You are on page 1of 4

LABORATORY SCHOOLS

Nakipagsapalaran akong lumipat sa Catanduanes State University Laboratory

Schools nang tumungtong na ng Senior High School. Mabigat mang iwan ang

pampublikong hayskul na pinagmulan, pinanghawakan kong maging matatag at

dumiretso. Sa paglipat, doon bumulaga sa akin ang iba’t ibang klaseng kultura na

pinagsasaluhan ng mas malawak na dibersyon ng tao. Dahil sakop ng Catanduanes

State University ang CSU Lab, pumaparito’t pumaparoon ang galaw ng tao mula

elementarya hanggang kolehiyo. Sa lawak ng campus, kinailangan kung aralin kung

paano dumaloy ang lahat upang hindi ako malunod.

Dahil samu’t sari ang ugali ng tao ang naroon, inihanda ko nang sasalubungin ako

ng mga taong una, tulad ko’y kinakapâ pa kung paano makikipaghalubilo sa iba, at

pangalawa, mga datihang kilala ang iniinugang mundo.

Ang totoo niyan, hindi lang kase basta-bastang paaralan ang Lab. Kapag sinabing

Lab Schools, asahan mong may konotasyon ito bilang “paaralan para sa

mayayaman”. Makasasalubong ko ang ganitong mga tagpo sa dalawang taong

pananatili sa hayskul. May mga tagpong habang naglalakad mag-isa sa Main

Building, makakakita ako nang kumpulan ng mga bata na nagsasalita sa Filipino at

pinagyayabang ang kung anumang bagay na pinagyayabang nila. Nariyan pang

habang bumibili ng pagkain sa University Canteen, mas malaki pa ang hawak na

pera noong batang sinusundan ko kumpara sa akin. Magpapakilala sila ng antas ng

pamumuhay sa kung paano sila gumalaw, magsalita, at magbihis. Hanggang sa mas

tumatagal na pananatili roon, tinawag ako nang paglubog at pagsabay sa kulturang


umiiral. Naging bukas ako para kilalanin kung bakit at saan nag-uugat ang ganoong

kulturang popular sa loob.

Parati kong naririnig na “pang-mayaman” lang ang Lab. Eh kase naman, kadalasan

sa mga estudyante sa elementarya hanggang Senior High ay kayang-kayang

sustentuhan ng mga magulang ang pag-aaral. At doon mag-uugat ang kagustuhan

kong maging independent. Naging malaking hamon sa akin ang magkaroon ng pera

upang itali ang ilang buwang kinakailangan naming gumastos sa sunod-sunod na

group activities at okasyon. Ako nama’y aminadong hindi galing sa mayamang

pamilya. Hindi kami nagmamay-ari ng gasolinahan o malalaking tindahan sa Virac.

Swerte lang talaga na nakapasok sa Lab dahil galing ako sa isang pampublikong

hayskul at mayroon voucher na ipinambayad upang doon ko kunin ang Humanities

and Social Sciences (HUMSS). Kinaya naman ng mga magulang ko na ibili ako ng

textbook ng Phoenix (na hindi ko na mararanasan pagdating ng Grade 12 dahil hindi

na sa kanila hihingin pa ‘pagkat mahal), makabayad sa iba pang gastusin sa

eskwela, mabigyan ng baon na sasapat sa buong maghapon, at makakuha nang

hulugang laptop na noo’y hindi ko talaga pinangarap, ngunit kinailangan pagdating

sa Lab. Kaya sa pagsipâ ng bayarin sa bagog term, papasukin ko ang pagraraket.

Matututo akong humanap ng paraan para maidugtong ang mga araw na hindi ako

hihingi ng baon sa mga magulang dahil sumasabay na ang pag-thesis ni Kuya at

ang iba pang gastusin sa bahay at eskwelahan ng dalawa ko pang kapatid.

