You are on page 1of 16

Nakabubuhay Na Sahod, 'Di Abot' Ng Mga Manggagawa

ABS-CBN News
Posted at Jul 18 2018 09:09 PM | Updated as of Jul 04 2019 04:03 PM

Wala pa sa kalahati umano ng mga manggagawang Pilipino ang nakatatanggap ng nakabubuhay na


sahod, ayon sa pag-aaral ng ilang grupo.

Ayon sa pag-aaral ng Asian Development Bank, $254.28 (P13,594) kada buwan ang living wage sa Asya.

Base naman sa 21.5 araw ng pagtatrabaho, P632 ang living wage kada araw.

Ngunit ayon sa pag-aaral ng Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines, nakitang
P327 ang average nominal minimum wage sa buong bansa, at P212 lamang ang tunay na purchasing
power nito.

Dahil dito, hirap ang iilang manggagawa tulad ng cook na si Ogie Alba na habulin ang mga araw-araw na
gastusin.

Hindi na niya mapagkasya ang minimum wage at umuutang pa raw siya ng P2,000 kada buwan para
mapunan ang kanilang mga pangangailangan.

"Ito ngang ulam namin mahigit P200 na bigas pa, dinner pa," kuwento niya.

Mungkahi ng ilang labor groups, kailangan na raw ipantay ang minimum wage sa buong bansa dahil iba't
iba ang minimum wage ng bawat rehiyon.

Ngunit pinanindigan ng National Economic Development Authority (NEDA) na hindi makatuwiran ang
hinihingi ng mga labor groups dahil sa negatibo nitong epekto sa ekonomiya.

"That's out of the question, kasi iba iba ang cost of living sa mga regions eh. You cannot have one
minimum wage policy. It has to be by region," paliwanag ni Socioeconomic planning secretary Ernesto
Pernia.

Dagdag niya, mas maliit lamang ang epekto ng Tax Reclusion Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law sa
5.2 percent inflation rate ng bansa ngayong Hunyo.

Mas malaki pa raw ang epekto ng presyo ng langis sa world market, pagtaas ng presyo ng bigas dahil sa
kakulangan sa supply, at ang pagbagsak ng halaga ng piso kontra dolyar.

Buwelta naman ng labor groups, magsasagawa sila ng malawakang protesta sa State of the Nation
Address ng pangulo sa Hulyo 23 dahil umano sa pagbagksak ng kalidad ng buhay mga manggagawa dulot
ng kapalpakan ng pamahalaan.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News


Bhianca J. Constantino
Mga Manggagawang Pilipino, Tampok Sa 'Motorcycle Diaries'
Published April 30, 2014 7:22am

Tuwing Mayo Uno ipinagdiriwang sa buong mundo ang International Workers’ Day kaya naman espesyal
ang araw na ito para sa mga manggagawa. Ngayong darating na selebrasyon ng Labor’s Day,
kakamustahin ni Jay ang kalagayan ng mga manggagawang Pilipino sa isang natatanging dokumentaryo.

Bahagi ng trabaho ni Ronelo sa loob ng siyam na taon ang paggapang sa mga kanal at imburnal. Tuwing
tag-init halos araw-araw sumusuot sa mga imburnal ang mga tulad niyang declogger para linisin ang mga
burak at basurang nakabara dito. Sinisiguro nila na pagdating ng tag-ulan maayos na makadadaloy ang
tubig sa mga kanal at drainage. Sa isang kinsenas, sumasahod siya ng anim na libong piso mula sa
Department of Public Works and Highways. Pinandidirihan man ng nakararami ang paglusong niya sa
mga drainage na barado ng burak, buong puso naman niya itong ipinagmamalaki. Hindi niya ito
kailanman ikinahiya dahil wala siyang natatapakang sinuman at marangal ang kanyang trabaho.

Sa unang tingin, tila nakadidiri rin ang ginagawa ni Sernan sa tuwing ipinapasok niya ang buong kamay sa
ari ng baka o kalabaw. Isa kasi siyang artificial insemination technician. Sa mahigit isang dekada niyang
pagtatrabaho, 2 beses na siyang kinilala bilang pinakamahusay na artificial insemination technician sa
buong Pilipinas. Kasama rin sa kanyang trabaho ang pagkakapon ng baka, kalabaw at kambing.
Karaniwan mang natatawa o nandidiri ang mga nakakapanuod sa kanyang ginagawa, taas noo naman
niyang pinagbubuti pa ang trabaho. Dahil kasi dito, nakapagpundar siya ng bahay at lupa at napagtapos
ng kolehiyo ang panganay na anak. Ito rin ang kanyang inaasahan para suportahan ang pag-aaral ng 2
pang anak.

Kayod kalabaw naman si Joanna para masuportahan ang kaniyang pitong anak. Siya na lamang kasi ang
nagtataguyod sa mga ito dahil nakakulong ang kanyang asawa. Araw-araw, mula umaga hanggang gabi
laman siya ng kalsada dahil sa pagtitinda. Inuutang lamang niya ang puhunan sa kanyang itinitinda. Pero
kahit halos hindi na magpahinga si Joanna, kulang na kulang pa rin ang kinikita niya. Ang tatlong taong
gulang niya kasing anak na si Jana, may Beta Thalessemia, isang rare disease kung saan napakababa ng
bilang ng hemoglobin sa dugo. Isa sa bawat isandaang libong tao lamang ang tinatamaan ng sakit na ito.
Dahil dito, kinakailangang salinan ng dugo si Jana isang beses sa isang buwan o tuwing labis na
namumutla ang bata. Kapag hindi naagapan, maaari itong magdulot ng komplikasyon sa atay at sa puso.

