You are on page 1of 6

BARKO

ni: Nonilon Jr. A. Ariscon

Bahagya nang nagpapakita ang liwanag ng buwan. Sa mabining ihip ng hangin, sabay na
nagpapalutang-lutang ang isang maliit na bangka na kinalululanan naming mag-ama. Malapit nang
mag ikasampu ng gabi at hapung-hapo na ang katawan ko kung kaya’t napaidlip na lang ako.
Patuloy sa pagsagwan ang aking ama, pabalik-balik at paikot-ikot sa aming lambat na nakalubog
sa dagat, umaasang marami kaming makukuhang isda.

Magpipitong taong gulang na ako at pangarap kong makapag-aral. Dahil dito, tumutulong
ako lagi sa aking ama sa pangingisda. Nais kong mabawasan kahit papaano ang hirap niya sa
pamamagitan ng tulong ko. At ito rin ang dahilan kung bakit nagkakayod ang aking ama. Gusto
niyang makapag-aral ako at magkaroon ng magandang kinabukasan. Kung dangan kasi at namatay
ang Inay sa panganganak sa akin, may katuwang sana ang Itay sa pagtataguyod sa kanilang nag-
iisang anak, at ako nga iyon.

“Anak, Anak, gising na. Nariyan na ang barko, malapit nang dumaan sa atin,” sabay
yugyog ng Itay sa akin. Mahimbing na kasi akong natutulog. Dumilat ako bigla at sabay tingin sa
direksyon ng barko. Malapit na nga ito at kitang-kita ko na ang pangalan ng barko sa unahan nito,
Super Ferry!

“Tay, kailan kaya ako makasasakay sa ganyang kalaking barko, ‘no? Gusto ko, paglaki ko
Tay maging kapitan ng barko. Gusto kong mag-aral nang mabuti para maisakay rin po kita sa
barkong ako ang kapitan. Sarap siguro ng buhay kapag naging kapitan na ako ng barko, ‘no?” Sabi
kong nakapagkit ang mga mata sa daraang barko.

“Yaan mo, anak. Ngayong pasukan, mag-aaral ka na. At pagbutihin mo ang pag-aaral para
marating mo ang gusto mo sa buhay. Para maging kapitan ka ng barko. Lagi kang manalangin sa
Diyos na nawa’y tulungan Niya tayo na marating ang gusto mo sa buhay. Kung sana’y buhay
lamang ang iyong Inay.” Sagot ni Itay sa’kin na ramdam kong nangungulila kay Inay.

“Lagi naman po akong nananalangin, Itay. Saka, alam ko po, ‘di rin tayo pababayaan ni
Inay. Saan man siya naroroon ngayon, alam kong lagi niya akong binabantayan.”

Malayo na sa amin ang barko ngunit hatid pa rin ito ng aking tingin. Mula noong nakasama
ako kay Itay tuwing siya’y mangingisda at nakita ko ang barkong iyon, lagi na akong sumasama
sa kaniya. Nakatutulong pa ako kahit papa’no.

Umuwi kaming mag-ama nang madaling araw na maraming kuhang isda. Masayang-
masaya ako dahil madaragdagan na naman ang aming ipon para sa aking pag-aaral. Pagdaong pa
lang namin, nakaabang na ang mag-aangkat ng kuha namin, kaya ‘di na namin kailangan ang
ipagbenta pa ito sa bayan.

Sa Baryo ng Nipa kami nakatira, isang maliit na barangay ng Palanas sa lalawigan ng


Masbate. Maliit na dampa lamang ang aming tinitirhan ngunit malinis ito ‘pagkat masinop ako sa
bahay. Lagi ko itong nililinis sa umaga pagkagaling namin sa laot. Kahit bata pa ako noon, nasa
murang edad ko na ang pagiging “matandang” mag-isip. Lagi ngang sinasabi ng matatanda na may
mararating daw talaga ako sa buhay. Naiiba raw kasi ako sa lahat ng mga kabataan sa baryo namin.
Matalinong bata raw kasi ako, mabait, matulungin at laging may takot sa Diyos. Hindi ko nga
nagisnan ang aking Inay ngunit masaya akong kasama ang Itay. Sa mura kong edad, naiintindihan
ko na kung bakit wala na ang Inay. Lagi kasing sinasabi ng Itay na ang buhay sa mundo ay walang
kasiguraduhan. Hindi natin alam kung kailan babawiin ng Maykapal ang ating buhay. Kaya
hangga’t may buhay pa tayo, gamitin natin ito sa mga makabuluhang bagay.

