Sa isang malayong komunidad ng Brgy. Batumbakal na
kung tawagin’y Sumag, ay may isang batang kinagigiliwan ng lahat dahil sa angking liksi nito sa pagkilos. Tila ba kunwariin ko’y palagi siyang nakikipaghabulan sa paglakad, paglalaba at maging sa pagsalok ng tubig sa bukal. Sa tuwing pinagmamasdan ko ang kulot at maiksi niyang buhok, ang sarat niyang ilong at ang maningning niyang mata ay naaalala ko ang aking kabataan.
“Kagaya ko rin siya- sa murang edad ay namulat na sa
mga gawaing bahay maging sa pagtulong sa aking ina sa pag-aalaga ng mga nakababata kong kapatid”, bulong ko sa aking sarili.
Madalas ko siyang maabutan sa tabing sapa habang
naglalaba ng damit niya at ng kaniyang mga kapatid.
“Magandang umaga po, Gng. Reyes!” Magalang na
pagbati niya sa akin kasabay ang matamis na ngiti sa kaniyang labi.
“Hindi ka ba papasok ngayong araw? Kung tatapusin mo
iyan, baka mahuli ka na sa klase mo.” Magiliw na wika ko.
“Mabilis lamang po ito, maagap pa naman po ma’am.
Sakali man pong bumatingting ang kampana ng ating paaralan ay iiwanan ko po itong ginagawa ko at mamayang hapon ko itutuloy pagkatapos ng aming klase.” sagot niya.
Habang pinagmamasdan ko siyang nagkukusot ng mga
damit ay napansin ko ang isang pares ng tsinelas na tila ba lumang luma na at pinag-uugnay na lamang ng isang maikling kawad ang kawa nito. Dinampo’t iyon ni Talikakas at buong ingat na kinukuskos upang mawala ang putik at mabawasan ang pikas nito.
“Ito po ay regalo pa sa akin ni Inay noong nakaraan kong
bertdey.” buong lakas-loob na wika niya
“Talaga ba? Matagal na pala iyan. Napakaingat mo naman
sa gamit Talikakas.” natutuwang wika ko sa kaniya.
“Iniingatan ko po dahil hindi ko na alam kung kailan ulit ako
bibilhan ng ganito ni Inay.” sagot niya.
Hindi na ako muli pang nakapagbikas ni isa mang salita
nang marinig ko ang mga salitang yaon. Batid ko ang kalalagayan ng mga taong naninirahan sa komunidad na ito. Masuwerte nang may makain sa isang araw at may mainit na kapeng mahihigop kung sumasapit ang taglamig. Kagyat na tinapos ko ang aking paliligo at iniwanan ang paslit na batang naglalaba.
Habang naghihintay ako sa aking mga estudyante ay
nakasilip ako sa bintana ng aking silid. Sinisipat kong maigi ang mga batang pumapasok at naghahabulan patungo sa kani-kaniyang silid-aralan. Matuling na humahakbang si Talikakas, nakasuot sa magkabila niyang braso ang pares ng kaniyang tsinelas. Pagdating sa tuyong bahagi ng kaniyang nilalakaran ay tinanggal niya ito sa kaniyang braso at saka isinuot. Aliw na aliw akong nagmamasid sa kaniya habang iniaayos ang lumang luma at guso’t niyang uniporme.
Madilim ang langit noon, nakabibingi ang mga kulog at tila
ba nabibiyak ang kalangitan sa lakas ng kidlat. Pasado ala-sais ng gabi ay kumain na ako ng hapunan. Naghahanda na ako sa pagtulog nang biglang kumatok sa may tarangkahan. . . “Ma’am, pwede po bang dito muna kami makitulog ni Jolina?” paalam na wika ni Talikakas.
“Oo naman, kaya lamang ay wala na akong panlatag sa
sahig.” tugon ko.
“May dala po kami.” sagot ni Jolina.
Habang ako’y nakahiga ay nauulinigan ko ang
pagbubulungan ng dalawang bata.
May nais silang sabihin na hindi masasbi-sabi.
“Ano ba iyang pinagbubulungan ninyo?” seryosong tanong
ko.
