You are on page 1of 3

SINUNGALING SI TATAY

"Tay, kain ka na po."

"Sige lang anak. Kumain na si tatay. Ubusin mo 'yan."

"Tay hati po tayo dito sa kumot. Malamig na po."

"Sige lang anak. Kaya ni tatay ang lamig. Matulog ka nang mahimbing."

"Tay, bakit hindi ka pa po natutulog?"

"Hindi pa inaantok si tatay 'nak, eh. Sige, matulog ka na ulit."

"Tay, magkakaroon po kami ng field trip. Gusto ko pong sumali."

"Gano'n ba 'nak. Sige, maghahanap si tatay ng pera."

"Tay, ito po tubig oh."

"Hindi 'nak, sa 'yo na 'yan. Mahaba pa ang lalakarin natin baka mauhaw ka. Hindi
rin naman nauuhaw si tatay."

"Tay, nagugutom na po ako. Wala pa po tayong pagkain."

"Pasensiya na 'nak hindi kasi ako pinasahod ngayon sa trabaho, eh. Sandali,
mangungutang si tatay. Hintayin mo 'ko."

"Tay, mahirap po ba 'yong trabaho mo? Lagi ka po kasing umuuwi na pagod na pagod."

"Hindi 'nak. Madali lang ang trabaho ni tatay. Huwag mo nang isipin si tatay,
buksan mo na lang 'tong dala ko. Sigurado akong matutuwa ka.

"Wow bagong tsinelas! Pero tay maayos pa po ang tsinelas ko. Dapat po ay bumili na
lang kayo ng sa inyo. Sira na po ang tsinelas niyo, oh. Puro na po alambre tay.

"Nagagamit ko pa naman 'to 'nak kaya ayos lang. 'Yang bago mong tsinelas, susuotin
mo kapag aalis tayo.

"Tay, salamat po sa paghatid."

"Wala 'yon 'nak. Sige na, pumasok ka na."

Naglakad ako papasok sa school pero huminto rin agad ako at nilingon si tatay.
Tumatakbo siya palayo na parang nagmamadali. Tiningnan ko kung nakatingin ba ang
guard ng school pero may kausap ito. Agad akong tumakbo palabas at hinabol si
tatay.

Huminto si tatay sa isang construction site. Nakita ko siyang humihingi ng tawad sa


isang lalaking may helmet sa ulo na galit na nakatingin sa kan'ya. Matapos no'n ay
tumakbo na si tatay paloob at paglabas niya ay nakalong sleeve, may gloves at
helmet na siyang suot. Nakatago lang ako habang pinapanuod si tatay na magbuhat at
maghakot ng mga mabibigat na bagay. Minsan ay sinisigawan siya ng kaparehong lalaki
kanina kapag bumabagal si tatay. Nakikita ko sa mukha ni tatay ang pagod pero
pinipilit niya pa ring magtrabaho.

Nang magmeryenda ay binigyan sila ng tinapay pero nagtaka ako ng hindi 'yon kinain
ni tatay. Tinago niya ito sa bag niyang sira na. Tanging tubig lang ang naging
meryenda niya. Biglang may luhang tumulo sa mata ko habang pinapanuod si tatay.
Nang mag-uwian sila ay sinundan ko ulit si tatay pero sa pagtataka ko ay salungat
ang daang tinahak niya sa daan pauwi sa amin. Pumasok si tatay sa malaking bahay at
paglabas niya ay may tulak-tulak na siya na mahabang kariton. May nakalagay doon na
dalawang basket ng balot, may mga chicharon at itlog din ng pugo.

Nakasunod lang ako kay tatay habang tulak-tulak niya ang kariton. Huminto lang siya
no'ng nasa palengke na kami. Inayos niya ang pagpu-puwestuhan niya. May mga tao na
ring bumibili sa kaniya. Sa bawat bibili sa kaniya ay binibigyan niya ang mga ito
ng matatamis na ngiti. Ngiti na parang walang iniindang pagod.

Ilang oras pa akong naghintay at kaunti na lang ang tao. Napansin ko si tatay na
nakayuko sa mga tuhod niya. Naglakad ako at huminto lang nang nasa tabi niya na.
Kinuha ko sa bulsa ko ang biscuit na sana ay baon ko. Umangat ang ulo ni tatay at
direktang tumama sa 'kin ang mata niya. Nagulat siya nang makita ako, tiningnan
niya pa ang kabuuan ko. Huminto lang ang mata niya nang makita ang biscuit na nasa
kamay ko.

"Tay, alam ko pong gutom ka na." Pigil ang luhang sabi ko.

"Hindi ako gutom 'nak. At anong ginagawa mo dito?"

"Tay, huwag ka pong magsinungaling. Sinundan kita tay mula pa kanina. Ang sabi mo
madali lang ang trabaho mo."

"Madali lang naman 'to 'nak, eh. Kayang-kaya 'to ni tatay lalo na't para sa 'yo."

"Pero tay, pagod ka na."

"Oo 'nak, napapagod ako pero kapag maiisip kong para sa 'yo 'tong ginagawa ko.
Nawawala ang pagod ko."

"Tay, sorry po."

"Wala ka dapat ihingi ng tawad anak. Anak kita, responsibilidad kong bigyan ka ng
magandang buhay. Ang tanging hiling ko lang anak ay mag-aral ka nang mabuti."

"Opo tay. Sorry po kung hindi ako pumasok ngayon."

"Hayaan mo na iyon basta huwag mo nang uulitin."

Ngumiti ako at niyakap si tatay.

Sa bawat,

'Hindi ako nauuhaw anak,' ay ang katotohanang,


'Nauuhaw ako anak, pero handang tiisin ni tatay para sa 'yo.'

Sa bawat,

'Hindi ako nagugutom anak. Busog si tatay, ' ay ang katotohanang,


'Nagugutom na si tatay 'nak pero alam kong mas kailangan mo 'yan.'

Sa bawat,

'Hindi nilalamig si tatay 'nak,' ay ang katotohanang,


'Nilalamig na si tatay 'nak pero mas kailangan 'yan ng maliit mong katawan.'

Sa bawat,
'Hindi pa ako inaantok 'nak,' ay ang katotohanang,
'Hindi ako makatulog 'nak. Iniisip ko kasi kung paano mababayaran ang mga bayarin
natin.'

Sa bawat,

'Hindi ako pagod 'nak. Kayang-kaya 'to ni tatay,' ay ang katotohanang,


'Pagod na ako 'nak pero para sa 'yo kakayanin ni tatay. Kahit ilang trabaho pa ang
pasukan ko 'nak handa kong pasukan mabigyan ka lang ng magandang buhay.'

Nagsinungaling si tatay.
Nagsinungaling siya sa totoong nararamdamanan niya para lang bigyan ako ng
magandang buhay.

You might also like