You are on page 1of 3

#Klisyey.

Paano ko ba sisimulan? Ang Once upon a time na walang happily ever after na kwento ng buhay ko.

Isa akong karaniwang estudyante,na may karaniwang kwento, na sa sobrang karaniwan, marami pa rin ang hindi natututo. Pito kaming magkakapatid, iba- iba ang ama. Parang hindi kapani-paniwala, pero maniwala ka. Sadyang mapagmahal ang aking ina.

Ang ama ng kasalukuyang bunso sa magkakapatid ang kinakasama ng aking ina sa Kalibo,Aklan. May pangarap ako sa buhay at alam kong wala akong mararating kung ipagsisiksikan ko ang aking sarili sa aming pamilya. Bilang panganay, nais kong matulungan ang aking mga kapatid, kaya't itinatak ko sa aking isipan na lahat ay gagawin ko para yumaman. Bilang panimula sa pagbuo ng mga pangarap ko, sumama ako sa Tiyuhin ko sa Bicol, sa pangako niyang pag-aaralin niya ako. Ngunit, naging malalakas ang mgs alon, na tumangay sa unang hagdan patungo sa mithiin ko. Namatay siya sa labanan sa mga NPA. At naiwan ako sa asawa niya, na kulang na lang ay tawagin akong katulong. Mula sa eskwelahan, na tatlumpung minuto kong binabyahe, binababad ko ang aking batang katawan sa pagtatrabaho sa kanilang bahay. Kailanma'y hindi ako nagtanim ng sama ng loob,dahil na rin sa pagpapatira niya at pagpapakain sa akin kahit na nga wala na si Tiyo. Hanggang sa muntik akong pagsamantalahan ng anak niya, at pagsasampalin habang inaakusahan ng mga bagay na hindi ko naman ginawa. Mahirap man, umalis ako sa kanila. Sa tulong ng aking malapit na kaibigan, naghanap ako ng boarding house na matutuluyan. Mabait ang Maykapal, sunud-sunod ang biyaya sa akin. Natanggap ako bilang skolar at student assistant. Payless Chicken noodles ang 3 beses sa isang araw kong kinakain para makatipid at makapagpadala kina Inay. Naging malapit ako sa Panginoon. Siya ang naging sandigan ko upang magpatuloy. Naging maganda ang palakaya sa mga sumunod na taon. Natanggap ako sa isang fast food chain bilang server. Mahirap dahil madaling umaga na natatapos ang aking duty,ngunit kinakaya ko para sa aking Inay at mga kapatid. Hanggang sa nakilala ko ang inakala kong pinakamatino at responsableng lalaki sa mundo. Siya na dinadalhan ako ng pagkain tuwing bumibisita sa boarding house, gumagawa ng card o kung anumang espesyal tuwing monthsary namin, at higit sa lahat umanib sa relihiyon na aking pinaniniwalaan. Alam namin ang aming limitasyon,ngunit sadyang marupok at mahina ang aming mga katawang lupa. Tulad ng pagkatukso ni Adan na lasahan ang mansanas na inalok ni Eba.

Calendar method,ang pesteng calendar method na sumira sa lahat. Sadyang pagmay isnuksok,may idudukot. Nagbunga ang mangga sa harap ng aming boarding house. Naglalaway kong tinangala ang putot na mga mangga. Dalawang buwang hindi dumating ang inaasahan. Unang araw palang ng klase ngunit may mabigat na test na akong pagdadaanan. Makalipas ang aming huling subject, walang lingon kong tinungo ang rest room ng aming campus. Makalipas ang limang minuto, hiniling kong isang pula ang maging resulta,ngunit sadyang mapagbiro ang tadhana. Hindi ko alam ang gagawin,subalit umaasa akong magiging maayos rin ang lahat. Sa aming pagtatagpo, sinabi ko ang dapat niyang malaman. Nakakalungkot,walang ningning sa kanyang mga mata. Hindi tulad ng mga mata niyang animo'y binagsakan ng falling star tuwing pinagsasaluhan namin ang mga nakaw na sandali. "Sigurado ka ba? Ulitin mo,minsan kasi nagkakamali rin ang mga P.T. na yan!" Bumagsak ang kalawakan sa aking mga balikat. "at kung totoo man,eh di ipalaglag mo,para walang problema." Parang trinansplant ang Goodbye Philippines sa puso ko at hinayaang sumabog at pira-pirasuhin ang bawat parte nito. Wala sa hinagap ko na manggagaling sa kanya ang mga salitang iyon. Wala na nga talaga sigurong matinong lalaki. Tatlong araw ko ng iniiyakan ang pagsubok na ito sa aking buhay,marahil wala na akong ibang pagpipilian kundi ang sabihin na ito kay Inay. Hindi na rin naman nagpapakita sa akin ang magaling na puro sarap lang ang gusto, at ngayong problema na,ay nagtatago sa lungga. Marahil ang pagpapasya kong huwag patayin ang laman ng aking sinapupunan ang dahilan ng kanyang pagkaduwag. Nagpadala ako ng liham kay Inay. Dahil yun lang ang alam kong paraan para maikumpisal ko sa kanya ang aking kasalanan ng hindi siya naririnig na umiiyak at nasasaktan. Ngunit parang amonia ang laman ng isinagot na sulat ng aking kapatid na naging dahilan upang mawalan ako ng ulirat.

Ate, Umuwi ka na lang dito sa atin. . Lumipat na pala kami ng tirahan dahil naghiwalay na si Tiyo at si Inay.Buntis rin nga pala si Inay sa bago niyang kInakasama. Hindi niya pa pala alam ang laman ng sulat na ipinadala mo dito dahil natatakot ako na baka atakihin sa puso si Inay sa ikalawang pagkakataon. Oo, inatake si Inay noong isang linggo,nang sabihin kong nagdadalantao ako.Patawad. Ang iyong kapatid,

Nene

You might also like