“Kung may sobra ka pa raw pong kanin, sabi po ni
Talikakas.” nakangising wika ni Jolina.
“E, ano’t ako ang sinasabi mo ay ikaw nga itong kanina pa
kumukulo ang tiyan.” sabad ni Talikakas.
“Mayroon pa riyan sa kaldero, kaya lamang ay wala ng
ulam na natira. Heto, abutin mo itong sardinas.”
“Sindihan mo muna iyang kandila na nakapatong sa may
kalan upang may tanglaw kayo habang kumakain. Mahirap mag-aninaw!” dagdag ko pa.
“Huwag na po ma’am.” wika ni Jolina.
“Kami po’y dito na kakain sa kaldero at huhugasan na
lamang po namin bukas ng umaga.” sabad ni Talikakas.
Habang sila’y kumakain ay tahimik kong pinakikinggan ang
kanilang pagbubulungan. Piit na piit ang kanilang hagikhik kapag kumakalantog ang takip ng kaldero at kutsara sa loob nito. Hindi ko rin mapigilang mapangiti habang sila’y pinakikiramdaman. Kinabukasan ay maagap na lumusong ang magkaibigan sa sapa upang hugasan ang kalderong kanilang kinainan. Habang sila’y naghuhugas ay biglang nagkaakitang maligo ang dalawang bata sa sapa. Bahagyang lumaki ang tubig sa sapa noon at malalakas ang lagaslas nito. Kagaya pa rin ng nakagawian ni Talikakas, nakasuot sa magkabilang braso ang dalawang pares ng tsinelas. Mabilis na lumusong sa tubig ang magkaibigan at nagsimulang maghabulan ,magtawanan at magsabuyan. Sa hindi sinasadyang pangyayari ay biglang humulagpos sa braso niya ang kabiyak na tsinelas.
“Jolina, iyong tsinelas ko habulin mo!.” Pasigaw na wika ni
Talikakas habang mabilis na tumatakbo at inaalis sa braso ang isa pang kabiyak nito.
“Malakas itong lagaslas hindi ko masambot.” tugon ng
kaibigan.
“Tumakbo ka na paibaba at abangan mo roon sa medyo
mababaw!.” naiiyak na wika ni Talikakas.
“Bilisan mo! Bilisan mo Jolina.... ‘yong tsinelas ko........”
dagdag pa niya kasabay ang pagbuhos ng luha sa kaniyang mga mata.
Patuloy pa rin ang mabilis na paghakbang ni Talikakas sa
tubig. Nagbabakasakali na kaya niyang sagipin ang kabiyak na tsinelas. Lakad....takbo paibaba ang ginawa nilang magkaibigan subalit hindi na nila muli pang nakita ang espesyal na bagay para kay Talikakas. Tinangay na ito nang mabilis na umaagos na tubig. Wala nang nagawa ang dalawang bata, kundi ang tanawin ito habang tuluyang lumalayo sa kanila. Napaupo siya at walang nagawa kundi ibuhos ang napakalakas na pag-iyak na tila ba nawalan ng pinakamamahal sa buhay.
Pasado alas-otso na subalit wala pa ang dalawang batang
nagpunta sa sapa. Nakakaramdam na rin ako ng gutom kaya’t sinundan ko sila upang kuhain ang kalderong kanilang nilinisan. Mag-isa na lamang si Talikakas noon at umuwi na sa kanilang barong-barong si Jolina.
“O, bakit? Bakit ka naiyak? Bakit basang basa ka na, ha?”
nag-aalalang wika ko sa kaniya.
“Kasi po.... kasi po... naanod ang kabiyak nitong tsinelas
ko.” umiiyak na tugon niya.
“Bakit maaanod? Hindi mo ba inilagay sa tabi, habang
ikaw ay naglilinis ng kaldero?” tanong ko.
“Nagkaakitan po kaming maligo ni Jolina, at nakalimutan
ko pong alisin sa braso ko.” humihikbing sagot niya.
“Wala na, wala na po akong tsinelas. Sabi ko pa naman sa
sarili ko. Iingatan ko ito dahil baka sa susunod na bertdey ko hindi na ako mabilihan ni Inay. Kasi po, ang pinag-iipunan muna nila ngayon ay pambili ng bigas at para sa panganganak ni Ate”, saad niya.