Si Dodong ang nag-iisa kong malapit na kaibigan. Ito lamang ang nakakaintindi kung bakit
hindi ako laging nakakapaglaro sa mga kapwa ko bata. Lagi kasi akong abala sa aming bahay. Sabi
nga ng tatay ko sa’kin, maglaro naman daw ako minsan, ‘wag lagi sa bahay. Marami raw akong
bagay na mami-miss sa pagiging bata.

Opo, minsan, pinagbibigyan ko ang kahilingan ng aking pagiging bata. At sa oras na iyon,
masayang-masaya kami lagi ni Dodong. May kaya kasi sa buhay ang pamilya ni Dodong ngunit
‘di ito naging hadlang para maging magkaibigan kami. Mabait din kasi siya sa akin. Lagi nga
akong dinadalaw sa bahay. Siyam na taong gulang na siya samantalang ako, eh, magpipitong taong
gulang pa lang. Ngunit malapit talaga kami sa isa’t isa. Nag-aaral na siya sa Elementarya ng Nipa,
nasa ikatlong baitang.

“O, anak, nasa labas ng kuwarto si Dodong, laro raw kayo. May dala siyang meryenda,”
tawag sa akin ng Itay. Isang hapon iyon. Katatapos lamang namin ni Itay mag-ayos ng lambat na
gagamitin namin sa pangingisda. Magpapahinga sana ako sandali noon sa kuwarto ko. Lumabas
ako at nakipaghuntahan kay Dodong. Pakiramdam ko no’n, kasing edad ko lamang siya. Hahaha!

Kinain namin ang dala niyang pagkain habang nagkukuwentuhan. Lagi niyang pinagbibida
sa akin ang mga ginagawa niya sa paaralan. Kaya lagi akong nakikinig sa mga kuwento niya.
Masaya raw talaga mag-aral. At pag nag-aral na raw ako, sabi niya, dapat lagi raw kaming
magkasama.

Sa mga kuwento niya, ramdam kong masaya talaga ang mag-aral. At dahil bata pa nga ako,
‘di ko talaga maiwasan ang hindi mainggit sa kanya, ngunit lagi niya namang sinasabi sa’kin na
huwag daw akong mag-alala at makakapag-aral daw ako.
Sumapit noon ang pasukan. Sinamahan ako ng Itay sa pagpapa-enrol sa Elementarya ng
Nipa. Unang araw ko sa paaralan, si Dodong ang naging kasama ko. Lagi rin niya akong hinihintay
sa uwian. Malapit lang naman ang paaralan sa bahay namin ni Dodong, isa’t kalahating kilometro
lang naman. Ngunit nilalakad lang namin ito pagkat gusto naming magtipid, at
makapagkuwentuhan na rin nang kung ano-ano sa daan habang pauwi kami.

Pagdating sa bahay, wala na akong masyadong ginagawa. Nakahanda na kasi ang lahat. Si
Itay na ang gumagawa ng mga dati kong ginagawa. Asikasuhin ko na lang daw ang pag-aaral ko,
sabi ng Itay. Pero, ‘di ko puwedeng ibigay sa kanya lahat ng gawain. Nasanay na kasi ako, eh.
Bata nga ako, ngunit marunong na akong magluto at maglinis ng bahay. Wala kasi kaming ibang
kasama ni Itay sa bahay.

Bawat gabi, kahit hindi na ako pinapayagan ni Itay na sumama sa laot, nagpipilit ako. At
kahit papaano, pinapayagan ako ng Itay. Basta raw ba ‘wag ko lang pababayaan ang pag-aaral ko.
Alam kong alam niya kung bakit gustong-gusto kong sumama lagi sa laot. Ang makita ang barkong
noon ko pa laging inaabangan sa tuwing nasa laot kami ng Itay.

