You are on page 1of 1

Anting-anting (Maikling Kwento)

Ang init ng panahon, si nanay abala na naman sa pagluluto ng pagkain. Malapit na din kasi magtanghalian at medyo kumukulo na rin
ang tiyan ko pero kaya ko pa namang hintayin ang oras ng kainan. Sobrang init talaga ng panahon, bakit kaya ganun? Sana may
kapangyarihan akong gumawa ng yelo para maging malamig sa bahay namin para naman di ganitong tagaktak na naman ang aking
pawis. Basang-basa na ang sando ko sa pawis at di na din maganda ang pakiramdam ko dahil sa malagkit na kapit ng pawis sa aking di
kaputiang balat.

Ahh teka, ako nga pala si Jojo, Jonathan sa totoong buhay. Eto ako ngayon at nag-iisip kung anong magandang kapangyarihan ba ang
magandang taglayin pag naging super hero na ako pero ang pag-iisip na iyon ay naudlot ng bigla akong tawagin ni lolo na nakaupo sa
kanyang tumba-tumba.“Oh Lo bakit nyo po ako tinawag?” banggit ko pagkalapit ko sa kanya. “Wala naman apo, nais ko lang iwan sa
iyo ang isang regalo na magpapabago sa iyong buhay.” Natawa na lang ako, si Lolo talaga mapag-imbento. Wala na naman siyang
lupa na maipapamana sa amin dahil mahirap lang ang lahi namin, ano naman kayang pamana ang sinasabi ng lolo ko. “Eh ano ba
yung ibibigay nyo sa akin Lolo?”

Kinuha niya ang kaliwa kong kamay at ipinatong ang isang tila maliit na bato. Nang tingnan ko kung ano ang kabuuan ng batong
iyon, napagtanto ko na isa palang kwintas na may palawit na bato ang ibinigay ni lolo. “Ahhh. Ang inyong anting. Bakit nyo naman
po ito ibinibigay sa akin Lo?” “Apo, tapos na ang pangangalaga sa aking ng anting anting na yan. Dapat lang na ako’y lumisan na
upang magkita na kaming muli ng iyong Lola. Mali na pahirapan ko pa kayo sa aking katandaan kaya apo tanggapin mo ang aking
handog at ito’y pangalagaan.” Sabi niya sabay ngiti sa akin. Nakita ko pa tuloy ang bungal niyang bibig. Ngumiti na lang din ako
bilang tugon at tinitigang muli ang kwintas. Pagkatapos noon ay sabay-sabay na kaming nananghalian kasama ang buong pamilya.

Kinagabihan, lumisan na si Lolo. Iniwan na nga niya kami at marahil ay masaya na silang magkasama ni Lola sa langit. Ilang araw na
ibinurol si Lolo at sa kanyang libing ay isinuot ko na ang kanyang regalo bilang tanda ng paggalang kay Lolo at sa kanyang iniwang
paniniwala.

Lunes ng umaga, may pasok na naman. Pagkatapos ng dalawang klase ay narinig kong nagkaayaan ang mga lalake kong kaklase.
Nagtipon sila sa likuran ng silid aralan at nag-usap. Maya-maya pa ay lumapit sa akin ang isa sa aking mga kaklase at sinabi, “ Jo,
sama ka sa amin mamaya.” “Bakit naman? Saan ang gala?” tanong ko. “Inom.” Napaisip ako. Mainit ang panahon, hindi magandang
uminom ng mga ganitong oras at saka tinatamad ako kaya sabi ko na lang, “Pass muna ako tol.” “KJ mo naman Jo. Minsan lang ‘to.”
Udyok ng kaklase ko. “Ayoko talaga bro. Sa susunod na lang. Init ng panahon oh.”

Kinagabihan pagkatapos naming kumain nakatanggap ako ng text mula sa nanay ng kaklase ko, hinahanap niya ang anak niya dahil
hanggang ngayon ay hindi pa daw ito nauwi. Hindi naman ako nakasagot dahil hindi ko alam kung ano ang dapat kong sabihin. Ayoko
namang mapagalitan ang tropa dahil sakin pero ayoko din namang magsinungaling sa mga magulang niya.

- Nagkayayaan po ang barkada na uminom ng konti. Hindi ko lang po alam kung nasaan sila ngayon.

Yan na lang ang naisagot ko sa mensahe ng nanay ng kabarkada ko. Kinabukasan nalaman ko na lang sa klase na napaaway pala ang
mga kabarkada ko at mga nasa ospital ngayon dahil sa mga sugat na natamo nila sa pakikipag-away sa isang grupo. Naisip ko tuloy,
buti na lang tinamad ako at hindi sumama.

Dumaan pa ang mga araw at ilan pang mga insidente ang nalagpasan ko. Isa na dito yung nagkayayaang magswimming ang buong
klase, sumama ako dahil nandun ang crush ko pero nagkaroon ng aberya, naiwan ko yung anting ni lolo sa school kaya kinailangan
kong bumalik. Hinintay naman ako ng buong klase sa sakayan pero pagdating ko, ayaw na nilang lahat tumuloy. Nabalitaan ko na
nagkaroon daw ng banggaan sa daan na dapat tatahakin ng sasakyan namin papunta sa paliliguan namin. Dahil sa takot nagsiurungan
na sila sa pagtuloy. Sabi pa ng isa kong kaklase, buti na lang naiwan ko yung kwintas ko ung hindi baka isa din kami sa mga namatay
at nasugatan sa banggaan kung nagkataon.

Hanggang ngayon na ako’y nagbibinata na maraming beses na akong nakaiwas sa maraming aksidente. Hindi ko alam kung talaga
bang epektibo ang anting ni lolo pero ang alam ko lang, ginagawa ko lang kung ano ang nararamdaman kong dapat. Dikta man ng
anting o hindi, susundin ko kung ano ang aking kutob. Di pa din ako desidido sa kapangyarihan ng anting pero mas mabuti na din na
nasa akin ito. Mas panatag ang aking damdamin dahil pakiramdam ko, ginagabayan ako ni Lolo kasama si Lola mula sa itaas.

Aral : Bilang mga Pilipino mapagpaniwala tayo sa mga pamahiin at mga anting-anting. Mahirap maniwala sa mga bagay na hindi
kapani-paniwala pero wala namang masama kung ating susubukan ang mga ito. Gayunpaman lagi nating tandaan na ang mga
mangyayari sa atin sa hinaharap ay bunga ng mga desisyon na ginawa natin sa nakaraan. Ikaw ang humuhulma sa iyong kapalaran
kung kaya’t dapat mong matutunang pangalagaan ito.

You might also like