You are on page 1of 4

Coming of Age (Norlaila Abubacar)

Simula nung bata ako, simple lamang ang tingin ko sa mundo. Masaya, makulay, at magaan
at parang walang problema, katulad ng mga normal na bata na gusto lamang maglaro at
maglibang. Palagi ako lumalabas ng bahay para makipaglaro sa mga kapwa kong bata. Halos
malibot na namin ang buong subdibisyon sa paglalaro namin. Naranasan ko ding mag trick or
treat tuwing Halloween sa aming subdibisyon, at mangaroling.
Ngunit nung panahon ding yun, namulat din ako sa katotohanan tungkol sa mundo.
Naranasan kong tuksuhin ng mga kaklase ko noon. Hanggang ngayon, pinagtataka ko pa din
kung ano ba talaga problema nila sa akin. Hindi ko alam kung may galit ba sila o sadyang
wala lang sila magawa. Maiinis lang ako kung iisipin ko pa yun dahil wala akong mahanap
na sagot. Pero kahit na matagal na panahon na yun, di parin yun mawala sa isip ko at parang
nakatatak lang yun sa loob ko na parang tattoo. Mahirap din kalimutan, dahil masiyado din
akong nasaktan nung panahon na yun. Bata pa lang ako pero hindi ko akalain na mararanasan
ko yun. Pero aaminin ko na dahil sa karanasang yun, naging matatag ako at naging bukas ang
isipan ko sa maraming bagay.
Ngayon, nag iba na ang tingin ko sa mundo. Hindi talaga puro kasiyahan lamang, kundi
kalungkutan at pagsubok din. Naging maunawain ako at mapagpasensiya. Nagbukas ang isip
ko sa maraming bagay sa mundo. Natutunan ko na dapat maging matatag ako sa hamon ng
buhay, dahil alam ko na di lang yun ang haharapin ko. Kailangan kong maging handa sa mga
pwede mangyari sa buhay ko.

Coming of Age (Khayle Balanditan)


Sa pagtapat ng alas singko ng umaga, nagising ang ako sa pagtulog, dahil sa pag tunog ng
alarma ng telepono, upang maghanda sa programa na magaganap sa eskuwelahan.
Pagkatapos ako ay tumayo at inayos ang aking mga susuotin sa mga laro na aking sinalihan.
Pagkatapos kumain, ako’y dumiretso na sa banyo upang maligo at magsipilyo. Pagkatapos,
ako’y dali-dali pumunta sa eskuwelahan. Pagkalipas ng ilang oras, habang ako’y nanunuod
ng basketbol, may mga manlalaro na namulikat at napilayan dahil sa init ng kanilang labanan.
Pagkatapos ay may mga taong may dalang medical kit upang bigyan sila ng pangunang lunas
sa kanilang sakit na nararamadaman sa kanilang pagpulikat. Tinanong ko ang aking
kasamahan kung anong organisasyon ang kanilang sinalihan dahil natutuwa ako na
tumutulong sila sa mga nangangailangan ng tulong. “Sila yung Student Emergency Response
Team (SERT)” tugon nya. Sa paguwi ko “Ma gusto kong sumali sa Student Emergency
Response Team” “Oo nak, sali ka maganda tumulong sa mga nangaingailangan”.
Kinabukasan, sinubukan ko tanungin ang kakilala ko na isang parte ng SERT kung pwede pa
sumali, ang tugon nya “Ay, tapos na ang araw ng rehistro. Sali ka na lang sa susunod.”
Pagkalipas ng maraming taon nagkaroon ako ng pagkakataong makasama sa isang
organisasyon. Ako’y sumali sa Red Cross dahil isa sa mga pangarap kong makatulong tuwing
may nangangailangan. Sa pagsali ko, napagtanto ko na puwede naman pala tumulong sa mga
nangangailangan sa ibang paraan, katulad lamang ng pagbigay ng donasyon ng dugo sa mga
may sakit katulad ng dengue, leukemia at iba pang sakit na ngangailangan ng dugo. Hindi
pala kailangan ng organisasyon upang makatulong sa mga tao na nasalanta ng bagyo at
nadisgrasya. Dahil ang pagtulong ay hindi kailangan ng uniporme o organisasyon upang
makatulong, dahil ang pagtulong ay likas na sa’ting mga tao lalo sa mga mahihirap na
ngangailangan ng tulong.
Coming of Age (Stephanie Iballes)
Lunes ng umaga, bagong araw na naman ang magsisimula. Tilaok ng manok ang aking
naririnig, parang ginigising ang mga batang antukin. Pagkatapos mag hilamos at mag sipilyo,
dumiretso ako sa kusina upang sabayan sa pagkain ang aking ina at sa tuwing kumakain,
kuwentuhan ay hindi maaaring mawala. Aming napag-usapan ang pagsali ng aking ama sa
isang organisasyon na kung tawagin ay Citizens Army Training (CAT) noong sila ay mga
hayskul pa.
Ako’y namangha at nagpaalam sa ina “Ma, pwede po ba ‘kong sumali din sa CAT?”
“Hindi pa pwede anak ikaw ay nasa elementarya pa lamang” sagot ng aking ina.
Pagkatapos ng kuwentuhan ay naghanda na ako upang pumasok sa eskwelahan. Pagdating sa
eskuwelahan, aking napansin ang mga babaeng nakasuot ng berdeng damit. Mabilis akong
nagtungo sa silid-aralan upang tanungin ang aking guro.
“Teacher bakit po nakasuot ng berdeng uniporme ang ibang mga bata?”
“Sila ay isang mga iskawt Steph, bakit mo naitanong?” sagot ng aking guro
“Nais ko rin po mag suot ng ganung uniporme”
Pag uwi sa bahay, agad kong tinanong ang aking ina kung pwede ba akong sumali rito, at
agad naman itong pumayag.
Lumipas ang ilang buwan, nagtanong ang aking guro kung kamusta ba ang aking karanasan
sa pagsali dito.
“Aking napagtanto na hindi lamang sa kasuotan binabase ang pagiging isang iskawt bagkus
ito pala ay pagtulong sa ibang tao ng walang pag aalinlangan, pakikiisa, at pag boluntaryo
para sa kapakanan ng lahat”. Tugon ko
Lumipas ang ilang taon, may nagdaang bagyo na kung saan nakapinsala ito ng maraming
buhay, at maraming tao ang nawalan ng bahay. Nakibahagi ako sa pagtulong at dito ko
napagtanto na kahit hindi na pala ako isang iskawt ay mananatili parin ito sa aking puso at
likas na sa akin ang pagtulong sa ibang tao lalo na sa mga nangangailangan.