Lumipas ang anim na taon na walang nagbago sa takbo at ikot ng buhay namin. Sa umaga,
nasa paaralan ako. Ako na lang mag-isa noon. Haiskul na ako. Sa Mataas na Paaralan ng Nabangig
ako nag-aaral. Hindi ko na nakakasama si Dodong dahil nasa siyudad na siya nag-aaral. Kolehiyo
na kasi. Sa gabi, nasa laot ulit kami ng Itay, magkasama. At ganoon pa rin tulad ng dati, inaabangan
ko ang barko. Mahina na ang pakuha ng isda, kung kaya’t minsan eh, wala kaming makuha ni Itay.
Kung bakit kasi nauso ang dinamita. Naiinis ako noon, pero wala kaming magawa ni Itay. Kaya
kung minsan, minamalas kami at umuuwi ng madaling-araw na walang kuha.

Natapos ko ang aking pag-aaral sa haiskul na may karangalan. With flying colors, wika nga
ng iba. Malapit na ring magtapos ng kanyang pag-aaral si Dodong. Kahit nasa siyudad siya, ‘di
siya nakakalimot na ako’y padalhan ng sulat. Kaya ‘di napuputol ang aming komunikasyon.

“Itay, makakapag-aral po kaya ako ng kolehiyo? Gusto ko po talagang maging kapitan ng


barko balang-araw. Magiging iskolar naman po ako Itay. Valedictorian naman po ako. Kaya libre
po ako sa unang semestre ng pasukan. Saka, mag-aaral po ako nang mabuti at nang tuloy-tuloy
po ang pagiging iskolar ko,” sabi ko kay Itay minsan isang gabi pagkatapos naming kumain. Nasa
labas kami noon ng bahay, bilog ang buwan at naisipan naming ‘wag pumalaot.

“Yaan mo anak, magsisikap ang tatay. Gagawin natin ang lahat para matupad ang pangarap
mo sa buhay. Lagi mo sanang tatandaan, gawin mo ang nais mong gawin sa buhay at ‘wag kang
gagawa ng mga bagay na walang kabuluhan. Matanda na ako, pero ‘di kita iiwanan na walang
nararating sa buhay,” ang sabi ng Itay sa akin, na alam kong gagawin niya hangga’t siya ay
nabubuhay.
Matanda na nga ang Itay. Nangangayayat na rin siya. Parang gusto kong huwag na lang
mag-aral. Naaawa ako sa kanya. Ayaw ko rin siyang iwang mag-isa. Mahina na siya. Medyo sira
na rin ang bangka namin. Matagal na kasi at ‘di pa napapalitan. Musmos pa ako noon, ngunit ‘yon
pa rin ang ginagamit ni Itay. Masyado lang kasi siyang maalaga kung kaya’t maayos pa rin naman
gamitin kahit papaano.

Nagdalawang-isip talaga ako na ituloy ang pag-aaral sa kolehiyo. Ngunit ang Itay ko na rin
ang nagsabing walang kasiguraduhan ang buhay. Hindi nga raw natin alam ang mga posibleng
mangyayari sa hinaharap. Kaya hangga’t kaya raw niya, gagawin niya ang mga bagay na nararapat
gawin sa buhay. At iyon nga ay ang mabigyan ako ng magandang kinabukasan.

Nag-aral nga ako ng kolehiyo sa Unibersidad ng Bikol. Marine Engineering. Ito kasi ang
gusto ko. Mahirap talaga mag-aral ngunit kailangan kong magsikap para na rin kay Itay. Alam
kong naghihirap siya sa baryo namin mabigyan lang ako ng magandang kinabukasan. Kaya’t todo
aral din ako para maging iskolar at para na rin kay Itay. Nasa isip ko pa rin ang kagustuhan kong
maisakay siya sa barko, kahit na nga sabihin pang kahilingan ko iyon noong ako’y nasa murang
edad pa.