“Simula po noong grade 1 ako hanggang ngayong grade 6
na ako, tatlong beses lamang po akong nabilhan ni Inay ng tsinelas. Mahalaga po ito sa akin, kaya po kahit matinik, madulas at maputik sa dinaraan ko, hindi ko po ito isinusuot upang hindi kaagad masira”, dagdag pa niya.
Umupo ako sa tabi niya at kinuha ang hawak-hawak na
tsinelas. Tahimik akong nakikinig sa mga salaysay niya tungkol sa kaniyang buhay.
“Kung sa iba po, basta tsinelas lamang ito. Mabibili ng mga
magulang ng karamihang bata na tulad ko. Subalit sa akin ay hindi lamang po ito basta tsinelas lang. Espesyal po ito, sapagka’t ito ang nagsisilbing proteksyon ng dalawa kong paa sa tuwing mangunguha ako ng abukot o kaya’y maglalakad kung kabantaakan ng init sa basudan.” May tila ba kumukurot sa kaibuturan ng aking puso ang bawat salitang binibitiwan niya. Isa lamang siyang paslit na bata subalit kinapupulutan ko ng aral. Aral na nagpapaalala sa aking magpahalaga sa kahit maliit na bagay na mayroon ako.
“Tuyuin mo na iyang luha mo at tigilan ang paghikbi.
Tumingin ka sa akin at makinig Talikakas.” mahinahon kong utos sa kaniya.
“Huwag ka nang malungkot, may mga bagay talaga sa
buhay ng tao ang naaanod ng hindi natin namamalayan. Subalit, huwag mo sanang iwaglit sa iyong isipan na ‘yong mga bagay na nawawala sa iyo kagaya ng tsinelas mo ay mayroong kapalit na darating. Baka naman kaya naanod iyon dahil kailangan ng palitan ng mas maganda at bagong-bago.” Nakangiting wika ko sa kaniya.
“Huwag kang mag-alala, pagpunta ko sa bayan ay bibilhan
kita. Medyo matatagalan nga lang dahil sa katapusan pa ang punta ko roon. Subalit alam kong ikaw ay isang batang marunong maghintay kaya naman wala akong dapat ipag-alala, diba?”
“Talaga po? Ang gusto ko po ay ganito ulit, pero kulay itim
naman po. Nakikita po kaagad ang pikas kapag naluluma dahil kulay asul ito” wika ni Talikakas habang nagniningning ang mga mata dahil sa galak na nararamdaman.
Magkasabay kaming umuwi sa bahay habang labit-labit
ang kalderong hinugasan. Kagya’t akong nagluto ng agahan at kumain kaming magkasabay noong araw na iyon. Simula ng mga sandaling yaon, nagkaroon nang puwang sa puso ko ang batang paslit. Hanggang sa kasalukuyan ay nakatatak pa rin sa aking puso ang mga ala-alang iniwan sa akin ng batang si Talikakas. Kasanayang Pampagkatuto:
Nasasagot ang mga tanong sa nabasang kuwento
Nasasagot ang mga tanong na bakit at paano
Pag-unawa sa binasa:
1. Sino ang pangunahing tauhan sa kuwento?
2. Paano sinimulan ng may-akda ang kaniyang kuwento?
3. Paano niya inilarawan ang pangunahing tauhan sa
akdang binasa?
4. Paano mo pinapahalagahan ang mga bagay na
ibinibigay sa iyo ng iyong mga magulang? Patunayan.
5. Bakit gayon na lamang ang pag-iingat ni Talikakas sa
kaniyang tsinelas?
6. Bakit nagkaroon ng puwang sa puso ni Gng. Reyes ang
batang si Talikakas?
7. Bakit kinagigiliwan ng lahat si Talikakas?
8. Ano ang pinakamahalagang mensahe ang napulot mo
sa kuwento?
9. Sa anong bagay nagkakatulad ang gurong si Gng.
Reyes at si Talikakas? 10. Ikaw bilang isang mag-aaral, paano mo matutulungan ang kapwa mo batang katulad ni Talikakas sa sitwasyong kaniyang kinakaharap sa kasalukuyan?