Coming of Age (Angelie Frankie Ramos)


Araw ng ikatlong kaarawan ng aking kapatid, dumating ang aming malalayong kamag-anak.
Bigayan na ng regalo at tuwang tuwa ang nakakabata kong kapatid. Tinulungan ko siyang
magbukas ng regalo. Napansin ko na halos lahat ng regalo ay damit at laruan, na ang kulay ay
asul. Natuwa ako sa mga laruan at napansin ito ng aking lola, Pinagsabihan ako na panlalaki
raw ang mga ito kaya huwag kong paglaruan.
Kinabukasan, unang araw ng klase at ako ay nasa unang baiting. Binibihisan ako ng aking ina
at ako ay napatanong “Ma? Kailangan ba talaga na nakapalda ako? Hindi po ako
komportable.” Napangiti ang aking ina, “Anak, ganon talaga ang mga babae kailangan naka
palda sa eskuwela” Nakalipas ang mga taon at ako ay sekondarya na. Nagkakatuwaan kami
ng aking mga kaibigan na may napadaan na lalaki, napatingin ang aking mga kaibigan at
nagtawanan. Napatanong ako “Bakit kayo tumatawa?” “Kulay rosas kasi ang kaniyang bag,
bakla ata”. At nagtawanan ulit sila. “Ayan na si ma’am!”. Sabi ng isa kong kaklase, kaya
mabilis kaming pumasok sa aming silid aralan. “Alam ninyo ba class, noong araw ay hindi
nag-aaral ang mga babae dahil sila ay dapat na nasa bahay, naglilinis at nag aalaga ng
kanilang anak. Ang mga lalaki lang ang pwedeng mag aral dahil sila ang magtratrabaho para
sa kanilang pamilya.” Sabi ng aming guro sa Araling Panlipunan.
Dumating ang taon at ako ay nasa kolehiyo, at ako ay nagulat dahil bawat kaklase ko ay
tinatanong kung ano ang gusto naming itawag samin katulad ng panghalip. Ako ay natuwa
dahil minumulat kami na walang batayan kung ano ang panlalaki o pambabae. Malaya kang
pumili kung ano ang gusto mo, sa kulay, kahit sa pananamit, at wala ng tatawa. Tanggap nila
kung ano ang man ang iyong kasarian.

Coming of Age (Alyssa Yvonne Galoso)


Puro palakol ang grado ko simula bata pa lamang. Lumala pa ito noong tumuntong ako ng
Junior High School. Maaaring dahil hindi ako nababagay sa bagong eskuwelahan ko. Maaari
ding walang nakapagpapagayak sa akin. Dahil Junior High School lamang ang kaya ng aking
eskuwelahan ay panghuling taon ko na iyon. Kinakailangan ko nang mag-isip ng malilipatang
eskuwelahan.
Isang gabi, papauwi na kami mula sa pagsara ng aming tindahan. “Ma, pwede ba akong mag-
aral sa Maynila?”. Biglang tanong ko. Hindi inaasahan ng aking ina ang aking sinabi.
“Sigurado ka ba diyan? Kung oo, kailangan mo nang mag-aral nang mabuti para pumasa sa
mga exam.” Paninigurado ng aking ina.
Tumango ako. “Kakayanin ko Ma.”, ngiting sagot ko. “Mahihiwalay ka din sa’kin dahil
magdodormitoryo ka. Kaya mo ba?” Tanong ulit ng aking nanay. Masigla naman akong
tumango at sumang-ayon na ang aking nanay.
Labing-anim na taong gulang pa lamang ako noon kaya naman hindi ko rin inaasahang
papayagan ako ng aking nanay. Una sa lahat, strikto ito at lagi akong pinagbabawalang
gumala, kasama ang aking mga kaibigan. Kaya labis ang aking tuwa dahil pinagkatiwalaan
niya ako.
Marami ang natutunan ko sa pamumuhay ng mag-isa. Natutunan kong magbadyet ng pera
para may makain sa isang linggo. Natutunan kong maging alerto sa paligid. Higit sa lahat ay
marami akong nakahalubilong mga kaklase na galing din sa iba’t ibang probinsiya at may
iba’t ibang kultura. Napabilang ako sa malaking grupo. Hindi man kami pare-parehas nang
gusto at personalidad ay maayos ang aming relasyon sa isa’t isa. Malaking bagay ito para sa
akin, dahil nabibilang lamang ako sa maliliit na grupo, sa mga dating eskuwelahang
napasukan ko. Sa mga panahong iyon ay natutunan ko kung paano maging mabuting
impluwensiya at sumuporta sa ibang tao.

You might also like