Katiwala naman sa palaisdaan si Mang Arcing. All around ang trabaho niya sa fishpond dahil bukod sa
pagpapakain ng mga isda at paglilinis ng palaisdaan, kasama rin siya sa humahango ng mga isda tuwing
anihan. Pero higit daw na bumigat ang kanyang trabaho ng magkaroon ng mga Chinese soft shell turtles
sa fishpond na kanyang binabantayan. Peste kung ituring nila ang mga pagong na ito dahil kinakain nito
ang mga maliliit na isda. Kaya bago pa man ito dumami, kanila ng hinuhuli ang mga pagong. Kapag hindi
kasi nila inagapan ang paghuli sa mga pagong, malulugi ang fishpond at wala silang sasahurin. Ang
problema, bukod sa mahirap matunton ang mga pagong, masakit rin itong mangagat.

Joana Mae Diaz


Princes Diane R. Revidizo

Kalagayan Ng Babaing Manggagawa, Pinasahol Ng Kontraktuwalisasyon


Mga manggagawang kababaihang kontraktuwal: Lumalaban na. (Ilang-Ilang Quijano)

Mga manggagawang kababaihang kontraktuwal: Masahol na kalagayan sa paggawa. (Ilang-Ilang


Quijano)

Sa loob ng pitong buwan, tiniis ng 20-anyos na si Monique Romero ang masahol na kalagayan sa isang
pagawaan ng damit sa Valenzuela. Tumigil sa kolehiyo si Monique dahil sa pagnanais na makatulong sa
pamilya, at namasukan bilang trimmer sa Magnificat Garments. Kontraktuwal lamang siya, gaya ng libu-
libo pang kababaihang manggagawa sa bansa.

Binabayaran lamang siya ayon sa dami ng kanyang ginugupit na damit: P3 para sa isang dosena. Kaya’t
kadalasan, nasa P130 lamang ang kanyang sinasahod kada araw. Wala rin silang natatanggap na
anumang benepisyo. Umaabot sa 12 oras ang kanyang trabaho.

Wala ring unyon na maaaring ilaban ang kanilang mga karapatan. Kaya’t noong Setyembre 28,
napakadali rin siyang tinanggal sa trabaho nang dahil lamang sa maliit na pagkakamali.

Ibinabadya ng inaprubahan ng gobyernong Aquino na outsourcing sa Philippine Airlines ang lalong


paglaganap ng kontraktuwalisasyon sa paggawa. Malaki ang implikasyon nito, lalo sa kababaihan.

“Kung saan mga industriya pinakamarami ang kababaihan, dito rin pinakamalaganap ang
kontraktuwalisasyon.” Ito ang inihayag ni Anna Leah Escresa, executive director ng Ecumenical Institute
for Labor Education and Employment (Eiler), sa isang porum kamakailan kasama ang kababaihang
manggagawa mula sa Kamaynilaan at Timog Katagalugan.

Ayon sa pag-aaral ng Eiler, simula noong 1998 ay walang signipikanteng pagtaas sa partisipasyon ng
kababaihan sa labor force o puwersa ng paggawa sa bansa. Nananatiling nasa 49 porsiyento lamang ang
may partisipasyon sa labor force, habang 51 porsiyento ang tinataguriang “hindi aktibo sa ekonomiya.”

Kadalasang hindi binabayaran (unpaid) o hindi kinikilala (unrecognized) ang paggawa ng kababaihan sa
pagsasaka at tahanan.

Samantala, mas masahol naman ang kalagayan ng kababaihang manggagawa, na karamihan ay


kontraktuwal at nakakatanggap ng mas mababang sahod.

Ayon sa datos ng gobyerno, nasa 30 porsiyento ng kababaihang manggagawa ang nasa wholesale and
retail trade, kung saan noong 2008 ay nasa halos 100,000 ang kontraktuwal. Samantala, nasa siyam na
porsiyento naman ang nasa pagmamanupaktura (manufacturing), kung saan mahigit 200,000
manggagawa ang kontraktuwal.
Wala pa ring pagkakapantay-pantay sa sahod. Lumalabas din sa pag-aaral ng Eiler na mas mababa ng
P28 ang sahod ng kababaihang nagtatrabaho sa agrikultura kumpara sa kalalakihan. Sa industriya
naman, mas mababa ang sahod ng kababaihang manggagawa ng P22.

Sa kabila nito, mas mahaba ang oras ng paggawa ng kababaihang manggagawa, nasa 41.2 oras kada
linggo kumpara sa 40.2 oras ng kalalakihan. Lumalabas pa na nasa industriya ng electronics ang
pinakamahabang oras ng paggawa—58.7 oras—kung saan maraming kababaihan ang nagtatrabaho.

Pagkilos ng kababaihang manggagawa kontra kontraktuwalisasyon. (Ilang-Ilang Quijano)

Pagkilos ng kababaihang manggagawa kontra kontraktuwalisasyon. (Contributed Photo)

Laganap na kontraktuwalisasyon

Ayon kay Noel Colina, executive director ng Institute for Occupational Health and Safety, peligroso sa
kalusugan ang karaniwang mga kalagayan sa paggawa ng kababaihan. “Halimbawa na lamang dito ang
pagiging exposed sa lead ng mga nagtatrabaho sa electronics, na karamihan ay babae. Hindi ito basta-
basta naaalis sa katawan,” aniya.

Nakakapagpataas ng posibilidad ng kanser ang paglanghap sa mga kemikal at pagtatrabaho sa gabi, na


nakakapanghina ng immune system. Samantala, sanhi naman ng hypertension ang pagtayo ng mahigit
sa walong oras, ayon kay Colina.

Wala rin umanong maternity benefits na natatanggap ang mga manggagawang kontraktuwal.

Masamang balita

Dahil sa mga banta sa kapakanan ng mga manggagawa ng masahol na mga kondisyon sa paggawa, higit
na mahalaga ang pagkakaroon ng unyon para ipagtanggol ang kapakanang ito. Ngunit ipinagkakait sa
kontraktuwal na mga manggagawa ang pag-uunyon.

