ekis na

disenyo mula sa pagkahanay-hanay ng mga patpat mula sa kawayan. Bukod sa disenyo, mabilis

din ang takbo ng bus. Tanong ko rin ito noong bata pa ako lalo na gabi pa noon nang kami ay

makarating sa nasabing bahay na aming tutuluyan. Hanggang sa nakababa na kami ng bus matapos

ang halos isang araw na biyahe. Sinalubong kami ng aming pinsan na sila kuya Arren at Arnel.

Pagkarating namin sa bahay, nakita rin namin ang aming mga pinsan na buhat pa sa Davao na

nagbabakasyon din. Hapon na noon ng nagkayayaang pumunta sa isang sapa. Tinawid lang namin

ang kalsada at kaunting sikot lang ay nakita na namin ang sapa. Malamig ang tubig at iba rin sa

akala kong mababaw dahil malalim pala. Gusto ko sanang sisirin ngunit kaliligo ko lang din noon.

Pagkatapos ay inaasahan kong wala silang pamalit ng damit ngunit nilakad namin pauwi na

basang-basa ang aming mga kasama. Ito ang sinasabing buhay sa probinsiya. Nang sumapit ang

gabi, nagsidamihan ang tao sa bahay dahil magiging abala na rin sila sa mga putahe sa piyesta

kinabukasan. Iba't ibang putahe ang nakita ko kinabukasan na wala rin namang pinagkaiba sa mga

putahe ng Maynila. Nagkaroon ng simpleng misa kinaumagahan sa maliit na simbahan kung saan
nakarinig ako ng misa sa diyalekto nila kaya naman nadagdagan ang aking bokabularyo sa

Ilonggo.l tulad ng "maluoy" na ibig sabihin ay maawa na narinig ko sa kantang pansimbahan.

Pagkatapos ay nakita ko ang kapansin-pansin na tindahan ng halo-halo dahil ang tinda niya ay may

pagka-espesyal dahil sa toppings na hinaluan ng sitsirya na nagbibigay alat sa lasa ng halo-halo.

Angkop ito nang hindi maumay ang mamimili. Bumalik kami noon sa bahay at samu't saring

pagkain na ang nakahanda. Iba't ibang tao rin ang nakapiyesta kahit buhat pa ang iba sa mga kalapit

na barangay. Walang pinipili ang piyesta, kahit di ka kilala at taga-ibang lugar ka pa, walang kaso

iyon, parehas pa rin ang pakikutungo na may mga kwentuhan. Ibang piyesta ang alam ko sa

Maynila, walang pasok ang ibig sabihin niyon at walang handaan. Kinagabihan mas dumami pa

ang tao dahil may iba pang palabas ang gaganapin tulad ng pageant at "baylehan" na ibig sabihin

ay sayawan. Dumating ako sa sayawan, nasasabik ako noon dahil nakikita ko lang iyon sa mga

pelikula noon. Natunghayan ko na hindi lang pala iyon para sa naghahanap ng kasintahan o may

kasintahan, talaga palang kasiyahan lang na parang disco rin.

Kinabukasan, pumasyal kami sa tinatawag nilang bayan sakay sa nirentahan naming jeep na iba

ang itsura. Sa likod ng drayber, dalawa ang labasan, isa sa likod at isa sa gilid. Mataas din ang

hahakbangin mo para umakyat dahil malalaki ang gulong nito. Pumunta kami sa Gaisano, isang

maliit na mall na angkop lang sa karaniwang pangangailan ng tao. Naroon din ang isang bilihan

ng pasalubong kung saan kami nakabili ng barquillos, na tila pahaba at malutong ang labas habang

ang loob naman ay pulvoron. Naroon din ang matatamis at malulutong na biscocho. Tinunton

namin ang kanilang sementeryo upang dalawin ang puntod ng aming lolo. Iyon ang unang

pagkakataon kong makapasok sa sementeryo. Habang binabaybay papunta sa bahay ng aking Lola

sa bundok, may ilan kaming hinihintuan dahil makikisabay. May ilan ring sumasampa sa bubong

ng jeep.
Sa aming paglalakbay hindi maubos-ubos ang magaganadang tanawin na dulot ng luntiang paligid.

Ilang sandali pa’y nakarating na kami sa bahay ng aming lola. Presko pa ring tingnan at ang

pakiramdam ng bahay dahil sa malalaki nitong mga bintana na angkop para pumasok ang sariwang

hangin dahil walang kuryente at tubig. May oras na mayroong kuryente at tubig dahil ang

pagdating ng tubig ay depende kung mayroong kuryente. Wala silang binabayaran sa mga ito.

Kinagabiha’y nakapanood kami sa telebisyong colored na dati’y kulay itim at puti lang ang

nilalabas at pinagagana pa ng baterya ng sasakyan. Nakatulog din kami kahit wala ang electric fan

dahil malamig ang paligid.

Pagkaumaga’y magugulat ka dahil alas singko pa lang ay gising ka na dahil sa taas ng sikat

ng araw. Pagkatapos kumain ay sinubukan namin ang pumunta sa tinatawag nilang “suba” talaga

namang tumatak sa isip ko kung ano iyon at nansanay akong tawagin iyon sa kanilang diyalekto.

Ito ay isang sapa na may mga parteng malalim at napaliligiran ng matataas na pader o lupa. Noong

una, nakatatakot ang pababang daan papunta sa suba dahil wala namang hagdan at mukhang

madulas. Matapos ang ilang minuto naming pagbaba, nakita namin ang ganda at ang linaw ng

tubig dito. Makakakita ka ng mga maliliit na mukhang alimango at mga isda rin. Nang makarating

kami sa medyo malalim na parte, hindi namin napigilang mga bakasyunista na lumangoy doon.