Nasa ikaapat na taon na ako noon ng pag-aaral sa kolehiyo nang bigla na lang akong
ginulantang ng isang napakasamang balita. Kaaalis lang ng Bagyong Banong sa rehiyon ng Bikol
noon. Isang tawag mula sa BayanTel ang aking natanggap mula sa mga magulang ni Dodong. Iyon
pa kasi ang uso noon. Wala pang selpon kaya tawag lang tapos isusulat ang mensahe para ihatid
din sa kinauukulan. Nang ibinigay sa akin ang maiksing papel na may nakasulat na mensahe, ang
inakala ko lang ay isang mensahe mula kay Itay. Ngunit nang ito ay buksan ko na, hindi pala sa
kanya galing. At ang lubos kong ikinagulantang ay ang nilalaman ng maiksing pahatid-mensahe.
Patay na raw ang aking Itay!

Umuwi ako agad ng baryo namin. Maraming tao sa bahay. Katulad ng nakaugalian ng mga
kababaryo, tulong-tulong sa mga taong namatayan. Napaluha ako. Hindi ko na nga puwedeng
baguhin pa ang nakatadhana na. Wala na nga ang aking Itay. Pagpasok ko ng bahay, isang kabaong
ang aking naratnan at alam kong ang aking Itay ang nakahimlay doon. At sa tabi nga ng labi ng
Itay ko, nakatayo at nakatingin si Dodong, ang nag-iisa kong kaibigan. Umuwi pala siya.
Sinalubong niya ako at niyakap nang malaman niyang dumating na ako. Napahagulgol ako ng iyak
sa balikat ng aking kaibigan. Hindi na ako nahiya na ilabas ang aking nararamdaman. Umiyak ako
habang nakatunghay sa harap ng kabaong ni Itay. Hinahagod ng aking kaibigan ang aking likod
habang panay ang singhot ko. Napakasakit pala talaga ang mawalan. Bakit ganoon? Sino pa ang
aking pag-aalayan ng aking matatamong tagumpay kung mayroon man? Wala na ang Itay. Siya
lamang ang nagsisilbi kong pag-asa sa buhay at paghahandugan ng mariwasang buhay pagdating
ng tamang panahon para sa’kin.
“Mon, kaya mo ‘yan. Ganoon talaga ang buhay. Naaalala mo ba ang laging sinasabi ng
Tatay Vicente? Walang kasiguraduhan ang buhay. Kaya dapat gawin natin ang mga bagay na dapat
nating gawin sa buhay. ‘Di dapat gawin ‘yong mga walang kabuluhang bagay. Iyon ang ibig
sabihin ng Tatay. Ginawa niya ang mga dapat niyang gawin sa buhay. Nasaan man siya ngayon,
masaya siya sapagkat nagampanan niya ang kanyang gampanin dito sa mundo,” mahabang litanya
sa akin ni Dodong.

“Pero bakit gan’on? Ang lahat ng ginagawa ko ay para sa kanya. Gusto kong maranasan
niya ang isang masaganang buhay kung kaya’t nagsisikap ako. Saka, paano na pala ‘yong plano
namin? Isasakay ko pa siya sa barko,” umiiyak kong sagot sa kaibigan ko. Ngunit wala na nga
akong magagawa. Wala na ang Itay. Iniwan na niya ako at kahit kailan, ‘di ko na siya maisasakay
sa barko.

Ikinuwento sa’kin ni Dodong ang buong pangyayari sa sinapit ng aking ama. Sinuong pala
niya ang bagyo. Malakas na raw ang hangin ngunit tumulak pa rin siya sa laot. Sabi ni Dodong,
nasa bahay siya nang gabing iyon. Pinigilan daw niya ang Itay na pumalaot at delikado. Ngunit ‘di
raw ito nakinig. Isang bagay lamang daw ang lagi nitong sinasambit, “Ang lahat ng aking ginagawa
ay para sa aking anak. Malapit na naman ang kaniyang pagsusulit kaya kailangan ko ang
pumalaot.” Kukunin lang daw ng Itay ko ang lambat namin sa laot dahil sayang naman kung
masisira lang ito ng alon dahil sa bagyo, ngunit sa kasamaang palad, hindi na ito nakauwi. Lumipas
ang dalawang araw bago nakita ang katawan niyang wala ng buhay na palutang-lutang sa gitna ng
malawak na karagatan. Mabuti na nga lang daw at nakita ito ng ibang mangingisda.

