You are on page 1of 2

Nagmistulang ‘demarcation line’ ang harang na lubid na inilagay ng lokal na

pamahalaan sa ‘pedestrian lane’ sa tapat ng Pambansang Mataas na Paaralan ng


Quezon. Ito raw ay para masolusyonan ang trapikong dala ng pagpasok ng mga
estudyante ng paaralan tuwing ‘rush hours’. Marami ang umalma maging sa ‘social
media’ sa naging hakbang ng lokal na pamahalaan, ngunit mahalaga ring malaman
natin kung tunay bang makakabuti ito para sa mga estudyante at komyuter ng ating
lungsod.
Ang ‘pedestrian lane’ ay isang simbulong kinikilala maging sa ibang mga bansa.
Sa pormal na pagkakakilala nito, ang pedestrian lane ay espasyo sa kalsada para sa
mga pedestrian, maging tawiran man ito o lugar lakaran. Ngunit ayon sa ‘World Health
Organization’, mahigit 22% ng mga aksidenteng pantrapiko ay dahil sa mga
‘pedestrian’. Kung susuriin, ang bahagdang nabanggit ay dulot ng ‘jaywalking’ o ang
basta-bastang pagtawid sa mga lugar na hindi dapat tawiran. Kung titignan ang
sitwasyon ng hinarangang ‘pedestrian lane’, mapapansing mas lumala pa ang mga
kaso ng ‘jaywalking’. Hindi lamang estudyante ang apektado ng pagsasara ng
‘pedestrian lane’ na ito, ngunit pati na rin ang mga naninirahan sa karatig barangay, at
maging ang mga motoristang imbis na masmapadali ang biyahe, ay nagdodoble-ingat
sa mga nagsisitawid sa hindi na dapat tawiran.
Dati nang pinagagamit sa mga estudyanteng tatawid ang naturang ‘overpass’ sa
labas ng eskuwelahan, ngunit hindi ito nasusunod, at ang estilo pa ng karamihan ng
mga estudyante, ay tumawid sa lugar na hindi kita ng mga pulis trapiko. Kaya naman
isa ring dahilan kung bakit hinarangan ang ‘pedestrian lane’ ay upang magamit ang
naturang ‘overpass’. Mabuti naman ang hanggad ng lokal na pamahalaan—ang
mapakinabangan ang mga pampublikong proyekto kagaya nito. Maayos nang solusyon
ang pagdidirekta sa mga estudyante papunta sa overpass upang magamit ito, lalo na
kung ‘rush hour’, para mabawasan ang dami ng tao at sasakyan na lalo lamang
makakasama sa daloy ng trapiko sa kalsada. Kung titignan, masligtas ang ganitong
aksyon kumpara sa nangyayari ngayong ‘jaywalking’ at tila nakikipagpatintero pa sa
mga sasakyan.
Sa totoo lang naman, ang problema sa trapiko ng kalsadang kinatatayuan ng
PMPQ, ay bunsod na rin sa kawalan ng disiplina ng mga mag-aaral, at pati na rin ang
mga nagamit nito. Tunay ngang mahirap disiplinahin ang mahigit kumulang 9,000
estudyante, ngunit dapat matuto ang lahat na sumunod sa batas trapiko, lalo na kung
ang mga ito ay para rin sa ikagiginhawa ng lahat. Ngunit may punto rin naman ang mga
panawagan laban sa pagharang ng tawirang ito. Kung ang ‘overpass’ ay itinayo para sa
kapakanan ng taong bayan, ganoon din naman ang pedestrian lane. Dapat ibigay sa
taong bayan ang kung anong nararapat sa kaniya. Ngunit dapat ding malaman ng taong
bayan ang mga responsibilidad na nakaatang sa kanila sa paggamit ng mga
pampublikong pasilyo.
Sa kabuoan, ang anggulong dapat tignan ng lokal na pamahalaan ay ang
kaligtasan ng mga tao. Ang pagsasara ng lugar tawiran ay nagpapataas lamang sa
kaso ng ‘jaywalking’, at dumadagdag pa sa posibilidad ng pagkakaroon ng mga
aksidente. Kung tunay na nais ng lokal na pamahalaan ang pagpapaginhawa ng biyahe
para sa mga motorista at komyuter, ugaliin nilang disiplinahin ang mga gumagamit ng
kalsada. Kung ang nais naman ng taong bayan ay ang ibigay ang dapat sa kanila,
ugaliin nilang sumunod sa mga batas trapiko na ginawa upang matugunan ang mga
problemang ito. Kalian may hindi magiging solusyon ang tila pakikipagmataasan ng
taong bayan at ng lokal na pamahalaan. Ang solusyon sa problemang trapiko ay ang
pagbibigayan sa paggamit mga pasilyong wala namang tunay na nagmamay-ari.

You might also like