Kuwento ni Nora Diloyo, kalihim ng Samahan ng Manggagawa sa EMI-Independent, kabilang sa kanilang


ipinaglalaban sa Collective Bargaining Agreement ang pagreregularisa sa mga manggagawang
kontraktuwal.
Bagaman nasa 4,000 sa 7,000 na manggagawa ang regular sa kompanya ng electronics na
pinagtatrabuhan sa Cavite, halos hindi nadaragdagan ang kanilang bilang.
“Pinipili na lamang ng kompanya na kumuha ng mga apprentice na mas mababa ang sahod at walang
benepisyo,” ani Diloyo.
Sinisisi ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang Labor Code at Order No. 08-02 ng Department of Labor and
Employment (DoLE) para sa paglaganap ng kontraktuwalisasyon. Hindi direktang ipinagbabawal ng Labor
Code ang kontraktuwalisasyon. Legal ito kung sang-ayon sa mga pamantayan na nakasaad saOrder No.
08-02 ng DoLE.
Ngayong inaprubahan ni Aquino ang planong outsourcing ng PAL, nangangamba ang mga manggagawa
sa paglala pa ng kontraktuwalisasyon. “Masamang balita ito para kababaihang manggagawa,” sabi ni
Nitz Gonzaga, pangalawang tagapangulo ng KMU para sa Women’s Affairs.
Jerardwyn Grace R. Peña

Trahedya Sa Mundo ng mga Kontrakwal


Yvonne Fernandez

Hindi biro ang buhay ng isang ordinaryong manggagawang Pilipino. Sabi nga nila, bawat isang
manggagawang Pilipino ay dugo't pawis ang puhunan sa bawat trabahong kanilang ginagawa. Paano pa
kaya ang buhay ng isang kontrakwal na manggagawa? Walang kasiguraduhan na kung pagkatapos ba ng
kanyang kontrata sa kanyang kompanyang pinagtatrabahuhan ay maaari pa siyang makapag-renew muli
ng kontrata. Marami sa ating mga manggagawa ang kontrakwal lamang at karamihan sa ating mga
kababayan ay bulag sa kung ano ang katotohanan sa likod ng buhay ng mga taong ito.

Isang dokyumentaryo na “Bayan ng mga Kontrakwal” ang ipinalabas sa Tanghalang PUP sa Polytechnic
University of the Philippines. Nagsimula ang kwento sa isang instructor na si Silay Lumbera na siyang
nagtuturo sa Unibersidad ng Pilipinas. Kontrakwal siya. “Hindi sigurado.” Ganyan niya inilarawan ang
pakiramdam niya tuwing matatapos ang kanyang kontrata sa paaralan. Nakakalungkot isipin na habang
tinutulungan niyang pumasa ang mga estudyanteng kanyang tinuturuan upang makatuloy sa susunod na
simestre ay siya naman itong walang kasiguraduhan kung makakapag-patuloy pa sa susunod na
pasukan. Sa Unibersidad na pinaka-prominente sa bansa ay mga mga tulad pa ni Silay na kontrakwal pa
rin hanggang ngayon. Isa na rito si Nelin na nakatapos ng kursong BA sa Anthropolohiya at ilang yunits sa
masteral sa Asian Studies. Ipinakilala rin ni Silay si Stephanie na kapwa nila kontrakwal na siya namang
nakatapos ng BA sa Malikhaing Pagsulat sa Filipino at Cum Laude pa. Para bang isinasampal sa mukha ng
mga taong ito na kahit pa anong natapos nila, dahil sa hindi pantay-pantay ang lahat ng tao sa mundo
mananatili silang nasa baba at walang kasiguraduhan ang pag-unlad. Biruin mo nga naman, nakapag-
tapos na nga ng may Latin Honors, kontrakwal pa rin?

Inilarawan ni Nelin ang kalagayan ng isang kontrakwal na nagtatrabaho sa UP. Kapag ang isang
manggagawa ay hindi regular, nakakapanlumo man, ay wala itong benefits na makukuha. Umamin rin
ang mga ito na base sa “Four-Fold Test” ang mga kontrakwal na manggagawa sa UP ay ilegal. Hindi man
kapani-paniwala pero sa loob mismo ng ating pamahalaan ay mayroong 300,000 na kontrakwal na
manggagawa na tulad nina Nelin, Stephanie at Silay. Tiyak na tatatak sa isipan ng mga manonood ang
pahayag na ito ni Silay, “Ang mga manggagawa ba natin ay tulad ng produktong kanilang ginagawa -
mura at pansamantalang gamit?” publiko na lamang ang bahalang humusga.

Nakapanayam ni Silay ang isa pang kontrawal na si Roderick na noon ay nag-trabaho sa kompanyang
AVON. Dito ay isinalaysay ni Roderick ang paraan ng pagtrato ng kompanya sa mga tulad niyang
kontrakwal. Mababa ang sahod, walang mga benefits, hindi naghuhulog ang kompanya sa Social Security
System (SSS) at sapilitang paggawa. Inihayag niya na delikado ang karapatan nilang mga manggagawa sa
loob ng pagawaan ng kompanya.

Sa Valenzuela, ang Kentex, isang pabrika ng pagawaan ng tsinelas ay nasunog. Mahigit 70 na


manggagawa ang nasunog ng buhay sa loob ng pabrika na tila ba mas mura pa sa tsinelas na kanilang
ginagawa ang halaga ng kanilang buhay. At ang nakakagimbal pa sa pangyayaring ito, lahat sila ay
kontrakwal.

Ayon kay Doods Herodias, Deputy Secretay ng Kilusang Mayo Uno, noong panahon ng dating pangulong
Corazon Aquino isinabatas ang Republic Act 6715 o Herrera Law na siyang nagpasa-legal sa
kontrakwalisasyon sa bansa. At iyon na ang naging simula ng pagiging talamak ng kontrakwalisasyon dito
sa Pilipinas. Ayon pa kay Herodias, nasasaad sa ating Labor Code na kapag naka-abot na sa anim na
buwan ang isang manggagawa ay dapat na itong gawing regular ng isang kompanya. Samantala ang
Department of Labor and Employment (DOLE) ay siyang naglabas ng DOLE Order No. 18-A Series of 2011
na siyang nanghihikayat sa mga kompanya na gumawa ng mga “short-term contracts.” Tila ba isa itong
paaran ng gobyerno upang mas lalong panigan ang neo-liberalism sa ating bansa kung saan mas lalong
yumayaman ang mga kompanyang banyaga kesa sa ating mga kababayan. Kinokonsidera rin ito ng KMU
bilang isang paraan ng pagsupil sa maraming karapatan ng mga manggagawa.