Malamig ang tubig at nakatutuwa ang agos ng tubig na humahampas sa aming likod. Hindi rin

namin napigilang ang magtagal doon at ulitin iyon sa mga susunod pang araw.

Nang sumunod ng umaga ay pumunta naman kami sa aming tito, doon ay nanguha kami ng mga

kamoteng kahoy para sa aming umagahan. Nakaaaliw ang aming ginagawa dahil bago ang

gawaing ito sa amin. May maliliit at malalaki kaming nakuha. May iba’t iba ring mga tanim doon

tulad ng bawang, sibuyas at kangkong. Pagkahapon ay nasubukan namin ang uminom at kumain
ng sariwang buko. Sa ‘di kalayuan ay mga matataas na puno ng buko. Inakyat iyon ng aming

pinsan na si Kuya Pato at kaming limang magpipinsan ay may sari-sariling libreng buko na sa

Maynila ay nagkakahalaga ng dalawampu’t lima ang isa. Natutunan kong kumain ng buko nang

walang kutsara kundi ang tanging balat ng buko lang ang ginawa kong kutsarang pangkayod ng

laman ng buko.

Kinabukasan noo’y ang aming reunion kung saan di ko mabilang ang taong pumasok sa

bahay ni lola. Naitanong ko na rin kung lahat ba sila na nasa bahay ay aming kamag-anak, walang

pag-aalinlangan ang tita kong sumagot ng “oo” sa akin. Masaya ang naging palaro, kamustahan,

at syempe ang handaan. Kapansin-pansin ang tamis ng mga hinaing putahe panghimagas man ito

mapa-ulam. Ang mga naging handa ay tulad din ng mga putahe sa Maynila tulad ng adobo, menudo

at iba pa na talaga namang matatamis ang mga sarsa. At ang kagulat-gulat pa rito ay mga lalaki ay

nagluto ng ilan dito. Natapos ang aming reunion sa mga di matapos-tapos na pagkuha ng larawan

kasama ang aming lola.

Ilang araw bago kami umalis, napagkasunduan na kami ay mag-swimming. Sakay muli ng

jeep ay natunton namin ang “Erlinda’s place”. Doon ay babalik ka sa pagkabata mo dahil sa mga

naglalakihang pigurin ng mga paborito mong cartoon tulad ng Spongebob, Hello kitty at Little

Mermaid. Hiwalay ang swimming pool ng mga bata at matanda. Nakakaaliw ang mga ilaw at ang

mga mala-fountain sa gilid ng swimming pool na nagdadagdag sa ganda ng lugar. Mayroon ding

mala-kastilyo na iyong aakyatin upang makarating sa padulasan at magpadulas hangga’t gusto mo.

Natapos ang aming swimming sa malungkot na paalam sa aming mga pinsan at tito’t tita dahil

tutuloy ulit kami sa bahay ng aming tito Arman bago kami umuwi sa Maynila. Sumakay kami sa

tricycle na magkatalikuran ang mga pasahero sa loob. Pwede ring sumampa sa bubong ng tricycle

kung gusto mo.


Ang huli naming napuntahan ang “Anghit Cave”, na kakaiba naman talaga ang pangalan.

Ito ang kweba na dapat namin pupuntahan noong una naming pagdating dito ngunit palubog ang

araw noon kaya hindi na natuloy. Tinawid namin ang kalsada, naglakad at tumawid muli sa tulay

na gawa sa kawayan hanggang sa natunton namin ang kweba. Malamig at medyo matubig din sa

loob. May mga maluwag na daan at mayroon ding masikip. Unang beses kong makapasok sa

kweba at makakita ng totoong stalagmites mga batong may hugis tatsulok sa taas ng kweba at

stalactites naman sa baba o sahig. Kapansin-pansin din ang mga tubo sa loob ng kweba dahil mula

daw sa kweba ang nakokolektang tubig ng barangay at ginagamit ng mga resisdente kaya naman

wala silang pinagkakagastusan sa kanilang tubig. Bandang dulo ay nakapaligo kami sa malamig

na tubig. Mayroong malawak at mayroon ding maliit ngunit pinagbawalan kami na pumunta pa sa

malayo ng paliguan dahil medyo malalim na raw iyon ngunit mayroon pang daanan doon. Hindi

kalayuan sa aming pinaliguan ay naroon ang labasan. Hindi ganoon kataasan ang aakyatin para

makalabas ng kweba. Pagkalabas namin ay muli kaming bababa upang makauwi.

Mabilis ang orasan ng mga araw na iyon. Marami pa sana akong mararanasan kung mahaba

ang munti kong bakasyon. Tama, maranasan dahil hindi pagkain o tanawin ang nakapukaw sa akin

kundi ang mga karanasan na gugustuhin kong balik-balikan. Iloilo ang lugar na hindi mo

kailangang lumayo sa iyong bahay para sa mga magagandang tanawin at karanasan. Dito, ang

buhay probinsiya ay isang simple pamumuhay ngunit ito rin ang pamumuhay sa komplikadong

pamamaraan. Dito ko naipaliwanag sa sarili ko ang sikreto sa malalambing na tono ng mga

Ilonggo, dahil saan mang lugar sa Iloilo, bukod sa matatamis na pagkain, nakakabighani at nakaka-

ibig na mga tanawin at pakikitungo ng mga tao, sa pangalan pa lang ng Iloilo tila pagbati na ang

bungad sa iyo. “Iloilo” bati nila, “Hi!” naman ang sagot ko.

You might also like