You are on page 1of 6

Si St.

Jude Thaddeus

ni Hexene Jenine D. Daya

Kayo nalang ang bahalang kumontak sa St. Peter kapag hindi ko na kinaya.

Iyan ang mga katagang binitawan ko sa aking mga kaklase nang malaman ko na mukhang hindi

ako papasa sa asignaturang Political Dynamics. Pabiro ko man iyong sinabi sakanila ngunit alam

ko sa sarili kong mabigat na problema iyon pagnagkataon. Katunayan ay nanggaling pa ako sa

paanan ng Bundok Banahaw, nangarap at lumuwas ng Maynila upang makapag-aral. At kasama

sa responsibilidad ko bilang panganay na anak na sulitin ang pangmatrikulang pinaghirapan ng

aking mga magulang. Namulat ako sa katotohanang ang pera ay hindi napupulot basta-basta. At

kung matuluyang bumagsak man ako, cancer ang aabutin ng mga magulang kocancer sa bulsa.

Hindi naman siguro ako sukdulan ng tamad katulad ng ibang estudyante. (Paumanhin kung

tinamaan ka.) Sa katunayan ay nag-aaral naman ako araw-araw. Kaya lang, aaminin ko na sa

sobrang dami ng mga libro at kaso na pinapabasa sa amin ng aming propesor sa Political

Dynamics, may mga babasahin akong hindi nababasa.

Para mas maintindihan mo, ipapaliwanag ko sayo ang proseso ng aming pang araw-araw na

klase sa kanya. Ang pinaka importanteng bagay na kailangan mong tandaan, everyday is a

recitation day. Samakatuwid ay obligado kang basahin lahat nang ibinigay niyang babasahin.

Kadalasan ay hindi bababa sa tatlong libro ang kailangan mong basahin linggo-linggo. Hindi pa

kasama doon ang ibat-ibang mga kaso. Alas sais hanggang alas nuebe ng gabi tuwing Biyernes

ang schedule ng klase namin sakanya. Pagkapasok na pagkapasok niya sa loob ng silid-aralan ay

1 | Page
ilalabas na niya ang mga dilaw index cards. Nakasulat sa bawat index card ang pangalan ng

bawat isa sa amin. Babalasahin niya ang mga index cards at bubunot siya ng anim doon. Ang

anim na pangalan na kanyang mabubunot ay ang mga mag re-recite sa unang isang oras.

Magtatanong siya ng kahit na anong nais niya na nakasaad sa mga babasahing ibinigay niya sa

amin. Samakatuwid ay mayroong labing walong estudyante na matatawag tuwing klase niya.

Kapag ang tumapat sayong katanungan ay nagmula sa babasahing hindi mo nabasa, malas ang

tawag doon. At kapag wala kang naibigay na sagot sa kanyang katanungan, 65 lang naman ang

grade mo.

Dahil ang pagpapakamatay tuwing malalaman mo na may babagsak kang subject o bigo ka sa

pag-ibig ay masyadong mainstream sa panahon ngayon, hindi ko nalang sila gagayahin. Bagkos,

pinag-isipan kong mabuti kung paano ko ba sosolusyunan ang problema ko.

Ngayon ay tatanungin kita. Sapalagay mo, bakit kaya sa tuwing mabubunot niya ang aking

pangalan tuwing recitation ay hindi ako nakakasagot? Mga pamimilian:

a) Sa sobrang kaba ko, wala nang lumalabas sa bibig ko

b) Nagbasa nga ako, pero hindi naman lahat

c) Malas lang talaga ako

d) Kulang ako sa dasal

Ano nga kaya sa apat na ito ang magiging dahilan ng cancer sa bulsa nina Homer at Helene?

Kung iisipin nating mabuti, lahat sa apat na iyan ay puwedeng tama. Pero ang pinakatamang

kasagutan sa lahat ay ang letrang b. Tingnan mo, kung binabasa ko naman lahat ng readings niya,

pasok na pasok sa banga kong kayang sasagutin lahat ng katanungan niya. Ang problema kasi,

2 | Page
hindi ko talaga kaya. Ilang beses ko nang sinubukan pero wala. Sabi nga nila, huwag ipilit,

baka dumugo. Siguro nga ay hindi talaga ako perpekto. Kahit pa sabihin mong everything is

possible, tao lang din ako, mapurol, may kahinaan, may mga bagay na kahit anong pilit ko, hindi

ko talaga kayang gawin. Pero meron pa ba akong ibang option? May pag asa pa kaya akong

pumasa? Tingnan natin. Kung kunwari na swerte ako sa bunutan, malamang sa malamang ay

makakasagot naman ako dahil sabi ko nga, nagbabasa naman ako. Nagkakataon lang na ang

naiitanong sa akin ay yung hindi ko nababasang readings. At dahil may kasabihang If all else

fails, pray, Baka sakaling lumapit sa akin ang swerte kapag nagdasal ako.

Matagal ko ng kilala ang santong si St. Jude Thaddeus. Madalas ko siyang naririnig sa aking

kaibigang medyo delikado ang lagay sa unibersidad. Iginiit niya sa akin na ang himala ni St. Jude

ay walang kapantay. Nakwento rin niya noon na si St. Jude daw ang santong nilalapitan ng mga

taong may matinding pangangailangan, gustong mag ka boyfriend, gustong magka girlfriend,

gustong makaraos, gustong pumasa ng bar exam, licensure exam, board exam, at kung anu ano

pang exams. At kung pagbabasehan ang sitwasyon niya, mukha nga namang kapanipaniwala ang

sinasabi niyang himala dahil ilang beses na siyang sumabit pero hanggang ngayon ay hindi pa rin

siya nadedebar.