Tunay nga na mahalaga na alam ng bawat tao ang kanilang mga karapatan. Importante ito nang sa
gayon, kapag dumating na ang pagkakataon na sila ay nayurakan at kailangan na nilang lumaban ay may
armas silang magagamit. Maging ang mga kontraktual ay may karapatang lumaban dahil marami tayong
batas na magproprotekta sakanila. Kailangan na lamang ng mabilis na aksyon mula sa gobyerno na
siyang lumulutas ng mga problemang tulad nito. Ngunit nasa puso nga ba ng ating pamahaalan ang
pagtulong sa mga kontrakwal o mas isinasapuso nila ang mga paraan para makasabay sa globalisasyon.
Manggawang Pilipino; Handa Sa Hamon Ng Makabagong Panahon
Posted on April 30, 2013

Ang Mayo 1 ay Araw ng mga Mangagawa. Sa araw na ito ay ipinagdiriwang natin ang kagitingan ng
mangagawang Pilipino. Kinikilala natin ang kanilang napakahalagang ambag sa pag-unlad ng ating bansa.
At pinapahalagahan natin ang kanilang pagpupunyagi at pagsisikap na makatulong pa ng higit sa
paglilinang ng maaliwalas na bukas. Kaya naman, kaisa ng mga opisyal at kawani ng Kagawaran ng
Paggawa at Paghahanapbuhay, malugod kong pinapaabot ang isang maliiit na pagbati sa lahat ng kapwa
ko manggagawa na nasa pribado ng publikong sector, sa loob at labas ng bansa.

Ang manggagawang Pilipino ay katuwang natin sa pagbabago. Masipag, buo ang loob, at may matatag
na pananalig sa sarili at sa Panginoong Diyos. Dahil dito, kinikilala ang kaniyang husay at abilidad, hindi
lamang dito sa Pilipinas, kundi maging sa iba’t ibang panig ng daigdig. Anumang pagsubok ay kaya
niyang harapin at pagtagumpayan maabot lamang ang kaniyang mga pangarap para sa sarili, para sa
pamilya, at para sa bayan.

Ang Araw ng Paggawa sa taong ito ay may temang, Manggagawang Pilipino: Handa sa Hamon ng
Makabagong Panahon. Ito ay pahayag na bagama’t marami na tayong pinagdaanan, napanday ang loob
at diwa ng manggagawang Pilipino ng mga karanasang nagbigay-aral at tunay na nagpatatag sa atin.

Disente at sapat na trabaho para sa lahat – ito ang pangarap na nais makamit ng ating Pamahalaan.

Dalangin ko na ang pagdiriwang ng Araw ng Paggawa sa taong ito ay maging makabuluhan para sa lahat
ng manggagawang Pilipino. Hangad ko ang patuloy nilangkagalingan, sa pangangatawan at sa pag-iisip.

Ikinararangal kong maging isang Pilipino, isang mangagawang Pilipino.

Jhayvie Ann R. Perilla


Mga MANGGAGAWA NAGPROTESTA SA Araw NG MGA Bayani
ABS-CBN News
Posted at Aug 27 2018 09:24 PM

Nagsagawa ng kilos-protesta nitong Lunes ang ilang grupo bilang paggunita sa Araw ng mga Bayani para
kondenahin ang mga "pasakit" anila sa mga manggagawa.

"Ginugutom na tayo sa TRAIN law at tumataas ang presyo, walang ginagawa, patuloy pa rin ang
kontraktuwalisasyon at ang mga manggagawa ay ginagawang kriminal," sabi ni Atty. Luke Espiritu,
pangulo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP).

Bilang pagpapakita ng protesta ay sinira ng grupo ang effigy ni Pangulong Rodrigo Duterte habang
nagmamartsa patungong Mendiola.

Nais ng grupo na magkaroon ng umento sa sahod at gawing regular ang mga manggagawa sa kanilang
mga trabaho.

Gusto rin nila na kilalanin ang mga karapatan at bigyan ng proteksiyon ang mga manggagawa.

Isinusulong din ang sosyalismo bilang alternatibo anila sa panukalang pederalismo.

"Kung ang sinasabi ni Duterte ay ang alternatibo niya para gumagaan ang buhay ng mga mamamayang
Pilipino at manggagawang Pilipino ay pederalismo, 'yan ay huwad," ani Espiritu.

"Siguro simula ngayon panahon na rin na pag-usapan ang tunay na alternatibo at 'yan 'yong sosyalismo,"
dagdag niya.

— Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Liza Mae T. Pantoja


KILUSANG WELGA, SUMUSULONG
Welga ang sagot ng mga manggagawa sa tuluyang pagtalikod ni Duterte sa pangakong ibabasura ang
kontraktuwalisasyon. Di sila patitinag sa pasismo.

Ramdam sa hanay ng mga mang- gagawa ang ligalig. Sa nagdaang mga buwan ng taong 2019, may
paglaganap ang paglulunsad ng mga welga at protesta ng mga manggagawa. Halos magkakasunod na
pumutok ang mga welga mula Hunyo hanggang sa maagang bahagi ngayong Agosto.

Paglaban sa kontraktuwalisasyon at labor-only contracting, mababang pasahod, tanggalan sa trabaho,


union busting at iba pang unfair labor practices ng mga kapitalista ang naging pangunahing batayan ng
mga nasabing welga.

‘Welga kami!’

Isa sa naunang naglunsad ng welga ang mga manggagawa ng Zagu Foods Corporation, na ipinutok noong
madaling araw ng Hunyo 6 sa Pasig City.

