Sa araw-araw nating pakikipaglaban upang mabuhay, maraming pagsubok ang ating nakakasalubong sa lansangan. Minsan tayo ay pinapalad at minsan naman’y umuuwi tayong luhaan. Walang perpektong nilalang sa mundo ika nga, kaya dapat alam mo sa iyong sarili kung hanggang saan aabot ang iyong mga ngiti at kailan papatak ang iyong mga luha. “Anak, pagbutihin mo ang iyong pag-aaral dahil ikaw ang mag-aangat sa atin mula sa kahirapan.” Mula pagkabata ay iyan na ang palaging sambit ng mga magulang ko sa akin. Kaya naman mula elementarya ay naging laman na ako ng listahan ng mga huwarang estudyante sa paaralan – mga maningning na mga batang tila mabilis makararating patungo sa paroroonan. Mahalaga naman talaga ang mag-aral at matuto. Ngunit sa anatomiya ng isang emosyonal, gulong-gulo, at laging pagod na estudyanteng kagaya ko na parang minamakina ang mga buto maghapon ngunit pinipilit tumayo para tumawid sa silid-aralan para sa susunod na klase, ay parang nagiging sobra na ang lahat. Tuluyan ngang nabago ang daloy ng aking buhay nang makakilala ako ng mga estrangherong nakitaan ko ng karamay sa mga panahong iyon. Nakatutuwa silang kasama kaya’t tila mahikang nawawala ang aking mga problema kapag sila’y nasa tabi ko. Unti-unti akong natuto na gawin ang mga bagay na hindi dapat ginagawa ng mga menor de edad. Sa mga sandaling ‘yon ay tila ramdam ko ang kalayaang una pa lang ay binigay na sa akin. Nagpatuloy ito hanggang sa kalagitnaan ng umaga nang makatanggap ako ng mensaheng wawasak sa aking kumpyansa sa sarili na kaya kong lagpasan ang lahat ng pagsubok na darating sa aking buhay. Binawi ang kaisa-isang scholarship ko para sa kolehiyo. Hindi ko lubos maisip na sa isang maikling mensahe lamang ay maglalaho ang aking mga pangarap. Dumagsa ang maraming tanong sa aking isipan – nuknukan ng ingay kahit wala namang bibig na nagsasalita. Pagkatapos ko itong sabihin sa aking mga magulang ay nakapagbato sila ng masasakit na salita na talaga namang inasahan ko na. Parang sampal sa akin ang disgusto at pagkabigo sa kanilang mga titig. Hanggang ngayon, ang masakit na hapon na iyon ay patuloy pa ring gumugunita sa aking isipan na tila sariwang sariwa pa. Ngunit patuloy pa rin ang takbo ng buhay. Sapagkat kung ikukulong mo ang iyong sarili sa nakaraan ay hindi ka matututo. Bumalik ang dati kong sigla sa pag-aaral at sa katunayan ay nakapagtapos ako ng may mataas na parangal noong sekondarya. Nagsimula rin akong maghanap ng mga raket na bagaman kaunti ang kita ay nakatutulong ito upang madagdagan ang aking ipon para sa kolehiyo. Marahil kung hindi nangyari iyon, ay wala ako sa kinatatayuan ko ngayon. Sabi nga nila, sampung taon mula ngayon, hindi mahalaga kung ano ang tatak ng sapatos na iyong suot, ang itsura ng iyong buhok, o kung gaano kadaming diyamante ang nasa alahas mo. Ang mahalaga ay kung paano ka nabuhay, kung paano ka nagmahal, at kung ano ang natutuhan mo sa iyong paglalakbay.