Noong mga araw na nagkwekwento siya sa akin tungkol kay St. Jude ay hindi naman ako

nanganganib bumagsak kaya sa isip isip ko, hindi ko naman kailangan ang ipinagmamalaki

niyang himala ni St. Jude. Pero kagaya nga ng mga pangmalakasang linya na naririnig ko sa

mga soap operas, Ang tadhana ay sadyang mapaglaro. Mukhang talagang nakatadhanang

makilala ko si St. Jude.

3 | Page
Nang malaman ko na delikado ang lagay ng grade ko sa Political Dynamics ay nagdesisyon

akong paninindigan ko nang maging deboto ni St. Jude. Kaysa naman magpakamatay ako di ba?

Ang mahal kayang mamatay sa panahon ngayon! Makakaabala lang ako sa mga pasahero kung

tatalon ako sa LRT at sobrang mahal ng life plan sa St. Peter.

Huwebes nang mapagdesisyunan kong pumunta doon. Alas onse na ng umaga nang magising

ako kaya nagmadali akong naligo, nagbihis, naglakad at sumakay ng pedicab papuntang

Mendiola. Kahit may klase ako ng alas tres ng hapon ay ginawan ko pa rin ng paraan upang

manampalataya kay St. Jude. Saktong alas dose na nang makarating ako. Pagkapasok ko ay

binentahan agad ako ni Lola ng Novena booklet. At siyempre bumili ako, para naman

maramdaman ni St. Jude na seryoso ako sa pananampalataya ko sa kanya.

Pagkatapos ng araw na iyon ay nangyari na nga ang sunod-sunod na himala sa aking buhay.

Kinabukasan araw ng Biyernes, kagaya ng dati ay hindi ko pa rin natapos lahat ng mga

babasahing kanyang ibinigay. Ang idinulog ko noon kay St. Jude ay ang hindi ako matawag sa

recitation sapagkat hindi pa ako handa. Laking gulat ko ng hindi nga ako natawag noong araw na

iyon. Sa sobrang kaligayahan ko ay iyon ang naging umpisa ng mas matibay na pundasyon ng

aking pananampalataya.

Dumating ang sumunod na linggo at humiling muli ako sakanya. Kagaya ng dati ay yun pa rin

ang hiniling ko. Mas makapal ang mga babasahin ngayong linggo at bukod pa dito ay may

aktibidad kami sa aming organisayon. Pero nagulat ako nang banggitin ng aming propesor ang

apelyido ko. Naiiyak na ako noon dahil ang topic na napapunta sa akin ay hindi ko nabasa. Ilang

segundo kong pinagdudahan ang kanyang himala hanggang sa biglang akong kinantahan ng

aking mga kaklase ng Happy Birthday to you. You belong to the zoo. The donkey and the

4 | Page
monkey and the gorilla is you!. Oo, birthday ko noong araw na natawag ako. Akala ko ay

katapusan na ng mga pangarap ko pero biglang sinabi ng aming propesor na kapag birthday mo

sa araw na natawag ka ay exempted ka sa recitation. Literal na tumalon ako sa sobrang tuwa ko

habang hawak hawak ang novena ni St. Jude.

Ipinagpatuloy ko ang aking pagnonovena hanggang umabot sa puntong nakakasagot na ako sa

mga katanungan ng aking propesor kapag recitation. Hindi ko maipaliwanag pero mas naging

masipag ako sa pag aaral. Nagugulat na lamang ako kapag nakakatapos ako ng tatlong libro at

mga babasahing kaso sa isang linggo, minsan nga ay higit pa. Halos ilang buwan kong

ipinagpatuloy ang pagnonovena at siyempre ang pag-aaral.

At dahil sa aking pagpupursige at pananampalataya, oo pumasa ako. Ipinasa ko ang asignaturang

kinatatakutan kong ibagsak.

Bilang pasasalamat sa kanya ay hindi ako bumitaw sa aking pananalig. Ipinagpatuloy ko ang

aking debosyon kasabay ng aking pagharap sa pang araw-araw na pagsubok ng buhay.

Hindi ko sinasabing ang pagdarasal ng buong puso sa mga santong kagaya ni St. Jude ang lulutas

sa mga problema mo, sa problema ng Pilipinas at sa problema ng mundo. Ang sa akin lang,

puwede mo silang kapitan sa mga panahong nahihirapan ka na sa mundong iyong ginagalawan.

Hindi solusyon ang pagpapakamatay at ang pagtawag sa St. Peter kapag sobrang naghihikahos

ka na sa buhay mo. Isipin mo, libu-libo ang gagastusin mo para sa kabaong pero 20 pesos lang

ang Novena Booklet ni St. Jude Thaddeus.

Sa labing siyam na taon ko sa mundo ay ilang beses na akong nadapa, lumuha at nawalan ng

pag-asa. Pero nang makilala ko ang santong si St. Jude Thaddeus ay napagtanto ko na kahit ano

man ang pagdaanan ko sa buhay ay may isang santo na gagabay sa akin, na may isang santo na

5 | Page
aalalay at magpapaalala sa akin na kahit gaano karami ang sugat na matamo ko sa aking

pakikibaka ay may makakapitan pa rin ako, na hindi solusyon ang pagkitil ng buhay dahil unang

una sa lahat, binigyan ka ng Diyos ng buhay upang ito ay gamitin hindi upang sayangin.

Mapalad ako at nakilala ko siya. At nangangarap ako na balang araw ay maibabalik ko sa kanya

lahat ng mga biyayang ibinigay niya sa akin.

6 | Page

You might also like