Pinangunahan ng Organization of Zagu Workers-Solidarity of Unions in the Philippines for Empowerment


and Reforms (Organiza-Super) ang may 250 manggagawa upang labanan ang diumano’y ilegal na labor-
only contracting ng kompanya at unfair labor practices nito. Walang inabot ang negosasyon – na
nagsimula pa ng Enero ng kasalukuyang taon – sa pagitan ng mga manggagawa at manedsment kung
kaya’t nagpasya ang unyon upang ilunsad ang nasabing welga.

‘Di maayos na kalagayan sa paggawa at tanggalan sa trabaho ang naging batayan ng Pepmaco Workers’
Union-National Federation of Labor Unions (Naflu)-Kilusang Mayo Uno (KMU) sa pagwewelga na
nagsimula noong Hunyo 24. Ayon sa unyon, sa nakalipas na 15 taon, nananatiling P373 ang kanilang
sahod at walang natatanggap na benepisyo sa kabila ng pagtatrabaho ng 12 oras kada araw ng Peerless
Producers Manufacturing Corp. (Pepmaco) sa Calamba, Laguna. Bukod pa rito ang pagtatanggal ng may
64 empleyado, kasama ang mga lider ng unyon.

Isang buwan matapos ng welga sa Pepmaco, sinundan ito ng welga ng mga manggagawa sa planta sa
Laguna ng NutriAsia. Nagbarikada at naparalisa ng may 400 manggagawa, sa pangunguna ng Kilusan ng
Abanteng Sektor ng Anakpawis NutriAsia (Kapisana)- Olalia, ang operasyon ng planta noong umaga
Hulyo 6. Iginigiit ng mga welgista ang pagpapatupad ng desisyon ng Department of Labor and
Employment (DOLE) Region IV-A na iregularisa ang mga manggagawa.

Magkasabay naman na ipinutok noong Agosto 6 ang welga ng kontraktuwal na mga manggagawa sa
Monde Nissin sa Laguna at Super 8 sa Pasig City.

Nagbarikada ang mga unyonista sa ilalim ng Monde Nissin Labor Association upang labanan ang patuloy
na kontraktuwalisasyong ipinapatupad ng Monde Nissin at ang hindi pagkilala ng manedsment nito sa
kanilang unyon.
Pagtatanggal ng 200 manggagawa at panggigipit sa unyon naman ang dahilan ng Unyon ng mga
Manggagawa sa Super 8 upang ilunsad ang kanilang welga. Ayon sa Defend Job Philippines, isang
network na tumutulong sa mga manggagawa sa Kamaynilaan, kahina-hinala ang biglaang pagtatanggal
ng Matapat Service Cooperative, ahensiya ng Super 8, sa mga manggagawa at mga unyonista.

Naging aktibo nitong nagdaang mga buwan ang mga manggagawa sa paglulunsad ng mga pagkilos sa
kanilang pinagtatrabahuhan upang ipanawagan ang kanilang regularisasyon.

Napipinto rin ang welga sa iba pang bahagi ng bansa. Naghain noong Hulyo 25 ng notice of strike ang
The Philippine Agricultural, Commercial and Industrial Workers Union-Trade Union of Congress of the
Philippines (Paciwu-TUCP). Ayon sa Paciwu-TUCP, nadedelay ang paglalabas ng retirement pay,
separation pay, mga benepisyo at union dues ng mga unyonista.

Saklaw ng unyon ang mahigit 6,000 manggagawa ng Vallacar Transit Inc. (VTI), na subsidyaryo ng Yanson
Group of Bus Companies, pinakamalaking kompanya ng bus sa buong bansa.

Samantala, naglunsad ng strike vote ang mga kasapi ng Silliman University Faculty Association (SUFA)
noong Hulyo 2. Mayorya ng mga kasapi ay bumoto pabor sa paglulunsad ng welga laban sa manedsment
ng Siliman University. Bunsod ito ng di pagsalubong ng manedsment sa Collective Bargaining Agreement
(CBA) na nakasentro sa karagdagang sahod ng mga empleyado.

Nagkamit naman ng tagumpay ang higit dalawang taong welga ng mga manggagawa ng Sumifru sa
Compostela Valley laban sa kontraktwalisasyon, union busting, militarisayson at martial law sa
Mindanao matapos maglabas ng reinstatement order noong Hulyo 22 ang National Labor Relations
Commission (NLRC).

Gayunpaman, nagmama- tigas pa rin ang management ng Sumifru na ipatupad ang utos ng NLRC na
ibalik sa trabaho ang ilegal na tinanggal na mga manggagawa. Nitong Agosto 17, minarkahan ng isang
programa sa Commission on Human Rights (CHR) ang pagbalik ng mga manggagawa ng Sumifru sa
Compostela Valley para doon ituloy ang kanilang laban matapos ang isa’t kalahating taong kampuhan
nila dito sa Kamaynilaan.

Tampok din ang naging mga tagumpay ng ilang welga ng manggagawa sa nagdaang mga buwan. Hindi
pa natatapos ang araw mula nang ilunsad ang welga, napagtagumpayan ng mga manggagawa ng Monde
Nissin ang kanilang kahilingan. Nakipagkasundo ang manedsment sa unyon, kasama ang DOLE at lokalna
gobyerno ng Sta. Rosa, na aaksyunan ng nauna ang usapin ng kontraktwalisasyon.

(Bago ilathala ang isyung ito, pumasok ang balita na muling nagtanggalan sa mga manggagawa sa
Monde Nissin – kung kaya balak ipagpatuloy ng huli ang welga. -Ed.)

Nakabalik naman sa trabaho noong Hulyo 26, alinsunod sa utos ng NLRC, ang mga manggagawa ng Yin
Gang Motorcycles, pinakamalaking tagamanupaktura ng mga motor ng RUSI Philippines.

Christine Joy L. Rey


Liajhi Cristonie M. Manuba

PROTESTA AT KAWALAN NG TRABAHO


by Priscilla Pamintuan
May 2, 2019

Malinaw sa datos na mga polisiya sa ekonomiya na pinakikinabangan lang ng iilang mayaman ang
dahilan ng malawakang unemployment.