Pinasok ko ang pag-tutor sa isang elementary pupil sa Lab. Tuwing Sabado,

binibigyan ko siya ng advance lesson sa Language at Science. Dagdag bayad kapag


pati Arts ay kasama sa service. Masaya na ako noon kapag nakauwi ng 700 pesos

sa isang buong araw. Pagoda nga lang. Pinatos din pati pag-Proofread ng mga

Projects at Research Paper sa high school kahit ilang na ilang ako sa mga bagong

mukha. Hindi rin kase ako gaano palakaibigan at laglag sa pakikipag-socialize na

sinubok upang kumita. Kung kailan kase ako tumanda, saka nakaranas ng anxiety.

Naiiwan ako noon sa CR na inaatake ng panic attack, balot sa pawis habang takot

na takot sa hindi matandaang rason. At hanggang ngayon, inaatake pa rin kapag

sumusuong sa mga ganitong tagpo.

Habang napupunit ang mga araw bago magtapos sa hayskul, hindi ko

mamamalayang nakapagtayo rin ako ng pader sa sarili nang hindi sinasadya. Hindi

bilang “may pera” kundi nakapagtayo ng harang sa iba para hindi nila ako gustuhing

kilalanin. Upang hindi nila subukang magtanong sa nakaraan at pinagmulan ko.

Upang tigilan nila ang ekspektasyong may maibibigay ako. Dahil ayoko magpakilala.

Dahil ginusto kong wala gaanong nakakikilala sa akin.

Nagkaroon naman ako ng mga kaibigan na nagparamdam sa akin na ayos lang

matakot at makaramdam ng pag-iisa, pero ang hindi ko rin sa kanila nasabi, naging

komportable ako sa mga panahong hindi ako nagsasalita at pinaiiral ang pag-

obserba sa mga bagay-bagay. Bagaman nakakasama nila ako sa pisikal na aspekto,

parating lumilipad ang isip ko sa ideya ng isolasyon upang makilala ang sarili. Upang

kilalanin ako. Minsan, naisip ko, dahil siguro ito sa mga natututunan ko sa klase

namin sa Philosophy. Ang sipat ko kase, gusto kong makilala ang tunay na ako.

Gusto kong makita kung hanggang saan ako aabot sa pagtuklas. Ano ang magigi
kong tugon kung sakaling hindi pala talaga ako ang ako na akala ko kilala ko? At,

naging kasangkapan doon ang pag-iisa (sa bahay man o sa labas) upang sagutin

kung “Saan ako patungo?” “Bakit ko ito nilalakad?” at “Ito ba talaga ang gusto kong

patunguhan?” Binaybay ko ang mga iyon upang makita ang sarili sa dulo. At,

habang naghahanap ng sagot, habang hinahawan kung sino ba ako, nakita ko ang

kagandahan ng pag-iisa kahit pa parati itong ikinokonekta sa kalungkutan; sa

kawalan. Sa mga beses na pinipili kong nasa loob ng kwarto kasama ang mga libro,

nagawa kong sagutin ang ilan sa mga tanong. Tanawin kung gaano na ba kalayo

ang nilakad. Kung gaano kataas ang babagsakan kung sakaling mamali’t bumulusok

pababa. Nagkaroon ng oras pagnilayan ang mga bagay upang mapagtagumpayang

maging mapayapa. Sa piniling isolasyon, nagkaroon ako ng ibang pagsipat sa

buhay.

Nasa kolehiyo na ako ngayon at tulad kung paano ko unang natuklasan ang sagot

sa mga tanong na iniisip ko lang noon, paunti-onting inihain sa akin ng mundo ang

maaaring makuha sa pag-iisa. Hindi upang ikulong tayo nito sa madilim na kwarto,

kundi ipakita at iparamdam sa atin na ayos lang ang paulit-ulit na pag-iisa, minsan

ay paraan ito para maramdaman nating humihinga tayo bilang tao. At, gusto kong

sabihin na naging malaking tungtungan ko ang Laboratory upang kilalanin pang

maigi ang sarili.

You might also like