Bigla uli akong napaiyak. Alam ko, talagang mahal na mahal ako ng aking Itay. Ginawa
niya ang lahat para sa akin. Sinuong niya ang kamatayan alang-alang sa’kin.

Inihatid namin sa huling hantungan ang Itay pagkalipas ng isang lingo. Laging nasa tabi
ko nang mga oras na iyon ang kaibigan kong si Dodong. ‘Di niya ako pinabayaan. ‘Di rin ako
pinabayaan ng mga kababaryo ko. Mabait ang Itay at kailan man ay ‘di nagkaroon ng kaaway
sa’min. Kaya hindi sila nag-alinlangan na ako ay tulungan.

Pabalik na ako ng Bikol para tapusin ang nalalabing dalawang buwan ng aking pag-aaral
nang kausapin ako ni Dodong. Nakita ko sa mukha niya ang pag-aalala para sa akin.

“Lagi kang mag-iingat doon, Mon. Kapatid na ang turing ko sa’yo. Kung ano man ang mga
kailangan mo, huwag kang mahihiyang tumawag sa’kin at humingi ng tulong. Nandiyan lamang
ang BayanTel, tumawag ka lang at magpadala ng mensahe sa akin. Lalagi ako sa tabi mo…iniwan
ka sa akin ng Tatay,” malumanay na saad sa akin ni Dodong, pinipilit ang sariling ‘wag akong
yakapin. Alam ko talagang nag-aalala siya sa’kin. Noon pa mang nasa elementarya pa lamang
kami.
Binigyan ako ni Dodong ng pera. Hindi ko sana tatanggapin, kaya lang kailangan ko rin
iyon. Saka alam kong magagalit siya sa’kin kapag tinanggihan ko ang iniaabot niyang pera.

Nakapagtapos din ako ng pag-aaral. Tanging ang kaibigan kong si Dodong at ang nanay
ay tatay niya ang dumalo sa araw ng aking pagtatapos. Ngunit naging masaya na rin ako, kahit
papaano, may nagmamahal pa sa’kin. Wala na kasi akong alam na kapamilya namin. Ang alam ko
lang, mula sa Palawan sina Inay at Itay. Maliban doon at sa katotohanang ‘di ko na nakagisnan
ang Inay, wala na akong alam.

At makalipas nga ang isang buwan, sakay na ako ng isang barko. Hindi pa ako kapitan
ngunit darating din ang araw na ‘yon. At pagdating no’n, siguradong napakasaya ng Itay ko. Iyon
ang pangarap naming dalawa. Kaya lang hindi ko na siya maisasakay pa sa barko.

Isang gabi, habang naglalayag ang barkong sinasakyan ko, nakadungaw ako sa dagat at
may nakita akong mag-ama. Naalala ko ang Itay. Saan man siya naroroon, alam kong maligaya na
siya, sila ni Inay. Tama nga ang sabi ni Itay, ang buhay ay walang kasiguraduhan, hindi natin alam
ang posibleng mangyari. Kaya dapat, lahat ng ginagawa ay may kabuluhan. Huwag sayangin ang
oras ng buhay. Lalagi at lalagi sa puso at isipan ko ang mga payong iyon ng Itay.

Habang papalayo ang barko, tanaw kong kumakaway sa amin ang bata. At habang
papalayo kami, hindi ko maiwasan ang hindi lumuha. Papalayo at papalayo na kami ngunit
nakatingin pa rin ako sa mag-amang iyon sa laot. Habang hatid kami ng tanaw ng bata, unti-unti
ko na ring itinitiklop ang dala kong talaarawang basa na ng luha ko.

You might also like