Inuulit lang niya ang matagal nang sinasabi ng mga nasa gobyerno, lalo na ng mga nasa pulisya at militar,
hinggil sa lumalabang mga manggagawa.

“Paano nila masasabing kontra-manggagawa kami (mga pulis)? Baka sila ang kontra-manggagawa,” sabi
ni Philippine National Police Chief Gen. Oscar Albayalde, sa isang press conference sa Kampo Crame
noong Abril 29.

Sabi ni Albayalde, mga miyembro ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang dahilan ng kakulangan ng trabaho sa
bansa. “Bakit po ba umaalis ang mga investors sa atin? Papasukin ng KMU, i-i-instigate ’yung unyon, at
magrarali sila ’Yung investor mawawalan ng gana, uuwi sa kanila,” sabi ng heneral.

Nagreresulta umano ang mga protesta ng KMU sa pagkawala ng libu-libong trabaho.

Reaksiyon ang naturang press conference ni Albayalde sa inilabas ng KMU na “Anti-Worker Matrix”
noong nakaraang Sabado, Abril 27. Dito, makikita si Pangulong Duterte bilang sentro ng paglala ng
kalagayan sa paggawa sa bansa. Kasama rin sa matrix ang mga miyembro ng gabinete tulad ni Budget
Sec. Benjamin Diokno, ang tagapagsalita ng pangulo na si Salvador Panelo, ang mga kandidato ng
administrasyon sa pagkasenador na sina Ronald “Bato” dela Rosa at Christopher “Bong” Go, at iba pa.

Kasama rin sa naturang matrix ang mga opisyal ng PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP). Pati si
Albayalde mismo.
KONTRA TAAS-PRESYO NG BILIHIN
by Silay Lumbera, Peter Joseph Dytioco at KR Guda
October 10, 2018

Balikan ang mga dahilan ng walang-tigil na taas-presyo ng bilihin, ano ang kagyat na lunas at bakit dapat
kumilos para masakatuparan ang mga ito.

Hindi maitatanggi: papatindi nang papatindi ang krisis sa ekonomiya ng bansa. Kapansin-pansin at
ramdam na ramdam ang tuluy-tuloy na taas-presyo ng mga bilihin.

Noong Setyembre 2017, nasa P100 ang kada kilo ng bangus. Ngayon, nasa P140 na, ayon sa Manila Price
Bulletin. Ang presyo ng manok, P90 kada kilo, pero ngayon P115 na. Ang presyo ng kamatis, mula P28 ay
nasa P60 na kada kilo. Katunayan, umabot na sa 6.7 porsiyento ang inflation (o pagtaas ng presyo ng
mga bilihin) sa bansa ngayong Setyembre 2018. Ito ang pinakamataas na inflation sa loob ng siyam na
taon. Mas mataas ito sa 6.4 porsiyentong inflation noong Agosto 2018.

Pero kayang maampat ang walang habas na taas-presyo ng batayang mga bilihin. Ito ang sabi ng
progresibong mga ekonomista at eksperto, kaugnay ng papalalang krisis sa ekonomiya sa bansa. Kaya,
kung gugustuhin ng gobyerno. Pero maraming dahilan kung talagang ayaw masolusyonan ito.

Pagkontrol sa presyo ng batayang mga bilihin (langis at mga pagkain) ang isa sa mahigpit na
iminumungkahi ni Sonny Africa, executive director ng Ibon Foundation, progresibong institusyon sa
pananaliksik. Gayundin ang sabi ng iba’t ibang organisasyong masa, katulad ng Kilusang Magbubukid ng
Pilipinas (KMP), Gabriela, at iba pa.

At naaayon ito sa batas. Nakasaad sa Section 7 ng Republic Act No. 7581 o ang Price Act of 1992 na
maaaring magrekomenda ang National Price Coordinating Council (NPCC) sa Pangulo na magtakda ng
price ceiling (o limit sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin) tuwing umaabot na sa di-makatwirang antas
ang mga presyo.

“Kailangang kagyat na magbigay ng ayuda ang gobyerno sa milyun-milyong mahihirap na Pilipinas at


iyung nasa panggitnang uri. Kabilang dito ang agarang pagkontrol sa presyo, pagtigil sa pagbubuwis sa
paggastos sa ilalim ng Train (Tax Reform for Acceleration and Inclusion) at nakabubuhay na dagdag-
sahod,” sabi ni Africa. “Dapat ding gumawa ng mga hakbang para mapalakas ang domestikong
agrikultura at industriyang Pilipino.”

Pero sa halip na gawin ito, ang ipinapatupad ng rehimeng Duterte: walang habas ding pag-aangkat ng
bigas. Ang kinababahala ngayon ng mga magsasaka, lalong sumadsad ang kabuhayan nila at lalong
masadlak sila sa hirap – silang mayorya ng mga Pilipino na nakatali sa agrikultura ang kabuhayan.

Jhensen Z. Quindoza
PANGANIB SA TRABAHO
by Kenneth Roland A. Guda
September 4, 2018

Dagdag na armas-legal ang RA 11058 o Occupational Health and Safety Law ng mga manggagawa para
igiit ang kaligtasan nila sa trabaho. Pero mapagpasya pa rin ang sama-sama nilang pagkilos.

Araw dapat nila noon, araw ng lahat ng katulad niya. Sa halip, naranasan ni Mae Ann Gausit, 30, ang
pinakamasakit at malupit na karansan sa kanyang buhay noong Mayo 1, 2018, Pandaigdigang Araw ng
Paggawa.

Nagtatrabaho siya sa isang pabrikang gumagawa ng mga materyales sa konstruksiyon, ng iba’t ibang
parte sa bahay na gawa sa bakal at plastik. Matatagpuan ito sa sinasabing “plastics capital” o sentro ng
mga pagawaan ng plastik sa bansa—Valenzuela City.

Walang pasok o holiday dapat ang Mayo 1. Pero ang iba sa mahigit 30 manggagawa sa pabrika,
inobligang magtrabaho. “In-alternate nila (kami). Halimbawa, holiday ngayon, papasukan pa namin, sa
sunod na araw, wala po kaming pasok. Hindi siya double pay, o wala po siyang (dagdag na) bayad,”
paliwanag ni Mae Ann.

Alas-singko ng hapon noon. Door pad (iyung nakapatong sa door knob sa ilang mamahaling pinto)
tinatakbo ng mga makina. Operator si Mae Ann ng isa sa mga makina na nagmomolde ng door pad.

“Pagkuha ko (ng door pad), yung dulo ng damit ko, pumasok sa switch,” kuwento niya. Hinawi niya ang
damit niya. Nahatak ang switch. Ang nakabukas ang dalawang nag-uumpugang bakal na nagmomolde ng
door pad, biglang nagsara. Sakto, nasa gitna pa ang kaliwang kamay niya.

“Noong panahong iyon, ako lang ang nasa machine. Wala kaming kasamahan kasi holiday. Wala rin
‘yung boss namin. Wala rin ‘yung operator,” aniya.

Durog ang kamay ni Mae Ann. Nakalaylay ang natitirang laman at buto, pero hindi pa gaanong
dumudugo ito. “Tumakbo ako palabas, dala-dala ko pa yung kamay ko. Hawak-hawak ko,” sabi pa niya.
Humingi siya ng saklolo sa nagulat niyang mga kamanggagawa. Maya-maya, nawalan na siya ng malay.

Dinala si Mae Ann sa sasakyang pang-delivery ng kompanya. Hindi man lang nakatawag ng ambulansiya.
Mula sa Valenzuela, tinakbo si Mae Ann sa Philippine Orthopedic Center. Isang oras din ang tinagal ng
biyahe. Pumila pa siya, sa dami ng pasyente.

Mariah Alessy S. Jao


Yvan Josh R. Par

DUGUAN, LUMALABAN
by Kenneth Roland A. Guda
August 2, 2018

Hiling lang nilang tupdin ang pangako ng Pangulo, ang mairegularisa sa trabaho. Matapos ang muling
pandarahas sa kanilang piketlayn, lalong tumapang ang mga manggagawa sa NutriAsia. At suportado sila
ng marami.

Halos dalawang buwan na silang tinataboy, dinidispers, tinatakot. Noong araw na iyon, alas-tres ng
hapon ng Hulyo 30, Lunes, habang nagsasagawa ng ecumenical mass ang mga manggagawa at
tagasuporta nila, nagpatugtog nang malakas ang mga bantay ng planta ng NutriAsia sa Marilao, Bulacan.

“Wala silang patawad. Nagpatugtog pa ng ‘Budots,’” kuwento ni Reynante Godinez, 38, tumatayong
tagapagsalita ng Nagkakaisang Manggagawa ng NutriAsia – Marilao Plant (NMN Marilao). Maingay na
tugtog pangsayaw ang “Budots.” Nangungutya ba ang manedsment sa kalagayan ng mga manggagawa
bilang kontraktuwal at tinanggal sa trabaho? Ang ibig sabihin kasi ng “budots”, tambay, walang trabaho.
Pinauso ito ng mga tambay sa Davao City.

“Nakakuha sila (manedsment) ng permanent injunction ordersa korte laban sa piketlayn namin. Dahil
doon, nagdesisyon kami na ‘yung araw na ‘yun ay huling araw na namin (sa piketlayn). Kaya nagdesisyon
kami na magpamisa. Para makita na hindi pa naman namin isinusuko ang laban,” kuwento ni Reynante.

Patapos na ang misa noon, at nagsalita na lang ang mga lider para magbigay ng mensahe sa mga
manggagawa.”(May) puwersa na sa amin (ang mga security). Naghanay kami. Dinikdik kami sa gilid.
Nung pagsabi natin na ipuwesto sa hanay, dinikdik kami nang dinikdik,” aniya.

Humanay ang mahigit 50 securityng NutriAsia. Armado ito ng malalaking truncheon at yantok. Sa
kanilang hanay, mga pulis ng Bulacan. Isa sa mga nagkokomand, ang mismong hepe ng Philippine
National Police (PNP) sa Meycauayan, Bulacan, si Supt. Santos Mera Jr.

“Mga siyam na minuto lang ang itinagal ng dispersal,” kuwento pa ni Reynante. Ang isang bahagi ng
piketlayn, napaupo habang nagpopormasyon ang mga security at pulis. Pinaghahampas ng mga security
ng kanilang truncheon ang nakaupong mga tao.

Nasa nakaupong hanay ng mga tao si Aling Leticia Retiza, 56, taga-Bulacan na miyembro ng Kalipunan ng
Damayang Mahihirap o Kadamay, isa sa maraming tagasuporta ng piketlayn ng mga manggagawa sa
NutriAsia. Sa bidyo ng AlterMidya (alternatibong media network na nagkober noon sa piketlayn), nakita
si Aling Leti na nakikiusap sa mga security. “Walang sakitan!” paalala niya. Ayon sa mga saksi, nang
magkagulo, tinamaan siya ng malaking bato na mula sa hanay ng security.
Tuluy-tuloy na ang dispersal. Tulak, hampas ng yantok at truncheon ang inabot ng mga taong nasa
piketlayn. Nandito ang mga manggagawa, kaanak nila, tagasuporta (nandoon ang ilang miyembro ng
Anakbayan tulad nina Mark Quinto at Einstein Recedes, pangkalahatang kalihim ng organisasyon).

Kasabay ng paghahampas ang pagdampot ng mga security at pulis sa mga tao. Kinuha sina Mark at
Einstein, at iba pa. Kinaladkad habang sumisigaw si Jon Bonifacio, estudyante ng BS Molecular Biology
and Biotechnology at isang campus journalist sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman. Hinaltak ang mga
manggagawa at ilang tagasuporta.

Hinaltak at nakaladkad din si Fr. Rollie de Leon, Katolikong pari na siyang isa sa mga nangasiwa sa misa.
“Ang hitsura (noon) ni Fr. Rollie, parang ginahasa,” kuwento ni Fr. Marvin de Leon (walang relasyon),
pari ng United Methodist Church na isa rin sa mga nangasiwa ng misa. Luray-luray ang damit ng pari.
“Kinaladkad, hinila siya. May sumigaw lang na ‘taong-simbahan iyan’ (kaya natigil).” Ani Fr. Marvin,
nagsasalita si Fr. Rollie sa sound system: “Sino po ang ground commander?” Pinagpatayan siya ng sound
system. Kinuha ng mga security at pulis ang gamit na ito.

“Pati ‘yung crucifix at altar na ginamit namin (sa misa), di na nirespeto, nawasak ‘yun, Binalibag din ‘yung
krus. Hindi namin alam kung nasaan na,” ani Fr. Marvin.

Samantala, nandoon din at nagkokober ang ilang miyembro ng alternatibong midya, ang AlterMidya at
Radyo Natin-Guimba. Sina Eric Tandoc at Hiyasmin Saturay, dalawang documentary filmmakers na
nagsisibling correspondents ng AlterMidya, gayundin ang isa pang correspondent na si Avon Ang at ang
intern nitong si Psalty Caluza, estudyante sa UP College of Mass Communication.

Sa mga video ng dispersal, mula mismo kina Eric, Hiyasmin, at kay Jek Alcaraz ng Radyo Natin-Guimba, at
sa mga miyembro ng Anakbayan at mismong mga manggagawa, nakita na tahimik na nagkokober ang
mga miyembro ng midya nang hulihin sina Eric at Hiyasmin. Kinumpiska pati ang mga gamit nila, na
tinatayang nagkakahalagang P100,000. Si Avon, tinutulungan ang sugatang si Aling Leti nang pati siya’y
damputin.

“Umatras lang nang ilang metro ang mga manggagawa para malaman kung sino ang mga nasaktan o
nadampot,” ani Reynante. “Inalam namin kung sino ang nagtago sa mga bahay (sa palibot ng
piketlayn).”

Tapos na ang dispersal at nakaatras na ang mga manggagawa. Pero nagbahay-bahay pa ang mga pulis at
guwardiya, kuwento pa ni Reynante. “Iyung iba, nasa ibang lugar na, hinabol pa rin nila. Yung mga bahay
na inupahan ng mga manggagawa, mga apartment, pinuntahan nila, pinasok. Kinuha ang mga tao na
nandoon,” aniya. Di niya tiyak kung ilan, pero may mga nakuha sa mga bahay na nakasama sa 19 na
kinulong ng pulis.

“Yung manedsment, pinuntahan ‘yung mga bahay na malalapit dun sa piketlayn. Kinausap ang mga may-
ari ng mga bahay para paalisin (ang mga manggagawa),” ani Reynante.

Dinala sa PNP Meycauayan ang 19 katao, kasama sina Eric, Hiyasmin, Avon, Psalty, Jon, Einstein, at
Mark. Gabi na nang matunton ng rumespondeng paralegal team at mga tagasuporta.
Madaling araw na rin nang dalhin sila sa Malolos Provincial Hospital para ipasailalim sa medico-legal
exam. Umaga na nang dalhin sila sa piskal para sampahan ng “reklamo” ng mga pulis. Nadagdagan din
sila. Isang Edwin Barana ang pinakilala ng mga pulis sa midya. Kasama raw ito ng mga nagpiket.
Nakuhanan daw siya ng baril at mga sachet ng shabu.

Pero sa pakikipag-usap sa piskal ng Meycauayan, inamin ni Barana na napuwersa lang siyang umamin sa
bintang. Taong 2016 pa umano siya nakakulong. Binugbog siya ng mga pulis para puwersahing magsalita
sa midya at sabihing bahagi siya ng mga nagpipiket noong araw na iyon.

Dalawang araw pa matapos, Agosto 1, nang mapalaya ang 19 dahil wala namang kasong maisampa ang
piskal laban sa kanila. Ibinalik umano ng piskal sa pulisya ang kaso para sa preliminary investigation dahil
hindi niya matanggap ang mga “ebidensiya” ng pulis laban sa 19.

Sa estasyon sa radyo na DZBB noong araw na iyon, Agosto 1, tumawag si Thelma Meneses, tagapagsalita
ng NutriAsia. Nanawagan siya sa publiko na sana marinig daw ang panig nila. Kahit pa sa mga coverage
ng balita sa telebisyon, tila mas sila na nga at ang mga pulis ang nakakapanayam at nakukuhanan ng
bersiyon ng pangyayari.

“Sana marinig din ang hinaing namin. May nanggugulo lang sa kanila. Nagaganap noon ang mediation sa
Department of Labor and Employment,” apela ni Meneses. “Marami kaming tiniis sa mga negosasyon.”

Pero kumalat na sa social media ang balita ng marahas na demolisyon. Kumalat ang larawan ng duguang
mukha ni Aling Leti. Kumalat ang video ng AlterMidya at Radyo Natin-Guimba, at Anakbayan. Umigting
na ang panawagang pagboykot sa mga produkto ng NutriAsia. Hindi mapasusubalian: Mapayapa ang
piketlayn nang inatake ito ng mga security at pulis. Sobrang dahas ang ginamit sa mga tao. Ang masama
pa, kinulong at tinangkang kasuhan ang 19, pati na ang mga miyembro ng midya na nagkokober sa
pangyayari.

“Puwede namang mag-usap nang mapayapa. Kapwa namang Pilipino. Legal naman ang piket ng mga
tao. Iyung (misa) naman ay thanksgiving. Humingi sila ng tulong sa taong-simbahan para magdaos ng
panalangin,” ani Fr. Marvin.

Itutuloy ng mga manggagawa ang piketlayn, sabi ni Reynante. Regularisasyon sa NutriAsia at hindi sa
mga ahensiya ang hiling nila. Kung may nagbago man sa kanila matapos ang pangyayari, mas buo ang
loob nila ngayon.

May ulat nina Jennelie Francisco at Ryan Plaza

You might also like